Chapter 22
Nagpasalamat ako kay Ithuriel matapos niya ako ihatid sa bahay.
Ngayon ay nandito na ako sa kwarto ko, nakahiga at nag-aabang dalawin ng antok.
Pumikit ako at sinubukang matulog pero nakikipagtalo ang isip ko sa sarili ko dahil sa inakto ko kanina no'ng kasama ko si Ithuriel.
Linalaban ko pa na naawa lang talaga ako at maasikaso sa ibang tao pero ibang kaso ang sakanya. Nang makita kong sugatan siya, parang gusto ko siyang alagaan.
Biglang uminit ang pisngi ko nang bumalik ang alaala kanina.
Dumapa ako ng higa sa kama at nagtakip ng unan sa ulo. Mamaya ay gumalaw nanaman para umiba ng pwesto hanggang sa biglang tumunog ang cellphone ko.
Agad akong tumayo para kuhanin ito sa ibabaw ng study table ko. Binuksan ko ang mensahe na may numerong hindi nakarehistro.
Dito ko napagtanto na si Ithuriel 'to.
From: Unknown
Salamat kanina, Sari.
Napangiti ako at nagtipa ng mensahe pabalik sakanya.
To: Unknown
Ithuriel?
Paninigurado ko. Bigla naman ulit tumunog ang cellphone.
From: Unknown
Oo. 'Bat gising ka pa? Tulog na. :)
Bahagya akong natawa dahil gumamit pa ito ng emoticon. Pinalitan ko agad ang pangalan niya sa contacts ko.
To: Ithuriel
Wala lang. Ikaw din, good night!
Minuto ang lumipas bago siya nakasagot.
From: Ithuriel
'Yun. Makakatulog na ako. Good night, Sari. :)
Napakagat ako sa labi ko sa pag-iisip na pareho kaming hindi makatulog ni Ithuriel. Pinili ko na lang hindi sumagot at ipinatong ulit ang cellphone sa study table.
Huli ko na napansin pero nakatulog na pala ako ng may ngiti sa labi.
Kinabukasan ay maaga akong nagising. Alas Sais pa lang ng umaga at nakapantulog pa ein ako nang matapos akong maghanda ng agahan para saamin nila Sari.
Garlic rice lamang iyon, pritong itlog at tinapa. Nagtimpla din ako ng kape para saamin ni Nanay.
Habang sabay-sabay kaming kumakain sa lamesa ay nagsalita si Nanay.
"Kumusta naman ang sugat mo, Sari?" Ibinaba ko ang kapeng iniinom ko at sumagot.
"Ayos naman, Nay."
Hindi naman na siya masakit, mabilis din naghilom. Hindi ko alam pero pakiramdam ko nga ay wala akong sugat.
Napatingin naman ako kay Sadie na tahimik lang na kumakain. Hindi kumikibo.
"Kumusta ang tulog mo, Sadie? Mukhang masama ang gising?" Napatingin ito sabay iling.
"Hindi, Ate ah. Sarap nga ng tulog ko eh." Sabay subo nito ng kanin. Tumawa na lang ako.
Mayamaya ay may narinig kaming katok sa pintuan.
Agad tumayo si Sadie para buksan iyon at tumambad saamin ang nakangiting si Ithuriel.
Nanlaki ang mata ko at humalukipkip dahil wala akong panloob na suot.
"Magandang umaga po," inangat niya ang dala niyang bote ng orange juice.
"Sariwa po ito, ako ang gumawa." Dagdag niya.
"Naku! Pasok, Ithuriel. Sabayan mo na kami mag agahan. Okay ka na ba? Ang dami mong galos ah." Hinatak ni Nanay paupo sa upuan si Ithuriel at nang magsalubong ang tingin namin ay bumulong ako sakanya.
"Bakit 'di ka nagsabi?"
"Nagtext ako." Aniya sabay ngumuso.
Mabilis akong tumakbo papanik at tumingin sa cellphone ko. Mayroon ngang apat na mensahe.
From Ithuriel:
Good morning, Sari! Dadalaw ulit ako sainyo.
Tulog ka pa ba? Hindi ako nakatulog masyado..
Maligo tayo mamaya. Ipapaalam kita kay Aling Veron.
Nanlaki ang mata ko. Anong maligo? Ng sabay? Ha?
Buti ay nabasa ko ang panghuli.
From Ithuriel:
Sa dagat* Sorry, iba yata ang dating.
Natawa na lang ako sa isip ko. Bakit nga ba hindi ko ito tinignan kaninang umaga? Inilapag ko ulit ang cellphone saka nag suot ng bra at bumaba.
Kumakain na sila sa mesa at linipat na rin ni Nanay ang plato ko sa tabi ni Ithuriel. Umupo ako at tinuloy ang pag kain.
"Ang aga mo yata, Ithuriel." Sabi ni Nanay.
"Ipapaalam ko po sana si Sari, Aling Veron. Diyan lang po sa dagat para lumangoy." Ngumiti naman si Nanay.
"Diyan lang pala akala ko naman kung saan. Sige lang at magaling naman 'yan si Sari. Hindi 'yan malulunod."
Tumawa si Sadie dahil nung bata kami ay may pangyayari na nakalunok ako ng tubig dahil sa pagsagip sakanya.
"Alam ko na 'yang iniisip mo, Sadie. Ikaw kaya ang dahilan kung 'bat ako nakalunok ng tubig dagat no'n." Nagpatuloy akong kumain habang tumawa na ng malakas si Sadie.
"Hala, wala naman akong sinasabi, Ate. Hahah! Kuya, iligtas mo na lang si Ate 'pag nalunod. Mouth to mouth mo na rin." Sambit niya sabay kindat kay Ithuriel.
Agad nag-init ang pisngi ko at muntik naman maibuga ni Ithuriel ang iniinom niyang orange juice.
"M-marunong naman ang Ate Sari mo." Halos mautal niyang sabi.
"Biro lang, Kuya!" Hindi naalis ang ngisi ni Sadie. Nagtagumpay siya sa pang-aasar saamin.
"Sadie, ikaw ang maghugas ng plato ha." Utos ko.
Agad nawala ang ngiti niya at hindi na nagsalita. Sa akin pa rin ang huling halakhak.
"Oh ano pala ang nangyari diyan?" Panimula ni Nanay habang tinuturo ang mga galos niya.
Nagsimulang sumagot si Ithuriel sa mga katanungan. Kahit ang tungkol kay Matias ay inusisa din ni Nanay.
Humaba na ang usapan hanggang sa napunta na rin sa magulang ni Ithuriel.
"Eh ang Nanay at Tatay mo?" Agad akong napatingin kay Ithuriel.
Sadya kong itinama ang hita ko sakanya sa ilalim ng mesa.
Tumingin siya saakin at umiling ako. Hindi niya naman kailangan sabihin ang lahat, baka hindi siya kumportable.
"Okay lang. Wala akong itatago sa pamilya mo, Sari." Bulong niya.
Tumango na lang ako ng magsimula siyang magkwento. Kilala ko naman si Nanay, hindi siya mapanghusga.
"Hindi po nila ako tunay na anak, Aling Veron. Kinupkop lang po ako ng mga Cruz. Dating magsasaka po ang Tatay Agripino at si Nanay Matiana naman ay naging kusinera sa kabilang baryo noon." Nakita ko ang paglunok ni Ithuriel.
"Naging magulo po ang takbo ng buhay namin.. Naging drug addict po sila, Aling Veron." Inantay niya ang reaksyon ni Nanay ngunit walang pagbabago sa itsura nito. Patuloy lang na nakinig.
"Seryoso po ako kay Sari kaya gusto ko pong makilala niyo ako ng buong buo gaya ng gusto kong pagkilala sa anak niyo, Aling Veron. Ayoko pong magtago sainyo tungkol sa pamilya ko pero maiintindihan ko po kung magbabago ang tingin niyo saakin ngayong sinabi—" Inabot ni Nanay ang kamay ni Ithuriel mula sa mesa at umiling.
"Ithuriel, hindi ikaw ang magulang mo." Ngumiti si Nanay. "Una pa lang alam ko nang mabait ka at napatunayan mo 'yun ngayong naging tapat ka. Basta, protektahan mo lang ang anak ko, masaya na ako do'n." Dagdag nito.
Tumango si Ithuriel.
Bigla namang tumahimik sa hapag kaya nagsalita si Sadie.
"Boto pa rin ako sa'yo, Kuya." At saka linigpit ang mga pinagkainan namin at linagay sa lababo.
Napasandal ako sa upuan at napatingin kay Ithuriel. May basbas na siya ni Nanay at Sadie!
"Oh siya, magpahinga muna para makaligo na kayo mayamaya." Tumayo si Nanay at nagsimulang magpunas ng lamesa habang kami ay nakaupo pa rin.
Nakita ko kung paano huminga ng malalim si Ithuriel.
Pagtapos kong mag-ayos sa kwarto ay nagpalit ako ng kulay abong one piece. Halter ito pero malalim ang likod at hindi masyadong kita ang pangaupo. Halos pa shorts na nga ito kaya hindi nakakailang suotin.
Sinuklay ko rin ng kamay ang kulot kong buhok habang nakatingin sa salamin. Bago tuluyang bumaba ay itinali ko sa aking bewang ang manipis na bottom cover up. Kulay puti ito at hanggang paa. Lumilitaw ang kaliwang parte ng hita at binti ko kapag gumagalaw.
Pilit kong inusisa ang itsura ko kung masagwa ba ngunit hindi naman labas ang dibdib ko kaya ayos lang.
Bumaba ako ng hagdan at napako ang tingin sakin ni Ithuriel.
"Ang ganda mo naman, anak. Maliligo ka lang." Sumimangot ako kay Nanay dahil hindi naman ako nag-ayos. Malamang ay nang-aasar lang siya.
"Bakit? Totoo naman. Kahit 'di ka mag ayos, maganda ka, Sari." Nag-init ang pisngi ko ng tumango si Ithuriel habang nakaupo sa sala.
"Oh ano pang hinihintay niyo, lumangoy na kayo. Dali, dali!" Pilit kaming pinalabas ni Nanay sa pinto.
"Salamat, Aling Veron!" Sambit ni Ithuriel habang bahagyang tumatawa.
Hindi na ako nag-abalang mag tsinelas dahil buhangin naman ang tatapakan at malapit lang sa bahay ang karagatan.
Alas Nuebe pa lang ng umaga at hindi pa gano'n kainit. Ang ganda ng kulay ng langit, ang mumunting hangin ay isinasayaw ang buhok ko pati na ang pang-ibaba ko.
Habang tinutunton ang dalampasigan ay nahuli ko ang titig ni Ithuriel saakin kaya naisipan kong magbiro.
"'Pag ako nalusaw.." Umiwas siya ng tingin.
"Sorry. Ang ganda mo kasi." Diretso niyang sabi.
Hindi na ako kumibo dahil naramdaman ko nanaman ang pagbilis ng puso ko.
"Sandali, iwan ko lang." Hinubad ni Ithuriel ang tsinelas niya pagdating namin sa kubo.
Bumalik tuloy ang memorya ko noong tanungin ko siya kung ramdam niya ba kaming dalawa.
Nag-init nanaman ang pisngi ko.
"Okay ka lang?" Tanong niya.
"Oo." Pinatong niya ang tsinelas sa loob ng kubo at napansin ko naman na may mga gamit don at picnic basket.
Nagkibit na lang ako ng balikat habang si Ithuriel ay nag-alis ng pang-itaas ng walang pasabi.
Nakaboard shorts siya at 'yun na rin siguro ang ipangliligo niya.
Tinignan ko lang si Ithuriel at lumitaw ulit ang kagwapuhan niya. Para siyang si Adonis na modernong bersyon dahil sa kulay at hugis ng katawan niya. Ang mahaba niyang pilikmata ay kapansin pansin lalo na kapag nakayuko siya.
"'Pag ako nalusaw ha." Sinamaan ko siya ng tingin ng gayahin niya ang linya ko kanina.
"Biro lang. Sige titigan mo lang ako." Sa halip ay inabot ko ang mukha niya pero bigla naman siyang umiwas.
"Uy, sabi ko titigan mo lang." Tumawa siya lalo. Agad naman akong bumalik sa pwesto ko.
"Titignan ko lang kung gumaling na ang mga sugat mo." Tumigil siya sa pagtawa.
"May sugat nga pala ako. Pero ayos na 'yan, malayo naman sa bituka." Sa sinabi niya ay diniinan ko ang galos sa pisngi niya.
"Aray!" Aniya.
"Ayos na 'yan." Pang gagaya ko sa tono niya kanina.
"Masyado ka namang nag-aalala, 'wag mo muna ako sanayin, Sari." Tumawa nanaman ito kaya iniwan ko na lang siya do'n matapos kong alisin ang bottom cover up ko.
Tumakbo na ako para salubungin ang agos alon at sumunod naman sa likuran ko si Ithuriel.
Nilusong ko ang dagat at sumisid sa ilalim. Mabilis at malalim. Pakiramdam ko ay kasama ko nanaman si Tatay. Ang dami naming alaala dito.
Umangat ako upang kumuha ng hangin saka hinawi ang buhok na sumasagi sa mukha ko. Mayamaya ay napansin kong nasa likod ko na si Ithuriel kaya humarap ako.
"Ang bilis mo." Aniya.
Hinawi niya ang buhok niya pataas at rumeplekta sa mata niya ang sinag ng araw kaya kumunot ang noo niya.
"Tinuruan ako ng Tatay Emil ko." Patuloy lang sa pagkumpas ang kamay at paa ko sa ilalim ng tubig para hindi ako lumubog.
"Sayang hindi ko siya nakilala."
"Baka magkasundo kayo agad kung naabutan mo siya." Ngumiti ako.
Totoo 'yun. Mayroon kasing pagkakapareho si Tatay at Ithuriel. 'Yun ang presensyang dala nila, na tuwing kasama mo sila pakiramdam mo payapa at ligtas ka.
"Talaga?" Tumango ako at nasilayan ko naman ang pagngiti niya.
Matagal kaming nanatili sa dagat, may iilan ding lumalangoy ngunit sa lawak nito ay hindi naman kami magkakatamaan.
Rinig na rinig ang paghampas ng alon, ang mga huni ng ibon at ang malalayong boses ng mga tao sa dalampasigan na abala sa kanilang mga ginagawa.
Nagpaunahan kami lumangoy ni Ithuriel pero lagi akong nananalo. Hindi ko alam kung sinasadya niya bang magpatalo dahil kahit mabilis ako ay mas matangkad pa rin naman siya saakin, advantage 'yun para agad siyang manalo.
"Ang duga. Sinasadya mo naman magpatalo." Sabi ko habang humihingal.
"Hindi. Mabilis ka talaga." Sabay tawa niya.
"Pinapagod mo lang yata ako eh." Sinamaan ko siya ng tingin ng tawa lang ang sinagot niya saakin.
"Ahon muna tayo, Sari." Tumango ako kaya sumisid na kami pabalik sa dalampasigan.
Sinuklay ko ang aking buhok gamit ang kamay at tila tinamaan ng lamig ng umihip ang hangin.
Nakalimutan ko pala magdala ng tuwalya.
Nagulat na lamang ako ng abutan ako ni Ithuriel.
"Gamitin mo na lang 'tong akin." Aniya.
"Paano ka?" Nagkibit balikat lamang ito at pumasok ako sa kubo para magpunas. Sinuot ko ulit ang bottom cover up ko.
Paglabas ay pinatong ko sa kanyang balikat ang tuwalya niya.
"Ikaw naman." Hindi siya gumalaw.
"Gamitin mo na." Ulit ko kaya sumunod na siya.
Tinuyo niya ang kanyang buhok at binalabal ang tuwalya sa likod. Sa simpleng paggalaw niya ay ang lakas agad ng dating niya.
"Gusto mong kumain?" Umupo ako sa hagdan ng kubo habang nakalubog ang paa sa buhangin.
"Sige." Tumabi naman sakin si Ithuriel pero may distansya pa rin. Inabot niya ang picnic basket sa loob ng kubo.
"Bakit may pa ganyan? Birthday mo ba?" Biro ko.
"Oo." Natigilan ako dahil nakita kong seryoso ang mukha niya.
"Totoo ba? Birthday mo? Bakit hindi mo sinabi?" Nahiya ako dahil hindi ko alam at wala akong maireregalo sakanya ngayon.
"October 26. Sige, 'yun na lang." Tumawa ito pero hindi ako nakasunod.
"Anong ibig mong sabihin?" Kumunot ang noo ko.
"Hindi ko alam kung kailan ang birthday ko kaya ngayon na lang." Parang may lumukot sa puso ko sa narinig ko.
Walang reaksyon ang mukha ni Ithuriel pero alam kong tinatago niya lang 'yun saakin.
"Hindi ka nagcelebrate kahit isang beses?" Umiling ito. "Alam mo ba kung ilang taon ka na?" Tumango siya.
"Edad at pangalan lang ang nakasulat sa papel na naka bracelet saakin no'ng natagpuan ako." Aniya.
"Ibig sabihin taon taon kang tumatanda pero hindi ka nag b-birthday.." Tumango ulit siya at tuluyang yumuko.
Sa oras na 'to ay parang gusto kong yakapin si Ithuriel. Hindi ko lubos maisip na posible pala 'yun. Pwede naman siyang gawan ng pekeng kaarawan ngunit bakit hindi nila ginawa?
"Kain ka na." Inabot niya ang grilled sandwich na nasa tupperware, mayroong flag toothpick na nakatayo sa ibabaw nito para hindi dumulas ang patong ng ham, cheese, at bacon sa gitna.
Agad kong inagaw 'yun sakanya.
"Walang cake pero pwede na 'yan." Tinapat ko sa harapan niya ang sandwich at nagsimulang kumanta.
"Maligayang bati! Maligayang bati! Maligayang, maligayang, maligayang bati!" Ngumiti ako habang siya naman ay tuluyang tumawa.
"Anong ginagawa mo?" Hindi ko 'yun inintindi at lalong nilapit sa mukha niya ang sandwich.
"Wish mo?" Tumingin lang siya pero hindi ko siya tinigilan hangga't napailing na lang siya at pumikit.
"'Wag mong lalakasan baka hindi mangyari." Tumawa lang siya at bigla ng kinagatan ang sandwich.
"Nangyari na kaya." Kinuha niya na sa'kin ng tuluyan 'yun kaya kinain ko na rin ang akin.
"Ang sarap." Kumindat ito saakin kaya sinamaan ko siya ng tingin.
Pagtapos ay mga prutas naman ang kinain namin. May pakwan, ubas, at mangga. Lahat ay nakahiwa at seedless na.
"Magkwento ka tungkol sa kabataan mo, Sari." Lumipat ang tingin ko sakanya.
Agad akong napangiti ng mabalik sa memorya ko ang mga masasayang alaala kasama si Tatay.
"Noong bata ako ay lagi akong tinatanong ni Tatay kung anong gusto ko 'pag malapit na ang birthday ko. Madalas puro laruan lang ang hiling ko at ginagawa niya ang lahat para mabigay saakin ang mga 'yun. Isang beses humiling ako ng bisikleta pero masyadong mahal. Napapanuod ko kasi sa T.V. eh. 'Yun ang unang hindi nabigay saakin ni Tatay, sabi niya hindi pa kaya at iba na lang muna pero nagmatigas ako." Yumuko ako pero nagpatuloy pa rin sa pagkwento.
"Sabi ko hindi na magiging masaya ang birthday ko kasi wala ng kwenta. Sinabi ko pa ngang hindi niya siguro ako mahal kasi hindi niya ko binilan.. Nagulat na lang ako nung dinala niya ako sa ospital sa kabilang baryo, hindi ko naintindihan kung bakit. Umupo lang kami sa upuan kahit labag sa loob ko hanggang sa may isang pamilya akong nakita sa loob ng isang kwarto. Umiiyak sa tuwa ng makita ang bagong panganak na sanggol." Tumingin ako kay Ithuriel.
"Dun nagsalita si Tatay. Sabi niya 'Nakita mo kung gaano sila kasaya? Ganyan kami ng Nanay Veron mo nung unang beses ka naming masilayan. Masaya kami nung araw na dumating ka sa mundo kaya huwag mo sasabihing wala ng kwenta ang kaarawan mo. Lagi natin ipagdidiwang 'yan, Sari. May regalo man o wala.'"
Muntik pa akong maluha dahil hindi ko maisip na kahit kailan ay hindi naranasan ni Ithuriel ang bagay na 'yun.
"Hmm. Kaya simula ngayon, i-se-celebrate na natin lagi ang birthday mo. October 26. Huwag mong kakalimutan." Tumawa ako pero nanatili lamang ang tingin saakin ni Ithuriel.
"Thank you, Sari." Ngumiti ito at pinanuod ang dagat.
"You're welcome. Ikaw? Magkwento ka din." Sabi ko.
"Walang istorya na kasing ganda ng iyo." Bahagya siyang tumawa.
"Gusto ko pa rin marinig." Tumango ito.
"Buong kabataan ko kakumpetensya ang tingin saakin ni Matias. Lagi pang gumagawa ng gulo 'yun para pag-awayan namin pero sa huli ako ang mapapagalitan. Ako ang pagbubuhatan ng kamay ni Tatay. Paulit ulit lang, hanggang sa pagtanda gano'n pa rin pero malaki kasi ang utang na loob ko sakanila, mahal ko sila kahit na gano'n."
Hindi nakatakas saakin ang biglaang pagbago ng mata ni Ithuriel. Sobrang lungkot nito, hindi siya tumitingin ng diretso saakin pero hindi 'yun dahilan para 'di ko makitang nasasaktan siya.
"Kaya nga nanibago ako noong nakilala kita." Binaling niya ang tingin sa mata ko.
"Buong buhay ko ako ang palaging umiintindi sa mga tao sa paligid ko. Ngayon ko lang naranasan maalagaan, matanong kung ano ang nararamdaman ko at sa'yo pa, Sari." Ang malalim niyang boses ang mas lalong nagpabilis sa tibok ng puso ko.
"Sari.. Malaking biro ang pag-iwas ko sa'yo noon." Para akong naestatwa sa kinauupuan ko at hindi makapagsalita.
Sandali kaming natahimik ng bigla niyang basagin iyon.
"Pwede mo ba akong samahan mamaya bisitahin sila Nanay?" Nangungusap ang mata nito at hindi ko kayang tanggihan.
"Sige." Tipid siyang ngumiti at tumango.
Linigpit namin ang mga pinagkainan at sandaling lumubog muli sa dagat. Pagtapos ay hinatid na ako ni Ithuriel saamin at napag-usapang makapananghalian namin pupuntahan ang magulang niya.
Sa labas ng bahay ay natanaw namin si Sadie na kausap si Macoy. Biglang laki si Macoy, mas matangkad na ito ngayon kay Sadie pero mukha silang nagtatalo.
Nang tumama ang mata sakin ni Sadie ay pinauwi niya ito at pumasok na sa bahay, umakyat ng kanyang kwarto.
Nagkibit na lamang ako ng balikat at naligo na sa banyo, pagkatapos kumain ay naghanda naman sa pagbalik ni Ithuriel mamaya.
Isang bestida ang sinuot ko, kulay puti at medyo nakalobo ang manggas. Hapit ito sa katawan at presko ang tela.
Mababakas din sa balat ko ang munting sunburn. Mas lalo lang nito pinapula ang pisnge ko pati na rin ang tungki ng aking ilong.
Mabilis sumapit ang Alas Dos at nakitang nasa baba na si Ithuriel at may hawak na bayong na puno ng pagkain para sa magulang niya.
Nakasuot muli ito ng puting t-shirt at khaki shorts. Ang linis niya talagang tignan pag ito ang suot niya.
Lalong na depina ang itsura niya dahil lumabas ang pagkapula ng labi at ilong niyang matangos.
Agad siyang tumayo ng makita ako, sinuot ko naman sa aking katawan ang bilog kong sling bag na yari sa abaka at sandals.
"Nay, aalis na po kami." Humalik ako sa pisngi ni Nanay na ngayon ay nasa kusina.
"Ibabalik ko po agad si Sari bago pa mag dilim." Bahagyang yumuko si Ithuriel bilang paalam.
"Walang kaso, Ithuriel. Mag-ingat kayong dalawa." Humarap na ako kay Ithuriel at sabay kaming lumabas ng bahay.
Maganda ang panahon at hindi gaanong tirik ang araw. Umihip ang hangin kasabay ng mga dahon ng puno, hindi rin nakaligtas ang buhok ko at suot na bestida dahil dito.
"Sari," Lumingon ako kay Ithuriel na ngayon ay nakatitig saakin. "Salamat kasi sinamahan mo ako." Ngumiti lang ako bilang sagot.
Nang makatapak na kami sa aspalto ay pumara ng trike si Ithuriel. Ito lang kasi ang transportasyon dito sa probinsya pero 'di gaya ng sa Manila, ang mga trike dito ay maluluwag, bukas ang likuran kaya mararamdaman ang hangin.
"Kuya, sa Baryo Parangkal lang po." Maglalabas pa sana ako ng pamasahe pero binayaran niya na agad 'yun.
Pinauna ako ni Ithuriel at inalalayan pa ang ulo ko hanggang sa makaupo na ako sa loob.
"Ayos ka lang?" Bulong niya ng umaandar na ang tricycle. 'Di ko masyado rinig pero tumango ako.
Pinanuod ko sa labas ang kagandahan ng aming lugar. Berdeng berde ang mga puno sa paligid at bukid. Makikita rin ang mga bundok mula sa malayo at mga ibon sa langit.
Buong byahe ay tahimik lang kami. Mukhang kabado si Ithuriel kaya hinayaan ko na lang muna siya.
Dumaan ang kami sa may karatulang Baryo Parangkal, kilala ito sa pagkakaroon ng malalim at matitirik na lupa. Ibang iba sa aming Baryo Dagatum na kilala naman dahil kagandahan ng mga anyong tubig.
"Kanan po.. Dito na lang, Kuya. Salamat po." Huminto na ang trike at nagsimula ng bumaba si Ithuriel. Sumunod naman ako.
Nakatayo kami ngayon sa harap ng maliit na bahay, yari ito sa bato ngunit walang pintura, kulay semento lang. May kulungan rin ng mga manok sa labas ng bahay nito.
"Aling Sita." Nakailang tawag pa si Ithuriel bago lumabas ang isang matandang babae na inaalalayan ng batang lalaki.
"Hijo! Ithuriel!" Pinagbuksan kami ng batang kasama niya at nagmano naman si Ithuriel sa matanda. Bilang respeto ay ginaya ko rin siya.
"Si Sari po, Aling Sita." Pakilala niya.
"Nobya mo na ba siya, Ithuriel?" Tumawa si Ithuriel.
"Hindi pa po." Tumingin ng makahulugan ang matanda saakin.
Puti na ang buhok nito at medyo nakayukod na ang likod. Pamilyar siya saakin at nang maalala ko, siya iyong tinulungan ni Ithuriel noon upang magbuhat ng mga gulay.
"Pasok kayo.." Hawak pa rin ang kamay niya ng batang lalaki.
Mayamaya ay bumulong saakin ang katabi ko.
"Si Aling Sita, lola na ang turing ko sakanya. Lumipat lang sila dito ni Boyong nung mag elementarya na siya. Wala na kasi ang magulang eh." Ngumiti ako sa bata ngunit tumakbo ito palayo ng makaupo na ang lola niya sa upuang dumuduyan.
"Naroon sa labas ang magulang mo, Ithuriel. Ang kubo doon ang pinili nila kahit sinabi kong dito na lang saakin tumuloy." Napatingin kami sa tinutukoy ni Aling Sita.
Sa bakuran ay may kubo nga, mayroon itong ikalawang palapag na nagmimistulang maliit na kwarto, sapat upang tirhan ng dalawang tao.
Lumabas kami ng bahay ni Aling Sita at tinungo iyon. Mayamaya lang ay lumabas ang Nanay ni Ithuriel, parang pumayat ito.
"Ithuriel?" Bakas ang gulat sa mata nito ngunit nakikita kong gusto nitong mayakap ang anak niya.
Nanatiling nakatayo si Ithuriel lalo na ng lumabas mula sa maliit na kwarto ang Tatay niya.
"Hoy, Matiana. Magluto ka na ng kakainin—" Nagsalubong ang tingin ni Ithuriel at ni Mang Agripino.
Bakas ang galit sa mata nito na kahit ako ay hindi nakagalaw sa likuran ni Ithuriel.
"Tanginang 'to, nagpakita ka pa?" Inambahan nito ang kanyang anak pero hindi natinag si Ithuriel. Hinatak ni Aling Matiana ang asawa niya at hinawakan sa mukha si Ithuriel.
"Kumusta kayo, Nay?" Kumamot sa ulo ang kanyang Nanay.
"Ah, eh, okay naman pero.. Nak, baka mayroon ka namang pera diyan. Nakakahiya naman kung nakikitira kami dito at wala kaming maibigay kay Aling Sita." Hindi mapakali ang mata nito at panay ang kamot sa braso. Epekto ito ng kanyang paggamit.
"May dala naman akong pagkain, Nay. Hindi ba pwede 'to?" Inabot niya ang bayong na puno ng pagkain, gulay, prutas at iba pa.
Hindi kumibo ang Nanay niya. Sandaling natahimik si Ithuriel pero mayamaya dumukot din ito sa bulsa niya.
"Mangako ka Nay, hindi mo 'to dadalin kung saan." Ngumiti si Aling Matiana pero hinablot iyon ng asawa niya.
"Ito lang? Gagong 'to. Pupunta ka dito tapos ito lang ibibigay mo? Alam mo kung gusto mong may silbi ka talaga, paulanan mo kami ng pera. Saka asan ba si Matias? Nakalabas na 'yun sa kulungan 'di ba? Bakit hindi pumupunta rito? Kung siya ang nandito malamang tuloy ang transaksyon, edi sana may pera!" Hindi nakapalag ang asawa niya ng ibulsa niya na ang perang inabot ni Ithuriel.
"Anak, baka pwede mo namang kontakin ang boss ng Tatay mo. Isang beses lang.. Sige na, pakiramdam ko mamamatay ako ng hindi nakakagamit.." Kumabog ang puso ko ng droga na tinutukoy ng Nanay niya.
Napalunok si Ithuriel. Tingin ko ay kailangan ng propesyunal na tulong ng magulang niya. Posible itong makaranas ng relapse dahil sa biglaang paghinto nito.
"Hindi pwede, Nay. Kailangan niyong magpagaling. Lagi akong bibisita dito para dalan kayo ng kahit anong gusto niyo pero huwag 'yan." Biglang nagbago ang reaksyon ng Nanay niya at biglang tumalim ang mata nito.
"Isang beses lang! Papuntahin mo na lang si Matias dito kung ayaw mo 'kong tulungan! Hindi mo kasi alam, pakiramdam ko mamamatay ako!" Ang maamo nitong mukha kanina ay nagbago at tila naging mabangis na hayop.
"Hindi pwede, Nay. Kung si Matias kukunsintihin kayo, ako hindi. Muntik na kayong sumabit sa pulis, hindi ko kayo hahayaang makulong." Isang malutong na sampal ang natamo niya ngunit hindi mula sa Nanay niya kundi sa Tatay niya.
Napapikit ako sa lakas no'n.
"Tangina mo! Sana nga si Matias na lang ang nandito ng sa gano'n hindi nagkakaganyan si Matiana. May pakialam ka? Edi ibigay mo kung anong hinihingi ng Nanay mo! 'Wag ka mag magaling na para saamin 'yang ginagawa mo. Ikaw nga ang dahilan kung bakit kami nagtatago ngayon, kung bakit nandito kami sa pesteng lugar na 'to, bahay ba 'to?!" Sobrang pula ng pisngi ni Ithuriel pero hindi siya kumikilos. Nanatili lang siyang nayuko.
"Alam mo? Simula ng dumating ka nagkagulo na ang buhay namin! Dapat sa'yo iniwan na lang. Wala ka namang naitutulong, hindi ka mabubuhay sa mga paniniwala mo sa buhay! Magpakabait ka hanggang sa gusto mo pero wala kang karapatan sabihin saamin kung anong tama o mali. Huwag ka magpapakita dito kung wala kang pera at 'di mo kasama si Matias!" Iisa pa sana ng sampal ang Tatay niya ngunit pinigilan nito ang sarili kamay.
"Nako! Kung hindi lang masakit ang kamay ko! Nakakapang-init ka ng ulo." Sinipa nito ang bato malapit sa kanya saka bumalik sa kubo at nagpaypay.
Ang nanay naman ni Ithuriel ay tumitig lamang ngunit sumunod na rin sa asawa niya saka inihanda ang mga pagkaing dala ni Ithuriel para sakanila.
Pakiramdam ko ay hindi nila ako nakikita at wala naman akong balak makialam pa pero habang pinanunuod ko kung paano nila tratuhin si Ithuriel, balewalain, ay parang gusto ko silang kausapin bigla.
Mahinang nagsalita si Ithuriel.
"Dadalaw pa rin ako sainyo, Nay.. Tay." Nang hindi kumibo ang magulang niya ay hinatak ko na siya para makalayo do'n.
Nagpaalam na ako kay Aling Sita na uuwi na kami dahil tahimik pa rin si Ithuriel, hindi nagsasalita.
Habang naglalakad kami sa labas ng bahay ay huminto siya.
"Sari.." Liningon ko siya at kumirot ang puso ko ng makita ang malulungkot niya mata.
"Pwede bang payakap? Kahit sandali lang." Basag ang boses niya at hindi ko na kinailangan pang magsalita para payagan siya.
Tumango ako at agad niya akong kinulong sa mga bisig niya.
Matagal, mariin ngunit maingat na yakap. Sa oras na 'to ko napagtanto na gusto ko nga talaga siyang alagaan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top