Chapter 15

"Ayan. Malinis na ulit." Sabi ko habang pinapatong ang sapatos ko sa mesang kahoy ng aming bakuran.

Tanghaling tapat naman ngayon kaya mabilis lang ito matutuyo.

"Mamaya na 'ko tutulong, Nay!" Rinig kong sigaw ni Macoy habang tumatakbo palayo sa likuran ng kanilang bahay.

At dahil wala naman akong plano ngayong araw ay naisipan kong dalawin si Aling Celine.

Sa likuran ng bahay nila ay natagpuan kong nakaupo si Aling Celine sa isang bangkito habang naglalaba.

"Naku, ang hirap talaga ng puro lalaki ang anak." Sambit nito sabay punas ng pawis sa kanyang noo.

"Gaano po kahirap?" Pang-aasar ko kaya napalingon siya sa gawi ko.

"Oh, Sari! Nandiyan ka pala? Kanina ka pa?" Tanong nito habang patuloy sa pagbanlaw ng mga damit.

"Hindi naman po." Lumapit ako at kinuha ang plangganang tapos nang banlawan ni Aling Celine.

"Naku, Sari. Hindi kita pipigilan diyan at mabigat ang katawan ko ngayon. Tinawag ko nga si Macoy para tulungan ako pero tinakbuhan lang ako. Loko talaga 'yun eh." Aniya.

"Bata pa po kasi. 'Wag po kayong mag alala, Aling Celine. Ako na lang po ang magsasampay." Sabi ko sabay tawa.

"Alam mo, Sari. Hindi na issue ngayon kung bata man o matanda. Dapat nga ay matutong kumilos habang nasa murang edad pa para hindi na mahirapan sa pagtanda. Diyos ko po, eh yang si Macoy, puro laro nalang ang ginawa sa bahay."

Tama si Aling Celine. Nasanay yata ako sa bahay nang binubunso si Sadie, na kahit kaya naman niyang gawin ay ginagawa ko pa rin dahil lang sa panganay ako.

"Kumusta naman kayo sa bahay?" Tanong nito.

"Ayos naman po. Si Nanay hindi na po katulad nung nakaraan at mukhang bumabalik na sa dati niyang sigla."

Pinagpag ko ang isang t-shirt at sinipit sa lubid na umaakto bilang sampayan.

"Mabuti naman. Nakakatuwang marinig na umaayos na ang pakiramdam ni Veron." Ngiti nito saakin.

"Matagal na po ba kayo dito, Aling Celine?" Tanong ko.

"Aba, oo. Matagal na talaga. Nauna kami dito nila Melencio kaysa sainyo." Napatango naman ako.

"Eh kanila Ithuriel po?" Nakita ko naman ang makahulugang pagngiti ni Aling Celine.

"Kami yata ang nauna sakanila sa pagkakaalala ko. Bakit mo naman naitanong?" Patuloy akong nag sampay ng mga pang-itaas.

"Wala naman po." Sagot ko saka tumikhim.

"Ay sus! Gusto mo lang yata malaman ang tungkol kay Ithuriel, oh sige at magkukwento ako." Sabay tawa ni Aling Celine.

"Hala hindi, Aling Celine. Nagtatanong lang po ako." Sabi ko habang umiiling.

"Ganito 'yan. Si Agripino at Matiana, magulo ang dalawang 'yan. Panay ang away. Lahat yata ng bagay ay kaya nilang pag-awayan. Parang nagsikain ng masasamang salita kaya puro mura ang linalabas ng bunganga. Ewan ko ba. Ngunit kahit na gano'n, kinupkop nila 'yan si Ithuriel nang matagpuan nila sa kamalig, doon sa may sabsaban. Sabi ay walang nakakita kung sinong nag-iwan. Wala silang choice dahil sila ang unang nakakita kay Ithuriel."

Patuloy lamang sa pagkwento si Aling Celine habang ako'y nakikinig lang dito.

"Swerte naman sila diyan sa binata. Napakabait no'n at masipag. Magulo man sila Matiana, siya ang naging tagabalanse sa bahay nila. Mahal niyan pamilya niya kahit pa hindi niya kadugo ang mga 'yun. Wala akong masasabi. Sayang nga at nahinto sa pag-aaral. Yung kapatid niya naman base sa pagkakarinig ko ay basagulero daw. Ano nga kasi ang pangalan no'n?" Napakamot sa ulo si Aling Celine habang nag-iisip.

"Matias po. Hindi po ba siya yung pinapunta niyo saamin para mag-ayos ng kisame?"

"Oo 'yun, Matias nga. Ano? Hindi ha. Si Ithuriel ang pinakiusapan ko no'n dahil malapit na 'ko sa batang 'yun. Tiwala na ako doon kaya ayos lang kung makapasok siya sa bahay ninyo."

Agad namang kumunot ang noo ko. Eh bakit si Matias ang pumunta sa bahay noon?

"Wala din yatang nobya yang si Ithuriel at ni minsan ay wala pa akong nakitang babae kasama niyan.. Ikaw pa lang."

Kitang kita ko ang pag kindat saakin ni Aling Celine habang isinasampay ang huling t-shirt na hawak ko.

"Aling Celine, wala po 'yun. Hindi nga po ako pinapansin no'n simula nung makabalik sila dito."

Tumayo na si Aling Celine at itinapon ang tubig mula sa planggana.

"Edi tanungin mo kung bakit. Oh siya. Salamat ng madami, Sari. Mabuti ka pa kahit hindi ko anak ay tumutulong. Kukurutin ko yang si Macoy mamaya pag-uwi. Naku talaga."

Tumango lamang ako ngunit napailing din agad sa ideya ni Aling Celine.

Nagdadalawang isip. Pero sa huli napili kong tanungin nga si Ithuriel. Wala namang mawawala.

Nagpaalam na ako kay Aling Celine saka lumabas sa kanilang bahay.

Ang sinag ng araw ngayon ay hindi na din masyadong sumusunog sa balat. Inayos ko ang suot kong racerback na puti at shorts. Inipit ko rin sa likod ng tenga ang kumakawalang hibla ng aking buhok.

Nagsimula na akong lumakad papunta sa bukirin at napansin ang mga tao sa lugar namin, abala sila sa mga ginagawa nila pero hindi talaga mawawala sa kanilang mukha ang pagngiti.

"Oh bakit pagala gala ang magandang dalaga?" Napalingon ako sa biglang nagsalita.

Si Tata Melencio. Suot niya ang abaka niyang sumbrero habang may buhat-buhat na halaman.

"Nambola pa kayo, Tata." Sagot ko at saka tumawa.

"Sino ang hinahanap mo? Si Ithuriel ba?" Tanong nito.

Hindi pa ako nakakasagot ngunit itinuro na niya kung nasaan ito.

"Ayun oh." Sabay ngisi nito saakin. Bakit ba sila ngumingiti saakin ni Aling Celine?

"S-salamat po." Sinundan ko ng tingin ang daliri ni Tata at nakita ko nga si Ithuriel habang pinapaliguan ang alaga niyang baka.

Nakatupi ang suot nitong maong na pantalon hanggang tuhod at walang suot na pang-itaas habang puno naman ng sabon ang kamay.

"Ithuriel." Agad lumipat ang tingin niya saakin ng makalapit na ako sakanya.

Bakas ang pagkagulat nito pero nagpatuloy lang siya sa ginagawa niya.

"Bakit?" Mahinang sagot nito. Nakapokus pa din sa kanyang ginagawa.

"Mangangamusta lang. Pamilya mo?" Napahinto siya sa ginagawa niya at tumingin ng diretso sa mata ko.

"A-ayos lang." Sagot niya saka kinuha ang hose at tinapat sa baka.

"Mmm." Lumakad ako at naupo sa malaking bato, nasa gilid na ako ngayon ni Ithuriel.

Nagpatuloy lang ito sa ginagawa at hindi ako nililingon. Gusto ko pa sana tanungin ang tungkol sa pagpunta ng kapulisan sa bahay nila pero parang wala naman ako sa lugar para makialam.

"Ikaw?" Tanong ko at lumipat muli ang tingin niya saakin, naghihintay ng kasunod.

"Kumusta ka?" Ani ko at nagbaba ng tingin sa daliri kong pinaglalaruan ko ngayon.

Hindi siya sumagot at linigpit lamang ang hose at sabon na ginamit.

"Ithuriel! Iho!" Sabay kaming napalingon sa isang matandang babaeng kumakaway habang may buhat na bayong. Puno iyon ng mga gulay.

"Aling Sita." Agad namang tumawid papunta dun si Ithuriel at nangiti pa nang hampasin siya nito sa balikat at tumuro sa gawi ko.

Umiling si Ithuriel at nagsimulang buhatin ang mga bitbit ng matanda. Hinatid kung saan man ito papunta.

Sinundan ko lamang siya ng tingin hanggang 'di ko na sila matanaw.

Umuwi na ako sa bahay dahil wala naman akong pagkakaabalahan sa labas.

"Nay? Sadie?" Sigaw ko ng makatapak na ang paa ko sa loob ng bahay.

Ang tahimik sa sala tanging ang bukas na bentilador ang naririnig ko kaya pinatay ko ito pati na rin ang ilaw sa may kusina.

Pumanik ako sa hagdan at papasok na sana sa kwarto ko nang makita ko si Nanay sa loob ng kwarto mula sa maliit na uwang ng pinto.

Nakatayo ito sa harap ng tukador at may kausap sa kabilang linya. Hindi ko naririnig ang usapan pero ngayon ko na lamang ulit nakita si Nanay na gumamit ng telepono.

Bubuksan ko pa sana ang pinto ng biglang lumabas si Sadie sa kabilang kwarto. Nagkatinginan kami saka siya lumipat ng tingin at sumilip kay Nanay.

Nagbago ang ekspresyon niya at muling bumaling saakin. Umiiling at agarang bumaba ng hagdan.

Narinig ko ang pagbukas ng pinto sa baba.

"Sadie!" Sigaw ko pababa at nasilayang lumabas nga ito ng bahay. Hindi ko na siya hinabol at bumalik na lamang sa itaas.

"Oh, nariyan ka na pala, Anak?" Pumahid sa kaniyang pisngi si Nanay at ngumiti saakin.

Bakit namumula ang mata niya?

"Umiyak ka ba, Nay?" Nagtataka kong tanong. Ano bang nangyayari?

"Hindi, Nak. Kumain ka na ba?" Bumaba ito kaya naman sinundan ko siya.

"Nay? Anong nangyayari?" Dahil hindi ako naniniwalang hindi siya umiyak. Halatang halata. At bakit umalis si Sadie bigla?

"Wala, Anak. Napuwing ang mata ko kaya ganito ito." Pumunta siya sa lababo at hinugasan ang mata niya.

"'Wag kang mag-alala. Wala ito, Sari." Paninigurado niya.

Hindi ko alam pero parang iba ang kutob ko. Ang bigat sa pakiramdam.

Kailan ba magkakaayos si Sadie at Nanay? Patagal ng patagal ay nalalayo na sila sa isa't isa at hindi maganda 'yun.

Kung narito si Tatay, hindi niya magugustuhan ang nangyayari.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top