Kabanata 7

RAMDAM ko na kanina nang una ko silang nakita. Nakutuban ko na na mayroong hindi magandang gagawin doon ang lalaking iyon. Dahil bakit siya naroon at kaharap si Ma'am Josefina? Imposible na bigla na lamang niyang naisip na makipag-usap dito. At para saan ang pag-uusapan nila? Pero nabura sa isip ko ang mga iyon dahil pinangunahan ako ng takot nang maisip na nahuli na ni Ma'am Josefina ang pagsisinungaling ko.

At ngayon pagkatapos ng mga narinig at nang makita ang paglingon sa akin ng lalaking iyon, ang pagtaas ng isang gilid ng kanyang labi at ang pagkibit ng balikat niya ay nasisiguro kong may kinalaman siya sa mga nangyari ngayon.

Humugot ako ng hangin at marahas na naibuga iyon. Nang marinig ang pagpapaalam ng antipatikong lalaki ay kinuha ko ang pagkakataon na iyon para makalapit sa kanila.

"Oh, nariyan na pala," ani Ma'am Josefina nang malingunan ang pagdating ko.

"Mauuna na po ako, ma'am." Tumungo ako. "Sorry po ulit sa nagawa ko."

"Basta huwag mo ng uulitin iyon, Gianna. Mapapalampas ko itong nagawa mo pero kapag umulit ka pa ay hindi na."

Tumango ako at ilang ulit pang humingi ng paumanhin.

"Oh, siya. Hayaan mo na iyon. Ite-text na lamang kita kapag makukuha mo na ang huling sahod mo. Doon ba sa number na ibinigay mo na sinabi mong sa kaibigan mo?"

"Opo, ma'am."

"Hindi ba sa iyo 'yon?" baling niya sa lalaki.

Nilingon ko si antipatiko na nakatayo pa sa gilid ko, sumabay ang paglingon niya rin sa akin. Naghihintay ako ng isa pang kumpirmasyon. Kumpirmasyon na mababanggit nilang ako nga ang kaibigan nito na tinutukoy nila kanina kaya ako lumapit agad dito. Pero ngayon ay naibigay na iyon sa akin. At hindi ko na kailangang pag-isipan pa kung bakit niya nagawa ang ganoon.

"Hindi po sa kanya iyon, ma'am. Doon po iyon isa ko pong kaibigan." Ako na ang sumagot. At nagawa kong isatinig iyon na hindi naipapakita ang hinanakit para sa lalaking ito.

"Oh, siya, sige. Doon na lamang kita ite-text."

"Opo, ma'am. Marami pong salamat at... sorry po talaga."

"Hanga ako na ginusto mong makapagtrabaho para mairaos ang pag-aaral mo, Gianna, pero mali ang pamamaraan mo. Hayaan mo kapag may pwedeng trabaho na maibibigay sa 'yo ay ako mismo ang ko-contact sa 'yo."

Nangatal ang labi ko at ramdam ko ang pag-iinit ng mga mata ko. Parang may kung ano'ng magaang kamay ang humaplos sa aking puso pero kasabay niyon ang pagdantay muli ng konsensya dahil sa nagawa ko.

"Salamat po, ma'am. Salamat po talaga."

Naramdaman ko ang palad niya sa balikat ko at marahan 'yong humaplos.

Nagpaalam na ako kay ma'am. Dalawang hakbang pa lamang ang nagagawa ko ay narinig ko na rin ang muling pagpapaalam ng lalaki. Tumunog ang wind chime sa paglabas ko pero ilang segundo pa ang dumaan bago iyon muling tumunog hudyat ng paglapat ng pinto.

Naluluha na ng binagtas ko ang sidewalk na patungo sa unibersidad.

"Ang bait naman ng employer mo. Hinayaan lang na makaalis ka ng gano'n-gano'n lang."

Hindi ko balak na pansinin pa siya. Pero hindi ako nakatiis at nilingon ko siya matapos niyang sabihin iyon. At ganoon na lamang ang galit na naramdaman ko nang makita ang nakangisi niyang mukha.

"Bakit, ano'ng inaakala mong gagawin niya? Na magagalit siya sa akin? Sasaktan o pagsasalitaan ng kung anu-ano? Kailangan mo ba talagang gawin 'yon, ha?" garal-garal na ang boses ko.

"What? Ano'ng ginawa ko?" maang-maang niya. Seryoso ang mukha niya pero nahihimigan ko pa rin ang tuwa sa boses niya.

"Akala mo ba na hindi ko alam? Na kaya ka nagpanggap na kaibigan ko at kaya nagkunwari kang nag-a-apply roon ay para mabuko ako ni ma'am?"

"Wow! How did you know that?" manghang aniya. Nakangangang nailing pa siya at mahinang pumalakpak. At kung tingnan ako ay mababakas din ang pagkamangha sa mga mata, na para bang gumawa ako ng isang mahika sa harapan niya. 

Napatungo ako nang sunud-sunod na pumatak ang mga luha ko. Mariin akong napapikit, humugot at nagbuga ng hangin. Gusto kong magpakita ng galit. Gusto kong ihampas nang ihampas sa kanya ang bag ko. Pero wala akong ibang nagawa kung 'di ang umiyak.

"Alam ko namang mali ang ginawa ko. Nagtrabaho ako sa kanila kahit pa alam kong bawal ang edad ko. Pero nagawa ko lang naman 'yon dahil wala na akong ibang maisip na paraan. Nag-aaral ako habang nagta-trabaho para makatulong sa pamilya ko at sa pag-aaral ko mismo. Mahirap lang kami pero nagsisikap ako na makapagtapos kaya gumagawa ng kahit ano'ng paraan.
Hindi ako katulad ng iba na kayang makapag-aral na walang ibang iniisip. Hindi ako tulad mo."

Luhaan pa nang muli ko siyang tingalain. Burado na ang ngisi sa kanyang labi at mangha sa kanyang mukha. Salubong ang kanyang mga kilay at para bang hindi naiintindihan ang mga sinasabi ko.

"Alam kong hindi maganda ang relasyon natin. Pero sana naman hindi mo na idinamay pa ang trabaho ko sa kung ano mang hindi natin pagkakaunawaan. Labas ang personal kong buhay sa away na mayroon tayo."

Tinalikuran ko siya pagkasabi ko ngf mga iyon. Ipinagpasalamat kong wala na akong ibang narinig pa mula sa kanya dahil kung magagawa niya pang umimik ay baka hindi na ako makatiis at tuluyang lumapat ang bag ko sa katawan niya.

Muli kong binagtas ang kahabaan ng sidewalk. Balak kong maglakad hanggang sa bahay. Sa dami ng naiisip, baka iiyak lang ako hanggang mamaya kaya maigi na rin na maglakad na lang muna. Aabutin ng kalahating oras pero mas makakatulong iyon. Ayokong umuwi at doon pa sa bahay iiyak. Ayokong makita nila mama at kuya ang ganoong sitwasyon ko. Dahil oras na makita nilang umiiyak ako, tiyak na hindi sila titigil hangga't hindi ko nasasabi ang dahilan niyon. At natatakot akong baka hindi ko magawang magsinungaling. Ayokong malaman nila ang mga nangyari lalo pa't hindi nila alam ang tungkol sa pagta-trabaho ko roon.

Luhaan akong naglalakad. Hindi alintana ang naghuhusga at nagtatanong na tingin ng ilang nakakasalubong. Dinaramdam ang pagkatanggal ko sa trabaho, ang pagkakahuli sa pagsisinungaling ko na pinag-iingatan kong hindi mabuko hanggang makahanap sana ako ng bagong trabaho, at ang pag-iisip kung saan muli ako maghahanap ng bagong mapagkakakitaan.

Hindi ko na hinayaang makapasok at sakupin ng isip ko ang lalaking iyon at ang ginawa niya. Kung ito ang ganti niya sa alitan namin, siguro naman ay patas na kami. At huwag na sana na makita ko pa siya ulit. Nasa iisang unibersidad kami at hindi mawawala ang posibilidad na makita ko pa siya pero malaki rin ang posibilidad na hindi na dahil sa lawak niyon. At kung mangyari man na nariyan lang siya sa tabi-tabi ay hindi ko na hahayaang dumapo pa ang tingin ko sa kanya.

Tiniyak kong tuyong-tuyo na at wala ng pumapatak na luha sa mga mata ko bago pa man ako makarating sa bahay. Pagkarating naman ay agad akong dumiretso sa banyo at naghilamos para mawala ang bakas ng matagal na pag-iyak. Ipinagpasalamat kong hindi iyon napansin ng mga kasama ko sa bahay kahit pa nga ramdam ko pa ang hapdi sa mga mata ko.

Nang sumunod na araw naman ay naikwento ko kay Olivia ang nangyari at kahit siya ay galit na galit sa ginawa ni antipatiko at doon mismo sa lalaking iyon.

"Ibang klase ang topak no'n. Huwag kang mag-alala kakarmahin din ang kumag na iyon," mariing ani Olivia habang nakayakap sa akin.

Nasali sa usapan ang lalaking iyon pero saglit lamang dahil sinabi ko sa kanya ang hiling ko na sana ay hindi ko na iyon makita pa. Marahil napansin niya ang galit ko roon kaya hindi na siya nagtanong at nagbanggit pa ng kahit ano patungkol sa taong iyon.

Katulad ng balak ko ay agad na naghanap muli ako ng ibang mapagkakakitaan. Sumubok ako sa ilang food at mga café shop na nakapaligid sa university para rin hindi na ako mahirapan at palaging magmamadali sa pagbiyahe pagkatapos ng klase pero halos iisa ang sagot ng lahat ng pinuntahan ko.

"Nako, pasensya na pero hindi pa kasi kami hiring as of now."

Kaya naman sinubukan ko sa mga malls at grocery stores pero madalas kasi roon ay mga full-timer. Napakadalang ng part-time jobs at kung mayroon man ay may nakuha na sila. Sinubukan ko ring apply-an ang mga katulad ng trabaho noon ni Kuya Gerald. Ang problema ay puno na rin sila sa tao.

Minsan nga'y nagpagawa na ako ng flyers kay Olivia para sa mga naghahanap ng tutor. Isinama ko na rin doon 'yong mga gustong matuto sa pag gigitara na ipinagpasalamat kong natutunan ko sa simbahan. May nakuha akong isang estudyante sa high school na gustong matuto ng intrumento. Kaso, masyadong fast learner. One week session lang yata ay marunong na at pagkatapos niya ay wala na ulit tumawag sa akin para doon. Sinubukan ko rin sa mga online job hunting pero madalas ay hindi pasok ang edad ko.

"Hindi ko alam kung minamalas lang ba ako. Hindi ko alam kung kulang pa sa effort."

"Ano bang sinasabi mo riyan. Ano pa bang effort ang gusto mo? Halos wala ka na ngang pahinga. Ultimo fifteen-minute breaktime ilalabas mo pa ng university para magbaka-sakali na may makikita kang trabaho. Hindi ka minamalas at hindi ka kulang sa effort, Gi."

"Eh, ano? Kung hindi gano'n, bakit wala akong mahanap na trabaho? Ilang linggo na rin kasi akong naghahanap ng trabaho, Liv. Para naman kasing napaka-imposible na kahit tagahugas ng pinggan doon sa carenderia sa labas ng barangay namin ay hindi ako makuha-kuha. Maski nga sa mga computer shop, sari-sari store, maliliit na grocery store roon sa amin nilapitan ko na. Hindi ko na nga inisip pa kung mahuli man ako nila nanay, pero wala pa rin talaga. Kung hindi man sila kumpleto na sa trabahante ay hindi naman nila kailangan ng tao."

Ramdam ko na ang pangingilid ng luha ko. Nahahabag ako sa sarili ko sa totoo lang. Para akong pinagkakaitan ng isang bagay na inilalaban ko pero hindi magawang ipagkaloob sa akin. Ganoon ang pakiramdam ko sa mga sandaling iyon.

"E-Eh, kasi nga may mga bagay lang talaga na hindi para sa atin." Napangiwi siya. Parang ayaw niyang sabihin iyon pero no choice dahil iyon ang gusto niyang iparating.

"Iyon na nga ang masakit, eh. Kung ano pa 'yong kailangang kailangan ko hindi ko makuha."

"Magpahinga ka kasi muna. Kapag hindi mo na hinahanap kusang lalapit sa 'yo 'yan. Maniwala ka sa 'kin."

"Gano'n?" nakalabi kong ani.

"Oo, 'no. Tingnan mo sa bahay. Kapag may nawawalang gamit, huwag mong hanapin kusang nagpapakita."

"Totoo 'yan," natatawa kong ani. Nagpakawala ako ng malalim at matunog na buntong-hininga. "Bakit kaya parang sa iba napakadali." Katulad na lang kay kuya. "Pero pagdating sa akin parang napakahirap."

Napatingala ako. Nakita ko ang lumilipad na ibong maya at ang pagdapo nito sa puno ng narra. Habang pinapanood ang paglilikot niyon sa sanga ay pumasok sa isip ko ang itsura ni kuya. Ang itsura niya sa tuwing uuwi siyang pagod noon. Na kahit dis oras ng gabi na siya nakakarating sa bahay galing sa trabaho ay nagagawa niya pang bumunot ng libro at mag-aral. Ang mga taon na naitaguyod niya ang pag-aaral niya sa kabila ng hirap ng aming buhay.

"O baka naging mahirap din para sa kanila pero hindi sila sumuko." Kasabay ng pagsilay ng ngiti ang isang malalim na paghinga.

"Don't tell me na ipagpapatuloy mo pa rin?"

Nakangiti ko siyang tinanguan. "No choice, Liv."

"Ako ang napapagod para sa 'yo, Gi, sa totoo lang." aniya at nabahiran ng lungkot ang mukha. Sa malungkot at malamlam na tingin na ibinibigay niya ay para niya akong inuudyukan na tumigil muna, na magpahinga muna.

Mahina naman akong natawa. "Ngayon lang 'to. May mahahanap din ako," positibong sabi ko at kinindatan siya.

Napahinga na lamang siya at saka natatawang napailing. "Hindi rin naman kita mapipigilan kaya sige. Gawin mo 'yong gusto mong gawin. Basta huwag mo ng uulitin 'yong nangyari sa convenience store." Itinuro niya pa ako at binigyan ng nagbabantang tingin.

"Yes, madam."

"At kapag may nakita ako, agad-agad kong sasabihin sa 'yo."

"Thank you, Liv," malambing na saad ko at niyakap siya.

"Nako, 'wag ka nga." Itinulak niya ako palayo sa kanya. "Wala pa nga akong naitutulong sa 'yo nagpapasalamat ka na agad."

"Ano'ng wala? Sino'ng may sabi sa 'yong wala? 'Yong pakikinig mo pa lang sa mga hinahing ko sa buhay ay malaking tulong na. Sobra pa, Liv."

"Talaga?" nakangusong tanong niya.

"Oo kaya, 'no." Patagilid ko siyang niyakap muli. "Kung wala akong magandang kaibigan na tulad mo, sobrang sad ng buhay ko," paglalambing ko pa.

"Ih!" Kinikilig na gumanti siya ng yakap.

"Sus, gustong gusto mo naman." Natatawa at pabiro ko siyang itinulak.

"Syempre 'no." Maarte niyang hinawi ang buhok.

"Hay, nako. Tara na nga. Baka ma-late pa tayo."

Sabay kaming tumayo sa pagkakasalampak sa ilalaim ng puno ng narra na narito sa gitna ng parking lot at pinagpag ang likod ng skirt namin. Tapos na ang thirty-minute vacant namin kaya naman nagtungo na kami sa room kung saan ang sunod naming klase.

Wala pang sampung minuto akong nakakaupo at kasalukuyang nagbubuklat ng libro nang makarinig ako ng pagtawag sa pangalan ko. Itinuro ni Olivia si Giovanni de Silva, na naroon pa sa harap ng pinto.

"Ano kayang kailangan nito?" bulong sa akin ni Olivia habang pareho kaming nakatingin sa papalapit na kaklase.

Umarko paitaas ang isang kilay ko. Pinagtatakhan din ang pagtawag sa akin ni de Silva at kung ano mang maaari nitong sabihin. Hindi naman kasi kami nito close. Ni hindi nga kami nagkakausap niyan.

Tumuwid ako ng upo nang makalapit ito. "Ano 'yon?"

"Naghahanap ka raw ng trabaho?"

Ramdam ko ang pagkapit ni Olivia sa braso ko.

"O-Oo. Bakit?"

"May offer ako for you. Hintayin mo na lang ako after class."

"Si-Sige sige."

Tumango lang ito at nagtungo na sa likuran. Nagkatinginan kami Olivia. Parehong namimilog ang mga mata at bibig. Nauwi iyon sa malapad na ngiti. Nagkahawak pa kami ng mga kamay at nakaupong naglundagan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top