Episode 17 - COMING BACK HOME

"KAYLA..." Hinagkan agad ni Ximena si Kayla nang mapuntahan nila ito sa presinto pagkabalik nila galing Spain.

"Salamat naman at bumalik ka na, Ximena." Naluluha nang turan nito ngunit saglit lamang iyon. Nangunot na ang noo nito nang masilayan ang mukha ni Cybelle na nasa likuran lang ni Ximena. "Umaano rito ang babaeng 'yan?" bulong nito sa kaniya sabay taas ng kilay kay Cybelle.

Nakayukong lumakad si Cybelle palapit kay Kayla. Nang halos isang dipa na lang ang layo nito sa kaniya ay halos pabulong itong nagsalita. Mas rinig pa ang hikbi nito sa sobrang pag-iyak kesa sa sinasabi nito.

"Ano raw?" Naiinis na pinaglipat-lipat ni Kayla ang tingin nito sa tatlo.

"Pakilakasan mo nang kaunti ang iyong boses, iha," utos ni Dario kay Cybelle.

"S-sorry, s-sorry —" Hingi nito ng paumanhin habang hindi inaalis ang pagkakayuko ng ulo.

"Sinasabi ko na nga ba, e." Inambaan ng suntok ni Kayla si Cybelle.

Pumagitna naman si Ximena sa dalawang kaedaran. Nakaharap siya kay Kayla. "Kayla, 'pag ginawa mo 'yan, tatagal ka pa rito. Gusto mo 'yun?"

Madilim pa ring tinitingnan ni Kayla si Cybelle nang humugot siya nang malalim na hininga. "Ano'ng nangyari at naisama niyo rito 'yan?" Inirapan pa ni Kayla si Cybelle.

"Nahingi namin ang cctv ng katapat na establishment. Mula roon ay pinahunting ni Daddy ang babae na nakasabayan natin dun sa jewelry store. Umamin sa amin na binayaran siya ni Cybelle upang i-frame up tayo. Ito ang naglagay ng alahas sa bag mo nang kunwarian niya tayong nabangga. Nagbigay na siya ng statement. Pinuntahan ni Daddy 'yung tatay ni Cybelle at napag-alaman niyang kakilala niya pala ito. Pareho lang sila nang kinabibilangang samahan ng mga negosyante. Pinakiusapan ni Daddy at 'yun na nga, iniurong na ang demanda. Siya pa mismo ang nagsabing dalhin namin si Cybelle para nga humingi ng tawad sa'yo," mahabang litanya ni Ximena.

"Nakulong na ako't lahat, patatawarin ko lang agad ang babaeng 'yan?" Dinuro pa ni Kayla si Cybelle. Hindi madali para sa kaniya na makulong nang wala naman talaga siyang kasalanan.

Hinuli ni Ximena ang kamay ni Kayla at inilagay iyon sa kaniyang dibdib. "Kayla, I'm sorry iniwan kita. Sa tingin ko naman hindi na muli pang gagawa nang masama si Cybelle. She learned her lesson, too. Her father will dishonor her if hindi mo raw siya mapapatawad. I know nakaka-pressure 'yun pero baka naman puwedeng pagbigyan mo na siya? Look at her." Gumilid nang kaunti si Ximena upang masilip pa nang mas maayos ni Kayla si Cybelle. "Hindi iiyak 'yan nang ganyan kung hindi talaga siya nagsisisi."

Pinandilatan ni Kayla si Cybelle na hindi pa rin humihinto ng kaiiyak. Nakasalampak na nga ito sa may sahig.

"Okay, okay! Tumayo ka na nga d'yan at ang panget mo na!" wika na lamang ni Kayla mayamaya. Unti-unti na rin kasi siyang nahahabag kay Cybelle na parang mas pumayat pa kesa nung huli niyang nakita. Maputla na rin ang babae.

Inalalayan na ni Ximena si Cybelle para tumayo.

"S-salamat, Kayla.. S-salamat, Ximena.." Yumukod pa ito nang ilang beses bago lumabas ng presinto at sumakay lamang sa isang pampublikong sasakyan. Mukha ngang pinarusahan ito ng sariling ama sa ginawang kalokohan. Palagian ay nakakotse ito, ngayon lang nila nakitang sumakay ng jeep ang babae.

Hinawakan muli ni Ximena ang mga kamay ni Kayla. Ganoon sila hanggang marating nila ang bahay-ampunan kung saan pansamantalang tumutuloy ang lola ni Kayla.

"Iha..." buong lambing na tawag ni Lola Meding kay Kayla.

Kapansin-pansin ang panghihina sa boses nito. Iniabot naman ni Kayla ang kamay niya sa kaniyang lola.

"La, andito na ako," ani Kayla. "Bakit nakahiga ka lang d'yan? May masakit na naman ba sa'yo? Ang tuhod mo po ba?" Hinilot ni Kayla ang tuhod ng matanda sa ibabaw ng kumot nito.

Umiling si Lola Meding.

"Ahhh... 'yung likod mo siguro..."

Itataas sana ni Kayla ang kumot ngunit hinuli ng matanda ang kamay ng kaniyang apo.

Napakunot naman ang noo ni Kayla. "B-bakit po, 'La?"

"Iha, gusto ko lang ipagtapat sa'yo–"

"La, ano na naman po ba 'to?" May hinala na siya sa nangyayari sa lola niya dahil sa malaking ibinagsak ng katawan nito. Kusang tumulo ang kaniyang mga luha.

Pinahid naman ni Lola Meding ang luha ni Kayla at pinilit na umupo.

Lumapit na si Ximena upang tulungan na rin si Kayla na alalayan ang matanda.

Saglit na katahimikan ang namayani bago nagsalita si Lola Meding. "Kayla, apo, m-may taning na ang buhay ko't hindi na ako–"

"H-hindi... 'Wag mong sabihin 'yan, Lola. H-hindi...." Umiiling si Kayla habang nakikinig sa matanda.

Naluluha na rin si Lola Meding habang inaalo ang kaniyang apo na nakatalungko na lamang sa kaniyang mga binti. Hinaplos niya ang buhok ni Kayla. "Makinig ka, iha."

"Hindi, 'La.."

"Aalis man ako sa mundong 'to ngunit hindi ka na mag-iisa. May mag-aalaga na sa'yo..."

"Lola, 'w-wag mo naman po akong ibilin sa mga Mendez. H-hindi ko naman po s-sila kaano-ano." Tinitigan na ni Kayla ang mukha ni Lola Meding habang hinahaplos ang pisngi ng matanda.

Tipid namang ngumiti si Lola Meding. "Natagpuan mo na s'ya, iha. Ang matagal mo nang hinahanap.."

"P-po? Ano pong ibig n'yong sabihin?"

Sa halip na sumagot ay pinakatitigan ni Lola Meding si Dario maging si Ximena at nginitian ang dalawa.

Lalo namang nangunot ang mukha ni Kayla. Hindi niya naiintindihan ang nangyayari.

"P-patawarin mo ako, a-anak ko.." Lumuhod at inilahad ni Dario ang bisig nito para palapitin si Kayla.

"K-Kayla, alam mong matagal na akong n-nanalangin na magkaroon ng kapatid. N-ngunit sinagot na pala ng Diyos ang panalangin ko.. m-matagal na.. Ate kita, Kayla. Totoong kapatid kita.." madamdaming pahayag ni Ximena.

Hindi makapaniwala si Kayla na pinaglipat-lipat ang paningin niya sa tatlong taong nasa loob ng kwartong iyon. Ang nakaawang niyang bibig ay hindi niya maisarado dahil gusto niya sanang magsalita.

Kinabig naman ni Ximena si Kayla at mahigpit na niyakap. "K-kami na ang mag-aalaga sa'yo." Hinawakan ni Ximena ang kamay ni Kayla at Lola Meding sa tig-isa niyang kamay. "Nangangako ako kay Lola Meding na h-hindi ka namin pababayaan. 'Wag kang mag-alala, Kayla. Kung noon ay hinahangad ko na at hinihiling kay Daddy na ampunin ka na sana, mas higit pa 'yun ngayon. Kaya pala hindi iyon maisakatuparan d-dahil hindi na pala namin ikaw dapat pang ampunin. Dahil iisa pala tayo ng dugo. Mendez ka rin, Kayla."

"Tinatanggap mo ba ako, Ximena?"

"Dati pa naman tinanggap na kita. Kaya pala nung una pa lang kitang nakita, magaan na ang loob ko sa'yo. D-dahil kapatid kita. Ang dapat ngang tanong ay tanggap mo ba ako?"

Napalitan ang lungkot sa mukha ni Kayla, nagkaroon nang ningning ang mga mata nito. "Oo naman... Oo!"

"Yeheyyyy! May kapatid na ako, Dad!" Tumakbo si Ximena sa kinatatayuan ng amang lumuluha rin. Lumuhod din siya at niyakap ito.

"T-tito Dario?" alanganing usal ni Kayla.

"Tito?" tugon ni Dario.

Umalis sa pagkakayakap si Ximena sa kaniyang ama. Hinayaan niya ito sa gusto nitong gawin.

Unti-unti namang lumakad si Dario patungo sa kinauupuan ni Kayla. Lumuhod siya muli para pumantay kay Kayla na nakasalampak pa rin sa sahig. "Patawarin mo sana ang iyong ama, Kayla. B-bata pa ako noon at hindi pa kayang manindigan. Maniwala ka man o sa hindi, ipinaglaban ko ang iyong ina. Ngunit mapait ang kapalaran sa aming dalawa. Lumayo si Ligaya dahil sa pinilit ko siyang ipalaglag ka. Ngunit nanindigan ang iyong ina at lumayas. nagpakalayo-layo. Huli na nang mapagtanto kong mahalaga kayo sa akin. D-dahil hindi ko na kayo matagpuan. Iyon ang rason kung bakit napunta ako at bumalik dito sa Pinas. Hinahanap ko kayo. Ngunit natagpuan ko si Amihan, siya ang pumawi ng kalungkutan ko habang nangungulila ako sa inyo ni Ligaya. Patawarin mo sana ako, Kayla. Naging duwag ang iyong ama. Kaya kung pagbibigyan mo ako, at tatanggapin mo ang aking paghingi ng tawad, nangangako ako sa harapan mo at ni Nanay Meding. Aalagaan kita. Sana ay mapagbigyan mo ako na makabawi sa'yo, anak. Daddy na sana ang itawag mo sa akin."

Napaluha si Ximena habang pinagmamasdan ang dalawang taong mahalaga sa kaniya. Unti-unti na siyang nabubuo. Kasabay niyon ay unti-unti na ring nagagamot ang mga sugat ng kaniyang ama. Ang matagal na niyang kahilingan ay naisasakatuparan na. Isang tao na lang ang haharapin niya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top