Page 7
————-««✼»»————-
Lola
————-««✼»»————-
"APO Jiro, laging tatandaan na hindi nasusukat sa halaga ng regalo o kahit anong bagay ang totoong kahulugan ng Pasko. Laging pakatandaan na nasa atin pa rin manggagaling ang totoong diwa nito..."
Mga simpleng salita pero tumatak sa aking isipan ang sinabi ng aking lola.
Noon pa man ay laging si Lola Lusing ang nakakasama ko. Nariyan ang paglilinis sa plaza, paghahalungkat ng basura at pagbebenta ng sampaguita sa harap ng simbahan.
Hindi kami tumigil dalawa na maghanap ng mapagkikitaan para lamang mabuhay sa pang-araw-araw.
Kahit gaano kahirap mamuhay, laging habilin ng lola na manatiling positibo sa pananaw sa buhay. Lagi niya ring paala na 'daanan ang problema at huwag hayaan ang sarili na manatili rito'.
"Jiro, halika na. kailangan na nating umalis. Magtatanghalian na!"
Napatigil ako sa pag-iisip nang marinig ko ang boses ni mama na papalayo na sa akin.
Muli kong hinaplos ang malamig na lapida ni lola at ngumiti rito.
"Pangako, lola, magiging mabuting kapatid at anak po ako. Babalik din po ako 'pag nagawi ako rito. Dadalhan kita ng paborito mong monay kina Manong Pred. Paalam po, lola..." inilapit ko ang aking labi sa lapida at binigyan ito ng halik.
Kumaway pa ako rito at dali-daling tumakbo papunta kay mama.
Sa huling pagkakataon, nilingon ko ang libingan ni Lola Lusing at mapait na napangiti habang unti-unting lumalayo kami rito.
Hanggang sa muli, aking lola.
————-««✼»»————-
Lumipas ang taon at nagagawa ko nang magtrabaho nang hindi kasama si Lola Lusing. Nasanay na ako na gawin ang mga nakasanayan dati na wala nang kasama.
Mabigat man sa loob pero mas pinili kong magaptuuloy gaya ng sabi ng lola.
Mula alas otso ng umaga at ngayon na alas diyes na ay hindi pa rin ako tapos sa pagwawalis dito sa plaza.
Nakakapagod. Tagaktak ang aking pawis ngunit mas nanaig sa akin ang kagustuhan na malinis ang parke dahil sa kagustuhan kong makaipon ng pera.
Ilang minuto pa ang aking ginugugol hanggang sa natapos ko ang aking gawain. Agad akong nagtungo sa may shed at inabot sa tagabantay ang dala kong walis tambo.
"Ate Mila, ito na po ang walis," magalang kong paglahad dito.
"Aba, Jiro, ang linis na ng plaza. Dahil diyan, may ibibigay si ate para sa'yo!" maligalig nitong tugon.
Humablot ng pera si Ate Mila mula sa kanyang pitaka at inabot sa akin nito, kasabay naman nito ang pagkuha niya sa hawak kong walis.
"Hala! Salamat po! Ang laki po nitong binigay niyo!" gulat kong sambit habang hawak ang isang malaking halaga ng pera.
"Pakaingatan mo 'yang perang binigay ko. Baka manakaw pa ng iba. Para sa'yo 'yan. At ito rin..." mas lalo akong nagulat nang iabot niya sa akin ang isang supot. "Pasensya ka na, ah. Tinapay lang ang meron ako."
"Hindi po. Maraming salamat po, Ate Mila. Hindi niyo po alam na pinasaya niyo ako sa simpleng regalo niyo sa akin. Wala po 'yon sa halaga kundi kung paano niyo po napasaya ang taong pinagbigyan niyo..." sambit ko sabay silay sa aking labi ng ngiti.
"Ikaw talagang bata ka. Ang dami mong alam. O siya, umuwi ka muna para makapag-tanghalian ka na. At mamaya, ah. Aasahan kita sa simbang gabi bago ang pasko."
"Sige po, Ate Mila!" sagot ko rito at masayang umalis.
————-««✼»»————-
ILANG trabaho pa ang aking ginawa matapos ang aming pananghalian.
Lipat ng p'westo at tanggap lang ako nang tanggap ng suhol sa akin. Kahit ni piso ay hindi ko pinalagpas.
Pero sa bawat baryang aking natatanggap ay ang tuwa sa aking puso lalo na't may pinag-iipunan akong bibilhin.
Isang bagay na alam kong makakapagpasaya sa kanya.
Sa nalalapit na simbang gabi, hindi na ako nag-aksaya ng oras at dali-dali akong tumakbo patungo sa tindahan ng isang kilalang mananahi rito.
Nang sandaling marating ko ang nasabing patahian ay agad kong nilapag sa harapan ng babae ang dala-dala kong pera. Nangunot ang noo nito waring naguguluhan sa aking ginawa.
"Ate, mabibili ko na ba ang blusa'ng 'yon sa ganitong halaga?" tanong ko sa tindera.
Binigyan ako nito ng ngiti. "Sa halagang limang daan? Siyempre naman!" sagot nito. Agad nitong kinuha ang kasuotan gusto kong bilhin at inilagay agad sa loob ng supot sabay bigay sa akin. "Heto... may sukli ka pang dalawang daan..." saad nito na mas lalong nagpangiti sa akin.
"Salamat po, ate!"
Hindi ko na hinintay pa ang kanyang sagot at agad akong tumakbo nang makuha ko ang aking sukli.
Takbo ako nang takbo hanggang sa makauwi ako ng bahay.
Hawak-hawak ko pa man ang isang damit pero hindi na mawala sa aking labi ang mumunting ngiti.
Nang sandaling marating ko ang pintuan ng bahay ay agad bumungad sa akin ang taong pagbibigyan ko ng regalo.
"Jarra! Magandang gabi, ate! May gusto akong ibigay sa'yo... 'eto, oh!" inabot ko sa aking kapatid ang isang damit na gusting-gusto niya.
Hindi masidlan ang tuwa sa kanyang labi nang sandaling masilayan niya ang aking regalo.
Agad itong pumasok ng k'warto at ako naman ay naghanda para sa gabing 'to.
Matapos ang aking pagligo, sinuot ko ang regalong t-shirt ni Lola Lusing na kulay pula.
Isang kasuotan na sobrang dami ng ala-alang nabuo.
Napangiti ako sa harap ng salamin nang muling maalala na ito ang unang regalong natanggap ko no'ng nakaraang pasko pa.
Nawala ang atensyon ko sa salamin nang may kumalabit sa akin at doon ko nga nakita ang aking kapatid na sobrang lapad ng ngiti habang pinapakita nito sa akin ang bigay kong damit sa kanya.
"Ang ganda mo, Ate Jarra!" komento ko rito at hindi ko mawari ang kanyang nararamdaman dahil kita ko ang ngiti sa kanyang labi ngunit may bubutil ng luha sa kanyang mga mata.
Matapos ang aming pagbihis ay nagtungo muna kami sa puntod ni Lola Lusing kahit sobrang dilim na ng sementeryo. Nag-alay muna ako ng dasal at nilapag sa kanyang puntod ang dala kong paborito niyang monay.
Wala sa sarili akong napaluha nang sandaling makita ko ang puntod ni lola. Inilabas ko ang dala kong k'waderno sabay lagay ng tsek sa papel.
Napangiti ako nang mabasa ang mga katagang...
... Regaluhan si Jarra ng damit.
... Makumpleto ang simbang gabi.
... Manatiling kompleto ang pamilya ngayong pasko.
Napatingin ako kay Ate Jarra, sumilay sa labi nito ang isang ngiti.
Hindi man siya makapagsalita pero ramdam ko naman sa kanyang mukha ang gusto niyang iparamdam sa akin.
Muli-muli, umalis kaming magkahawak kamay. Nagtungo sa simbahan at hinanap ang aming mga magulang bago magsimula ang misa.
Wala man kaming handa sa araw ng pasko, ang mahaalaga roon ay magkakasama kaming pamilya na ipinagdiriwang ang Kanyang kapanganakan.
————-««✼»»————-
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top