CHAPTER 37
1946
Eliana Calderon Penalver's POV
Pagmulat ko ng aking mga mata ay nasilaw agad ako sa liwanag na galing sa bukas na bintana sa gilid ng kinahihigaan ko.
"Huwag mo muna pilitin na bumangon."
Nilingon ko ang boses ng aking asawa at ngingiti na sana ako nang biglang bumalik sa akin ang tagpo na nangyari nang nakaraang gabi.
"Ang sabi ng doktor ay buntis ka, Eliana," sambit niya sa isang matigas na tinig.
"Alam ko na iyon, Lorenzo. Magkakaanak na ulit tayo."
"Hindi ko anak iyang dinadala mo! Bastardo iyan ng kalaguyo mong si Roberto!"
Dahan-dahan akong bumangon at hinarap ang lalaking nakaupo sa silya sa gilid ng kama ko.
"Paano mo ako nagawang pagbintangan ng mga ganito, Lorenzo? Kilala mo ako!"
"Iyon din ang pag-aakala ko Ana. Akala ko rin, kilala kita. Akala ko tapat ka sa'kin. Anim na taon na nating sinusubukan na masundan si Lorenz. Bakit nagbakasyon ka lamang sa Carles, pagbalik mo rito buntis ka na?" puno ng pagdududa ang tinig niya. Unti-unti na ring tinatanggap ng utak ko na hindi talaga siya naniniwala sa mga sinasabi ko.
"Mahal..." Sinubukan ko na abutin ang kamay niya pero iniwas niya ito.
"Por favor, Ana, umalis ka na ng Guimaras. Bumalik ka kay Roberto dahil siya naman talaga ang gusto mo, hindi ba? Dapat nakinig ako kay Mama na hindi tayo magtatagal."
"Lorenzo, bakit hindi ka naniniwala sa akin?" Tuluyan na akong umiyak dahil labis ang sakit na nadarama ko sa mga katagang binibitawan ng ama ng mga anak ko.
"Huwag mo nang subukan na bilugin pa ang ulo ko, Ana. Hinimatay ka kagabi pero ang sabi ng doktor ay maayos ang kalagayan mo. Kapag nakapag-pahinga ka na ay umalis ka na ng Guimaras. Utang na loob, huwag ka nang bumalik dito dahil... baka mapatay kita."
"Si Lorenz, kukunin ko si Lorenz!"
Pagod ngunit nanlilisik pa rin ang mga mata ni Lorenzo nang tiningan ako ulit. Puno pa rin siya ng galit at mas lalong nagningas iyon nang nabanggit ko ang aming anak.
"Wala kang karapatan sa anak ko!"
"Anak ko rin siya, Lorenzo!"
"Iwinala mo ang karapatan mo sa bata nang nagtaksil ka sa amin! Kaya bumalik ka na kay Roberto dahil hinding-hindi na kita tatanggapin!"
"Lorenzo..."
"Tama na Eliana! Tama si Mama, sinong matinong babae ang makikitira sa dati niyang nobyo? Maniniwala na sana ako sa'yo, ngunit buntis ka na pagbalik mo rito..."
🌿
Dalawang araw akong nanatili sa Aguadulce bago ko natanggap na hinding-hindi ko na mababawi ang tiwala ni Lorenzo o ang anak ko. Sinubukan ko na bumalik sa mansyon pero hindi na ako pinapasok sa gate ng mga katulong at nagbanta pa silang ipapadampot ako sa mga pulis.
Kahit anong pagwawala ko sa labas ay hindi nila kailanman ipinakita sa akin ang bata. Kaya napilitan akong bumalik sa Carles.
Galit na galit si Roberto nang sabihin ko sa kaniya ang nangyari pero ano pa ba ang magagawa namin maliban sa tanggapin ito?
Labag man sa kalooban ng kaniyang nobya na si Rosela ay nagpasya si Roberto na sa kanila ako manatili. Parang pamilya ko na rin ang mga magulang niya kaya hindi na ako ibang tao sa kanila ngunit nahihiya pa rin ako sa nangyari.
"Ana, kumain ka na, anak."
Hindi ko namalayan na kanina pa pala ako nakatingin lamang sa labas ng bintana habang umuulan. Simula nang nagising ako ay ito na ang ginawa ko.
"Hindi pa po ako, gutom Nay Binyang."
"'Day, kawawa naman ang pinagbubuntis mo. Kailangan mong mabuhay para sa bata..."
Puno ng awa ang mga mata ng ina ni Roberto pero hindi ko alintana ang sinabi niya.
"Nay, paumanhin po at pabigat po ako rito sa pamamahay ninyo..."
"Ana, bata ka pa ay kilala na kita. Bata pa lang kayo ni Roberto ay ikaw na ang gusto ko na makatuluyan ng anak ko, kaya mahal na mahal kita, anak. Nasasaktan kami ni Tatay Pedring mo na nakikita ka sa ganitong kalagayan."
Tumulo ang mga luha ko dahil sa mga salita niya. Napakabuti nila sa akin.
"Hindi ko na po alam kung paano ipagpapatuloy ang buhay ko, Nay!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top