u n c n s r d 23


u n c n s r d 23

"Ang sweet naman. Kinilig ako nang bahagya."


Nagkuwari akong tulog.

Oo na, ang babaw na nga pero kinakabahan talaga ako. Halos tahimik sa loob ng kubo, at sigurado akong naririnig ni Unica ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Nagpapasalamat din ako dahil medyo madalim na, pero sana natago ng dilim ang pagngiwi ko.

Dahil nakng, pinisil ni Unica 'yong kamay kong may sugat sa palad!

Naghintay lang ako hanggang sa naramdaman kong binitawan niya ang kamay ko. Narinig ko ang paggalaw niya at ang halos iika-ika niyang paglakad palayo. Nang maramdaman kong nasa may lutuang parte na siya, nilingon ko siya at kita ko ang pagkapa niya sa paligid, at panginginig ng tuhod – kung sa takot sa dilim o sa sakit ng paa niya, hindi ko sigurado.

Sinundan ko ang halos anino niyang lumabas ng kubo bago ako napatingin sa taas at napahinga nang malalim.

Ano kayang nasa isip ni Unica ngayon?

Napapikit na lang ako sa daming pumapasok sa utak ko.

Hindi ko sigurado kung nakatulog ba ako dahil gabi na nang dumilat ang mga mata ko. May malaking flashlight at kandilang nakasindi sa may lutuan. Nandoon si Unica, ginagamit ang lutuan, habang si Mang Jose naman ay nakaupo sa may lamesa malapit sa lutuan.

"—Hindi ramdam ang pasko rito. Ang simoy, oo, malamig – ngunit ang kasiyahan, nasa ibaba lang ng bundok makikita. Baka ayain ko ang mga anak ko sa pasko rito para kahit papaano ramdam ang saya. . . Ngunit ito talaga ang gusto ko. Tahimik. Siguro dahil na rin sa katandaan at sawa na sa magulo at maingay na mundo."

Tumawa si Unica. "Hindi pa naman ako matanda, bakit gusto ko na agad ng katahimikan?"

"Bakit, iha? Magulo ba ang mundo mo?"

"Kung katumbas ba naman ng magulo 'yong magarbo, siguro nga. Riot pa nga, eh."

Si Mang Jose naman ang tumawa. "Ah, talagang gugustuhin mo ngang manatili rito. Simple lang ang buhay. Hindi masyadong busy at walang gaanong responsibilidad kundi ang mabuhay. Wala ring signal kaya hindi gaanong nakakausap ng iba kung hindi bababa ng bundok. O kung sakaling magsalita na ang kapitbahay ko, eh di may kausap na ako." Tumahimik sandali. "Mas gugustuhin ko sigurong makausap ang mga manok ko."

Nagtawanan silang dalawa at nanatili akong tahimik na nakatingin sa kanila, nakahiga. Hindi nagkukunwaring tulog pero mukhang tulog pa rin.

"Responsibilities nga siguro. Malaya naman ako last time kaso may dumating," sabi ni Unica habang nagpapapaypay ng gatong. Amoy chicken. Mukhang matutuloy ang fried chicken na ulam para sa hapunan. "Mas gugustuhin kong magpaypay ng uling kaysa makasama yong dumating."

"Aya, tinatakbuhan mo?"

Tumitig sa nagbabagang uling si Unica bago siya lumingon kay Mang Jose. At dahil nasa halos likuran ako ni Mang Jose, napaharap siya sa gawi ko. Pumikit ako, kunwari tulog. Pero huli na dahil nakita na ni Unica ang dilat kong mga mata.

"Gising na pala ang kumag."

Nilingon ako ni Mang Jose saka ngumiti. "Good evening, iho. Kitang-kita ang pagod sa'yo, ah."

Bumangon ako at nag-indian seat sa may papag. Napaaray kaunti dahil sa sugat sa paa at palad. Sinuot ko ang salamin ko para mas luminaw ang paligid.

"Nangangamoy chicken," sabi ko na lang na nagpatawa kay Mang Jose.

"Gutom na gutom ang pagod na bata."

Nang matapos ang pagluluto ni Unica, binuhos ni Mang Jose ang buhangin na nasa ibaba lang ng lutuan para mamatay ang apoy. At dahil malamok daw sa labas tuwing gabi, sa loob kami kumain. Medyo nahirapan lang ako dahil nakakamay, tapos may sugat ako sa palad. Buhay nga naman.

Napatingin ako kay Unica sa gitna ng usapan. Nagkamot siya ng pisngi niya. Bigla akong kinabahan. Naalala ang nangyari kanina. Yumuko na lang ako at kumagat sa chicken.

"Ikaw ba, iho, bakit ka sumama rito?"

"Ha? Ako?"

Natawa kaunti si Unica. "Iho nga, eh. May iho ka pa bang katabi d'yan na di namin alam?"

Hinayaan ko lang si Unica at sumagot. "Napilitan lang ho."

"Napilitan? Lul. Hindi kita pinilit—"

"Ah, napilitan," sabi ni Mang Jose at uminom ng tubig. "Ngunit lahat tayo ay may desisyon. At desisyon mong magpapapilit dito sa kasama mo."

May punto siya.

Kahit na!

"Mahirap na, nasa lugar ko siya, baka kung mapaano."

"Desisyon mong hindi ako pabayaan, ganon?" sabi ni Unica. Napaangat ang tingin ko sa kanya at nakatingin lang siya sa akin. Paglingon ko kay Mang Jose, nakatingin lang siya sa amin. "Ang sweet naman. Kinilig ako nang bahagya."

Biglang tumawa si Mang Jose. "Ang kukulit niyong mga bata kayo." Tumayo siya pagkatapos niyang kumain at may kinuha sa gilid. "Papakainin ko lang din ang mga alaga ko. Dito lang kayo. Ako nang maghuhugas dahil ayaw ko namang masira ang mga kutis niyo dahil sa lamok, aba'y nagkasugat na nga kayo."

Pagkalabas ni Mang Jose sa kubo, nilamon kami ng katahimikan.

Nablangko na lang bigla ang utak ko kahit gusto kong makipag-usap sa kanya. At mukhang wala rin siyang sasabihin sa akin. Sobrang ramdam ko ang awkward silence nang mapansin ko na naman ang paghawak niya sa pisngi niya.

"Okay na ba?" Nilingon niya ako kaya napaiwas agad ako ng tingin.

"Alin?"

"'Yong sugat mo, masakit pa?" tanong niya.

"Medyo."

Bumulong siya. Hindi ko gaanong narinig pero may mga salitang hawak at kanina.

"Ano 'yon?" tanong ko. Alam kong hindi niya uulitin. Nagbabakasakali lang.

"Sabi ko, kasalanan mo kasi."

Natawa ako. "Ako pa talaga may kasalanan? Sino bang unang nasaktan sa atin?"

Sarkastiko rin siyang tumawa. "Wow. Nainggit ka bang nasaktan ako kaya sumugod ka para masaktan din? Nagsorry na nga ako kanina, di ba?"

"Unica." Nagseryoso ang mga mukha namin pagtawag ko sa pangalan niya. "Ano ba talagang ginagawa mo rito sa Bulacan? Sinasamahan na kita kung saan-saan. Nagkasugat na tayo't lahat. Sino ba 'yong dumating?"

Ngumisi si Unica at kumagat sa manok na kinakain. Tiningnan ko lang siya habang kumakain at uminom ng tubig. "Nakikinig ka pala. Akala ko ba tulog ka?"

"Narinig ko la—"

"Narinig o pinakinggan?" tanong niya nang may pagtataka sa mukha. "Kasi desisyon mong hindi pakinggan ang isang bagay kung gusto mo, sabi nga ni Mang Jose."

"May tainga ako. Ikaw na rin nagsabi noon na hindi mapipigilan ng tainga ang naririnig kahit ayaw pa marinig."

Tumahimik kami sandali. Tapos bigla siyang tumawa. Hindi ako tumawa kaya nang matigil siya, sumimangot siya. Umirap siya sa akin at kumuha ulit ng bagong parte ng manok saka kumagat doon.

"Hayaan mo akong kalimutan muna lahat ngayong pasko, pagkatapos, sasabihin ko sa 'yo."

"Sigurado ka? Hindi ka nagtatago dahil may napatay ka?"

Nakatitig lang siya sa apoy ng kandila. Kung may hawak lang akong camera, baka nakuhanan ko na ang magandang pagkakataong 'to.

"Kung mapapatay kita ngayon, dapat ba magtago ako? Sana maki-cooperate sa akin si Mang Jose na ihagis ka sa sapa kung sakali."

"May lahi kang mamamatay tao," sabi ko nang halos natatawa na rin at kumuha rin ng manok.

"Wala. Pero baka magkaroon. Ako magsisimula ng lahi," sabi niya at nilingon ako. "Sa tingin mo?"

Hindi ko sigurado kung seryoso ba 'to o nagloloko pa rin, eh.

"Pwede, pero siguro mas maayos kung accomplice ako kaysa biktima."

"Talaga ba? Di bale, pwede ko namang patayin ang accomplice ko, di ba?"

Napabuntonghiniga na lang ako sa babaeng ito. Ayaw magpatalo! Natawa ako. "Anong gusto mong pagkain sa pasko?"

"Huh?"

"Papaluto ko kay Mama, para pagkauwi masabi ko agad sa kanya. Makabili siya ng mga gagamiting pangluto."

Mukha siyang nagulat pero agad siyang ngumiti. "Talaga?"

"Oo nga. Kung may signal nga lang ngayon, itetext ko sa kanya, eh."

"Tangina!" Tumawa siya na para bang nabunutan siya ng tinik. "Ang bait-bait mo talaga, sana kunin ka na ni Lord!"

"Baliw," sabi ko. Binato siya ng maliit na buto kaya napaiwas siya at sinamaan ako ng tingin. "Basta sasabihin mo sa akin kung anong nangyayari."

Ngumisi siya. "Sigurado ka?"

"Bakit?"

Umiling siya. "Papakita ko pa sa 'yo."

Pagkatapos n'on, parang nawala lahat ng awkwardness sa hangin at pagitan naming dalawa. Kung anu-ano na ang napag-usapan namin habang nagpapalipas ng oras habang nakaupo sa papag at nakasandal sa kawayang dingding. Nalaman ko rin kung anong mayroon sa brownies na dapat ipapakain sa akin dati n'ong mga katropa niya.

"Marijuana," sabi niya.

Kung may iniinom o kinakain lang ako, baka nabulunan na ako.

"Marijuana 'yon? Bakit mukhang brownies?"

"Gago. Kasama sa ingredients."

"Ah." Natahimik ako. "Kaya ba parang ang sasaya nila?"

"Yeah. Mga wasted," sabi niya. "Wait, paano mo nalaman na epekto ng MJ?"

"Wala akong gaanong alam sa mga ganito, pero tao pa rin naman ako."

"Tapos hindi mo alam 'yong sa brownies?"

"Ang alam ko lang parang sinisigarilyo sila, hinihithit, tapos ang reaksyon doon ay matatawa lang. Parang relaxed lagi," sabi ko. Tumango si Unica. "Kaya ba gumagamit ka?"

"Tangina?" Tinulak niya ang mukha ko kaya napaatras ako. "Mukha ba akong stoner? Hindi, uy!"

Natawa ako. "Defensive, ah."

"Nakasubok, oo."

"Nang ilang beses?"

"Anong paki mo? Hindi ako dependent. Na-curious lang. Gusto mawala sa reyalidad. Tumawa nang tumawa na walang iniisip."

"Dahil sa dumating?" tanong ko. Hindi siya nakapagsalita pero ang reaksyon ng mukha niya ang sumang-ayonsa tanong ko. "Gagamit ka ng bawal at delikado dahil lang kung ano man ang dumating?"

"Bawal, siguro. Pero hindi 'yon delikado! Well, sa akin – dahil sa buong buhay ko, tatlong beses lang ako sumubok. Tatlo lang! At matagal interval. Months – years! Ang delikado 'yong sobra. Nagtatagal."

"Delikado pa rin. Sumubok ka."

"Hindi, ah!" sabi niya. Natatawa ako sa pagkadefensive niya. "Ginagamit na panggamot 'yon! Organic pati, walang halong chemical. Delikado lang kapag naging dependent na. Nagiging paranoid na. Tipong di na mabuhay nang walang tine-take. Lahat naman ng sobra, kahit gaano pa kabuti, negatibo ang epekto. Ang chemo theraphy nga, kaya paminsan-minsan lang kahit pinapatay ang cancer cells kasi kapag sumobra, delikado. Nakamamatay."

Tumawa ako at tumango saka nahiga sa papag. Tumitig sa kisame.

"Seryoso. Hindi ako adik. Subok lang, I'm a curious mind. Gusto ko ng mga bago at adventure." Kumuha siya ng unan sa gilid at niyakap 'yon. Para siyang bata. "Ang bisyo ko lang siguro? Yosi at alak. At adventure."

Ngumisi ako saka tumingin sa kanya mula sa pagkakahiga. "Hindi ka nanigarilyo ngayong araw. Hindi ka rin nag-inom. Congrats."

Lumawak ang ngiti niya. "Nagyosi ako kanina. Tulog ka."

"Sayang naman pag-congrats ko."

Tumawa siya kaya natawa rin ako. Isa talaga ang tawa niya sa mga nakakahawang tao – hindi malaman kung gusto ko bang naririnig o ayaw ko.

"Beer siguro yung binabawasan. Iwas-iwas sa beer belly." Natahimik kami saka siya dumausdos pahiga sa tabi ko. Tumingin din siya sa kisame. "Nung nakilala kita, ang pinaka kakaiba lang atang ginawa mo ay 'yong binuhat mo ako kanina kahit sugatan ka. Akala ko nga for a second, ibang tao 'yong kasama ko."

"Kaya ko namang magbuhat ng babae."

"O? Akala ko kasi ikaw pa binubuhat ng mga babae."

Ngumiti ako. . .pero naglaho rin. "Ganyan din sinasabi nila."

Nakita ko sa gilid ng paningin ko ang pagtingin sa akin ni Unica. "Sinong nila?"

"Bakit gusto mong malaman?" tanong ko nang lingunin ko siya. Sumimangot siya kaya kinuha ko ang unan at tinakip ang mukha niya. "Huwag mo na alamin. Para misteryoso."

"Hala, ang daya."

"Ako pa talaga?" natatawa kong sabi saka gumalaw at tiningnan ang kandilang sobrang liit na lang at malulusaw na ang kaunting nakatayo. "Ikaw nga 'tong madaya."

"Sabi ko naman sa 'yo, di ba, sasabihin ko sa 'yo. Papakita ko pa, huwag lang ngayon."

Nilingon ko ulit siya at nagtitigan ulit kami. Pinagdikit ko ang mga kilay ko at ngumuso. Tapos tinaas niya ang kilay niya, sobrang taas at nanlaki ang mata. Nanliit naman ang mata ko. Nilakihan niya naman ang butas ng ilong niya. Sumimangot ako nang sobrang simangot. Nagpaduling siya. Ngumanga ako.

Tapos biglang dumilim.

Mukhang nalusaw na 'yong kandila.

Napasigaw si Unica at kumapit sa braso ko. "Tangina, tangina, tangina," sabi niya paulit-ulit sa kadiliman.

Nabigla rin ako pero iba talaga ang kay Unica. May takot talaga sa dilim. Sobra ang kapit niya sa akin na para bang bata siyang nawawala. At bigla na lang, tumawa ako. Oo, natawa talaga ako dahil ang huli kong nakita bago magdilim ay ang distorted na mukha ni Unica.

Natawa rin siya at lumawag kaunti ang hawak niya sa braso ko.

"Tangina 'yong mukha mo, ang pangit."

Tumawa ako lalo. "Kung nakita mo lang 'yong sa 'yo."

Lalong lumakas ang tawanan.

"Nasaan na ba si Mang Jose, sabi niya papakainin lang niya mga alaga niya?" tanong ko.

Natahimik si Unica saka nagsalita. "Ang gwapo talaga ng boses mo."

Natahimik ako.

"Kaso mas lalaki pa ata 'yong boses ko kaysa sa 'yo."

Saka siya tumawa ulit.

"Baliw."

Ayaw ko sana dahil gusto ko na rin ang dilim pero ilang beses ako tinulak ni Unica para lang magsindi ulit ng kandila. Ang baliw na babae, nakatulog din naman agad. Lumabas ako sa kubo para sana hanapin si Mang Jose pero nakita ko siyang nakahiga sa may duyan. Bibigyan ko sana siya ng unan at kumot pero nang ibibigay ko na, nagising siya at sinabing huwag ilabas para hindi madumihan.

Nagpasalamat siya nang ibigay ko na lang ang twalyang dala ko para pangkumot sa lamig ng gabi.

Kinabukasan, una kong pinuntirya ang duyan na hinihigaan ni Mang Jose kagabi. Tahimik namang nagdo-drawing si Unica sa paikot na lamesa at upuan sa gitna ng puno ng mangga. Si Mang Jose naman, nasa sapa raw, naliligo. Kaya ako, tambay sa duyan.

Pumikit ako at napangiti; siguro kung wala rito si Unica, baka hindi ko 'to nararanasan ngayon.

Dapat ba akong magpasalamat? Baka matuwa. Sige, wag na lang.

Nasa kalagitnaan ako ng pagduduyan, pagtingin ng tanawin at pag-relax nang lumapit si Unica sa akin at nagulat ako sa bigla niyang pagtulak sa tiyan ko. nang sobrang lakas!

"Nakng, masakit?!"

May iniwan siyang papel sa ibabaw ng tiyan ko bago lumayo sa akin. Napa-aray ako sa sakit ng tiyan ko dahil sa tulak niya. Sinikmuraan ako, nakng. Pagkuha ko sa papel na iniwan niya, parang tumigil sandali ang lahat sa nakita ko.

Tapos napangiti ako.

Dinrawing niya ako habang nasa duyan.

Natawa ako. Hindi ko in-expect pero natawa talaga ako, hindi mapigilang ngumiti. Tiningnan ko siya mula sa malayo na kausap si Mang Jose. Napailing ako. Kakaiba talaga ang babaeng 'yon.

Tinitingnan ko lang ang drawing nang may mapansin akong may drawing din sa likod. Pagkatingin, napahawak ako sa batok at napangiti. May drawing ng chibi niya roon, tulad ng drawing niya noong kinuha niya ang bag ko para tulungan ko siya sa paper niya. Ngayon, nakasulat sa speech bubble ay, 'thanks, really.'

Nang lumapit siya sa akin, tinawag ko siya. "Uy—"

Tinaas niya ang kamay niya, para patigilin ako sa pagsasalita. "Shut up."

Lalo akong napangiti sa reaksyon niya habang si Mang Jose naman ay napangiti rin. Tinago ko 'yong drawing sa bag ko. Balak ko sana siyang asarin kaso aalis na pala kami pagtapos kumain. Nagpaalam kami kay Mang Jose. Mukhang binigyan din ni Unica ng drawing si Mang Jose na paulit-ulit nagpasalamat.

Nang makasakay na kami sa jeep pauwi, nilingon ko siya. Parehas kaming nasa skribo, malapit sa babaan.

"Bakit si Mang Jose hinahayaan mong magpasalamat sa 'yo paulit-ulit?"

"Paki mo ba?"

"Bawal ako magpasalamat?"

"Shut up."

Natawa na lang ako sa babaeng 'to. Napaka-unpredictable talaga.

Nang makababa sa bundok ang jeep, tuloy-tuloy ang nakuha kong mga mensahe. May mga text galing sa mga kaibigan ko, pero mas marami kay Mama. Sobrang paranoid! Nag-text ako na pauwi na kami saka siya tumawag agad at nagtanong kung anong nangyari.

Pagkauwi sa bahay, doon ko kinwento kay Mama ang nangyari sa gitna ng pagkain. Todo alaga pa siya sa amin ni Unica dahil sa mga sugat. Nakisali din sa usapan si Cai, at nang makasali si Unica sa usapan, parang bigla akong naging hangin sa pamilya ko.

May bisita lang kami, na-hu u agad ako ng pamilya ko?!

"Bakit pasko lang?" tanong ni Mama kay Unica. "Sa amin ka na rin mag bagong taon. Naku, pwede ka rin mag-model sa RTW store ko. Ideya mo 'yon Cai, di ba? Magpost tayo doon sa FB?"

"Oo, Ma. Bagay kay Ate Astig yong ibang damit doon. Siguradong marami likes ng page natin nun!"

"Nako," natatawang sabi ni Unica. "Maliit na bagay."

Ako naman ang tumawa. Pinanliitan niya ako ng tingin kaya nag-iwas na lang ako ng tingin.

Matapos tumambay sa hapagkainan, sasamahan ko sana si Unica maglibot sa lugar namin nang pigilan kami ni Mama.

"May sugat kayo sa paa! Anong maglilibot? Walang maglilibot! Hala, sige. Doon sa sala!"

"Ma. . ." Napakamot ako sa batok. Nakakahiya sa bisita, para kaming bata. "Baka d'yan lang kami. Sa court pati sa simabahan."

"May sugat nga kayo! Kung gusto niyo makasalamuha ng bagong mukha, doon kayo, sa store. Magbenta kayo roon. Hindi pwedeng maglakad-lakad aba, gusto niyong lumala mga sugat niyo?"

Ayaw ko sana magbantay sa store kaso si Unica na ang nagpumilit. Habang umiinom ng shinake niyang coke in a bottle, at nagtulakan dahil gusto niyang buksan ang coke malapit sa akin, so far so good naman ang pagbabantay sa store.

Mas nakikita ko na ang pagiging sociable ni Unica, at 'yong charm niya para makausap 'yong mga tao. Hindi siya naging creepy sales lady. Siya 'yong sales lady na makikipagkwentuhan pa sa 'yo, tapos tatanungin kung anong mga trip sa buhay. Nakakapanatagan ng loob.

Kaya siguro kumportable ako sa kanya, ang baliw kasi, eh.

May isa ring babae na binigyan niya ng 'fashion advice' kaya bumili ng sampung damit sa isang puntahan lang. Tawa nang tawa si Unica dahil siya raw ang magpapayaman sa amin.

"Baliw," na lang ang nasabi ko.

Tapos, ang isa sa mga hindi ko malilimutan ay may isang batang lalaking bumili ng panyo sa isang araw. Sa sumunod na araw, bumili siya ng medyas. Sa isa pang araw, bumili siya ng keychain. Nang hindi na kami nagbabantay ni Unica sa store, pagkagaling namin sa paglalakad, may binigay si Cai na origami na heart.

"Ano 'to?" tanong ko pagkakita doon sa papel.

Nagtaka pa ako dahil gamit na papel ay 'yong intermediate paper ng mga grade school na may bluish violet at red lines. Tapos ang nakasulat doon sa gitnang papel, KAY ATE GANDA.

"May admirer ka," sabi ko.

Kukuhanin ko sana 'yong papel para buksan yong heart origami pero nilayo niya sa akin. Nakalmot pa ako dahil mahaba na ang kuko niya.

"Admirer ko nga, di ba? Hindi 'mo'?"

Naupo siya sa may hapagkainan kaya napakunot noo ako. Nakita ko ang pagbuklat ni Unica ng papel. Natawa siya sa nabasa niya. Weirdo. Anong nakasulat doon?

"Bagal-bagal," biglang sabi ni Cai habang nanonood siya ng koreanovela niya. Bago naman dahil nakatapos na siya ng dalawang series. "Naunahan."

Tiningnan ko si Cai nang nakakunot noo. Hindi ko na lang pinansin sinasabi niya.

Simula nang dumating si Unica sa bahay, sa sala na kami natutulog. Hindi ko naman siya pwedeng iwan na lang habang nagpapakasaya sa kama ko sa itaas. Ganito pala kapag may bisita, kailangan ko ring maghirap.

Habang nanonood kami ng youtube videos at nagkukumento sa mga napapanood, bigla siyang nagtanong. Hindi ko inaasahan.

"Matagal nang bumabagabag sa akin to, pero nasaan Papa mo?" Pinause niya ang youtube na naka-play sa phone ko saka niya ako tiningnan nang mataman. "Bakit wala siya rito sa bahay niyo?" Nilingon niya pati ang paligid. "Wala rin akong nakikitang picture niya."

"Bakit curious ka?"

Nagkibit-balikat siya. "Natanong ko lang. Hindi rin kasi siya nababanggit, parang he-who-must-not-be-named."

Tumingin ako sa kisame. Matagal na nga nang huli kong punta kay Papa.

"Gusto mo ba siya makilala?"

Nilingon ko siya, ganoon din siya sa akin.

"Gusto mo bang magkakilala kami?"

Nag-ayos ako ng higa sa nilatag na kutson.

"Oy, ano na?" tanong niya. Hindi ako nagsalita. Tinulak-tulak niya ako. "Oyy, huwag mo akong tulugan, aba."

Tinakpan ko ang mukha ni Unica gamit ang isang kamay, pinapapikit siya. Hindi ko inalis ang kamay ko sa mukha niya, hindi rin naman niya inalis.

"Matulog ka na," sabi ko. "Goodnight."

"What the, seriously?"

Tinanggal niya ang pagpatong ko ng kamay sa mukha niya. Nagtulog-tulugan lang ako habang nakangiti. Kinurot naman niya ang magkabila kong pisngi kaya napadilat ako. Naramdaman ko rin ang pagbaon ng kuko niya sa balat ko.

"Ano 'yon? Anong nginingiti-ngiti mo d'yan? Anong reaksyon 'yon?!"

"Aray, aray! Yong kuko mo, masakit!"

"Mabuti naman maramdaman mo. Ang seryoso ng usapan bigla mo akong tutulugan?"

Tinatanggal ko ang paghawak niya sa pisngi ko nang mapatingin kami parehas sa cellphone ko. Nag-iingay. Madaling araw na! Pagtingin ko sa screen, si Gio. Tinanggal ni Unica ang pagkurot sa pisngi ko nang sagutin ko ang tawag. Naupo rin ako.

Bago pa ako makapag-hello, narinig ko agad ang sigaw ni Gio sa kabilang linya.

"Pre! 'No! 'No, tulong! Natutuyot na ako, gusto ko nang makipag-sex!"

Kung matatawa ba ako o maiirita, hindi ko alam.


; x ;

unedited. expect lots of errors, typos at kabangagan. 

salamat sa pagbabasa! ♥ ♥ ♥

oh di ba, ang bilis ng update ko. *pats my back* haha!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top