Rainbow 3 : Yellow
RAINBOW 3 : YELLOW
"HINDI KA rin ba papasok? May laban ng basketball ngayong araw, 'di ba? Hindi mo ba ichi-cheer 'yong boyfriend mo?" tanong ko kay Kaizer na tahimik na kinakain ang niluto kong popcorn.
Nandito kasi siya ngayon sa apartment ko — nanggugulo sa tahimik kong pamumuhay.
Tatlong araw na rin ang nakalilipas simula nang magkasagutan kami ni Geoff at muntikan ko nang maamin ang nararamdaman ko sa kanya. Sa tatlong araw na 'yon, itong si Kaizer ang naging karamay at kausap ko. Naging instant close na nga kami dahil do'n, e. Tulad ngayon, wala man lang siyang pasabi na pupunta siya rito sa apartment ko at manggugulo.
"Hindi ka pa rin ba titigil sa kababanggit ng 'boyfriend' na 'yan? Naiirita na ko, ah," inis niyang sabi na hindi man lang ako tinapunan ng tingin. "Sinabing matagal na nga kaming wala. Tapos na. Tinapos ko na. Move on din."
Natawa ako. "Tinapos mo na nga pero ayaw niya pa, 'di ba? Hindi mo na ba mahal?"
After I said that, he looked at my direction with a grin. "Kapag hindi ka pa diyan tumigil, hahalikan na kita," seryoso niyang sabi. Napatigil ako. Na-istatwa sa 'di malamang dahilan. "Wala ka pang first kiss sa lalaki, 'di ba? Gusto mo ako na ang maging first kiss mo? Wala namang problema—"
Hindi ko na siya pinatapos pa at agad na binato ng unan na aking nahablot. Nang matamaan siya sa mukha, ako naman ang napangisi at napasabi ng, "Ulol, kadiri ka!"
Sinuklian niya lang ito ng isang napakalakas na tawa sabay sabing, "Sus, kadiri raw. Pero baka mamaya, malaman ko na lang na pinagnanasaan mo na ko sa isipan mo, ah."
Napailing na lang ako dahil sa sinabi niya. Para talagang baliw. Pero muli kong pinasadahan ng tingin ang kanyang mukha at hindi ko naman talaga maipagkakaila na may hitsura 'tong si Kaizer. Iba rin ang kaguwapuhan na taglay niya. Parang artistahin ang datingan. Pero syempre, mas guwapo pa rin ako.
"Ano, na-in love ka na ba sa akin?" tanong nito na siyang nagpabalik sa akin sa wisyo. Hindi ko napansin na nakatulala na pala ako sa kanyang gawi. "Muntikan na kong matunaw—"
"Tumayo ka na nga lang diyan," pagputol ko sa sasabihin niya. Medyo nailang na rin kasi ako sa paraan kung paano niya ko titigan. "Gala na lang tayo," dugtong ko pa.
Tinitigan niya lang ako habang nakangisi. "Date?"
"Gago! Gusto ko lang makalimot. Ano, sasama ka ba o iiwan kita rito?"
Pagkatapos kong sabihin 'yon, dali-dali siyang tumayo. "Syempre sasama! Baka mamaya mas malala ka pang malasing sa boyfriend mo, e 'di walang mag-aalalay sayo."
Napangiti ako sa sinabi niyang 'yon. Kahit imposible at malabo, ang sarap pa rin sa pandinig ng mga salitang 'boyfriend mo'.
***
Alas-cinco ng hapon nang makarating kami sa bagong bukas na bar malapit sa apartment. Pag-upo namin sa medyo dulong parte, um-order na agad ako ng alak. Hindi ako pala-inom na tao. Ocassionally lang ako kung uminom. Pero dahil gusto kong makalimot ngayon kahit papaano, iinom ako hanggang sa hindi na kaya ng aking katawan at sistema. Hanggang sa alak na ang dumadaloy sa loob ko.
"Seriously, Jeff? Maglalasing ka ba talaga o magpapakamatay?" natatawang sambit ni Kaizer matapos mailapag nung waiter ang dalawang bote ng Romate na in-order ko. "Dalawa lang tayong iinom nito?"
Hindi ko na lang siya pinansin at tinuon ang atensyon dito sa waiter. "Sir, may kailangan pa po ba kayo?"
"Um, wala na. Paki-follow-up na lang nung pulutan," sabi ko.
"Sigurado ka bang kaya mo 'to?" nagtatakang tanong sa akin ni Kaizer.
"Bakit, hindi mo ba ako tutulungan?" balik na tanong ko. Nagkibit-balikat lang siya. "Okay lang naman, kakayanin ko na lang ubusin 'to syempre. Sayang sa pera, 'no," pagdadahilan ko.
"Ang swerte naman nung Geoff na 'yon. May maglalasing para sa kanya makalimot lang," mahinang komento nito na siyang malinaw ko pa ring narinig.
"Mamaya pa 'yan, Kaizer. Sa ngayon, 'wag na muna natin siyang pag-usapan." natatawang sambit ko. "Magpakasaya muna tayo, okay?" sabi ko sabay taas ng basong may laman ng alak.
"Ewan ko sayo, Jeff," natatawa niyang sabi sabay taas ng baso niyang may laman ding alak.
Nang dumaloy ang alak sa aking lalamunan, parang gusto ko na agad itong iluwa. Kapag hindi ka talaga sanay uminom, iba ang epekto nito sayo.
"Ano kaya pa ba?" nakangising tanong ni Kaizer. Napansin niya siguro ang hindi ko maipintang mukha pagkatapos kong lagukin ang isang baso.
Hindi ko na siya sinagot at muling tinungga ang sinalin kong alak sa baso.
Sana . . . Sana pagkatapos ng gabing 'to, bumalik na ang lahat sa dati. 'Yong panahon na wala pa ang lintik na nararamdaman kong 'to sa aking best friend. 'Yong panahon na hindi pa ako naguguluhan at hindi ko pa kailangang umiwas.
***
"Fuck . . ." dinig kong pagmumura ni Kaizer sa aking tabi.
Hindi na ako nag-abala pang lingunin siya dahil ayaw kong masaksihan ang malalim na paghahalikan nila ng babaeng lumapit sa kanya kani-kanina lang. Iilan na rin ang nagtangkang lumapit sa akin pero agad ko silang pinaalis. Nagpunta ako rito para makalimot at hindi humanap ng kukuha ng aking virginity.
Naubos na namin ang isang bote ng Romate at ramdam ko na ang epekto nito sa aking katawan. Hindi na rin kasi malinaw ang paningin ko. Pagkatapos kong lagukin ang kalahating laman nung basong nasa aking harapan, halos masuka-suka na ako. Hindi ko na talaga kaya pero heto . . . pinipilit ko pa rin. Ewan ko ba. Gan'to na talaga siguro ako kadesperado na makalimutan si Geoff kahit ngayong gabi lang.
Makalipas ang halos isang oras, hindi ko na maimulat ang aking mga mata. Nakatungo na ako at nagpapababa ng tama.
"Jeff . . . gising, nandiyan na sundo mo." Nang marinig ko ang boses ni Kaizer, kahit hindi na talaga kaya ng aking mga mata, pinilit ko pa rin itong iminulat.
"Kaizer . . ."
"Hmm?"
"Ito ba ang isa sa epekto ng alak?"
"Ha? Anong ibig mong sabihin?"
"Nakikita ko kasi ngayon 'yong taong gusto kong makita. 'Yong taong pilit kong iniiwasan. Kaizer, nakikita ko si Geoff. Tangina . . . 'Di ba, dapat wala na siya sa aking isipan? Pero bakit naman siya ang nakikita ko ngayon?"
"Jeff . . ."
"O, pucha, Kaizer! Nagsasalita pa 'tong hallucination ko," pilit kong sabi habang patuloy ang pag-aninag sa Geoff na nasa aking harapan ngayon.
"Pare, salamat sa pagtawag sa akin, ah."
"Walang anuman, Geoff. Ikaw nang bahala rito kay Jeff, ah. Mauuna na 'ko."
"Sige, salamat ulit."
'Yon ang huli kong narinig bago tuluyang bumagsak ang aking sistema.
***
Naalimpungatan ako dahil sa mabigat na nakapatong sa aking mga hita. Nakapatay ang ilaw kaya hindi ko maaninag kung ano o sino ito.
"Baka si Kaizer," sabi ko sa isip habang pilit kong inaalala ang mga nangyari.
Tiningnan ko ang orasan sa aking bedside table — 2:46 a.m. pa lang pala.
Nang tuluyan na akong makaupo, napahawak na lang ako sa aking ulo dahil sa sakit. Para itong binibiyak. Mukhang naparami nga ang inom ko kahapon.
"Tangina," mahina kong mura habang hawak-hawak ang aking magkabilang sintido.
Binuksan ko ang lampshade at una kong napansin na tanging boxer short at sando na lang ang aking suot. Mukhang pinalitan na pala ako ni Kaizer. Mabuti naman . . .
"Kaizer—"
"O, Jeff. Gising ka na—"
"Geoff?!"
Halos maitulak ko na siya sa kama nang marinig ko ang kanyang boses. At nang bahagyang tumama sa mukha niya ang liwanag mula sa lampshade, napamura na lang ako nang wala sa oras sa isipan.
"Anong ginagawa mo rito?! Nasaan si Kaizer?! B-Bakit katabi kita?!" sunod-sunod kong tanong nang pasigaw. Talaga namang nagpa-panic na ako.
Naramdaman kong tumayo siya at binuksan ang ilaw. Doon ko na nakita ang kanyang kabuuan. Tanging boxer short at sando lang din ang suot niya.
T-Teka . . . hindi naman siguro . . .
"Jeff, may problema ba tayo?" napatingin ako sa gawi niya nang muli siyang magsalita. Nakatayo siya sa harapan ko habang nakaupo naman ako sa kama. Malumanay ang kanyang boses kaya napakunot ako ng noo.
Hindi ko maintindihan ang sarili kung bakit hindi ko magawang alisin ang aking mga mata sa kanya. Nalunod na lang din kasi ako bigla sa paraan kung paano niya ako titigan gamit ang malulungkot niyang mga mata.
"Ano munang ginagawa mo rito?" seryosong tanong ko.
"Wala ka bang naaalala?"
"Geoff, magtatanong ba ako kung meron?"
"T-in-ext ako ni Kaizer kagabi na sunduin na kita dahil hindi mo na kaya."
"Tapos?"
"Dinala na kita rito. Pagkatapos kitang punasan at bihisan, aalis naman na dapat ako pero . . ."
"Pero ano?"
"You told me to stay."
"What?! A-Ako? S-Sinabi ko 'yon?"
Mabilis niyang tinanguan ang utal na tanong kong 'yon. "Kaya nag-stay muna ako. Pero hindi ko namalayan na nakatulog na rin pala ako."
Pagkatapos niyang sabihin 'yon, wala nang nagsalita. Bigla kaming nakulong sa katahimikan. Hindi ko ini-expect na makakaya ko pa siyang matitigan nang matagal pagkatapos kong makaramdam ng kakaiba sa kanya. Ilang minuto pa ang lumipas hanggang sa nagsalita na siya at tuluyan na niyang binasag ang katahimikang namagitan sa amin.
"So, Jeff, may problema nga ba tayo?"
Nang sambitin niya ang tanong na 'yon, napalunok agad ako. Dali-dali akong tumayo at lumabas ng kuwarto. Pagkatapos ay dumiretso ako sa kusina. Naramdaman ko namang tahimik siyang sumunod sa akin kaya bigla akong hindi mapakali.
Hindi pa ako handang sabihin sa kanya 'yong tungkol sa nararamdaman kong 'to. Hindi pa.
Pagbukas ko ng ref, kinuha ko agad ang pitsel at nagsalin sa baso ng tubig. Dali-dali ko itong ininom dahil pakiramdam ko ay natuyo ang aking lalamunan sa tanong ni Geoff kanina.
"Geoff, salamat sa pag-aasikaso sa akin, pero makakaalis ka na," diretsong sabi ko. "Sa susunod na lang tayo mag-usap."
Tinitigan niya lang ako na parang walang narinig. Nang makita ko ang pag-iiba ng ekspresyon sa kanyang mga mata, bigla akong kinabahan. Mukhang galit na siya sa mga oras na 'to; o di kaya hindi na natutuwa sa nangyayari — sa inaasal ko.
"Really, Jeff? Hanggang kailan mo ba iiwasan ang tanong kong 'yon? Oo o hindi lang naman ang sagot, ah. Mahirap bang sagutin 'yon?"
"Hindi mo kasi naiintin—"
"E 'di, ipaintindi mo!" tumaas na ang kanyang boses na siyang ikinagulat ko. "Akala ko ba isa tayo, Jeff? Best friend mo ko, 'di ba? At kung may problema ka, hindi ba dapat may alam man lang ako kahit papaano?!
"'Yong Kaizer na 'yon . . . Mabuti pa siya alam niya ang problema mo. E, sa pagkakaalam ko, ilang araw pa lang kayo magkakilala, ah. Hanggang kailan mo ba gagawin sa akin 'to, Jeff?"
"Kasi naiintindihan ako ni Kaizer! Alam niya 'yong pinagdadaanan ko!" hindi ko na rin napigilang hindi mapataas ang boses.
I tried to keep calm pero sa pinapakita niya, hindi ko magawang kumalma.
"Alam mo ba kung anong sikreto nung Kaizer na 'yon?" tanong niya. "Jeff, nalaman kong bisexual ang lalaking 'yon. Baka nga may gusto 'yon sayo kaya lapit nang lapit, e! Tapos mas pagkakatiwalaan—"
"What's wrong with being bisexual, Geoff?" seryoso kong tanong sa malamig na boses.
"Hindi 'yon ang gusto—"
"Una pa lang, sinabi na sa akin ni Kaizer na bisexual siya. At wala akong nakikitang problema ro'n. Sa totoo lang, nagpapasalamat ako na nakilala ko siya. Kasi, sa wakas, may nakakaintindi na sa akin. Unti-unti ng nagiging malinaw sa akin ang lahat."
"Jeff, what do you mean?"
"You want to know my problem, right? You want to know why I'm avoiding you? Because I'm bisexual. I'm a fucking bisexual, Geoff, kaya pilit kitang iniiwasan!"
Kitang-kita ko ang pagkagulat sa kanyang mga mata. Natawa ako sa aking isip-isip. Mukhang tama nga lang ang naisip ko na gan'to ang magiging reaksyon niya. Mabuti na lang hindi ako masyadong naniwala na iba siya; na maiintindihan niya ako at kaya niya akong tanggapin.
Tinalikuran ko na siya nang maramdaman ko ang unti-unting pagbagsak ng aking mga luha.
"Ngayong nalaman mo na kung bakit kita iniiwasan, makakaalis ka na, Geoff—"
"I don't get it, Jeff," pagputol niya sa sinasabi ko. "E, ano naman kung bisexual ka? Ayon lang ba ang problema mo kaya umiiwas ka? Tangina naman, Jeff! Anong akala mo sa akin? Pandidirihan ka pagkatapos kong malaman 'yon? Masyado mo naman ata akong pinapangunahan. Ang babaw naman ng tingin mo sa akin."
Dahan-dahan akong napalingon nang marinig ko ang mga sinabi niya. Pagharap ko, seryoso siyang nakatingin sa aking mga mata.
"Jeff, I'm not like the other guys out there. 'Yong mga homophobic shit? I'm not one of them! Kaibigan kita, Jeff, kaya kahit ano ka pa, tanggap kita."
"That's not the real problem here, Geoff . . ." basag na ang aking boses dahil hinayaan ko nang dumaloy sa pisngi ko ang mga luhang kanina pa gustong kumawala.
Tila mas lalo lang siyang naguluhan sa sinabi ko at kitang-kita ang pagkunot ng kanyang noo. "H-Ha?"
"Sa tingin mo ba, gano'n lang din ako kababaw? Na dahil iba ang sekswalidad ko, iiwas na ako?"
"So, ano talagang problema, Jeff?"
"Y-You . . . don't need to know, Geoff."
"Tangina! Paano natin maayos 'to kung hindi mo sasabihin sa akin?! Paano ko maiintin—"
"Gusto kita!" buong lakas na sigaw ko na siyang nakapagpatigil sa kanyang pagsasalita. Huminga ako nang malalim. Nasabi ko na kaya wala ng atrasan 'to. "Gusto kita, Geoff . . ."
Tinitigan ko ang kanyang reaksyon at kulang ang salitang pagkagulat sa hitsura niya sa mga oras na 'to matapos marinig ang sikretong matagal-tagal ko ring tinago.
"'Yon ang dahilan kung bakit ako umiiwas. Kasi dahil sayo, kaya ko nalaman na iba pala ako. Dahil sa mga pinapakita mo, nahulog ako. At nagising na lang ako, isang araw, na gusto na kita. At alam kong mali 'yon. Kaya nga . . . Kaya nga umiwas na ako, e. Kasi sinusubukan kong makalimot. Sinusubukan kong kalimutan ang nararamdaman ko para sayo.
"Gusto ko pa kasing maisalba ang pagkakaibigan natin. Kayo lang nila Jamil at Ken ang mga naging kaibigan ko mula senior high. At hindi ako makapapayag na dahil lang sa lintik kong nararamdaman para sayo ay masisira ang lahat. Mas gugustuhin ko pang maging miserable kaysa mawala kayo sa akin. Lalo na ikaw. I want to save our friendship that's why I'm trying my best para iwasan ka."
Hindi ko alam kung naintindihan niya pa ang mga sinabi ko dahil sa basag kong boses at mga hikbi sa pagitan ng bawat salita.
"Jeff . . ."
"Ngayong nalaman mo na, Geoff, makakaalis ka na. Iwan mo na muna ako, please . . ." mahina kong sabi at muli siyang tinalikuran.
Ilang minuto pa ang lumipas, naging tahimik na ang paligid. Buong akala ko ay umalis na siya dahil wala na rin akong naririnig na ingay mula sa kanya. Naging tahimik na ulit ang buong apartment. Natigil na rin kasi ako sa pag-iyak. Pero paglingon ko sa kanyang gawi, nagulat ako dahil nasa harap ko na siya.
"Bakit ba ang hilig mo kong pangunahan, Jeff?" halos pabulong na tanong nito sa akin.
Sobrang lapit niya. At ngayon ko lang napansin na mas matangkad nga pala talaga siya sa akin ng kaunti dahil bahagya na akong nakatingala para lang makita ang kabuuan ng kanyang mukha.
"G-Geoff . . ."
"Akala mo ba ikaw lang nakakaramdam ng gano'n?"
Kumunot ang noo ko sa sinambit niyang 'yon. "A-Ano?" tanong ko.
Gulong-gulo na ang aking isipan. Anong ibig niyang sabihin? Anong gusto niyang iparating?
Natigil lang ako sa pag-iisip dahil sa pagkagulat sa sunod niyang ginawa. Bigla niyang hinawakan ang aking baba habang dahan-dahang sinasarado ang distansyang namamagitan sa amin. Pagkatapos ay nanlaki na lang ang aking mga mata nang magdampi ang mga labi namin dahil sa kagagawan niya.
"Gusto rin kita, Jeff."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top