Chapter 11
Kanina pa kami tapos kumain at nagpalipas na rin ng oras dito si Ithuriel— nakikinig sa mga kwento ni Nanay.
Kakakilala lang ni Nanay sakanya ngunit mukhang marami rami na siyang naikwento dito.
Alas Kuatro na at baka may gagawin pa ang isang 'to sakanila kaya naman siniko ko siya habang titig na titig kay Nanay. Mukhang nag-aabang pa ng panibagong kwento.
"Bakit?" Lingon niya saakin.
"Anong oras na." Ngumuso ako sa orasan malapit sa hagdanan namin.
Matagal itong 'di sumagot pero tumango din naman siya.
"Nay. Uuwi na si Ithuriel." Tumayo na kami sa kinauupuan namin at tumango naman si Nanay.
"Ay oh sige. Salamat ulit ha. Ithuriel, ang kinuwento ko atin lang iyon ha." Sabay tango ni Nanay na para bang close na close na sila.
"Sige po. Tuloy na po ako." Tumawa naman si Ithuriel dahil silang dalawa lang ang nagkakaintindihan.
Sinamahan ko siya hanggang makalabas kami sa bakuran.
"Ano 'yun?" Tanong ko. Tumingin lang siya at nagkibit ng balikat.
Hindi na ako nangulit nang bigla siyang magsalita.
"Mahal na mahal ng Nanay mo ang Tatay mo." Mahinang bulong nito.
Patuloy kaming naglalakad hanggang sa madala ang paa namin sa dalampasigan.
Malamig ang simoy ng hangin at papalubog pa lang ang araw. Ang huni ng ibon ay rinig na rinig gaya ng agos ng tubig sa karagatan.
Huminto kami sa kahoy na ginawang mahabang upuan malapit sa kubo na pinuntahan namin no'n saka umupo.
May distansya pa rin sa gitna naming dalawa.
"Mahal ng lahat si Tatay. Kahit sila Tata Melencio ay hindi siya makalimutan." Tipid akong ngumiti habang pinapanuod ang dagat.
"Mabait kasi 'yun. Hindi ko rin masisisi si Nanay kung bakit tuwing naaalala niya si Tatay, umiiyak siya. Gano'n din kasi ako." Tumawa ako ng bahagya.
"Kahit bata pa ko nung huli kong makasama si Tatay, parang kahapon lang. May alaala kasi siya sa lahat ng bagay. Gano'n kasi 'yun, lahat ng bagay importante sakanya. Lahat pinapaliwanag niya." Dagdag ko.
Tahimik lang sa tabi ko si Ithuriel at nakikinig.
"Alam mo ba noong ipinagbubuntis ni Nanay si Sadie, yung nakababata kong kapatid. Emosyunal 'yan si Nanay. Ewan ko, sabi ni Tatay ay hindi naman siya gano'n nung ako ang pinagbubuntis niya. Kaya nga siguro si Sadie ay mataas rin ang emosyon. Pareho sila ni Nanay." Napayuko ako ng maalala nanaman na hindi sila magkaayos ngayon.
"Nakita ko kung paano aluin ni Tatay si Nanay kapag nagigising ito sa madaling araw. Gano'n kasi siya nung pinagbubuntis niya si Sadie. Nagising ako no'n sa boses ni Nanay kasi katabi lang nila ako matulog. Sa pagkakaalala ko, natatakot si Nanay na baka daw hindi pa siya handa para sa ikalawang anak. Na madami pa siyang hindi alam bilang ina." Tipid akong ngumiti.
"Tumulo na kaagad ang luha niya at kahit antok pa no'n si Tatay, nakita kong bumangon siya at tinitigan si Nanay sa mata. Sinabi niyang dalawa silang haharap sa mundo at kung may pagkukulang man ang isa't isa ay pupunan nilang dalawa yun. Sabik na sabik si Tatay makita si Sadie." Tinupi ko ang dalawang binti ko at pinatong ang braso ko dito.
"Kaso bago pa maipanganak si Sadie ay namatay si Tatay. Hit and run. Nang mabalitaan ni Nanay 'yun ay halos mapaanak siya. Parang gumuho ang mundo niya. Mali, gumuho pala talaga. Hanggang ngayon dala-dala namin ang piraso ng pagguho na 'yun. Ang mundong dapat haharapin nila ng magkasama, 'di na nakita." Tumingin ako sa langit at pumikit habang dinadama ang hangin.
Pagdilat ko ay nakatitig lamang sakin si Ithuriel. 'Di umiimik ngunit parang may gustong sabihin ang mga mata niya.
"Ikaw? Anong kwento mo?" Tanong ko.
Dumiretso ang tingin nito sa dagat, mukhang nag-iisip.
Naghintay lang ako, nakikinig sa paghinga naming dalawa. Tahimik, walang ingay.
"Sa sabsaban." Napatingin ako ng magsalita siya.
"Do'n raw ako iniwan. Kinupkop ng pamilya ni Matias ng labag sa loob nila." Hindi tumatama ang mata saakin ni Ithuriel.
"Lumaki ng pinapatuyan ang sarili. Na 'di sila nagkamali sa pagkupkop." Ngumiti ito ngunit iba ang pinapakita ng mata niya.
Wala ng kumibo matapos niyang magsalita. Ilang oras kaming gano'n lang. Kumportable sa presensya ng isa't isa.
'Di nagtagal ay dumilim na. Bukas na ang string lights sa mga puno ng may marinig kaming tumatakbo papalapit saamin.
"Kuya! Kuya!" Napalingon kami ng sabay sa batang lalaking tumatawag kay Ithuriel.
"Bakit, Miko?"
"Sa bahay niyo po. Nagkakagulo." Agad namang tumayo si Ithuriel at sumunod ako. Binaybay namin ang daan papunta sa bahay nila.
Tulad ng saamin ay gawa rin ito sa kubo't kahoy. Ang pinagkaiba lang ay walang halaman ang bakuran nila.
Agad kong nasilayan ang grupo ng lalaki na nakapaikot sa labas ng bahay nila nagsisigawan habang nag-iinuman.
Si Matias ay nasilayan ko din, mukhang langong lango sa alak.
"Punyeta ka talaga, Agripino! Wala ka nang ginawang mabuti puro ka nalang alak at babae! Wala ka na ngang tulong sa bahay, pasakit ka pa! Putang ina mo, gusto kitang kalbuhin!" Sigaw ng babaeng bumubuga ng sigarilyo habang nasa loob ng bahay nila Ithuriel. Tinutulak nito sa labas ng pinto ang isang lalaki.
"At bakit, Matiana? Ikaw ba ay may ginawang mabuti? Pareho tayo dito. Eh malandi ka ding babae ka, sino nga ulit yung kasama mo kahapon? Si Eduardo? Sino 'yun? Wala kang kwenta. Isa kang pokpok. Huwag mo kong pangaralan ha? Naiintindihan mo? Naiintindihan mo ba?!" Bigla namang hinablot sa buhok ng lalaki ang babae. Sinasabunutan niya ito.
"Bitawan mo ko! Hayup ka! Napakagaspang ng ugali mo. Tamang hinala! Ikaw ang puro bisyo at kalokohan diyan at sakin mo pa isisisi!? Lumayas ka na dito! Hindi ka namin kailangan!" Pilit kumakawala at lumalaban ang Nanay nila Ithuriel ngunit masyadong malakas ang pwersa ng Tatay nila para dito.
"Tay! Tama na 'yan!" Lumapit si Ithuriel ngunit pinigilan siya ni Matias.
"Oh, 'wag kang pumapel. Away mag-asawa 'yan. Asawa ka ba?" Bigla namang nagsitawanan ang mga kasama nitong umiinom.
"Hindi mo ba nakikitang sinasaktan na ang Nanay mo?" Tinulak ni Ithuriel si Matias at umupo namang muli ito sa kinalalagyan niya.
"Huwag kang makialam dito, Ithuriel. Mapapatay ko 'tong babaeng 'to! Subukan mo at pati ikaw madadamay. Gago kang ampon ka." Patuloy pa rin sa pagsasakitan ang magulang ni Ithuriel bago niya tuluyang mapabitaw ang Tatay niya sa Nanay niya.
"Umayos ka, Matiana. Ulitin mo 'yan at hindi lang 'yan ang aabutin mo." Halos ibalibag ng Tatay nila Ithuriel ang Nanay nila sa loob ng bahay na para bang gamit lang ito.
Pumasok si Ithuriel sa bahay. Inasikaso ang Nanay niya na ngayon ay nakasalampak sa sahig habang nag-iiiyak.
"Oh, sino itong magandang binibining ito?" Nanigas naman ako sa kinatatayuan ko nang lumipat ang tingin saakin ng Tatay nila.
Pati sila Matias ay napatingin na rin sa gawi ko.
"Sari. Ikaw ba 'yan?" Tanong ni Matias habang kumakaway. Ang mga katabi naman niya ay naghampasan pa, dumila at umakto pa ng kabastos bastos sa harap ni Matias.
Kadiri.
"Babae mo ba 'to, Matias? Bakit hindi mo pasamahin saatin at patikimin ng langit este ng pulutan?" Nagtawanan ang mga ito. Halos hindi ako makagalaw lalo na nung lumapit si Matias.
"Halika, Sari." Nakangisi ito at amoy na amoy ko ang alak sa hininga niya.
Bago pa ako tuluyang mahatak ni Matias ay dumating na si Ithuriel.
"Bitaw." Mariin na pagkakasabi nito.
Ngumisi si Matias at dahan dahang binitawan ang kamay ko.
"Sabi mo eh." Bumalik na ito sa pagkakaupo at saka lamang ako nabalik sa reyalidad nang hawakan ako sa balikat ni Ithuriel.
"Sari. Umuwi ka na." Tinignan niya ako ng diretso sa mata. Wala akong makitang reaksyon. Blangko lang.
"Kailangan mo nang umuwi." Ulit nito ngunit hindi pa rin ako makasagot. Gulat sa mga nasaksihan ko.
"Ihahatid kita." Sabi niya na para bang wala akong karapatan humindi. Sinabayan niya ako sa paglakad. Tahimik lang. Walang masabi.
Hindi ko lubos maisip na lumaki siya sa ganoong paligid. Ang bastos at bayolente.
Iba si Ithuriel. Wala akong makitang gano'n sa parte niya. Malayo. Ibang iba. O hindi ko pa siya gano'n kakilala? Hindi ko alam.
Nang makarating kami sa bahay ay saka lamang ako humarap sakanya.
"Sorry." Maikling sambit niya bago sumulyap sa mata ko. Tumalikod na agad ito saakin at hindi man lang hinintay ang sagot ko sa sinabi niya.
Bakit siya humihingi ng sorry? Hindi naman niya kasalanan na nasaksihan ko 'yun.
Pumasok na ako sa bahay at hindi na naghapunan dahil pakiramdam ko ay hindi naman ako nagugutom.
Si Sadie ay nasa kwarto na niya. Si Nanay ay tulog na, nagpapahinga na rin.
Pumasok na ako sa kwarto ko at naupo sa kama. Tulala lang habang iniisip ang kalagayan ni Ithuriel.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top