Chapter 12
Nagising ako sa sinag ng araw na tumatama saakin mula sa bintana ng kwarto. Ramdam ko na ang init ng araw dahil tanghali na pala.
Hindi ako nakatulog ng maayos kagabi kakaisip at hula ko'y magiging kapansin-pansin ang itim sa ilalim ng mata ko ngayong araw.
Sandali pa akong tumulala sa kama bago tuluyang tumayo. Bumaba na ako at nakita ko naman si Sadie na nagbabasa ng libro sa sala. Isa din nga pala sa hilig niya 'to.
"Sadie. Halika at manuod tayo. Maganda ang palabas oh, hindi ba ay mahilig ka sa mga action?" Aya ni Nanay habang nakaupo sa harapan ng telebisyon.
Hindi sumagot si Sadie kahit naririnig naman niya si Nanay. Nakatuon lang ang atensyon sa librong binabasa.
"Anak. Halika, bitawan mo muna 'yan. Tara at manuod. Kakaumpisa lang oh." Tuloy na pagsusuyo nito.
"Nagbabasa ako, Nay." Maiksing sagot ni Sadie.
"Ibaba mo muna iyan, Anak. Halika, dumito ka sa tabi ko. Ngayon nalang ulit tayo makakapanuod ng pelikula." Ulit ni Nanay.
Hindi muli sumagot si Sadie kaya nilapitan siya ni Nanay at hinila ang libro na agad namang nabawi ni Sadie.
"Nagbabasa nga, Nay. Manuod ka nalang mag-isa dyan." Kunot ang noo ni Sadie nang siya'y magsalita.
"O-okay, Anak." Aniya.
Pababa ay napansin na ako ni Nanay kaya nalipat na saakin ang atensyon niya.
"Sari. Tinanghali ka na. Kain na. Ayan ang ulam sa mesa." Tumango lamang ako at dumiretso sa banyo.
Paglabas ay kumain na rin ako dahil kumakalam ang tiyan ko, siguro ay tinamaan na ng gutom. Mabilis ako natapos kahit sa pag-ayos ng mga pinagkainan.
"Mamaya ay mamamalengke ako dahil naubusan na tayo ng mga sangkap at iluluto." Sabi ni Nanay.
"Ako nalang, Nay. Huwag kana lumabas." Prisinta ko dahil wala rin naman akong gagawin sa bahay.
"H-hindi, Sari. Ako nalang." Hindi ko maipaliwanag ang itsura ni Nanay noong sumagot siya.
"Ako na, Nay. Sabihin mo nalang sakin ang mga bibilin at ako na ang mamamalengke." Tugon ko habang nagpupuno ng tubig sa pitsel.
Hindi sumagot si Nanay kaya napatingin ako sa banda niya. Mukha siyang nag-iisip at hindi mapakali.
"Sige na, Nay. Bigay mo nalang sakin ang listahan." Sabay ngiti ko. Ilang sandali pa ay napapayag ko narin si Nanay.
"S-sige, Anak." Kumuha ito ng papel saka isinulat ang mga kailangan. Habang ginagawa niya 'yun ay naisipan kong maligo na muna.
Nasa loob na ako ng banyo at habang dumadaloy ang malamig na tubig sa katawan ko ay napaisip ulit ako kung kumusta na kaya sa bahay nila Ithuriel? Ayos na kaya ang mga magulang niya?
Ilang sandali pa akong nagtagal sa pagligo at agad namang nagbihis pagkatapos.
Nagsuot lamang ako ng itim na blouse at shorts dahil sa palengke lang naman ako pupunta.
Pagbaba ay ibinigay na saakin ni Nanay ang listahan ng mga bibilin at nag-abot ng pera. Mga gulay at karne ang bibilin ko kaya nagdala na ako ng bayong at payong panlaban sa init ng araw.
"Sigurado ka bang ikaw na, Anak?" Tanong muli ni Nanay.
"Oo naman, Nay. Ako naman ang laging namamalengke, hindi ba?" Lumunok siya saka naman tumango.
"T-tama. Oh siya, humayo ka na." Ngumiti lamang ako at sumulyap sakanila ni Sadie bago umalis. Sana naman ay magkasundo na ang dalawa.
Palabas ay muli kong naalala ang paghatid saakin ni Ithuriel sa bahay. Kung paano siya humingi ng tawad saakin kahit wala naman siyang kasalanan.
Habang lumalakad ako ay pasimple kong hinahanap si Ithuriel ngunit wala siya sa dalampasigan kahit sa bukirin.
Nakatapak na ako sa aspalto at sa kaliwang kanto ay do'n makikita ang palengke. Mabilis akong nakarating doon.
Madaming tao at nagkalat lahat ng mga Nanay na tila nagkukwentuhan pa habang namimili. Rinig ang ingay ng mga tindera habang isinisigaw ang kanilang mga paninda.
"Beh! Bili ka na dito. Sariwang sariwa pa ang mga gulay ko. Dito ka na." Aya saakin ng isang babaeng mukhang nasa edad bente pataas.
"Naku! Dito nalang, ganda! Mas hamak na okay ang pechay ko diyan kay Cheche! Mataas pa magpresyo 'yan." Sabi naman ng katabi niyang lalaki na puno ng kolorete ang mukha. Mukhang ka edad niya rin.
"Hoy, Karding! Shoklang 'to, wala kang pechay sa totoong buhay!" Sabay tawa nito.
"Hoy din, Cheche! Hindi Karding! It's Kardi. Ano naman kung walang pechay sa totoong buhay ako naman ay hindi mukhang julalay!" Magkaibigan naman pala silang naglolokohan kaya nakitawa na rin ako.
"Sige po, bibili na lang ako pareho sa inyo." Sagot ko habang naaaliw sa pagtatalo ng dalawa.
"'Yan ang gusto ko sa iyo, beh! Sige na't pumili ka na." Hinati ko ang pagbili sakanila. Lahat ng berdeng gulay ay binili ko do'n sa Karding at ang mga iba naman ay do'n kay Cheche.
Habang lumalakad ako sa basang sahig ng palengke ay may nakita akong batang babae sa hindi kalayuan. Nakabestida itong kulay rosas at pig tails. Nakatayo siya at hindi tumitigil sa pag-iyak.
"Bata, anong pangalan mo? Bakit ka umiiyak?" Nilapitan ko siya at umupo ako upang pantayan siya.
"Amy po. Si Tatay po kasi. Hindi ko na makita. Iniwan niya po ako sa isang tabi, ang tagal niya po kaya hinanap ko na siya." Panay ang tulo ng luha ng bata habang hinahabol ang paghinga.
Napangiti ako ng mapait. Bigla kong naalala ang sarili ko sakanya noong sinasama ako ni Tatay sa pamamalengke niya noong buntis si Nanay.
"Sari. Panigurado magugustuhan ni Nanay mo ito." Ang ngiti ni Tatay ay sobrang laki habang tinuturo ang hawak niyang ubas.
"Tama iho at ibigay ko nalang sayo ng mas mura basta bumili ka na. Gusto ko na rin kasi makauwi, inaantay na ako ng mga anak ko sa bahay. Sige na, Iho." Sabi ng matandang tindero na mukhang pagod at init na init na sa pwesto niya.
"Kanina ka pa dito, Tay?" Patuloy na sinusuri ni Tatay ang mga paninda ng matanda.
"Oo, Iho. Kaninang madaling araw pa at nanakaw pa nga ang kinita ko kanina. Ang sama ng loob ng mga iyon. Hindi man lang makonsensya na matanda at pamilyado ang ninakawan nila." Sambit nito habang nagpupunas ng pawis sa noo.
"Sige Tay, papakyawin ko na lahat." Biglang nagliwanag ang mata ng matanda. Makikitang nabuhayan ng loob at sabik ng makita ang mga anak.
"Totoo??" Hindi pa rin ito makapaniwala at halos yakapin pa si Tatay nang makapagbayad na ito.
Pagtapos no'n ay bumili na si Tatay ng pang-ulam at hindi na ako sinama sa loob para din mabilis siyang makakilos.
"Dito ka lang, Sari. Huwag kang aalis sa kinatatayuan mo. Babalik din ako." Aniya.
Sumunod naman ako ngunit ang tagal niya at naiinip na ako sa kinatatayuan ko. Unti-unti ay binalot ako ng takot dahil kanina pa siya hindi bumabalik.
Nagsimula akong maglakad at maghanap hanggang sa naligaw na ako. Sigaw ako ng sigaw habang umiiyak. Pakiramdam ko ay kukunin ako ng masamang mama na hindi ko naman kakilala nang biglang may kumarga saakin mula sa likod.
Pagharap ko ay nakita ko si Tatay.
"Sari. Hindi ba sinabi kong huwag kang aalis? 'Pag sinabi kong babalik ako babalik ako. Magtiwala ka kay Tatay." Pinunansan niya ang luhang nag-uunahan sa pagpatak sa mukha ko, halatang nag-alala din sa nangyari.
"S-sorry, Tay." Yinakap ko siya sa leeg ng sobrang higpit. Takot na maligaw ulit at maiwan ni Tatay.
Nabalik ako sa reyalidad ng yumakap ang batang babae sa leeg ko. Iyak pa rin siya nang iyak.
"Ssh, tahan na, Amy. Hahanapin natin ang Tatay mo." Tumayo ako at hinawakan ang kamay niya habang nagtatanong tanong kami sa mga nagtitinda. Mayamaya lang ay may dumating na lalaki. Ang tatay niya.
"Taaay!" Kumalas sa akin ang kamay ng bata at madaling tumakbo, yumapos sa Tatay niya.
"Naku, saan ka ba nagpupupuntang bata ka. Buti ay nakita kita. Wag mo ng uulitin 'yun. Kung saan kita iniwan, wag kang aalis do'n." Napatingin naman sakin ang tatay niya. Ngumiti lamang ako at tumango siya.
"Amy. Makinig ka sa Tatay mo ha. Pag gano'n, magtiwala ka sakanya at babalikan ka niya." Hinawakan ko ang ulo niya at tumango naman siya habang namumuo ang luha sa mata.
"S-salamat po, Ate." Nagpaalam na ako at bumili naman ng mga pang-ulam sa kabilang seksyon.
Mabilis akong natapos bitbit ang bayong na puno ng gulay at mga karne. Pauwi ay balak ko sanang daanan ang bahay nila Ithuriel dahil wala namang masama kung aalamin ko ang kalagayan nila ng mahagip ng paningin ko si Miko. Ang batang tumawag kay Ithuriel kagabi.
"Miko!" Sigaw ko.
Agad naman siyang lumingon at lumapit papunta saakin.
"Kumusta na sa bahay ng Kuya Ithuriel mo?" Tanong ko. Nagkamot naman siya ng ulo.
"Wala pong balita Ate, eh. Sarado po bahay nila kaninang umaga. 'Di ko din po nakita sa labas si Kuya ngayong araw." Nagkibit ito ng balikat at tumakbo na pabalik sakanila.
Dahil sa narinig ko ay dinaanan ko na ang bahay nila. Tama nga si Miko. Sarado at mukhang walang tao sa loob. Nasaan kaya sila?
Sandali pa akong naghintay do'n baka sakaling dumating si Ithuriel pero wala. Napagpasyahan ko na tuloy umuwi.
Habang binabaybay ang daan saamin ay nakasalubong ko si Tata Melencio.
"Sari! Kinamusta mo na ba si Ithuriel?" Tanong nito.
Agad namang kumunot ang noo ko.
"Po? Bakit po? Ano pong meron?" Bigla naman itong napahawak sa batok niya.
"Naku. Hindi mo pa ba alam? May pumuntang kapulisan sa bahay nila kagabi. Hanggang ngayon yata ay wala pang nakakakita sa kanilang pamilya." Tuloy-tuloy nitong sabi.
"H-hindi ko po alam." Hindi ako makapaniwala sa narinig ko. Anong nangyari? Bakit may kapulisan?
"Sige na't mauna na ko sa'yo, Sari." Tinapik ako sa balikat ni Tata Melencio habang ako ay naiwang nakatayo.
Hindi naman kami gaano pang magkakilala ni Ithuriel, gusto ko lang siya makumusta dahil sa nangayari kagabi.
Pero ang malamang may sumundong kapulisan sa bahay nila ay sadyang nakakabahala.
Pumasok na ako sa bahay at tulalang ipinatong ang mga napamili sa mesa ng salubungin ako ni Nanay.
"Anak, Sari. Mukhang hindi na ata talaga ako papansinin ni Sadie. Nakakulong siya ngayon sa kwarto niya dahil nasampal ko siya kanina." Bagsak ang itsura ni Nanay habang ako ay nagulat naman sa narinig ko.
"Bakit mo nasampal, Nay!?" Kahit kailan ay hindi kami napagbuhatan ng kamay ni Nanay. Ngayon lang at kay Sadie pa.
"Kinakausap ko siya ng mabuti, Anak. Parang hangin lang ako sa tabi niya. Ilang pagsuyo pa ba ang kailangan ng kapatid mo, Sari? Pilit kong ginagawang mabuti ang buhay natin dito pero bakit parang ayaw niya akong pag bigyan? Hindi ko sinasadyang pagbuhatan ng kamay si Sadie, hindi ako gano'n." Napatakip ng bibig si Nanay at agad namang naluha.
"Pero kanina ay sumagot siya, wala daw akong kwentang ina sainyo, Sari." Hindi ko alam ang sasabihin ko ngunit parang mali naman si Sadie dito. Hindi niya dapat tratuhin si Nanay ng ganito.
Pinapanik ko na si Nanay para magpahinga sa taas matapos niyang maglabas ng sama ng loob saakin.
Mayamaya ay nakita ko si Sadie na bumababa sa hagdan.
"Sadie." Tawag ko dito.
Tumingin ito ng para bang walang gana.
"Halika. May itatanong lang ako." Tumabi ito saakin ngunit nag-iiwas ng tingin.
"Anong problema? Anong bang nangyayari?" Hindi mataas ang tono ko at hindi naman siya kumibo.
"Bakit nagkakaganito kayo ni Nanay?" Nakita ko ang paglunok niya at unti-unti namang namuo ang luha nito sa mata.
"Tanungin mo si Nanay." Yinakap ko ito at hinalikan sa ulo.
"Sadie, kung may problema sabihin mo sa Ate. Tatlo nalang tayo. Ganito pa ba ang mangyayari saatin?" Mahina kong bulong sakanya at nagpigil ng luhang nag babadya.
"Ate. Alam ko pero ikaw nalang ang magtanong kay Nanay." Kumalas ito sa pagkakayakap ko at pumanik sa taas.
Mag-isa ako sala, nag-iisip kung anong nangyayari sa buhay naming tatlo ng may kumatok sa pinto.
"Tao po." Tinig ng binatang lalaki ang narinig ko saka ko binuksan ito.
"Ano po 'yun?" Nagtataka ako at napatingin sa hawak nitong brown na envelope.
"Pinaaabot lang po. Kay Veron daw po ito. Andiyan po ba siya?" Kumunot ang noo ko at bago pa ako makasagot ay may nagsalita na sa likod ko.
"O-oo. Andito. Ako si Veron." Agad namang inabot ng binata kay Nanay ang hawak nitong envelope at umalis.
Sinara ko ang pinto at tumingin kay Nanay.
"Ano iyan, Nay?" Pagtataka ko.
"Sweldo ko ito. Sa panakanakang trabaho ko sa kabilang baryo." Mabilis na sagot nito.
"Hindi po ba matagal ka nang hindi pumapasok do'n?" Napatingin siya saakin.
"Ah ito kasi ang huling sweldo ko na hindi naibigay nun." Bigla naman itong lumakad papuntang banyo.
"Sumakit ang tyan ko. Sandali, Anak." Tumango naman ako at pumasok na siya do'n.
Hind ko na siya kinulit at nanuod na lamang ng telebisyon kahit na parang lumilipad ang utak ko sa mga nangyayari sa paligid ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top