SULAT PARA KAY K
September 25, 2020
Bldg. Myself, Brgy. Pinagtibay
City of Hearts,
Pilipinas
Dearest K,
Sana'y basahin mo ito sa aking pag-alis.
Una sa lahat, nais ko lang humingi ng tawad. Patawad sa mga panahong nasaktan kita, nais kong ipabatid sa'yo na hindi ko 'yon sinadya pero hindi kita pipiliting maniwala. Patawad sa mga panahong nabigo kita bilang kaibigan, baka nga ako'y may kakulangan. Patawad sa mga pagkakataong naging pabigat ako sa'yo (kung sakali man). Patawad sa mga panahong tahimik ako, kinakalma ko kasi sarili ko at pinipigilan ko ang sarili kong magsalita ng mga bagay na maaaring makasakit sa'yo. Patawad sa mga nagawa ko at sa mga hindi ko nagawa na dapat sana'y aking ginawa.
Sa ikalawang taludtod ay nais kong magpasalamat sa mga bagay na iyong ginawa at sa mga hindi mo ginawa. Salamat sa pagbahagi ng iyong k'wento at sa pakikinig ng aking k'wento. Salamat sa suporta sa mga panahong kailangan kita. Salamat sa lahat, tinuring kitang totoong kaibigan at walang halong inggit o palaman. Salamat sa hindi mo pag-abot ng aking kamay kahit alam mong ikaw nalang ang natitira kong kaibigan sa lugar na 'yon. Salamat sa hindi mo pagtitiwala, marami akong natutunan. Salamat sa iyong pagtalikod, hindi ko 'yon malilimutan. Nakakatakot ang paligid pero mag-isa ako dahil ang taong tinuring kong kaibigan ay doon lumapit at sumama sa taong itinuring kong kalaban pero hindi pagtataksil 'yon. Salamat dahil marami akong natutunan sa lugar na 'yon at isa ka sa maganda at mapait kong karanasan.
Ito na ang huling bahagi ng liham at tapos na ako sa patawad at salamat kaya ngayon ay magpapaalam na. Paalam. Pasensya na at ika'y aking iiwan, hindi na kasi ako bahagi ng lugar na 'yan at wala na akong rason para manatili. Mag-ingat ka palagi at h'wag pabayaan ang iyong sarili. Paalam, sa pagkakataong ito ay hindi ka na mahihirapan sa pagpili dahil manatili man ako o hindi ay mas pipiliin mo rin namang saktan ako kaysa tanggihan sila. Alam ko naman na. "Talking behind my back" 'ika nga nila, alam ko na 'yan dati pa pero mas pinipili kong intindihan ka. Hindi mo nga ako magawang ipagtanggol diba? Pero ayos na, aalis na nga. Paalam na, ito'y tutuldukan ko na. Oo nga pala, ayos lang ako at naiintindihan kita kaya kapag kailangan mo ng kausap ay handa akong pakinggan ka.
Patawad...
Salamat...
Paalam.
-YUW
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top