Episode 3 - MEETINGS

"ATE Ganda," tawag kay Ximena ng isang batang lalaki na nasa limang taon ang edad habang hawak sa kamay ang kapatid nito na apat na taon.

Napalingon si Ximena at napahinto. Marahan niyang hinatak ang kanyang braso sa pagkakahawak ni Dario. "Dad, p'wede ko po ba silang kausapin saglit?" Itinaas pa ni Ximena ang kanyang baunan. "Ibibigay ko lang ito. Total uuwi naman na ako s-saka baka di ko na sila makita ulit," malungkot na wika ni Ximena.

Pinasadahan ng tingin ni Dario ang dalawang bata at masuyong tumango sa anak. Wala s'yang nabalitaang naging kalaro o kaibigan ni Ximena kung kaya't nahabag s'ya sa kalagayan ng anak. Anong klaseng ama ba naman s'ya kung hindi pa n'ya pagbibigyan ito? Na makapagpaalam sa mga kaibigan, kung kaibigan nga ni Ximena ang dalawang bata. "Sige, bilisan mo lang ha? Mauna na kami ng Mommy mo sa sasakyan."

Pagkalayo ng mga magulang ay dahan-dahang binuksan ni Ximena ang lunchbox. Hindi lang mga pagkain ang naroroon kundi maging ang iilang mga school supplies na "kinaawaan" niya kanina. Ang isang lapis ay wala ng pambura, ang isang maliit na pink na ruler ay may tapyas na sa dulo, ang isang eraser ay makutim na parang nahulog na sa putikan at kung anu-ano pa.

"Ito ang mga snacks ko sa inyo na lang. Tapos itong mga school supplies, pagpasensyahan n'yo na lang ha? Gamitin ninyo 'yan ha?" Inilabas pa niya ang isang notebook na hindi na niya nagamit. Kapareho lang naman iyon ng mga notebooks niya ngunit iba lang ang pangalan na nakalagay sa may harapan niyon, na hindi mo na masyadong makikita dahil binura na niya. Hinalughog pa niya ang bag hanggang matagpuan ang correction tape na kinatakutan niya kanina. Iyon kasi ay pagmamay-ari ng walang iba kundi si Ma'm Santos. Kakukuha lang niya iyon kahapon pero nakalimutan niya ilagay sa lunchbox niya. Buti at hindi nakita ni Ma'm kanina.

"Salamat 'te Ganda. Uwian na?" tanong ng mas batang babae.

"Hindi pa. Ako lang ang uuwi. Ingat kayo palagi ha? Wag papagutom. Mauna na ako," paalam ni Ximena.

"Te Ganda, saglit lang. Di ka na ba babalik?" malungkot na tanong ng mas matanda.

Matipid na nginitian ni Ximena ang dalawa at masuyong hinaplos ang mga ulo nito. "Pwedeng hindi, p'wede ring oo. Magkita tayo ulit next time, hmmm?"

"Sige po, te Ganda. Ingat ka rin." Ikinaway pa ng batang babae ang kanang kamay nito.

Kumaway na rin nang pamamaalam si Ximena at lumakad na patungong sasakyan nila.

DAHIL maagang nakauwi ay naisipan ni Ximena na pumunta sa kabilang kanto upang mamili ng paborito niyang pagkain. Mayr'ong mga tindang ice cream sa may kalakihang store roon. Naisipan ni Ximena na dumaan sa shortcut na isang eskinita. Bumungad sa kanya ang tatlong babae na sa tantiya niya ay mas matanda sa kaniya ng tatlong taon. Pinapalibutan ng mga ito ang isa pang babaeng nakaluhod na sa may semento. Akmang hahampasin ng isa ang babaeng nakaluhod nang sumigaw si Ximena.

"Ano yan?!"

Nagulat ang mga iyon at napalingon kay Ximena.

"Sino ka naman?" tanong ng babaeng mayroon pang nakataling panyo sa ulo.

"Bakit niyo s'ya sinasaktan?" Itinuro pa ni Ximena ang babaeng nakaluhod na nagmamakaawa kani-kanila lang.

Lumapit kay Ximena ang babaeng may nakataling jacket sa bewang at ngumunguya ng bubblegum. "Bakit ka ba nangengealam ha?!" Itinulak pa siya nito.

Napaatras naman si Ximena pero patuloy pa ring nakikipagtitigan sa babaeng lumapit. "Isusumbong ko kayo sa barangay!" matapang na hamon ni Ximena.

Lumapit na rin sa kanya ang isa pang babae na may black lipstick naman. Humarap ito sa kaniya at malapitang ngumisi. "Akala mo ba matatakot mo kami sa ganiyan, bata. Kagagaling lang namin dun kanina, alam mo ba?"

Hindi nagpatinag si Ximena kahit nagsisimula na siyang matakot. Hindi dapat makita ng mga ito ang kaniyang nararamdaman. "E'di babalik tayo roon."

Umani ng halakhakan mula sa tatlong kababaihan ang tinuran na iyon ni Ximena.

"Matapang ka, bata. Natutuwa ako sa'yo." Itinuro ng unang babae ang batang hanggang ngayon ay nakaluhod pa. "Sige, pagbibigyan namin ang isang 'yan total tapos na rin naman ang usap namin. Ano, Kayla?" Tinanguan pa nito ang tinawag na Kayla.

"Oo, boss! S-salamat, boss!" Walang habas pang tumango ang babae habang sinasabi iyon.

"Mauna na kami sa'yo..." Malakas na tinapik ng tinawag na boss ang balikat ni Ximena bago ito humahalakhak na umalis.

Tinapunan naman ng nang-uuyam na tingin ng dalawa pang babae ang nakaluhod bago sumunod sa lider ng mga ito.

Nilapitan ni Ximena ang babaeng hindi pa rin tumatayo. Ngayon ay nakatakip na ang mga kamay nito sa mukha at patuloy lang na umiiyak.

Hinayaan lang ito ni Ximena hanggang sa humina na pati ang hikbi nito. "A-ayos ka lang?"

Nilingon siya ng babae na mukhang nagulat pa na naroroon pa siya. "H-hindi k-ka pa u-umaalis?" sisigok-sigok nitong wika.

Ngumiti nang simple si Ximena sa babaeng maamo ang mukha. Nagagandahan siya rito. Sa tingin nga niya ay mas lalabas ang beauty nito 'pag naligo na. Ang dami kasi nitong dungis sa mukha pati na rin sa katawan. "Gusto mong kumain?"

Kumunot ang noo nito. Parang alien ang pagkakarinig nito sa sinabi niya. "L-libre mo ba?"

"Oo naman. Tara?" Inabot niya ang kamay nito at inalalayan na makatayo.

Nagpadala naman ang babae.

Nauunang maglakad si Ximena kaya nabistahan ng babae ang buo nitong kaanyuan. Mukhang galing ito sa marangyang pamilya dahil na rin sa suot nitong damit. Ang tsinelas na nakikita niyang suot nito ay madalas niyang nakikita sa mga advertisement sa dyaryo. Libo ang presyo niyon. Ang diyaryo ngang sinasabi niya ay nakikita lang niya sa mga junkshop na pinagdadalhan niya ng mga kalakal.

Nakaabot sila sa may convenience store sa kanto. Namili si Ximena ng dalawang ice cream na nasa apa at ibinigay sa babae ang isa. Patungo na sila sa may labas upang doon kainin ang ice cream nang may mabunggo si Ximena. Ang kaniyang ice cream ay nadikit sa damit ng taong nakabangga niya. Bigla kasing bumukas ang pintuan ng convenience store.

"OMG! What did you do?!" Itinulak si Ximena ng babaeng nakabangga sa kaniya. "Watch where you're going, stupid!"

"Hey, Cybelle, hindi n'ya sinasadya ang pangyayari," awat ng guwapong lalaking kasama nito. Ngunit nagmatigas ang babae.

"Ano 'kamo?" Nagpanting ang tenga ni Ximena sa huling salitang narinig.

Lumapit pa nang husto sa kaniya ang maarteng babae at nagsalita muli. "You are not just stupid, you are also bingi. Bingi!"

Huminga nang malalim si Ximena. Ang sabi ng daddy niya 'wag daw siya papatol sa mga nanghahamon ng away. Tinalikuran na lang niya ang babae.

Ngunit hindi iyon nagustuhan ng maarteng babae. Hinatak nito ang kaniyang buhok kaya napabalik siya sa loob ng store.

Nagulat naman ang kasama nitong lalaki at hinatak ang babae. "I'm sorry, please forgive us." Pilit nitong pinaharap ang babae at kinausap. "That's enough, Belle.. That's enough.."

Inirapan pa rin siya ng babae habang hatak-hatak nang lalaki palabas ng store.

Inayos niya ang nagulong buhok at hinarap ang kasama. "Tara na sa labas?"

Umiyak na naman ito. "O, bakit na naman?" Natatawa na lang na tanong ni Ximena. Siya ang sinabunutan pero ito ang umiyak.

"K-kasi h-hindi kita naipagtanggol sa kanila. S-sorry."

Hinila niya ito at umupo na sila sa labas ng convenience store. "W-wala kang kasalanan dun. No need to say sorry."

"Promise ko sa'yo, ako na ang magtatanggol sa'yo next time."

Tinanguan na lang niya ang babae na sa tingin niya ay mas matanda sa kanya. Pero mas mukhang mature pa siya mag-isip dito. Ang dami nilang napag-usapan hanggang may lumapit sa kanilang lalaki.

Ang lalaking kasama ng maarteng babae kanina.

"For you, as an apology gift for what my girlfriend did earlier." Iniabot nito sa kaniya ang isang maliit na ipit. "Sorry talaga. Mabait naman si Belle 'pag nakilala mo. Mauna na ako."

Nag-flash ito nang napakagandang ngiti bago nagpaalam.

Naiwang nakanganga si Ximena habang si Kayla ay may panunuksong tumingin sa bagong kaibigan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top