u n c n s r d 36

* load all photos (and gif) included in this update to experience it fully. paalala ko lang po that uncensored is not romance - this is an adventure story. :D

u n c n s r d 36

"Pakiramdam ko walang karapatan ang mga mata ko makita ang kagandahang ito."


Binukas-sara ko ang kamay ko. Napatitig kahit madilim. Kahit hindi ko nakikita – ramdam ko. Kulang. Ang kamay niya sa akin. Ang daliri niya sa akin. Nakng, kailangan ko na matulog. Inipit ko ang kamay ko sa ilalim ng unan, dinaganan. Pumikit nang mariin.

Isa. Dalawa. Tatlo – nagbibilang dapat ng tupa – apat. Limang daliri, nakasalikop sa akin.

Napabuntonghininga ako.

Maayos ang hinihigaan ko. Malambot na rin kahit papaano. Mas maayos na matutulugan kaysa nakaupo sa kotse. Alam kong pagod ako dahil buong araw kaming bumyahe mula Allen port hanggang sa tinutuluyan namin sa Catbalogan. Paano, nasira na naman ang FX at kinailangan namin itulak papunta sa pinaka malapit na talyer. Medyo problemado ang lahat nang naging anghel ang asawa ng may-ari ng talyer at in-offer sa amin ang bahay nila para mamahinga kapalit ng bayad. Pawisan ako kanina. Halos mag-knock out na.

Ngayong gusto ko na matulog, madilim, tahimik – Iniisip ko siya.

Siya?

May kung anong dumaloy na kuryente sa palad ko at napapikit nang mariin saka bumangon. Rinig na rinig ang duet na hilik ni Deus at Bob. Ah, nakakainggit. Gusto ko na ring matulog nang mahimbing. Napapikit ako, tinakpan ng kamay ang mukha. May kung anong kuryente na naman. Nakng, nakakaewan na.

Napakamot ako sa dibdib – wala pa ring tumutubong balahibo. Kahit sa tiyan.

Dahil madaling araw naman na, hindi na ako nag-abala pa para mag-suot ng pantalon. Boxers at shirt lang akong bumaba ng pantry. Self-service sa pagkain. Kung hindi man ako makatulog, busog man lang ako. Pagkababa, binuksan ko ang ilaw at halos atakihin sa puso.

"B-Bakit ka andyan?!"

Si K.

"Kain." Tinaas niya ang tinapay na hawak. Napatitig lang ako sa pagsawsaw niya nito sa iniinom niyang milo – base sa sachet na nasa may lamesa.

"Kumakain ka nang madilim?" tanong ko. "Di mo man lang binuksan ilaw?"

"Baka may magising."

"Sino?" pagtataka ko.

Hindi na kailangan magsalita ni K para sumagot.

"Ano ba—hmm. . .ingay. natutulog...hmm."

Sinilip ko ang lapag sa may side ni K at napakunot noo nang makitang nakahiga si Jax. Sa lapag. Naka-boxers lang siya at walang pantaas. Mukhang fetus ang posisyon.

"Anong ginagawa n'ya d'yan?" tanong ko kay K.

Nagkibit-balikat lang si K at napangisi sabay subo sa tinapay na kakasawsaw lang sa milo.

Hindi ko napansin na wala sa kwarto si Jax. Bakit natutulog 'yan dito? Nagtataka pa rin ako habang nagtitimpla ng milo. Naupo ako sa tapat ni K, kumuha ng pandesal na kinakain din niya saka sumawsaw.

Ah, pwede na. Sarap.

Tahimik lang kami. Sa totoo lang, wala akong intensyon makipag-usap ngayong madaling araw dahil gusto ko talaga mapag-isa para makapag-isip. At kumain na rin. Kaso paano ako makakapag-isip kung may natutulog na Jax sa lapag ng pantry at nahihiya ata ako sa mga tingin nitong si K.

Akala ko rin may kung anong sasabihin siya sa akin. O di kaya magkakaroon kami ng 'talk'. Inaasahan ko lang? dahil sa mga tingin niya nung mga nakaraang oras? Kaso wala. Natapos na niya ang baso ng iniinom at pandesal. Hinugasan niya ang mug niya saka aakmang aalis na.

Ganoon siya katahimik.

"Teka."

Nilingon niya ako.

"Ah, paano si Jax?"

Ngumisi siya. "Hayaan mo lang. Magigising din 'yan."

Nagpaalam na siya. Narinig pag-akyat niya ng hagdan.

Ako naman, napatitig kay Jax na mahimbing na natutulog sa lapag. Nakng, sana ako na lang siya't natutulog na. Nakakainggit. Bakit ba hindi ako makatu—napakuyom ako ng kamay. Nakatulala akong nagsasawsaw ng pandesal sa milo nang halos mabuga ko ang kinakain sa biglang may umupo sa tabi ko.

"Unica!"

Napakunot-noo niya. "Nakakita lang ng multo?"

"Ah." Napapikit ako sandali. Ilang beses kong binukas-sara ang palad ko sa kuryente. "Sorry. Nabigla ako."

Tinaasan niya ako ng kilay na para bang nawi-weird-uhan. Kinuha niya ang pandesal na kinagatan ko at nagsawsaw sa mug ko tsaka kumain. "Anong ginagawa mo rito?" tanong niya habang may pagkain pa ang bibig. Napatitig ako sandali sa kamay niya pero inangat ko rin agad sa mata niya.

Napangisi ako.

"Kumakain. Ikaw?"

"Kinakain yung kinakain mo," sabi niya saka sumawsaw ulit at sinubo na ang natitira pang pandesal na hawak. Ganyan ba talaga kanipis ang daliri niya?

Natawa ako. "Mukha nga, eh."

Napatingin kami ni Unica sa lapag, kay Jax, nang para bang sinampal ang sarili saka nagkamot sa pisngi. Nagkamot din siya sa braso tsaka nagbalik sa pagtulog.

"Ganyan ba talaga si Jax?"

"Natutulog kung saan-saan?" tanong niya. Tumango ako. "Medyo. Parehas sila ni Deus – pero mas malala 'yang si Jax. Baliw 'yan, eh."

"Di mo i-e-expect, no?"

"Ang alin?" tanong niya. "Na baliw siya?"

"Na makakasama siya sa inyo."

"Bakit naman?" tanong niya.

Kumuha ako ng pandesal at nagsawsaw. Nang kakagatin ko na, bigla niyang tinulak ang mukha ko at siya ang kumagat sa hawak kong pandesal. Nakagat pa niya yung daliri ko nang madiin. Nagsawsaw na lang ulit ako saka isinubo na sa kanya nang buo ang hawak na tinapay.

Natatawa na ako sa itsura niya. Natatawa rin siya.

"Eh, ito nga – si Jax – hindi siya 'yung tipo niyo?"

"Tipo namin na alin?"

Siya naman ang kumuha ng pandesal at nagsawsaw sa mug ko. Akala ko kakainin niya 'yon pero bigla na lang niyang sinubo nang buong-buo sa bibig ko, halos maubo ako. Tawa siya nang tawa dahil muntik pang matapon yung milo sa kumosyon na nangyari.

Nagpapapalo na naman ulit si Jax sa lapag. Nagkamot naman siya sa binti niya pero hindi namin siya gaanong pinansin.

"Baliw talaga 'to, oh," sabi ko kay Unica. "Huwag makulit."

Ngumiti siya nang malawak. "Tipo nga namin na alin?"

Nag-isip pa muna ako sa tamang salita pero ang tanging naiisip ko lang ay adik pero hindi naman tamang 'yun ang sabihin. Kaya napunta ako sa, "Kakaiba."

"Tipo kami ng kakaiba?" pagtataka niya. "Tapos ano si Jax, cliché?"

Tumawa ako. "Rich kid."

Napapikit si Unica at umiling-iling. "Grabe yung generalization d'on, ah."

"Si ano rin naman, di ba? 'Yong kaibigan niya. . ."

"Si Vane?"

Tumango ako.

"Allergic lang sa pangalan?" nang-aasar niyang tanong. "So kung ano si Vane, ganun din dapat si Jax dahil magkaibigan sila?"

May mali na ata sa sinabi ko.

"Bakit ikaw?" tanong niya. "Bakit ka kasama rito? Sa tingin mo ba, ka-tipo mo kami? Kakaiba ka rin ba?"

Yun na nga, eh. "Hindi."

Tumango-tango siya. "O, tapos. . . big deal ba 'yon?"

"Normal lang ako."

Tumango-tango lang ulit siya. "Okay. . ."

"Ang weirdo lang."

"Bakit?"

"Wala."

"May ganyan ka ba talagang thinking?"

Bigla akong kinabahan. May mali na nga talaga sa sinabi ko.

"Thinking na alin?"

Kinuha niya ang mug ng milo ko at pandesal. Kumurot siya ng kaunti sa pandesal at nagsawsaw. Inilapit niya 'yon sa bibig ko. Ngumanga na ako para kainin kaso bigla niyang kinain mismo 'yong pandesal. Bigla akong nahiya.

Ganitong ka-madaling araw, anlakas ng trip ng babaeng 'to.

"Gusto mo ba?" natatawa niyang sabi. Nagsawsaw siya ulit at nilapit na naman niya bibig ko 'yong isang parte. Hindi na ako ngumanga. Pinipilit na niya sa bibig ko na halos tumulo na sa akin 'yong milo. Nang kakainin ko na, bigla na naman niyang kinain!

"Nakng."

Tumawa siya.

"Promise, ito na talaga."

Last part ng tinapay. Sinawsaw niya. Unti-unti niyang nilapit sa akin, napatitig ako sa daliri niya. Hindi ako ngumanganga kaya hinihintay lang niya ako. Nakikipagtitigan sa akin. Magkatapat na. Nang ngumanga na ako at aakmain niyang kakain na naman, lumapit na ako sa kanya at nauna kong kinain 'yong tinapay – pinigilan ang kamay niya makalayo pa sa akin.

Bigla siyang napaatras dahil sa bigla kong paglapit kaya muntik siyang mahulog sa monoblock na inuupuan pero nahawakan ko siya para ibalanse. Hindi ko pinakawalan ang kanang kamay niya – at para hindi na rin mangulit, hinawakan ko na rin ang kaliwang kamay niya.

Pinagsalikop ko ang mga kamay namin saka inipit ito nang mabuti para hindi na siya mangulit pa.

"Game."

Mukhang nabigla siya dahil nanlaki pa ang mata niya, nakataas ang kilay. Nagtataka. "H-Ha? Anong game?"

"Thinking na alin?"

Nagkatitigan ulit.

"T-Thinking?"

Mas diniinan ko pa ang pagsalikop ng mga kamay namin. Nakakadiri lang dahil sa lagkit ng milo at crumbs ng pandesal pero ayos lang. Ayos lang. Kamay naman niya.

"Sabi mo, may ganito akong klaseng thinking. Anong thinking?"

"Ah!" Pinipilit niyang tanggalin ang pagkakahawak ko sa kamay niya. "Bitaw muna bago ko sabihin."

"Sabihin mo na lang para matapos na."

"Wow. Ang manly naman n'on. Blue moon ba—"

"Unica."

"What?"

"Ano?"

Bumuntonghininga siya. Akala ko kakagatin niya kamay ko para bumitaw na ako pero hindi niya ginawa. Mula sa parang pagmamatigas ng kamay niya sa hawak ko, naging malumanay. Hinayaan na niya.

"Hindi kita jina-judge, pero base lang sa sinabi mo – na masyado mong kinukulong ang isang tao sa isang box."

"Expound."

Napairap siya sa pagngisi ko.

"Tulad ni Vane. Kaya ka naiinis sa kanya kasi gago siya? Well, totoo naman. Pero behind that shitty self niya, mayroong pusong mamon 'yon sa mga bata?"

"Mahilig siya sa bata? Bakit, ilan na ba anak n'on?"

Akala ko kakalas na siya sa hawak ko pero natawa ako nang kaltukan niya ako nang magkahawak kamay namin.

"Okay, ibang example. Kilala mo naman si Sinteya, di ba?"

Napangiti ako. "Sino bang hindi?"

"Hala?!"

"Bakit?"

"Hindi ko sasabihin, pinapantasya mo si Sinteya sa tuwing nagja-jackstone, ano?!"

Napapisil ako sa kamay niya habang tawa siya nang tawa. Gusto kong takpan ang bibig niya pero ayaw kong kumalas sa hawak. Naisip ko lang para takpan ang bibig niya ay yakapin siya at itama ang bibig niya sa dibdib ko. Pero. . .nakng—anong klaseng pag-iisip 'to?!

"Paano kung sinabi ko sa 'yong oo?"

Selos ka?

Nagkibit balikat siya. "Hindi na nakakagulat." 

"Bakit mo sineryoso?" sabi ko, natatawa.

Napairap siya na para bang hindi naniniwala sa akin. "Ayon nga, si Sin. Mayroon siyang intimidating aura. Mayroong bitchy aura, di ba? Parang hirap niyang ma-reach?"

"Hmm."

"Sa likod n'on, normal lang din siyang naghahanap ng pagmamahal. Tulad ng lahat."

"Tulad mo?"

"Ha?"

"Tulad mo."

"Tulad ko?"

"Sabi mo naghahanap ng pagmamahal. Tulad ng lahat. Tulad mo."

Tumawa siya. "Alam mo, antok ka na. Kung anu-ano nang pinagsasasabi mo."

Tumawa ako. "Baka nga." Umusog ako kaunti. "Anong mayroon sa kahon na 'yon? Kung ganito ang. . ." Nag-air quote ako. "Thinking ko."

Bumuntonghininga siya. "Parang ikaw. Alam mo, naiisip ko sa 'yo – masyado kang nakakahon sa kung anong nakasanayan mo. Lagi kang nandyan sa kung nasaan ka lang. Kaya panatag ka na sa lahat." Ngumiti siya kaya kinabahan ako. Hindi pang-asar ang ngiti niya, humina pa nga ang boses niya. "Astig nga, eh. Patag ka na. Ayos ka na sa kahon mo. Kaya di ko rin masising ganyan ka mag-isip."

Gusto kong mapangiti. May ganito rin pala siyang naiisip tungkol sa akin? Ano pa kayang naiisip niya tungkol sa akin?

"Unica. . ."

Nagbalik sa masiglang tono ang boses niya. "Ang point ko lang talaga, hindi mo kayang i-label ang isang tao dahil lang sa isang bagay. I mean, nakikita mo ba kaming pinagsisigawan na kakaiba kami? Na weird kami? Hindi naman, di ba?" Lalo siyang tumawa habang nararamdaman kong hinihimas niya ng hinlalaki ang naabot niya sa kamay ko. "Hindi namin sinasabi na 'weird kami at proud kami kaya cool na kami!' kasi para saan pa? Pare-parehas lang naman tayong tao lahat dito. Pare-parehas humihinga. Pare-parehas nakakaramdam."

Huminga ako nang malalim.

"Ano bang. . .ano bang nararamdaman mo?"

Natigilan siya.

Kahit ako, natigilan sa sinabi ko.

Bigla kong naalala noong ginupitan ko siya ng kuko. Ganitong-ganito rin ang katahimikan n'on. Pero ngayon, hindi siya makakaalis dahil hawak ko ang mga kamay niya. Pero paano kung – pinilit niyang kumalas sa hawak? Para makalayo?

Kaya ko ba?

Nakailang kurap ako bago ngumiti nang nakakaloko at parang nagulat pa siya, nagtataka na rin.

Kung saved by the bell ang karamihan, saved by Jax ang nangyari sa bumibigat na paligid namin ni Unica dahil bigla siyang tumayo. Asar na asar.

"Agh. Kinakagat ako ng mga langgam, kanina pa!"

Hindi ko alam kung sinong lumayo. O unang bumitaw. Ang nangyari na lang ay nauna si Jax na umakyat habang si Unica ay nakaupo lang sa pwesto niya habang ako, hinuhugasan ang mug na ginamit namin. Habang naghuhugas, tumabi siya sa akin at naghugas din ng kamay sa taas ng kamay ko.

Para akong nabingi.

Nakukuryente.

Napapikit ako at huminga nang malalim.

Kinuha ko ang sabon sa kamay. Imbis na ibigay sa kanya, sinabunan ko ang kamay niya – palad, likod ng palad, ang mga daliri niya, ang kuko, lahat. Kinuha niya ang sabon sa akin – akala ko magagalit siya, pero napangisi ako nang sabunan naman niya pabalik ang mga kamay ko.

Habang sinasabunan niyang mabuti ang kamay ko, kinakabahan ako.

"Ayan," sabi niya – binabasag ang katahimikan at ang lakas ng kabog ng dibdib ko. "Sobrang linis mo na, pwede ka nang mag-produce ng holy water."

Nagtawanan kami.

Binanlawan namin ang kamay ng isa't isa na parang mga bata na ewan. Bigla pa niyang ginamit ang damit ko para magpunas ng kamay. Gagawin ko nga dapat sa kanya 'yon kaso nag-akma nang manununtok kaya sa damit ko na lang din pinunas ang kamay ko.

Sabay kaming umakyat. Sabay rin kaming nag toothbrush sa CR ng 2nd floor ng tinutuluyan namin. Nagtutulakan pa kami dahil ang harot ni Unica. Halos duraan pa ako ng tooth paste. Nakakaloko! Tumapat na siya sa pintuan ng kwarto ng mga babae, katapat ay sa kwarto namin. Nakasandal lang kami parehas sa may pintuan.

"Hindi pa matatapos bukas pag-aayos sa FX, di ba?" tanong ko.

"Isang araw pa."

Tumango ako. "Anong gagawin bukas?"

"Mamamasyal siguro."

"Libre mo ako?" nakangiti kong sabi.

"Wow, ah?"

"Grabe, oh. Mayaman ka naman, ang kuripot."

Tumawa siya. "User."

"May chandelier nga kayo sa condo lobby, eh."

"Hindi maka-move on?"

Ako naman ang tumawa. "Normal na nilalang lang ako, eh. Hindi palaging nakakakita ng chandelier."

Ngiting-ngiti siya sa sinabi kong 'yon kaya napangiti na rin ako nang sobra. Saka kami natahimik ulit. Ayaw ko pang pumasok sa kwarto. Gusto ko pa rito. Pero baka matutulog na rin siya. Paano na?

"Tulog na 'ko," sabi niya saka siya tumango sa akin at nagmadaling binuksan ang pintuan saka pumasok sa loob.

'Yun na 'yon?

Nakatitig lang ako sa saradong pintuan nang biglang magbukas ulit at para bang nagulat kami ni Unica na nagkakitaan kami kahit halos isang segundo lang naman ang nagdaan.

"B-Bakit andyan ka pa?" tanong niya.

"Wala. Ikaw, anong—"

"Wala."

Natahimik ulit kami. Nakng, anong—bakit ganito bigla? Parang kanina, ayos naman kami, ah? Napansin ko ang kamay niyang kumukuyom. Nang hawiin niya ang buhok niya gamit ang kanang kamay, biglang kumilos ang kanang kamay ko at hinawakan ang kanya.

Nagtaka si Unica sa ginawa ko.

Pati ako nagtaka.

Gusto ko lang talagang hawakan kamay niya, pwede ba 'yon?

"Ah, uhm." Diniinan ko ang hawak sa kanya – at nakipag-shake hands? "Goodnight."

Pinanliitan niya ako ng mata saka biglang ngumiti. Binalik niya ang pakikipag-shake hands ko. "Goodnight."

Kahit natapos na ang batian namin, hindi pa rin kami natapos sa pag-shake hands.

At kahit matapos ang pag-shake ng mga kamay namin, magkahawak pa rin kami.

Para naglalaro kami ng kung sinong unang bumitaw, talo. Kaya walang bumibitaw sa aming dalawa. Walang gustong magpatalo. Hinimas ko ng hinlalaki ang kamay niya, gan'on din siya.

Matatapos na naman ba?

Bibitaw ulit?

Tumawa siya. "Hanggang umaga ba tayong ganito?"

"Pwede," natatawa kong sabi.

Puro na kami tawa. Nababaliw na ata kaming dalawa.

"Ano na?" sabi niya matapos ng ilang segundo naming gan'on lang.

"Anong ano na?"

Tinaasan niya ako ng kilay. Tumingin sa kamay namin, tapos sa mata ko, tapos sa kamay namin.

"Bakit?"

Napakamot siya ng noo. Akala ko hihilahin na niya kamay niya pero hindi. Magkahawak lang talaga na para bang nagshe-shake hands na walang shake. "Alam mo, iyo na nga lang kamay ko. Mukhang gustong-gusto mo, eh."

"Pwede ba?" nakangiti kong sabi.

Mukhang natigilan siya saglit pero napairap siya at napaismid. "Putulin mo na."

Tumaas bigla ang dugo ko. Biglaan, hinila ko ang kamay niya kaya napalapit siya sa akin. Nagulat ata siya sa ginawa ko pero hindi kami ganoon kalapit. Sapat lang para marinig niya ang bulong ko. Kahit ako, nagulat. Pero hinayaan ko lang ang sarili ko kumilos. Magsalita.

"Hindi ba pwedeng kasama lahat?" tanong ko. "Take hand, take all?"

Napatingin ako sa ilong niya. Labi. At inangat ang paningin sa kanyang mata. Nagkatitigan kami hanggang sa bigla siyang tumawa nang malakas. Siya ang umalis sa hawak namin saka tinulak ako sa mukha.

"Matulog ka na nga, nakahithit ka ata ng dala ni Bob, eh."

Diretso siya sa pagpasok sa loob ng kwarto nila. Naghintay ako. Isang segundo. Kalahating minuto. Naupo ako sa tapat ng pintuan, naghihintay. Baka ma-trip-an niyang lumabas ulit at baka trip niyang maglakad-lakad o kahit mag-usap lang sa kung saan.

Pero hindi na siya lumabas.

Hindi ako makatulog kanina sa sobrang weirdo ng pakiramdam ng kamay ko. Pagkabagsak ng katawan ko sa kama, nakatulog ako agad para bumilis ang oras.

Nagising ako nang maingay paligid. Hindi tiktilaok ng manok sa probinsiya. Mga boses. Hindi pa sobrang linaw ng paningin ko nang magulat ako sa pagyanig sa akin ng isang kamay.

Bigla akong napabangon. Pagod ang pakiramdam.

"Chino boy," si Deus, sa kanan. "Gusto mo bang mag kweba?"

"Ayaw mo, 'di ba?!" si Unica, sa kaliwa. "Humindi ka kundi sasapakin kita."

Hindi ako makapagsalita. Nakatingin lang ako sa lahat na nasa loob ng kwarto. Paglingon ko sa paligid, mukhang bago-bago pa lang ang araw. Sobrang aga pa. Nasa kwarto ang mga babae, may kanya-kanyang mundo kasama sila Jax. Habang sila Deus at Unica, nag-aabang ng sagot ko.

Tumayo ako at umalis, nagpunta ng CR. Nag-ayos muna ako roon, naghilamos at sipilyo. Nabigla ako nang nasa may CR si Unica at Deus, sinundan ako.

"Ano na? Di ba, ayaw mo mag kweba?"

"Masarap sumisid sa kweba!" sigaw ni Bob mula sa kwarto. Nagtawanan sila roon, pati si Deus napangisi.

"Ulol, pakyu!" sigaw ni Unica pabalik.

Napatingin naman kami sa kakaakyat lang ng batang babae, anak ng may ari ng bahay, nakatingin sa amin. Ngumiti ako sa kanya. Ngumiti lang din 'yong bata saka dumiretso sa kwarto ng mag-asawa.

"Ano bang nangyayari?" tanong ko.

"Ganito, pre, may nakausap ako - medyo x deal. Ifi-feature ko sa Salita ni Deus kapalit ng caving ng 2 days at 1 night. Langun-Gobingob caves daw, pare!"

"Ano 'yon?"

"Pinaka malaking karst formation cave lang naman sa Pinas. Pangatlo sa buong asya."

"So what? Ang dami-dami mo na ngang napupuntahang kweba," sabi ni Unica kay Deus. "Kahit nga hindi literal na kweba, pinupuntahan mo."

Tumango-tango si Deus. "Kahit na. Iba pa rin, to. Minsan lang tong x deal, 10,000 pesos kaya 'to sa normal per tao."

"10,000 lang naman pala, eh."

"Ikaw ang mayaman, Nics. Kami, hindi namin kakayanin magwaldas ng 10k sa isang araw lang."

"O kaya nga huwag na tayo pumunta sa kweba."

"X deal nga. Imbis na 10k each, 10k na whole package sa dalawang araw!"

Sumingit na ako sa usapan. "Dalawang araw sa kweba?"

"Oo pre!" Biglang ngiting-ngiti si Deus na para bang excited sa mangyayari. "Isang gabi sa loob ng kweba matutulog. Hindi ba ang ayos n'on?"

"Saan banda ang maayos don?" reklamo ni Unica. Nilingon niya ako. "Not a good idea."

"Uh, bakit. . .bakit ayaw mo?" tanong ko kay Unica.

"2 days and 1 night 'yon! Magagalit si Amari, sobrang late na tayo sa pagpunta sa Mt. Apo!"

"'Yon ang sabi niya," sabi ni Deus habang nakaturo kay Unica. "Pero ang totoo, madilim sa kweba." Tinulak ni ni Unica si Deus palayo, natatawa ako. "Hindi ka naman papatayin ng dilim d'un, Nics. Sabi ko sa 'yo may ilaw naman ako tsaka andyan si Chino, oh. Aalalayan ka n'yan."

"Bakit ako--?"

Sumimangot si Unica, tumingin siya sa akin. Mukhang nagmamakaawa. Gusto kong maawa. Sobra. Gusto niyang humindi ako. Sa totoo lang, dapat nga humindi na ako dahil kung dalawang araw pa kami sa kweba - kailan pa kami makakapuntang Davao? Nasa Samar pa lang kami.

Pero - gusto ko ring subukan.

"Game," sabi ko.

"Game!" sigaw ni Deus.

"Game?!"

Nakaawang ang bibig ni Unica na nakatingin sa akin, tila ba hindi makapaniwala sa narinig mula sa akin.

Tumango ako. "Tara."

Ang dapat na diretso namin papuntang Liloan Port, mapupunta sa halos tatlong araw na delay sa Catbalogan. Mukhang wala namang reklamo ang lahat na kahit si Amari na sinasabing gusto na niyang dumiretso noon, ay ayos lang.

9am ang calltime sa Calbayog, sa Rutchel's Native Chicken Eatery na first stop namin para makausap si Sir Joni, cave master, at asawa nitong si Rhine. Panay ang reklamo ni Unica hanggang sa makasakay na kami sa habal-habal.

Halos buhatin ko na nga siya para lang sumakay sa motor.

Hindi tumigil si Unica sa pagrereklamo dahil rinig ko mula sa likod niya. Hinayaan din niyang nakalugay ang mahabang buhok para tumama sa akin. Nakakain ko ang ilang hibla. Sinasadya niya.

"1 week lang daw," bulong niya. "Ayaw umalis. May school pa. . .tapos pumayag dito? Ano kaya 'yon."

Napailing ako, ang bata, eh. Kulit.

Dahil wala talaga siyang balak iipit ang buhok niya, nilingon ko si Amari na nasa kabilang habal-habal, sa likuran niya ay si Pja. Sumenyas ako ng pangtali sa buhok. Noong una, hindi niya na-gets hanggang sa napa 'oh' na lang siya nang ituro ko ang buhok ni Unica. Kahit medyo delikado, nag-abutan kami ng panali ng buhok bago nauna ang habal-habal nila.

Sa gitna ng pagrereklamo ni Unica, hinawakan ko ang buhok niya. Inayos ko ito para maitali ko nang mabuti para hindi na tumatama sa akin. Likod naman ng ulo niya ang tumatama sa mukha ko.

"A-nong ginagawa mo?" Nilingon niya ako, nakagilid.

Ngumiti  ako kahit mukhang hindi naman niya nakikita. Hinayaan niyang nakatali ang buhok niya. Para mang-asar, pinatong ko ang magkabilang kamay ko sa balikat ni manong driver. Mas naipit si Unica sa gitna. Nangingiti ako sa pang-aasar nang mapatingin talaga ako nang mabuti sa balikat ni manong. Kaunting usog lang ng mga kamay ko paloob, mahahawakan na ng hinlalaki ko ang magkabila niyang hinliliit.

Nang gumalaw ang kamay ko nang sobrang kaunti, binaba ni Unica ang kamay niya.

Napababa rin tuloy ako ng kamay at binalik sa likod ang hawak hanggang makababa kami ng habal-habal. Isang oras ang trekking namin na sobrang nakakapagod para makarating sa viewing deck kung saan makikita ang laki ng mala-bungangang kweba ng Gobingob.

Matapos mamahinga saglit, nag-trek pa kami ng halos kalahating kilometro para makalapit at 'yong inakala naming maliit na bunganga ng kweba - sobrang taas! Sobrang laki! At 'yong matutulis na tila ngipin, kasing haba pala ng isang 3-floor building! 

Nakatulala ako sa laki. Manghang-mangha kahit wala pa talaga kami sa loob. Sinubukan kong kumuha ng maraming litrato gamit ang isa pang camera ni Deus habang siya, nagva-vlog sa camcorder niya. Pinahiram niya sa akin dahil hindi raw ako mapakali sa sobrang tuwa.

Habang kumukuha ng litrato ng mga nagtataasan at naglalakihang bato, tinapat ko ang camera sa mga kasama ko. Kinuhanan ko si Sir Joni habang nagbi-briefing ng mga kailangan at hindi dapat gawin sa loob ng kweba,history ng Langun Gongibob at ilang paalala.

Tinatapat ko lang ang lens at pumipitik sa camera nang matigil ako kay Unica na nakatulala, halatang hindi nakikinig - o kung nakikinig man, may iba pang iniisip.

Pero ang ganda pa rin.

Kinuhanan ko siya ng litrato at nagulat nang biglang may tumapik ng balikat ko at bumulong.

"Sa dilim 'yan mamaya," bulong ni Deus, natatawa. "Nire-ready na sarili niya."

Bumuntonghininga si Herq. "Kailan pa ba tayo naging handa sa totoong mundo?"

Binato siya ni Bob ng gloves na susuotin din namin.

Habang nagsu-suot ng helmet na may flashlight, nagpapasahan ng hahawakang pailaw at nagsusuot ng gloves - nagtaas ng kamay si Unica. Lahat kami, napatingin doon.

"Paano kung namatay ako sa dilim ng kweba, mabubulok ba ako sa loob?"

Tumawa si Sir Joni bilang sagot.

"Hindi po ako nagjo-joke, seryosong inquiry 'to."

Nawala ang ngiti ni Sir Joni.

"Ano ka ba naman, Nics," sabi ni Jax at pinalo ang likod ni Unica. "Man up."

Tiningnan nang masama ni Unica si Jax. "Ikaw kaya sirain ko ang manhood, makapag-man up ka pa kaya?"

Nangiti ako ako nang kuhanan ko ng litrato si Jax at Unica. Napababa lang ako ng camera nang tumingin si Unica sa gawi ko. Pumikit siya, sobrang sandali lang, na para bang nagdasal siya sandali, na kinuhanan ko agad, saka siya naunang bumaba.

Diretso kami pababa sa maliit na entrance ng kweba. Bago pa talaga kami lamunin ng kadiliman ng kweba, pinahalik muna kami ni Sir Joni sa bato.

"Traditional," sabi niya. "Custom ng luck, reverence, at respect."

Mukhang nag alinlangan pa si Amari pero ginawa pa rin niya.

"Itong pathway, damaged from a mining operation," panimula ni Sir Joni sa pagkukwento sa nilalakaran namin sa loob. Ma-english din siya dahil na rin siguro nasanay sa foreigner na turista.  "Noong kabataan ko, sometime in the 90s, binayaran ng mga Taiwanese businessmen ang locals to harvest crystalline stalagmites para magamit sa pendants and home decorations."

Nilingon ni Deus ang paligid, magulo, para ngang may pagsabog na naganap. Hindi siya tumigil sa pag-video. "Isang kilometro mahigit ang sinira. . ." sabi niya sa video. "Para sa mga pendants at home decorations."

Madulas kaya doble ang ingat. Lumalim nang lumalim ang pagbaba. Parami nang parami ang rock formations. Painit din nang painit. Wala namang mapaglagyan ang tuwa ko dahil ito ang unang beses kong makita ang mga rock formations at iba pang minerals sa totoong buhay. Nang malapitan. Nang hindi ko pinapanood sa discovery channel.

"Wow, bata lang. First time?" sabi ni Unica. Kahit natatakot siya sa dilim, nakakaya talaga niyang pansinin ako, eh.

Kinuhanan ko muna siya ng litrato na pawisan at stressed. Pinalo niya ang kamay ko at muntik ko na mabitawan 'yong camera. Natawa ako nang muntik na ring atakihin sa puso si Deus dahil sa camera niya.

"Ingatan niyo naman 'yong gamit ko," sabi ni Deus habang vini-video-han kami ni Unica. "Okay lang maglambingan, kaunting ingat lang."

Natawa si K sa gilid. Tinaas ni Unica ang gitnang daliri niya kay Deus at K. Hinawakan ko ito para pigilan. Nagkasukatan pa ng tingin saka niya ko ibinaba ang kamay niya.

Habang naglalakad, at kinukuhanan ng litrato ang mga bato, sinagot ko ang sinabi niya kanina. "First time ko nga," sabi ko. "Makita sila nang personal."

"Hindi ka ba sumama sa field trip ng gensci?" sabi niya, hindi ako nililingon, diretso sa paglalakad at pagtingin sa paligid. "Kahit saang course, tine-take 'yon, ah? Ako ngang walang paki, tinake 'yon, eh."

"Nagkasakit si Cai noon," sabi ko, medyo hinihingal. "Ginamit 'yong dapat na pera sa field trip pampa-ospital niya."

Natigil si Unica at tiningnan akong nasa likuran niya. Wala siyang ibang sinabi. Tumingin lang siya na para bang may iniisip at bumalik sa paglalakad. Sa lahat, si Deus ang pinaka nagsasalita dahil na rin sa vlog niya.

"Nabubuo ang stalactites at stalagmites mula sa natural minerals na galing sa itaas ng kweba," sabi niya. "Ang stalactites." Inilapit niya ang camcorder niya sa nagsisilakihang rock formations mula sa taas. "Ay ang mga minerals na kinukuha ng gravity pero hindi tumutulo kaya nabubuo at nagiging rock formation. Naka-hang sa ceiling. Ang stalagmites," sabi niya nang ituro ang halos doble ng tangkad niyang bato. "Sila naman ang minerals na pumatak sa lupa galing sa taas, kaya para silang tumubo mula sa lupa."

Pinagbawalan kami ni Sir Joni na humawak sa mga nagsisilakihang rock formations kaya todo iwas kami para hindi makasira ng natural na agos ng minerals.

"Kahit isang hawak lang - magkakaroon ng deformation, masisira at mamamatay na dahil sa acid na pino-produce ng balat," sabi ni Sir Joni. "Doble ingat lalo na sa mga mapuputing bato dahil ito 'yong mga buhay na buhay."

Sobrang preserved ng mga helictites, dogtooth spurs, popcorn, at frostworks na tinatawag nila. Virginal. Ganito kaalaga ang mga tao sa kwebang ito. Sumabog pa ang utak ko nang sinabing buhay ang mga batong may tumutulong tubig mula sa kanila. Nasa proseso pa ng paglaki. At magbabago pa ang pinaka formation hangga't buhay. Kaya isang daan mula sa araw na 'to, itong mga buhay na bato - mag-iiba pa ang itsura.

Sobrang galing!

"Ilang daang taon muna ang daraan bago mabuo ang kahit isang pulgada ng mga rock formation na 'to." Tinututok ni Deus ang camcorder sa isang buong pillar. "Tapos may tsansang magkatagpo ang dalawang nag-fo-form na bato."

"They're like star-crossed lovers, di ba?" sabi ni Amari habang nakatingin sa pillar na nire-record ni Deus. "For thousands of years, pinipilit at nag-e-effort sila buuin ang sarili mula sa taas at baba gamit ang minerals. And after years of trying and waiting and molding themselves like all others stalagmite and stalactite partners. . ." 

Tinuro niya gamit ang flashlight ang pinaka manipis na parte ng pillar.

"There are some who got lucky and nagtatagpo in the middle. Who knows for the years to come, because of taking things slowly, mas tatatag 'yong bond ng pillar na 'to at mula sa dalawang rock formation, they'll be considered as one, right Chino?" ngiting-ngiting tumingin sa akin si Amari.

Nagulat ako at napaturo sa sarili. "Ako?" Bakit ako?

Pumalakpak bigla si Jax. "Ayos na sana, 'Ri, eh. Nagpaka-conyo ka lang."

"Alam mo, wala ka nang ibang masabi kundi pagka-conyo ko. Inggit ka ba? Then be a conyo."

Tumawa si Jax at inakbayan si Amari. "Ikaw naman, galit agad."

"Yuck! Pawis ka, lumayo ka nga!" Tinulak-tulak niya ni Amari si Jax. Muntik nang ma-out of balance si Jax at agad namang tumulong si K.

"Ingat. Baka masira 'yong formations."

"Mas concern ka pa sa formation kaysa kung baka mamatay ako sa disgrasya o hindi?!"

Nagkibit balikat si K.

Natawa na lang si Amari.

"Iwasan magtulakan mga bata," sabi ni Bob at pumagitna sa dalawa. Inakbayan sila Jax at Amari. "Baka magtukuan kayo d'yan."

"Yuck."

"Mandiri ka nga, Bob!"

Tumawa lang din si Bob at nauna sa paglalakad. Hindi ko napigilang kuhanan ng litrato si Jax at Amari. Ang kukulit, eh.

Matapos ng ilang oras pa atang paglalakad, bumungad sa amin ang pinaka sikat na tourist attraction na tinatawag nilang The Stage dahil para itong entamblado ng performers na parang binabalutan ng buhangin.

Ang pinaka maangas dito?

Sobrang kumikintab 'yong rock formation sa bawat tutok ng ilaw! Pakiramdam ko walang karapatan ang mga mata ko makita ang kagandahang ito.

Paglingon ko kay Unica na mukhang humahanga na rin sa kabila ng takot sa dilim, sinubukan kong kumuha ng litrato - subok, dahil pakiramdam ko, wala rin akong karapatang makita ito.

"Kung nakaabot dito ang mga businessmen sa pagmimina," sabi ni Herq habang pinagmamasdan ang pagkintab ng flowstone - pinaka kakaibang formation  sa kweba. "May makikita pa kaya tayong ganito ka-natural ang ganda na ginawa ng mundo?"

Mula mga bato, naging patag ang daan - hindi talaga patag, eh. Maputik. Sa bawat hakbang, tila dina-drag ng putik ang mga paa namin para huwag umalis.

"Football field," ang tawag nila sa nilalakaran naming medyo solidong putik. Isa sa pinaka malaking chambers sa loob ng Gobingob cave. Sa kabilang dulo kami magpapahinga at kakain. "Halos tatlong football field ang kasya sa chamber na 'to."

May sapa rin sa gilid na agad naming pinuntahan. "Pwedeng uminom," sabi ni Sir Joni.

Lahat nag-alinlangan pwera kay Jax na agad uminom. Dahil hindi siya namatay, nagsi-inuman na rin kami. Sobrang lamig ng tubig. Mapapa ah na lang talaga dahil humahagod 'yong lamig lalo na't sobrang init sa loob ng kweba.

"Ang mga isdang makikita r'yan ay tinatawag na Caecogobius Cryptophtalmus," sabi ni Sir Joni. Napangiti ako dahil na-imagine ko sa kanya si Kuya Kim sa Matanglawin. "Nag-originate ang pangalan nito mula sa total absence ng kahit anong traces ng external na mata."

"Wala silang mata?" tanong ni Pja, naghihilamos ng mukha.

"Mayroon, pero naka-lubog ito, wala sa external."

"Woah," si Bob naman. "Saan sila mga pare?"

"Andyan, lumalangoy. Ganito kaliit." Pinakita ni Sir Joni ang hinlalaki niya. "7 centimeters."

Hindi ko alam kung minuto o oras na ba ang lumipas pero pagod na ako nang marating na namin ang pinaka dulo ng football field. Doon sinet up nila Sir Joni at dalawang porters na kasama namin ang kakainan namin. Nag-ilaw rin sila ng mga kandila at nilagay sa paligid.

"Para hindi lumapit ang mga ahas."

"May ahas dito?!" tanong ni Unica. "Putek, madilim na nga, may ahas pa."

"May cave crickets din," nakangiting sabi ni Sir Joni.

Napatakip ng mukha si Unica ng dalawa niyang kamay. Takot. Stressed. Gusto kong maawa pero natutuwa ring nakikita siyang ganito.

Nahahawa na ba ako sa pagiging sadista niya? Ah, ewan.

Habang nagluluto si Ate Rhine, asawa ni Sir Joni, ng tanghalian namin - hinayaan kaming magpahinga na muna. Nakatayo lang si Unica na nakatingin sa taas at natulala.

"Fuck."

"Uy Nics," tawag ni Deus. Agad tumingin sa amin si Unica na nanlalaki ang mata, na para bang hindi siya masaya sa nakita niya sa taas. "Huwag mo namang gisingin mga paniki."

"Gising sila," sabi ni Unica. "Nakatingin sila sa atin. Nakita ko 'yong kintab ng mga mata nila. Tangina. . ." bulong niya. "Ang dami." Bigla siyang naupo sa tabi ko at napahawak sa braso ko. "Uwi na tayo."

Tumawa si Sir Joni. "Hindi kayo papansinin ng mga paniki hangga't walang gagambala sa kanila."

Napalunok si Unica. Hinimas ko ang braso niya para pakalmahin siya. Ngayon lang talaga siya naging ganito ka-stressed at katakot. Ibang lebel na mula roon sa Old Zigzag Road.

"Ang cute, eh."

"Huh?" tanong ni Unica.

Nagtaka rin ako. "Anong huh?"

"Anong ang cute, eh?"

Nasabi ko pala 'yon? Umiling ako at ngumiti. "Ikaw."

Napalingon ako nang may suminghot - na parang pinigilang tumawa. Nakatakip ang bibig ni K, tinatakpan ang ngiti. Narinig niya; bigla tuloy akong nahiya.

"Parang ganito 'yong mga sa horror movies, 'no, Amari?" sabi ni Jax nang mahiga. Binato siya ng kutsara ni Unica. "Ano?!"

Ngumiti lang si Unica. Tumawa si Amari.

Naglibot sa football field sila Deus, Bob at K kasama si Sir Joni at ang mga porters. Knock out naman si Pja habang nakahiga lang sila Jax, Amari at Herq. Si Ate Rhine, naghahanda ng pagkain.

Si Unica naman, bumuntonghininga at niyakap ang dalawang tuhod. Kinuha ko ang isang kamay niya na babawiin dapat niya pero pinilit kong hawakan. Naglaro ako ng sawsaw suka para malibang siya kahit papaano.

"Sawsaw. . .suka. . .mahuli. . . taya."

Noong una, hindi pa siya nakikipaglaro hanggang sa anakng, hinawakan niya nang mahigpit ang hintuturo ko at gusto pang baliin!

"Aray, tama na! Unica, masakit!"

"Ginusto mo 'yan, di ba?" sabi niya, pilit pa ring binabali ang daliri ko.

"Ang masaktan? Dahil sa 'yo?"

Nagkatinginan kami sa sinabi ko. Bigla namang pumalakpak at nagpunas pa ng pekeng luha sa mata si Herq. Tiningnan niya ako, umiiling pa habang nakahiga, nakangiti, na para bang sinasabi niyang proud siya sa akin.

Bigla kaming natawa ni Unica.

Nawala ang tensyon at takot kay Unica nang kumain na kami ng tanghalian sa ilalim ng dilim, ng mga paniking nagmamasid at ilalim ng lupa.

Pagkatapos ng ilang sandaling pahinga, naglakad na ulit kami. Paakyat. Ng bundok. SA LOOB NG KWEBA! Nagpapalit-palit ang pagkamangha, pagod at pag-ingat na hindi makatapak o makahawak ng hindi dapat mahawakan na rock formations.

Sobang puputi ng mga ito - siguradong preserved na preserved.

Palaki na rin talaga nang palaki ang loob ng kweba dahil hindi na naaabot ng flashlight namin ang taas ; na kahit nakarating na kami sa tuktok ng bundok na tinatahak namin, wala kaming naaaninag kundi pitch black. Medyo nakakatakot na hindi alam kung saan patungo ang kadiliman ng nasa itaas.

Pero mas nanaig ang pagkamangha.

At pagod.

Isa pa, hindi ako pala-exercise. Nagbubuhat lang paminsan ng mga gamit lalo na sa Bulacan, at ang tanging nagkakaroon lang ng ehersisyo ay ang mga kamay ko sa pagdo-dota.

Sino nga bang mag-aakalang makakarating ako sa Visayas? Sa Samar? Sa loob ng pinaka malaking kweba sa Pinas?

Mas mabilis ang pagbaba namin sa kabilang dako dahil hindi na kami iwas sa mga mapuputing bato. Inaalalayan ng lahat ang isa't isa. Tulungan kung paano at saan tatapak. Tagaktak ang pawis kaya't nagsihubaran ng pantaas ang mga lalaki.

Nakarating kami sa vertical area, border ng Langun Cave - kung saan kami lalabas kinabukasan. Natuwa ako nang malamang magra-rappel sa 40 meters pababa para makapunta sa Langun dahil first time ko.

Matapos ng napaka raming hakbang, akyat-baba at lusong sa tubig - dumating kami sa isa sa mga hindi ako makapaniwalang nakikita ko: Giant chandeliers stalactites, na sa sobrang lalaki - halos tumutusok na ang ilan sa tinatapakan namin. Para silang nagsisilakihang buildings na tinayo mula sa taas. Grabe.

Ilang beses kong kinuhanan ang paligid habang naglalakad sa gitna ng naglalakihang stalactites. Para kaming nasa ibang mundo, sa ibang timeline, sa ibang pangyayari. Napapansin ko ring humahanga si Unica sa nakikita kaya hindi ko mapigilang kuhanan siya ng litrato, wala nang takot sa mukha.

Kinuhanan ko rin ng litrato ang iba nang mapagtanto kong hindi nga pala sa akin ang ginagamit kong camera.

Nag-set up kami sa pagtatapos ng arawsa isa pang chamber.  Ni hindi namin napansin na gabi na pala - paano, ang dilim naman ng lahat. Kumain kami ng hapunan, saka namahinga para matulog. Tumutulo ang tubig mula sa itaas - at dumudoble ang malakas na tunog dahil sa echo.

Kahit maraming cave crickets, sobrang init sa paligid at may nakakatakot na pakiramdam dahil sa parang may tumatawang mga bata sa gitna ng dilim at katahimikan, knock out agad ako sa pagod.

Nagising ako nang hindi alam kung gabi pa ba o umaga na dahil madilim pa rin sa paligid. Mula sa liwanag ng mga kandilang sinindihan sa paligid, mata ni Unica ang nakita ko. Nakatingin lang siya sa akin kahit na halos kalahating metro rin ang layo ng pagkakahiga namin sa isa't isa.

Wala siyang sinasabi. Gusto kong magtanong kung bakit siya nakatingin pero hindi na ako nagsalita at baka matapos ito. Ginalaw ko ang kamay ko, inabot ang mukha niya. Nang magdikit ang palad ko sa pisngi niya, hinimas ko ito ng hinlalaki. Hinayaan lang niya saka pumikit.

"Natatakot ka pa rin ba?" mahina kong tanong, sapat para marinig niya.

"Medyo."

"Malapit na tayong matapos dito."

Dumilat siya. "Hindi lang ako sanay."

"Ako rin, hindi sanay." Ngumiti ako. "Kaya naman pala."

Tumango siya saka ngumiti. Wala pa ring kumilos sa amin kahit natahimik na kaming dalawa. Parehas kaming wala sa wisyo makipagbiruan at ang tanging gusto lang ay tumingin sa isa't isa, mahiga, mamahinga.

Malapit nang matapos ang paglilibot namin sa dilim na walang kasiguraduhan. Gusto ko munang itigil ang oras. Manatili. Kahit sandali lang.

Pagkatapos mag-agahan, dumiretso kami sa paglalakad ulit kahit masakit pa ang buong katawan ko.

Ilang oras din ang lumipas, ilang rock formations na kumikintab ang hinangaan nang mula sa katahimikan ay sumigaw si Unica ng, "sa wakas!" na agad tinakpan ni K ng bibig dahil sobrang lakas ng sigaw.

Agad akong natawa. Ganito niya kagustong lumabas ng kweba, ang kulit.

Mula sa kintatayuan namin, naaaninag na namin ang maliit na lagusan palabas. Ang outside world, ang liwanag - malapit na! Kaso habang palapit kami nang palapit sa liwanag. . . hindi ako makapaniwala sa nakikita ko na para bang niloloko ako ng kwebang ito.

Habang palapit nang palapit.

Palaki.

Nang palaki. . .

. . .nang palaki. . .

 . . . nang palaki.

Hanggang sa makarating kami sa tinatawag nilang Mother of All Cave Chambers at 'yong katiting na liwanag na nakita namin, sobrang laki pala na sa tingin ko ang salitang malaki ay hindi sapat para ilarawan ito.

Langgam kami kumpara sa laki ng bukana.

Akala ko tapos na ang lahat. Madumi kami. Maputik. Nag-set up ulit ng campsite para makapagpahinga at kumain. Nakikita na namin ang liwanag. Pero hindi pa pala tapos.

"Tingnan niyo 'yon." Tinuro ni Pja ang itaas ng bukana ng kweba.

Ilang daan - o libo-libong paniki ang lumipad sa itaas, paikot-ikot, tila gumagawa ng sariling ipo-ipo. Para silang sumasayaw bilang grupo. Para silang may intermission number.

"Routine ng mga paniki," sabi ni Sir Joni.

Pero para sa amin - para silang nagpaalam at nagpasalamat sa pagpunta at pagrespeto namin sa loob ng kweba kaya binibigyan nila kami ng ganitong klaseng karanasan. Kahit hindi namin sigurado kung karapat-dapat ba kami sa ganitong tanawin.

Pinatong ni Unica ang braso niya sa balikat ko, nakatingin sa itaas. Pinapanood ang paglipad ng mga paniki. Habang ako, hindi ko mapigilang mapatingin sa kanya.

Saglit. Napatitig. Sandali. Napangiti.

Lahat kami nakatulala sa gandang inialay ng mundo sa harapan namin.



; x ;

August 24 ngayon, birthday ni Unica! Sinimulan nga ng baranggay SIN sa twitter: #HappyBdayBabaengGangster ~

Frustrated kong sinulat ito dahil gusto kong makapag-update sa gitna ng busy sched (dahil birthday pala ni Unica huhu). I dropped everything the past few days to write this (kaso kailangan kong pulutin ulit dahil #deadlines pagtapos mag-update) kaya again, word vomit. Unedited. Maraming errors for sure kaya sorry, sorry, sorry.

Nag-research din ako tungkol sa kweba kaya napatagal (napapatagal din talaga ang updates dahil sa research pero worth it din!!) I was so fascinated with this cave gusto kong ilagay lahat ng descriptions pero naisip kong hindi nga pala 'to step by step tourist guide at isang fiction story na may characters pala (haha!). I hope I didn't bore you to death with my cave descriptions. Haha. At as much as I don't want to include photos in my stories if unnecessary, feeling ko hindi ko nabigyang justice ang ganda ng kweba kaya. . .there. Some photos.

Credits to google. Lalo na sa trexplore.ph at youtube.

Hoping to not include photos again soon kasi. . .kasi. . .gusto ko talaga i-describe lang lahat via words kaso I can't seem to describe this beauty very well huhu sad.

Kasalukuyan silang nasa visayas at kung makikita niyo sa mapa sa ibaba: Catbalogan - first scene (dark green dot) at Langun-Gobingob cave - second scene (sky blue dot). Saan na kaya sila next?!

Daming stop over pero that's the beauty of the adventure, di ba? Not the start or finish line. It's in between that almost matters. Ish. Ata.

To these three (hindi ko sure kung meron pang iba pero sila lang mostly nakikita ko?? o dahil medyo sabog ako ngayon kaya di ko napansin?? huhu sorry kung may nakaligtaan ako). Anyway, natawa ako sa twitter gaming to the next level nila. May dp nang kasama. Haha!

Pero ang totoo n'yan, masaya rin akong may mga friendship na nabubuo sa tagal ng pag-a-update ko. Tagalan pa ba natin? Haha chos. Or not.

Edit an hour after update: Meron agad milo at pandesal. Haha!

And after almost a year ng pagkawala ni Uncensored sa ranking (dahil ata sa bad words??) - naiayos na ito at napunta tayo agad sa Adventure #2 sa ranking! Kaya congrats, Chino at Unica at ang buong tropa! Yay!

Official hashtag: #uncnsrd

Ano pa ba? uhm. . . hmm . .ah! 9 chapters to go na lang! Ata.

~ Rayne

@ulaaaann sa twitter. Pilosopotasya ang fb page. screenshots.ni.rayne sa instagram. Stuff by Ulan sa self-pubs, books at merch.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top