Chapter 23

Mabilis nagdaan ang mga sumunod na araw. Sabado ngayon at sa lunes na ang pagbabalik namin sa eskwelahan.

Hapon na at nandito kami ni Ithuriel sa lawa kung saan ko unang ginamot ang sugat niya noon.

Nagulat na lamang ako ng ngumisi bigla ang katabi ko.

"Bakit?" Tanong ko.

Nakaupo kami sa damuhan at nakasandal ang aming likod sa katawan ng puno.

"Naalala ko lang. Dito mo unang ginamot ang sugat ko." Lihim akong napangiti ng maalala niya din iyon.

"Bakit kasi sugatin ka? Hindi mo naman ako doktor." Tumawa ito.

Ilang araw na ang lumipas kaya naghilom na rin ang mga sugat niya sa mukha at kamao na galing kay Matias.

"Oo nga 'no. Bakit, ayaw mo bang mag doktor? Pre-med ang kurso mo ah." Pinanuod ko ang mumunting paggalaw ng tubig sa lawa.

"Ayoko. Ayos na 'ko sa pagiging Psychologist.. kung papalarin."

Maganda naman ang maging doktor pero wala sa hilig ko 'yun. Mahina kasi ang loob ko pagdating sa mga taong may sakit, baka hindi ko kayanin at umiyak na lang ako bigla kapag napalapit ako sa magiging pasyente ko.

"Ikaw? May plano ka bang tapusin ang kurso mo?" Tanong ko.

Huminga naman ito ng malalim at pinaglaruan ang daliri niya.

"Gusto ko. Kahit i-take ko pa ulit ang mga subjects na credited na noon basta huwag lang back to zero." Tumango ako.

"Kahit pa mabigat ang sched, ayos lang. Basta gusto kong makatapos para alam kong mayroon akong future." Bakas sa boses ni Ithuriel ang sakit.

Nakatanim na sa isip niya ang mga sinabi sakanya ng magulang niya.

"Makatapos man o hindi, may patutunguhan ka, Ithuriel. Lalo na ang mga taong kagaya mo." Sagot ko.

Lumingon siya saakin.

"Sari. Tingin mo kaya ko?" Mabilis akong tumango.

Isang taon na lang naman at kung suswertihin siya ay baka mas maaga pa.

"Oo naman 'no. Ano bang propesyon ang gusto mo pag nakatapos ka na?" Sandali siyang nag-isip.

"Hindi pa ako sigurado kung ano." Liniitan niya ang mata niya, "Anong nakikita mo saakin? 'Di ba future Psychologist ka?"

Tumawa ako. "Hindi naman manghuhula ang mga Psychologist. Teka, ano ba?" Tinitigan ko ang mukha ni Ithuriel ng ilang sandali at tila nagpagwapo naman ito.

"Abogado." 'Yun ang unang pumasok sa isipan ko. Nanlaki ang mata niya.

"Grabe naman 'yun. Pilosopiya pa lang nga palyado na 'ko. Bagsak na morality pa lang. Tignan mo imbes na isuko ko sila Tatay sa kapulisan, tinago ko sila. Alam kong mali pero nilinis ko pa ang mga kalat nila." Umiling ito.

"Mahal mo kasi kaya mo nagawa 'yun." Nakita ko ang mapait niyang ngiti.

"Hindi excuse 'yun, Sari. Accomplice liability ang tawag do'n. Parte na ako ng krimen no'ng oras na pagtakpan ko sila." Yumuko ito. Parang may kung anong kumurot sa puso ko.

Hindi ako nakasagot at namayani ang katahimikan sa pagitan naming dalawa.

Huni ng ibon na lang ang maririnig mula sa aming kinauupan kaya pinili ko nang magsalita.

"Ithuriel."

"Hmm." Hindi ito tumingin, pakiramdam ko ay nahihiya.

"Tumingin ka sa'kin." Ilang beses kong inulit 'yun bago niya ko tuluyang harapin.

"Iba ka sa magulang mo, okay? Bukod kay Tatay, isa ka sa pinakamabait na lalaking nakilala ko." Lumambot ang mata nito at bumuntong hininga.

Pinanuod na lang namin sa aming harapan ang mabagal na pagbaba ng araw.

Ilang sandali pa nang bigla itong nagsalita.

"Alam mo bang hango sa anghel ang pangalan ko?" Napatingin ako sakanya at umiling.

"Sabi sa Theology class namin, sibat daw ni Ithuriel ang nagpalabas sa tunay na anyo ni satanas no'ng nagpanggap siyang palaka habang nakaupo malapit sa tenga ni Eba sa Garden of Eden." Nakinig lamang ako, naghihintay sa sunod niyang sasabihin.

"Ginamit din ng pangalawang pangulo ng United States na si John Adams ang sibat ni Ithuriel bilang reference sa Political Philosophy sa libro niyang Discourses on Davila." Bahagya itong nangiti.

"Sa mga ancient poetry naman, ilang beses nabanggit ang pangalan na Ithuriel kung saan lalabas lang daw ang katotohanan kapag nahawakan mo ang spear of Ithuriel." Napahanga ako.

Interesting pala talaga ang kurso na Pilosopiya.

"Edi bagay ka ngang mag law. Ikaw si Ithuriel at lalabas ang katotohanan kapag nilaban mo na ang kliyente mo sa korte." Ngumiti ako sakanya ngunit wala akong natanggap pabalik.

"Ibang Ithuriel naman ang kinukwento ko sa kaharap mo ngayon, Sari." Aniya.

Ngumuso ako. "Atty. Ithuriel Cruz. Bagay naman eh."

Bahagya itong natawa ngunit nauwi iyon sa paninitig saakin habang nakangiti.

"Salamat, Sari."

Tumango lamang ako at hinayaan pa siyang magkwento tungkol sa Pilosopiya hanggang sa tuluyan nang humupa ang araw sa labas.

Sumapit ang lunes at inaasahan ko na agad makita sila Yna at Kyle. Ang tagal na rin simula noong makausap ko sila.

Tumayo na ako mula sa kama ko, alas sais pa lang at alas otso ang oras ng pasok ko.

Agad akong naghanda ng umagahan habang naabutan ko naman si Nanay na pababa ng hagdan.

"Good morning, Nay." Inabutan ko siya ng kape na tinimpla ko para sakanya.

"Morning, Anak." Umupo siya sa may lamesa at biglang hinawakan ang kamay ko.

"Sari. Hindi ko yata nasabi sayo 'to, gusto kayong makita ng Lola at Lolo niyo pero hindi pa alam kung kailan." Natigilan ako.

"Kailan pa sinabi, Nay?" Napakamot sa ulo si Nanay Veron.

"Noong huling Martes. Ayoko kasing masira ang araw mo, alam ko namang masaya ka nitong mga nakaraan." Aniya.

"'Wag muna natin isipin, Nay? Basta sabihan mo po agad ako kung kailan." Tumango si Nanay.

Hindi ko lubos maisip kung paano sila haharapin ngayong alam kong ayaw nila kay Tatay.

Mayamaya lang ay bumaba na si Sadie at kumain na rin ng agahan.

Mabilis akong naligo at nag-ayos, suot ko na ulit ang puting uniporme namin. Habang nagpapatuyo ng buhok ay humarap ako sa malaking salamin ng aking kwarto.

Naglagay ng kaunting liptint at pulbo. Hinayaan ko na lamang ang pisngi ko dahil may natural pa rin namang pamumula doon.

Binitbit ko na ang aking bag.

"Sadie! Dalian mo kung sasabay ka papasok sa akin." Sigaw ko habang patakbo pababa ng hadgan.

Muntik na akong madulas ng makita sa sala si Ithuriel. Nakangiti habang nakatingin saakin.

"Good morning." Bati nito.

Naka puting polo shirt, shorts na kulay kahoy at puting sapatos.

Ang gwapo. Lalong luminis ang itsura niya dahil sa suot niya.

"Good morning.." Sagot ko. "Sandali, anong mayroon?" Hinanap ko ang sapatos kong itim at sinuot iyon.

"Ihahatid ka sa school." Tumango na lang ako at narinig bigla ang pagsigaw ni Sadie.

"Hindi na ako sasabay, Ate! Mauna ka na." Lumingon naman ako kay Nanay na nakangiti habang pinapanuod kami sa sala ni Ithuriel.

"Sige na at baka mahuli ka pa, Sari." Humalik na ako kay Nanay at nagmano naman si Ithuriel.

"Alis na po kami." Aniya.

Palabas ng bahay ay kinuha ni Ithuriel ang bag ko.

"Uy, akin na. Kaya ko naman 'yan." Umiling siya at hindi ako pinakinggan.

"Hala, ang kulit. Akin na. Nakakahiya." Pilit kong inaabot ang bag ko pero linalayo niya.

"Ako na kasi. Wag kang makulit, Sari." Tumawa ito nang hindi ko maabot ang bag ko dahil sa tangkad niya.

Hinayaan ko na lang siya hanggang sa makatapak na kami ulit sa aspalto. Huminto siya para pumara ng trike.

"'Wag na. Ang lapit lang kaya." Sabi ko.

"Sigurado ka?" Tumango ako.

Kahit naman noon ay linalakad ko lang talaga ang eskwelahan mula sa amin.

Sa malayo ay natanaw namin si Iska at kinawayan ito ni Ithuriel.

"Iska! Ihahatid ko lang 'tong pinagseselosan mo, babalik agad ako." Natawa ako.

"Para kang sira." Tumawa lang din siya at habang binabaybay namin ang daan ay naisipan kong magtanong tanong.

"Kumusta ka mag-isa sainyo?" Napalingon siya saakin.

"Tahimik. Buti na lang magkausap tayo gabi-gabi." Nag-init ang pisngi ko sa sinabi niya.

Madalas kasi bago matulog ay nangungulit siya sa text.

"Bakit ka namumula, Sari?" Tumawa ito ng sinamaan ko siya ng tingin.

Mas lalo akong naging kumportable kay Ithuriel. Sa madalas naming pag-uusap ay marami na rin akong nalaman tungkol sakanya at gano'n din siya sa akin.

Medyo kabisado ko na rin kapag seryoso, nalulungkot o nagbibiro siya. Madali lang naman kasi siya pakisamahan, gaya ng sabi ko magaan ang loob ko sakanya dahil katulad ng presensya ni Tatay ang hatid niya.

Pagdating namin sa paaralan ay dire-diretso lang kaming pumasok. Hindi naman siya pinigilan ng gwardiya at nang makita ko ay tinanguhan niya ito. Kakilala niya pala.

Agad kaming nagtungo papunta sa building namin habang ang ibang estudyante naman sa hallway ay panay ang tingin sa lalaking katabi ko.

"Sari, tingin sila ng tingin sa'yo. Ang ganda mo kasi." Inirapan ko siya dahil alam kong alam niya naman na siya ang sinisipat nila.

Hindi ko tinuro ang classroom ko pero alam ni Ithuriel kung saan marahil dahil dito din kasi siya nag-aral noon.

"1-4 diba?" Tumango ako at nang nasa harap na kami ng pinto ay huminto muna ako at tumingin sakanya.

"Salamat sa paghatid." Ngumiti lang siya.

"Anong oras ang break time mo?" Tanong niya.

"10:30." Tumango lang siya at hinintay akong makapasok sa room. Sumulyap muna ako ulit sakanya bago tuluyang tumalikod.

Pagtingin ko sa upuan ko ay nakita kong mahinang nagtatalo si Yna at Kyle.

Nakaupo si Yna habang si Kyle naman ay nakaupo sa arm rest ng sariling upuan.

"Amm. Hello?" Napatingin ang dalawa sa akin at medyo nagulat pa nga ang itsura ni Yna.

"S-sari! Nandiyan ka na pala 'no. Kumusta ang bakasyon? Ang ganda mo pa rin, unfair! Umupo ka na dito. Dali." Kakaiba ang kilos ni Yna at para pa itong scripted kung magsalita.

"Kyle!" Hinatak ni Yna si Kyle. Habang ako ay nakapwesto na sa gitna ng upuan nila. Ang dalawa naman ay nasa harapan ko ngayon.

"May sasabihin ba kayo?" Kumunot ang noo ko dahil hindi maipinta ang mukha ni Yna habang tahimik lang si Kyle.

Ngumiti ako dahil mukhang alam ko na 'to. Pero gusto kong marinig mula sakanila.

"Ano 'yun, Yna? Kyle?" Bumaling ang mukha ni Yna kay Kyle na parang nanghihingi ng tulong kaya nagsalita na ito.

"Kami na ni Yna, Sari." Agad akong napangiti sa narinig habang si Yna naman ay pinalo sa braso si Kyle.

"Bakit hindi mo sinabi 'yung sinabi ko?! Sari, 'wag ka magalit ha. Magkakaibigan pa rin naman tayo, hindi ko lang nasabi agad sa'yo. Ito kasing si Kyle eh!" Inambahan niya nanaman ito pagtapos ay umupo na lang sa kaliwa ko.

"Promise, Sari. Balak ko talagang ipaalam sa'yo kaya nga nagtatalo kami kung paano sasabihin eh." Natawa ako dahil sobrang worried ng itsura ni Yna.

"Ano ka ba, Yna. Masaya nga ako para sainyo. Matagal ko nang hinihintay 'yan." Narinig ko ang tawa ni Kyle sa tabi. Umupo naman ito sa kanan ko.

"Sabi ko naman sa'yo, Yna. Maiintindihan ni Sari. Ikaw lang naman nag o-overthink." Nagsungit nanaman si Kyle kaya natawa ako.

"Overthink ka diyan! Sino kaya ang may kasalanan? Bakit ka kasi gentleman at bakit mo ko pinormahan?" Umirap ito. Mukhang simula nanaman ang pag-aaway.

"Gentleman talaga ako pero hindi kita pinormahan. Natural sa akin 'yun, nahulog ka lang." Lalong tumirik ang mata ni Yna dahil wala siyang naisagot kay Kyle.

"Biro lang. Baka hindi mo nanaman ako pansinin ng isang linggo." Lumambot ang boses ni Kyle at nakipagpalit na ako ng upuan kay Yna para makapag usap silang dalawa.

Nakakatuwa naman na mag kasintahan na ang dalawa kong kaibigan. Sabi ko nga ba, bagay talaga sila.

Mayamaya lang ay dumating na ang aming unang propesor, si Mrs. Lopigan.

"Good morning, 1-4! Kumusta ang inyong sembreak? I hope you all had fun dahil babalik na ulit tayo sa normal. Before discussion, recit. After discussion, quiz. Seat works, activities, projects, reporting, midterms at finals. Gisingin niyo ulit ang mga natutulog niyong brain cells."

Ang mga nagdadaldalan naming kaklase ay nagsitigil matapos magsalita ng aming prof.

Tumahimik na sa loob ng classroom lalo na ng mag-umpisa na ulit si Mrs. Lopigan.

"Pero dahil maintindihin ang propesor niyo at malamang lutang pa kayo, let's just talk about the case of Ted Bundy." Nakahinga ng maluwag ang buong klase dahil story telling lang ang magaganap.

"Pero syempre, anyone in the class na may idea about it will have extra points. So, Ted Bundy.. Sino siya?" Nagpalipat lipat ang tingin niya saaming mga estudyante.

Walang nagtataas ng kamay at nakita kong huminto ang mata saakin ni Mrs. Lopigan.

Sa pagkakatanda ko noon, nabasa ko na dati ang tungkol sakanya sana lang ay maalala ko.

"Ms. Alonte." Tumayo ako at sinubukang alalahanin iyon.

Isang sandali pa ay pumasok na sa isip ko ang nabasa kong article tungkol dito.

"Theodore Robert Bundy is an infamous American serial killer and rapist of the late 20th century." Tumango si Mrs. Lopigan.

"That's correct, Ms. Alonte. But how does his case correlates with your course?" Aniya.

"Psychology experts have been studying him for several years because Bundy's mental health and pyschiatric state have long been called into question, Ma'am." Tumingin ako sa iba kong kaklase.

"When he was on trial for Florida murders, Hervey Cleckley who is considered to be the Father of Pyschopathy, diagnosed Bundy as a pyschopath— an articulate one. And that made his case particularly interesting. His cunning personality makes him a very effective predator that he was able to kidnap, rape, and murder more than 30 women in seven states between 1974 and 1968."

"Do you blame him for being like that, a psychopath? Ms. Alonte?" Napahinto ako at sandaling nag isip.

"No, Ma'am. I know what he did is extremely unjustifiable. He dominated his victims, look at them as a prey and didn't show any pity or remorse." Kumunot ang noo ni Mrs. Lopigan at tila nag-usap ang buong klase.

"However, that doesn't mean that he's a monster of his own. Ted's childhood was a troubled one. He never knew his biological father and grew up knowing that his mother was just his sister. His maternal grandfather who raised him was racist, misogynistic, and abusive. Still, Bundy respected him as a prime example of a man, the head of the household and later found that the man he looked up to may have raped his own daughter. Rumors says that Ted was the product of his own grandfather and mother.. He did not learn his true parentage until 1969 but it's already late. His killing spree has began." Tumahimik sa buong klase.

"I believe that our current lifestyle is a byproduct of the kind of childhood we had. Actions are born from experience and although we have a choice to be different, that's not always the case. I believe that the entirety of Ted's childhood held the key to his insanity."

Sandali pa nanatili ang tahimikan ng biglang magpalakpakan ang buong klase.

"Well done, Ms. Alonte. Ask any developmental psychologist from the best field of Psychology and they will tell exactly what you've just said. I think you'd be a great one someday."

Napangiti ako sa narinig ko. Sana nga.

Pag-upo ko ay nagpatuloy na si Mrs. Lopigan.

Ten thirty na at noong nag break time naman ay may nagbigay sakin ng packed lunch. Hindi ko kakilala ngunit pinaaabot daw 'yun ng isang lalaki, si Ithuriel.

Lihim akong napangiti habang kasabay sila Yna kumain sa canteen.

Umandar ang oras at pagbalik sa klase ay tila hindi ako inantok. Sumasagot din ako tuwing may pa recitation.

Bumulong si Yna sa tabi ko.

"Teh, ang attentive natin ngayon ah. Good vibes?" Umiling ako. "In love?"

Lalo akong umiling.

"Ano ka ba, kala mo ba hindi ko nakita? Kaninang umaga? Ha? Sino 'yon? Sino 'yon? Ang gwapo!" Nanlaki ang mata ko. Napansin niya pala si Ithuriel kanina.

"Sinong gwapo?" Sabay dukwang ng mukha ni Kyle saamin.

Hapon na. Mabuti na lang at huling subject na ito. Patapos na rin ang klase kaya hindi na ganon ka higpit sa loob ng classroom.

"Huwag ka ngang epal, Kyle. May pinag-uusapan kami ni Sari." Umikot ang mata ni Kyle at hindi na muli nakinig.

"Manliligaw pa lang." Sumigaw ng pigil si Yna sa tabi ko at tinakpan ko ang bibig niya dahil baka may makarinig.

"Wait! Omg, Sari. Ito na ang pinaka hihintay ko!" Umiling ako habang tumatawa.

"Ano ka ba, Yna. Wag kang maingay." Tumingin ako sa mga kaklase namin.

"Oo naman basta ipakilala mo saamin ha!" Ngumisi ito at mukhang nang-aasar.

"Sige." Ngiti ko.

Pagtapos ng klase ay agad kaming nag-ayos ng bag ni Yna. Hinintay muna namin makalabas nag lahat saka kami lumakad.

Nagulat ako ng makita sa labas si Ithuriel. Kausap sila Ced, Lucian, Marco at Aidan na nakaputing uniporme.

Nang mapansin niya ako ay ngumiti ito at agad na lumapit sa akin.

"Hi." Aniya.

"Naghintay ka?" Tumango siya.

"Sari! Nililigawan ka na pala ni Ithuriel, sayang popormahan pa naman sana kita." Sabi ni Marco ngunit agad din binawi nang tignan siya ni Ithuriel.

"Joke lang, uy." Tumawa sila Aidan sa likod.

Napansin ko ang pagtitig ni Yna kanila Lucian at naramdaman ko din ang pagkainis ni Kyle dahil do'n.

"Ehem." Tikhim ni Yna sa gilid ko. Nasa tabi niya si Kyle.

"Si Yna pala, kaibigan ko." Bumati sakanya si Ithuriel at mabagal na lumipat ang tingin kay Kyle.

"Ah ito naman si Kyle. Kaibigan ko din." Mabilis na tumango si Ithuriel at nakipagkamay.

"Ithuriel. Manliligaw ni Sari." Nanlaki ang mata ko sa sinabi niya habang naghiyawan naman sa likod sina Ced.

Nagpaalam na sila Kyle at Yna pagtapos nilang makipag kilala, mukhang mag-aaway pa yata.

"Hanep! Congrats, Ithuriel! Umamin ka na rin at balik aral ka na ulit." Si Marco.

"Balik aral?" Tanong ko kay Ithuriel. Tumango naman ito at ngumiti.

Kaya pala siya nakaayos.

"Kinausap ko ang principal, Sari. Papasok na ulit ako."

Sa sobrang tuwa ko ay nayakap ko siya at humiwalay din nang maramdaman kong natigilan siya.

"Sorry, masaya lang ako." Mahina kong sabi. Tumawa naman siya bigla.

"Isa pa nga." Pinalo ko siya sa braso.

"Oh alis na kami, naiinggit na si Lucian, hayok pa naman 'to." Sabi ni Marco. Tinaasan lang siya ng gitnang daliri nito.

"Gago." Sabay tawa ni Aidan.

"Una na kami, Pre." Kumaway si Ced saamin ni Ithuriel.

"Ingat!" Sagot ng katabi ko.

Nang makalayo na ang mga kaibigan ni Ithuriel ay agad ko siyang inusisa kung paano niya nakausap ang principal.

Sa pagkakaalam ko kasi ay masungit 'yun at walang konsiderasyon.

"Anong sinabi mo sa principal? Kailan ka magsisimulang pumasok?"

"Sinabi ko lang na gusto kong makatapos. Ayun, bukas na daw agad." Nanlaki ang mata ko. Imposibleng gano'n lang kadali 'yun.

Kinuha niya ang bag sa balikat ko at binuhat 'yun.

"Gano'n lang kabilis?" Tumawa siya sa reaksyon ko.

"Oo nga. Nag apply din ako ng full scholarship, pumasa ako, Sari." Aniya.

Maganda 'yun dahil may allowance na binibigay kada katapusan ng buwan.

Lumakad na kami palabas ng school at nagsimulang baybayin ang daan pauwi.

"Ang galing mo! Nakuha mo score mo?" Sa pagkakaalala ko ay hindi madali ang exam do'n.

Hindi siya nagsalita kaya kinulit ko siya. Gusto ko lang malaman dahil 128 yata ang score ko no'ng nagtake ako ng full scholarship exam.

"150." Mahina niyang sagot.

"150?!" Hindi ko napigilan ang pag taas ng boses ko.

150 ang lahat ng items do'n.

Tumango lang siya at natawa ulit sa reaksyon ko.

Alam ko mahirap sagutan ang math at science test. Himala nga na naka 128 pa ako no'n pero si Ithuriel.. perfect?

Mas lalo akong humanga sa kanya. Matalino pala talaga siya pero nakakalungkot dahil tingin niya sa sarili niya ay walang patutunguhan.

"Excited na ako sa future mo." Hindi ko mapigilan ang sarili kong puriin siya. Bagay na hindi niya naranasan buong buhay niya.

"Future natin." Seryoso niyang sabi.
Pakiramdam ko ay namula nanaman ang pisngi ko.

Hindi na ako nagsalita at pinakiramdaman na lang ang hangin sa labas.

Pinanuod ko ang bawat paghakbang ng paa namin ni Ithuriel, sinasabayan ang ritmo ng lakad niya.

"Anong ginagawa mo?" Mahina itong tumawa.

"Sinasabayan ka." Sandali itong tumahimik.

"Sari.." Lumingon ako sakanya ng tawagin niya ako ngunit nanatili ang mata niya sa aming paglakad.

"Sa susunod na mga taon, malamang ibang landas na ang tatahakin ng mga paa natin. 'Pag dumating ang panahon na 'yun, gusto ko kasabay pa rin kita." Hindi ko alam ang isasagot ko pero isa lang ang sigurado ko.

Gusto ko rin siyang kasabay.

Ngumiti ako sakanya at sinuklian naman niya iyon.

Hindi na kami nawawalan ng topic ni Ithuriel, hindi lang pansin pero d'di tulad noon hindi na namin kailangan pang mag-usip ng sunod na sasabihin para lang masalba ang usapan namin.

Mayamaya lamang ay nakatapak na ulit kami buhangin.

Pababa ay hinawakan ni Ithuriel ang palapulsuhan ko para gabayan ako nang bigla naming makasalubong si Mang Jeri at Jersey.

"Ithuriel! Sari!" Bati ni Mang Jeri saamin saka inapiran ang katabi ko.

"Kumusta po, Mang Jeri?" Tanong ni Ithuriel.

"Aba'y ayos na ayos. May bibilhin lang kami sa kanto ng panganay ko. Kayo ba? Madalas yata kayong magkasama?" Ngumiti ng makahulugan si Mang Jeri at kahit si Jersey ay nagpipigil na rin ng tawa.

Natigilan ako pero tumawa lang si Ithuriel at nakipag usap kay Mang Jeri.

"Sariah. Pakiramdam ko ay sinunod mo ang payo ko. Proud kababata here." Bulong niya saakin.

Natawa si Jersey ng hindi ako umalma. Tama siya, sinunod ko nga ang payo niya.

"Buti na lang at nakinig ka sa akin!" Naramdam ko ang munting pagpalo niya sa braso ko habang pigil na tumatawa.

"Uyy, wag ka maingay!" Halos mapasapo ako sa noo ko dahil nakakahiya kung marinig ito ni Ithuriel.

"Oo na. Natutuwa lang ako, sabi ko na may something sa inyo. Salamat at hindi kona iisipin ang love life mo." Natawa ko sa sinabi ni Jersey.

Pati ba naman ang love life ko ay po-problemahin niya.

"Oh siya, sige na at umuwi na kayo, mukhang galing pa ng eskwela si Sari. Kumusta mo pala ako sa Nanay mo ha?" Tumango ako at tuluyan na kaming nagpaalam kanila Mang Jeri at Jersey.

"Anong sinabi mo kay Mang Jeri?" Tanong ko.

"Sinabi kong nililigawan kita." Aniya.

"Hala. Pumayag na ba ako?" Natigilan siya.

"Hindi pa ba?" Natawa ko sa mukha niya. Binibiro ko lang siya pero hindi ako sumagot.

Hinayaan ko siyang mag-isip, para sa akin kasi ang tao kapag may gusto sa'yo kahit hindi mo payagan, lalapit at lalapit pa rin yan sa'yo.

Depende na lang kung pagbawalan mo at sa ngayon, gusto ko lang asarin si Ithuriel.

"Sari.. hindi pa ba?" Ulit niya.

Nagkibit lang ako ng balikat at lalong tumawa dahil sa inaakto niya.

Nang malapit na kami sa bahay ay sina Aling Celine at Tata Melencio naman ang nakasipat saamin.

"Huwaw! Magkasama ang paborito kong dalaga at binata!" Lumapit si Aling Celine at tinignan ang bag na nakasukbit sa balikat ni Ithuriel.

"Kayo na ba?" Mabilis akong umiling at tumawa lang ang katabi ko.

"Hindi pa po." Nanlaki ang mata ko dahil binulgar na ni Ithuriel.

Ngumisi si Aling Celine at tumingin sa amin ng makahulugan.

"Pagbutihin mo, Ithuriel. Parang anak na rin namin 'yan si Sari." Sabi ni Tata Melencio.

"Makakaasa ka, Tata Melencio." Sagot nito saka tinapik ang kanyang likod.

"Nakakatuwa naman, ay! Unang araw pa lang ay boto na ako sainyong dalawa." Napatakip sa bibig si Aling Celine para pigilan ang paghagikgik.

Pakiramdam ko ay gusto ko na lang lamunin ako ng lupa.

Nang makaligtas na kami ni Ithuriel sa pang-aasar ni Aling Celine ay nasilayan ko si Sadie at Macoy sa labas ng bahay.

Nakauniporme pa ang dalawa at nakaupo sa aming bakuran. Dumadalas yata silang magkasama ah?

Hawak ni Sadie ang cellphone nito at tila nilalayo niya 'yun kay Macoy habang tinutulak ang mukha nito.

May pilit binabasa si Sadie at nang matapos niya 'yun ay biglang sumama ang mukha nito.

Binalik ang cellphone at umirap, si Macoy naman ay parang nagpapaliwanag.

Nagkatinginan kami ni Ithuriel.

"Kapatid mo at si Macoy?" Tanong nito saka pinanuod ulit ang dalawa.

Nagkibit lamang ako ng balikat.

Mukhang magkakatuluyan pa yata ang dalawang 'to pagtanda.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top