Kabanata 10

SINUBUKAN kong gawin ang payo ni Olivia. Agree naman ako sa sinabi niya na kung patatagalin ko pa ang pakikipag-usap kay Ate Cathy ay baka mas mahirapan akong hanapin ang lakas ng loob na gawin iyon. Kaya naman napagpasyahan kong kausapin siya 'pag nagkaroon ako ng magandang pagkakataon sa araw na iyon.

"Hi, Gigi!" bati sa akin ng ilang empleyado na abala sa paglalagay ng mga hallow blocks sa isang track. Dalawa ang nakahanay sa baba at isa ang nakasampa sa truck.

"Hello po!" kumakaway kong bati sa mga ito. Tuloy-tuloy akong naglakad papasok ng tindahan. "Good afternoon, ate!" masiglang bati ko kay Ate Raquel.

"Oh, tamang tama." Agad niyang inabot sa akin ang nagkakapalang resibo.

Nanghahaba ang leeg kong sumisilip sa mga pasilyo.

"Sino'ng hinahanap mo?" tanong ni Ate Raquel.

"Si Ate Cathy po?"

"Naroon sa dulo. Nag-aayos pa ng deliver na natira kahapon."

Ipinagpaliban ko na muna ang balak. Ayokong istorbohin siya dahil baka lalong uminit ang ulo sa akin. Isa pa'y naging busy din ako sa pagre-record ng mga ibinigay ni Ate Raquel. Nang makalabas naman ako ay tapos na si Ate Cathy sa pagdi-display at kasalukuyang may kausap na customer.

"Ikaw muna rito, Gi. Mag coffee break muna ako."

"Hindi ka pa nakakapag-coffee break, ate?" gulat kong tanong habang pumapasok sa counter at palabas naman siya.

"Hindi pa. Dumating dalawang regular customer kanina. Ang liligalig pa naman kaya ang tagal matapos ng transaction."

Mahina akong natawa sa pagrereklamo niya. Tuluyan siyang nakaalis at ako nga ang naiwan sa counter. Sa tuwing dumadating o dumadaan doon si Ate Cathy ay hindi ko maiwasang sundan siya ng tingin. Kapag naman nakikita niya ang tingin ko ay paiikutan niya ako ng mga mata.

Nang makabalik na si Ate Raquel ay siya na muli ang tumao sa counter. Ako naman ay naisip na tumulong sa pagdi-display ng ilan pang nakakahon. Katatapos ko lamang sa isang kahon ng mga hinges nang may sumipa ng kahon niyon at tumama sa paanan ko. Mabilis akong napatayo nang makita si Ate Cathy na matalas na agad ang tinging ipinupukol sa akin.

"Sino'ng may sabi sa 'yong makialam ka sa trabaho ko?" Mahina ang boses niya. Para bang ingat na ingat na walang makarinig sa kanya.

"T-Tumutulong lang naman ako, ate."

"At sino namang may sabi sa 'yo na kailangan ko ang tulong mo?"

Itinulak niya ako gamit ang mga daliri. Mahina lang naman iyon pero napaatras pa rin ako at pagkakamali pang nahagip ng kamay ko ang isang rack kaya naman naglaglagan mula roon ang mga balot-balot na pako. Taranta akong umupo at mabilsi na pinulot ang mga nalaglag. Mabuti na lamang at walang nabutas sa mga iyon.

"Iyan kasi! Nangingialam ka ng trabaho ng may trabaho. Hindi ka lang malandi, pakialamera ka pa."

Muli niyang sinipa ang kahon at muli 'yong tumama sa paanan ko. Pero hindi roon natuon ang atensyon ko kung 'di sa sinabi niya.

Nangungunot ang noo ko nang magpaulit-ulit iyon sa utak ko. Tumayo ako at hinarap siya. "Ako... malandi, ate? Kailan naman ako naging malandi?"

"Tapos maang-maangan ka ngayon?"

"Dahil hindi ko alam ang sinasabi mo."

Matunog siyang ngumisi. "Nagmamalinis ka naman ngayon? Pa-virgin ka rin, eh, 'no?"

Hindi ko na maintindihan ang nararamdaman ko. Nagugulantang ako sa mga naririnig ko sa kanya kasabay niyon ay nakakaramdam ako ng inis. Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na masabihan ako ng mg ganoong salita.

"Pinag-iisipan mo ako na malandi? Paano nga ba ako naging malandi?"

"Bakit, hindi ba? Kung makapagpalingkis ka kay Jay, kulang na lang magtabi kayo sa higaan."

Napasinghap ako. Hindi ko akalaing ganoon ang tumatakbo sa isip niya. Ni hindi ko ginugusto kapag umakbay sa akin si Kuya Jay. Simpleng akbay lang iyon at ni hindi ako komportable roon tapos ganoon pa pala ang iniisip niya sa akin?

"Iyon ba ang dahilan kaya bigla ka na lang nagbago ng pakikitungo sa 'kim? Nagkakamali ka ng iniisip. Hindi ako ganoong klase ng tao. Magkaibigan lang kami ni Kuya Jay—."

"Sinungaling."

Napaatras ako nang ilang hakbang matapos niya akong  itulak muli.

"Ate Cathy, makinig ka," mariing sabi ko. "Oo nga't mahilig umakbay si Kuya Jay pero hindi ko naman ginusto—"

"Sinungaling kang malandi ka."

Pakiramdam ko'y nabali ang leeg ko nang malakas 'yong pumihit pakanan at para akong saglit na nawalan ng pandinig dahil sa lakas ng sampal niya.

Mabilis na namuo ang luha sa mga mata ko nang maramdaman ang hapdi sa mukha ko. Iyon ang unang beses na napagbuhatan ako ng kamay. Maski si Tatay o si Nanay ay hindi iyon nagawa sa tanang buhay ko. Ngayon pa lang!

Agad akong nakabawi at handa ng lumaban. Taas-noo nang harapin ko siyang muli. "Hindi ako makapapayag na ganoon ang gagawin mo sa akin nang wala man lang sapat na dahilan. Oo nga't hindi kita magawang makausap noong biglang nagbago ang pakikitungo mo sa akin pero hindi ibig sabihin niyon na duwag ako. Ganoon ako dahil iginagalang pa rin kita dahil itinuturing kitang ate ko. Hindi ako ang klase ng tao katulad ng kung ano'ng tumatakbo sa isip mo. Nandito ako para magtrabaho para sa pag-aaral ko hindi para—"

"Hindi para ano? Hindi para makipaglandian? Kunwari ka pa. Payag na payag ka nga kapag inaakbayan ka ni Jay. At ano sa palagay ko ang nangyayari kapag wala kayo sa trabaho? Baka sa labas mo pa siya nilalandi at kung saan-saan kayo nagpupunta."

Nanlaki ang mga mata ko sa mga naririnig ko sa kanya at nang makita ang pag-angat ng isa niyang kamay. Alam ko na ang balak niya at hindi na ako makapapayag na muling lalapat ang palad niya sa mukha ko. Ngunit ganoon na lang ang gulat ko na bago ko pa man iyon mapigilan ay may humarang na sa pagitan namin ni Cathy.

Ilang ulit akong napakurap habang nakatitig sa itim na damit sa harapan ko. Dahan-dahang umangat ang tingin ko at sunod kong nakita ang bahagyang maalon na buhok na hanggang batok nito.

Hindi ko pa man nakikita ang mukha nito ay agad ko siyang napagsino. Napaharap siya sa akin nang hinila ko ang damit niya pero nanatili ang tingin niya sa babaeng hawak pa rin niya sa palapulsuhan. At hindi nakalampas sa paningin ko ang mariing pagkakatiim ng bagang niya.

"A-Ano'ng... ginagawa mo rito?"

Nabaling ang tingin ko kay Cathy nang matunog muli itong ngumisi. Wala na ang gulat sa mukha nito na nasulyapan ko kanina. Padaskol niyang binawi ang braso niyang hawak ni antipatiko.

"Talagang nagtawag ka pa ng kakampi?" aniya habang nakatingin kay antipatiko bago ibinaling sa akin ang tingin.

"Don't you know that what you're doing is harassment, bullying?" si antipatiko bago pa man ako makasagot sa akusa ni Ate Cathy. Nananatili ang tingin nito sa nasa harapan namin.

"Bully? Kailan ko naman bi-nully ang isang 'yan?"

"You're verbally harassing her. I heard you calling her... What is that? Malandi? And I saw you pushing her and slapping her. I have evidence, miss, just so you know."

Inangat ni antipatiko ang kaliwa niyang kamay at hawak nga nito roon ang isang cell phone. Muling nabahiran ng gulat ang mukha ni Cathy. Pinipilit niya pang patapangin ang mukha pero hindi na niya iyon nagawa.

"Sige, ilabas mo ang ebidensyang sinasabi mo. Tingnan natin kung sino'ng matatanggal sa atin. Ako o ikaw na malandi ka," huling sinabi niya habang palipat-lipat ang tingin sa amin bago niya kami tinalikuran.

Nanlalambot na bumagsak ang balikat ko at napasandal sa dingding nang tuluyang mawala siya sa paningin ko.

"Don't tell me na hindi ka magsusumbong?" 

Umangat ang tingin ko kay antipatiko. Hindi ko pinansin ang sinabi niya at nagtataka ko siyang natitigan. Salubong ang mga kilay niya at naroon pa sa mukha ang inis.

"Ano'ng ginagawa mo rito?"

Naiiling niya akong natitigan. "Iyan pa talaga ang inaalala mo? Wala lang ba sa 'yo ang mga sinabi at ginawa ng babaeng iyon?"

"Ano bang pakialam mo? Baka nakakalimutan mo, may kasalanan ka pa rin sa 'kin?"

Hindi makapaniwala na tumitig siya sa akin at naiiling na tinalikuran ako.

Napahugot ako ng hangin at malakas na naibuga iyon. Sumagi ang tingin ko sa mga nakakalat pang naka-pack na pako. Muli akong napabuga ng hangin at nilapitan iyon. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala sa mga narinig ko kay Cathy. Nasasaktan ako at bahagyang nakakaramdam ng galit. Hindi ako makapaniwala na ganoon niya ako pag-isipan na para bang hindi niya ako nakilala nang lubos sa ilang buwan na nagkasama kami rito at naging magkaibigan. Ni hindi ko naisip na dahil kay Kuya Jay kaya nagbago ang pakikitungo niya sa akin. Oo nga't na-i-kwento niyang may gusto siya roon noon  pero hindi ko naisip na hanggang ngayon ay ganoon pa rin lalo pa't may asawa na sila pareho.

Natapos ang duty ko sa kaiisip sa mga nangyari at uuwi na nang hindi na nakita pang muli si Cathy. Hindi na rin ako nag-abalang hanapin pa siya.

"Mauuna na ako, ate," paalam ko kay Ate Raquel.

Umangat ang nagtatakang tingin niya sa akin. "Bakit parang lambot na lambot ka?"

Mukhang wala silang ideya sa mga nangyari kanina. Malayo kasi kami sa kung nasaan siya. Ipinagpasalamat ko na rin na walang customer ang nakasaksi ng kaguluhan kanina. Ganoong oras naman kasi ay wala na masyadong customer. Pa-isa-isa na lang ang dumadating. Kahit ang ibang kasamahan namin doon ay mukhang walang alam na ipinagpasalamat ko na lang din. Pero kung may alam sila tiyak na hindi sila titigil kauusisa sa akin.

"Pagod lang, ate."

"Nakakapagod nga 'yang mag-aral at magtrabaho nang sabay. Oh, siya, mag-ingat ka pauwi."

"Salamat, ate. Kayo rin po."

Palabas ako ng gate nang makasalubong ko naman si Kuya Jay, kasalukuyan siyang papasok. May bitbit siyang isang 1.5 liters na softdrinks. Agad na nalagyan ng malapad na ngiti ang labi niya.

"Uuwi ka na, Gi?"

"Opo," pilit ang ngiti kong sagot.

"Kumain ka muna ng hapunan. Nagluto kami ng pancit canton."

"Sa bahay na po."

"Oh, siya, sige. Ingat, ha!"

Umangat ang kamay niya at akma 'yong ilalapat sa balikat ko pero naiwasan ko sa ginawa kong pag-gilid. Mukhang pinagtakhan niya ang kilos ko dahil sa pagsasalubong ng mga kilay niya at sa pagkawala ng ngiti niya.

"Kuya."

"Ha? Ano 'yon, Gi?"

"Alam ko po na nakababatang kapatid lang ang tingin mo sa akin. Pero hindi po kasi talaga ako sanay na may ibang lalaki na umaakbay sa akin. At... medyo naiilang po ako," walang paligoy-ligoy kong sabi.

Mukhang hindi niya inaasahan ang sinabi ko dahil ilang saglit siyang nakatitig sa akin at bahagyang nakanganga.

"N-Nako, p-pasensya na, Gi."

"Okay lang po. Pasensya na rin po."

Bakas sa mukha niya ang hiya. Nagpaalam na siya agad pagkatapos ng muling paghingi ng pasensya at tuluyang pumasok. Nakaramdam naman din ako ng hiya. Nakababatang kapatid lang talaga ang nararamdaman ko sa kung paano niya ako ituring at wala akong ibang nararamdaman sa kung paano niya ako pakitunguhan. Pero kailangan kong sabihin iyon para matigil na rin siya sa ginagawa niya na nagbibigay sa akin ng pagkailang. At ayokong makita na naman kami ni Cathy at kung ano na namang isipin no'n.

"Very good. Ganyan nga, put boundaries towards other people para hindi ka rin pag-isipan ng masama ng ibang tao."

Gulat akong napalinga at agad ko namang nakita si antipatiko sa gilid ng gate. Nakasandal siya roon at nakapamulsa. Sa harap niya ay may nakaparadang big bike. Nakaharap siya sa kalsada na akala mo'y may interesanteng pinapanood doon. Niyon ko lang napansin na naka-white short sleeved polo at itim na slack pa siya na school uniform nito.

"At narito ka pa?" pagsusungit ko.

Niyon niya pa lang ako hinarap.

"You're not going to report her?"

"Bakit ba nakikialam ka? I-report ko man siya o hindi, wala ka na roon."

Lumapit pa ako sa gilid ng kalsada at tumingin sa kaliwa. Wala pa akong nakikitang bakas na may paparating na jeep na dadaan sa lugar namin.

"I have the video ng nangyari sa inyo kanina. She's verbally harassing you, she's bullying you."

"Hindi niya ako binu-bully." Nilingon ko siya. "Kanina lang nangyari ang ganoon dahil nakialam ako sa trabaho niya."

"Trabaho mo rin naman 'yon. Nagta-trabaho ka roon kaya trabaho mo rin 'yon."

Doon na ako nagtaka. Agad na umarko paitaas ang kaliwang kilay ko. "At paano mo nalaman na nagta-trabaho ako dito? At bakit ka narito in the first place? Don't tell me na naghahanap ka na naman ng magiging dahilan para maipatanggal ako?"

Hindi siya umimik.

"Ano, hindi mo maamin na may mali ka sa akin?"

"Okay, fine, I'm sorry for what I did."

Ako ngayon ang hindi nakaimik. Aaminin kong nagulat ako na nagawa niyang magsorry. Para kasing wala sa bokabularyo niya ang salitang 'yon.

"Okay," tipid kong ani at tinalikuran na siya.

"That's it?"

Muli akong nilingon. "Anong that's it? Ayaw mo bang tanggapin ko ang pagso-sorry mo? Eh, 'di huwag."

"At kapag nagsorry ang babaeng iyon, tatanggapin mo lang din nang ganoon lang?"

"So?"

Napasinghap siya. "Unbelievable."

Nagtataka ko siyang nasundan ng tingin nang bigla na lamang niya akong tinalikuran at sumakay sa big bike na nakaparada sa gilid ng gate. Mabilis niya 'yong pinaharurot. Napanganga ako habang sinusundan ng tingin ang motor hanggang mawala na lang iyon sa paningin ko.

"Baliw ba siya?"

Naiiling akong nag-abang na lang ulit ng masasakyan.

Hindi ako nakatiis at agad kong iki-n-wento kay Olivia ang mga nangyari sa pagitan namin ni Cathy nang magkita kami sa university kinabukasan. Minus 'yong pagsingit ni antipatiko na wala pa rin akong sagot kung bakit ba naroon siya. Pwedeng nalaman niya kay de Silva na nagta-trabaho ako roon pero bakit naman siya pupunta roon?

Para bumili, Gi? Hindi ba't tindahan 'yon?

Pero sa dami ng hardware store, doon pa talaga? Coincidence ba 'yon o nananadya siya?

"Ni hindi ka nga nahuhumaling sa mga oppa ko, eh. Tapos pag-iisipan ka niya ng ganoon?"

Hindi pa rin natatahimik si Olivia. Kanina pang umaga ko na-i-kwento sa kanya ang nangyari at ngayon na first subject na namin ng hapon ay iyon pa rin ang bukangbibig niya. Maghapon ng mainit ang ulo niya dahil doon.

"Hayaan mo na lang."

"Ano'ng hayaan, Gi? I can't believe na ganyan kang kahinahon pagkatapos ng mga narinig mo. Kung ako 'yon baka hindi ko siya napakawalan kagabi. Kakalbuhin ko talaga siya."

"Kakausapin ko na lang ulit mamaya."

"At ikaw pa ang makikipag-usap? Ano'ng sasabihin mo? Magso-sorry ka? Dapat siya ang magsorry dahil mabaho ang laman ng utak niya."

Malalim akong napabuntong-hininga. "Sa totoo lang ganyan din ang mga naiisip ko kagabi. Pero wala namang magandang gawin kung 'di ang kausapin siya nang mahinahon. Ayokong magkagulo kami lalo pa't kasama ko siya sa trabaho. Tsaka, hoy, wala akong balak na magsorry dahil wala naman akong kasalanan."

"Very good," tumatangong aniya.

"Kakausapin ko lang siya at sasabihin kong mali ang mga naiisip niya."

"Okay. Kung iyan ang makakapagpaluwag ng nararamdaman mo. Pero sasama ako."

"Loka. Magta-trabaho ako roon hindi mamamasyal."

"Aba, baka mamaya niyan sunggaban ka no'n. Mabuti ng may resbak ka. Basta sasama ako. Kunwari customer ako."

"Bahala ka nga," naiiling kong ani.

Ganoon na nga ang balak ko kaya naman habang nasa biyahe kami ni Olivia, oo, sumama talaga siya, papunta sa trabaho ay ineensayo ko na sa isip ang mga sasabihin ko kay Cathy. Pero hindi ko inaasahan na pagkarating ko roon ay wala na ulit akong trabaho. Pagkarating ko roon ay naroon si Sir Eadan at kinausap niya ako sa opisina niya. 

"I can't fire you both." Iyon ang tanging naintindihan ko.

"Pero, sir, k-kailangan ko rin naman po ng trabaho."

"I'm really sorry, Gianna. Masipag ka at talagang nakikita ko ang pagsusumikap mo pero I need to do this."

Nakikita ko rin naman ang panghihinayang sa mukha ni sir pero mukhang wala na nga siyang choice kung 'di paghiwalayin kami ni Cathy. Siguro naisip niyang pati negosyo niya ay maapektuhan sa away namin.

Pagkatapos ng pag-uusap ay ibinigay na agad ni sir ang natitira kong sweldo. Umalis na rin siya dahil may pupuntahan pa raw ito. Samantalang nanatili pa kami roon ni Olivia.

"Mamimiss ka namin, Gi," malungkot na ani Ate Raquel at yumakap sa akin.

Malungkot na nailibot ko ang paningin ko. Lahat ng kasamahan ko sa trabaho ay naroon sa tapat ng counter. Malungkot ang mukha ng mga ito pero napansin ko na wala roon si Cathy.

"May hindi pala kayo pagkakaunawaan ni Cathy. Bakit hindi ka nagsasabi?" si Kuya Jay.

"Kahapon ko lang po nalaman ang dahilan niya."

Hinarap ko si Ate Raquel nang magsalita ito. "Kinausap din siya ni Sir Eadan kanina at doon lang namin nalaman ang gulo ninyo kahit ang nangyari kagabi."

"Pasensya na, Gi. Dahil pa sa akin," bagsak ang balikat na ani Kuya Jay.

"Hindi mo naman kasalanan, kuya."

"Oo nga, p're. Hindi ka na nasanay doon kay Cathy. Alam mo namang patay na patay pa rin sa 'yo 'yon hanggang ngayon," sabi ni Kuya Jose. "Pagpasensyahan mo na 'yon, Gi. Matagal na talaga 'yong may gusto dito kay Jay hindi lang sinasagot nito."

May tono pa ng pagbibiro ang huling sinabi niya kaya saglit akong tipid na nangiti maski ang mga kasamahan namin at tinukso pa si Kuya Jay.

"Paano naman po nalaman ng sir ninyo na may hindi pagkakaunawaan si Gigi at ang babaeng iyon?" Mukhang hindi na nakatiis si Olivia. Nasa gilid ko ito.

"Imposible namang si Cathy ang magsusumbong," ani Ate Raquel.

Niyon ko lang din iyon naisip. Imposible ngang si Cathy ang nagsumbong kay Sir Eadan. Hindi niyon gugustuhin ang matanggal sa trabaho dahil breadwinner siya.

Nagkatinginan ang mga kasamahan ko at saka sabay-sabay na nagkibit ng mga balikat. Pero si Kuya Jay ang sumagot sa pinagtatakahan ko rin.

"Hindi kaya dahil sa kasama niyang lalaki kanina? Dahil kung hindi, bakit isasama ang lalaking iyon nang kausapin ni Sir Eadan si Cathy."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top