Kabanata 8
HABANG nag-aayos ako ng mga gamit ay patingin-tingin ako kay de Silva na nasa likod pa rin at nakikipaghuntahan pa sa ilang kaklase naming lalaki. Katatapos lamang ng klase namin at iyon na rin ang huling klase namin sa araw na ito.
"Hindi naman siguro nangti-trip lang 'yan, 'no?"
"Hindi naman siguro," sagot ko kay Olivia. Huwag naman sana.
"Kapag talaga 'yan nangti-trip lang at may kinalaman sa lalaking iyon. Nako! Nako! Madyo-dyombagan ko na talaga ang antipatikong 'yon."
Itinuon ko ang pansin sa aking bag at inayos pa ang pagkakalagay ng mga libro at notebook na kasisilid ko lang din doon.
"Wala naman siyang dahilan pa para gawin 'yon, Liv. Ilang linggo na rin naman noong huli kaming nagkita. Tsaka sapat na 'yong ginawa niyang pagpapatanggal sa akin doon sa convenience store. Sobra pa nga para sa sinasabi niyang fault ko."
Buntong-hininga na lamang ang narinig ko kay Olivia. Nanatili kami sa pagkakaupo at nahintay pa kay de Silva roon. Unti-unti ng nauubos ang mga kaklase namin hanggang sa tanging ako, si Olivia at ang grupo kung nasaan si de Silva na lamang ang naiwan. Nasa likuran pa rin ang mga ito at mukhang seryoso ang pinag-uusapan. Nasa sampung kalalakihan sila roon. May dumagdag pa kanina roon na pitong hindi ko kilala, marahil ay mula sa ibang course o year level.
"Baka may meeting sa basketball? Pero bakit wala ang captain?" ani Olivia na bakas ang pagtataka. Salubong ang mga kilay at naniningkit ang mga mata niya habang nakatingin sa mga kalalakihan.
Lumipas pa ang ilang minuto. Inabala ko na lamang ang sarili sa pagsusulat ng kung anu-ano sa likod ng notebook ko. Samantalang ang mga lalaki sa likod ay lumalakas na ang pag-uusap at ilang tawanan kaya naman nauulinigan na namin ang boses nila. At tama nga si Olivia na tungkol sa basketball ang pinag-uusapan ng mga iyon. Base sa ilang narinig ko ay magkakaroon sila ng tryouts para sa lower level para sa nalalapit na Intramurals.
"Tapos na yata." Kulbit sa akin ni Olivia.
Nilingon ko ang likod. Nagfist bump at kung anu-anong kamayan ang ginawa ng mga iyon bilang pamamaalam. Umalis na ang iba at tanging si de Silva at tatlong hindi ko nakikilala ang naiwan. Isinilid ko na ang notebook at isinukbit ang isang strap ng bag sa balikat ko nang makita ang paglalakad nila. Nauna na ang tatlong lalaki sa paglabas, samantalang sa gawi namin dumiretso si de Silva.
"Pasensya na natagalan. Nagkaroon lang ng kaunting meeting."
"Okay lang," nakangiti kong ani. Hindi ko alam kung paano siya tatawagin. Kung Dwight ba o de Silva na surname niya dahil iyon naman ang kinasanayan naming itawag sa mga kaklase. Sa huli wala na lang akong binanggit para hindi awkward.
"My brother actually have a small business. Mayroon siyang maliit na hardware store. May kalayuan nga lang dito at sasakay pa ng jeep."
"Okay lang sa akin, 'yon." Tumatango ko pang sabi. Gustong gusto kong mangiti dahil umaapaw na ang antipasyon na nararamdaman ko dahil sa wakas ay magkaka-trabaho na ulit ako.
"Okay. Naitawag ko na rin naman 'to sa kanya at sinabi kong may ipapasok akong kaibigan. Sasamahan na lang muna kita ngayon doon. Tamang-tama na naroon pa raw si Kuya kaya siya mismo ang kakausap sa 'yo. Kayo na rin ang mag-usap about other things."
Tumatango lang ako sa bawat sinasabi niya. Nang matapos sa mga sinabi ay nauna na itong lumabas. Tuwang tuwa pa kaming nagyakap ni Olivia at nasa ganoong itsura pa nang magtatalon.
"Masaya ka na?" nakangisi at nanunuksong tanong niya.
Malapad ang ngiti ko na tumango. "Masaya na."
Magkapulupot pa ang mga braso namin nang lumabas. Naabutan namin ang pagpapaalam ni de Silva sa tatlong lalaki.
"Sasama ka ba?" tanong ko kay Olivia habang nakasunod kami kay de Silva palabas ng university.
"Aba, oo. Mamaya niyan kung saan ka pa dalhin niyan," mahinang aniya.
"Sira ka talaga."
Sumakay kami ng jeep ni Olivia. Naka-motor naman si de Silva pero aniya ay nakasunod lang siya sa amin. Sinabi niya rin naman kung saan kami dapat bababa.
Nakarating kami sa sinasabi ni de Silva na small hardware store. Pero hindi naman iyon maliit. Malawak iyon at halos lahat yata ng kakailangan kung magpapagawa ka ng bahay ay naroon na.
"Doon tayo." Turo ni de Silva sa loob ng tindahan.
"Dito na lamang muna ako," sabi naman ni Olivia at nanatili sa pagkakatayo sa gilid ng pinto.
"Sumama ka na. Baka mangalay ka riyan," si de Silva.
Bumaling sa akin ang makahulugang tingin ni Olivia bago niya nilingon si de Silva. "Hindi na. Dito na lang ako. Baka makaabala pa ako sa pag-uusap nila."
"Sure ka?" sabay pa naming tanong dito ni de Silva.
"Okay lang. Sige na."
Binigyan ko pa siya ng nagtatanong na tingin, tumango lang siya at muli na akong itinaboy.
"Wait lang, ha," sabi ko pa bago ako tuluyang sumunod kay de Silva.
"Good luck! Hwaiting!" aniya pa habang nakataas ang dalawang nakakuyom na kamao.
May mga tiles na rin pala roon. Naka-display iyon sa gitna ng tindahan. Sa likod ng mga tiles ay may nakahanay na mga rack at shelves kung saan nakadisplay ang mas maliliit at mga heavy equipments.
Pumasok kami sa isang kwarto na nasa dulo. May isang office table sa dulo ng silid kung saan may nakapatong na isang computer. May malapad na cabinet din sa gilid ng lamesa. At sa gitna ng silid ay mayroong isang set ng sofa. Tanging isang mataas na halaman sa paso na nakalagay malapit sa table ang palamuti roon.
"Dito mo na lang daw hintayin si Kuya. Maupo ka muna. May kausap lang siyang customer sa labas."
"Salamat."
Tumango ito at lalabas na sana ng silid.
"G-Gio."
Nilingon niya ako. Umangat ang dalawang kilay.
"Thank you, ha."
Ngumiti siya at tumango. "Wala 'yon."
Nangiti na lang din ako. Nagpaalam siya at lumabas na. Humugot ako ng hangin at ibinuga iyon. Sinuklay ko pa ang buhok gamit ang kamay at hinila ang laylayan ng blouse. Tuwid na tuwid ang likod na umupo ako.
Ilang minuto lang ang lumipas ay muling bumukas ang pinto at iniluwa niyon ang isang matangkad na lalaki na kahawig na kahawig ng kalalabas lamang na kaklase. Kaya naman agad kong nalaman na iyon na ang kapatid ni de Silva.
Tumayo ako at binati ito ng magandang hapon.
"Good afternoon din. Maupo ka."
Dumiretso siya sa harapan ko. Magaan naman ang awrang nababasa ko sa kanya. Nakangiti na ito nang makita pa lamang ako kaya naman nabawasan nang sampung porsyento ang kabang nararamdaman ko.
"I'm Eadan, Gio's brother. Kaibigan ka ni Gio, right?"
"Yes po." Tumatango kong sagot. Mahigpit na magkahawak ang mga kamay ko na nasa ibabaw ng mga hita ko at tuwid na tuwid sa pagkakaupo. Parang kusang ipininta ang ngiti sa labi ko dahil hindi ko iyon maalis sa kabila ng nararamdamang kaba.
"Kanina niya lang itinawag sa akin na may ipapasok nga siya rito na kaibigan niya."
Thank you, de Silva! Thank you talaga!
"Do you have any available resumé or bio data?"
"Ah, opo. Mayroon po." Binuklat ko ang bag at kumuha roon ng isang resumé ko. Hindi talaga ako nawawalan niyon sa bag.
"Ow, you're a Mass Com student din pala. Classmate ka ba ni Gio?"
"Opo, sir."
"Hindi niya kasi nabanggit iyon kanina. Anyway." Ibinaba niya ang resumé at tiningnan ako. "Pwede kang maging stock clerk. Tuturuan ka na lang ni Jose at Cathy. Madali lang naman iyon. Iyon lang naman ang pwede mong maging trabaho dahil hindi ka pwedeng magbuhat ng mga hollow blocks."
Mahina akong natawa at tumango. "Opo."
"Ano pa ba?" Nakanguso siyang nangalumbaba at itinapik-tapik ang hintuturo sa kanyang labi. "What about computer? Marunong ka naman sa computer, 'di ba?"
"Opo, sir. Marunong po ako."
"You can help recording some inventories and receipts. Ayun, you can start tomorrow."
"Yes, sir. Thank you so much po, sir. Thank you po talaga." Tumutungo-tungo ko pang sambit.
"Good luck," nakangiting sambit niya.
Tanggap na ako? "Thank you po, sir."
Nauna siyang lumabas at agad kong sinundan.
"Jay!" tawag ni sir sa isang lalaki na naroon sa tabi ng counter at nakikipag-usap sa cashier. Agad naman itong lumapit sa amin.
"This is Gianna Lopez. A part timer. He's Gio's friend."
Nakaramdam ako ng pagkailang sa kung paano ako ipinakilala ni Sir Eadan. Para kasing nabibigyan ng importansya na kaibigan ako ng kapatid niya. Para bang sinasabi niya na "Be good to her, he's my brother's friend." Ganoon ang dating sa akin.
"Tulungan ninyo na lang siya, okay?" ani sir na tinapik ang balikat ng lalaki.
"Maraming salamat po ulit, sir."
"No problem."
Nagpaalam na si Sir Eadan dahil may pupuntahan pa raw ito. Tinanong naman ako ni Jay tungkol sa kung ano'ng oras ako maaaring makapasok. Ipinakilala niya rin ako kay Ate Raquel, ang cashier. Samantalang itinuro na lang ang ibang empleyado habang sinasabi ang pangalan ng mga iyon. At pagkatapos niyon ay pinakawalan na rin niya ako.
Nakita ko si Olivia at de Silva sa tabi ng motor ng huli na nakaparada malapit lamang sa gate. Nakaupo si Olivia sa motor habang nakatayo sa gilid niya si de Silva. Nakatalikod pareho sa gawi ko ang mga ito kaya naman hindi pa nila napapansin na papalapit ako.
"So, ikaw na ang captain dahil nagresign na si Aquino?" Naulinigan kong tanong ni Olivia.
"Malalaman pa sa Monday."
"'Yon bang antipatikong kasama mo sa extension room dati ay basketball player?"
Natigilan ako sa paghakbang nang marinig ang tanong na iyon ni Olivia. Nagsalubong ang kilay ko at agad napasimangot. Bakit ba kasi inaalam niya pa ang tungkol sa antipatikong iyon.
"Sa extension room? Kailan? Marami naman akong nakakasama doon."
"'Yong time na may napagalitan si Ma'am Dizon. After class may kasama kang dalawang lalaki sa labas. 'Yong isa nakatali ang buhok."
"Ah! Si Elion ba?"
"Elion ang nemesung no'n? Ganda, ha. Hindi bagay sa panget niyang ugali."
Mahinang natawa si de Silva. "Bakit? Kaaway mo 'yon?"
"Hindi ako kung 'di ang best friend ko. Siya kaya ang dahilan kaya natanggal si Gigi sa dati niyang work."
"Loko talaga 'yon."
Nang makita ko na naiiling si de Silva ay nahulaan ko na agad na maraming kalokohan ang antipatikong iyon. Mukha naman. Sa itsura pa lang no'n parang wala 'yong gagawing tama.
"So, player ninyo nga 'yon?"
"Hindi namin 'yon player. Kaibigan lang ng pinsan ko. 'Yong kasama niya no'ng araw na 'yon sa extension. Mabait naman 'yon. Mukhang spoiled lang kasi kaya siguro may pagkamakulit talaga. Tsaka bata pa rin kasi."
Bata pa nga. Bata na malakas ang toyo sa utak.
"Ilang taon na ba 'yon?"
"First year, eh. So, mga sixteen or seventeen?"
"First year? First year lang 'yong antipatikong yon?"
"Sabi sa 'yo bata pa, eh."
"Tangkad niya, ha. Eh, 'di siya na."
"Kinukuha ko nga, eh. Sabi ko nga mag tryout. Sayang kasi ang tangkad. Kaso ayaw."
"Huwag mo na 'yong kunin. Baka maghambog lang sa court."
Muling natawa si de Silva. Kahit hindi ko nakikita ang mukha ni Olivia ay nahuhulaan kong hindi na maipipinta ang mukha niyan.
Naglakad na muli ako palapit sa mga ito. Masyado ng humahaba ang usapan tungkol sa lalaking iyon. At dumidilim na rin kasi. Nilingon ako ni Olivia nang tawagin ko. Nakangisi na siya nang lapitan ako at agad akong inusisa tungkol sa pakikipag-usap ko kay Sir Eadan. Tuwang tuwa itong naglululundag nang sabihin kong tanggap ako at magsisimula na rin bukas.
"Salamat, ha... Gio."
"Wala 'yon."
"Kapag sumahod na ako libre kita ng kahit ano'ng gusto mo."
Natatawa lang itong tumango.
"Ako rin, please?" si Olivia na kinurap-kurap pa ang mga mata habang magkadaop ang mga palad na akala mo'y nananalangin.
"Huwag ka na."
"Grabe siya. Ako pa na kaibigan mo ang pagkakaitan mo?" madramang sabi niya. Ginaya pa talaga ang boses ni Toni Gonzaga na ikinatawa nang husto ni de Silva.
Hindi ko siya pinansin.
"Basta thank you talaga, ha," sabi ko muli kay de Silva na naiiling pang tumatawa dahil kay Olivia. "Salamat talaga, hoy." Tapik ko pa sa braso niya.
"Okay nga lang," may bahid pa ng tawa na aniya.
Nang makarating sa labas ng gate ay tinanong pa kami ni de Silva kung kaya na naming umuwi mag-isa habang nag-aabang ng jeep. Sinabi namin na kaya naman namin. Sinamahan niya rin kami roon hanggang makasakay kami.
"Infairness mabait naman pala siya," ani Olivia habang na kay de Silva pa ang tingin at kumakaway habang papalayo ang jeep.
Nakangiti akong tumango bilang pagsang-ayon.
Hindi naman kasi namin nakakasalamuha 'yan si de Silva. Pero sa classroom ay nakilala namin siya na madaldal, makulit at prankster. May sarili rin kasi siyang grupo at iyon ang palaging kabuntot at nakakasalamuha niya, mostly ay mga lalaki at kung hindi iyon ang kasama ay ang mga kapwa niya naman varsity player. Kami naman ni Olivia ay madalas na kaming dalawa lang talaga ang magkasama. Minsan ay may ibang kaklase na nakaka-kwentuhan pero hanggang doon lang. Madalas na nakakausap lang namin ang ibang kaklase kung makakasama namin sa mga groupings sa project.
Ganoon kasi talaga, may kanya-kanya ng grupo. Bagay na hindi ko inaasahan sa kolehiyo. Hindi katulad noong high school na kahit may iba-ibang grupo, magkakaibigan pa rin ang lahat.
"Wait. Baka naman gusto ka no'n?"
Nakangiwi kong natingnan si Olivia. Nanunukso ang tingin at ngiti niya.
"What if?" Nanlaki at lumapad pa ang ngiti
"Nako nako! Tigilan mo 'ko sa paganyan-ganyan mo, Olivia Manalang."
"I think gusto ka niya." Naniningkit ang mga mata niya at nanghaba ang nguso. "Kasi 'di ba? Bakit bigla ka na lang niya tutulungan? Out of nowhere, girl? Yes, alam ng mga classmates natin na nagpa-part time job ka pero wala naman talaga sa mga 'yon ang may pakialam." Ngumiwi pa ito dahil sa huling sinabi at saglit na nabahiran ng kasungitan ang mukha pero mabilis na bumalik ang ngiti niya. "Gusto ka talaga no'n ni Gio."
Umatras ang ulo ko nang marinig ang itinawag niya kay de Silva. Wow naman. Saglit lang kayong nagkausap nasa first-name basis na kayo?
Hindi ako umimik.
"Ay sus! Kinikilig," nanunukso at nakabungisngis na aniya pa at sinundot ang tagiliran ko.
Naiiling akong napangiwi. "Hindi ako tatablahan sa ganyan mo, Olivia."
"Pero feeling ko talaga, eh." Nakangisi pa rin siya.
Nailing na lamang ako.
Hindi ko maisip at ayokong magtaka. Wala akong plano na idikit iyon sa utak ko at problemahin. At hindi ko rin naman nararamdaman na ganoon. Kung bakit ako biglang tinulungan ni de Silva ay hindi ko alam pero nasisiguro kong hindi sa dahilan na sinabi ni Olivia.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top