Episode 4 - IPIT

"TARA, pasok ka," pag-aya ni Ximena kay Kayla para tumuloy sa kanilang bahay.

"Maya, 'san ka ba galing? Kanina pa kita hinahanap," bungad ni Amihan. Tinungo niya agad ang kanilang tarangkahan nang marinig niya ang pagbukas niyon.

"Mom!" Nagulat na bigkas ni Ximena pagkalingon kay Amihan "You scared me."

"Scared? Bakit ka ba nagulat? San ka nga..? Napahinto si Amihan. Doon lamang napansin ni Amihan na may kasama ang kaniyang anak. Nasa likuran ito ni Ximena. Hindi naman nagtatago, sadyang mas maliit lamang kay Ximena kung kaya't hindi niya agad napansin. "Sino ang kasama mo?"

"Mommy, si Kayla po. Kaibigan ko," pagpapakilala ni Ximena.

Tipid na nginitian ni Amihan ang batang gusgusin. "Iha, kausapin ko lang itong anak ko saglit, hmm?"

Tinanguan naman ni Kayla ang ginang bago nagpalinga-linga sa paligid.

Hinatak ni Amihan si Ximena sa isang gilid. Tama lamang upang hindi marinig ng bisita ang kanilang pag-uusapan. "Bakit mo s'ya dinala rito, Maya?"

Sinilip naman ni Maya si Kayla na parang estrangherong hindi na gumalaw sa kinatatayuan. Ang ulo lamang nito ang gumagalaw upang tignan ang kapaligiran. "She is my friend, Mom. Kawawa naman s'ya wala siyang matitirhan. Can she stay here na lang po?"

Pinandilatan ng mata ni Amihan ang anak.

"Ximena, we cannot do that. Look at her. What if masamang tao pala s'ya? Wala ba s'yang pamilya?"

"Mom, you told me not to be judgmental toward other people. Bakit po ngayon nasasabi ninyo na masamang tao s'ya?"

Bumuga ng hangin si Amihan bago hinawakan sa magkabilang balikat ang kaniyang anak. "I am not judging here, Ximena. Nag-iingat lang tayo. Marami nang masamang tao ngayon at baka mam'ya isa pala s'yang sindikato," Hindi na sinabi ni Amihan ang huling kataga. Baka ma-misinterpret na naman ni Ximena. "naglayas at hinahanap ng kaniyang magulang."

"She told me wala na s'yang kapamilya. Mag-isa na lang daw s'ya sa buhay. Tignan mo po, parang ang tagal na n'yang hindi naliligo. Ang dumi ng damit nya. Sira-sira ang tsinelas n'ya. Samantalang ako, ang dami kong damit at slippers na hindi ko pa nga naisusuot. Hindi ka ba naaawa sa kanya?" Umismid pa si Ximena.

Napakamot sa ulo si Amihan. "Naaawa, oo. P'wede mo s'yang bigyan ng extra clothes and shoes if you want but she can't stay here."

"Amihan? Ximena?" tawag ni Dario na galing sa master's bedroom, may kinausap sa telepono. "Mukhang seryoso ang pinag-uusapan ng aking mag-ina. Baka p'wede ako makisali?" Sumungaw ang ngiti sa labi ni Dario.

Wala namang umimik sa dalawa. Si Amihan ay inginuso si Kayla na hanggang ngayon ay nakatayo pa rin sa may tarangkahan. Inilipat-lipat ni Dario ang tingin sa tatlong babae, puno ng katanungan ang mga mata.

Bumuntong-hininga si Ximena. "Dad, may konting kahilingan lang naman po ako kay Mommy. Kaso parang ayaw n'ya," may kalungkutan sa mga matang wika ni Ximena.

"Ximena, hindi konting kahilingan iyon," Amihan protested.

"Hmm, ano ba iyon?" tanong naman ni Dario.

"Gusto lang naman nitong anak mo na rito na patirahin ang batang iyon," pagtukoy ni Amihan kay Kayla.

"A-ano nga iyon? Sinong patutuluyin dito? S-sya ba?" Inginuso ni Dario si Kayla na nakatingin na sa kanila.

"Yes, Dad."

May lumabas na munting tawa sa bibig ni Dario bago kinausap si Ximena. "Hindi 'yun p'wede."

Malungkot na yumuko si Ximena at ipinagsalikop ang mga daliri. Alam niyang kapag humindi ang ama, malabo na niya iyong mapapayag. "Ngayon lang ako nagkaroon ng kaibigan tapos mawawala pa. Ni wala akong kapatid para man lang sana may kalaro ako. Lagi na lang ako nag-iisa."

Ngayon lang narinig ni Dario at Amihan na nagsalita si Ximena. Ni minsan kasi ay hindi nila ito natanong tungkol sa pagkakaroon ng kapatid. Wala rin namang kapupuntahan dahil desisyon nilang mag-asawa na 'wag nang sundan pa si Ximena. Bumuhos ang awa nila sa anak.

Hindi naman siguro masama na patirahin ang batang iyon. Sige, kahit isang linggo lang. Gagawa ako ng paraan para mapaalis na lang ng kusa. "Okay, she can stay here," ani Dario.

"Talaga, Dad?" Namilog ang mga mata ni Ximena sa tuwa. "Thank you!" Tinakbo na nito si Kayla upang ibahagi ang magandang balita.

"Hon? Baka nabibigla ka lang," pagtutol ni Amihan.

"Pansamantala lang naman, hon. Gagawa ako nang paraan. Tignan mo ang saya ni Ximena. Hanggang langit ang ngiti n'ya."

Pinagmasdan na lang nila pareho si Ximena na hinatak na papasok sa bahay ang batang-kalye.

"IHA, ilang taon ka na?" tanong ni Dario nang pinuntahan niya ang dalawa sa may sala.

"Nineteen years old na po ako."

"Nineteen?" di makapaniwalang tanong ni Ximena. "Ate pala ang dapat kong itawag sa'yo." Nginitian ni Ximena si Kayla.

Tumikhim si Dario upang kuhanin muli ang atensyon ng dalawa. "San ka nakatira, iha?"

Tumitig muna ng ilang segundo si Kayla bago sumagot. "Wala na po. Matagal na pong patay ang mga magulang ko. Wala rin po akong kamag-anak at kapatid."

"T-talaga! Pareho kayo ni Daddy."

"Ximena!"

Nagulat ang dalawang bata sa biglaang pagbabago ng boses ni Dario.

"S-Sorry po.." hinging-paumanhin ni Ximena.

Bumuntong-hininga si Dario bago muling nagtanong kay Kayla. "So, hindi ka nakapag-aral?"

"Grade 9 na po ako nung huminto ako mag-aral," Kayla replied.

"Grade 9 na rin ako," singit na naman ni Ximena na hindi na pinansin ni Dario.

"Wala na po kasi akong pampaaral sa sarili ko. Ang hirap po pala nun. Tapos, ni hindi po ako makahanap ng matinong mapapasukan kasi kahit birth certificate wala po ako. Nauwi po ako sa pangangalakal," mahabang paliwanag ni Kayla.

"Kung gayon, isasama na lang kita bukas para mag-enroll sa school ni Kayla. Ako na bahala."

"T-talaga po? Naku! S-salamat po. Salamat po talaga," walang mapagsidlan ang saya ni Kayla sa narinig. Kulang na lang ay lumuhod siya sa harapan ni Dario dahil sa kasiyahang nadarama. "Pagbubutihin ko po ang pag-aaral ko. H-hindi po kayo magsisisi, Sir!"

"MEET Ximena Maya Mendez and Kayla Pajarin, your new classmates," pagpapakilala ni Mrs. dela Rosa na bagong guro sa dalawa.

Nakatayo sa harapan si Ximena at Kayla na masuyong sinusuri ang buong silid.

"You may now choose your seats, ladies," ika ni Mrs. dela Rosa.

Nang makakita ng bakanteng upuan ay pinauna na ni Ximena si Kayla na umupo. Inilibot niya muli ang paningin hanggang nakakita siya ng isa pang bakante, sa may bandang likuran. Nagmamadali siyang umupo roon.

"Hi! We meet again."

Nilingon ni Ximena ang katabi at nagulat siya sa bumating lalaki. "I-ikaw?"

"Yes, ako nga."

"Okay class, nagpatawag ng emergency meeting ang ating principal. You can stay here or you can have your early snack. Basta walang maingay ha. Matatanda na kayo," bilin ni Mrs. dela Rosa.

Nagdiwang naman ang mga estudyante at abot-tenga ang naging mga ngiti sa narinig.

"Dito ka pala nag-aaral?" tanong ni Ximena kay Jace nang makaalis na sila Mrs. dela Rosa.

"Yes, pati 'yung girlfriend ko. Yung babaeng kasama ko last time. Magkaklase kami dati pero nire-shuffle ang mga estudyante. Nasa kabilang section lang s'ya."

"Hmmm..." Tumango-tango naman si Ximena. Ano namang pake ko sa maarteng babaeng iyon?

"Speaking of. Parating na s'ya," bulong ni Jace.

Lumakad nga palapit ang babae.

Hindi maiwasan ni Ximena na pakatitigan ang babae. Ang ganda kasi nito! Ang mala-porselana nitong kutis ang una mong mapapansin. Hindi na s'ya magugulat kung ipinanlalaban ito ng muse.

Hindi rin maiwasan ni Ximena na sulyapan ang nakalitaw nitong legs. Mas maikli sa karamihan ang suot nitong palda na hindi malaman ni Ximena kung bakit pinapayagan ng paaralan. Maganda ang tindig nito at masasabi mong confident talaga. Nakaka-intimidate ang presensya nito. Malayo sa kanya na tangkad lang ang mapapansin dahil bukod sa full bangs niya ay nakayukos pa siya kung lumakad.

"Jace, sabay tayo pumunta sa canteen." Hinila nito ang lalaki. Napahinto lang ito nang mapalingon at mapansin siya na katabi ng syota nito.

"And what is this girl doing here?" Tinaasan pa nito ng kilay si Ximena.

"Hey, babe. Bago namin s'yang kaklase. Wag mo na s'ya awayin. Nanghingi pa nga siya ng sorry kanina dahil sa nangyari last time. 'Di ba, Ximena?" Pinanlakihan pa s'ya ng mata saglit ni Jace. Nagpapahiwatig na sakyan na lang ang sinabi nito.

"Yes, s-sorry 'nung last time. Pasens'ya ka na talaga at 'di ko iyon sinasadya."

"Fine," masungit nitong sabi. "Tara na, Jace?"

"Sure, Cy. Let's go." Bumaling ito kay Ximena. "Labas muna kami."

Matipid na nginitian ni Ximena ang dalawa.

Gumanti naman ng ngiti si Jace sa kanya habang tinaasan lang s'ya ng kilay ni Cybelle.

'Nung problema nitong babaeng 'to?

"Ximena..."

Tiningnan ni Ximena si Kayla na nakatayo na pala sa kaniyang tagiliran.

Sinundan naman ng tingin ni Kayla si Cybelle na nakaabrisyete na kay Jace.

"S'ya ba 'yung nakabangga mo sa store?"

Matipid na tumango si Ximena.

"Sabi ko na nga ba, e. Dukutin ko kaya mata nun. Ang sama makatitig, e."

"Hayaan mo na. Tapos na 'yung issue sa'kin. Kung galit pa rin s'ya dahil dun, di ko na problema 'yun. 'San mo gusto kumain?"

"Pagkain? Hindi pa ba pagkain 'yung ipinabaon ni Tito Dario sa'ting pork? Yung, ano ba 'yun? Kowloon blow?" Napakunot pa ang noo ni Kayla sa pagbigkas ng pangalan.

Natawa naman si Ximena. "Cordon bleu, Kayla."

"Ahhh...'yun nga ang ibig kong sabihin." Tumawa na rin si Kayla.

Inilabas naman ni Ximena ang ipit na ibinigay ni Jace. Naisip niya kasing gamitin iyon para naman masiyahan din ang lalaking nagbigay.

Inipit lang niya basta ang buhok nya sa isang ponytail.

"Sa canteen na lang tayo. Tara."

"Teka, teka, ang ganda ng ponytail tapos ganyan lang gagawin mo." Hinatak ni Kayla ang ponytail at pumunta ito sa kaniyang likuran. Sinuklay nito ang buhok niya gamit ang mga kamay nito at ni-high bun nito ang buhok niya. Pumunta pa ito sa harapan ni Ximena at sinipat ang kaniyang mukha. "Sakto na." Nag-approve sign pa ito.

Habang naglalakad ay napapatingin naman si Ximena sa mga tao. Bakit naman hindi? Ang lahat ay napapalingon sa kanila. Hinawakan niya ang braso ni Kayla dahil naaasiwa na siya. "May dumi ba sa mukha ko?"

"Wala. Pasok na tayo sa canteen. Gutom na ako."

Okay lang naman dahil nasa harapan na rin sila ng canteen. Pagpasok nila doon ay nakita nilang nasa isang malaking table sila Cybelle at Jace. Bumabangka ito habang ang lahat ay nakatingin dito. Ngayon lang napagtanto ni Ximena na sikat na couple sila Jace at Cybelle. Lahat ng atensyon ay nasa dalawa.

Maliban ngayong pumasok siya. Napatingin sa kanya ang isa tapos nagkalabitan na ang lahat 'gang napunta na sa kanila ni Kayla ang atensyon ng mga ka-table ng magkasintahan.

Napatingin na rin sa kaniya si Cybelle at nakita niya ang panandaliang pag-irap nito.

"Sa ibang lugar na lang tayo, Kayla."

"Bakit naman? Andito na tayo, e." Hinila pa siya papasok ni Kayla.

"May problema ba sa atin? Bakit tayo pinagtitinginan?"

"Walang problema sa akin. Baka sa'yo.."

"Ha?"

"Problema mo ang kagandahan mo." Tumawa pa ito na parang tuwang-tuwa.

"Grabe ka naman, Kayla. Hindi totoo 'yan."

"Ayaw mo pang maniwala, pero 'yun ang totoo."

Nasa may counter na sila at bibili na sana ng snack ng may malakas na bumunggo kay Ximena na dahilan ng muntikan niyang pagkatumba. "Aww.."

"Oopps! Akala ko kasi poste. Tao pala," ika ni Cybelle habang nagtatawanan ang mga kasama nito.

"Anong problema mo?!" bigkas nang naaasar na si Kayla.

"Kayla, okay lang ako. 'Wag mo na lang pansinin." Hinatak pa ni Ximena si Kayla upang makaalis na.

Umani naman iyon ng mga irap galing sa mga kaeskwela.

"Bakit mo pinapalampas ang ganoon, Ximena? Ang tapang-tapang mo nung pinagtanggol mo ako kina boss tapos ito hahayaan mo lang? Bakit?"

"I don't want to waste my time on those things, Kayla. May mapapala ba akong mabuti kung aawayin ko sila? Kakainisan lang nila ako lalo. I still believe in kindness."

Napatingin naman si Kayla kay Ximena. Mas matanda siya rito ng ilang taon pero mas nakakaunawa pa sa mga bagay-bagay. Mas lalo niyang hinangaan si Ximena dahil dun. "Sige na nga, tara na. Sa'n ba tayo p'wede pumunta? Hmmm, sa library na lang. Wala naman sigurong gugulo pa sa atin dun."

"Much better."

Nasa fifth floor ng isang building ang library. At dahil walang elevator, natawa si Kayla sa mukha ni Ximena pagkarating sa taas.

"Bakit?" naguguluhang tanong ni Ximena kay Kayla.

"Hindi ka sanay lumakad 'no?"

Umiling habang hinihingal si Ximena. "Halata ba?"

Tumango si Cybelle kaya sabay silang nagkatawanan.

Pumasok na sila sa loob ng library.

Tinunton nila ang pinakadulong table at umupo roon. Tumungo si Kayla at mayamaya ay nahimbing na.

Tumayo naman si Ximena at pumunta sa mga bookshelves at tumingin na ng librong babasahin.

Napatingin siya sa may bintana nang mula roon ay bigla na lang siya kinabahan at nasabik. Bumilis ang tibok ng kaniyang puso. Nilapitan niya ang bagay na naroroon.

Isang ceramic bud vase na kalahating dangkal lang ang laki. Merong nakalagay na mga artificial flowers doon. Hinawakan niya iyon at inilagay sa kaniyang bulsa. Masayang-masaya ang kaniyang pakiramdam.

"Isa kang magnanakaw!"

Nagulat na napalingon si Ximena sa narinig na boses.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top