u n c n s r d 28

u n c n s r d 28

"Sa sobrang sanay ko sa patag, hindi ko alam kung paano kikilos sa apakang hindi ako sigurado."


Nginitian ako ni Mari Solei – di, ni Aris. Si Aris na siya ngayon simula nang grumaduate siya ng highschool. Napapansin kong pagtawag niya sa sarili ng Aris ang paraan niya para makalimot sa nakaraan. Bagong buhay. Pero alam kong kahit saang anggulo tingnan, siya pa rin 'yong babaeng nakilala ko noon. Naging crush ko unang araw pa lang na makita ko siya sa simbahan. Sa simple niyang pananamit, sa mga mata niyang hindi sinasadyang mang-akit, at sa ngiti niyang ginusto kong alagaan.

Kailan pa ba huli naming tinginan nang ganito? O tingin ko sa kanya nang ganito? Ilang buwan na rin akong parang nawala sa kanya, pero ito siya ngayon – nakangiti sa akin. Pinapaalala ang dahilan bakit ko ba siya nagustuhan sa umpisa pa lang. Inabot niya ang kamay ko at saka inilapit sa pisngi niya. Pinakiramdaman niya. Kinabahan ako.

Nanlaki ang mata ko nang halikan ni Aris ang palad ko.

Tapos nakaramdam ako ng sakit. Sa ulo ko.

Paglingon, malabo pa noong una ang paningin ko. Hanggang sa unti-unti itong luminaw at nakita ko ang pamilyar na singkit na mata.

"Unica!"

Napabawi ako ng kamay ko sa hawak ni Aris. Inilapit ni Unica ang mukha niya sa akin saka kumunot ang noo. Napahawak ako sa noo nang katukin niya 'yon. Sobrang lakas.

"A-Ano ba—"

Sumimangot siya. Napangisi ako. Parang nagpapa-cute. Nang kakatukin niya ulit noo ko, umiwas ako. Pero ginamit niya ang isa pang kamay para itulak ang buo kong katawan. Hindi malakas ang impact, alam ko, pero nahulog ako. Napahiga. Nilingon ko ang paligid, nawala si Aris at tanging si Unica lang ang nandoon sa dilim. Dumapa siya, gumapang sa ibabaw ko, at saka dumagan sa akin. Inilapat ang ulo sa dibdib ko habang nararamdaman ko ang binti at paang nakapulupot sa binti ko.

"Sinong sinisigaw nito?"

"Ha?"

Kinatok ni Unica ang dibdib ko. Napapitlag ako nang may malakas na kabog sa buong kadiliman. Napatingin ako sa kanya. Nagtaka ako. Bakit parang naglalaho siya? Kumatok ulit siya sa dibdib ko. Saka inilapat ang tainga sa dibdib ko.

"Sino ba 'yong nandito?"

Isang katok. Isang kalabog sa kadiliman. Hanggang sa napadilat ako.

"Unica!"

Napaupo ako bigla sa mukhang nakasilip.

"Tangina!"

Napahawak ako sa noo ko sa sobrang sakit. Parang binibiyak ang ulo ko. Si Unica naman, napahiga sa sofa. Panaginip? Na naman? Pero hindi. . .totoo na 'to. Nagkauntugan kami. Bigla kong naalala si Gio.

"Shit! Sakit ng ulo ko! Aray, aray, aray!"

Napahiga si Unica sa sofa, nakahawak sa ulo. Paglingon ko sa tabi kong nasa sahig, nagising si Amari. Napahawak ako sa tiyan ko. Nakayakap ba si Amari sa akin kanina? Pagtingin ko sa baba, napatakip ako sa gitna. At napaiwas dahil nakayakap ang binti ni Amari sa akin. Paglingon ko sa paligid, may ilang natutulog. Si Herq, nakahiga rin sa sahig sa kabila. Hindi pamilyar 'yong lugar. Anong nangyari? Nasaan ako?

Nakng, BAKIT NAKA-BOXERS LANG AKO?

Hinanap ko agad 'yong damit ko pero wala. Anong nangyari? Bakit nandito ako? At bakit. . . napatingin ako sa kanang braso ko. May drawing ng bulaklak. Rosas. . . Namamaga. Kinabahan ako agad. Lalong sumakit ang ulo ko nang pindutin ko 'to at napa-aray ako sa sakit. Sinubukan ko ulit hawakan para burahin.

Seryoso ba 'to?

Tattoo ba 'to?

Lalong sumakit ang ulo ko nang may maalala ako. Boses ko, sumigaw.

"UUUUUNNNIIICCCAAA! May tattoo na rin ako!"

Tawanan ng mga tao. Amoy usok. Amoy alak. Tumakbo ako palapit kay Unica na umiinom. Hinawakan ko ang kaliwang kamay niya gamit ang kanang kamay ko at tinaas 'yon kaunti. Pinagtabi ang braso namin. Rosas. Nalalaglag na mga petals.

"Nakita mo? Ito na friendship tattoo natin!"

Napatingin ako ulit sa tattoo ko. Nilingon ko si Unica na nakahiga sa sofa na hinihimas ang ulo. Tiningnan ko nang maigi ang kaliwang braso niya.

Lalo akong kinabahan.

Napatayo ako kahit gusto kong mahiga sa sobrang hilo. Hindi ko na sila nilingon at lumabas ng kwarto. Paglinga ko sa paligid, nakita ko si Deus na may hawak na dalawang mug.

"Kape?"

"Nasaan tayo?"

"Sa studio."

"Studio?"

Pinilit paalala sa akin ni Deus 'yong nangyari. Nasobrahan daw ako sa lasing, hindi na makausap nang maayos. Wala silang alam kung saan ako nakatira kaya nagkaayaan sa studio na tinitirahan ni Deus. Tinuloy nila ang inuman dito, nakiinom din ako at. . .

"Nasaan damit ko?"

"Nasukahan mo, pare, nasa CR."

Tinuro niya kung nasaan ang CR. Pumasok siya sa pinanggalingan kong kwarto at narinig na tinawag niya si Unica. Nanlumo naman ako pagkakita ng damit ko sa CR. Basang-basa. Nakababad sa planggana. Hindi lang damit ko. May damit din ni. . .Unica? Damit niya 'to, di ba? Napahilamos ako ng mukha at napatingin sa salamin. Tiningnan ko rin ang braso kong may guhit. . .tattoo. Napahawak ako sa ulo ko dahil pinapatay din ako ng sakit ng ulo.

"You might want to drink this."

Tiningnan ko si Amari mula sa repleksyon ng salamin. Binigyan niya ako ng mug ng kape at gamot.

"Para sa hang over."

Ngumiti siya. Nagpasalamat ako.

Nanahimik lang ako buong isang oras na nandoon ako sa studio nila Deus. Parang panaginip lang lahat. Parang 'di totoo. Parang isang malaking joke.

Pero hindi joke 'yong sakit ng ulo ko.

Hindi joke 'yong nilinis na suka sa damit ko.

Hindi rin joke 'yong rosas na nasa braso ko.

Kahit pag-uwi, hindi pa rin ako makapaniwala sa nangyari. Kahit kinabukasan n'on, di pa rin mawala sa isip ko 'yong joke na hindi nakakatawa. Paanong mawawala sa isip ko kung nakatatak sa braso ko 'yon? Ilang beses tinanong sa akin ni Deus kung naaalala ko ba nangyari. Sabi ko hindi. Wala akong maalala.

Pero naaalala ko. Halos lahat.

Naaalala ko kung paano ko pilitin 'yong tattoo artist na tatuan din ako tulad ng kay Unica. Na friendship tattoo namin 'yon ni Unica. Na hinatak ko si Unica para isayaw sa gitna kahit walang tugtog. Hanggang sa masuka ako. . .hanggang sa kumapit lang ako kay Unica habang nasa byahe pauwi ng studio nila Deus. At hindi ko siya tinantanan hanggang makatulog.

Nakng, anong problema ko?

Nahihiya ako. Nababadtrip din ako sa sarili ko. Nabuburyo ako. Ang tanga. Nakakabobo. Siguro stress na rin 'yon, dahil anong magagawa ko sa tattoo sa braso ko. Hindi na 'to mawawala. Hindi na matatanggal. Permanente na sa katawan ko. Kaya nang tawagan ko si Unica makalipas ng ilang araw, para akong tanga na sumabog na lang.

"Bakit mo hinayaang tattoo-an ako?"

"Ha?"

"Nagising akong may tattoo sa braso ko."

"Okay. . ."

"Design mo 'to. Tattoo mo 'to."

"Okay. . . "

"Bakit?"

"Bakit?"

"Bakit mo hinayaang tattoo-an ako, Unica?"

"What?!"

"Bakit mo hinayaang itatak sa braso ko 'to?"

"Tangina, seryoso ka ba?" Natahimik siya. "Eh, putangina, ikaw 'tong nagpupumilit!" Tahimik ulit.

"Sana hindi mo hinayaan! Alam mong lasing ako n'on!"

"Tangina, lasing ka lang, hindi ka tinanggalan ng common sense! Bakit ka rin ba nagpakasaling? Isisisi mo ba sa akin lahat? Akala mo naman tinutukan kita ng baril para lang ipa-tattoo 'yan! Ikaw nagpumilit d'yan. Ilang beses kitang pinigilan. Kinagat mo pa braso kong bagong tattoo para lang tigilan kita!"

Natahimik lang ako. Ang daming pumapasok sa isip.

"Alam mo kung ayaw mo n'yan, ipaputol mo 'yang braso mo. Tulungan pa kita. Inangyan! Huwag mo na akong kausapin kung isisisi mo sa akin katangahan mo."

'Yon ang huli naming usap bago magpasukan.

Kabobohan, Chino Alejandro.

"Okay ka lang ba?" tanong ni Aris sa akin nang nasa library na kami.

Maingay ang mga kaibigan ko. Hindi nila tinatanan ang braso ko kanina sa cafeteria kaya nagpasalamat akong DotA na ang pinag-usapan nila.

Nginitian ko si Aris.

Ayos lang ako. Nakasalubong lang namin sila Unica, big deal? Hindi naman ata. Pero binabagabag ako ng kunsensya ko. Lalo na nang makita ko kanina ang mukha niyang parang walang emosyon. Gusto kong humingi ng tawad sa pagsabog ko sa pagtawag ko sa kanya noon. Di ko lang magawang tumawag ulit.

Nabigla naman ako nang may tumunog na phone. Akala ko sa akin. Akala din ng mga kaibigan ko, sa kanila. Pero ang phone na tumunog ay kay Aris. Nagkatinginan kami saglit bago siya tumayo at lumabas ng library. Pagbalik niya, tinanong ko siya agad dahil nasabi niyang wala siyang phone nung nakaraan.

"May phone ka na?"

"Ah, ano, pinahiram lang sa akin 'to."

"Rich kid?" Maganda ang phone, pang mayaman. Matagal ko nang kilala si Aris kaya alam kong hindi ito ang mga tipo niyang cellphone.

Ngumiti siya. "M-Marami kasi siyang phone."

"Sino? Kaibigan mo?" Hindi siya nagsalita. "Manliligaw?"

Nanlaki ang mata niya. "H-Hindi, ah!"

Tumango na lang ako. Alam ko 'to. . .nasabi 'to sa akin ni Unica nong gabing nagkalasingan kami. Naaalala ko 'yon. Hinding-hindi ko malilimutan.

"May sikreto akong sasabihin sa 'yo," sabi niya at inakbayan ako.

"Ano namang sikreto 'yon?" tanong ko, mas nilapit ang mukha sa kanya.

"Hindi ko. . .hindi ko boyfriend si Vane."

Kumunot noo ko. "Oh?"

"Oo!" sabi niya saka kinurot ang pisngi ko. "Kay Maris 'yon. First love niya."

"Maris?"

"Oo!" hinigpitan niya ang kurot sa akin. "'Yong mukhang mabait. 'Yong mahinhin. . .'yong mahal mo raw."

Ngumisi ako. "Mahal ko raw. . ." Tinanggal ko ang hawak ni Unica sa pisngi ko. Manhid na pisngi ko tiningnan siya at hinigpitan ang hawak sa kamay. "Mahal ko nga raw."

Napahawak ako sa sentido ko. Bumabalik 'yong sakit ng ulo ko sa hang over. Gusto ko na lang itulog lahat. Ito ba 'yong sinasabi nilang wasted? Pinipilit ko sa sarili kong wala lang sa akin 'yong Kulot na Kumag at Aris. Alam kong may ibang lalaki si Aris pero. . . 'di ko alam kung natutuwa ba akong 'yong kulot 'yon.

Eh, sa malandi 'yon, eh!

Asar.

Nagbalik sa normal 'yong buhay ko. . . na may tattoo sa braso. Medyo masakit kaya inaalagaan ko na rin. Nagresearch pa ako kung paano mag alaga ng tattoo. Lagi na rin akong naka-jacket kapag naka-uniform para itago ang tattoo pagpasok. Habang tumatagal naman, mas natatanggap ko ang nangyari. Kasalanan ko. Katangahan. Ako nagpatattoo nito. Walang pumilit. Nalasing lang. Hindi ko lang makita ang sarili kong tinitingnan ng kakaiba ng mga tao kapag nakita 'yong tattoo.

At anong maiisip ng mga prof? Ni Mama? Kung buhay ang tatay ko, matutuwa ba siya? Para akong nagrerebelde. . .kahit hindi.

Habang si Gio naman, walang muwang sa tattoo. Akala ko nga siya unang makakakita pero halos isang linggo nang nakakaraan, parang mas bulag pa siya sa mga bulag. Hinayaan ko na lang.

Nagkaroon ako ng pagkakataong makausap si Unica nang tumawag si Deus gamit ang phone ni Unica. Kinabahan nga ako pagkakitang Babaeng Gangster calling. . .sa screen ng phone. Hindi ko alam kung nadismaya ba ako o nabuhayan nang loob dahil si Deus ang nakausap ko.

"Gusto mong sumama sa amin? Tambay lang."

Napa-oo agad ako at namalayan ko na lang ang sarili kong hindi ko ata kayang kausapin si Unica nang makita ko siya. Hindi niya ako pinapansin pagdating ko sa graffiti wall sa Intramuros. Mukhang wala namang alam sila Deus dahil normal lang ang lahat.

Nag-skate ang iba. Kasama na sila Deus, Herq at Unica. May ilang nagti-tricks, tumatalon sa skateboard, may ilang nalalaglag at nadadapa pero mabilis bumangon. 'Yong iba, parang paa na nila ang skateboard nila sa sobrang gamay na. Samantalang yong mga nagmo-motor at longboard, umikot sa buong intra. Nanatili akong nakaupo, nanonood. Inaya pa ako ng isa kumain ng brownies pero tumanggi ako.

"Bahala ka, di mo talaga mararanasan ang langit."

Ngumiti lang ako. "Okay lang ako sa lupa."

Tumawa lang siya. Nakitawa rin ako.

Nang makita kong naupo si Unica sa isang gilid at binigay ang skateboard sa isa niyang kasamahan, tumayo agad ako. Nag-panic pa ako saglit pero tinatagan ko ang loob ko. Umangat ang tingin niya nang makita ako. Pero tumitig lang siya sa kawalan nang maupo ako sa tabi niya.

Tiningnan ko ang braso niya sa gitna ng dilim at kaunting ilaw na binibigay ng dala nila. Parehas talaga kami ng tattoo. Napabuntonghininga ako.

Tumingin ako sa mukha niyang nakatingin lang sa mga nag-skate. Ilang beses siyang nag-react sa iba pwera sa pagtingin ko sa kanya. Bumuntonghininga ulit ako. Alam kong galit pa rin sa akin si Unica. Alam ko ring wala akong karapatang tumabi sa kanya pero kasi. Baka. . .baka pwedeng patawarin niya ako? Nakailang minuto na rin siguro ang pagtitig ko hanggang sa nagulat ako sa pagtayo niya. Akala ko aalis na siya, pipigilan ko sana siya, pero nagulat ako nang ako ang hatakin niya patayo. Napa-aray pa ako dahil yong sa bandang tattoo ang hinawakan niya.

"B-Bakit?"

"Tara, skate."

"Skate?" pagtataka ko. "Hindi ako marunong."

"So?"

"Paano ako mag-ska—" Natigil ako sa titig niya. Galit pa ba siya? Anong nasa isip niya? Tumingin siya sa braso ko saka bumalik sa mga mata ko. Ano bang nasa isip niya? "Tuturuan mo ba ako?"

Ngumisi siya. Nanghiram siya ng skateboard. Nahiya ako dahil chineer pa ako nila Deus. Kinabahan din. Sa di kalayuan kami nagpunta para hindi makaistorbo sa mga nagti-tricks sa graffiti. Ang una niyang tinuro sa akin ang stance, kung anong paa ang nasa harap at kung ano ang taga padyak o sikad, termino nila sa padyak. Goofy raw ang stance ko dahil nasa harap ang kanan ko at sa likod ang kaliwa, 'yong magsisikad.

Inalalayan niya ako dahil ilang beses kong inakalang malalalaglag dahil sa gewang ng skateboard. Sa sobrang sanay ko sa patag, hindi ko alam kung paano kikilos sa apakang hindi ako sanay. Nang mapansin ko ang itsura namin, ako nasa skateboard at si Unica, nakahawak sa kamay ko para umalalay – natawa ako.

"Problema mo?"

"Baliktad ata tayo."

"Ha?"

"Lalaki dapat ang umaalalay sa babae."

Sinuri niya ang mata ko bago siya tumawa. Nagulat ako sa nangyari – bigla niya akong tinulak. TINULAK. Habang nakasakay sa skateboard! Nag-panic ako. Naiwan ko ata ang puso ko sa pagtulak sa akin ni Unica. Ang bilis! Parang nag-flashback 'yong buong buhay ko sa paligid. Narinig ko ang sigaw ni Unica sa gilid ko na chinicheer pa ako, naka-skate din siya, sinabayan ako.

Alam kong imposibleng atakihin ako sa puso dahil naiwan ko nga ang puso ko pagtulak ni Unica pero napigilan ko ang sarili kong mapunta sa kapahamakan. Nakaya kong tumayo nang maayos, manipulahin ang board. Nang kumalma na ang skateboard, hindi pa rin kalmado ang katawan ko. Napaupo ako sa board habang tawa naman nang tawa si Unica.

"Dapat nakita mo mukha mo! Sobrang epic!"

Nakahawak ako sa dibdib ko, pinukpok nang ilang beses. Ang bilis din ng bawat paghinga ko. Naubos ata 'yong hangin sa katawan ko.

"Nakng, akala ko mamamatay na ako. Nag-flashback buong buhay ko habang mabilis andar nung skateboard."

"OA!" Masaya talaga siyang nasasaktan ako. Napaka sadista. "Itsura mo talaga."

Pinilit kong tumawa. Pero nakng, gusto kong maluha para sa buhay ko. Pero imbis na mata ko ang lumuha, nagpresenta na ang buo kong katawan. Tagaktak ng pawis.

"Ang saya di ba?"

"Masaya?" nanlalaki ang mata kong sabi. "Sigurado ka?"

"Isa pa!"

Napapikit ako. Ilang beses huminga nang malalim. Masaya nga. Lalo na nang tumawa na kaming dalawa. Ayos na ba kami? Napatayo ako. Sumakasay sa skateboard. Isang beses akong sumikad. Nakita ko ang pagngiti niya. Mukhang ayos na nga kami.

Ilang oras din ang tinagal ko sa pag-balance. Isang sikad lang din ang kaya ko dahil natataranta na ako kapag bumibilis. Pagkatapos kumain at magpahinga, balik ulit sa tambay. Nagkuhanan na nga rin ng litrato kaya nakisama na rin ako. 'Yong bigat ng loob ko pagtapos ng paglalasing, nawala dahil sa isang tambay na ito.

Hanggang sa masyado akong natuwa sa skateboard. Hanggang sa sinubukan kong sumikad. Lumiko. At. . .naramdaman ko na lang ang siko ko na sobrang sakit. Tumayo ako pero naramdaman ko ring sumasakit ang likod ko. Agad lumapit sa akin si Unica at Deus, pero hindi ako nagpaalalay. Pumunta ako sa may graffiti wall at biglang lumagapak ang katawan ko sa sahig.

Ang sakit nito.

"Huy, ayos ka lang?" rinig kong sabi ni Unica sa akin. 'Di ko siya pinansin. Gusto ko na lang matulog. Ang sakit ng katawan ko! "Ang manok talaga nito, nasaktan lang saglit, eh."

"Saglit? May timelimit ba 'tong sakit?"

"Mayroon naman kung hindi ka mag-iinarte."

May lumapit naman sa amin, hawak ang phone ko. May tumatawag. Kinuha ni Deus 'yong phone at binigay sa akin pero umiling lang ako at pumikit. Si Deus ang sumagot sa tawag, mukhang hinahanap ako ng tumawag.

"Naaksidente kasi si trops," rinig kong sabi ni Deus habang papalayo. "Knock out agad."

Pinipilit naman ni Unica tingnan 'yong sugat ko.

"Wag mong galawin," pagsabi ko. "Agh. Mamamatay na ata ako. . ."

Lalong tumawa sila Unica. Mukhang natutuwa talaga silang may nasasaktan, eh. Naki-ride na ang din ako dahil mukhang natutuwa silang nagrereklamo ako sa sakit. Nalaman ko rin na para palang boyscout si Deus dahil may first aid kit siyang dala. Hindi na raw kasi bago 'yong aksidente at sugat.

"Bakit pa kayo nag-skate kung nasasaktan lang pala kayo?" tanong ko.

Tumawa si Deus. "Pare, bakit mo titigilan ang gusto mo dahil lang sa kaunting galos?"

"Galos? Mukha ba 'tong galos?" pagturo ko sa siko kong nagdudugo.

Binunggo ako ni Unica. "OA nito. May mas malala pa nga d'yan tapos hindi naman umiyak tulad mo."

"Di ako umiyak."

"Umiyak ka. Kitang-kita ko. Umiiyak na 'yang puso mo sa sakit. Pag-uwi mo, baka humagulgol ka habang yakap mo si Gio."

Umubo si Deus kasabay ng bulong na, "Bromance."

"Baliw."

Masakit 'yong sugat ko. Hindi naman ata na-dislocate ang spinal ko pero masakit pa rin. Nagkaroon pa ng usap at tawanan. Nakikita ko kay Unica na masaya siya. Nakangiti. Kaya kahit nagkasugat ko, nakatulog ako nang nakangiti pagkauwi.

Masaya lang lahat. Easy. Unti-unti na ring gumagaling ang sugat ko pati na ang tattoo ko sa braso hanggang sa dumating ang araw na nag-DJ Andro ako sa radio booth.

"Aris?" pagsagot ko sa tawag sa akin sa phone. "Napatawag ka? May problema?"

"Uhm, wala lang. . ."

Siguradong may problema. 'Yong kumag na Vane na naman ba 'yon?

"Hindi nga?" tanong ko ulit.

Napapadalas ang tawag sa akin ni Aris sa phone. Nalaman ko ring siya ang tumawag sa akin nang maaksidente ako sa skateboard. Pero nang tawagan ko siya pagkagising, di naman niya sinasagot. Hindi ko rin siya nakikita sa school.

"Chino, time na. . ." sabi sa akin ni Pres. Sumenyas ako ng sandali lang.

"Bakit? Anong mayroon?" Hinintay ko ang sagot ni Aris. Wala.

"CHINO!" sigaw ni Pres. Nakita ko na ang pagbukas ng ON AIR. Pinlay na ni Pres 'yong intro ng advice corner.

"Ito na," sabi ko kay pres. "Sorry, Aris. Mamaya, tatawag ako. May kailangan lang akong gawin."

"Sige okay lang. Napindot ko lang din 'yung call."

"Chino! Oras na!"

Bago pa ako makapag salita, nagpaalam na si Aris saka binaba ang tawag. Pinanlakihan na ako ng tingin ni Pres kaya di na ako umimik at pinatay ang phone. Nang mag-que si Pres, nagsalita na ako para magpakilala. May narinig ako sa labas ng radio booth na sigaw. Bigla akong napangiti. Maraming nakaka-miss kay DJ Andro.

Nabigla din kami sa dami ng tawag. Dumami ang reaksyon sa University Files. Akala ko talaga ayos na ang lahat. Akala ko masaya na. Wala namang nagbabadyang bad news, e. Mali pala ako.

Dahil may dalawang tawag sa radio booth ang nagpagulo sa lahat. Ang una, sa buhay ng iba lalo na sa university. Ang huli, sa buhay ko.


; x ;

Salamat po sa paghihintay!!!! Sa tweets. Messages. Pati comments! Thank you sa pagbabasa. Unedited. (paulit-ulit na to pero sorry talaga sa tagal ng update. /sigh)

Baka nandito kayo sa mga lugar na ito kaya kitakits sa. . .

Dec 10 - Davao woodridge (Meet up)
Dec 17 - Las Pinas (GrandPNYday)
Dec 18 - Cebu Family Park Talamban (Meet up)
Jan 29 - QC Circle (Sharm's Side meet and greet)

More info, punta po kayo sa fb.com/plsptsya < - i post (mostly) important author stuff there.

Shout out kay ate dahil sa nakakatuwa niyang dp sa twitter:

at sa (ehem) about niya (ehem) kyot-kyot. hihi. 

Salamat ulit!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top