Kabanata 5

"TALAGA? Ginawa mo 'yon?"

Napahagalpak ng tawa si Olivia matapos kong ikwento ang nangyari kanina sa pathway.

Pagkatapos na pagkatapos ng klase ay agad niya akong inusisa kung bakit na-late ako. Isang himala raw na nauna pa siya ngayon kaysa sa akin. Habang nagku-kwento naman ay ramdam ko pa rin ang inis para sa antipatikong lalaking iyon.

"Good job, baby girl. Tama 'yan. Walang magpapaapi sa pamilyang ito," nakangising aniya na mahina pang tinatapik-tapik ang puwet ko.

"Dapat nga hinayaan ko na lang, eh. Hindi sana ako namarkahang late," maktol ko.

Iyon pa ang isa sa ikinainis ko. Pero hindi na dahil sa mga nangyari kung 'di sa sarili ko na mismo. Eksakto kasing katatapos lamang mag attendance nang dumating ako. Kung hinayaan ko na lang siguro at hindi na pinansin pa ang pagiging antipatiko ng lalaking iyon ay baka mag-a-aattendance pa lamang ay nasa classroom na ako.

"Hayaan mo na. Ika nga nila, there's always a first time in everything," pampalubag-loob niya habang hinihimas ang balikat ko.

Nakangiwi akong napailing. "At ayaw ko ng ganitong first time, Liv."

Natatawa niya akong inilingan. "Ito naman. Hindi ka naman babagsak sa pagiging late ng isang beses. Performance mo pa rin ang mananaig kapag grading."

Wala akong naging sagot kung 'di malalim at mabigat na buntong-hininga.

Hindi nawala sa isip ko ang mga nangyari noong umagang iyon sa maghapong dumaan kahit pa ano'ng pampalubag-loob ang sinabi ni Olivia. First time kong ma-late at hindi maganda iyon sa pakiramdam. Para 'yong isang pangyayari na kahiya-hiya at gustong gusto kong kalimutan pero hindi ko magawa.

At dahil nga ayaw ko ng maulit pa ang mga nangyari noong araw na iyon ay mas inagahan ko pa ng kinse minuto ang pagtungo ko sa university noong mga sumunod na araw.

"Guys, hindi raw tayo rito magka-klase sabi ni Misis Dizon. Doon daw sa extension room. 304."

Ang kanina ng maingay na silid dahil sa kanya-kanyang kwentuhan ay mas umingay pa dahil sa anunsyong iyon ng aming Class President. Puro reklamo ang maririnig dahil sa malayong classroom at sumabay ang ingay ng mga bakal na upuan na sumasadsad sa sahig dahil sa pagtayo nila.

Isinara ko na ang binabasang chick lit book, na pinahiram sa akin ni Olivia habang isinusukbit ang aking bag at tumatayo.

"Bakit doon na naman. Ang layo-layo," nakabusangot na maktol din ni Olivia habang nanlalatang tumatayo. Mapungay pa ang mga mata dahil sa pagkakaidlip.

"Alam mo namang buntis si Ma'am. Syempre napapagod na 'yon sa mahabang lakarin."

Mas malapit kasi ang office ng mga business instructor sa High School Department at mas malapit lang din doon ang extension rooms na tinatawag. Iyon 'yong room na nasa dulo na ng kabihasnan kung tawagin ni Olivia.

"Doon na nga tayo kaninang before lunch, eh," patuloy na maktol niya. Halos hilahin na niya ang kanyang shoulder bag habang naglalakad.

Maski ako ay napabuga na lamang ng hangin. Nakakapagod din naman kasi talaga ang maglakad papunta roon, idagdag pa kapag katirikan ng araw. Tulad ngayon na alas dos pa lamang at tirik na tirik pa ang araw. Bukod pa sa malayo nga iyon ay hindi pa maayos ang daan doon. Medyo baku-bako. Mga naka-heels pa naman kaming mga babae, na hindi ko alam kung bakit required iyon, kaya naman talagang mahirap at masakit sa mga paa ang papunta roon sa extension room.

Bukod pa roon, iyon lang din ang tanging nakatayo roon at ang nakapaligid doon ay mga damuhan na at mga puno. Malinis naman ang paligid at hindi matataas ang mga damo. Malapit din iyon sa Agriculture Department kaya may makikitang mga halaman sa kanang bahagi niyon. Ang isa lang ikinaganda ng lugar na iyon ay maginhawa ang hangin dahil sa mga punong nakapalibot.

"Bukas naman ay wala na tayong klase roon." Pakunswelo ko na lang din sa sarili ko.

Naroon na si Misis Dizon nang makarating kami sa extension room. Sa upuan na nasa unahan at nasa tabi ng bintana ako pum’westo katulad ng lagi kong gusto. Sa pangalawang row naman si Olivia, sa likuran ko. Tumatabi lang naman ang isang iyan sa akin sa unahan kapag gusto niya ang subject. Kapag hindi niya gusto ay lagi siyang nasa likuran. Madalas daw kasi siyang makaidlip kapag hindi niya tipo ang discussion. Eh, kung nasa unahan mahuhuli nga naman siya ng professor.

Tahimik kami habang discussion nang may sumabat na kaingayan na nagmumula sa labas ng classroom. Agad na nagsalubong ang mga kilay ni Misis Dizon habang nakatitig sa nakasaradong pinto. Sigawan at iritan ang naririnig namin. Mukhang walang klase ang mga iyon base sa ilang naririnig ko at tiyak na iyon ang ikinasasaya nila. Ilang segundong nakatayo lang at matalim na nakatitig si Misis Dizon sa pinto. Nang magpatuloy ang kaingayan ay hindi na siya nakatiis at nilapitan na niya iyon. Agad namang natigil ang ingay sa isang sitsit pa lamang ni ma'am.

"Hindi ba kayo marunong magbasa? May nakalagay na nga rito sa pinto. Please quiet, class is in session."

"Lagot kayo." Rinig ko ang natatawang si Olivia.

Eksaktong paglingon kong muli sa pinto ay isang mukha ng lalaki ang naroon, na hindi ko akalaing makikita kong muli pagkatapos ng isang linggo. Kasama ito ng mga estudyante na pinagsasabihan ni Misis Dizon. Nakaakbay ito sa isang lalaki na nasa unahan nito at parang walang guro na nangangaral sa harapan dahil patuloy ang pakikipagbulungan nito sa kasama. Pero ang may bahid pa ng ngiti niyang mukha kanina ay agad na sumeryoso at tumalim ang mga mata nang masalubong niya ang tingin ko. Nginiwian ko siya na ginaya niya naman.

"Tsk." Nailing ako at disappointed kunwari na tiningnan ko siya. Bumalik ang talim ng tingin niya dahil doon.

"Ikaw, what are you doing?"

Pigil ang tawa ko at natakpan ng kamay ang bibig nang sitahin siya ni Misis Dizon pagkatapos niyang ituro ang mga mata niya gamit ang kanyang hintuturo at hinlalato saka iyon itinuro sa akin. Pero sa kabila ng pagsita sa kanya ni ma'am ay nanatili lang ang tingin niya sa akin.

Tibay nito! Walang takot, sa isip-isip ko.

"Sa susunod kapag may dadaanan kayong classroom at hindi ninyo sigurado kung may nagka-klase just keep quiet. Okay?" Dumadagundong na ang boses ni Misis Dizon.

"Yes, ma'am," sabay-sabay na sambit ng mga estudyante sa labas maliban kay Mr. Antipatiko na nananatili sa akin ang masamang tingin.

Inirapan ko siya at inilayo na ang tingin ko sa kanya. Mayamaya pa'y narinig ko na ang pagtataboy sa kanila ni Misis Dizon na mukhang nawalan na ng mood at tuluyang nag-init ang ulo. Dahil kahit nakabalik na siya sa unahan ay ang mga estudyanteng nag-ingay pa rin kanina sa labas ang bukang-bibig niya. Ayaw na ayaw niyang na-i-interrupt ang klase niya kung hindi naman dahil sa isang importanteng bagay. At bago niya muling ipinapatuloy ang pagka-klase ay sinabihan niya pa kami na huwag gagaya sa mga estudyanteng iyon.

"Oh, may date ka?" ani Olivia nang mapansin ang pagmamadali ko.

"Male-late na ako sa trabaho."

Dahil kasi sa nangyari kanina ay na-extend ng halos sampung minuto ang klase. Tuloy ay sa trabaho ako mahuhuli ng pasok ngayon. Maglalakad pa papunta roon. Baka abutin pa rin 'yon ng sampung minuto. Palabas pa lamang ng university mula rito sa extension room ay ilang minuto na ang kakainin, eh. Ngayon ko gustong magmaktol kung bakit dito pa sa malayo kami nagklase!

Malas talaga 'yon si antipatiko sa buhay ko. Kung nasaan siya, laging may aberya sa buhay ko.

"Hintayin mo 'ko, huy!" sigaw ni Olivia dahil hindi ko pa man naisasara nang maayos ang aking bag ay tumayo na ako.

"Bilis," sabi ko na hindi siya nililingon man lang at patuloy lang paglalakad.

"Ito naman masyadong nagmamadali. Maiiwan mo pa tuloy 'to."

Nang makita ko ang hawak niyang folding umbrella ko ay nanlaki ang mga mata ko. Hindi pwedeng mawala 'to. Malalagot ako kay nanay.

"Pasalamat ka mayroon kang isang mabait at napakagandang kaibigan."

Humarap ako sa kanya at yumuko habang nakahawak ang mga kamay sa laylayan ng aking itim na skirt at ipinwesto ang kanang binti sa likod ng kaliwa bago bahagyang lumuhod. "Maraming salamat, madam," magalang ko pang ani na pareho naming ikinatawa.

Ngunit unti-unting nawala ang bakas ng tuwa sa mukha ko nang makita ang mga lalaking nakatayo at nakasandal sa hamba ng punto ng extension rooms. 

Kaharap ng isa naming kaklaseng lalaki ang isang binata at si antipatiko. At eksaktong kalilingon lang sa akin ng huli kaya naman nagtagpo ang mga mata namin. Sabay na nabahiran ng talim ang tingin namin sa isa't isa.

"Kilala mo?" mahinang tanong sa akin ni Olivia.

"Sino?" maang-maangan ko.

"'Yang kasama ni de Silva. 'Yong guy na naka-bun ang hairshey. Parang nakatingin sa 'yo, eh," bulong niya.

Umiling ako. "Hindi, ah. Wala akong kilalang antipatiko," sabi ko habang na kay antipatiko pa ang tingin at talagang sinadya kong lakasan ang boses. Tiniyak kong maririnig niya ang sinabi kong iyon.

Nakita ko ang pagtiim ng bagang niya. Ang tingin namin sa isa't isa ay tumagal pa hanggang makadaan kami sa harapan nila. Para kaming tahimik na nagtunggali at kung sino ang mauunang kumalas ng tingin ay siyang talo. At naputol lang ang pag-aaaway ng aming tingin nang makalampas kami sa kanila.

"Oh, my gosh." Kumunyapit sa braso ko si Olivia. Nang magkatinginan kami ay pinanlakihan niya ako ng mga mata. "Siya 'yon?" walang boses na tanong niya.

Agad akong tumango, nakangiwi. Namilog muli ang mga mata niya at napanganga. Nilingon niya iyon kaya agad ko siyang sinaway, "Huwag mong tingnan. Isipin pa niyan na pinag-uusapan natin siya." Nayamot ako sa isipin na baka ganoon nga ang iisipin ng lalaking iyon. Feeling niya naman! "Liv," may pagbabantang tawag ko nang manatili roon ang tingin niya.

"Nakatingin pa rin siya sa 'yo, Gi."

"Huwag mo sabing tingnan," mariin kong muli na saway at pasimpleng siniko ang tagiliran niya. Doon pa lamang siya humarap sa unahan.

"Feeling ko RK, 'yon."

"Ano'ng RK? RK Bagatsing?" biro ko.

"Rich kid, loka!"

"Paano mo naman nasabi?"

"My gosh, naka Patek watch?"

"Patek? Ano'ng patek?"

"Luxury brand 'yon ng watches."

"Baka naman fake? Tsaka pati iyon napansin mo pa."

"I doubt it na fake 'yon. Ganoon 'yong watch ng uncle ko na Aussie, eh. Kaya nga namukhaan ko agad. Tsaka itsura pa lang amoy rich kid talaga."

"Rich kid pero ang pangit ng ugali. Paayos niya muna ugali niya. Medyo balasubas, eh."

Tumatalim ang tingin ko sa daan at ramdam ko na rin ang pangungulubot ng mga kilay ko. Kapag talaga naaalala ko ang pagiging antipatiko ng lalaking iyon, talagang umaawas sa bunbunan ko ang inis ko. Biruin mo, nabunggo ka na’t lahat ay hindi man lang nagawang magsorry? Nakakainis! At ano raw? Hindi niya kasalanan? Wow! Ngayon lang ako nakatagpo ng ganoong klaseng lalaki! Masyadong antipatiko!

"High blood ka naman masyado," natatawang aniya na hinimas himas pa ang likod ko. "Pero gosh! Nai-imagine ko talaga 'yong ginawa mo. Ang laki niya palang tao tapos—oh my, God!" Napahagalpak siya ng tawa. "Ang very good mo talaga roon, Gi," tumatawa pang sabi niya.

Habang patuloy siya sa pagbibigay ng komento tungkol sa nangyaring iyon sa pagitan namin ni antipako ay patuloy naman ako sa pagmamadali sa paglalakad. Sumasabay ang inis ko sa lalaking iyon ang pag-aalala ko na baka late na ako sa trabaho.

"Baka basketball player kaya kasama ni de Silva."

Hindi ko pinansin ang sinabi niyang iyon. At mas nanaig na sa isip ko ang magmadali kaysa ang isipin pa si antipatiko nang masilip ko ang oras sa relo ko. Limang minuto na lamang kaya naman mas dinoble ko pa ang bilis ng mga hakbang ko.

"Bilis, Liv. Late na ako." At halos takbuhin ko na ang daan papuntang convenience store nang makalabas kami ng university kaya naman panay ang reklamo ni Olivia.

"Porke mahaba ang biyas mo," singhal niya na tinawanan ko.

"Hindi ko naman kasi sinabing sumama ka."

"Kung hindi ako sasama, eh, 'di nabored ka roon dahil hindi mo masisilayan ang beauty ko?"

"Wow. Laki ng ambag," natatawang tukso ko.

Maarte niya namang hinawi ang kanyang buhok.

Ekskatong three thirty kami nakarating sa convenience store kaya naman tuwang tuwa ako dahil hindi na-late. Agad naman nagpaalam si Joseph. Si Olivia ay kumuha agad ng isang malaking tsitsirya at nang mabayaran iyon ay pumwesto siya sa isang lamesa na nakadikit na sa glass wall, na malapit sa counter. Naglagay siya ng headset sa tenga at nanood sa cell phone. Ako nama'y inumpisahan ang trabaho sa paglilinis ng store. Tamad magwalis at mag mop si Joseph kaya ako ang palaging gumagawa niyon.

Nang matapos naman ako sa paglilinis ay naroon na lamang ako sa counter. Panaka-nakang nag-iingay si Olivia. Minsa'y bigla na lamang iirit dahil sa kilig, o maiinis at may ilang komento dahil sa pinapanood. Taga-saway naman ako lalo kapag may customer. Kapag wala namang customer ay nagbabasa-basa ako ng dala kong libro na may kinalaman sa kurso ko. Kapag naboring ay ang chick lit book naman. Minsan naman ay mga ipinagbebentang magazine na naroon sa ibabaw ng counter ang pinagdidiskitahan ko.

Nang magsawa yata si Olivia sa pinapanood ay sa gilid siya ng counter tumambay at nakikipagkwentuhan sa akin. Alas siyete na noong magpaalam siya matapos makatanggap ng tawag sa mama niya.

"Hihintayin na sana kita hanggang makapag-out ka, eh. Kaso nangungulit na si Mama na umuwi na ako."

Nakasimangot siya. Ayaw niya pa kasi talagang umuwi dahil wala naman daw siyang gagawin sa kanila. Ewan ko ba kung bakit nag-e-enjoy 'yan dito kahit wala rin naman siyang ginagawa rito.

"Okay lang, Liv. Ano ka ba!"

"Okay," matamlay na aniya. "Mauna na ako, ha?"

Tumango ako. Lumapit siya sa akin at nakipagbeso.

"Ingat ka." Kumaway ako.

"Thank you. Ingat ka rin mamaya pag-uwi." At nag-flying kiss naman siya.

Pinanood ko pa ang paglabas niya. Kahit sa pagtawid niya ng kalsada hanggang sa may dumaang jeep at makasakay siya.

Kauupo ko pa lamang at kabubuklat ng libro nang marinig ko ang muling pagtunog ng wind chime na nasa taas ng pinto. Agad akong nagsuot ng isang matamis na ngiti nang bumati, "Magandang gabi—"

Ngunit agad na umurong ang boses ko at nabura ang ngiti nang makita kung sino ang pumasok doon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top