Episode 11 - KAYLA'S IDENTITY
"KAYLA,apo?" wika ng isang matandang babae na nadaanan nila pasakay sa isang police patrol car.
Napalingon naman silang lahat sa matanda.
"Lola!!" sigaw ni Kayla sabay palag para makawala sa pagkakahawak ng guard.
Sa lakas na ibinigay ni Kayla ay saglit siyang pinakawalan ng guard. Tumakbo ito sa matanda.
"Kayla?" tawag ni Ximena sa kaibigan. Ang kalituhan ay bakas sa mukha niya.
"A-ano'ng nangyayari, apo? B-bakit ka nila pinapasakay d'yan?" wika ng matanda habang tinuturo ang sasakyan ng pulis.
"I-Ipapaliwanag ko m-mam'ya, Lola. Ximena, sumama na muna tayo sa presinto," tugon naman ni Kayla. Ipinaglipat-lipat nito ang paningin sa dalawang babae.
Pagkarating nila sa presinto ay agad na kinuwestiyon si Kayla at Ximena. Sinasagot naman nila lahat. Pinabubulaanan nila ang mga ibinibintang sa kanila.
"Wala akong problema sa'yo, miss," Nakaharap ang pulis kay Ximena bago bumaling kay Kayla. "pero sa isang ito meron."
"Hindi nga po ako nagnakaw ngayon!" sigaw ni Kayla sa pulis na ayaw maniwala sa kaniya.
"Ilang beses ko nang narinig ang ganyang mga alibi sa'yo at sa dati mong mga goons na kasama. Asan na nga ba ang mga iyon?" wika ng pulis kay Kayla.
Naalala ni Ximena ang ilang bata na nakasagutan din niya noong unang araw na nakilala niya si Kayla. Baka iyon ang tinutukoy ng pulis.
"Hindi ko na nga po sila kasama! Maniwala naman po kayo Mamang Pulis, hindi ko po ninakaw ang kwintas na iyon."
Hindi na nito kinausap pa si Kayla. Bumaling muli ang pulis kay Ximena.
"May katunayan ba kayo na hindi kayo ang nanguha ng kwintas? Paano n'yo ipapaliwanag na nakuha mismo sa bag ng isa sa inyo ang kwintas?" masinsinang tanong ng pulis kay Ximena.
"Hindi nga po namin alam!" inis ng sagot ni Kayla. Napapagod na siya dahil halos tatlumpong minuto nang paulit-ulit ang tanong ng pulis.
"I have evidence po!"
Napalingon silang lahat sa mga bagong dating. May kasamang lalaki na kasing-edad ng kaniyang ama si Cybelle. Si Cybelle ang nagsalita.
"Hello po, Sir," bati ni Jace sa bagong dating na lalaki.
Seryoso namang tumango ang matandang lalaki kay Jace.
"Sino naman po kayo?" magalang na tanong ng pulis sa mga bagong dating.
"Kami po ang may-ari ng shop," magalang na sagot naman ng tatay ni Cybelle.
"Kung gayon, ano naman po ang ebidensya na tinutukoy niya?" Itinuro nito si Cybelle na akala mo ay matapobreng nakatayo sa isang tabi. Pirming nakataas ang ulo nito at nakakrus pa ang mga bisig sa may ilalim ng dibdib nito.
Itinaas pa ni Cybelle ang isang kilay nito kay Ximena at Kayla bago ibinigay sa pulis ang isang cellphone.
Nakabukas iyon sa isang gallery.
Pinindot ng pulis ang play button upang pakinggan ang naturang video clip.
"HALA! ANG TARAY, SIS! BONGGABELS ITEY! MAGKANO KAYA ITO? NAKAWIN NA LANG NATIN, MUKHANG HINDI NATIN AFFORD, E!"
Pumailanglang ang boses na iyon ni Kayla. Nagkatinginan si Kayla at Ximena. Biro lang naman iyon ni Kayla kanina. Sabay silang napatingin sa pulis na seryosong nakatitig na sa kanila. Malalim ang iniisip nito.
"T-teka po, n-nagkakamali po kayo. K-kami nga po iyan. May kasunod pa po iyan na nagsasabi ako na 'wag magbiro si Kayla. W-wag niyo pong sabihin na paniniwalaan n'yo na nagnakaw si Kayla dahil lang sa video na iyan. Wala po nakita diyan na kinuha mismo ni Kayla ang kwintas."
"Pakikulong na ito," utos ng pulis na kausap nila sa isa pang pulis. Itinuturo nito si Kayla na pirmi nang umiiling na halos ikabali na ng leeg nito. Ganoon kariin ang pagtanggi nito.
Lumapit naman ang mas batang pulis at agad na iginiya si Kayla. Nagpupumiglas na ang kaibigan ngunit sadyang malakas ang pulis. Nahatak na siya.
"T-tulungan mo ako, Ximena! Lola!" tawag nito sa kanila.
"Teka lang po! Wag niyo naman po ito gawin sa amin. Hindi po siguro tayo nagkakaintindihan!" Hinabol ni Ximena si Kayla at pilit na niyakap ito. Pilit naman silang pinaghihiwalay ng pulis.
Naging hysterical na rin ang kasama nilang matandang babae na lumapit na rin sa kanila kung kaya't niyakap na ito ni Ximena habang pinapanuod si Kayla na inilalayo sa kanila. Gusto man niyang habulin ito ngunit naisip niyang mas malakas ang ebidensya ng mga ito kumpara sa tiwala nila ni Kayla sa isa't isa.
Ibinalik ni Ximena ang paningin sa pulis na nag-utos na ipakulong si Kayla. "Mamang pulis, baka naman po may ibang paraan? Baka po pwede nating i-check ang CCTV sa loob ng shop nila." Itinuro niya si Cybelle.
"Pwede nating gawin iyon ngunit kailangan niyo muna magpiyansa. Mabigat ang naging krimen na ibinabato sa kasama mo. Hindi iyon madadala nang simpleng pakiusap lang, unless pumayag ang kabilang kampo at iurong ang kaso." Huminto saglit ang pulis. "Alam mo bang repeat offender ang kasama mo? May record na iyan sa amin dito. Siguro ay may tatlo na. Hindi lang namin mapakulong-kulong dahil mabilis nakakapiyansa. O kaya naman, pinapatawad ng mga nanakawan nila 'pag naibalik na nila."
Iiling-iling si Ximena. Hindi naman niya kasi alam talaga ang tungkol doon. Sa halip na sumagot sa pulis ay ibinaling ni Ximena ang kaniyang atensyon sa ama ni Cybelle na katabi nitong nakaupo. Hindi niya napigilang lumuhod sa harapan ng mga Russo. Ipinagsalikop niya ang mga daliri at nakiusap sa mga ito. "Ano po ang gagawin ko para po mapalaya si Kayla? Pakiusap, wala po talaga kaming kasalanan."
"Ximena, 'wag mong gawin 'yan," sumaklolo si Jace kay Ximena. Pilit niya itong itinatayo.
Napansin naman ni Ximena na lalong nagdilim ang paningin ni Cybelle. Tumayo na ito. "Wala kaming iuurong na demanda!" Sabay talikod sa kanila.
Tumayo na rin ang ama nito at sinundan si Cybelle.
Hinabol naman ni Ximena si Cybelle.
Hinatak siya ni Cybelle sa isang gilid pagkatapos nito tanguan ang ama nitong nauna nang sumakay sa sasakyan. Pabulong itong nagsalita. "Iuurong ko ang demanda kung ikaw ang aamin na nagnakaw... total naman ay totoo kang magnanakaw." Ngumisi pa ito nang nakaloloko.
"Hindi ko ninakaw ang alahas, Cybelle. Maniwala ka sa akin. T-totoo ang sinasabi ko," mariing tanggi niya.
"Ako pa ba ang lolokohin mo, Ximena? Iligtas mo ang kaibigan mo at umamin ka sa kasalanan mo, b-baka maawa pa ako sa'yo. Hindi ka lang pala magnanakaw, sinungaling ka pa!"
Napipi si Ximena. Gusto niyang ipagtanggol ang sarili pero wala siyang maapuhap na tamang salita sa ngayon. Walang nagawa si Ximena kundi panuoring lumayo si Cybelle. Hindi na niya mababago pa ang tingin ni Cybelle sa kaniya. Ito lang ang nag-iisang tao na nakakaalam ng mga ginagawa niya. Kataka-taka ngang wala itong pinagsasabihan ng sekreto niya. Gusto lang din siguro talaga nito si Jace kaya ganun ang iniaasta nito.
Tumulo na ang luha niya. Kaya naman nila magpiyansa para kay Kayla, ngunit kailangan niya manghingi ng pera sa magulang niya. Kapag nalaman ng mga ito na may ebidensya laban kay Kayla, hindi tutulungan ng ama o ni Amihan si Kayla.
Kailangan na niyang makuha kaagad ang napanalunang pera. Ngunit, kailangan din niyang umalis na agad para magtrabaho sa Spain.
Laglag-balikat siyang bumalik sa loob ng presinto. Naabutan niyang inaalo ni Jace ang lola ni Kayla. Nagpaalam lang sila kay Kayla at inihatid na nila ang matanda sa may bahay-ampunan. Doon daw muna ito pansamantalang titira hangga't hindi pa nare-resolve ang kaso ni Kayla.
Pinaupo sila ng matanda sa silya na naroroon sa maliit nitong silid. Kinuha nito ang bayong nito at inilabas nito mula roon ang isang lumang envelope. Hinugot nito ang isang luma at halos mapupunit nang papel.
"Ito ang birth certificate ni Kayla, iha. Nakalagay riyan ang pangalan ng tatay ni Kayla. Baka maaari mo akong matulungan upang malapitan ko siya ngayon? Ang alam ko ay maykaya ang pamilya nila. L-lulunukin ko na ang pride ko, iha. Nangako ako sa anak ko bago siya mamatay na hindi ko kailanman ipapaalam o ipapakilala kay Kayla ang tunay nitong ama, ngunit hindi ko kaya na mabulok sa kulungan si Kayla. Malokong bata si Kayla, ngunit naniniwala akong inosente siya. Hindi niya magagawang magnakaw nang ganoon kamahal na gamit."
Inabot ni Kayla ang birth certificate. Hindi puwedeng masira iyon kaya gusto rin niyang ingatan ang paghawak roon.
Binasa niya ang nilalaman ng certificate. Napatda siya at halos manlaki ang mata niya dahil sa pangalang nabasa niya sa father's name. Kapangalan iyon ng kaniyang ama! Hindi pa rin siya makapaniwala. Puwede namang may kaparehong pangalan ang daddy niya pero kailangan niyang manigurado.
Dahil napansin ni Jace na natahimik si Kayla at masyado nang natagalan sa pagbabasa sa birth certificate ay nakisilip na rin ito. Nanlalaki rin ang matang napatingin ito kay Ximena na hanggang ngayon ay nakatitig pa rin sa papel na hawak. "X-Ximena?"
Hindi pinansin ni Ximena ang pagtawag sa kaniya ni Jace, sa halip ay tinanong niya ang matanda. "B-baka po mayro'n kayong picture ng tatay ni Kayla?"
"Ayy, oo, iha! Meron ako rito," sagot ng matanda habang kinakalkal ang laman ng envelope. Nang makita iyon ay pinagmasdan muna iyon ng matanda. "Nakita ko itong nakatago sa mga damitan ng anak ko habang itinatabi ko ang mga gamit niya pagkatapos namin siya ilibing. Namasukan sa Espanya si Amor ko noon. Ang sabi niya sa akin ay anak daw ito ng naging amo niya." Iniabot na ng matanda ang litrato sa kaniya.
Sa nanginginig na mga kamay ay inabot na ni Ximena ang larawan. Napaawang ang kaniyang bibig nang makita iyon. Kahit bata pa ang kuha sa larawan ay mabibistahan na kung sino iyon. Litrato nga iyon ng ama niyang si Dario!
"I-Iha, o-okay ka lang ba? K-kilala mo ba s'ya?" umaasang tanong ng matanda.
"Lola, k-kilalang-kilala ko po—-"
Nagulat silang lahat dahil sa tunog ng cellphone. Kinuha naman ni Jace ang bag ni Kayla kung saan nanggagaling ang malakas na ringtone. Ibinigay niya ang telepono kay Ximena nang malaman niyang ang Mommy Amihan nito ang tumatawag.
Sinagot naman iyon ni Ximena.
"A-ANAK," Rinig na rinig ni Ximena ang paghagulhol ni Amihan sa telepono. "N-NAWAWALA RAW ANG TATAY MO! K-KINIDNAP DAW SA SPAIN! ANAK, ANO'NG GAGAWIN NATIN?"
Puro singhot at hagulhol na lang ang sumunod na narinig ni Ximena sa kabilang linya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top