u n c n s r d 24

u n c n s r d 24

"Hala, nasa koreanovela na ba tayo?"


"Sigurado ka ba?"

"Ha? Alin?"

"Yong Gio?"

Napailing ako at dumiretso na lang sa paglalakad patungo sa simabahan. Di pinapansin si Unica. Akala ko tapos na siya sa ilang araw na pagtatanong pero mali ako. Maling-mali. Maraming namamatay sa maling akala at baka isa na ako roon lalo na't hindi na tumigil si Unica.

Ito naman kasing si Gio, gusto lang makipag-ano, sasabihin pa sa akin. Sabi ko nga, andaming babae kung saan. Kaya lang nagiging stick to one na raw siya sa babaeng mahal niya.

Natawa na lang ako. Ang ewan kasi. Si Giuseppi? Magmamahal?

"Huy, di nga kasi?"

Hinablot niya ang braso ko para pabagalin ang paglalakad ko.

"Unica, huwag kang makulit."

"Nagtatanong lang naman. Promise naman na hindi ko pagkakalat 'yong sikreto niyo."

Napakamot na ako sa noo sa inis. "Lalaki nga ako sabi. Mahilig ako sa babae!"

Tinitigan ako ni Unica at mukhang nagpipigil ng ngiti kaya sumimangot siya. Tumingin siya sa paligid kaya napatingin din ako sa paligid. Nakng, pinagtitinginan kami ng mga taong papunta rin sa simbahan.

Huminga ako nang malalim saka nagpatuloy sa paglalakad.

"So, kung lalaki ka. . ." Ito na naman tayo. "Baka si Gio, hindi. Sabi ko sa 'yo, tumawag 'yon para ayain ka. I mean, uso 'yon ngayon di 'ba? Dalawang gwapo na magkarelasyon?"

Napakunot ang noo ko pagpasok namin sa simbahan.

"Pinapahiwatig mo bang gwapo ako?" tanong ko sa kanya.

Kumunot ang noo niya at pinanood ang pagsawsaw ko ng daliri sa holy water sa mangkok na hawak ng anghel na statwa. Nang mag-sign of the cross ako, nagsalita siya.

"Kailangan mo talaga ng holy water nang maalibadbaran ka sa mga sinasabi mo," natatawa niyang sabi at diretso lang sa pagpasok.

Itatanong ko sana sa kanya kung trip din ba niyang mag sign of the cross pero mukhang hindi. Hindi ko na lang pinilit. Diretso ako sa paghanap ng pwesto namin. Hindi pa rin tapos si Unica sa mga tanong niya.

"So, totoo ngang may relasyon kayo ng kababata mong si Gio at tumawag siya sa 'yo nang madaling araw para sabihing mag-sex na kayo dahil tigang na siya?"

Tinakpan ko agad ang bibig ni Unica dahil sa sinabi niya. Pagtingin ko sa halos katabi namin, nakatingin lang sa amin 'yong ale. Pati yong kasamang anak nung babae.

"Nasa simbahan na tayo, tumahimik ka n-Unica?!"

"Pweh!"

Agad kong nilayo ang kamay ko sa pagtakip ng bibig niya. Napangiwi ako. Napatingin ako sa kamay ko. Naramdaman ko ba talaga ang mainit na dila ni Unica sa palad ko? Sa may pagaling na sugat ko? Seryoso?

Nakng. Tama ba desisyon kong isama ko siya sa pagsisimba?

Inangat ko ang tingin sa altar.

Bro? Tama ba?

"Di masarap lasa ng palad mo."

Naupo ako habang tinititigan ang altar nang ipahid ko ang palad ko sa likod ni Unica. Bigla naman siyang nag-yuck kaya kinagat ko ang labi ko para hindi matawa. Hindi na ako nakipag-away pa nang hawiin niya agad ang braso ko palayo sa likuran niya.

"Tsaka. . . paano ako tatahimik, hindi mo pa rin sinasagot tanong ko?"

Diretso lang tingin ko sa altar. Lord, ano na? Ito na ba parusa mo dahil matagal akong di nakapag-serve sa simbahan?

"Ilang beses ko nang sinagot."

"Hindi naman totoo."

Nilingon ko na si Unica nang magsimulang maglakad ang mga batang sacristan dahil pasimula na ang misa. Nagsimula na rin ang opening na kanta.

"Totoo sinasabi ko. Hindi ka lang naniniwala."

"Bakit kasi magsasabi na natitigang siya kung hindi ikaw ang mag-aalis ng katigangan niya? Ano 'yon, nagshe-share lang siya ng feelings sa 'yo?"

Napapangiwi ako sa sinasabi niya. "Akala ko ba gusto mong subukan magsimba ulit?"

"Oo, kapag nasagot mo na tanong ko."

Saan ba nahugot ng babaeng 'to ang kakulitan niya ngayong gabi?

"Alam mo, huwag na tayo magsimba."

Ngumiti nang malawak si Unica at tumingin kay Father na naglalakad papuntang altar. "Shhh, huwag kang maingay. Nagsisimula na 'yong misa."

Napahawak na lang ako sa leeg ko. Bakit ba pakiramdam ko, hindi magiging maayos ang muli kong pagsisimba? Tama bang si Unica ang kasama ko sa araw ng pagkapanganak ni Hesus?

Okay sige. Sorry - judgmental ako.

Ayos naman pala si Unica. Kailangan lang ng guidance dahil hindi siya sanay sa mga nangyayari sa misa. May kakaiba pa ring tingin sa amin 'yong mag-ina na katabi namin sa upuan. Ngumiti na lang ako pero tinitigan lang ako ng nanay.

Habang 'yong nakaupo naman sa likuran ng pwesto namin, ikinwento na ata sa kasama niya ang talambuhay niya. Natatawa nga ako dahil sa mukha ni Unica na nag-re-react din kasabay ng boses ng nasa likuran. Natigil lang 'yong usapan ng magkaibigan nang mag-Ama Namin na.

Tinitigan ko sandali ang kamay ni Unica bago ko ito hinawakan saka kami nagsimulang kumanta. Well, ako lang. Dahil hindi nagpa-participate si Unica sa kanta at response. Tahimik lang siyang nagmamasid. Dahil umiikot ang electric fan sa tapat namin, naaasiwa 'yong mukha ko kapag tumatama yong buhok kong hinahangin. Hindi ko na napigilan ang pagkamot kaya gamit ang kamay kong hawak ang kamay ni Unica, nagkamot ako ng ilong.

Napalingon ako kay Unica nang siya naman ang humatak sa kamay kong hawak niya at nagkamot ng noo. Ewan ko kung anong naisip ko nang magkamot naman ako ng sentido. Tapos nagkamot siya ng leeg. Hinigpitan ko ang hawak sa kamay niya kaya pinalakihan niya ako ng mata.

Nawala ako sa pagkanta nang bigla niyang dinilaan ang hinlalaki ko. Hindi ko nakuha ang kamay ko dahil hinigpitan niya ang hawak. Pinalakihan ko siya ng mata. Pero ngiting-ngiti lang siya. Kahit natapos na ang Ama Namin, hindi pa rin niya binitawan ang kamay ko.

"Masakit."

Umiling siya at pumikit. Nang-aasar. "Hayaan na muna nating sipsipin ng balat mo 'yong laway ko."

Hindi ko alam kung matatawa ako o maiinis kaya hinigpitan ko rin ang hawak ko sa kamay niya at nilawayan ko rin ang hinlalaki niya. Bigla siyang bumitaw pero ako naman ang mahigpit ang pagkakahawak. Pinipigilan ko ang tawa ko dahil kinakagat na rin ni Unica 'yong kamay ko. Dinidiinan din niya ang pagtusok ng mahaba niyang kuko sa balat ko.

"Ang haba na ng kuko mo," pasigaw kong bulong.

"I know. Para may pangtusok ako sa 'yo."

Napatingin naman ako sa batang katabi ni Unica na nakatingin sa amin. Pag-angat ko ng tingin, nakatingin sa amin 'yong nanay. Masama 'yong tingin. Mukhang wala namang paki si Unica dahil pinipilit pa rin niyang tanggalin ang hawak ko sa kamay niya.

Agad kong binaba ang kamay namin ni Unica pero di ko binitawan ang higpit ng hawak ko. Pinigilan ko siyang maglikot na parang bata. Mukhang nakuha naman niya dahil napatingin din siya sa tabi niyang nanay at tumingin na lang din sa altar.

Diretso lang ang misa nang bigla akong nakaramdam ng kaba. Pagbaba ko ng tingin sa kamay ko - hawak ko pa rin ang kamay ni Unica. Hindi ko ginalaw ang pagkakahawak ko - hindi ko hinigpitan lalo, hindi ko rin niluwagan. Bigla akong natakot na galawin 'yong kamay namin.

Baka. . .baka . . . matapos?

Namalayan ko na lang na inalis ni Unica ang hawak ko sa kamay niya nang mag-peace be with you. Nag-inat kasi siya. Yumuko ako sa harap para igalang ang altar saka ako nag-peace be with you sa mga nakapaligid. Paglingon ko kay Unica, naka-peace sign ang kamay niya at ngiting-ngiti habang sinasabi ang 'peace.'

Napangiti na lang din ako at piningot ang ilong niya. "Peace."

Gusto kong maiyak nang makita kong halos magsugat na ang balat ko sa pagtusok niya ng kuko. Kung hindi niya gugupitan 'yan, ako na talaga mag-gugupit n'yan pagkatulog na siya.

Sabay kaming nag-communion nang maaga kaya nakaupo na kami agad sa pwesto namin. Dahil walang magawa, nagsabi ako kay Unica ng trivia.

"Alam mo ba, kapag dumikit sa taas 'yong ostia, ibig sabihin - makasalanan ka?"

"Ha?" Nilingon niya ako. "Sino namang nagsimula ng chismis na 'yan?"

"Totoo raw 'yon," sabi ko. "Tingin nga 'yong sa 'yo."

Mukhang nagulat siya sa sinabi ko kaya sumimangot siya. "Ayoko nga."

"Tingin."

Ewan ko kung ba't ang lakas ng trip ko nang pinilit kong ibuka ang bibig ni Unica. Pinalo niya ang kamay ko pero di ako nagpatinag kaya pinilit din niyang ibuka ang bibig ko. Natawa ako nang makitang nakadikit sa itaas ng gums niya ang natutunaw na na ostia.

"Makasalanan ka pala," natatawa kong sabi.

Umirap siya. Paano kasi, hindi dumikit sa taas ng gums ko 'yong ostia. "Eh di ikaw na anghel. Uyy, kukuhanin ka na ni Lord. Yieee."

Tawa ako nang tawa dahil naaasar na siya nang mabigla ako sa pagtabig sa akin ng dumaan. 'Yong nanay, dumaan sa harap namin kasama ang anak niya. Masama ang tingin niya sa amin nang bumulong ng, "kanina pa naghaharutan."

Nagkatinginan kami ni Unica at natahimik.

Ilang sandali, bumulong si Unica ng, "ikaw kasi."

Napangisi ako. "Hindi naman ako makasalanan."

Sinenyasan niya ako na yumuko na ginawa ko naman saka siya bumulong sa tainga ko. "Lul." Napa-atras ako at natawa nang maramdaman ko na naman ang dila niya. Kinagat ko ang labi ko dahil tumingin na naman nang masama 'yong nanay sa amin.

Hindi ko mapigilang 'di mapangiti nang magsimula na ang Panunuluyan. Madalas, ako 'yong ginagawang Joseph dahil ako ang pinaka matanda sa PCY pero laking tuwa ko ng isa sa kasamahan ko na matagal nang gusto gumanap 'yong naging Joseph. Para tuloy ito ang unang beses na nakapanood ako at mas na-appreciate ko ang buong nangyari.

Tuwang-tuwa naman si Unica nang ipanganak na si Hesus at nagsimulang kumanta ang mga tao.

Ang Pasko ay sumapit

Tayo ay mangagsi-awit

Natatawa ako dahil sobrang laki ng pagsabay niya sa pagpalakpak at halos isigaw na ang lyrics ng kanta.

Ng magagandang himig

Dahil sa Diyos ay pag-ibig.

Pinipigilan ko na siya pero wala pa rin kaya hinayaan ko na siya. kahit nakalabas na kami, hindi pa rin siya tumitigil sa pagkanta.

"Nang si Kristo'y isilang, may tatlong haring nagsidalaw! At ang bawa't isa ay nagsipaghandog, ng tanging alay!"

Natatawa ako dahil para siyang lasing sa kanta. Tapos hindi pa maganda ang boses.

Pero sige, ayos lang. Ang saya niya, eh.

"Tara, sabayan mo ako!" sigaw ni Unica dahilan para mapatingin sa amin 'yong ilang kasabayan namin sa paglabas. Kahit yong ale na may kasamang anak, ang sama na naman ng tingin sa amin. "Dali, dali! Bagong Taon ay magbagong-buhay! Nang lumigaya ang ating bayan. Tayo'y magsikap upang makamtan natin ang kasaganahan! Ay, KJ nitong taong 'to."

Napailing na lang ako at hinatak na siya para makaalis na kami sa dami ng tao. Ito ang gabing ipapakilala ko si Unica sa Tatay ko. Malamang, naghihintay na rin sila Mama at Cai kasama si Papa.

"Tayo'y mangagsi-awit habang ang mundo'y tahimik. Ang araw ay sumapit ng sanggol na dulot ng langit!"

Nang makarating na kami sa entrance ng pupuntahan namin, mula sa masayang kanta - bigla siyang natigilan.

"Tayo ay magmahaaaalan-bakit tayo nandito?" tanong niya sa akin.

Hinatak ko siya. "Gusto mong makilala si Papa?" Nakita ko si Mama na nakaupo sa may dulo kaya doon kami nagtungo. Naupo ako sa malamig na sahig, tabi ni Mama, habang si Unica ay tumitingin sa paligid. Hinainan kami agad ni Mama ng kakainin.

"Cai," tawag ni Mama kay Cai na nasa tabi ni Papa. "Kumain muna tayo, andito na ang Kuya at Ate mo."

"Pa, wait lang, ah. Marami pa akong kwento. Kakain lang kami," rinig kong sabi ni Cai saka lumapit sa amin at naupo sa tabi ni Unica.

Nagsimula kaming kumain ng hinanda ni Mama. Dalawang paborito ni Unica ang ginawa niya: Cordon Bleu at Lasgna. Tapos ang iba ay mga normal tulad ng mga kakanin, spaghetti at manok. Kinukwento ko lang kanila Mama ang pagkabaliw ni Unica sa simbahan nang mapansin kong natahimik 'yong katabi kong gangster.

"Problema mo?" tanong ko.

Tinitigan lang niya ako sa mata kaya bigla akong nailang. 'Di ko naman maiwas ang tingin ko. Bumaling ang tingin niya kay Papa, tapos sa akin, tapos kanila Mama at kay Cai, tapos sa akin ulit.

"Mamaya, makikilala mo rin siya."

Huminga siya nang malalim at tumayo. Pagtanong ko kung saan siya pupunta, binulong lang niya na kailangan niyang manigarilyo. 'Di ko na napigilan kaya hinayaan ko na.

Dumating siya matapos ng ilang minuto. Hinintay ko pa siyang kumain pero mukhang wala siyang gana dahil kaunti lang ang nagalaw niya sa hinain ni Mama. Inaya ko siyang tumayo at magpunta kay Papa - mukhang nagdalawang isip pa siya pero tumayo na rin.

Pagkalapit namin kay Papa, tumitig siya sa puntod.

"Bakit 'di mo sinabi sa akin?"

Ngumisi ako. "Ito na nga 'di ba, sinasabi ko na?"

"Shit. Tinatrato kitang shit tapos di mo sinasabing may ganito pala-"

Natawa ako. "Kapag ba sinabi kong may ganito pala, hindi mo ako tatratuhing shit?"

Sumenyas siya gamit ang hintuturo at hinlalaki niya. "Slight."

Natawa at iling na lang ako habang hawak ang leeg. "Pa, si Unica nga pala - kaibigan ko."

Hindi kumibo si Unica. Akala ko kung anong kabaitan na ang sasabihin niya nang matawa ako dahil first time ko lang na-experience ang ganitong klaseng tanong:

"Wala na bang maisip na pangalan 'yung magulang ng Tatay mo?"

Walang mapantayan 'yong tawa ko. Ilang beses ko ring kinwestyon 'yon sa sarili ko. Kahit kay Mama. Pero wala sa mga kaibigan ko ang nagsabi n'on. Laging 'sorry' o di kaya 'condolence' ang sinasabi sa akin. Kahit si Mari Solei na nagegets ang pagkawala ng magulang ay nag-sorry rin sa akin.

Si Unica lang - at ako ang kumwestyon sa pangalan ng tatay ko.

"No shit, bakit nga Alejandro Alejandro?"

Nagkibit balikat ako. Isa talaga 'yon sa mga hiwagang hindi na namin kailanman malalaman sa tanang buhay namin.

Tulad ng nakasanayan, tuwing pasko, kasama namin si Papa. Nakikipagkwentuhan sa kanya. Ikunukwento sa kanya ang binaon naming nangyari sa buong isang taon. Ito kasi ang pinaka importanteng araw kay Papa noon noong nabubuhay pa siya. Pagkabuhay ni Hesus. Walang iba, birthday man o araw ng pagkamatay. Dahil nang nabuhay si Hesus, parang nabigyan siya ng pangalawang pagkakataon mabuhay.

"Malala na kasi 'yong cancer, di naagapan," sabi ko nang makauwi na kami sa bahay at nagkukwentuhan na lang habang nakahiga. "Wala rin kasi kaming pera n'on kaya kinailangan kong tumulong kay Mama."

"Tumigil ka?"

"Hindi. Diretso lang sa pag-aaral. Pag tumigil pa ako, eh di mas magtatagal 'yong paghihirap ni Mama. Dapat maka-graduate na ako on time. May isang taon pa."

"Engineering pa, ha."

"Masaya naman ako d'on."

Natahimik naman kami sa paghiga,nakatingin sa kisame nang makita ko sa gilid ng paningin na tumingin siya sa akin kaya napatingin ako sa kanya.

"Bakit?"

"Siguro kapag namatay 'yong tatay ko, baka sumama na lang ako sa kanya sa libingan."

Natawa ako. "Grabe naman 'yon. Paano nanay mo?"

"Hayaan mo siya. Kaya na niya sarili niya."

"Baliw."

Tumayo ako. Paalis na ako nang hawakan niya ang binti ko.

"Saan ka pupunta?"

"Sa taas. May kukuhanin lang."

"Ano?"

Nginitian ko lang siya at nagsabi ng sandali. Patakbo akong umakyat. Hinalikan ko muna sa noo sila Mama at Cai na natutulog nab ago dumiretso sa kwarto. Kinuha ko ang card na ginawa ko nang isang araw saka bumaba ulit. Tinago ko pa sa likod ko, akala ko kasi busy siya sa phone ko, kaso hindi pala siya pwedeng ma-surprise.

"Ano 'yang nasa likod mo?"

Nahiga ako sa tabi niya at binigay na lang 'yong card sa kanya. Tinitigan niya ako nang masama tapos lumipat sa red at green na matigas na papel.

"Ano naman 'to?"

"Buksan mo."

Bubuksan ko sana pero pinigilan niya ako. Siya raw magbubukas. Natawa na lang ako at hinayaan siyang buksan ang Christmas card na ginawa ko para sa kanya. May print ng Christmas tree sa gilid. Mukha lang siyang normal pero dahil para maramdaman niya ang Christmas spirit, ginamit ko ang ilang Christmas lights sa bahay para mabuo ang MERRY CHRISTMAS, BABAENG GANGSTER na umiilaw at tumutunog ng Christmas song pag binubuksan.

"Tangina," natatawang sabi ni Unica. "Ano 'to-"

"Merry Chr-"

"-ang pangit ng pagkaka-print!"

Natigilan ako at napaupong tiningnan siya. "Seryoso ka bang 'yan ang sasabihin mo?"

Tumawa lang siya at inirapan ako. Tinitigan niya 'yong card. Eh, naaasar ako. Kinuha ko 'yong card pero kinurot niya ako at binawi ulit.

"Ang korni mo," sabi na lang niya. "Bakit may ganito?"

Korni ba talaga? Ba't parang tuwang-tuwa siya sa simpleng card? Minsan sarap sapakin ng babaeng 'to, eh. Hindi na lang magpasalamat.

"Wala lang. Christmas gift. Di makabili ng magarbo kaya gumawa?"

Tinitigan lang niya ako at totoong nakita ko, hindi lang imagination, ang pagkislap ng mata niya bago siya naupo saka ngumiti. Binigay naman niya ang phone ko at masayang sinabi ang, "Merry Christmas!"

Hindi ko pa na-gets noong umpisa. Pero nang senyasan niya akong tingnan ang phone ko, naka-open ang Piano Tiles 2. Sa paborito kong musika na Bluestone Alley.

Tapos.

Tapos. .

Tapos. . .

Tapos. . . ?

"NAKNG, NATAASAN MO 'YONG SCORE KO?!" Hindi ako makapaniwala! New highscore na 'yong 2.8k, eh naka 2.5k lang ako! Hala, hala, hala.

"Merry Christmas," natatawa pa rin niyang sabi.

Gusto kong maasar!

"Akala ko ba-paanong-anong-gumamit ka ng black magic?"

"Puta, black magic?" natatawa niyang sabi. "Christmas present ko sa 'yo 'yan. Matuwa ka naman."

Napangiwi ako. Nataasan niya ako sa highscore. Ng paborito ko pang kanta na Bluestone Alley! Asar. Inis na inis ako kaya naglaro agad ako ng Piano Tiles 2. Gusto ko na ngang ibato 'yong cellphone ko kasi naubusan ako ng life! Tapos hindi ko pa siya natataasan.

Hindi niya ako tinigilan sa pang-aasar na natalo niya ako. Hindi pa rin ako makapaniwala kaya kahit nakatulog na siya, hindi pa rin ako tumigil sa piano tiles 2 pero nakng, hindi ko talaga matalo!

Nakatulog ako.

Nanaginip pa ako na hinahabol ako ng mga tiles sa piano tiles. Tapos si Unica, tatawa-tawa lang.

Nagising ako na parang pagod na pagod. Agad hinanap ng mata ko si Unica pero wala siya. Imposibleng magising siya nang maaga pero may mga himala pala talaga. Tinuro ni Mama na nasa labas daw si Unica, may kausap sa phone.

Naghilamos at mumog muna ako saka nagtimpla ng kape para sa akin at kay Unica. Paglabas ko, narinig ko agad ang boses niyang parang naiinis.

"Shit na 'yan, ayoko nga. Bakit ba hindi ka makaintindi-ha? Wala akong paki sa boss mong walang puso. Ayoko. Hindi mo naintindihan? I don't want to go. I'm far away from all the bullshits there so don't come search for me. Gets na ba? Inenglish ko na para matuwa ka!"

Okay, tama bang lumapit ako?

Pero ayon, lumapit pa rin ako.

Muntik nang matabig ni Unica 'yong hawak ko buti nakaiwas agad. Nang magkatinginan kami, nakakunot ang noo niya at nakasimangot. Tapos nagtaka siya dahil ngumiti ako. Inalok ko rin sa kanya 'yong mug ng kape.

Huminga siya nang malalim bago kinuha ang kape. Uminom siya roon habang mukhang nakikinig sa sinasabi ng kausap niya. Bumuntong hininga siya bago ibaba ang tawag. May tinawagan naman siya ulit.

"Kuya." Nabigla ako sa pagkalumanay ng boses niya. Di ako sanay. "Tawagan mo ako pag 'di ka na busy. Kung di mo pa maalala, ako 'yong bunso mong kapatid. Si Unica," sabay tawa niya.

Baliw talaga.

Hindi ko siya matanong kung okay lang ba siya pagkatapos ng tawag. Mukhang hindi. Pero mukhang kalmado naman ang itsura niya matapos nung kaninang tawag.

Ito na ba 'yon? Yong sinasabi niyang buhay niyang magulo? Maingay?

Sumisip siya sa kape. "Alam mo dati, naniniwala ako sa Christmas." Tumingin siya sa mga batang naglalaro sa labas. Pati sa mga magulang na nagkakantahan ng paskong kanta. "Hanggang sa nakita kong kuya ko lang pala naglalagay ng regalo sa medyas."

Ako naman ang sumisip sa kape ko. "Bakit? Sinira ba 'yong childhood mo na si Santa Claus naglalagay ng mga 'yon? Baka naman kasi wala kayong fireplace kaya 'di makapasok si Santa?" natatawa kong sabi.

"Sira. Tanga ba ako?" natatawa niyang sabi. "Naniniwala kasi akong mga magulang ko 'yong nagbibigay ng mga regalo. Pinaniwala kasi nila ako. At for your information, may fireplace kami. Kasya si Santa pag bababa siya. Kasya rin siya kahit tumambling pa."

Natawa ako at tumango. "Anong problema doon kung hindi magulang mo? Mas may pera ba 'yong kuya mo?"

Inaya niya ako papasok ng bahay habang umiinom at nagsasalita siya. "Hindi kasi kami talaga nag-ce-celebrate ng Christmases. Tuwing nasa mga kaibigan ako, doon ko lang nararanasan magpasko. Sa 'yo, for example, first kong magsimbang gabi at magpasko sa sementeryo."

Tumango-tango ako. "Iba relihiyon ng magulang mo?"

"Kristiyano. Pero hindi sarado. Ang pasko sa amin, hindi para sa pamilya namin. . ." Nagpunta kami sa may bandang kusina kung nasaan si Mama na nag-aasikaso ng mga pagkaing ibibigay sa kapitbahay. "Ang pasko, event para sa parties. Business parties."

Tinitigan ko lang siya hanggang sa maubos na namin 'yong kape. Inutusan naman kami ni Mama na magpunta sa mga kapitbahay para ibigay ang lasagna at cordon bleu na ginawa niya. Pati chocolates na pinakpak ni Unica sa gitna ng pagbigay namin sa mga kapitbahay.

Gusto ko pa magtanong ng tungkol kay Unica. Habang nagtatagal kasi, mas nagkakaroon ako ng mas matibay na conclusion kung anong klase siyang tao. Hindi ko naman inexpect na malalaman ko agad 'yon dahil sa isang pagtawag sa phone ko. Galing kay Mama.

"Hello, Ino? Kasama mo si Unica, hindi ba?"

Tiningnan ko si Unica na masayang-masaya sa pagkain ng chocolate. "Opo, Ma. Ubos na 'yong chocolate na ginawa mo pero tapos na 'yong pagbibigay namin. Pauwi na kami."

"Ah, okay. Okay. Kasi Ino, may naghahanap sa kaibigan mo."

"Sino?"

Napalingon si Unica nang tingnan ko siya ulit. Mula sa pagngiti, biglang nawala ang ngiti niya at kumunot ang noo.

"Umuwi na lang kayo agad. Mukhang nagmamadali sila."

"Sino 'yon?" tanong ni Unica pagkababa ko ng phone. Nang sagutin kong si Mama, napahinga siya nang malalim. Parang nabunutan ng tinik.

Kaso, pagkalapit namin sa may amin - pinagtitinginan ng mga tao 'yong tatlong itim na sasakyan. Kumikinang sila. Parang out of place dito sa Bulacan. Paglingon ko kay Unica, diretso siya sa paglalakad papasok. Iniwan na ako.

Sobrang gwapo ng mga sasakyan sa labas ng bahay namin at para akong natuliro dahil ang kikinis at kintab nila! Mula bubuong hanggang gulong, walang palya. Napaataras lang ako dahil nagbukas ang bintana sa may driver's seat at tumambad ang isang matandang lalaki na naka-formal attire.

"Ah, sorry ho."

Papasok na sana ako ng bahay nang bumukas ang pinto. Tumambad si Unica at apat na lalaking naka-itim na formal attire. Tiningnan ko lang nang may pagtataka si Unica. Sumunod din si Mama sa paglabas. Nagkatinginan kami pero parang parehas kaming hindi maintindihan ang nangyayari.

Narinig ko namang nagsalita si Cai ng, "hala, nasa koreanovela na ba tayo?"

Nang lampasan ako ni Unica, nagulat ako nang hawakan ako ng isang lalaking sumusunod sa kanya.

"Sumama ka rin po sa amin."

Lumingon si Unica. "Di niya kailangang sumama."

"Gusto pong makilala ng Mommy niyo ang bago niyong kaibigan."

"Well, shit kamo. Dito lang siya sa Bulacan. Ako lang kailangan niyo, di ba?"

Medyo nawi-weird-uhan na talaga ako kaya tinaas ko ang kamay ko.

"Mamamatay ba ako rito?" tanong ko.

"Hindi po."

"Ayos. Tanong lang, nasa koreanovela ba tayo?"

Kumunot noo 'yong lalaki. "Hindi."

"Wow mali?"

Nangingiti na 'yong isang nasa likuran. "Hindi," sabi nung kumakausap sa akin.

"Ihahatid niyo ba ako pauwi dito sa Bulacan?"

Pagka-oo, ako pa naunang pumasok sa binukas nilang pinto.

Sa pagpasok ko sa gwapong itim na sasakyan, katabi si Unica na mukhang badtrip - alam kong ito na 'yon. Malalaman ko na kung sino nga ba talaga si Unica Fae Valentine.

; x ;

* insert K-Drama OST blah blah blah *

Isa sa mga kaganapang kahit anong iwas ko pa, kailangan ko na talaga ibigay. (huhuhuhahahuha)

Hi! After 2 months, 3 weeks and a day, ito na ang update! Yes. I know. Umiyak na lahat ng tala, di pa rin ako nakapag-update. Naging busy sa school, yada-yada-yada.

THANK YOU sa mga nagpunta sa Flux exhibit (KWATRO AKO SA EXHIBIT MGA BEH KAYA THANK YOU!) tapos nakipag mata sa mata noong MIBF.

Pero mas thank you sa walang humpay na paghihintay, mga messages, mga comments at mga tweets kahit sa IG saying na miss niyo na sila Chino at Unica and friends. Salamat kasi kahit antagal, hindi kayo bumibitaw.

Mag iisang taon na ang uncensored sa October! yehey! (or not. huhu)

Tweet of the (day) update:

Bentang-benta po sa akin! huhuhu. Kung pwede ko lang i-print screen lahat ng bentang tweets, eh. huhu. Thank you!

Word vomit, not edited ang update. Pagpasensyahan ang mga typos at mali. Sinusubukan kong magbalik loob na ulit sa pagsusulat! Sana. Sana.

Salamat ulit sa pagbabasa!

- Rayne

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top