Chapter 20

Akala ko noon tuwing may sigawan ay puro away at ingay lamang ang dala. Mali pala, hindi sa lahat ng pagkakataon. Minsan mas lalo pa palang nagkakarinigan sa oras ng 'di pagkakaintindihan lalo na kung hihinto muna saglit para lang makinig.

Umaga na kaya maririnig ang mga tilaok ng manok sa labas. Nasa sala kami ni Sadie, nag-aayos ng mga kahon kung saan galing ang mga lumang VHS tapes ni Tatay.

Kung babalikan ko ang nangyari kagabi ay wala akong babaguhin nasaktan man si Sadie at ang damdamin naming tatlo sa mga salitang binitawan ng bawat isa.

Ang importante ay nailabas namin. Mahirap kapag kinain na lamang kami ng mga sarili naming emosyon. Mas delikado.

Naramdaman ko si Tatay kagabi. Tingin ko ay pinaalalahanan niya kami. Hindi niya kami iniwan lalo na sa oras na kailangan namin siya.

"Sari.. Sadie." Tawag saamin ni Nanay.

Ito ang unang beses na may nagsalita saamin matapos ang nangyari kagabi. Ramdam ko pa rin ang lungkot sa loob ng bahay ngunit naniniwala ako na magiging ayos na ang lahat.

Lumapit siya saamin at imbes na tumabi sa mahabang upuan ay lumuhod siya saaming harapan at hinawakan ang kamay namin ni Sadie.

"Nay, ano ba? Tumayo ka diyan.." Hindi ko kayang makita siyang ganito.

"Mga anak. Patawarin niyo ang Nanay kung hindi ako naging sapat para sainyong magkapatid. Gusto kong ayusin. Pero hindi ko alam kung paano sisimulan. Kung narito lang ang Tatay niyo edi sana.." Tumikhim ito at halos manginig ang boses. "Mahal na mahal ko kayo na nagawa kong magsinungaling sainyo.. Patawarin niyo ako." Tumulo ang luha ni Nanay.

Hindi pa rin malinaw saakin ang sinasabi ni Sadie na may lalaki si Nanay. Hindi ako naniniwala. Ayokong maniwala.

"Nagsinungaling ka saamin ni Ate dahil.. may iba ka na?" Malamig ang mata ni Sadie ngunit halata na nasasaktan ito dahil sa binanggit niya.

"Hindi, Sadie. Hindi ko magagawa sa Tatay niyo 'yun. Kahit pa wala na siya." Ngumiti ng mapait si Nanay at lumunok.

"Kung hindi.. Ano yung narinig ko sa telepono? Bakit tuwing makikita mo ako, ibinababa mo? Bakit umiiyak ka? Bakit mo sinabi na 'hindi matutuwa si Emil pag nalaman niya 'to'. Bakit pakiramdam ko ipagpapalit mo na lang kami ni Ate bigla dahil hindi mo na kaya? Ang duga mo, Nay. Dapat sama-sama tayo dito. Hindi naman natin kailangan kalimutan si Tatay eh. Tayong tatlo, kasama ang alaala ni Tatay. Kaya naman natin 'yun 'di ba?" Kalmado at may halong hinanakit ang boses ni Sadie. Bumagsak na rin ang luha ko kasabay ng kanya.

Napagod na siguro siya sa pagiging matigas at ang pagiging totoo na lang sa nararamdaman niya ang tanging makakapagsalba sa sarili niya.

"Hindi ko kayang ipagpalit si Emil kahit kanino, Sadie. At kung papipiliin ako kung mababalik lang ang oras, si Emil pa rin. Kasi siya lang, anak. Kung hindi siya, huwag na lang. Kung hindi siya, hindi na lang kasi ibig sabihin no'n ay hindi rin kayo ang nasa harapan ko ngayon." Nagpahid ng luha si Nanay at huminga ng malalim.

"Tumayo ka na diyan, Nay." Pinaupo namin siya sa gitna namin ni Sadie nang magsalita ito muli.

"Alam niyo bang tinalikuran ko ang dati kong buhay para makasama ang Tatay Emil niyo?" Ngumiti si Nanay habang diretso lamang ang tingin na tila inaalala ang mismong pangyayari sa kanyang isipan.

"Pero kahit kailan ay hindi ko pagsisisihan ang pagpili kay Emil. Pagpili ng simpleng buhay kasama siya. Kasi doon ako sumaya." Nakikinig lang kami ni Sadie sa tabi ni Nanay.

"Alam niyo rin ba na tutol ang magulang ko sa istorya namin ng Tatay niyo? Hindi.. kasi ayokong malaman niyo pa ang tungkol do'n. Ngunit ilang linggo na rin ang lumipas nang buksan ko ang bagay na matagal ko nang isinara noon. Kailangan kong gawin eh, para sainyo, para satin. Para sa ikakaginahawa ng buhay niyong magkapatid." Kumunot ang noo ko, hindi maintindihan ang sinasabi ni Nanay.

"Tinawagan ko ang Lola Virginia at Lolo Barry niyo, hindi alintana ang ilang taong lumipas mula nang makausap ko sila. Hindi rin totoo na galing sa huli kong sahod ang laman ng envelope, Sari. Galing 'yun sa magulang ko. Kaya ako nagtanong kung anong gusto niyong regalo noon upang makabawi ako sainyo kahit papaano ngunit hindi nga pala gano'n ang mga anak ko. Ang kailangan niyo ay Nanay na mag-aalaga sainyo.."

Ngayon, napagtatagpi tagpi ko na kung bakit umaakto ng kakaiba si Nanay noon. Hindi niya nabanggit ang tungkol sa magulang niya kahit kailan. Hindi ko na rin natanong kahit nung nagdalaga na ako.

"Ang Lola Virginia niyo ang kausap ko sa telepono, Sadie. Umiiyak ako dahil galit pa rin sila sa nag-iisang anak nila hanggang ngayon. Dahil pinili ko si Emil kaysa sakanila. Na pinili ko ang buhay kasama si Emil kahit pa magkaiba kami ng mundo. Isa lang 'to sa dahilan kung bakit hindi ako maalam sa gawaing bahay, kung bakit mabilis akong panghinaan ng loob. Kasi pakiramdam ko wala akong kapasidad bilang isang ina. Tiwala akong kaya ko noon kasi andiyan si Emil, pero noong nawala siya.. Hindi ko na alam paano bumangon ulit.."

"Wala akong matinong trabaho. Sinanay ako ng Tatay niyo na siya lang ang gagalaw dahil responsibidad niya daw 'yun bilang lalaki pero paano na nga ngayon? Lumalaki na kayo, hindi pwedeng ganito. Kailangan kong kumilos para mabigay ang dapat para sa mga anak ko. Patawarin niyo ako kung kinailangan ko pang itago sainyo 'to. Nahihiya kasi ako. Nahihiya ako kasi parang wala akong kakayanan bilang isang Nanay na kinailangan ko pang tawagan ang magulang ko para lang makahingi ng tulong kasi hindi ko na talaga alam kung paano—"

"Ssshh.. tama na, Nay. Wala kang kasalanan. Pwede naman ako huminto muna at magtrabaho, 'wag na tayo humingi sa magulang—" Pinutol ni Nanay ang sasabihin ko.

"Hindi ka hihinto sa pag-aaral, Sari. Walang hihinto sainyo para magtrabaho. Susubukan ko na lang ulit maghanap ng trabaho kung may kukuha pa sa edad kong 'to. Kung hindi, ayos lang magmakaawa sa magulang kong tinalikuran ko noon basta maging maginhawa ang buhay ng mga anak ko. Kakainin ko ang mga salitang binitawan ko noon para sa kinabukasan niyo. Kahit itaboy pa ko ng magulang ko, basta maging maayos kayo ayos na ako." Tumawa si Nanay ngunit hindi man lang nagbago ang ekspresyon ng mga mata niya.

Dumapo ang tingin ko kay Sadie na ngayon ay namumugto ang mata. Hindi siya makapaniwala sa narinig, kahit ako din naman.

Lumitaw ang insekyuridad ni Nanay pero hindi bumaba ang tingin ko sakanya, mas lalo pa ngang tumaas. Nakita ko na gagawin lahat ni Nanay para lang sa ikakabuti namin. Nakakamangha ang tapang at pagmamahal niya.

"Kung narito si Emil hindi niya gugustuhin ang ideya na 'to dahil nangako siyang hindi kami hihingi ng tulong sa magulang ko at bubuhayin niya tayong pamilya galing sa sariling dugo't pawis niya.." Mapait na ngiti ang binigay ni Nanay.

"Kaso wala na akong ibang pagpipilian. Wala na yung pinili ko.." Yinakap siya ni Sadie habang patuloy lamang ang hikbi nito.

"Patawarin mo ako, Nay.. Natakot lang ako. Ayokong maiwan kami ni Ate. Ikaw na lang ang meron kami.." Hindi ko na natiis at sumama na rin ako sa yakapan nilang dalawa.

"Tahan na Nay, Sadie.. magiging ayos din ang lahat." Sinuklay ko ang buhok ni Sadie habang tinatapik ang hita ni Nanay.

Mabilis na tumakbo ang oras at lumitaw na ang kulay ng panghapong langit. Nakaligo na ako at nakasuot ng simpleng beige na bestida, malapad ang strap nito at presko sa katawan.

Mayamaya lamang ay nakarinig ako ng katok sa aming pintuan. Agad akong tumayo mula sa upuan at binuksan iyon.

Hindi ko na kailangan pang paharapin ito para malaman kung sino. Si Ithuriel. Nakabalandra sa harapan ko ang malapad niyang likod nang bigla itong lumingon.

"Sari." Mukhang kinakabahan ang mukha niya kaya kinunutan ko siya ng noo.

"Anong ginagawa mo dito?" Tanong ko pero parang hindi niya ko narinig bagkus tumingin lamang siya sa loob ng bahay.

"Nariyan ba ang Nanay at Kapatid mo?"

"Bakit?" Pilit kong hinuli ang tingin niya para 'di niya makita sina Nanay at Sadie.

"Magpapaalam ako." Sagot nito ng parang wala lang.

Nanlaki ang mata ko lalo na nang makita kong may hawak siyang bulaklak.

"Sari.. sino— oh, Ithuriel! Kumusta ka na? Halika pumasok ka.." Ngumiti si Nanay at bigla namang dumungaw sa pintuan si Sadie.

"Magandang Hapon po!" Bati nito at linampasan lamang ako nang paupuin siya ni Nanay sa loob.

Wow.

"Ang gwapo mo naman, Ithuriel. Naparito ka yata? Liligawan mo na ba ang dalaga ko?" Tumawa si Nanay habang si Sadie ay nakangisi saakin.

"Magpapaalam pa lang po." Tumawa ito ng bahagya. Halos manliit ako sa kinatatayuan ko. Bakit pabigla bigla 'to?

"A-anong sinasabi mo diyan?" Sumulyap lang si Ithuriel saakin at ngumiti kanila Nanay.

"Payag na agad ako, Ithuriel. Siya na lamang ang tanungin mo." Ngumuso si Nanay saakin habang tuwang tuwa nang i-abot sakanya ang dala nitong sunflower. Ang isa naman ay kay Sadie.

Hindi pala para saakin?

"Ayos, may pa-sunflower si Kuya. Nextime bigas na lang para praktikal." Biro ni Sadie kaya sandaling natigilan si Ithuriel.

"'Wag mo ngang niloloko si Ithuriel, Sadie. Unang manliligaw ng Ate Sari mo 'yan." Parang nagulat ang mukha ni Ithuriel sa narinig niya at napasapo na lamang ako sa noo ko.

"Nay! Tama na 'yan. Ithuriel, sandali.." Hinatak ko siya mula sa pagkakaupo hanggang sa makalabas kami ng bahay.

"Anong ginagawa mo?" Tumingala ako dahil sa tangkad niya at para makita ang mukha niya, ayaw niya kasi akong lingunin.

"Nagpapaalam?" Sambit nito at humawak sa kanyang batok.

"Bakit hindi saakin?" Tumingin siya at bahagyang natawa. Lalong kumunot ang noo ko.

"Uunahin ko munang ligawan ang Nanay at Kapatid mo, Sari. Tapos sa'yong sa'yo na ako pagkatapos." Halos lumuwa ang mata ko sa salitang lumabas sa bibig niya. Lalo siyang natawa.

"Hindi 'yun ang ibig kong sabihin.." Umikot ang mata ko kakatawa niya.

"Nainis ka ba? Pinag-isipan ko naman kung bibigyan kita ng bulaklak, kaso hindi ko pa alam ang gusto mo." Hinangin ang buhok ko sa aking mukha kaya inipon ko ito sa isang gilid ko.

"Ayoko magbigay ng hindi mo gusto." Sumeryoso ang itsura nito at naramdaman ko ang pag-init ng pisngi ko.

"Hindi naman 'yun.. Dapat sinabihan mo muna ako." Umiwas ako ng tingin.

"Okay.. Sorry.. Sasabihin ko na sa susunod." Para akong nahigitan ng hininga sa biglang paglambot ng boses niya.

Anong ginagawa mo, Ithuriel?

Nagkibit na lamang ako ng balikat at lumakad papunta sa dalampasigan. Sumunod naman siya sa aking likuran.

"Kumusta sainyo?" Natigilan siya saglit at biglang tumikhim.

"Mmm. Ako lang madalas saamin. Umuuwi si Matias sa bahay pero minsan lang." Sabay na kami ngayong lumalakad habang nababasa ang aming paa sa agos ng alon.

"Ang magulang mo?" Tanong ko, patuloy na pinanunuod ang aming paglakad.

"Nag-iisip pa ako kung kailan ko sila pupuntahan." Tumahimik ito sandali at hindi ko na rin tinanong kung saan.

"Ikaw.. Kumusta ka?" Sumulyap ako kay Ithuriel.

Para siyang nagulat at lumabas nanaman ang nangungusap niyang mata niya.

"Mmm. Ayos naman. Siguro?" Tumawa ito ng bahagya para siguro itago ang totoong nararamdaman niya.

"Hindi mo kailangan magtago saakin, Ithuriel." Tinitigan ko siya sa mata at ilang sandali pa ay lumihis ito ng tingin.

"Malungkot lang sa bahay mag-isa. Hindi ako sanay ng walang nagbabangayan. Pero ayos na rin 'yun, walang nasasaktan." Ngumiti ito ng mapait at ibinaling ang tingin saakin.

"Ikaw?" Tumango ako at huminga ng malalim.

"Okay lang din lalo na't ayos na si Nanay at Sadie. Nagkaiyakan pa nga kaming tatlo kagabi.." Umupo kami sa nakatumbang puno ng kahoy.

Bumalik sa isipan ko kung paano natapos ang kagabi. Malungkot pero nakakatuwa dahil kahit wala na si Tatay, siya pa rin ang naging daan para magkaayos si Nanay at Sadie.

Parang kasama pa rin namin siya. Nakabantay sa pamilya niya.

"Basta mahabang istorya." Lumingon ako sakanya.

"Makikinig ako." Hindi niya pinutol ang tingin saakin at bahagya itong ngumiti.

Tiwala naman ako kay Ithuriel kaya kinuwento ko ang buong pangyayari sakanya. Nakamasid lang siya at tahimik na nakikinig hanggang sa nagbago na ang kulay ng langit, palubog na ang araw ngunit nandito pa rin kami, kuntento sa presensya ng bawat isa.

Gumaan ang pakiramdam ko dahil nailabas ko ang mga saloobin ko. Mga bagay na hindi ko nasasabi kay Nanay at Sadie dahil baka mag-iyakan lang kami 'pag nagkataon at ayoko nang malungkot sila tuwing mababanggit ang pangalan ni Tatay.

"Grabe.. Nakakamiss lang talaga si Tatay. Kaya sabi ko sa sarili ko kung ikakasal man ako, gusto ko sa taong katulad niya." Inangat ko ang ulo ko at tumitig sa langit.

Hinangin ang buhok ko at inayos ko ito nang mapalingon ako kay Ithuriel.

Nadatnan ko ang mga mata niyang puno ng pagkamangha. Ngumiti ito saglit at umiling habang pinaglalaruan ang sariling labi.

"Paano 'yan, hindi yata ako kasing bait ng Tatay Emil mo?" Tumawa ito ng bigyan ko siya ng itsurang kahit ako ay hindi ko din alam ang tawag.

"Uy, biro lang." Sinuklay niya ang buhok niya at umayos ng upo.

Pinanuod ko ang alon ng dagat at pinakiramdaman ang ihip ng hangin.

"Sari." Muli akong lumingon kay Ithuriel. Ilang segundo pa itong tumitig sa akin nang magsalita siya.

"Alam ko masaya ang Tatay mo kasi kahit wala na siya, may anak naman siyang mapagmahal sa nanay at kapatid niya." Ngumiti ako.

Parang nabunutan ng tinik sa paninigurado ni Ithuriel. 'Yun lang ang gusto kong marinig para maniwalang nagampanan ko ang hiling ni Tatay para sa panganay niyang anak.

"Kung nabubuhay lang ang Tatay Emil mo, hindi ako magdadalawang isip hingin ang permiso niya para ligawan ka, kahit pahirapan pa." Sa hindi malamang dahilan ay may tumulong luha sa mata ko pero mabilis kong pinunasan iyon.

Parang may kung anong init na bumalot sa puso ko. Hindi ko mapangalanan pero magaan sa pakiramdam. Payapa at may seguridad.

Ngumiti ako at pinanuod ang langit.

Tay.. Ngayon ko lang naramdaman 'to sa ibang tao maliban sa'yo.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top