Kabanata 17

HINDi na ako magtataka kung bumakat ang guhit sa noo ko dahil sa labis na pangungunot niyon. Dahil habang inililibot ang kwarto ni antipatiko ay hindi ko maiwasan ang labis na pagtataka. Hindi naman talaga siya makalat sa kwarto pero hindi nawawala ang kaunting gulo. Maraming pagkakataon na naabutan kong magulo ang kama niya. Siguro late na siyang nagigising at wala ng oras para ayusin pa 'yon. Madalas din na ang bathrobe at towel ay basta na lang nakasampay sa sandalan ng swivel chair niya o minsan ay nakahiga sa kama. At ang mga gamit niya sa banyo ang hindi ko naabutan kailanman na maayos.

Pero hindi ngayon.

Napapanganga na rin ako. Sobrang naninibago dahil maayos ang kama. Maayos din ang mga gamit sa banyo, nakasabit ang bathrobe sa likod ng pinto ng c.r. at nasa hamper ang tuwalya.

"No way," naiiling na't nangingiti kong sambit. "Kapag ito talaga..." sabi ko pa habang palabas ng kwarto niya.

Hindi na ako nagtaka na maayos ang sala dahil palagi naman 'yong gano'n. Madalang kasing tumambay si Antipatiko sa parteng ito ng bahay niya. Pero ang kusina na maayos at wala ring kakalat-kalat ang nagpadagdag sa pagtataka ko. Walang naiwang pinagkainan sa lababo at walang naiwang baso o tasa sa countertop.

"Elion," naiiling ko ulit na sambit. Hindi ko na napigilan ang paglapad ng ngiti. Kagat ang ibabang labi kong nahilot ang sentido. "Lagot ka sa 'kin mamaya," natatawa pang sabi ko.

Dahil wala na rin namang gagawin kung 'di magluto, at dahil maaga pa para roon ay nagreview na lang muna ako. Nagbabasa na'y nangingiti pa rin ako't naiiling kapag sumasagi sa isip ko ang ginawa ng antipatiko na 'yon. Niyon lang yata ako nag-abang sa pag-uwi niya. Noong nagluluto na ako'y panay ang sulyap ko sa bukana ng kusina. Hanggang sa mga oras na 'yon, hindi mawala-wala ang ngiti ko.

"Hi!"

Agad na natigil ako sa paghahalo ng nilulutong bistek nang marinig ang malambing at masiglang bati na iyon. Agad kong pabirong binato ng masamang tingin si antipatiko na nakasilip ang ulo habang nakatago naman ang katawan sa gilid ng kusina.

"Ikaw, ha," nagbabanta kong ani at itinuro siya gamit ang sandok na hawak ko habang nakapamewang pa ang isang kamay. Kagat ko ang ibabang labi at pinipigilan ang pag-almpas ng ngiti.

Kunwaring sinimangutan ko siya habang pinapanood ang paglapit niya. Ngiting ngiti na ang mokong. Siguro kanina pa rin niya naiisip na hindi ko palalampasin ang ginawa niya.

"What? Ano na namang nagawa kong mali?" natatawang aniya nang makalapit.

"Akala mo hindi ko mapapansin?"

Natatawa siyang umilag nang hambaan ko siya ng palo ng sandok.

"I know kasi na you won't listen at maglilinis pa rin."

"Talaga! Malamang trabaho ko 'yon." Hinarap ko ang niluluto at hinalo iyon saka ulit tinakpan. "Pero hindi mo naman kailangang gawin 'yon," sabi ko nang maharap siya ulit.

"Pero gusto ko."

Sumandal siya sa kitchen island. Kalhating dipa lang halos ang layo sa akin.

Napalabi ako. "Para mo na akong unti-unting inaalisan ng trabaho. Baka mamaya niyan sisibakin mo na 'ko dahil kaya mo naman pala na maglinis," pagda-drama ko.

"Well. I don't know how to wash clothes or how to cook."

Napaingos ako. "Eh, baka naman kaya panay ang pagbuntot-buntot mo sa akin kapag narito ako sa kusina kasi inaaral mo na rin ang pagluluto?"

"And you think na gagawin ko 'yon because I want to fire you?" May multo ng ngiti sa labi niya.

"Oo 'no!" nakasimangot na sabi ko.

Malakas siyang natawa. Pigil ko naman ang ngiti na pinagmasdan siya.

"Silly," may bahid pa ng tawa na aniya. "I just really want to help you. Iyon lang."

Iningusan ko siya. "Kaya ko naman. Kaya nga ako nagtrabaho kahit nag-aaral, dahil kaya ko naman."

Naiiling na napabuntong-hininga siya. "Ang kulit mo talaga, 'no?"

"Ako pa? Baka ikaw?" natatawa kong ani.

"Ikaw." Turo niya sa akin.

"Ikaw." Turo ko rin sa kanya.

"Okay... Pareho na lang tayo."

Malakas akong natawa. "Hindi ka talaga magpapatalo, eh, 'no?"

Nakangiti siyang tumitig sa akin. "Actually... I can."

Muli akong napaingos. "Isang himala kapag nangyari 'yan," biro ko. Hinarap ko ang niluluto. Nang makitang maayos na iyon ay hinango ko na at naghain. Muling tumulong si antipatiko.

"Two days na lang at exam na. Nagre-review ka ba?"

"Of course," may laman pa ang bibig na sagot niya.

Tumango-tango ako.

"Actually usapan namin 'yon ng mom ko."

"Ang alin?"

"Na I need to pass all my exams para hindi niya ako pauwiin. But when I passed the preliminary exam doon naman nagka-problem ang kuya ko kaya parang gusto ko na lang umalis dito that time."

"Pero bakit hindi ka umalis?"

Nagkibit siya ng balikat. Ilang segundo na hindi siya umimik kaya nagpatuloy na lang ako sa paglantak ng kinakain dahil akala ko hindi na niya 'yon sasagutin.

"Actually, hindi ko na rin alam that time. Pero I think alam ko na ngayon kung bakit," aniya na nakapagpabalik ng atensyon ko sa kanya

"At bakit naman?"

Doon na siya hindi sumagot at tanging ngiti lang ang ibinigay sa akin. Napangiwi naman ako. Nabitin sa pagku-kwento niya.

"Eh, ikaw, gano'n ka ba talaga?"

"Ano'ng gano'n talaga?" Nakatirik na ang kaliwang kilay ko.

"Para kang may sariling mundo kapag nag-aaral," aniya na nasundan ng nakalolokong tawa.

Nangiwian ko siya't nairapan.

"It's true. Kanina nga no'ng dumaan kami sa room ninyo, nakikita kong sinisiko ka ni Olivia pero parang wala lang sa 'yo. Masungit," nakangiwing aniya sa huling salita.

Napangisi ako. Akala niya yata hindi ko alam na naroon siya kanina sa labas ng classroom na inoukupa namin. As usual na kasama niya 'yong pinsan ni de Silva. Mukhang napadaan lang at piniling tumigil doon. Pero nakita ko siya nang sikuhin ako ni Olivia at itinuro ang bintana. Tipid nga lang ang tingin na ginawa ko kaya siguro hindi napansin nitong antipatiko. Kahit ng medyo malayo ang pwesto namin sa bintana ay kitang kita ko pa rin ang napakalapad ng ngisi niya habang kumakaway. Nang hindi ako lumingon, nasulyapan ko pang nangamot siya ng ulo saka umalis.

Palagi niya 'yong ginagawa tuwing nakikita ko siya, na madalas mangyari. Na hindi ko alam kung gala lang ba talaga siya dahil kahit sa department namin ay nakakarating siya o talaga lang nagkakaroon sila ng klase roon. Lalo na kapag naroon sa extension room. Minsan nga'y pinalabas pa ako niyan. Akala ko naman may importanteng sasabihin. 'Yon pala makikipagkwentuhan lang. Wala pa naman daw kaming professor pareho. Layasan ko nga.

Pero sa tuwing nakikita ko 'yan, napatunayan kong maganda talaga siyang lalaki. Habulin ba naman ng tingin ng mga kababaihan at ng mga lahi ni Adan na may pusong babae. Gusto ko na ngang isipin na isa siya sa mga campus crush, eh. And somehow, it makes me proud. Ewan ko ba. Para akong kaibigan na proud na proud dahil maraming nagkakagusto sa kanya at minsan hindi ko mapigilang magyabang. Pero sa isip ko lang naman. Na ako nakakasama ko siya nang madalas at nakakausap pa. Bagay na minsan kong naririnig na hiling ng ibang umiirit ng pagkagusto sa kanya.

"Feeling mo ba lalagnatin ka kapag hindi ka nakapag-aral?"

Nairapan ko siya roon dahil patuloy ang nanunuksong tono niya.

"Lalagnatin ako kapag bumagsak ako sa exam."

"What? Why? Pagagalitan ka ba ng parents mo?"

Nakangiwi at naiiling na tiningnan siya. "Eh, kasi po may scholarship ako at kapag bumagsak ako tiyak na lalayas ang mga 'yon. At kapag lumayas ang mga 'yon, paano na ang pag-aaral ko, 'di ba?" sarkastiko ang boses kong ani.

"Ah!" Tumatango-tango siya.

"Palibhasa yata ikaw kahit bumagsak okay lang."

"Hey, that's not true. Syempre maraming mawawala sa akin. At first na roon ang allowance."

"Buti nga sa 'yo allowance lang, eh."

Allowance talaga ang una niyang naisip, ha. Hindi man lang siya natatakot na bumagsak?

"Ano'ng buti allowance lang? Mahirap ang wala no'n, 'no. Kapag wala akong allowance, paano ako kakain? Kapag hindi ako nakakain, mamamatay ako."

Malakas akong napabunghalit ng tawa roon na muntik ko pang ikasamid dahil saktong kalulunok ko lang ng ininom kong tubig. Napaubo ako na ikinatawa niya pero agad na tinapik-tapik ang likod ko.

"Patay agad? OA mo naman," sabi ko nang makabawi. "Tsaka as if naman matitiis ka ng parents mo, eh mukhang mahal na mahal ka nga ng mga 'yon."

Nakangibit siyang napailing. "You don't know them."

"Don't tell me na strict ang parents mo? Kasi hindi halata lalo't pinayagan ka nilang magpunta na mag-isa rito sa Maynila."

"They are strict but not that strict." Naniningkit ang mga mata niya't itinaas pa ang kanang kamay na may kaunting puwang lang ang magkadikit na hinlalaki at hintuturo.

"Can you please explain?" Pinasingkit ko rin ang mga mata ko at pinaikot pa ang kamay. Akala mo'y professor na humihingi ng paliwanag sa isang research paper ng estudyante niya.

"You know, a typical parents." Kibit-balikat niya. "Strict at magagalit kapag alam nilang mali at ikapapahamak mo ang gagawin mo. But sometimes, hindi ko napipigilang sabihin na sumosobra na. Lalo na si Mommy. Alam mo ba how many times siyang tumatawag sa isang araw? Minsan nga ayaw ko na lang sagutin," aniya na naiiling.

"Ano ka ba! Syempre nanay 'yon, eh. Natural 'yon. Malamang na nag-aalala 'yon lalo't malayo ka sa kanila at nag-iisa rito. Tsaka dapat naisip mong magiging ganyan siya bago ka pa nagdesisyon na mag-aaral sa malayong lugar. Magtaka ka kung hindi siya ganyan at walang pakialam sa 'yo. Alam mo once na naging magulang ka na maiintindihan mo rin sila. Kaya nga dapat mahalin natin ang magulang natin. Istrikto man sila pero para sa atin din naman ang ginagawa nila. Pero kung alam mong hindi na maganda 'yong ginagawa nila o sinasabi nila, dapat maging open ka sa kanila at kausapin—"

Natigilan ako sa paglilitanya ko. Nilingon ko siya nang tuluyan matapos siyang madaplisan kanina ng tingin habang nagsasalin ako ng tubig.

"Bakit?" Puno ng pagtataka kong tanong. Ang lapad ng ngiti ng loko.

Natatawa siyang napailing. "Nothing."

Kinuha niya rin ang kabababa kong pitsel at nagsalin ng tubig sa baso niya. At hanggang sa mga sandaling iyon ay may multo pa ng ngiti sa labi niya. Kinagat niya ang ibabang labi para siguro itago iyon pero bigo siya dahil kusa 'yong nag-uumalpas.

"Bakit nga!" pamimilit ko na hinila pa ang kamay niya. Sumala tuloy ang tubig na sinasalin niya't natapon sa lamesa. Pero hindi ko 'yon pinansin dahil mas kuryoso ako sa inakto niya. "Bakit?" pamimilit ko pa rin.

"Wala nga," aniyang natawa ulit saka uminom.

Nanghaba ang nguso ko at tinaliman siya ng tingin. Kahit nasa bibig ang baso ay hindi pa rin nagpapigil ang pag-alpas ng ngiti sa labi niya. Umiinom pa nang maubo siya kaya mabilis niyang ibinaba ang baso.

"Bakit nga kasi?"

"Eh, kasi naman para kang si Mommy kapag pinapangaralan ako. Kapag nakapagsalita na 'yon, hindi talaga 'yon titigil hangga't hindi nasasabi lahat ng gustong sabihin."

"So?" nagtataka ko pa ring tanong.

"Wala lang," aniyang nagkibit ng balikat. "I find it cute lang habang nagsasalita ka kanina."

Umurong ang balak kong pag-irap dahil sa huling sinabi niya. Nawala na ang nakakalokong ngisi niya at nanatili ang ngisi pero hindi na ganoong nakakaloko.

"So, cute mama mo kapag gano'n?" Natawa ako nang umingos siya. "Eh, sabi mo kasi, eh."

"Ikaw ang tinutukoy ko, hindi si mommy.”

"Okay," sabi ko na lang saka tumayo at inayos ang mga pinagkainan. Nang makapaghugas ng mga pinagkainan ay agad na akong nagpaalam kay antipatiko. Sumunod pa siya sa akin hanggang sa pinto.

"I think you already need a cell phone," aniya habang pinapanood akong isinusuot ang rubber shoes ko.

"At bakit naman, aber?"

May kaunting hingal ang pananalita ko dahil nakayuko ako. Hirap na hirap akong isuksok ang paa ko sa sapatos kaya nayayamot na tinaggal ko na lang 'yon sa pagkakasintas. Nang maisuot ay umupo ako't itinali muli iyon.

"Eh, para nakakapagtext ka kung nakauwi ka na ba."

"Bakit naman kailangan pa kitang i-text kung nakauwi na ako?" Parehong nakataas ang kaliwang kilay at gilid ng labi ko. "Aba't iniirapan mo 'ko?" eksaheradang sabi ko at mahinang sinuntok ang binti niya nang mahuli ko ang pag-ikot ng mga mata niya.

"Eh, kasi naman nagtatanong ka pa."

Muntik ko siyang tawanan. Subukan mong pakinggan ang nagsusungit na baritong boses. Weird pero ang cute.

"Aba, eh, bakit ba kailangan na i-text pa kita kung nakauwi na ako? Ano ka, nanay ko?"

Nasapo niya ang kanyang noo. At sa naging pag-ahon ng mga balikat niya ay nasisiguro kong dahil iyon sa pagbuntong-hininga.

Umupo siya sa harapan ko. Muntik ko pang hindi napigilan ang pamimilog ng bibig at mga mata ko nang sapuhin niya ng dalawang kamay ang magkabila kong pisngi at saka iyon marahang idiniin.

"Eh, kasi po nag-aalala ako. Okay na?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top