Kabanata 16

Bayad-Utang

Kabado akong nakaupo sa mahabang upuan na gawa sa kawayan dito sa sala ng bahay namin. Kauuwi ko lang galing sa paggawa namin ng banner kanina. Diretso uwi kami ni Zia kanina na hindi na rin nagtanong masyado tungkol kay Medwin na siyang ipinagpapasalamat ko. Ayaw ko na lang din isipin masyado dahil una sa lahat, wala naman akong sapat na rason para makaramdam ng negatibo dahil sa mga narinig.

I'd rather not care than to let myself get affected by it. Kaso sino ba ang pinagloloko ko? Eh, totoo namang naapektuhan ako dahil akala ko hindi siya tulad ni Danrick. Maybe I am that gullible that even with minimal effort they'll be able to play with my emotion.

"Elisha, anong ginagawa mo r'yan? Wala ka bang assignment na kailangang tapusin?" bungad ni Ate na kakapasok lang.

"Hinihintay ko sila Mama, Ate," mahinang sagot ko.

"Huwag mo na. Pumasok ka na sa kuwarto at mag-aral, tatawagin na lang kita kapag dumating na sila," utos niya.

"Baka pauwi na rin sila kaya hihintayin ko na," pilit ko. "Wala naman akong assignment dahil entrep week namin sa lunes kaya wala akong gagawin."

Susuwayin niya pa sana ako ulit nang mmula sa labas ng bahay ay nangibabaw ang nangungutang halakhak ni Aling Pina. Nagkatinginan kami ni Ate, malamang ay pareho ang iniisip.

Sabay kaming kumilos at nagtungo sa may pintuan. Lalabas na sana ako nang pigilan ako ni Ate. Nagtatanong na tiningnan ko siya na sinagot lang niya sa pamamagitan nang pag-iling. Hinila niya ako patungo sa bintana ay doon sinilip ang nangyayari sa labas.

Binungaran kami ng nakapostura ng si Aling Pina na maarte ng pinapaypayan pa ang sarili sa napakaarteng paraan. Pilantik ang mga kamay, taas ang noong nagmamayabang, at may ngisi sa mga labi.

"Ako pa ang kinalaban ng mga dukha, akala mo naman mananalo." Maarte siyang humalakhak, nagyayabang at nagmamataas.

"Ano kayang nangyari, Ate," kabado kong tanong.

Itinago ko sa aking likuran ang dalawa kong mga kamay nang maramdaman ang unti-unting panginginig no'n.

Hindi ako sinagot ni Ate, nanatili lang siyang nakamasid sa labas habang hinihintay ang pagdating ng mga magulang namin.

"Halika na, Pina," pagtawag ng asawa niya sa kaniya.

Umismid ang ginang. "Bakit ako papasok? Kailangan ko pang panoorin ang mga kumanti sa atin na akala mo naman may laban. Mga putanginang 'yan, ako pa ang nanakawan."

Dumoble ang kaba sa dibdib ko. Mas lumala rin ang panginginig ng kamay ko dahil sa takot. Gustuhin ko man ang magpakapositibo, pinangingibabawa ako ng katotohanang maaaring hindi pumabor ang lahat sa mga magulang ko.

Umugong ang bulungan ng mga tsismosa naming kapitbahay sa pagdating nina Mama at Papa. Lahat sila ay nakaabang na para bang interesante ang mga susunod na magaganap. Nakita ko ang mapanghusgang tingin na ibinibigay nila, isang bagay na hindi na bago dahil magmula nang napunta kami rito ay ganitong uri ng tingin na lang ang natatanggap namin. Akala mo naman may ginawa kaming masama sa kanila gayong sila itong walang sawa kaming hinuhusgahan at pinupulutan sa usapan.

"Pina," garalgal ang boses na tawag ni Mama sa kaniya. "Baka naman puwedeng idaan na lang sa usap. Saan namin huhugutin ang limampung libong piso?"

"Gago 'tong mga 'to," gigil na bulong ni Ate.

"Aba, bakit sa akin mo itinatanong 'yan, Criselda? Bakit hindi ka magtrabaho? Bakit hindi mo na lang sunugin 'yang kamay mo sa paglalabala para makapagbayad ka? Ang lakas ng loob niyong nagnakaw tapos hindi mo kayang bayaran?"

"Kaya nga nagnanakaw ang ibang magnanakaw dahil wala silang pera, eh. Tanga nito," bulong upon ni Ate Erin.

"Wala kaming ninanakaw, Pina," mariing sabat ni Papa sa malumanay na boses.

Maarteng umikot ang mga mata niya. "At anong gusto mong sabihin? Na gawa-gawa lang namin ang lahat?"

"Hindi sa gano'n, Pina." Buntong hininga si Papa, pinalawak ang pasensya.

Magmula ng araw na 'yon na inakusahan ang mga maglang ko, paulit-ulit naming hinalughog ang bahay para lang mapatunayan na wala kaming ninanakaw. May mga baranggay pa nga na dumating para halughugin dito ang iPhone ni Aling Pina pero wala talaga.

Nang sa kaniya naman ang papasukin ay labis ang kaniyang pagtanggi. Mabilis din na uminit ang ulo niya at pinagmumura pa ang mga tao sa baranggay na ginagawa lang naman ang trabaho nila.

"Madali akong kausap, Norman. Kung wala kayong pambayad, eh 'di lumuhod kayo ngayon din sa harapan ko."

Narinig ko ang malutong na pagmumura ni Ate bago madilim ang anyo na lumabas ng bahay. Natulos ako sa kinatatayuan ko. Hindi na maampat ang mabilis na tibok ng aking puso ngunit ang gumawa ng hakbang para sumunod ay hindi ko nagawa.

Nanatili lang akong nakatayo roon, pinanonood ang mga magulang ko kung paanong unti-unti silang lumuhod. Tahimik na naaawa sa sariling pamilya habang sagana sa pagdaloy ang luha. Walang nagawa ang presensya ni Ate, ni hindi man lang siya umabot sa kanila dahil nauna na ang pagtiklop ng tuhod nina Mama at Papa.

"Ma! Pa! Tumayo kayo r'yan! Hindi niyo dapat niluluhuran ang mga demonyong 'yan!" gilalas ni Ate.

"Pumasok ka sa bahay, Erin," walang emosyong utos ni Papa.

"Bakit nakikisawsaw ka rito? Bakit hindi ka na lang mag-aral sa bahay niyo?" Dinuro niya si Ate gamit ang hawak niyang pamaypay. "Wala kang mararating, bata. Kahit anong klaseng pagsunog pa ng ilaw ang gawin mo, mananatili kayong mahirap at mababang uri ng tao." Muli niyang pinagkrus ang dalawang braso sa dibdib. "Bakit hindi mo na lang gayahin ang mga magulang mo? Tutal bagay naman sa inyo ang magmakaawa at magmukhang kawawa "

Sunud-sunod na nagbagsakan ang mga luha ko kasabay nang pagsikip ng dibdib ko. Kulang ang salitang awa para maisalarawan ang aking nararamdaman. Naroon ang lungkot para sa mga magulang ko, ngunit hindi nawawala ang presensya ng galit para sa mga taong dahilan kung bakit namin nararanasan 'to.

Gusto kong maghanap ng sisisihin. Gusto kong may mapagbuntunan nang naipong galit sa dibdib ko. Kaso ang kaya ko lang ay ang tahimik na lumuha. Ang tahimik na magdasal na sana bukas ay okay na.

"Hindi kasama sa usapan natin ang idadamay mo ang anak ko, Pina," malamig na wika ni Papa na ikinatahimik ng ginang. "Nagawa na namin ang gusto mo, lumuhod na kami kapalit ang perang dapat na ibabayad namin. Bayad na kami."

Hindi na binigyan ng pagkakataon ni Papa na makapagsalita pa ang mag-asawa. Tahimik niyang inakay si Mama patayo. Tinalikuran nila ang nagpupuyos sa inis na si Aling Pina. Isinabay na rin ni Papa sa paglalakad si Ate sa pamamagitan nang pag-akbay sa kaniya.

Hinintay ko ang pagpasok nilang tatlo sa loob habang dali-daling pinupunasan ang basang pisngi. Saktong natapos ako nang bumukas ang pinto. Sinundan ko ng tingin ang ginawang pag-upo ni Papa sa matigas na upuan kasunod ni Mama na naupo sa tabi niya. Si Ate ay nanatili lang na nakatayo sa harapan nila. Bakas pa rin ang galit sa mga mata niya ngunit natatakpan na 'yon ng luha.

"Bakit naman kayo pumayag sa ganoong klase ng kondisyon mula sa mga demonyong 'yon?! Bakit niyo hinayaan na tapakan lang nila ng gano'n ang pagkatao niyo?" nagpipigil ng galit natanong niya.

"Wala tayong pera, Erin," simpleng tugon ni Papa.

Sa simpleng mga salitang 'yon ay nagawa ko siyang intindihin. Sa tatatlong salitang inirason niya, hindi ko na nagawang magsatinig nang pagtutol sa ginawa nila tulad nang ginagawa ni Ate.

Hindi iisang beses lang na naging sentro ng problema namin ang pera. Sa bawat unos na dumadaan sa buhay namin, palagi 'yong kaakibat. Kung bakit ba naman kasi ipinanganak kaming mahirap. Tuloy, maliban sa salat naming pamumuhay ay madali rin kaming naaapak-apakan ng mga tao.

"Puwede nating pagtrabahuhan 'yon! Kikitain natin ang halagang 'yon!"

"Makinig ka, anak," pagpapaamo ni Mama sa kaniya. "Walang trabaho ang Papa mo sa ngayon. Wala rin siyang mga sideline masyado. Hindi sapat ang kinikita ko sa paglalabada at nabawasan pa dahil kumalat na sa buong baranggay ang nangyari kaya takot silang kunin ang serbisyo ko."

"Isa pa, graduating ka na, anak," muling pagsasatinig ni Papa. "Hindi namin isasaalang-alang ang pagtatapos mo para lang sa dignidad namin ng Mama mo. Kung kailangan naming lumuhod para lang hindi magalaw ang perang naitabi namin para sa mga babayaran mo sa graduation mo, gagawin namin. Gano'n kaimportante ang unang dimplomang mapapasakamay ng pamilya natin."

Tahimik akong naglakad patungo sa kuwarto upang hindi na marinig ang pag-uusap nila. Ayaw kong marinig dahil mas lalo lang akong nasasaktan. Ang hirap tanggapin na dahil sa kakulangang mayroon kami sa usapang pinansyal ay kailangan naming umabot sa ganito. Na kailangan pang lumuhod ng mga magulang ko sa ibang tao.

Dinudurog ang puso ko sa sakit. Pinapatay ang pagkatao ko sa hirap nang pagtanggap.

Kaakibat ng lahat ng 'yon, lahat ng mga nakapanliliit na salitang natanggap namin ng pamilya ko, lahat ng masasakit na memoryang idinulot ng araw na 'to ay ang pangakong itinanim ko sa puso ko.

Na balang araw kami naman. Balang araw hindi na nila kami magagawang apakan. Tatayo kami sa marangal na paraan. Makakaahon kami mula sa lumang kasalukuyan naming kinasasadlakan.

Hindi kami hanggang dito lang. Patutunayan ko sa kanila, kay Aling Pina at sa lahat ng mga taong walang sawa kaming niliit ay hinusgahan, na may mararating kami. At lahat ng pangarap namin sa pamilya Sta. Monica ay tutuparin namin.

"Palagi mong tatandaan, Erin. Ang tanong nagpapakumbaba ang siyang itinataas ng Diyos. Pasasaan ba't matatapos din ang lahat ng 'to."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top