u n c n s r d 33

u n c n s r d 33

"Gusto ba ako nito o mabait lang talaga siya?"


"Hmm?"

"Hmm?"

"Hmmm?"

"Hmmm."

"Anong hmmm?"

Napakunot ang noo niya. "Ikaw ang anong hmm? Nauna ka kaya. Ginaya lang kita, eh."

Napakamot ako ng ulo. Kanina pa 'to, ah. Ubos na lahat ng kinakainan namin. Tambay na nga lang kami sa kainan. Hindi sa nagmamadali ako pero. . . "Kailan mo pa sasagutin tanong ko kanina? Nakalakad na tayo nang malayo. Halos mabuntis na tayo sa dami ng kinain. Nilibre na nga kita ng ice cream, eh. Wala pa ring sagot?"

"Sa alin?" pa-inusente niyang tanong.

Pinanlakihan ko siya ng mata kaya bigla siyang tumawa. Napalayo ako kaunti nang iabot niya ang kamay sa mukha ko. Akala ko sasampalin niya ako. Kinuha niya ang salamin ko sa mata kaya biglang nanlabo paningin ko. Sinuot niya 'yon. Naka-ilang kurap siya saka ako napangisi. Lumaki 'yong mata niya.

"Sobrang labo ng mukha mo sa salamin na 'to."

Nangiti ako. "Malinaw mukha mo pagsuot ko 'yan pero kasing labo mong kausap 'yong paningin ko ngayon."

Sumimangot siya. Nagtaas ng kamay at tinaas ang gitnang daliri para ipakita sa akin. "Malabo ba mata mo? Nakikita mo 'to? Ilan 'to?"

Agad kong kinuha ang daliri niyang 'yon at binaba. Tumawa siya pero seryoso lang ako. Gusto niyang bawiin ang daliri – o kamay niya pero hawak ko lang. Hindi nagpapatinag.

"'Yong kamay ko."

"Hindi ko bibitawan hangga't di mo sinasagot tanong ko. Isa pa lang 'yon, paano na 'yong mga susunod?"

"Mamamatay ka ba kung 'di ko sagutin 'yon?"

"Nag-promise ka."

"Ha?" natatawa niyang sabi. "Kailan pa?"

Mas hinigpitan ko ang hawak sa kamay niya at hinila pa kaunti para mas mapalapit siya sa akin. Nakatitig lang sa akin ang lumaki niyang mata dahil sa lens ng salamin kong suot niya.

"Unica. . ."

"Bakit sobrang curious ka?"

Pinilit niyang kuhanin ang kamay niya kaya hinayaan ko na. Pinakawalan ko. Sumandal siya sa inuupuan. Ganoon din kami. Halos magsukatan kami ng tingin nang bumuntonghininga ako at umiling. Tumayo ako habang nagkakamot ng batok.

Hindi na ako mamimilit.

Bakit ko nga ba pinipilit?

Di ko naman ikamamatay kung 'di ko malaman 'yong sagot.

Ano naman kung pinansin niya ako noon?

Lakas trip lang talaga.

"Huy!" tawag niya.

Hindi ako lumingon.

"Ay, nang-iiwan, oh."

Gusto kong balikan siya sa inuupuan namin kanina pero gusto ko na ring lumabas. Masyadong sumisikip ang kainan. Kailangan ko ng hangin.

"Uy, iiwan mo talaga ako?" halos pasigaw niyang sabi.

Pinanood ng mga tao sa paligid ang paglabas ko. Natigil ako sa paglalakad nang may humawak sa shirt ko sa likod. Hinatak niya ako palapit sa kanya at humarap siya sa akin.

"Seryoso ka ba d'yan?"

Tiningnan lang niya ako sa nanlalaki niyang mata.

Hindi ako nagsalita. Napabuntonghininga ako saka dumiretso sa paglalakad. Hinala niya ulit ako sa damit at para kanina lang, masaya pa ako tapos ngayon.

"Ano ba?" bigla kong sabi. "Tara na. Lumiliwanag na. Baka hinahanap na tayo nial Deus."

Narinig ko ang pagsabi niya ng, "Hala, galit?" nang naglakad na ako pabalik sa tinutuluyan namin. Nagkamot ako ng batok saka ibinulsa ang mga kamay. Humugot ako nang malalim na hininga. Buti mas fresh air na dito sa Laguna. Baka mas lalo lang akong mawalan ng gana kung puro polusyon iniihip ko.

"Huy."

Hindi ako lilingon.

"Huuy."

Walang lilingon para sa kanya.

Tumahimik.

Gusto kong lumingon. Tingnan kung nasa likuran ko pa ba siya o bigla na lang siyang umalis dahil hindi ko siya pinapansin. Ilang minutong paglalakad nang mapansin ko sa peripheral vision ko ang naglalakad na si Unica. Sa tabi ko mismo, hindi siya nagsasalita. Sumabay lang siya sa paglalakad ko. Hindi rin ako nakapagsalita kahit may gusto akong sabihin – o gusto ko lang magsalita para mawala yung katahimikan namin ksao wala kong masabi.

Bumuntonghininga siya.

Bumulong. Hindi ko narinig.

Nilingon ko siya na may pagtataka. Gusto kong itanong ang ano yun? kaso pinipigilan ako ng ego kong kausapin siya. Diretso lang ang tingin niya sa nilalakaran namin pabalik.

"Sinabi ko na sa 'yo 'yon, eh."

Di ako nagsalita. Nakatingin lang sa kanya.

Tinanggal niya ang salamin sa mata at sinabit sa collar ng suot kong shirt. Nagkatinginan kami sa mata saka siya ngumisi.

"Di mo na maalala?"

Di na ako nakapigil. "Ang alin?"

"Dahilan ba't kita kinakausap."

"Anong dahilan?"

"Hindi mo pinapahalagahan mga sinasabi ko, no?"

"Alin ba doong sa mga kalabuan mo ang dapat kong pahalagahan?"

Lalong lumawak ang ngiti niya tapos nawala. "Crush nga kasi kita."

Napapikit ako. Wala talagang matinong sasabihin si Unica – bakit nga ba ako umaasang magsasabi siya ng totoo sa mga tanong ko? Siguro umaasa lang akong baka gusto na niyang magkakilala pa kami nang lubusan. Paintindi ang sarili niya sa akin. Mali pala talaga ako.

Nagpaka-immature pa ako at nagtampo. Nakakatawa. Pinatong ko ang braso ko sa balikat niya at ginulo ang buhok niya.

"Yung totoo nga?"

Bumalik ang ngiti ko sa labi.

"Totoo nga! Bakit ayaw mong maniwala?"

Ikaw 'yan, eh.

"Crush nga kita," natatawa niyang sabi.

Sinuntok ako sa dibdib ng sinabi niya – pakiramdam ko gan'on nangyari. Pati sa tiyan. Kinabahan ako nang sobra. Umikot din ang kung ano sa tiyan ko – parang noong unang beses kong kinausap si Mari Solei sa simbahan. O noong unang beses kong nag-aya ng date sa kanya. May panlalamig na 'di malaman. Natatakot na nae-excite.

Sa ilang sandali, naniwala ako sa sinabi niya.

Muntik na akong maniwala.

Pero hindi, eh. Ang labo. Kasing labo ng paningin ko.

Kaso hindi malabo ang kakaibang nararamdaman ko kahit makabalik na kami sa Sogo. Tulog pa ang ilan – lalo na si Jax at Bob. Si Deus at Herq, nag-uusap sa labas at naninigarilyo. Nakisama si Unica at tumuloy ako sa kwarto. Humiga. Parang nasusuka.

May kung anong nagbago.

"'Nics, ano? Ikaw magda-drive?" tanong ni Deus, ibibigay na ang susi kay Unica. Nakaayos na kaming lahat para umalis at ituloy ang mahabang byahe.

"Pass muna," sabi niya. Tinuro niya ako. "May mga utang pa ako sa kanya, eh. Pag 'di mo na lang kaya."

"O sige."

Sumakay na kami sa FX. Si Deus sa driver seat. Si Herq sa shot gun. Pinilit ni Unica sa likuran kami maupo dahil marami pa raw siyang utang na usap. Ang nasa tapat namin ay sina Bob at Pja. Magkatabi si Jax at Amari tapos si K. Nadadamay si K sa kaingayan ng dalawa niyang katabi.

"Game," pabulong sabi ni Unica. "Ituloy na ang usapan."

"Ngayon na?"

"Mahaba ang byahe, kailan mo gusto?"

Nilingon ko sila Pja at Bob na nakatingin sa bintana.

"Maririnig nila?"

"Mga walang paki 'yan. May mga kanya-kanyang mundo."

"Eh, nila?" turo ko kanila Amari. Nagbabangayan si Jax at Amari. Si K, nasa isang tabi lang – mukhang pinipilit lumayo pero napipilitan ding maupo sa tabi ng dalawa.

"Rinig mo naman ingay nila, hindi tayo maririnig ng mga 'yan."

"Paano sila Deus?"

"Sisigaw ba tayo sa pag-uusap? Di naman, eh."

Bigla namang nagsalita si Deus habang nagda-drive. Tumingin sa amin mula sa rear-view mirror. "Narinig ko pangalan ko d'yan, ah?"

"Oo, Deus. Ikaw talaga pinag-uusapan namin."

Napangisi si Deus. Balik sa pagda-drive.

"Bakit kaninang madaling araw parang sabik na sabik ka magtanong tapos ngayon. . .?"

Kasi kanina parang wala lang tapos ngayon – ah, nakng. Ba't kasi kailangan pa niyang ulit-ulitin 'yong crush – crush na 'yon. Ang lakas kasi mantrip, kababaeng tao, eh.

"Baka kung ano na naman kasi lumabas sa bibig mo."

Natigil siya saglit saka kumunot ang noo. "Laway lang naman lalabas sa bibig ko," natatawa niyang sabi. Narinig kong natawa si Pja. Napailing ako.

"Baliw ka talaga."

Binalik ko na lang ang tingin kay Jax na hindi ata natatapos ang enerhiya sa pantitrip kay Amari. Nagulat at napalayo ako nang biglang hawakan ni Unica ang hita ko. Hinigpitan niya ang hawak kaya sumakit pa.

"Tumingin ka sa akin kapag ako kausap mo."

"Huwag na lang pala," sabi ko.

"Huh?"

"Hindi na ako magtatanong. Huwag ka na ring magsagot."

"Problema mo?"

Ngumiti ako. Malawak. Labas ngipin pa.

"Hayaan mo na lang 'yong deal," sabi ko. Nawala ang ngiti niya sa labi at biglang nagseryoso kaya hindi ko binitawan ang ngiti ko. "Huwag kang mag-alala, buo na loob ko. Sasama ako sa buong roadtrip na 'to."

Bumitaw siya sa hita ko at seryosong tumingin sa akin. Tinitigan lang niya ako. Sobrang tagal – hanggang sa naalala ko na naman ang boses niyang sinabi 'yong tungkol sa crush.

Nababaliw na naman ata ako.

Kung puro ganyan ang sasabihin niya. Kalokohan. Kalabuan. Huwag na lang siguro.

Nag-iwas ako ng tingin. Napatingin ako sa tapat naming sila Pja at Bob na biglang nag-iwas ng tingin, alam kong pinapanood kami. Wala nang ibang may paki nang nanahimik kami ni Unica na magkatabi. Nakatingin lang siya sa labas ng bintana, ganoon din ako – sa bintana sa gitna. Halos magkatalikuran kami.

"Nice guys are just that. Nice," sabi ni Amari. "Ang problema sa kanya, he's just nice. Walang binibigay na motive. Walang move."

"'Yon din sabi ko sa inutil na 'yon, eh," sabi ni Jax.

Mula sa pantitrip sa isa't isa kanina, sa tawanan – nauwi sa seryosong usapan sila Amari at Jax. Sila lang ang nagsasalita sa buong byahe.

"Kasi 'di ba, gets kong mabait siya. Anghel. Nasa kanya na ang lahat at pinagpala sa lahat ng pinagpala. Kaso kung mabait siya sa gusto niyang girl tapos mabait din siya sa iba – anong pinagkaiba?"

Napalingon ako nang may maramdaman akong tumatama sa likuran ko. Ulo pala 'yon ni Unica, gumegewang. Tulog. Umayos ako ng upo, nakapikit din sila Pja at at Bob sa tapat.

"It's all the same. Syempre malilito kaming mga babae. Gusto ba ako nito o mabait lang talaga siya? Kasi mabait siya sa lahat, eh. Think of it this way: sobrang iba ang feeling kapag sa lahat ng tao, sayo lang ngumingiti 'yong taong hindi naman palangiti."

May hinihintay ako. Hinihintay. Pagbagsak ng ulo ni Unica sa balikat ko, para hindi siya mahirapan. Pero hindi pa rin tumatama ang ulo niya sa balikat ko at ako na ang nahihirapan sa halos mabali na niyang leeg. Siguradong antok siya dahil halos gising kami buong magdamag. Antok din ako pero mukhang mas hindi nakatulog si Unica.

"Sabihin mo sa kaibigan mo, treat her special. More than a friend. 'Yong dapat alam na may motive siya para i-girlfriend si ategirl."

Hindi na ako mapakali. Hinawakan ko ang ulo niya at ginabay para pumatong sa balikat ko. Nagka-bump pa sa daan kaya mas lalong kinailangan kong alalayan na hindi mahulog ang ulo niya sa balikat ko. Mas inayos ko ang pagkakaupo, tinangkaran ang sarili, para mas kumportable siya at hindi manakit ang leeg pagkagising.

"Hindi dinadaan sa normal na kabaitan ang mga babae, okay? Anong akala niyo sa amin, nakukuha sa simpleng bait lang? That's Nice Guy Syndrome. Kadiri. Walang effort tapos gusto ng reward. Pursue us! Kung gusto ng lalaki ang isang babae, sabihin. Iparamdam. Ituring ng espesyal."

Mukhang naging kumportable naman si Unica sa nakapatong niyang ulo sa balikat ko. May kung anong kaunting kaba na mas lumakas dahil pagtingin ko sa tapat, nakatingin sa akin – sa amin – si Pja, tahimik lang.

"Wow, Amari, 'di ko akalaing may silbi ka pala sa sibilisasyon ng Pinas."

"Heh! Ayaw ko lang 'yong sisisihin niyo yong mga babae dahil na-friendzone kayo eh wala naman kayong ginagawang move para maging worth it ma-promote sa more than friends status."

Nakailang kurap ako sa pagtitig ni Pja. Pwede kong bitawan ang ulo ni Unica. Gisingin si Unica dahil nakatingin sa amin si Pja. Pero hindi ko magawa. Mas inayos ko pa ang pusisyon namin. Tumingin sa labas si Pja na parang walang nangyari o nakita.

Ginalaw ko rin ang ulo ko pakaliwa kaya tumatama ang bibig ko sa buhok ni Unica habang hawak ko ng kanang kamay ang pisngi niya para umalalay. Naririnig ko ang tugtog sa earphones niya sa tainga.

Namalayan kong nakatulog ako nang mauntog ako sa salamin ng bintana na pinapatungan ng ulo ko. Isang malaking hump ata 'yon na 'di ko namalayan kaya nabulabog kaming lahat. Nagising ako nang masakit ang leeg. Nagising din bigla si Unica at umupo nang maayos. Habang hinihimas ang nauntog na parte ng ulo, napansin kong nakatingin sa akin si Bob at Pja.

Si Bob, ngiting-ngiti.

At napansin 'yon ni Unica.

"Problema mo?" tanong niya.

"Wala naman."

"E, ba't nakangiti ka? Mukha kang manyak, Bob, please lang."

Lalong lumawak ang ngiti ni Bob. "Sige lang, 'Nics. Sige lang." Nilingon ako ni Bob. "Pre." Tinaas ni Bob ang kamay niya sa harap ko. Wala akong ibang nagawa kundi makipag-apir. "Saludo ako sa 'yo." Akala ko 'yon na 'yon pero hindi niya binitawan ang kanang kamay ko. Pinatagal niya, inikot kaunti at mukhang tiningnan ang tattoo ko sa braso saka nakipagkamay.

Napangiti si Pja.

Ngumiti na lang din ako. Napahawak ako sa balikat na pinatungan ng ulo ni Unica, hindi naman sa nangangalay pero may kung anong di ko malaman sa parteng 'yon. Kuryente na ewan.

Tahimik kami mula sa antok hanggang sa tumigil ang FX.

"Ba't tumigil?" tanong ni Jax.

Nilingon kami ni Deus. "Gusto niyong uminom?"

"Tanghaling tapat pa lang, ah," sabi ni Amari.

Tinuro ni Deus ang labas. Isang grupo ng mga mamang nakabilog sa lamesa at nagkakasiyahan. Umiinom. "Sila nga mukhang kanina pa nagsasaya, eh."

"Kumain muna tayo, nagugutom ako," sabi ni Jax. Pababa na dapat siya nang pigilan ni Amari.

"Wait lang! Mag-stop over pa ba tayo? Paano tayo makakarating sa barko kung titigil ulit tayo?"

"Roro, Amari."

"Whatever, Jax, same lang 'yon--" 

"Kumain na lang muna tayo," sabi ni Jax. "Mamaya mo na problemahin 'yong roro, di 'yon aalis."

"Super behind the sched na tayo," sabi ni Amari. "K! Pagsabihan mo nga 'tong mga 'to. Baka 1 month pa bago tayo makarating sa Davao. Icky feeling din ako sa baba, oh!"

"Ano ba, Amari!" palokong pasigaw ni Bob.

"TMI amputek," natatawang sabi ni Pja.

Nagtawanan.

"Eh, totoo kaya! Kung kayo kaya duguan d'yan sa mga ari n'yo."

Mas lalong lumakas ang tawanan.

Binaba ni Herq ang bintana nang may lumapit sa aming isa sa mga nag-iinom. Si Deus ang nakipag-usap.

"Boss, tagalog?"

Tumango 'yong mama.

"Ah, tanong lang kung may malapit bang kainan dito?"

Sumilip 'yong lalaking may dala pang baso ng inumin sa loob. Sa amin. Mukhang inisa-isa kaming pinasadahan ng tingin. Kung sa Manila lang 'to, malamang hindi na kami buhay ngayon. Pero hindi 'to Manila. Malayo na kami sa Manila.

"Taga Maynila?"

"Opo."

"Tara dine, tara, pwera kung ang hanap niyo ay mamahaling pagkain?"

"Mga batang yagit lang po kaming naghahanap ng normal na pagkain."

"Hala sige rito tayo, sasabihan ko agad si Inday." Mukhang nag-alinlangan pa ang lahat nang tinaas nung lalaki ang dala niyang baso saka ngumiti. "Tara't pagsaluhan din natin ang lambanog pagtapos."

Ang salitang lambanog ang naging hudyat para isaalang-alang namin ang buong pagkatao at buhay namin sa mga lalaking nag-iinom sa labas, ang ilan pa ay nakahubad ang mga pantaas. Agad kami pinatuloy sa maliit na kainan. Karinderya. Sa labas ang manginginom, sa loob ang kumakain.

"After nito aalis tayo agad, okay?" sabi ni Amari habang sinusubo ang pagkain.

"Amari." Inakbayan ni Jax si Amari. Sa hindi malamang kadahilanan, nagkatabi sila sa upuan at hindi naman sila nag-away. Nagpansinan lang matapos makakain ni Jax. Mukhang gutom ang lahat. "Bakit ba ang KJ-KJ mo? Iinom pa nga raw tayo ng lambanog, eh. Di mo narinig?"

"Eh, kung ipakain ko kaya sa 'yo yong bote ng lambanog kung di mo alisin 'yang braso mo sa balikat ko?"

Tumawa si Jax. Hindi tinigil ang pantitrip kay Amari pero tinanggal naman ang pagkakaakbay kay Amari. Habang si Unica na katabi ni Deus na katapat ko, diretso lang sa pagkain. Nang mabulunan siya, agad kong ibinigay sa kanya 'yong baso ko ng tubig dahil di pa niya nasasalinan ang kanya. Agad niyang kinuha ang baso sa hawak ko, tumama ang daliri niya sa akin saka siya uminom.

Napahawak ako sa daliri kong tumama sa balat niya pagkatapos.

Nakng, kinakabahan na naman ako.

Pagtingin ko kay Deus na nasa tapat ko, nakangisi siyang tumingin sa kamay ko. Dumiretso ako sa pagkain. Sa masarap na pagkain na lang ang atensyon ko. Oo, tama.

"Mas masarap dine sa Tayabas  ang purong lambanog!"

Nag-usap-usap pa sila matapos namin kumain. Hindi mapakali sila Deus dahil gustong-gusto nila masubukan uminom ng purong lambanog. Puro raw may mga halo na ang mga natikman niya. Mga flavored. Hindi pa nakakasubok ng natural lang lahat.

Naupo kami sa nakalaang mahabang kahoy na upuan na nakaikot sa hindi kalakihang lamesa. Sa lamesa, may isang shot glass. Bote ng lambanog. At dalawang lalagyan na may tinatawag nilang Kinilaw na Tanigue, isda na niluto sa suka. Hindi nga raw niluto, eh. Parang hinayaan lang sa suka 'yong isda hanggang sa mukhang niluto na.

Hindi man daw kasing sarap ng sa Mindanao, masarap pa ring ipares na pulutan sa lambanog.

"Walang chaser?" tanong ni Pja.

"Chaser, iha?" Biglang nagtawanan ang mga lalaking nag-iinom. Ang isa pa ay tiningnan ang hita at binti ni Pja na binabalutan ng tattoo. "Hindi mo mararanasan ang orihinal na sipa kung iinom ka lang ng iba pagkatapos."

Nagkatinginan kaming lahat. Sobrang lawak ng ngiti ni Deus at Jax at Herq – mukhang mga excited. Ganoon din si Unica na mukhang naaatat na ring makainom.

"Iinom ka?" tanong niya. Magkatabi kami. "Uminom ka. Subukan mo lang kahit isang shot."

"'Di ba malakas tama n'yan? Delikado?"

Tiningnan ako ni Unica na para bang hindi makapaniwala sa sinasabi ko. "Paano mo naman nasabi, di mo pa nga nararanasan?"

Napasabak ata ako rito.

Unang binigyan ng shot si Deus, na sobrang excited. Medyo nawala lang ang excitement niya dahil flavored shot ang unang pinainom. Huwag daw muna ang puro dahil baka mabigla. Agad uminom si Deus. Napapikit saka huminga nang malalim.

Nang si Herq ang sunod na uminom sa basong sobrang liit na maliit din ang lagay, napasigarilyo.

Naubo si Jax nang siya ang uminom.

"Yum! Bubblegum flavor!" naman ang sabi ni Amari.

Walang reaksyon si K. Isang mabilisang inom.

Nag-pass si Bob dahil ayaw niyang uminom dahil mag-smoke pa raw siya. Hinayaan siya nila Deus.

Nang ako na ang iinom, nag-alinlangan pa ako. Puno ang baso ko.Sinubukan kong amuyin at agad akong napaiwas. Hindi ko malaman kung anong amoy 'yon pero ang tapang. Para akong suminghot ng karayom na tumusok sa loob ng pang-amoy ko.

Mas kinabahan dahil lahat sila nakatingin sa akin. Tinanguan ako ni Unica, hudyat na uminom na ako. Pikit-mata kong ininom ang bubblegum-flavored lambanog. Lunok agad ang ginawa ko at sa tingin ko maling desisyon 'yon dahil nakng.

Napahawak ako sa leeg ko. Papunta sa dibdib. Sa tiyan.

Nakng, gumuguhit. Para akong sinabuyan ng gasolina at pinaapoy pababa.

Kumain agad ako ng pulutan. Kailangan kong alisin 'yong grabehang lasa pero hindi nawala. Hindi ko na nga napansing nakainom na ang lahat sa grupo. Umikot pa ulit ng isa. At isa pa. Nakatatlong shot glass na kaminglahat.

Triple ang kanila Deus, Jax at Herq.

"Ano, puro naman?"

"Sige, sige!"

Game na game sila Deus at Jax at Herq samantalang ako, nakng, pinagpapawisan na. Para akong sinisilaban mula sa loob.

Kumuha ng bote na halos transparent na. May nakasulat doon na sa masking tape na nakabalot sa bote ang lambanog. 166 proof.

"166 proof?" tanong ko sa gulat.

"Sa alcohol 'yan, paare. Pag 100% proof ang alak, kino-compose ng 50% alcohol. Doble ng alcohol volume ang proof," sabi ni Bob na siyang pinaka matinong kausap. "Siguro katumbas ng puro ang walong Red Horse at San Mig na hindi nagshe-share. 5% alcohol mga beer, di ba?"

Tumango si K bilang tugon.

Alam ko na talaga ito dahil napag-aaralan namin ito sa mga chemicals pero itong lambanog? Ganito kataas ang proof?

"Ilang alcohol nilalaman ng purong lambanog? 83%?" tanong ko.

"Huwag niyo nang tanungin, inom na lang tayo!"

"Para kang uminom ng ethyl alcohol," natatawang sabi ni Pja.

Natatawa pa siya. Natatawa. Sa lagay na 'yon?

Si Amari ang nagpatigil. "Wait, Kuya, hindi ba kami mamamatay d'yan?"

Tumawa ang mga lalaki. "Hindi, hindi. Pati isang tagay lang ipapainom namin sa inyo't mahaba pa ang byahe niyo, hindi ba? Sa Mindanao pa? Drink moderately lang mga bata!"

Nag-pass ako. Hindi ko na ata kaya 'yon. Hindi ko alam kung anong mayroon sa purong lambanog. Tatlong Red Horse pa lang – delikado na ako, baka kung ano na gawin ko nang hindi ko alam sa lambanog. Nakng, ngayon pa nga lang na nakakaisa ako – ang bilis na ng pagtibok ng puso ko. Ang init.

Tatlong maliit na shot pa lang 'to, at flavored pa!

Si Deus ang unang tinagayan ng puro. Tumayo pa siya para makapwesto nang maayos. Tinitigan niyang mabuti 'yong shot glass. Kahit kami nakititig.

Sobrang linaw ng purong lambanog. Grabe.

Nang diretso niyang ininom ang isang puro sa basong maliit, bigla siyang humiyaw.

"Inang 'yan, nanay ko po!" Bumuga siya nang malakas, na akala mo magsisipat siya ng apoy. "Init!"

Agad siyang kumuha sa pulutan at kumain nang kumain. Nagtawanan kami sa reaksyon niya.

"Mas masaya dito," mahinang sabi ni Unica sa tabi ko. Biglaan, halos hindi ko na nga nakuha ang sinasabi niya. Ako lang ang nakakarinig dahil sa ingay ng kwentuhan ng iba. "Kaysa doon."

"Saan?"

"Sa dapat na tahanan na tinatawag ko."

Nilingon ko siya. "Sa condo mo?"

"Sa bahay ng mga nakatataas."

"Mama mo?"

"Oo, si 'My." Ngumisi siya nang si Jax na ang nagsimulang uminom at nag-breathing exercise pa. "Jax, ano ba 'yan?" Nilakas niya ang boses. "Naaagnas na kami sa tagal mong uminom!"

Lumakas ang tawanan namin nang malakas na humiyaw si Jax sa pag-inom niya ng puro. Agad-agad ang pagpalit ng kulay ng balat niya mula sa maputlang puti papunta sa pagpula. Kulit, eh.

"Pwede ka namang manatili sa condo mo, di ba?" balik ko sa usapan.

"Hmm. Ganito." Nilingon niya ako. "Alam mo 'yong feeling na akala mo malaya ka dahil wala kang kadena sa leeg tapos malaki lang pala 'yong hawlang ginagalawan mo?"

Natahimik ako. Alam ko ang ibig niyang sabihin pero hindi ko alam kung anong sasabihin.

"Dati naman wala 'yong Mama mo 'di ba?"

"Bumalik siya, for business fucking purposes."

"Kaya ba nagkaroon ng magarbong party noon?"

Ngumisi siya. "Buti naaalala mo pa 'yon, akala ko 'di mo pinapahalagahan mga nangyayari pag kasama mo ako, eh."

"Paano ko makakalimutan 'yon kung para kang si Dao Ming Si girl version?"

Tumawa siya. "Tapos ikaw si Shancai?"

Nakitawa rin ako. Natigil sandali ang usapan dahil si Herq na ang iinom. Tahimik lang siya, hindi sobrang humiyaw pero mukhang gusto. Pinigilan lang. Tinakpan niya ang mukha. Ilang beses huminga nang malalim.

"Mahirap ba?"

"Ang?"

"Maging kasing yaman mo?"

Tumawa siya. Tinuloy ko ang sasabihin.

"Na may magarang chandelier sa lobby ng condo building niyo?"

Lalo siyang natawa. "Chandelier?"

Nagkibit-balikat ako. "Natanong lang. First time ko lang nakapasok sa isang building na may ganoong klaseng chandelier, eh."

"Bigyan kita mga sampu, gusto mo?"

"Bibigyan mo ako?" nangingiti kong sabi.

"Asa ka pa."

Naghiyawan ang lahat nang uminom ulit si Deus dahil nag-pass si Pja. Kahit hindi gaanong kaputian si Deus, sobrang kita na ang pagkapula niya. Tuwang-tuwa naman ang mga lalaking pinapainom si Deus.

"Anong ibig sabihin nito?" tanong ko sa kanya nang ituro ko ang tattoo sa braso ko. Kinuha ko ang kaliwang braso niya at tinapat sa akin. Tinuro ko ang rosas na nakatayo. Ang ilang petals na nalalagas. Tapos nawawala na para bang nag-fade sa balat ang petals. "Anong ibig sabihin ng kumukupas mong pagkatao? Bakit? Mawawala ka ba? May sakit ka ba? Cancer?"

Dahil kumakain siya ng Kinilaw na Isda, muntikan niyang mabuga sa mukha ko 'yong nasa bibig niya sa sobrang tawa.

"Cancer? Seryoso ka ba? Anong ka-bullshit-an 'yon?!"

Natatawa na rin ako. "Eh, bakit ba kumukupas 'yong mga petals sa tattoo?"

"Maganda tingnan."

"Weh."

"Weh."

"Unica naman."

"Unica naman," paggaya niya na high-pitched.

"'Yan ka na naman."

"Ang seryo-seryoso mo, kaya siguro di ka nagugustuhan n'ong Mari Solei kasi gusto niya 'yong hindi sobrang seryoso tulad ni Vane."

"Huwag mo ngang binabanggit 'yon."

Nag-init bigla ang ulo ko.

"Sino? Si Mari Sol--."

"Yung kulot na kumag."

Natawa siya. "Uy, may hidden galit ka pala kay Vane? Kailan pa? Simula nang nalaman mong may something sila ng love of your life mo?"

"Oo," agad kong sabi, nilapit ang mukha at tumitig sa mga mata niya nang tumigil na siya. "Kaya tantanan mo na pagbanggit sa kumag na 'yon."

Nagtaas siya ng kamay at lumayo. "Okay, sorry, sorry."

"Bakit hindi na lang siya ang sinama mo kung ganon. . ."

"Huh?"

Binaling ko ang atensyon ko sa kinilaw na isda. "Wala."

"Ba't ikaw kasama ko? Hindi siya? Bakit kayo?"

"Wala."

Siniko ako ni Unica. "Ang laki ng galit mo d'on. Mas lumalabas pag palasing ka na," natatawa niyang sabi. "Wala naman dapat akong kasama, di ba? Ikaw lang tong sumusunod sa akin."

"Paano, baka bigla kang mawala tulad ng tattoo na 'yan na kumukupas."

Wala siyang ibang sinagot kundi ngisi.

"Hindi kita matutulungan tungkol sa Mari Solei mo at kay Vane dahil may sarili sila--"

"Eh ikaw ba?"

Tumaas ang kilay niya. "Anong ako?"

"Ano ba talagang mayroon sa inyo nung kulot na 'yon? Bakit kayo close? Sabi mo wala lang pero nung napag-usapan 'yong kumag habang nasa byahe, may kakaibang tingin sa 'yo si Deus. Ano ba talagang mayroon?"

Tiningnan lang niya ako nang mataman. Nabigla ako nang kasabay ng sigawan dahil nakailang inom na si Deus ay bigla akong sinubuan ni Unica ng napaka raming isda.

"Masyado kang madaldal kapag nakakainom," natatawa niyang sabi. "Ikain mo na lang 'yan."

Pinilit kong nguyain ang dami ng sinubo niya bago ako nagsalita.

"Ano nga?"

"Bakit ba sobrang curious ka?"

"Gusto ko lang malaman," sabi ko. "Bawal bang malaman? Sabi mo sasabihin mo lahat ng totoo kapag nagtanong ako?"

"Sinabi ko 'yon?"

Tinaas ko ang braso ko. "Nakikita mo kung gaano kakinis 'to? Ito ang patunay na sinabi mo 'yon."

"Talaga ba?" natatawa niyang sabi. "Cool. Patingin nga kung tumutubo na yung karug mo--" Inaakma niyang itaas ang shirt ko pero pinipigilan ko siya. Natatawa siya pero seryoso ako.

"Magkaibigan tayo, ba't hindi mo sabihin sa akin?"

Humina pa lalo ang boses niya nang sabihin ang, "baka pagkalat mo."

May kung anong sumuntok sa dibdib ko.

"Ang alin? Relasyon niyo?"

Ngumiti siya. Sinenyasan niyang lumapit ako sa kanya. May ibubulong. Umusog ako ng upo palapit sa kanya. Nagtatama na ang tuhod niya at tuhod ko. Para makaupo nang maayos at hindi bumagsak sa hilo, tinungkod ko ang kamay ko upuan. Sa may likuran ni Unica.

Pagkalapit ng tainga ko sa labi niya, kinakabahan ako. Tapos, bigla siyang sumigaw: "Wala nga sabi!"

Biglang sumakit ang ulo ko sa lakas ng sigaw! Napalayo ako agad Nakng, ang sakit!

Pinanlakihan ko siya ng mata. "Ba't kailangan sumigaw?!"

"Kulit mo kasi. Para bumaon na sa bungo mong wala nga talaga."

Natigil ang ingay sa paligid. Napatingin silang lahat sa amin.

"Anyare?" tanong ni Jax na sobrang pula na.

"Tol," si Herq. "May mga bagay sa mundong hinahayaan nating misteryo hangga't hindi natutuklasan ng dapat makatuklas ang misteryong 'yon." Tinapik niya si Jax. "Hayaan natin sila."

"I second the motion!" natatawang sabi ni Deus na sabog na ata sa lambanog.

"Iho, may pinagdadaanan ka bang mabigat sa buhay?" tanong nung tumatagay kay Herq.

Nagtawanan ang lahat. Ngumiti lang si Herq at tinaas ang shot glass na hawak na nakatingin sa akin bago mabilis na ininom ang purong lambanog.

Akala ko ba isang shot lang?

Natahimik ako. Parang tumitibog 'yong loob ng tainga ko na natatawa na ewan.

Inilapit ko ang ulo ko sa kanya. "Eh, di, wala nga?" pabulong kong sabi.

"Ang kulit!" Siniko ako ni Unica. Nilingon niya ang tumatagay. "Pa-shot ng isa."

Nagtagay 'yong mama ng purong lambanog na ininuman ni Herq. Nang iinumin na ni Unica 'yong halos punong baso ng shot glass, pinigilan ko siya agad. Natapon pa ang ilang lambanog na sobrang tapang ng amoy.

"Iinumin mo lahat 'yan?"

"Oo sana kaso pinipigilan mo. Pagdadasalan ko na lang pala."

"Sa akin na kalahati."

Hindi ko na siya hinayaan pang mag-react. Kinuha ko agad ang shot glass at ininom ang kalahati – hindi na nga kalahati dahil muntik ko nang maubos. Gusto kong humiyaw nang maramdaman ko ang init na umagos sa katawan ko.

"Tangina, anong problema mo? Bakit mo ininom?!"

"Sinong magda-drive sa atin? Naka-ilang inom na si Deus, oh!"

Tinuro ko si Deus na nakahiga na sa lupa. Wala nang pakialam sa amin.

Tatagayan nila sana ulit si Unica pero pinigilan ko. Binigay ko kay Unica ang ininuman kong may kaunting laman. Pwede pa rin naman. Matitikman pa rin niya, hindi lang sosobra.

"Ito na lang." Naduwal ako. "Ito inumin mo. Matitikman mo rin sa ganitong kakaunti."

Nakakunot noong tiningnan ako ni Unica saka kinuha ang shot glass. Ang bilis-bilis-bilis ng tibok ng puso ko, pakiramdam ko kaunting bilis pa nito, kukusa 'tong tumigil. Mabilis niyang ininom ang lambanog sa shot glass at pumikit. Sobrang diinin. Napangiwi siya. Sobrang nakakatawa 'yong mukha. Parang natatae na naiihi na nagsisisi sa life choices sa buhay.

Kusang umangat ang dalawa kong kamay at pinisil ang magkabilang pisngi ni Unica na kinagulat niya. Mahinang pisil lang ang ginawa ko, para hindi siya masaktan, pero mararamdaman. Gusto ko lang talagang hawakan 'yong mukha niya nang walang dahilan.

Ang bilis-bilis ng tibok ng puso ko. Ang init-init pa at para akong sasabog mula sa loob. At 'yong mga daliri kong nakapisil sa pisngi niya, parang may maliliit na kuryteng sumasayaw na 'di ko malaman. Nakakakiliti na parang ewan.

Napangisi ako. Tumawa nang kaunti. Titig na titig sa mga mata niya.

"Ang cute mo, eh, no?"



; x ;

Uhm, Hi? Hehe. Huhu. Sorry na. Sorry naaaaaa. Pero salamat pa rin sa paghihintay. Sobrang naaappreciate kong hindi kayo bumibitaw. Huhu.

Pee-jah. Herk. Jaks. Bab. K. Ah-ma-ri.

Pagkatapos sa Laguna, nag biglaang stopover ang tropahan sa Tayabas, Quezon para lang uminom ng lambanog! Mukhang 1 year after pa sila makakarating sa Davao!

Makakarating kaya sila? (see pic. ayun. yun. nagkaroon ng orange dot yung mapa. dyan yon.)

At opo, opo - matagal ang update pero hindi naman pwedeng sobrang bilis ang byahe nila. Ish. Ata. Haha.

Word vomit ulit. Unedited. Gusto ko lang talagang ilabas na itong chapter dahil natatakot akong maging busy ulit sa mga susunod na araw. Papasadahan ko ulit 'to ng basa dahil hindi ko na pinasadahan pa ulit. Post agad. Huhu. (bad habit, rayne. bad habit!)

Salamat po sa matagal na paghihintay at pananatili!

PS: Para sa mga taga lugar na binabanggit ko, don't hesitate to correct me. Hindi lahat nako-cover ng google researches ko ang mga facts. Sobrang ma-appreciate ko ang tulong sa fact check lalo na ang dialects.

(Haba ng note ko paano antagal kong di nag-update hahahuhu)

Salamat uli!

~ Rayne 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top