OSC 9: Painful Beginning of Life

Ang buhay ng tao ay parang alon sa dagat. Hindi nalalaman kung sa bawat paglalayag ay makakarating ng payapa ... kung pagdating ba natin sa pampang ay makakahuli tayo ng sagana ... pero iyon ang masakit na bagay sa buhay ng tao, dahil di lahat ng alaala at pangarap ay kayang maibalik.

Sa paglipas ng araw, buwan, taon at dekada, maraming puwedeng magbago; may nawawala, dumarating, at bumabalik, pero wala tayong magagawa dahil lahat ng bagay ay lilipas at patuloy na kukupas. Masaya man o malungkot pero wala tayong choice kundi bitiwan at pakawalan ang mga bagay na dapat ng kalimutan.

Sa pagpapalit din ng taon ... panibagong bagay ang nakalaan, hindi natin maikakaila na may mga mahal tayo sa buhay ang tuluyang mawawala. Sikapin man nating hawakan sila ng mahigpit, kung ang tadhana na mismo ang gagawa ng paraan para mawala sila, walang tayong magagawa kundi ang pakawalan sila.

Bawat alaala ng kahapon ay tunay na mahalaga, dahil dito natin unang naranasang gumapang, lumakad, tumayo, mainis, mangulit, tumawa at lumuha ngunit ang lahat ng iyon ay mananatili na lang sa alaala ng kahapon na kahit ano'ng pilit nating kalimutan - sa puso natin mananatili ng walang hanggan. Kahit gaano pa kahirap at kasakit, hindi natin kayang baguhin o pigilan pa dahil lahat ng bagay na nagpaiyak sa atin ngayon ... Ito ang mga bagay na nagpasaya sa atin noon.

Hindi ko alam kung dapat ba tayong maging masaya sa pagbabago ng taon ... siguro dahil sa kasalukuyang panahon ngayon, maraming bagay na gusto na nating kalimutan pa at ibaon sa nakalipas pero sa kasamaang palad, may mga bagay na nangyari ngayon ang mamimiss natin sa pagpasok ng panibagong taon.

Nakakalungkot pero wala tayong magagawa, dahil sa pagpasok ng panibagong chapter ng mga buhay natin ngayon, kaakibat no'n ang pagkawala ng mga taong kasama natin noon, nang mga alaala at mga bagay na mayroon sa atin noon. Darating din ang panahong kahit ano'ng pilit nating ibalik ang lahat, sadyang hindi na maibabalik pa, maraming magbabago at patuloy na mapapalitan kaya isang araw, magigising na lang tayong lahat ng bagay na iyon ay alaala na lang ng kahapong gusto nating balikan pero huli na.

Minsan pa nga matatawa na lang tayo kapag naaalala natin, pero ganoon pa man ... magkaiba iyon kung tao ang pag-uusapan dahil ang mga taong kasama natin noon ay sadyang mapapalitan ng bagong nilalang na bubuo sa mundong binuo ng nakaraan. Ang bagay na una nating naranasan at nalaman kasama ang nakaraan ay madadagdagan ng panibagong experience sa piling ng bagong nilalang na magiging parte ng buhay ng isang tao.

Masaya dahil bagong pagkakataon ulit upang madagdagan ang kaalaman at experience natin ngunit ang nakakalungkot ay, puwedeng ang taong nagbigay sa atin ng bagay na iyon noon ay wala na ... subukan mang dagdagan ng bagong-tao ang kaalamang iyon, ngunit ang alaala ng kahapon ang magpapaalala sa 'ting may mga bagay na di kayang burahin ng panahon, 'pagkat ito ang sugat na walang gamot, pilitin man nating burahin ang nakaraan ngayon, pero ang kahapong unang bagay na ating naranasan ay mananatiling nakatagong alaala ng kahapon, kung saan tayo ay isang hamak na inosente pa lang.

Sa bawat taon na lilipas, panibagong experience ang ating mararanasan, pero sana, ang mga bagay na nangyari sa nakaraan ay puwedeng burahin, ibaon sa limot at palitan ng bagong pagkakataon, ngunit sa kasamaang palad? walang ganoon, dahil ang lahat ng pagbabagong iyon ay magiging dahilan din ng panibagong yugto ng buhay at kamatayan.

Hindi natin kayang iwasan iyon, pero ito ang kapalaran natin bilang nilalang sa mundo. Ang maranasan lahat at matuto, pagkatapos - Ang mamatay. The essence of life - that's how we build in this world. Hindi natin pag-aari ang bawat minuto ng buhay natin, hiram lang - pagkatapos ng misyon natin sa mundo - mawawala rin tayo at magiging abo sa ilalim ng madilim na lagusang kuwadrado.

Kaya ating pahalagahan ang nalalabing araw dahil hindi natin kayang hawakan ng mahigpit ang buhay na mayroon tayo ngayon. Puwedeng ngayon o bukas, kukunin na sa atin kaya ating pahalagahan ang buhay kahit sobrang hirap pang makibaka sa mundong puno ng hilahil.

---✓ A/Note: Sana may natutunan kayo sa aking mumunting paalala, maraming salamat sa inyong pagsuporta. Happy New Year!👍

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top