Chapter 16

Nagising ako sa ingay ng aking cellphone. Napabangon tuloy ako at nag-inat. Alas Otso palang pala ng umaga nang tignan ko ang orasan.

Sinagot ko na ang tawag. Si Yna.

"Hello?" Narinig ko ang pagiging aligaga niya mula sa kabilang linya.

"Ah, eh. Sari. Hi. Gising ka na? Good morning." Iba ang tono niya ngayon kesa sa nakasanayan ha. Ano kayang meron?

"Kagigising lang. Good morning din. Napatawag ka, may problema ba?" Tanong ko.

"Ah, wala naman. May tanong lang ako, anong gagawin mo pag nalaman mong may sinisekreto ako sa'yo?" Agad namang kumunot ang noo ko, ang weird ng tanong ni Yna. Hindi naman ito ganito.

"Seryoso? 'Yan tanong mo? Ngayong umaga?" Napatawa ako bigla.

"Oo, Sari. Sagutin mo na lang. May nakakatawa ba? Wala naman ah." Naiimagine ko ang mukha ni Yna na umiirap.

"Sorry, kalma. Haha. Edi may sekreto ka. Rerespetuhin ko 'yun saka alam ko namang may dahilan kung bakit 'di mo sinasabi." Narinig ko ang malalim niyang paghinga.

"Tama tama. May dahilan. The best ka talaga. Sige teh, bye bye!" Hindi pa ako nakakasagot at pinutol na niya ang linya.

Tinitigan ko lang ang cellphone at ibinaba sa tabi. Sumalampak ulit ako sa kama.

Limang minuto pa at babangon na ulit ako.

Mabilis tumakbo ang oras sa araw na ito, walang magawa kung hindi mag luto, kumain at manuod ng telebisyon kahit wala naman akong interes do'n.

Nakaligo na din ako at nagsuot ng ternong pambahay na sando at shorts. Si Nanay ay nasa sala habang si Sadie ay nasa kwarto niya. Umuwi iyon kahapon ng gabi, galing daw kanila Macoy. Hindi ko na siya kinulit dahil mukhang ayaw naman niya ng kausap.

Lumabas ako ng bahay at sakto namang nasipat ko si Mang Jeri 'di kalayuan sa ilalim ng puno ng niyog. Binabalatan nito ang mga buko na nakuha nila mula itaas.

"Mang Jeri!" Sigaw ko habang tumatakbo palapit sakanya. Hinangin ang mahaba kong buhok kaya ipinusod ko ito sa tuktok ng aking ulo.

"Oh Sari. Gusto mo? Ang sarap oh." Sambit niya at saka inabot sa'kin ang bagong bukas na buko.

Kumuha ang ng straw mula sa kanyang lagayan at nagsimula naman siya muli sa pagbiyak nito.

"Nga pala, Sari. Mamaya ay mag ca-camping sina Jersey. Panganay ko na kapatid ni Jergie. Hindi ba kaedad mo 'yun? Wala naman daw pasok kaya gusto nilang magliwaliw. Mga kabataan 'yun, baka gusto mong sumama?" Aniya.

"Opo, kilala ko si Jersey, Mang Jeri. Eh kalaro ko po 'yun nung bata kami. Nakauwi na po siya?" Tanong ko.

Tumango si Mang Jeri at bakas ang tuwa sa kaniyang mukha. Ang alam ko kasi ay naglayas ito pero mabait naman si Jersey. Pasaway lang.

"Oo at bumalik na din sa wakas. Nung kaarawan ni Jergie. Hindi natiis ang kapatid niya." Natuwa naman ako sa aking narinig.

"Anong oras po ba? Para makapag-ayos po ako ng gamit kung payagan po ako ni Nanay." Sabi ko saka sumimsim ng buko mula sa straw.

Dahil malapit naman saamin si Mang Jeri at Tata Melencio ay kilala ko din ang mga anak nila. Ang pamilya lang ata ni Ithuriel ang hindi pamilyar saakin dahil hindi naman tabi ng bahay namin ang kanila.

"Ay mga hapon yata ang alis niyo kung sakali. May susundo naman sainyong L300, sabi ni Jersey." Siguro ay sasama na lang ako dahil wala din namang gagawin sa bahay.

'Pag uwi ko ay agad akong nagtanong kay Nanay kung ayos lang ba sakanya. Pumayag naman ito at nagsabing siya na ang bahala sa bahay.

"Sigurado ka, Nay? Pwede naman akong hindi sumama." Paninigurado ko.

"Hindi, Sari. Sumama ka at minsan lang iyan. Ngayon ka lang naman makakasama sa ganyan." Tumango ako.

Ang totoo ay gusto ko talagang sumama dahil hindi ko pa nasubukan mag camping dahil wala din namang maaaya.

Dumaan ang ilang saglit at nakapag ayos na ako ng gamit. Nagdala ako ng mga delata, chichirya at inumin pati kumot. Si Jersey na daw ang bahala sa tent namin.

Maya mmaya lang ay may kumakatok na sa bahay.

"Sariah!" Bungad ni Jersey habang nasa nakangiti sa labas ng pintuan namin.

"Jersey." Nangiti din ako at nagulat ng bigla niya akong yakapin. Matagal na kaming hindi nagkikita pero parang walang nagbago sakanya.

Gano'n pa rin ang itsura niya. Ang pinagkaiba lang ay ang buhok niyang inaalagaan noon ay boy cut na ngayon. Bumagay naman ito sakanya at lumitaw ang hugis ng mukha niya.

"Gulat ka 'no? Wala na long hair ko. Bagay naman ah." Pumasok siya sa bahay at umupo saaming sala.

"Hello po!" Ngiting ngiti ito habang bumabati kay Nanay.

"Kumusta ka, Jersey?" Ngiti lamang ang binigay ni Nanay at sumagot naman si Jersey.

"Ayos naman po. Namiss ko po dito." Tumingin ito sa paligid ng bahay, iginagala ang kaniyang mata.

"Kala ko ba hindi mo puputulin 'yan?" Ani ko at ngumuso sa kanyang buhok habang inaayos ang back pack ko.

"Eh gano'n talaga. Mahabang kwento. Ayos na ba lahat ng dala mo? Naroon na sa kanto ang sundo."

Kinuha ko na lamang ang tubigan ko mula sa aming ref at ipinasok sa gilid ng bag ko.

"Ayan, okay na. Nay, aalis na kami. Sadie. Bye bye!" Sigaw ko dahil nasa itaas ang kapatid ko.

"Oh sige. Mag-iingat kayo do'n ha. Bukas na ang balik niyo tama ba?" Tanong ni Nanay.

"Oo, Nay. Syempre, kayo din mag-ingat ni Sadie." Sinuot ko na ang bag sa likuran ko at pinagpag ang suot kong black string bandeau top at cargo pants na kulay batik na tinernuhan ko ng rubber shoes kong itim.

"Tara?" Tumango ako kay Jersey. Nakasuot siya ng biker shorts at sandong red na terno naman sa kaniyang white shoes.

Sa labas ay tinangay ang kulot kong buhok ng hangin kaya inipon ko ito at nag pony tail. Nagsimula na kaming lumakad papunta sa itaas at nang makatapak na kami sa aspalto ay nasipat ko ang puting L300.

May mga hindi pamilyar na mukha doon, hati sa babae at lalaki ngunit isa lamang ang nakapukaw ng atensyon ko.

Si Ithuriel. Kasama siya?

Nakasuot siya ng khaki shorts at t-shirt na kakulay ng cargo pants ko. Kapansin pansin talaga siya. Ang gulo ng buhok niya ay mas lalo pang nagpagwapo sa itsura niya. Napalunok ako.

"Bet mo?" Sambit ni Jersey habang sinisipat kung saan ako nakatingin.

"H-ha?" Nilipat ko ang tingin ko sakaniya.

"Hay nako, Sari. Wala ka pa ring pinagbago." Sabay halakhak nito at tinatanggal ang bag sa likod niya.

"Tignan mo ako, may jowa na ako. 'Di ba, babe?" Nagulat ako ng bigla niyang halikan sa pisnge ang lalaking lumabas mula sa driver's seat.

Pamilyar sa'kin ang itsura nito.

"Si Ced, boyfriend ko. Ito naman si Sari, kababata ko." Pakilala ni Jersey saakin.

Tumango ako at kumaway sa kanya. Matangkad siya, malalim ang mata at long hair. Mukhang nag gi-gym ang isang 'to dahil sa braso niya. Kita kasi ito sa muscle tee niyang suot.

"Hello, Sari." Ngumiti lamang ako nang kinuha niya ang bag namin ni Jersey saka pinasok sa loob ng van.

"Sari. Do'n ako sa harapan, tabi ni Ced." Bulong niya saakin saka kumaripas ng takbo. Naiwan akong nakatayo sa labas.

Sino ang kauusapin ko buong byahe?

Nakapwesto na halos lahat kaya pumasok na rin ako at umupo sa kanan. Dito na lang ang hindi pa okupado.

"Sari???" Nagulat ako nang may tumawag saakin mula sa loob ng van.

Liniitan ko siya ng mata dahil hindi ko siya gaanong makita. Nakaupo kasi ito sa likod ng driver's seat sa kaliwa.

"Marco. Psych 1-4 ka diba? Same dept tayo. Nakikita kita sa school." Ngiti nito saakin.

Ang sama ko ba? Hindi ko kasi siya kilala pero parang nakita ko na rin siya dati.

"H-hello?" Hindi ko alam ang tamang reaksyon na dapat kong ibigay sakanya.

"Hoy, Marco! Huwag mong landiin si Sari diyan ha." Rinig kong sigaw ni Jersey mula sa unahan. Nagtawanan ang mga nasa loob. Mga kaibigan ata nila 'to ni Ced.

"Grabe ka naman, Jersey. Baka nakakalimutan mo ako ang naging daan kung bakit naging kayo ng babe mo." Humalakhak ito.

Mukha naman siyang mabait. Nakatupi ang longsleeves niyang puti at nakashorts naman itong itim. Maputi siya at ngumingiti rin ang mata kapag tumatawa.

Nagulat na lamang ako nang may tumabi saakin. Para akong nanigas sa kinauupuan ko ng makita kong sinasara ni Ithuriel ang pinto. Siya ang huling pumasok.

"Riel. Okay na diyan?" Sigaw ni Ced mula sa driver's seat.

Magkakilala sila?

"Ayos na." Sagot nito habang ako nananahimik lang tabi niya. Parang biglang sumikip sa loob ng L300.

Nagsimula nang umandar ang van at hindi pa rin ako tumitingin kay Ithuriel. Hindi ako umiimik, kaya inisip ko na lang kung saan ko ba nakita si Marco at Ced.

Mayamaya lang ay napagtanto ko. Sila yung kasama ni Ithuriel noon sa Psych Night!

Iginala ko ang mata ko sa mga nakaupo at nasipat ko ang dalawa pa niyang kaibigan.

"Hoy, Gago! Wala naman sa room, bakit natutulog ka nanaman?" Pinukol ng bimbo ni Marco ang mukha ng isang lalaking nakasandal ang ulo sa may bintana.

Nagising ito at binato pabalik kay Marco ang bimpo saka natulog ulit. Nakasuot siya ng pull-over at shorts, mukhang masungit hindi tulad ni Marco.

"Grabe, Lucian. 'Di na ko magugulat kung mamamatay kang tulog." Sabi ng isang lalaking nasa kabilang dulo ng inuupuan ko. Nakasuot ito ng shirt na kulay maroon at nakakunot ang noo nito, mukhang hindi makapaniwala sa kaibigan niya.

"Patayin na kaya natin ngayon, Aidan? Tulog naman eh." Ani Marco.

Nagulat naman ako ng biglang may tumawa sa tabi ko.

Muntik ko nang makalimutan katabi ko nga pala si Ithuriel.

"Sige, patayin niyo. Ako bahala." Tumawa ang mga tao sa loob habang ako ay napasulyap lang sakanya.

Marunong pala 'to magbiro?

"'Yan ang gusto ko sa'yo, Ithuriel." Sambit ni Marco. Ngumisi lang ito at nang magtama ang tingin namin ay bumalik nanaman sa dati ang mukha niya.

Umiwas nalang tuloy ako ng tingin at pinaglaruan ang daliri ko.

Nabanggit ni Jersey kanina na sa Banaw Ginubatan daw ang pupuntahan namin. Hindi ako pamilyar ngunit balita ko ay maganda daw ro'n.

Tumingin ako sa may bintana, nakakamangha ang tanawin sa dinadaanan namin pero hindi ko pa rin maiwasang hindi mapalagay lalo na't tumatama ng bahagya ang binti ko sa binti ni Ithuriel.

Para akong nakukuryente sa bawat pagtama nito kaya umaayos ako ng upo.

Naramdaman ko naman ang pag-usog niya ng bahagya, nagbigay ng maliit na espasyo sa pagitan namin. Nakahinga ako ng maluwag.

Buong byahe ay maingay lahat ng kaibigan nila Jersey. Kami lang yata ni Ithuriel ang hindi kumikibo pero paminsan minsan ay nakikisabay siya sa biruan nila Marco.

Ilang oras din akong nakasilip sa bintana hanggang sa mag-iba na ang kulay ng langit. Kulay kahel hudyat ng paglubog ng araw.

"Andito na tayo! Sa wakas!" Sigaw ni Jersey.

Huminto na ang van at binuksan na ni Ithuriel ang pinto sa likod.

Nauna siyang bumaba at sumunod naman ako pero sumabit ang paa ko sa isang bag na nasa paanan ko. Buti at naalalayan ako ni Ithuriel agad.

"S-sorry." Umangat ang tingin ko sakanya, mukhang nag-alala siya o tingin ko lang 'yun? Nakakahiya.

"Uy, Sari. Ayos ka lang?" Tanong ni Marco sa likuran ko.

Tumango lang ako, nag-alis ng tali sa buhok at pumadyak padyak. Nangawit siguro ang paa ko sa pag-upo.

Napatitig ako sa paligid. Ang ganda pala talaga dito sa Banaw. Ang tatayog ng puno, walang maririnig kundi ang mga kuliglig at echo ng mga boses namin.

"Tangina, pre. Buhay ka na?" Rinig ko ang pangaasar ni Aidan kay Lucian.

Tumingin lang ito sakanya ng masama saka tinaas ang gitnang daliri sakanya.

Napansin ko naman na palapit saakin si Jersey. "Sari. Kumusta naman ang byahe?" Sabay kindat saakin.

Hindi ako umimik. Mayamaya lang ay nagsimula nang lumabas ang iba pang kaibigan nila sa van, bitbit ang mga bag nila.

Hinanap ko ang akin pero hindi ko makita, wala din naman sa ilalim ng upuan.

"Psst." Napalingon ako kay Jersey at tinuro niya si Ithuriel, buhat ang bag ko sa kanang balikat niya.

Bakit niya kinuha?

Lumapit ako at kinalabit siya.

"B-bag ko." Tumingin lang ito sakin na parang tinatantya kung ibibigay niya ba o hindi.

"Akin na." Sabi ko at saka umiwas ng tingin. Nagkibit ito ng balikat kaya ako na mismo ang kumuha nito sakanya.

Pagkakuha ko ay nagsimula na siyang lumakad, sumunod kanila Marco. Naiwan ako kasama ni Jersey at Ced.

"Ayaw pa tinutulungan na nga." Tumawa sa gilid ko si Jersey habang sinisigurado naman ni Ced na sarado na ang L300.

Inayos ko ang naipit kong buhok sa pagsuot ng back pack sa likuran ko.

Bakit niya bubuhatin 'to? Hindi naman siya namamansin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top