CHAPTER 1

Chapter One

Juliana Alicante Arevalo


Masayang inilapag ni Papa ang isang turbong manok sa hapag namin.

"Wow naman, Pa!" masayang sambit ko.

Paano ba naman kasi ay isang linggong isda ang ulam namin. Paksiw na isda, pritong isda, adobong isda. Name it! Mabuti na nga lang at masarap magluto ng kahit anong isdang putahe si Papa.

"O, 'di ba? Sabi ko naman sa 'yo eh! Kakain tayo ng masarap ngayong linggo!" masaya at excited pang sabi niya.

Naalala ko nga palang akinse ngayon kaya tiyak kong kasasahod lang niya sa trabaho.

Si Papa ay nagtatrabaho sa isang kompanya bilang journalist. Maliit lang ang sahod pero tamang-tama lang naman sa 'min. Hindi naman kami gano'n kahirap pero tipid kami dahil sa mga kamag-anak naming sa 'min din umaasa.

Mayroon akong mga pinsang si Mama ang nagpapa-aral dahil hindi kaya ni Tiya Carmel ang gastusin lalo pa't may sakit na ito. Ang asawa naman nito ay matagal na silang iniwan kaya wala na silang iba pang matatakbuhan kung hindi kami.

Nasa kolehiyo na ang isang anak nitong si Kuya Xavier kaya naman gano'n na lang ang pagtulong ni Mama sa kanila. Matalino si Kuya at alam kong balang araw ay magiging ganap itong abogado.

Naaalala ko pa noon na hindi naman kami ganito kagipit. Noong grade five ako ay may sasakyan pa kami na ang tawag ko ay blue kahit na puti naman talaga ang kulay.

Minsan nga ay natatawa na lang si Papa kapag tinatawag ko itong blue dahil ang tanging kulay blue lang naman no'n ay ang family sticker naming tatlo na nakadikit sa likuran.

Nawala lang ang lahat nang matanggal si Papa sa matagal na niyang pinagtatrabahuhang kompanya dahil sa isang insidente.

Matagal din bago siya nakahanap ng mapapasukang bagong trabaho dahil sa kanyang edad na humigit kumulang na. Kaya noong mga panahong walang trabaho si Papa ay tanging ang kitang pera lang ni Mama ang inaasahan namin at ng mga kamag-anak namin.

Si Tiya Carmel ay nag-a-undergo pa ng chemotherapy dahil sa sakit nitong ovarian cancer kaya halos naibenta na namin ang lahat ng napag-ipunang gamit at mga ari-arian. Ang tanging naiwan na lang sa 'min ngayon ay ang bahay na ito.

Hinila na ni Papa ang isang upuanng katabi ng akin bago umupo. Ibinigay niya sa 'kin ang mga kubyertos.

"Si Mama po?"

Napawi ang ngiti sa mga labi niya dahil sa tanong ko.

"Ah, eh anak, alam mo naman ang Mama mo 'di ba? Nasa mansyon," pagpapaliwanag niya.

"Pa, 'di po ba, ngayon ang uwi niya?" Kinuha ko ang kanin sa tapat ko at pagkatapos kumuha roon ay ipinasa ko naman ito kay Papa.

"Mukhang aalis yata sina Joaquin, anak, kaya hindi na muna siguro siya makakauwi."

Kumuha na si Papa ng kanin at pagkatapos ay ibinigay naman sa 'kin ang turbong manok. Hindi na ako nagtanong pa dahil alam kong hindi talaga makakauwi si Mama ngayon. Ano pa nga bang ini-expect ko? Noong nakaraang linggo din naman ay hindi siya nakauwi.

Kahit na simula bata pa lang ako ay laging si Papa na lang ang kasama ko, hindi pa rin ako sanay nang wala si Mama.

Sa isang taon kasi ay halos dalawang beses lang akong nakabibisita sa kanya sa mansyon kapag wala ang mga amo niya. Siya naman ay madalang lang din kung umuwi dito sa bahay dahil sa kanyang trabaho.

Isang mayordoma si Mama sa isang mansyon. Ang mansyong pag-aari ng mga Delaney. May anim na oras ang byahe papunta ng Manila simula rito sa amin pero kapag inabutan ka ng traffic ay aabutin ka nang walong oras o higit pa.

Dalaga pa lang si Mama ay nagtatrabaho na siya sa mga Delaney. Hindi pa sila nagiging magkasintahan ni Papa ay doon na talaga siya nagtatrabaho.

Sinimulan na naming kumain. Nagkwento ako kay Papa tungkol sa school at siya naman ay nagkwento rin tungkol sa kanyang trabaho.

"Pero, Pa! Paano naman 'yong mga taong malilinis ang hangarin sa pamamahayag? Kagaya n'yo?" tanong ko.

Nagiging issue na naman kasi ang mga journalist at mamamahayag na may kinikilingan at bayaran sa lugar namin. Laganap naman talaga 'yon lalo pa at malapit na ang eleksyon.

"Hangga't mayroong mga bayaran sa media ay hindi na rin siguro maaalis ang imahe naming masama sa mga tao."

Bakas sa boses ni Papa ang lungkot. Agad kong hinawakan ang kamay niya at marahan iyong pinisil. Ngumiti ako sa kanya bago magpatuloy.

"Basta, Pa, naniniwala akong malinis ang hangarin n'yo. 'Tsaka ang galing n'yo kaya 'no! Thomas Arevalo. The best journalist in Buenavista!"

May pagkumpas pa ako sa ere na parang ini-imagine ang pangalan ng tatay ko sa malalaking tarpaulin na nakapaskil sa mga commercial na lugar. Natawa na lang siya dahil sa itinuran ko. Ginulo pa niya ang buhok ko tanda ng paglalambing.

"Salamat, anak. Basta ikaw, palagi mong tatandaang kahit ano pa man ang sitwasyon, palagi mong piliin ang tama kahit na mahirap. Kahit na hindi 'yon pabor sa gusto mo. Piliin mo dahil 'yon―"

"Ang tama at nararapat!" sabay naming sabi.

Ganito palagi ang scenario namin ni Papa. Kaya memorize ko na ang mga pangaral niya sa 'kin.

Natawa na lang kaming dalawa. Nang matapos na kaming kumain ay siya na rin ang nagboluntaryong maghugas ng mga pinagkainan naming dalawa. Wala naman akong nagawa kung hindi ang pumanhik na lang sa kwarto ko.

My comfort zone... Ang maliit at apat na sulok ng kwartong 'to na alam ang lahat ng nararamdaman ko.

Padapa akong humiga sa kama matapos tingnan ang orasang nakasabit sa puting dingding. Gustong tumulo ng mga luha ko. Miss na miss ko na si Mama. Bakit ba kasi kailangan niyang magtrabaho sa malayo? Oo nga at limitado lang ang mga trabaho rito sa Buenavista pero paano naman kami?

Napa-igtad ako sa kama dahil sa tunog ng aking telepono. Mabilis kong inabot 'yon sa aking bed side table.

"Hello, Ma?!" excited na sabi ko nang makita ang pangalan ni Mama sa aking screen.

"Juliana! Anak, sorry kung hindi ako makakauwi ngayon ha? Pupunta kasi ng Hawaii ang mag-anak ngayon. Heto nga at isinama pa ako papunta sa airport!" Magkahalong lungkot at tuwa ang nasa boses ni Mama.

"Okay lang po, Ma. Kumusta po kayo?" tanong ko sa kanya.

Naririnig ko pa ang boses ng babaeng nagsasalita nang tuwid na ingles sa kabilang linya. Siguro ay si Jasmine 'yon.

"Manang, did you bring my MacBook?" tanong naman ng isang lalaki.

Masungit ang boses na 'yon and I know exactly who it is.

"Yes yes!" hindi magkandaugaga niyang sagot.

Panandalian siyang nawala. Siguro ay hinanap at ibinigay ang gusto ng aburido't masungit na lalaki sa kabilang linya.

Wala ba itong sariling kamay at mata para maghanap?! Naparolyo ang mga mata ko sa kawalan. Nawala lang ang inis ko nang magsalita na ulit si Mama.

"Mabuti naman, Julia. O siya, sige na ha! Tatawag na lang ako kapag nakauwi na kami. Mag-ingat kayo. Pakisabi sa Papa mong mamaya ay tatawag ulit ako. I love you!" nagmamadaling sabi niya.

"I love you too, Ma," paalam ko bago pinatay ang tawag.

And that's just it.

Siguro nga ay kailangan ko na lang mag-focus sa pag-aaral ko. Malapit na ang graduation kaya kailangan kong mag-doble kayod para maging Valedictorian at para sa mga magulang ko.

Napatingin ako sa isang litratong nakalagay sa gilid ng salamin ng aking kwarto.

It was taken when I was just seven years old with that kid...

"Juliana! Come!" mabilis at excited na sabi ni Tita Sofia habang hinahalungkat ang mga gamit sa isang malaking box. Puro pagkain at mga laruan ang laman ng box na 'yon.

"This one is for you!" Inabot nito sa 'kin ng isang kulay puting paper bag.

I hurriedly opened it. It was an iPad and a bunch of cute dresses.

"Thank you po, Tita," nahihiyang sabi ko.

Maya-maya pa ay pumasok ang anak nitong si Jacob sa sala. Cute na cute siya sa suot na checkered polo shirt at denim pants.

Ang sabi ni Mama sa 'kin ay siya ang panganay na anak ni Tita Sofia at apat na taon ang agwat ng edad nito sa 'kin.

Ito ang unang pagkakataong sinama ako ni Mama sa mansyon ng mga Delaney. Si Papa kasi ay nasa ibang lugar para sa kanyang trabaho kaya walang maiiwan sa bahay para bantayan ako.

"Mom, when are we going to go home?" malungkot na sabi niya habang yakap-yakap ang ina.

Naiwan kasi sa States ang Daddy niya at ang bunso't nag-iisang kapatid niya.

"Soon, my dear. But for now, you can play with Juliana. She's Manang Celia's daughter. She can be your sister for a while." Kumalas siya sa pagkakayakap sa ina at tinitigan ako simula ulo hanggang paa.

"No," masungit niyang sabi.

"Jacob! Be nice, okay? You sit beside her. I will take a picture of you together and send it to Jasmine. I'm sure she'll be happy."

Tamad siyang kumilos para sundin ang ina. Umupo siya sa tabi ko at bahagya pa akong inakbayan.

Nakita ko ang pandidilat ng mata ni Tita Sofia para lang gawin niya 'yon at makuhaan kami ng litratong mukha kaming close.

"I don't want to play with you," patuloy niyang bulong sa akin habang inaayos ni Tita Sofia ang camera.

"Okay, ready! One, two..." ani Tita.

"Ayoko rin naman!" balik kong bulong sa kanya.

Kaya ang kuha namin sa litratong nasa harapan ko ngayon ay isang nakabusangot na lalaki habang ako naman ay may pekeng ngiti.

Natatawa na lang ako tuwing naiisip ko ang pangyayaring 'yon. Ilang beses ko pa lang siyang nakita noong mga bata pa kami pero palagi naman siyang ikinukwento ni Mama sa 'kin. Ni kesyo binata na raw siya ngayon at sobrang gwapo pa.

Ako naman ay palagi kong iniisip kung ano ang hitsura niya ngayon. Kung masungit pa rin siya kagaya ng dati, eh 'di ibig sabihin ay gano'n pa rin siya ngayon! At walang nakakagwapo sa lalaking masungit!

Tumayo ako sa kama at mabilis na kinuha ang litratong nakalagay sa salamin.

"Hoy! Ikaw! 'Pag nakita lang talaga kita, naku! Ako naman ang magsusungit sa 'yo! Tandaan mo 'yan!" parang baliw na sabi ko sa kanya habang kinukutusan ang maliit at suplado niyang mukha sa picture.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top