Kabanata 6

UMARKO paitaas ang isang kilay ni antipatiko nang makita niya ako roon. Natigil pa siya roon sa tapat ng pinto. Ilang segundo lang ang dumaan ay nakita ko ang pag-angat ng gilid ng mga labi niya at nabahiran ng tuwa ang mukha na naging dahilan ng pagkakasalubong ng mga kilay ko.

Hindi naputol ang tingin niya sa akin nang magsimula siyang humakbang, tumigil siya sa harapan ko. At hindi na inis kung 'di pagkainsulto na ang naramdaman ko nang makita ko ang pagpasada niya ng tingin sa kabuoan ko.

"You work here?"

Nahimigan ko sa boses niya ang pang-uuyam bagay na mabilis na ikinainit ng ulo ko. Awtomatikong umangat ang isang kilay ko.

"So? Ngayon ka lang nakakita ng nagta-trabaho sa convenience store?" Halos umangat ang isang gilid ng labi ko habang nagsasalita. Pero ang isang kilay ko ay siguradong aabot na sa bunbunan ko. Nakuyom ko ang mga kamao. Ang sarap damputin ng magazine at ihampas iyon sa kanya para mabura ang tuwa sa mukha niya.

Tipid siyang natawa. "Gianna, huh," basa niya sa pangalan kong nakasulat sa name plate na suot ko. Umangat ang tingin niya sa akin, naroon na muli ang malapad niyang ngisi. "Iisipin ko sanang... pagmamay-ari ninyo ito kung sasabihin mong hindi..." Muli niya akong pinasadahan ng tingin. "Pero nagta-trabaho ka lang pala rito."

Bumibilis ang hininga ko dahil sa inis. Naka-iinsulto ang tingin at paraan niya ng pananalita. Mahirap kami, oo at hindi ko ikinahihiya iyon. At maski ang pagta-trabaho ko. Pero kapag katulad niyang mapag-insulto ang kaharap ko ay nanghihina ako. Dahil para bang napakababa ng tingin nila sa isang 'tulad ko.

"Ano ngayon kung nagta-trabaho lang ako rito? Mas gugustuhin ko na ito kaysa ang mawalan ng modo kapag may nagawang mali." Nakangiwi ako nang pasadahan ko ng tingin ang kabuoan niya. Nagdiwang ang kalooban ko nang makita ang pagsasalubong ng mga kilay niya. "It guts me to know that someone doesn't know how to say sorry. Impolite," pagdiriin ko sa huling salita.

Malakas siyang natawa. Humakbang siya pasulong. Nanatili ako sa kinatatayuan at hindi natinag maski ang talim ng tingin ko.

"And you know what? It guts me to know that someone thinks they're not at fault."

Nangunot ang noo ko sa sinabi niya. At ano'ng ibig niyang sabihin? Na kasalanan ko rin ang pagkakabunggo niya sa akin? Siya itong tumatakbo! Kung hindi niya iyon ginagawa doon sa lugar na maraming dumadaan, hindi sana mangyayari iyon! Hindi siya marunong mag-ingat!

Napahakbang ako pasulong at reresbak pa sana pero naiiling na tinalikuran na niya ako at muli na siyang naglakad.

Sinundan ko siya ng matalim kong tingin nang magtungo siya sa dulong aisle kung nasaan ang mga drinks. Hindi ko matanggap na basta na lamang niya akong tinalikuran. Hindi ko matanggap na nasa kanya ang huling salita! Dinampot ko ang magazine at kagat-labi na inihambang ibabato iyon sa kanya. Kung hindi lang talaga baka ikatanggal ko iyon dito sa trabaho ay baka nga nagawa ko iyon sa sobrang inis.

Pumikit ako at ilang ulit na sumamyo at nagbuga ng hangin para pakalmahin ang sarili. Padabog akong naupo sa stool. Mabilis pa rin ang hininga at matalim pa rin ang tingin sa dinaanan niya. "Antipatiko," mariing sambit ko pa.

Ilang minuto pa lamang akong nakaupo nang lumabas siya sa pangalawang aisle na katabi ng pinasukan niya. May bitbit na siyang basket. Lumalim ang gatla sa aking noo nang mahagip ng paningin ko, bukod sa mga tsitsirya, ang ilang canned beer doon. Umikot siya sa pangatlong aisle kung nasaan ang mga biscuits pero wala namang kinuha roon. Bumalik siya at dumiretso na sa counter at ipinatong ang basket sa ibabaw.

Tiningnan ko siya, sunod ay ang mga laman ng basket niya. Higit sampung lata ng beer siguro ang naroon.

Kumatok siya sa ibabaw ng counter kaya muli kong na-i-angat ang tingin sa kanya. Itinuro niya ang basket gamit ang pagtango. "Add a pack of cigarettes," utos niya at itinuro ang likuran ko kung nasaan ang mga sigarilyo.

Pero hindi ko sinunod ang gusto niya. Naniningkit ang mga mata ko habang nananatili sa kanya ang tingin ko.
Ilang taon na ba 'to? Mukha kasing bata pa, eh, kahit higante. O baka naman baby face lang? Mamaya niyan bata pa pala 'to at ako pa masisi dahil pinagbentahan ko.

Kaya naman hindi na ako nagdalawang-isip pa at agad kong inilahad sa kanya ang kamay. Nagtataka niya naman 'yong natingnan.

"Patingin ng I.D."

Hindi makapaniwalang napanganga siya at natitigan ako. Ilang segundo lang ay bumunghalit na siya ng tawa na muling ikinasalubong ng mga kilay ko.

"Why? You think I'm a minor who commits vices?"

Pinagkrus ko ang mga braso at tinaasan siya ng kilay. "Bakit, hindi ba? Oh, sige nga. Ilan taon ka na?"

"I'm sixteen. So? Bakit? Hindi mo ako pagbebentahan?"

Pinanlakihan ko siya ng mga mata. "Ang bata-bata mo pa nagyo-yosi ka na at umiinom?"

"Don't tell me na hindi mo ako pagbe-bentahan?"

"Hindi talaga," mataray kong ani. "Hindi mo ba nabasa 'yong signage sa pinto? Minor is not allowed to buy a cigarettes and alcoholic beverage," dahan-dahan at pagdiriin ko.

Nawala ang ngisi niya at ako naman ang mayroon niyon ngayon. "It's my brother's."

"No pa rin." Itinaas ko ang mga braso at ginawa 'yong X. Kung sa kuya mo talaga ang mga 'to, siya ang pabilihin mo.

"Then don't."

Nagkibit ako ng balikat.

Ilang segundo pang namalagi sa akin ang masamang titig niya habang mariing nakatiim ang mga labi. Tagumpay naman akong napangisi nang talikuran niya ako at habang pinapanood siya nang lumabas siya ng convenience store na walang bitbit.

"Yayamanin," naikomento ko pa nang makita ang pagpasok niya sa isang magarang kotse na nakaparada sa harapan ng store. Naalala ko ang sinabi ni Olivia na baka raw rich kid ang isang 'yon. "Bata-bata pa may bisyo na," naiiling ko pang ani nang makita ang mga laman ng basket. Binuhat ko iyon at lumabas ng counter para ibalik ang mga lamang niyon.

Pero hindi iyon ang una't huli na nagtungo roon ang antipatikong bata na iyon. Hindi ko alam kung nananadya siya pero halos araw-araw ay naroon siya. Hindi ko alam kung tuwing duty ko lang ba o nagpupunta rin siya roon kapag si Joseph ang bantay. Minsan ay isang bubble gum lang naman ang binibili at tuwing dadating at aalis ay hindi nawawala ang masamang titig niya sa akin na para bang napakalaki ng kasalanan ko sa kanya para gawin niya ang mga bagay na iyon. Gustong gusto ko siyang kumprontahin pero sa huli ay hindi ko na lang pinapansin kahit pa tumagal ng linggo ang pagiging ganoon niya.

"Ilang taon ka na ba at nagta-trabaho ka na rito?"

Natigilan ako sa pagpa-punch ng binili niyang bubble gum. Sa halos isang linggong nakikita ko siya rito, bukod sa unang gabi na hindi ko siya pinagbentahan ng sigarilyo at alak, ay iyon ang unang beses na kinausap niya ako. 

"At bakit naman pati iyan inuusisa mo? Pwede bang bumili ka na lang kung bibili ka?"

"You're only seventeen, right?"

"At paano mo nasabi, aber?" Nakapamewang ko pang ani.

"Is that even allowed here?"

Saglit akong natiligan at mabilis akong sinakop ng kaba dahil sa sinabi niya. Pero hindi ko iyon ipinahalata sa kanya. Siguro dahil may mali akong nagawa sa trabaho kong ito kaya ganito na lang ang kaba ko at para bang sa ginagawa niyang pagpabalik-balik dito ay hinahanapan niya ako ng mali. At ngayon nasisiguro kong mayroon na.

"So? Eh, ano ngayon kung seventeen pa lang ako at nagta-trabaho na? Mas may kwenta naman iyon kesa sa disi-sais anyos na may bisyo na." Mahina ang boses ko kumpara kanina. Natatakot akong may makarinig niyon, na baka si Joseph pa o mas malala pa ay ang mama niya. Huli na ng makaramdam ako ng pagsisisi na hindi ko itinanggi sa kanya ang edad ko.

Ngumisi siya pero hindi na umimik. Para siyang nang-aasar nang manatili siya roon at binuksan ang bubble gum niya saka kumuha roon ng isa at isinubo. Luminga-linga pa siya habang tumutuktok sa counter ang daliri at ngumunguya.

"Can I apply here?"

Inirapan ko siya. "Hindi pwede dahil bawal ang minor—"

Mabilis akong natigilan. Napalunok ako habang umaangat ang tingin ko sa kanyang mukha. Halos sakupin muli ng kaba ang buong sistema ko. Mas lumala iyon nang makita kong umuuga ang mga balikat niya sa tahimik na pagtawa habang ngumunguya ng bubble gum.

Wala na siyang sinabi pagkatapos niyon at lumabas na ng store. Napapikit na lamang ako at ilang ulit na pinagalitan ang sarili ko.

Nang sumunod na araw ay kabado akong pumasok sa trabaho. Buong oras na naka-duty ako ay para akong naghihintay sa pagdating niya pero humihiling din na sana ay 'wag na siyang bumalik doon. Nagagalit ako pero mas lamang ang kaba. Hindi ko alam kung paano niya nalaman ang mga bagay na iyon: ang edad ko at bawal iyon dito. Pero natitiyak kong may alam talaga siya at ginusto niya lang kagabi na marinig iyon mula mismo sa bibig ko.

Nakarating na si Joseph at nagtatanggal na ako ng blazer ay hindi ko pa nakikita ang mukha niya. Nagdiwang naman ang kalooban ko. Kinabukasan ay ganoon din kaya mas napanatag na ako nang mga sumunod pang araw. Siguro'y nanawa na siya. Wala naman kasi siyang mapapala sa ginagawa niya, 'di ba?

Pero doon ako nagkamali. Dahil mukhang may sayad pa yata ang batang iyon at hindi titigil hangga't hindi nakakaganti. Para niyang pinanatag lang ang kalooban ko at kung kailan hindi na ako nag-aalala ay saka siya susugod muli.

Pagbukas ko ng pinto nang araw na iyon ay hindi ko inaasahan na papasok ako roon na mukha niya ang unang makikita ko. Agad niyang nalingunan ang pagpasok ko sa pinto. Pagkayamot ang una kong naramdaman nang makita ang nakangisngis na niyang mukha. Ngunit mabilis 'yong napalitan ng kaba nang makita ko kung sino ang kaharap niya sa lamesa. Mabilis akong kinain ng kakaibang pakiramdam.

Hindi ko magawang kumilos. Hindi ko alam kung uumpisahan ko ang trabaho o mananatiling nakatayo roon at maghihintay ng utos. Wala si Joseph sa counter pero bakit si Ma'am Josefina ang narito? Siya ba ang naka-duty sa halip na ang anak?

Madalang siyang pumunta rito. Kung pupunta man ay para lang kumustahin ang store. Pero sobrang dalang niyon dahil halos si Joseph ang nagma-manage nito. Kaya bakit ngayon ay narito siya? Bakit kaharap niya ang antipatikong bata na iyon?

Nag-angat ng tingin si Ma'am Josefina kay antipatiko. Nang makita nitong nakatingin sa gawi ko ang huli ay nilingon din ako ni ma'am. Agad kong napansin ang pagbabago ng kanyang mukha. Kung kanina'y maaliwalas, ngayon ay seryoso at naiiling.

Kinuha niya ang pansin ng lalaki. Ngiting-ngiti naman si loko. May sinabi sa kanya si Ma'am at tinanguan niya iyon.

Tumayo si Ma'am Josefina na ikinatuwid ng gulugod ko. Kumakalampag ang puso ko sa kaba. Na hindi ko mawari kung bakit naramdaman ko agad na may mali pagkatapos kong makita na kaharap niya si Antipatiko.
Ramdam ko ang pangangatal ng gilid ng mga labi ko nang makalapit si Ma'am Josefina pero pinilit kong magpakita ng matamis na ngiti at saka ito binati, "Good afternoon po, ma'am."

Lalong humigpit ng kapit ko sa strap ng bag ko nang marinig ang malalim na buntong-hininga niya.

"Mag-usap tayo, Gianna."

Tinalikuran niya ako at nagtungo sa storage room. Nalingunan ko pa si antipatiko na may malapad pa ring ngisi. Hindi ko magawang tingnan siya ng matalim o maski paikutan ng mga mata. Sa kaba ko ay baka iyon ang nakarehistro sa mukha ko at nakita niya. At tiyak na tuwang tuwa iyan.

Sumunod ako kay ma'am. Patagilid siyang nakaupo sa upuan na nasa tapat ng lamesa kung saan may computer ng CCTVs. Pinagkrus niya ang mga braso at mga binti. Seryoso ang kanyang mukha.

Bago pa lamang ako rito ay pansin ko na na hindi pala-ngiti si Ma'am. Pero sa kabila niyon, mararamdaman mo agad sa kanya kung maganda ba o hindi ang mood niya. At ngayon, ramdam ko ang huli.

"Ilang taon ka na, Gianna?"

Napalunok ako. Sa kabila ng malamig na kwarto ay naramdaman ko ang pamamawis. Ang kamay kong mahigpit na nakahawak sa aking bag ay naibaba ko at mahigpit na pinagkapit. Nangangatal ang labi ko nang sagutin ang tanong niya.

"S-Seventeen po, ma'am."

Alam kong nagtatanong siya dahil alam na niya ang totoo. At alam kong hindi ko na magagawang magsinungaling pang muli. Dahil ayaw kong tuluyang mawala ang tiwala niya sa akin.

Napatungo ako. Nag-iinit ang mga mata ko. Muli akong nilamon ng konsensya at kahit hindi tinatanong ay inilabas ko iyon. "I'm s-so sorry po kung nagsinungaling ako. G-Gusto ko lang naman pong makapagtrabaho at i-i-ito." Lumunok ako. "Ito na lang po ang nakikita ko dahil kahit sa mga gasoline station ay hindi ako tinatanggap dahil ayaw na nilang tumanggap ng hindi pa nakakatungtong ng disi-otso. I'm really sorry, ma'am, kung nagsinungaling ako."

Saglit akong nag-angat ng tingin. Nakita ko ang paglambot ng ekpresyon niya ngunit muli lang napatungo dahil lalo lamang niyong binaon ang puso ko sa matinding konsensya.

"May mali din si Joseph dahil hindi niya inayos ang pagpapa-apply sa 'yo." Bumuntong-hininga siya. "Kyng ako lamang ay tatanggapin kita. At kahit pa nalaman ko ito. Pero hindi maaari ang ganito, Gianna. Ako ang malalagot at baka pa pati ang negosyo ko ay mapasara kapag nalaman na may nagta-trabaho ritong menor de edad."

Mariin akong napapikit at mariin kong nakagat ang ibabang labi. Hindi ko naisip iyon. Oo, sumagi sa isip ko noong una na may parusa ang gagawin ko pero hindi ko inakala na ganoong kalala ang mangyayari oras na may makaalam na nagta-trabaho ako rito.

"Alam ba ng pamilya mo ang pagta-trabaho mo rito?"

Lalong bumaba ang pagkakatungo ko. "H-Hindi po."

"Isa pa iyan. Wala silang alam. Baka mamaya niyan ay pati sa kanila ay malagot ako dahil hinayaan kitang makapagtrabaho rito."

Mabilis akong umiling kasabay ang pagwagayway ng mga kamay. "Hindi po, ma'am. Hindi po talaga," giit ko.

"Pasensya na, Gianna, pero kailangan na kitang tanggalin sa trabaho."

"O-Okay lang po, ma'am."

"At huwag mo na sanang uulitin pa ito."

"Opo. P-Pasensya na po talaga, ma'am." Sunud-sunod na pumatak ang luha ko. Sunud-sunod din ang pagpupunas ko sa mga mata ko pero patuloy lang iyong nababasa.

Malalim na buntong-hininga ang sunod kong narinig kay ma'am at naramdaman ang mahihinang tapik niya sa balikat ko. Tumayo siya at sinabihan akong magpakalma muna bago ako lumabas. Nang lumabas siya ay saka lumakas ang hagulgol ko.

Halo-halo ang lungkot, panghihinayang, pa-mo-mroblema kung saan muli ako magta-trabaho pero mas malakas ang kabig ng konsensya sa puso ko. Hiyang-hiya ako at hindi alam kung paanong lalabas doon at haharapin muli si Ma'am Josefina.

Pero sa kabila ng mga nararamdaman ay pinilit kong patahanin at pakalmahin ang sarili. Mas nakakahiya kung magtatagal pa ako rito. Inayos ko ang sarili. Ilang beses na pinadaan ang palad sa aking mukha at buhok. Inayos ko rin ang damit kahit hindi naman iyon nagusot. At saka pa lamang lumabas.

Pagkalabas ko roon ay naabutan ko si Ma'am Josefina na kaharap na muli si antipatiko roon sa lamesa. At hindi sinasadyang naulinagan ko ang pag-uusap nila.

"Sixteen ka lang. Pasensya na, hijo, pero hindi talaga kami tumatanggap dito ng wala pa sa hustong edad para magtrabaho. Iyon ang bagong panuntunan. At ayoko na sanang maulit pa ang nangyari sa kaibigan mo."

Kaibigan?

"Pasensya na po kung ganoon ang ginawa niya. Hayaan ninyo po at pagsasabihan ko siya."

"Hayaan mo na lang at napagsabihan ko na rin naman. Ayon nga at umiiyak. Mabait at masipag naman ang batang iyon. Kung ako lamang ang masusunod ay pu-pwede siya rito. Iyon nga lang ay hindi."

Teka... Ako ba ang... tinutukoy nilang kaibigan ng antipatikong ito?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top