u n c n s r d 37

u n c n s r d 37

"Boop."


Ilang beses niyang hinawi ang mahabang buhok na humaharang sa mukha niya. Sa sobrang pagkainis siguro, tinali na niya ito palikod. Magulo, pero sapat na para hindi siya maasar pa. Napangiti ako roon. Tuloy lang ang usapan nila habang nakatayo. Madalas, si Herq ang nagsasalita, mukhang may sinasabi. Si Deus, kumukuha ng litrato nila. Minsan umaalis, tapos babalik ulit sa kumpol nilang apat sa gilid ng ferry. Si K, nakikinig lang. Ngingiti paminsan. At minsan rin, may sinasabi. Si Unica, paminsan-minsang bumubuka ang bibig.

Gusto kong malaman kung anong pinag-uusapan nila pero nag-presenta akong magbantay ng gamit namin dito sa Ferry habang natutulog sila Pja, Bob, Jax at Amari ilang upuan malapit sa kinauupuan ko.

"You remind me of someone."

Napalingon ako sa gilid. Gising na si Pja, nakatingin sa akin, nagtatali ng makulay niyang buhok. Sa pagtali niyang 'yon, mas nakikita ang mga piercings niya sa tainga - mas marami pa kaysa kay Unica - at may butas pang mala-tunnel.

Sa laki ng butas ng tunnel ni Pja, nagkatitigan kami ng isang bata mula sa butas ng tainga na 'yon. Mukhang gulat na gulat siya.

"Ako?"

"Oo. Yung tinginang ganyan, like a love sick puppy-pamilyar na pamilyar."

Tinuro ko ang sarili ko, iniiwasan kong tumitig sa hikaw niya sa ilong. "Ako?"

"Careful." Natapos siya sa pagtali ng buhok saka lumipat ng upuan para mas tumapat sa akin. Tumango siya sa may likuran. Nilingon ko. Sila Unica. "Baka may malusaw."

Napangiti ako. "Wala namang malulusaw."

"Okay." Pinagkrus ni Pja ang binti saka pumalumbaba, nakadantay ang siko niya sa hita. "You do you."

Nakangiti lang si Pja. Nakatingin sa akin. Alam kong intimidating siya - dahil na rin sa panlabas na anyo - pero ngayon lang ako mas nakaramdam ng takot. Para akong kakainin nang buhay. Lalo na sa mga tingin niya. Sa ngiti. May gustong malaman o gustong sabihin.

"Uy!"

Napatingin ako sa pagtapik ni Deus sa balikat ko. Nakatingin siya kay Pja, naupo sa tabi ko.

"Hinay lang 'Ja, may iba na itong tropa natin."

Mas lalong lumawak ang ngiti ni Pja at sumandal sa upuan. Naupo naman sa kabilang tabi ko si K. Si Herq, katabi si Deus sa kabila.

Saan si Unica?

Hinanap ng mga mata ko si Unica. Nasa may gilid siya, nakatingin sa labas. Pinapanood siguro ang dagat na isang oras na rin naming tinatawid.

May sinimulan silang pag-usapan kaya nagpaalam na muna akong aalis. Pagkatayo, tinanguan ako ni Deus. "Hindi mawawala 'yan."

Ngumiti lang ako saka nagpatuloy palapit kay Unica na nag-iisa. Nang mapansin ko ang mga kamay niya, binaon ko ang sa akin sa pantalon. Para tantanan na nito ang pangangating hawakan ang kanya.

"Lalim ng iniisip, ah?"

Walang lingon siyang nagsalita. "Panira nga ng moment 'yong isa d'yan, eh."

Tumawa ako at tumingin sa karagatan. Humahampas ang ferry na sinasakyan namin sa bawat alon. "Baka bigla kang tumalon."

"Tapos kakainin ako ng pating?" Nanlalaki ang mata niyang tiningnan ako. Hindi ko mapigilan ang sariling matawa. Ang cute, eh. "Nevermind. Goods na ako dito-teka, ba't ka tumatawa."

"Wala lang."

"Alam mo, feeling ko hindi nakakabuti 'tong alis natin sa 'yo. Habang patagal nang patagal, pa-weird ka nang pa-weird."

Tumawa ako. "Oh?"

Tumango siya nang nakasimangot, para bang nag-aalala sa akin.

"Ayos lang." Binalik ko ang tingin sa karagatan kahit ang hirap hindi tingnan ang mata niya. "Masaya naman."

"Lagi mo na lang sinasabi yan."

Ngumiti ako. "'Yon ang totoo, eh."

"Ang tanong. . ." Nilingon din niya ang karagatan. Pinatong ang dalawang kamay sa railing, halos nakatiwangwang. Kinuyom ko ang mga kamay kong nakabaon sa bulsa. "Hanggang kailan?"

Tiningnan ko siya ulit. Pinagmasdan kung paano siya pumikit nang mas matagal pa sa isang kurap. Kung paanong gumalaw ang manipis niyang kamay at kumuyom. Ginalaw-galaw ang mga daliri. Gusto kong hawakan ang daliri niya. Ang kamay. Mahigpit. Nang tinanggal ko ang pagkabaon ng kamay ko sa bulsa ng pantalon ko, gumalaw ang kamay niya. Binaon ang kamay sa sariling bulsa.

Pinatong ko ang braso ko sa railing at yumuko.

Nakng. Nababaliw na ata ako.

Gustong-gusto ko siyang hawakan.

Kahit nakayuko, nilingon ko siya. Nililipad ng hangin ang ilang strands ng buhok niya. Nang hahawiin na niya, ako na mismo ang gumawa nito. Dahan-dahan kong hinawi ang mga takas na hibla, palikod sa tainga niya.

Hindi ko namalayang hinaplos ng hinlalaki ko ang tuktok ng tainga niyang may mga hikaw bago ko binawi ang sariling kamay at pinatong muli sa railing ang braso.

Nagkatitigan muna kami bago ako ngumiti.

Pero 'di siya ngumiti.

Bumuntonghininga ako.

Umiikot ang kalamnan ko. Alam kong hindi dahil sa sea sick. Pero may kung anong nakakasuka na hindi ko malaman.

"May nakapagsabi na ba sa 'yong ang laki mong misteryo?" tanong ko, nakatitig sa karagatan. Nararamdaman ang ilang wisik ng tubig mula sa ibaba. "Kahit may mga alam na ako. . ." Nilingon ko siya. "Ang hirap mo pa rin kilalanin."

Ngumisi siya. "Pang madaling araw atang usapan 'yan," sabi niya. Inangat niya ang tingin, tinakpan pa nang kaunti ang mata dahil sa sikat ng araw. "Tanghaling tapat pa lang."

Tumawa ako. "Oo nga naman."

Nagulat ako nang maramdaman ang palad ni Unica sa pisngi ko. Dahan-dahan. "Lagi mong sinasabing hindi mo ako kilala," natatawa niyang sabi. Walang kahit na anong pang-aasar sa mukha, sa tono ng boses o kahit sa paghawak niya sa pisngi ko. "Natanong mo na ba kung kilala kita? Kung hindi ka rin isang misteryo sa akin?"

Natulala ako nang tapikin niya ang pisngi ko. Narinig ko pa nga ata ang boses ni Deus na sumigaw ng, "uy, tama na moment!" pero hindi ko na rin sigurado. Sinundan ko lang ang paglakad ni Unica palayo sa akin, palapit sa pwesto namin at naupo sa tabi ni Pja. Sinuntok niya si Deus. Tumawa lang sila.

Napahawak ako sa pisngi kong tinapik niya.

Misteryo rin ako para sa kanya?

Gusto rin ba niya akong makilala pa nang lubos?

Minabuti kong manatili sa gilid para pagmasdan ang karagatan nang tawagin ako ni Deus. Ako naman, lumapit. Pinaupo ako ni Deus sa gitna nila ni Herq. Sa gilid ni Herq si K. Si Bob, katabi si Pja. Sa gilid ni Pja, si Unica. Tulog pa rin sa gilid sila Jax at Amari, nakapatong ang ulo ni Jax sa balikat ni Amari.

"'Tol, ayaw maniwala nitong mga 'tong may maiwan kang chicks sa Manila, eh," sabi ni Deus.

"Ha?" pagtataka ko.

"'Yong Aris."

"Sinong Aris?" Napatingin ako kay Deus, tapos kay Unica nang ilang segundo hanggang sa natauhan ako at napa, "Ah! Si Mari Solei?"

'Yong crush kong mas bata sa akin. Noong unang kita ko sa kanya sa simbahan habang nagse-serve ako, napadasal ako sa Panginoon at humingi ng tawad dahil imbis na magsimba ay nakatuon lang ang pansin ko kay Mari Solei. Sa sobrang amo ng mukha niya, pakiramdam ko nakakita ako ng totoong anghel. Na kung gaano kaanghel ang mukha niya ay gan'on din ang ugali. Na kung tutuusin, hindi deserve ang pagmamaltrato sa kanya ng Tita niya. Na kung kaya ko lang, itatago ko siya sa mga masasama. . . 'yong Mari Solei na 'yon.

"Oo, yon. 'Di ba sinisigaw mo pa pangalan n'on dati habang lasing ka. Buti hindi nanrindi sa 'yo si 'Nics noon," sabi ulit ni Deus.

Nagtawanan ang lahat. Kahit si Unica, tumatawa.

"Hindi ko maalala," nangingiti kong sabi.

Sa totoo lang, ngayon ko na lang din siya naalala.

Nagsalita si Herq, pero hindi sa amin. Bigla lang talaga siyang nagsalita. "Hindi talaga natin naaalala  ang nakaraan kapag hindi na kasing importante ng nasa kasalukuyan." Na tinawanan ni Deus. Kahit si K, halos matawa. Si Pja naman, umikot lang ang mata at umiling, nakanagiti.

"Hindi ko siya girlfriend."

"Told you," sabi ni Unica kay Deus. "Unrequited love."

"Teka lang, ba't niyo ba pinag-uusapan 'yan?"

"Wala, pareee," sabi ni Bob sa akin. "Kwentuhan lang para hindi boring 'tooooong byaaahe."

"Kwentuhan mo kami tungkol sa love of your life mo," sabi ni Deus.

May gusto bang gawin 'tong si Deus? Napatingin ulit ako kay Unica na nakatingin lang sa akin, mukhang naghihintay. Halos lahat sila, nakatingin lang din sa akin.

"Anong. .. anong gusto niyo sa akin?"

"Ako, wala," sabi ni Deus. "Ewan ko lang dito kay Nic-kingina." Napayuko si Deus, mukhang may masakit. Napatingin naman ako kay Unica na inusenteng nakatingin lang sa amin.

"Hindi ako super interested sa lovelife mo but okay," sabi ni Pja na kumuha ng atensyon ko. "Kwentuhan mo kami. Better than Jax's snores."

Nagtawanan.

"Anong iku-kwento ko?"

"Pareeee, 'yong Mari Solei. Kwentuhan mo kamiiii," sabi ni Bob. Bakit ba parang mas gusto kong sobrang high na lang siya at tulog kaysa sa ganitong high siya't gising at bored?

"Uh. . ." Dati, gustong-gusto kong nagkukwento tungkol kay Mari Solei. Kung paano niya pinapaliwanag ang madilim na mundo sa mga ngiti niya. Kung gaano ka-cheesy ang mga naiisip ko sa tuwing nag-i-imagine akong kami na. Girlfriend ko na siya. At ako lang ngingitian niya. Pero ngayon, anong ikukwento ko?"Ano. . ."

Nawala ata.

"Saan kayo nagkakilala? Nagkita? First kiss? First sex."

"Uy!" Siniko ko si Deus. "Walang gan'on."

"Namumula ka," banggit ni K.

Napakamot ako ng noo. "Walang gan'on, seryoso."

Nagtawanan si Deus at Herq. "Hanggang anong base lang?"

"Ang babastos nito," natatawang sabi ni Pja. "Seriously tho, walang pangmamanyak na naganap?"

"Wala talaga!"

"Aw, grabe 'tong tropa natin." Inakbayan ako ni Deus. "Praise the Lord."

"Praaaiiissseeee thheee Loooorrdd!!" sigaw ni Bob, nakataas pa ang dalawang kamay.

Nagtawanan ulit.

Sa sobrang lakas ng mga boses at tawanan, napansin ko ang tingin ng ibang pasahero ng ferry sa amin. Napakamot ako ng noo para takpan ang mukha ko. Nakng, kahiya sa iba.

Akala ko maiiba na ang topic namin pero mukhang bored talaga ang mga taong 'to. Namimilit sila kung bakit hindi pa ako naka-first base man lang kay Mari Solei.

Gusto ko tuloy biglang humingi ng tawad kay Aris. Minsan na nga lang mapag-usapan, ganito pang klaseng pag-uusap ang nangyayari.

Sensya na, Mari.

"Nagustuhan mo siya dahil maganda?"

"Baka naman sexy."

"Kayo talagang mga lalaki, puro physical na anyo hanap," sabi ni Pja. "Sa boobs ba 'yan?"

"Isa ka pa," natatawang sabi ni K.

"Mabait siya," sabi ko dahilan para tawanan ako. "Seryoso ngang mabait siya!"

"'Tol naman." Diniinan ni Deus ang hawak sa balikat ko. "Lahat ng tao mabait. Ano pang nagustuhan mo?"

"Ayoko, nakng. Matutulog na lang ak-" Patayo pa lang ako nang hatakin ako ni Deus paupo. Hindi nila ako tinantanan ni Herq nang kumakawala ako. "Ako talaga trip niyo ngayon, ano?"

"Tulog si Jax, eh."

"May moment pa sila ni 'Ri."

Tawanan ulit. Paano, nakayakap na si Jax sa braso ni Amari habang nakasandal. Bigla ko tuloy hiniling na sana nandoon na lang ako sa pwestong 'yon. Tulog. Walang kaalalam-alam. Hindi napipilitang sumagot sa mga tanong.

Natigil kaming lahat nang may marinig kami. Parang missile. Pagka-landing ng missile, lahat kami napatakip sa ilong. Nakng, ang lakas ng amoy.

"Sino 'yon!" sigaw ni Pja. "God, itae niyo na 'yan please. Bob?!"

"Dumighaaaaay laaaang ako," sabi ni Bob, defensive.

"Nice." Nakipag-apir si Deus kay Bob. "Dumighay pwet mo. Ayos."

"Ilang taon na bang nakaimbak 'yan," natatawang sabi ni Unica, pinapaypay ang hangin.

"Ang mga matagal talagang tinitimpi, pasabog pag nilabas."

Pumalakpak si Pja. "Talaga namang may quote pa sa pag-utot."

Nagtawanan kami roon, kahit si K na tahimik sa gilid. Kulit nga dahil pati siya, halos masuka sa amoy. Pinagsisisipa naman ni Pja si Bob nang umisa pa ito ng pasabog. Hindi pa kami nakakahinahon, nagsalita agad si Unica.

"Gusto mo siya 'di ba?"

"'Yong utot ni Bob?"

Nagtawanan pa sila Deus at Herq pero natigil din dahil seryoso lang si Unica. Kinabahan ako sa biglang tanong niya. Lahat kami napatingin sa kanya. Habang siya, nakatingin lang sa akin.

"Ako?" tanong ko.

Tumango siya. "Si Mari Solei."

Nawala ang ngiti ko at tawa ni Deus sa tuloy lang na pagtatanong ni Unica.

"Ah. . ."

Napalinis ako ng salamin sa mata. Bakit ganyan ang tanong niya? Kanina lang, ang tahimik niya, ah.

"Ganyan ka ba talaga?"

Mabilis na sumipol si Bob.

Umangat ang tingin ko at napapikit dahil sa liwanag mula sa likuran niya dahil sa sinag ng araw at dahil sa malabong mata ko. Hindi pa nakaka-adjust.

"Ganyan?"

"Kahit gusto mo 'yong tao, wala kang move." Nagkagat ng kuko si Unica. "Ang tagal mo na siyang gusto, pero ano? Friendzone mo sarili mo?"

Napalunok ako. Sinuot ang salamin sa mata.

"Sabi mo nga, 'di ba? May iba siya."

Sumimangot si Unica. "So what? Hindi mo pwedeng paglaban 'yong feelings mo sa kanya?"

"May pag-asa ba ako?"

"Mas worth it ka."

Mas lalo akong kinabahan. Sumandal siya sa upuan, tapos na sa pagkagat ng kuko. Lumipat sa iba. Napangisi ako at umiling.

"Iba naman ang worth it sa kung ako ba ang gusto."

"Ikaw, laban d'on," sabi ni Unica. Mukhang nagtataka na sila Deus sa pinag-uusapan namin. Kilala siguro nila si Vane pero hindi ata nila alam ang buong kwento kumpara kay Unica na mukhang maraming alam talaga. "Kaibigan ko 'yon pero mas ayos siguro kung ikaw na lang."

"Bakit 'Nics?" biglang singit ni Deus. "Bakit mas ayos itong mabait nating tropa kaysa d'on sa isa pa?"

Hindi ko sigurado kung nakikisakay ba sa amin si Deus o may alam talaga siya. Pati ako naguluhan na rin.

Nagkibit-balikat si Unica at tumayo. Dala ang back pack, lumapit siya kanila Amari at ginising 'yong dalawa. Nagulat pa si Jax nang itulak siya ni Amari palayo kaya nalaglag siya sa upuan. Doon ko lang napansing hindi na umaandar ang ferry na sinasakyan namin at nagsisitayuan at ayusan na ang mga tao sa paligid.

Lipata Ferry Terminal.

Nasa Mindanao na kami.

Bago pa kami makasakay lahat sa FX na naging dahilan ng ilang araw naming delay sa "scheduled" roadtrip na sa tingin ko ay wala naman na talagang schedule, tumunog ang phone ni Unica. Natigil ako sa pagpasok para hintayin siya pero napansin kong natigilan siya. Nakatitig sa screen.

"Ayos ka lang?"

Inangat niya ang tingin sa akin, mukhang natauhan. Tinago niya ang phone.

"Oo. Tara."

Sa driver's seat siya pumasok. Mukhang walang nakapansin sa pagiging uneasy niya. Kahit nagda-drive na at naghahanap ng makakainan, may kung ano sa mga mata niya - kita ko sa rear-view mirror. Nang magkatinginan nga kami, iniwas niya agad ang tingin.

Anong nangyari? Anong mayroon sa phone niya? Text? Sino?

Nagpunta kami sa Surigao City public market at doon naghanap ng pwedeng makainan. Matapos ng ilang minuto, halos isang oras ata, na paglilibot at ilang beses na pagkalaman ng mga tiyan namin - sa isang karinderya kami kumain.

Halos nagmukhang prayer meeting sa sobrang tahimik naming lahat nang kumain kami.

Walang nagsasalita. Lahat, busy sa pagkain.

Pero may mali pa rin kay Unica. . .may malalim na iniisip. Lalo na nang tumunog ulit ang phone niya. Tiningnan niya ulit ang screen. Saka tinago.

Mas lalo siyang mukhang namroblema.

"Pinaka malala talagang pag-alis ko n'ong sa Baler," umiiling na patuloy na kwento ni Deus.

Tapos na kami sa pagkain kaya natapos na rin ang taimtim naming 'prayer meeting' na sinasabi ni Bob. Hinihintay na lang namin sila Amari, Pja, K, at Jax na nag-CR. Gustong-gusto manigarilyo ng mga kasama ko - Unica, Deus, Bob at Herq - kaso nasa Mindanao na kami.

Bawal manigarilyo.

Kaya ayon, yagit na yagit ang mga 'to kaya dinadaan na lang sa matinding kwentuhan.

"Ang sagabal ng mga kasama ko. Halos hindi ko nakuha mga shots na kailangan ko."

"'Yan kasi, di mo kami sinama d'on," sabi ni Unica.

May problema talaga siya pero pinipilit niyang ipakitang hindi. Ano ba talagang mayroon? Wala bang nakakapansin? Itatanong ko ba? O hahayaan ko na lang ba?

Gusto ba niyang hayaan ko lang?

Ano, Unica?

"Eh, busy ka n'on. Di ba nasa. . ." Natigil si Deus at tumingin sa akin kaya nagtaka ako.

"Alam na niya," sabi ni Unica.

Nagkaroon sila ng tinginan. Nagkaintindihan. May ganito rin ba kami? O siguro, wala. Dahil naguguluhan pa rin talaga ako.

"O? Pare!" Tinapik ni Deus ang balikat ko. "Condolence!"

"Condolence?" pagtataka ko. "Bakit?"

"Ayos lang 'yan."

"Mas maganda ngang nakalimuta-aahhhh!" Nilingon ni Deus si Unica. "Bakit?!"

"Pinagsasasabi mo?"

"Akala ko ba-"

"Gago," sabi ni Unica. Nagkakaintindihan sila? Nilingon ko sila Herq at Bob. Mukhang wala namang pakialam masyado sa usapan. "'Yong kay 'My."

"Ah, oohhh." Tumango-tango si Deus. "Hindi pa niya alam 'yong kay Dante?"

"Shit. Gusto ko magyosi," bulong ni Unica. "Para pasuin na rin kita."

"Bawal mag-yosi!"

Tumatawa si Deus nang umalis muna si Unica, pumasok sa karinderya. Mukhang sinalubong sila Amari. Nang magkatinginan kami ni Deus, at may ibang pinag-uusapan sila Herq at Bob, nagsalita na ako.

"Hindi niya sinasabi sa akin. . ."

"Yong tungkol kay Dante?"

"Oo," sabi ko. "Kung anong mayroon sa kanila ngayon."

"Sigurado kang hindi mo alam? First love. . . art influence. . ."

"'Yon ang alam ko lang."

Tumango-tango si Deus at tinapik ako sa balikat. Ilang beses. "Mas maganda sigurong hindi mo na nga lang din alam."

"Let's go, guys!" sigaw ni Amari pagkadating niya sa pwesto namin, nakasunod pa ang ibang kasama na tahimik lang pwera kay Jax.

"'Ba 'yan, kakakain lang nakakarindi na agad boses."

Nag-away at sabatan na naman ang dalawa hanggang makasakay kami sa FX. Si Unica dapat ang magda-drive kaso nang maupo siya sa driver's seat, tumunog ulit ang phone niya. Hindi lang isang beses. Marami. Halos manrindi na si Amari, pinipilit si Unica na sagutin ang tawag.

"Fuck," bulong niya bago sinagot ang tawag.

Naghintay kaming lahat dahil siya nga ang magda-drive. Mukhang hindi naman nag-uusap si Unica at ang tao sa kabilang linya dahil tahimik lang siya. Pagtingin ko sa kanya sa rear-view mirror, halos tulala siya.

Pagkatapos ng maikling tawag, ini-start na niya ang kotse. Pero bago pa niya ayusin ang kambyo at iikot ang manibela - bigla niyang tinawag si Deus.

"Sorry, ikaw muna mag-drive."

Nag sorry siya.

Siguradong may mali.

Nagtataka si Deus nang magpalit sila ng pwesto ni Unica. Sa shotgun seat si Unica, si Deus sa driver's seat. Nakatingin lang ako kay Unica habang nagbabyahe. Hindi siya gaanong kumikilos habang nakatingin lang sa harapan, sa kalsada.

Ano bang mayroon?

"Forever idol ko si Marina Abramovic," sabi ni Pja habang nagkukwentuhan sila tungkol sa mga artist na hindi ko kilala o wala akong ideya kung sino ang sino. Pinapakinggan ko lang ang sinasabi nila.

"Di ba she's the one sa fb na nakikipagtitigan sa mga tao then dumating 'yong long lost love niya? 'Yong matanda na?"

"Ah, 'yon ba 'yong halos umiyak dahil 20 years nang 'di nagkikita? Gusto ko 'yon, ramdam mo 'yong pagmamahal," sabi ni Jax. Himala na rin dahil matino ang dalawa kahit magkatabi sa likod.

"Powerful talaga mga performance art n'on since bata pa siya-"

Nagtaas ako ng kamay. "Sensya na, ano 'yong performance art?"

Tumingin ako kay Unica. Kahit tungkol na sa art ang pinag-uusapan, hindi pa rin siya nakikisali. Hindi rin naman siya tulog. Ano ba talagang mayroon? Agh.

Nilingon ko si Pja na nag-explain. "Basic definition - artwork na pine-perform sa harap ng audience. Mostly, ng artist."

"Parang sayaw?"

"Oo, gan'on but not Marina. Si Marina, may malalim na depth-"

"Are you saying na walang malalim na depth ang dancing?"

"Chill, Amaaariii," sabi ni Bob. "Mag duts ka munaaa."

Nagtawanan sila sa likuran.

"Ganito."

Napangiti ako nang umupo pa nang maayos si Pja para mag-explain. Minsan lang siya magsalita pero siguro kung tungkol sa arts - ganito siya ka-passionate. Alam kong ganito rin si Unica pero. . .napabuntonghininga ako.

"Dati. . ."

"Gaano kadati?" tanong ni Jax.

"Basta."

"'Di nga, gaano kadati?"

Bumuntonghininga si Pja. "30 years? 20? Basta, nagkaroon ng performance si Marina, Rhythm 0, na nakatayo lang siya, hindi gagalaw for 6 hours at lahat ng mangyayari sa katawan niya sa 6 hours na 'yon, walang mananagot. Si Marina lang ang responsable sa mga 'yon. Sa table-"

"Wait, saang table is this?"

"Malapit kay Marina. Tapos, may 72 objects doon sa table. May ilang pang pleasure, may ilang pang destruction. Cards, bulaklak, balahibo, perfumes papunta sa razors, kutsilyo, gun and a bullet. Hinayaan niya 'yong mga tao gamitin 'yong mga items kung paano gustong gamitin ng mga tao sa kanya. Kahit anong gawin, hindi reliable 'yong mga tao sa mangyayari sa kanya."

"Hispter," sabi ni Jax.

"Noong una raw, peaceful pa. Mga photographers lang ang lumalapit. Hanggang sa ginagamit na nila 'yong mga gamit. Kinikiliti siya. Pinapabanguhan.Pinaupo, iniba ang posisyon. Hanggang sa may isang ginupit 'yong damit niya, tapos naging mabilis ang transition from peaceful to violence. Hinubaran siya. Tinusok ng mga tinik ng rosas sa tiyan. Sinulatan sa noo, sa balat, nilaro 'yong ari niya. Hiniwa ng razor sa pisngi. Halos duguan at hubo't hubad na siya n'on."

"Oh, God. Wala man lang nagbalik ng damit niya?"

"May isa pang kinuha 'yong bala ng baril, kinasa 'yong baril at pinahawak kay Marina 'yong baril, tipong isang kalabit lang, diretso sa puso niya. Pinigilan lang."

"She could've died."

"Yes, she could," sabi ni Pja. "And no one's reliable dahil it's her performance art."

"Paano naging performance art 'yon kung halos patayin na siya?" tanong ko. Naguguluhan ako. Na-imagine ko pa lang na ginagawa sa babae 'yong ganong klaseng pambabastos at halos patayin - bakit? Paano? "Hindi ba dapat maganda ang mga art?"

"Art is subjective; pwedeng maganda, makapag-feel ng kung ano - but what she did was too powerful to ignore. She made people do things. Mukhang ipinalabas din niya sa mga tao 'yong pilit tinatago. After 6 hours, gumalaw siya. Walked among the public. Hindi makatingin sa kanya 'yong mga tao - lalo na 'yong mga halos sumira sa kanya."

"I don't know kung ma-a-amaze ba ako or malulungkot."

"Kung hahayaan lang talaga ang mga tao gawin ang kahit ano. . ."

Hindi na kailangan tapusin ni Herq ang sasabihin niya - kung quotable-quote man 'yon - dahil alam na namin lahat ang ibig niyang sabihin. Gusto kong isiping hindi 'yon totoo pero nakakaramdam pa rin ako ng pagkadismaya.

"I get it when people get violent, 'di ba. Kasi galit sila, the adrenaline and the likes," sabi ni Amari. "But this? May galit ba sila sa artist to make her suffer like that?"

"Told you, her art was too powerful to ignore," sabi ni Pja. "Pinapalabas nito 'yong humanity."

"Or lack thereof," dagdag ni Amari.

Gusto ko na lang tumango nang tumango sa mga sinasabi nila.

"Nabasa ko pa sa iba 'yong dalawang magkasalungat na comment tungkol sa performance. Yong isa, sinabing kaya naging aggressive ang mga tao dahil chinallenge ni Marina ang mga tao via her art gawin ang violence sa kanya. Gustong malaman kung hanggang saan siya magbe-break. Ang isa naman, sinabing pinapaalam ni Marina via performance kung gagalawin ba talaga ng mga tao 'yong items sa table? In what way? Bababuyin ba ng mga tao ang katawan ng isang taong mahina at hindi lumalaban dahil binigyan sila ng kakayahan para gawin 'yon?"

"Anong tama?" tanong ko.

"Walang tama."

"Lahat mali?"

"Wala ring mali."

Napakunot ang noo ko.

Nangiti si K at umiling, saka tumingin muli sa labas ng bintana sa side niya.

"Eh, anong. . ."

"I told you, Art is subjective," sabi ni Pja. "Nasa sa 'yo na kung paano mo i-interpret ang isang bagay."

"Parang buhay," singit ni Herq sa usapan. "Nasa sa atin na kung paano natin titingnan ang pag-ikot ng mundo."

Buong byahe kami nag-usap tungkol kay Marina at sa partner nito noong si Ulay habang nasa byahe. May iba rin kaming napag-usapan - halos hindi ko na masyadong maalala sa dami ng pangalan ng artist na sinabi nila, lalo na ni Pja, pero halos lahat ay namamangha ako. Gusto kong matuwa dahil doon lang naging sobrang daldal si Pja - ngunit mag-alala rin dahil tahimik lang si Unica. Lagpas limang oras din 'yon na tinulugan na lang din niya.

Napagdesisyunang sa Davao City muna magpalipas ng gabi bago pumunta sa Kidapawan para simulan ang pag-akyat sa Mt. Apo. Sandali ko ring nalimutan kung saan kami patungo - at kung ano ang pinaka huli naming gagawin. Naalala ko lang nang sinabi nga nilang kinabukasan kami aakyat ng Mt. Apo.

Naglaro kami ng killer-killer na tinatawag namin sa Bulacan - dahil sa akin. Tinuro ko sa kanila ang mechanics at naging proud ako sandali sa sarili ko dahil may alam akong hindi nila alam talaga.

Kumuha ako ng isang papel at pinunit sa kung ilan kami. Ako. Unica. Deus. Herq. Amari. Pja. K. Jax. Bob. Siyam na punit.

"Sa bawat piraso ng maliit na papel, magsusulat ng mga roles. May isang killer. Judge. Pulis. Nurse. At mga citizen. Minsan may priest din, minsan dalawa rin ang killer. Depende sa dami ng kasali."

Ako ang nagsulat dahil lahat sila tamad magsulat. Dalawang killer. Judge. Pulis. Nurse. Priest. Tatlong citizen.

In-explain ko rin sa kanila kung anong mga ginagawa ng roles.

"Nakapabilog tayo, di ba?" sabi ko, tinuro ang pabilog naming pwesto sa pagkakaupo na tinatawag ni Amari na circle of friends. "Titingin tayo sa mata ng isa't isa, pwedeng magsalita pero mas focus sa paghahanap kung sinong killer. Para makapatay, kailangan kumindat ng killer. Kapag citizen ang role ng kinindatan, magsasabi tayo ng I'm dead. Ang nurse at priest, pwedeng tapikin ang citizen na namatay para mabuhay."

"May resurrection power 'yong nurse at pari?"

Nagtawanan ang lahat - kahit ako natawa dahil sa tanong ni Herq. Hindi ko lang inaasahang sa kanya manggagaling 'yong tanong. . . pero sige, Master pa rin siya. Hindi lang sa larong 'to.

"Medyo. 'Yon ang role nila."

Nagtaas ng kamay si Amari. "Then they can't be killed? Like immortals sila?"

"Hindi rin. Kaya magandang strategy sa killer na patayin ang nurse at pari para wala nang resurrection. Magsasabi rin sila ng I'm dead kapag kininditan sila ng killer."

Sabay-sabay silang nag, oh. Ang kulit, eh. Si Unica. . .mukhang nakikinig naman siya pero. . .napabuntonghininga ako.

"Ang role ng pulis at judge ang hanapin ang killer. Kapag kilala na nila 'yong killer o kaya kinindatan sila o nakita nilang kumindat sa iba, ang sasabihin nila ay you're under arrest in the name of the law. Matatalo 'yong killers."

"Eh, paano mananalo 'yong killer?"

"Kapag napatay niya - o ng dalawang killer - lahat pwera pulis at judge."

"Teka." Nagtaas din ng kamay si Deus. Gusto kong matawa dahil para silang mga batang hindi mukhang bata. "Paano kung kilala ko 'yong pulis at judge kahit hindi ko kinikindatan. Pwede ko ba sila iwasan?"

"Kung naramdaman mo ba naman, pwedeng-pwede iwasan."

"Paano 'yon, dalawang killer. Pwede ba sila magpatayan?"

"Hindi. Pwede silang magtulungan."

"Paano kung. . .ano, paree. . . nahuli 'yong anooo. . . isa. Talo na ba killer?" tanong ni Bob.

"Matatalo lang kapag nawala na 'yong dalawang killer."

Pagkatapos ng brief discussion, nakapwesto na kami. Pinabunot ko isa-isa, counter clockwise, simula sa katabi kong si K. Si Pja. Herq. Deus. Unica. Amari. Jax. Bob. Nasa akin ang huling papel. Killer.

"Bawal sabihin kung anong role, di ba?"

"My god, Jax. Common sense."

"My god Amari," paggaya ni Jax kay Amari. "Common conyo."

Nagtawanan kami at naging seryoso rin agad. Napalingon kami kay K nang magsabi ito ng I'm dead. Nagsisimula na ang isang killer.

"Ayos. Game is on!" sabi ni Deus.

Nakita kong tinapik ni Pja si K kaya nabuhay ulit si K. Kailangan kong kindatan si Pja. Kailangan ko ring malaman kung sino ang isa pang killer. At sino . . . sino sa kanila ang pulis at judge? Lumibot ang mga tingin namin sa isa't isa. Sinong kikindatan ko?

Nang magtama ang paningin namin ni Amari, kinindatan ko siya.

Mukhang nagulat siya sandali pero ngumiti lang sa akin. Kinabahan ako. Pulis ba siya? Judge? Pero bakit wala siyang sinasabi? Sumubok ulit akong kumindat. "Oh, wait, wait. Are you killing me?"

Napayuko ako at napahawak sa noo sa pagka-fail. Tawa nang tawa ang lahat.

"Ulit nga! Panira naman 'tong si 'Ri, eh."

"Sorry! Hindi ko sadya!"

Nag-ulit-ulit kami. Nagkaroon din ng consequence. Inuman. Kapag nanalo ang killers, iinom lahat ng Gigaquit Rhum. Kapag naman natalo ang killers, silang dalawa ang iinom.

Sa sumunod na round, ako ulit ang isang killer. Namatay at muling nabuhay si Deus dahil kay Herq kaya kinindatan ko na si Herq. Na binuhay naman ni Pja. Nasaan na ang isang killer?

Nang magkatitigan kami ni Unica, kumindat siya sa akin. Sobrang bilis lang pero napansin ko pa rin. Nakatingin lang ako sa kanya, pinapaalam gamit ang mga mata ko na ako ang isa pang killer. Pero kindat lang siya nang kindat.

Hanggang sa nagulat kami nang sumigaw si Amari ng, "You're under arrest in the name of the law! I win!"

"Teka! Ang daya!" sigaw ni Unica, tinuro ako. "Kanina ko pa 'to kinikindatan, ayaw mamatay-matay, eh!"

Napayuko ulit ako at napahawak sa noo.

"Ako 'yong isang killer," nasabi ko na lang saka bumuntonghininga.

Tama bang ito ang nilalaro namin? Sana pala nag-inuman na lang kami.

Napainom tuloy kami pinagmamalaki ng Mindanao na Gigaquit Rhum. Tig-isa kami ng shot ni Unica. Mainit! Hindi tulad ng init ng Lambanog pero gumuguhit pa rin nang kaunti! Pinaghandaan din kami ng may-ari ng tinutuluyan namin ng chaser nila para rito; sabaw ng nilagang manok. Weird pero nag-wo-work.

Sa sumunod na round, judge ang naging role ko. Gusto ko sanang simpleng citizen na lang sana ako para walang problema. Nagkaroon ng usapan at tanungan. Nagsabihan na lumabas na ang mga killer nang makainom na.

Nang magkatinginan kami ulit ni Amari, nakangiti siyang kumindat sa akin. Agad akong nagsalita ng, "You're under arrest in the name of the law." Pero nagulat siya at napasabi ng, "Wait! Pulis ako, oh!" Pinakita niya sa amin ang papel. "See?"

"Ba't mo kinikindatan si Chino?"

"I just want to wink at him!"

Napayuko na lang ulit ako at napahawak sa noo, nagkamot.

"Alam mo, Amari." Tumagay si Unica ng isang shot. "Inumin mo na lang 'to. Feeling ko mas matino kang kalaro kapag lasing kaysa sober, eh."

"Hindi ko naman sadya," bulong ni Amari bago inumin ang isang shot.

"Hindi sadyang kindat?" natatawang sabi ni Deus. "Mayroon bang gan'on?"

Nagtawanan ulit ang lahat. Nagulat na lang ako nang ilapag ni Unica ang papel niya at tumayo. "Maliligo ako," sagot niya nang tanungin kung saan siya pupunta. Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa makaalis. Ilang minuto, narinig kong nagbukas ng shower. Maliligo nga.

Ang isang round ay napunta sa tatlo. . .apat. . .lima hanggang sa halos lahat kami ay mga lutang na. Nagtatawanan at nagkikindatan kahit hindi talaga killer. Halos isang oras na ang nakalipas nang mapansin kong hindi pa rin bumabalik si Unica sa amin kaya hinanap ko siya.

Nakabukas pa rin ang shower nang makarating ako sa harap ng pintuan nito. Nilapit ko ang tainga at nakinig. Rumaragasa lang ang tubig. Hindi ko sigurado kung humihina ba ang pandinig kapag may tama pero walang kahit anong kilos akong narinig.

Kumatok ako.

Wala pa ring kilos.

Sinubukan kong buksan ang pinto, wala pa rin.

"Unica?"

Siya pa rin ba nasa CR?

"Uh-ni-ca. . ."

"O?"

Siya nga.

"Anong ginagawa mo d'yan?"

"Nagpapamasahe."

Kumunot ang noo ko. "Huh? Talaga?"

"Putek," sabi ng boses sa loob ng CR. "Bakit ba? Anong kailangan mo?"

"Ang tagal mo d'yan."

"Pinagdadasalan ko pa tae ko, ba't ba?"

Sumimangot ako at sumandal sa pinto. Mukhang nagulat pa siya dahil napalakas ang pagkakasandal ko kaya ang lakas ng tunog. Nakakaramdam ako ng hilo kaya naupo na lang din ako.

"Sinong nag-text?"

"Andyan ka pa rin?!"

"Kanina, may nakita ka sa phone mo tapos natahimik ka. Bakit?"

Tumawa sa loob ng CR si Unica. "Chismoso."

Hindi ako nagsalita. Pumikit lang ako at nagkamot ng noo. Nahihilo talaga ako at nag-iinit ang buong pagkatao. Gusto kong matulog pero paano matutulog kung nasa loob pa rin ng CR si Unica? Pinatong ko ang braso ko sa magkabilang tuhod. Pinatong ang ulo roon.

"Nag-text sa akin si Ate Nena."

Napaangat ako ng ulo. "'Yong bri-ish?"

Tumawa si Unica. "Yeah."

"Anong sabi?"

Imbis na sumagot, nawalan ako ng balanse nang buksan ni Unica ang pintuan ng CR. Napapikit ako sa takot sa kung anong pwedeng makita.

"Ba't nakapikit ka?"

"Baka hindi ka pa nakabihis."

Napaaray naman ako nang pinilit ni Unica buksan ang talukap ng mata ko.

"Kaasar," natatawang sabi ni Unica na nagpatigil sa akin. Minulat ko ang mga mata ko, nakadamit siya. Buti naman. Nakatingala ako sa kanya habang nakayuko siya nang magkatinginan kami. Nakagkatitigan. Tumutulo ang ilang tubig mula sa basa niyang buhok. "Sarap mong sapakin."

Pinalo niya 'yong mata ko at bago pa siya makalayo, hinawakan ko ang kamay niya. Tumigil siya sa paglalakad, nilingon ako at kumunot ang noo.

"Sino 'yong nag-text?"

Bumuntonghininga siya at naupo sa tabi ko. Umusog kami hanggang sa parehas na kaming nakaupo at nakasandal sa pader sa tabi ng pintuan ng CR.

"Amoy alak ka."

Tumango-tango ako at napatigil. Nahihilo ako. Umaalog ata 'yong buong utak ko.

"Ang bango naman ng buhok mo?" Mas lumapit ako sa kanya, sa buhok niyang basa. "Ang bango, ah."

"Pinaliguan ko ng pabango, nahiya naman ako sa pag singhot mo, eh." Kumuha siya ng ilang hibla ng basa niyang buhok at tinusok ang loob ng ilong ko. "Ayan, pati split ends ko, singhutin mo na rin."

Natatawa na ako dahil nakikiliti ako na ewan. Nang kinamot ko ang ilong ko, natigilan ako nang hawakan ni Unica ang ulo ko. Halos iyuko na niya, mahinang tinama ang ulo ko sa tuhod niya saka inamoy. . .rin. . . niya?

"Maligo ka nga!" sabi ni Unica, natatawa.

Bago pa niya ilayo ang ulo ko sa kanya, natigilan kami sa nagsalita.

"Uyy, nakanaman kaya pala nawala 'yong dalawa. Nagsinghutan na. Nakaka-high ba?"

Umangat ang tingin namin sa boses ni Jax. Kasama niya si Bob at K. Malawak ang ngiti ni Bob habang si K, nakatingin lang sa amin.

"Lakas maka-unggoooyyy," nangingiting sabi ni Bob. "U-U-Ahh-Ahh-oh. Teka, ungol na ata 'yon."

"Kulang na lang magkutuhan kayo d'yan," natatawang sabi ni Jax.

Nag-apir sila ni Bob.

Ngumiti lang ako. "Tingin nga." Hinawakan ko ang ulo ni Unica at kumuha ng kung ano saka nagkunwaring kinain. "Wow, crunchy. Mukhang alagang-alaga, ah."

Tumatawang pinalo ako ni Unica sa braso. "Gago 'to," sabi niya. "Ba't mo kinakain mga alaga ko."

Tumawa sila, kahit si K na tahimik. Dumiretso si K sa CR at tinulak si Jax nang papasok din dapat. Nagreklamo si Jax, kung anu-ano ang sinasabi pagkasara ng pintuan. Hindi ko napapansin ang iba.

Ang napapansin ko lang ay kung gaano kami kalapit ni Unica. Kung paano dumausdos ang ulo niya at sinandal sa balikat ko. Hinayaan ko, inayos ko pa ang pagkakasandal niya para parehas na kumportable sa aming dalawa.

Nakarinig ako ng ehem pero hinayaan ko lang. Si Jax ata. O si Bob. O baka ako. Lumabas si K, pumasok si Jax sa CR. Nasa gilid lang kami at nakaupo. Nang tumingin sa amin si K, kinatok niya si Jax sa CR. "Sa labas kami."

"Uy, teka iiwan niyo ako!"

Tinapik ni K si Bob at walang lingon-lingong naglakad palayo sa amin. Palabas ng tinutuluyan naming bahay. Nakaupo pa rin kami ni Unica, walang kumikilos pwera sa kanang kamay kong kinuha ang kaliwang kamay niya.

Napangisi ako.

Ang galing ng tattoo artist na 'to.

Parehas na parehas kami ng tattoo, eh.

Sinimulan kong pindutin ng dalawang hinlalaki ko ang palad niya. Maliliit. Para pa akong baliw dahil natatawa ako sa bawat pindot. Nagsa-sound effects din ako ng boop. Pindot. Boop.

At napalingon nang may marinig na hindi kaaya-aya.

"Nakng, Jax, ang lakas!"

Mas lumakas ang ingay sa loob ng banyo. Narinig ko ring hinihingal siya. Mukhang hirap na hirap.

"Hindi pa rin kayo umaalis d'yan? Aalingasaw 'to pagbukas ko!"

Walang sumagot. Walang gustong umalis.

Pindot ulit sa palad niya. Boop.

Natatawa si Unica, siniksik pa ang tuktok ng ulo sa leeg ko. "Anong kagaguhan 'yan?"

Pinindot ko ulit ang palad niya. Boop. Saka ko unti-unting diniin, hinimas saka minasahe. Maibsan man lang ang stress na nararamdaman niya.

"Nandito siya. . ." bulong niya, hindi ko sigurado kung para sa akin o para ba sa sarili. "Sa Davao."

Alam kong matatapos ang lahat nito pero bakit pakiramdam ko. . . ang bilis?

Sino? Ang gusto kong itanong. Itatanong ko ba? Sinong nandito sa Davao? Kukuhanin na ba siya? Aagawin sa akin? Sa amin?

Sa dami ng tanong ko sa isip, iba ang naiboses ko.

"Crush mo ba talaga ako?"

Napaupo nang maayos si Unica. Muntik na niyang bawiin ang kamay pero hinawakan ko lang ito nang maigi. Nakataas ang kilay niya, hindi ata makapaniwala sa tanong ko.

"Tangina?"

Ngumiti lang ako nang malawak. Hinawakan ko ang batok niya at nilapit siya sa akin. May mga gusto akong sabihin pero hindi ako nakapagsalita. Ang nagawa ko lang ay halikan siya.

Sa noo.

Dahan-dahan. Padiin. Matagal. Hinihintay dumaloy ang buong sensasyon sa buong katawan ko.

Isinandal ko ulit ang ulo niya sa balikat ko.

Pinindot ang palad niya. Boop.

"'Ina," narinig kong bulong niya. "Gago 'to."

Nakarinig muli kami ng ingay mula sa loob ng banyo. Kay Jax. Hindi pa rin kaaya-aya ang tunog at ang imaheng maaaring naglalaro sa imahinasyon kaya natawa ako.

"Ayos lang ba?"

"Ano?"

Pinindot ko ulit ang palad ni Unica. Boop.

"Kung crush din kita."

Pinindot niya ang palad ko. Walang boop o kahit anong tunog o sound effects na magpapa-cute sana ng pagpindot. Kaya ako na lang ang nag-sound effects.

"Boop."

"Lasing ka na talaga."

Dahan-dahan akong tumango, sinandal ang ulo sa pader at pumikit. Minamasahe pa rin ang maliit at malambot niyang kamay.Hinayaang malaglag ang salamin ko sa mata saka ngumiti. Malawak na ngiti.



; x ;

Let's have a mini debate:

Gusto mo bang friends lang sila? Mag-inline comment dito ng dahilan kung bakit gusto mo mag-stay lang sila as friends at no feelings involved! (para lokohin ang mga sarili haha jk.)

Gusto mo bang may legit romantic relationship sila? Inline comment ang dahilan bakit gusto mong i-push ang dapat i-push! (kahit malabo naman ang ipu-push haha jk)

Kung sinong pinaka may sense na partido. . .eh di, congrats!

Happy 2nd UNniversary sa atin!! (unniversary coined by dianecharish naks witty) Sinong mag-aakala na magtatagal pala tayo? Isipin mo na lang, ito 'yong relasyon na akala mo panandalian lang pero pang matagalan pala. Ganern. (ang excuse ko sa kabagalan kong mag-update.) Thank you for always being there and for loving them more each update. ♥ ♥ ♥

Napunta tayo sa #1 adventure for some time kaya congrats sa atin!

Unedited. Sabog update. Hindi na binasa ulit. (very professional, rayne. . .) Ngarag ako sa pagsusulat dahil ang tagal kong nawala sa uncensored. Amsorreh di nakapag-update last month. Got caught up with lots of things. Huhu.

Malapit na sila sa destinasyon!! Makakarating kaya sila? Dundundunnn. Blue point ay ang body of water sa gitna ng San Ricardo Port (Visayas) at Lipata Ferry Terminal (Mindanao) kung nasaan ang Ferry na sinakyan nila. Violet point, kung makikita niyo, ay Davao City! Malapit na sa Mt. Apo, oh. Ayun, oh!

Sa lahat ng mga nakasama at naka-mata sa mata ko sa last #MIBF2017. From signing to CR hallways. Thank yoouuuu! Kitakits ulit!

Ito nga pala ang ilan sa nag-twitter name at icon gaming. Ang bebenta po mga ategirl. Marami pang mabenta kaso hindi ko na malagay lahat dahil ang hirap hanapin. Nakita ko lang ang mga 'to ngayon mismo nang madalian sa hashtag ng #uncnsrd hihi

Pa-witty-han ng icon at twitter name!! haha.

Special mention dito na nabigyan pa ng malalim na meaning 'yong icon at twitter name niya. . .kyot.

Thanks din kay Napkin sa 7/11 dahil araw-araw niyang pinapaalalang malapit na mag anniversary ang uncnsrd kaya hindi nawawala sa isip kong magsusulat ako ng update~ yay. (aka pressure na pressure si ategirl aka ako hahahuhu)

8 chapters to go nga pala!

Tambay lang tayo sa #uncnsrd sa twitter for reactions. Thank you sa mga mabenta niyong tweets. Hihi. Ankyotie niyo.

NicNo, yeah?

~ Rayne

@ulaaaann sa twitter. Pilosopotasya ang fb page. screenshots.ni.rayne sa instagram. Stuff by Ulan sa self-pubs, books at merch.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top