Kabanata 9
NAGING magaan ang trabaho ko sa hardware store. Nagre-record sa computer ng mga delivery, receipts at inventory. Madalas din akong tumayo sa counter kapag naka-break or dayoff ni Ate Raquel o kung may iba siyang ginagawa. Tumutulong din ako sa pagre-restock ng mga produkto.
Bukod sa magagaang trabaho, magaan ding kasama ang mga ka-trabaho ko mismo. Puro tawanan nga lang kami kapag nagkaka-kwentuhan, syempre kapag walang customer. Lalo kapag kausap ang mga lalaki na magagaling magpatawa.
Bunso rin kung ituring nila ako rito. Ako kasi talaga ang pinakabata sa kanila. Nasa mga mid-twenty's na silang lahat. Noong maka-isang linggo nga ako rito ay inaalalayan pa rin nila ako sa trabaho. Sobrang supportive nila at para bang proud na proud noong malaman nila na working student ako. Hindi rin kasi nakayapak ng kolehiyo ang halos lahat sa kanila. Si Ate Raquel lang at nakakalungkot na hindi rin nakatapos. At ang dahilan nila ay nakakabit din sa akin: mahirap ang buhay.
Kaya siguro ganoon na lang ang paghangang ipinakikita nila sa akin. Kasi nagagawa kong itaguyod ang pag-aaral ko sa kabila ng kahirapan. Ipinaparamdam nila sa akin ang tuwa at pagka-proud. Nangingiti na nga lang ako kapag ganoon sila at masasabing, "Good job, self." At proud din syempre sa sarili ko. Kahit pa minsan kino-kwestyon ko pa ang ganoong desisyon ko sa buhay. Kung tama ba ang mga ginagawa kong ito kasi kumikilos ako ng hindi nalalaman nila nanay at kuya. Kumikilos ako kahit alam kong ikakagalit nila. Pero kapag naririnig ko ang mga positibong salita nila, parang inuudyukan ako niyon na isipin na okay lang ang lahat ng 'to. Dahil para sa akin naman itong mga ginagawa kong ito.
But that was a few weeks ago. Mabilis nagbago ang lahat. Ang kapayapaan sa pagta-trabaho ko roon ay nahaluan ng mga hindi magagandang pangyayari dahil may mga kabutihan na napapalitan na lang bigla ng galit.
"Oy, ayusin mo daw ito."
Ibinagsak ni Ate Cathy ang nagkakapalang resibo sa lamesa na nasa harapan ko. Huminga muna ako ng malalim at pilit na ngumiti saka nag-angat ng tingin sa kanya.
"Okay."
Magka-krus ang mga braso niya at nakahalukipkip. Nakataas din ang isang kilay at tikom na tikom ang bibig habang nakatitig sa akin. Baka kung anu-ano ring iniisip tungkol sa akin. Huwag naman sana na sinasabunutan na niya ako sa isip niya.
Nanatili pa siya sa kinatatayuan at parang wala pang balak na umalis. Naroon kasi ako sa kwarto na nagsisilbing opisina ni Sir Eaden kapag narito siya. Dito lang kasi may computer. At sa computer namang iyon ginagawa ang pagre-record ng mga daily inventory, delivery at sales.
"May sasabihin ka pa ba?" mahinahon kong tanong.
Wala namang itong sinabi. Tinitigan niya lang ako nang matalim, mayamaya ay inikutan niya ako ng mga mata at saka tinalikuran.
Napahinga na lamang akong muli ng malalim at napailing nang makalabas siya.
Hindi ko alam kung bakit naging mainit na lang bigla ang ulo sa akin niyan ni Ate Cathy. Okay naman kasi siya noong mga unang buwan ko rito. Tinuturuan niya pa nga ako ng pagre-restock ng maliliit na tools dahil noong una ay hindi ako pamilyar sa iba. Kapag weekends sabay kaming nagla-lunch. Palagi niya rin akong kinu-kwentuhan ng tungkol sa buhay niya at mga kasamahan namin. Pero nagulat na lang ako isang araw na iba na ang pakikitungo niya sa akin.
Dumalas ang mga araw na nakikita ko ang masasama niyang tingin sa akin. Madalas niya akong pasaringan kapag kaming dalawa lang. Kapag nagre-restock siya at tutulong ako, itataboy niya ako o hindi naman kaya ay iiwan na lang sa akin ang mga gawaing iyon. Hindi na siya sumasabay sa aking maglunch at hindi na nakikipag-usap sa akin.
Ang problema lang, hindi ko alam kung bakit naging ganoon na lang siya bigla at hindi ko alam kung saan nagmula ang galit niya. Hindi ko na lang pinapansin dahil hindi naman niya idinadaan sa pisikal ang inis niya sa akin pero syempre nalulungkot din ako na bigla na lang nagbago ang pagkakaibigan namin.
Dinadaanan na lang ako minsan ng hiya kapag nandiyan siya. Inaalala ko kung may nagawa ba akong mali sa kanya para maging ganoon na lang bigla ang pakikitungo niya pero wala talagang pumapasok sa utak ko. Okay naman kasi kami pero isang araw ay bigla na lang nagbago ang lahat.
Muli akong napahinga nang malalim saka kinuha ang mga dinala niyang papel. Tinapos ko na muna ang pagre-record ng mga bagong deliver kanina saka isinunod ang pagre-record ng mga receipts na ibinigay naman ni Ate Cathy. Inabot din ako ng isang oras doon, eksaktong out ko.
Tumayo na ako at inayos ang mga papel saka iyon inilagay sa mga cabinet kung saan dapat ilagay. Pagkalabas ko ng opisina ay eksaktong dumaan si Ate Cathy. Hindi rin yata niya ako napansin kaya naman nagkabunguuan kami.
Napaatras ako. Mabuti na lamang at nakahawak ako sa hamba ng pinto at hindi tuluyang tumaob.
"Aray ko, ano ba!" malakas na daing niya.
"S-Sorry."
"Ayaw kasing mag-iingat. Bwisit kahit kailan sa buhay ko."
Matalim ang mga mata na tinitigan niya pa ako saka siya nagpatuloy sa paglalakad. Nasundan ko siya ng tingin nang dumiretso siya sa isang pinto na naroon sa dulo ng opisina, naroon ang comfort room.
Muli na lang akong napabuga ako ng hangin at nailiing.
Ini-lock ko na ang pinto ng opisina at ibinigay ang susi niyon kay Ate Raquel. Nagpaalam na ako na uuwi na. Hanggang alas otso pa bukas ang hardware kaya naman mayamaya pa sila makakauwi.
"Uuwi ka na?"
Nalingunan ko si Kuya Jay sa aking tabi. Malapad ang ngiti nito. Bumaba ang tingin ko sa kamay niyang umakbay sa akin. "Oo, kuya." Pilit ang ngiti na sinagot ko ang tanong niya habang pasimpleng umaatras. Naiilang pa rin kasi ako kapag umaakbay siya sa akin. Sanay kasi akong si Tatay at Kuya Gerald lang ang gumagawa niyon sa akin. Wala naman kasi akong kaibigang lalaki para masanay sa ganoong gesture.
"Mauna na ako, ate," muling paalam ko kay Ate Raquel.
"Sige. Ingat, ha," aniya na hindi man lang nag-aangat ng tingin. Abala kasi siya pagko-compute ng kung ano.
"Ingat, Gi," ani Kuya Jay na kumaway pa.
Tanging ngiti lang ang sagot ko roon at saka nagmamadaling lumabas. Saglit lamang ang pinaghintay ko dahil may dumaan na ring jeep.
"Ano sa palagay mo ang dahilan kapag nagalit na lang ako sa 'yo bigla kahit okay naman ang relasyon natin?" tanong ko kay Olivia nang hindi na ako makatiis. Kanina ko pa kasi gustong hingin ang sagot niya roon. Kaya naman pagkaalis ng professor ay hindi na ako nagpaligoy-ligoy pang muli.
Agad nanghaba ang nguso niya at naningkit ang mga mata. "May nagawa akong mali sa 'yo?"
Ako naman ngayon ang naningkit ang mga mata. Muli kong inisip kung may nagawa nga ba talaga akong mali kay Ate Cathy. Ilang araw ng iyon ang laman ng isip ko at hindi na ako mapakali. Nitong mga nakaraang araw kasi ay parang mas dumadalas na ang pagiging mainit ng ulo niya sa akin.
Napailing ako. "Wala, eh. Hindi ko maalala kung may nagawa akong mali. Pero parang wala kasi talaga."
Itinigil niya ang pagdutdot sa cell phone at tuluyan akong hinarap. "Teka, sino ba 'yan?"
"'Yong isang katrabaho ko."
"Oh, eh, bakit? Inaaway ka?" masungit na niyang tanong. Para bang kapag sumagot ako ng oo ay susugod na lang siya roon bigla.
"Hindi naman. Pero hindi na niya ako kinakausap kasi," may halong pagsisinungaling na sagot ko. "And it bothers me."
"Hmm." Nangalumbaba siya. "Lalaki ba 'yan? Kasi kung lalaki baka gusto ka niya at nahihiya?"
Napangiwi ako. "Hindi. Hindi lalaki."
"So, babae?"
Tumango ako.
"Wala kang maisip na kasalanan mo dahil wala ka namang ginagawa para magalit siya, right?"
Tumango ulit ako.
"Baka naman may nagawa kang mali, hindi mo lang alam na pagkakamali 'yon? I mean, para sa kanya mali pero para sa 'yo wala lang? Parang gano'n. Gets mo?"
"Oo, gets ko." Napaisip ulit ako. "Possible. Pero... ano bang maaari kong magawang mali sa kanya na hindi naman talaga pagkakamali para sa akin?"
"Aba, malay ko sa inyong dalawa. Bakit hindi mo na lang siya tanungin?"
"Nahihiya ako, eh." At natatakot. Sa talas ba naman ng tingin no'n, baka kapag kinausap ko 'yon sunggaban na lang ako bigla.
"Kesa naman namo-mroblema ka. Alam mo, kausapin mo na. Kasi kapag pinatagal mo pa nang pinatagal mas lalo ka lang mahihiya at mas mahihirapang kausapin siya hanggang sa hindi mo na lang magawa. Saka para rin matuldukan na at masagot ang kung ano mang hindi ninyo pagkakaunawaan."
Napalabi ako. Sa ilang beses kasing nagtangka akong gawin ang katulad ng sinabi niya ay tumitiklop ako.
"Ikaw ba, ano bang pwede kong maging kasalanan sa 'yo na darating sa puntong hindi mo na ako magagawang kausapin?"
"Wala, eh. Wala akong maisip," sagot niya pagkatapos ng ilang segundong pag-iisip.
"Ows?"
"Siguro kapag... inagaw mo ang boyfriend ko?"
Malakas akong natawa. Agad niya naman akong inikutan ng mga mata.
"I know it's impossible dahil mukhang wala kang trip sa boys at mukhang girls pa yata ang trip mo-"
"At wala kang boyfriend," natatawang sabi ko at hindi pinansin ang panunukso niya.
"Tse ka!" pagtataray niya at maarteng nagdekwatro ng mga binti. "So, iyon nga. Kapag halimbawang nang-agaw ka ng boyfriend ko." Nakanguso siyang tumango. "Yes, iyon lang talaga 'yong naiisip kong mabigat na magiging kasalanan mo sa akin."
"Don't worry hindi 'yan mangyayari."
"Why? Cause you're not interested with boys?"
"Nope. Dahil hindi ko maatim na gawin sa 'yo 'yon, 'no."
"Hoy, huwag kang magsalita ng tapos. Paano kung sobrang attractive ng maging boyfriend ko in the near future at ma-inlove ka sa kanya?"
Nakangiwi akong nailing. "Never, Liv. Never."
Natanggal ang pagkakapatong ng isang hita niya sa isa pa. Inilapit niya pa ang katawan sa akin. Nakangiwi na animo'y nandidiri.
"Tanong lang ito bilang isang nagmamalasakit na kaibigan. Tibo ka ba, ha, Gi?"
Natitigan ko siya. Hindi ko akalaing itatanong niya ang tungkol sa bagay na iyon. Kasunod ay isang malalim na buntong-hininga at saka siya tinalikuran. Pero mapilit siya at hinila pa ang braso ko para maiharap muli ako sa kanya.
"Ano nga? Alam mo kasi everytime na may nakikita tayong gwapo parang hindi ka man lang nakakaramdam ng paghanga. Ni hindi ko nakitang nagpuso-puso 'yang mga mata mo. Tapos remember last last week no'ng may nagpakilala sa 'yo na Business Ad's student? Tinalikuran mo lang? Haler! Seriously, Gianna Lopez? Ang gwapo kaya no'n ni... ni... ano ngang pangalan no'n? Ni Jap? Jam? Ah, basta! Hindi ka man lang interesado sa kanya?"
"Hindi," tipid kong sagot.
"At ano? Tibo ka nga?"
"Hindi rin."
"Eh, ano?"
"Hindi lang ako interesado."
"Kay Jap?"
"Sa lahat ng lalaki."
"What? Why."
"Basta. Ayoko sa kanila."
"So, you hate boys?"
"Hindi ko sinabing hate ko ang mga lalaki."
"I don't get it. Ayaw mo sa mga lalaki pero hindi mo sila hate. Eh, gaga. Tagalog at english pareho lang ang meaning no'n."
Napahinga ako ng malalim. Seryoso ang mukhang hinarap ko siya. Tinaasan naman niya ako ng kaliwang kilay.
"Ayoko sa kanila pero hindi ko sila hate. Meaning wala akong interes sa kanila. Hindi ko naiisip na mag boyfriend o kung ano man. Pero hindi ko sila hate."
Naroon pa rin ang nakataas niyang isang kilay pero para na niyong kinukwestyon ang mga sinabi ko.
"At bakit naman, sige nga?"
Nangunot ang noo ko. Hindi ko na alam kung paano pa ba iyon ipapaliwanag sa kanya.
"Hindi ba sagot na 'yon? Ayoko lang magboyfriend. Tapos."
"Pero hindi ka tibo?"
"Hindi nga. Kulit mo!"
"Okay. Suportahan kita sa kung ano mang gusto mo. Kung ayaw mo mang magboyfriend o kung tibo ka."
Nakapikit na napahinga akong muli nang malalim.
Ang kulit! Hindi nga sabi tibo. Bahala ka nga! sabi ko na lamang sa isip.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top