OSC 7: Panaghoy ng Supling

Bilang Bata---ang sarap mabuhay dahil wala kang ibang iisipin kundi ang maglaro, kumain at makipagbiruan kasama ang mga kapatid at kaibigan mo. Iyong tipong walang nasa isip mo kundi ang mga nais mong gawin; madalas pa nga napapagalitan ka ng magulang mo kasi pasaway at matigas ang ulo mo.

Naaalala ko pa noon, nasigawan ako ni Nanay kasi iniwan ko iyong paninda namin at nakipaglaro sa may bakanteng lote kasama ang mga kababata ko; takbo, habulan, taguan, at kung ano-ano pang kalukuhan, ngunit ang mas malala pa rito ay puro kalalakihan ang mga kasama ko. Ika- nga nila brusko ang datingan, pero wala kayong magagawa 'pagkat sila ang nais kong makasama. Ngunit wag kang manlait agad dahil may ilang kababaihan din naman kaso gaya ng sabi ko---brusko rin.

Nakakatuwa di ba? Kasi kahit simpleng bata ka pa lang, nakakarating ka na sa malayo kahit hindi dapat, kasi akala mo tama ang ginagawa mo, tapos magulat ka na lang parating na si nanay dala ang pamalo.

Sabay sabing "Walang-hiyang bata ka, umuwi ka na." Pero pag-uwi mo ng bahay pagagalitan ka lang tapos yayayain kang kumain. Ganoon naman talaga ang mga magulang natin, kahit anong galit sa 'yo--- pagkatapos ka paluin, yayakapin at ipapaunawa rin sa 'yo iyong dahilan kung bakit ka napagalitan. Tapos maya-maya sasabihin sa 'yo "Maligo ka na ta ang asim mo, amoy araw ka." Kaya agaran naman akong nagtatakbo patungo sa CR upang maligo.

Nakakatuwa nga e, kasi may mga magulang kang nariyan para gabayan ka sa mga maling nagagawa mo kahit bata ka pa. Ngunit hindi natin maiiwasan ang kahirapan, sapagkat laganap sa mundo ang walang makain, walang tirahan, at walang malapitan na kung sinuman kaya napipilitang mangibang-lugar ang ating mga magulang upang mabigyan tayo nang magandang pamumuhay. Kaya dito magsisimula ang kuwento ko.

Sa sobrang hirap ng buhay noon, napilitan kaming makitira sa aming kamag-anakan, kasi akala namin willing silang tumulong kahit papaano dahil sila naman daw ang nagsuggest na tumira kami sa kanila---pansamantala. At bilang batang walang alam, siyempre nang makarating kami sa probinsiyang iyon, tuwang-tuwa kami dahil ang lugar ay sadyang kaakit-akit at napakalamig sa mata.

Papasok pa lang kami sa lugar na iyon ay nabighani na ako sapagkat habang nakasakay kami sa ELF na sumundo sa amin? Oo Elf po, kasi marami-rami rin ang mga gamit namin na mula sa dati naming bahay. Gayon din habang papasok kami sa malawak na kalsadang iyon--- kitang-kita ko ang mga palayan sa bawat gilid nito na halatang ekta-ektara ang lawak. May iilang puno rin sa di kalayuan na may malalagong sanga at dahon na parang ginagawang silungan ng mga magsasaka kapag namamahinga sila.

Natatanaw ko rin ang pailan-ilang maliit na kubong gawa sa pawid na halatang matutumba na ngunit hindi pa naman ganoon kalala. Maging sa di kalayuan ay natatanaw ko ang malaking agos ng tubig na mula sa tubo, na tinatawag nilang patubig sa mga palayan.

Nakakatuwa nga kasi sadyang kay ganda ng kapaligiran at malayo sa magulo at maingay na siyudad sa Maynila. Habang papalayo kami nang papalayo papasok---unti-unti ko nang natatanaw ang mga kabahayang hindi ganoon kalaki ngunit sapat ito para sa isang pamilya. May mga batang naglalaro sa bakuran, may nagwawalis, nagkukuwentuhan at may mga matatandang nakatingin sa 'yo sapagkat batid nilang baguhan ka sa lugar na iyon.

Alam naman nating sa bawat Bayan o Probinsiyang kapag bago ka maraming nakiki-usyoso kasi bagong mukha kayo. Nakakatakot ngunit nakakatuwa kasi parang welcome na welcome ka sa simpatya nila at sa lugar nila. Maraming pa akong napansin sa lugar na iyon ngunit makalipas nang ilang oras ay nakarating na kami sa bahay na titirhan namin.

Nagpitada ang driver ng Elf na sakay namin at may isang matangkad na binatang nagbukas ng kulay abong tarangkahan nito na mula sa matigas at makapal na bakal. Sinalubong kami ng Lola, Lolo, katulong at iba pang tauhan sa lugar na iyon. Opo! Maraming tao sa lugar na iyon 'pagkat maraming mga Manok Pansabong ang naroon at mayroon ding lugar o pinasadyang pinagawa para sa mga Baboy na naroon, samakatuwid--- Farm ito ng Baboy at Manok na pansabong. Maraming ring naglalakihang mga puno at sanga ng Mangga, kayomito at iba pa. Sa kabilang naman nang mataaas na pader ay may mga punong ibat iba ang matatanaw rito, kaya sadyang napakapresko ng lugar at nakakarelax sa mata.

Tumagal ng Buwan at Taon kaming naririto dahil na rin say hirap ng buhay. Dito na rin ako nag-aral ng Elementarya hanggang isang araw isang balita ang gumunaw sa mundo ko.

Nag-away raw ang aking Ina at Lola. Kaya napilitan pumunta si Inay patungo sa Maynila upang magtrabaho at iniwan kami kasama ang aking Ama. Hindi ko alam ang pinag-awayan nila ngunit isang bagay ang hindi ko makakalimutan---

"Anak, aalis si mama kasi kailangang magtrabaho para sa inyo, Mahal na Mahal ko kayo anak. Sana ay maunawaan mo anak dahil para sa inyo ang gagawin ko."

Tumulo ang luha ko at nagmakaawa ako na wag siyang umalis at wag kaming iwan. Walang tigil sa pagpatak ang luha ko habang luhaan na si Inay at mugto na ang mga mata, tumutulo rin ang sipon ko na nalalasahan ko na.

Bilang nasa ika-apat na baitang sa elementarya at panganay, masakit at nakakasakit ng loob 'pagkat iiwan kami ni Inay. Mahirap maging panganay, dahil alam mo ang mga nangyayari sa kabila ng murang edad mo. Simula noon, walang sawang kalungkutan, luha, at galit ang naranasan ko. Napapagalitan, napapahiya at nakakarinig ng masasakit na salita. Tiniis ko lahat iyon, walang tagapagtanggol kundi sarili ko. Maaga akong namulat sa realidad ng buhay--- hindi pantay ang buhay sa mundo. May mababa at mataaas, may mahirap at mayaman, may-amo at alila. Sa kabila ng sarili mong kadugo, sila pa ang magmumulat sa 'yo ng hindi makatarungang realidad ng buhay.

Hindi ko na naranasang maglaro simula noon. Natuto ako sa gawaing bahay, maging ang paglalaba ng sarili kong damit, pati ang pagbubuhat ng mga mabibigat na bagay, at maging ang pagbibilad ng mga butil ng palay na ipapakaskas para maging bigas. Salo sa init at lamig, gutom na sikmura at utak na puno ng realidad ng buhay, maitim at payat, basahang damit at luhaang mga mata, mga bagay na makikita sa isang paslit na maliit.

Ngunit sa kabila ng hirap, panlalait, pang-aapi, pagpapahiya ay pinilit niyang lumaban at magpatuloy sa buhay. Ngumingiti sa paaralan, naglalaro ng bahagya at nakikipag-kaibigan sa kabila ng kaalaman ng iba na mayaman siya ngunit para sa isang paslit--- kagaya rin siya ng ibang bata na nagmula sa mababang antas ng buhay. Pumapasok na barya lang ang baon at hindi sapat ang pagkain kaya pumipila na lang siya sa feeding sa canteen upang makakain, sapagkat mismong guro nito ang nagpapapunta sa kanya roon upang makakain. Sapagkat batid ng mga guro ang buhay na mayroon sa batang paslit na iyon ngunit walang silang magawa pagkat nananaig ang mataas na antas ng buhay ng mga taong kilala sa lipunan.

Ngunit sa kabila ng hirap, pagluha at pagtitiis ng bata ay kinaya niya lahat... kumapit sa tanging sandalan niya---bibliya. Doon siya kumakanlong at nagmamakaawa habang umiiyak. Humihingi ng tulong para mabigyan ng lakas at katatagan upang manatili sa buhay---upang magpatuloy kahit na dumating na sa puntong gusto na niyang kitilin ang sariling buhay.

Walang habas na paninira nang iba; kapit-bahay na nagsusumbong ng kung ano-ano at bantay sarado sa ginagawang niya, na nagiging sanhi upang mawalan siya ng pag-asa sapagkat pakiramdam niya wala ng nagmamahal sa kanya, puro galit at pagpapahiya na lang kahit wala naman siyang kasalanan o ginagawang mali.

Hindi pa uso noon ang teknolohiya, at 3315 pa lang ang usong telepono noon na natatandaan niya, iyon nga lang wala siya nito upang tumawag sa ina--- ano ba namang alam ng batang paslit na gaya niya. Ngunit sa kabila ng hirap at hindi magandang ugnayan ng kaniyang Ina at Lola ay pinilit lumaban ng Ina nito at dumalaw sa kanila kahit isang linggo lang kada ilang buwan at doon nagkakaroon ang batang paslit na iyon ng lakas na lumaban at manatili pa sa hirap.

Tuwing umuuwi rin ang Ina nito ay saka ito nagsusumbong ng lahat ng nangyayari na nagiging sanhi ng pag-aaway ng Ama nito. Ngunit sadyang hindi makalaban ang Ama nito sa tiyahin kaya wala siyang magawa para sa anak at sasabihin na lang na "Hayaan muna, wag ka na lang magsalita. Alam mo naman ugali noon" kaya ang kawawang bata ay walang magawa ngunit batid ng Ina nito iyon, 'pagkat kilala nito ang ugali ng Asawa.

Simula noon, laging ganoon ang nangyayari--- paulit-ulit lang. Tumtira sa mga kamag-anakan at ganoon lang din ang karanasan. Masalimuot ngunit kinaya niya at naging matatag siya sa buhay. Gaya nga ng pangako sa bibliya, hindi natutulog ang Panginoon Diyos.

Makalipas nang Ika- labing-Apat na Taon na pamamalagi sa mga kaanakan ay nagbago ang buhay ng batang iyon. Bumaliktad ang lahat at kasalukuyang maayos na ang buhay ng batang iyon, at ang dating batang walang patutunguhan at puno ng pangarap na akala niya hindi na matutupad pa ay nagbago dahil sa isang kumpas ng kamay ng Poong Maykapal. At siya ngayon ay malapit ng magtapos nang kolehiyo.

Sa kabila ng hirap nito at mapait na kapalaran ay hindi mo aakalaing magbabago ito sa isang iglap. Ang buhay na puno ng drama, kalungkutan, pagluha, kahapisan, panglalait, pang-aapi at pang-aalila ay nagbago lahat, dahil siguro naawa rin ang Panginoon dito at kaniyang binago ang kapalaran nito upang masuklian at mapalitan lahat ng masalimuot na karanasan nito.

Tunay na kay hiwaga ng buhay ng tao; ang dating nasa tuktok ay ibaba, ang dating hindi nakakaranas ng hirap sa buhay ay ipaparanas niya, ang dating walang kasing hirap na sitwasyon ay makikita niya ang hirap, ang dating masaya at chill lang sa buhay ay makakaranas na mahirapan at magdarahop.

Isang hiwaga na tunay na hindi kapani-paniwala. Ika nga nila, " 'Hindi lahat ng nasa itaas ay maaring manatili sa itaas habang buhay, sapagkat ang buhay ay parang gulong na umaariba at umaatras." Mahiwaga at hindi mo aakalaing nangyayari sa buhay ng isang tao ang mga bagay na iyon, na sa isang iglap lang kayang mabago lahat at maranasan ang mga kakaibang sitwasyon ng buhay. Kaya dapat tayong magtiwala sa kanya at maging matatag sa hamon ng buhay dahil lahat ng bagay ay nawawala at nasisira. Lahat ng sitwasyon ay nagbabago at bumabaliktad, at lahat ng sobra na umaapaw ay nasasayang."

✓✓ Gh/NOTE : Another oneshot of mine. Sana ay nagustuhan ninyo ang istoryang aking inihayag at sanay may natutunan kayo mula sa pagbabasa ng aking likhang akda. Hanggang sa muli minamahal kong Mambabasa.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top