u n c n s r d 22


u n c n s r d 22

"Ahh, ang sarap naman."


Mukhang mahilig din si Unica sa koreanovelang pinapanood ni Cai dahil doon siya dumiretso pagtapos ng mahaba-habang usapan at paliwanagan. Mga isang oras at kalahati. Pagod nga ang pakiramdam ko. Para akong sumabak sa labanan.

Kaso, muntik kong mabuga ang iniinom kong tubig sa tanong ni Mama.

"Ino, sigurado ka bang hindi mo siya nabuntis?"

Naubo ako kaya napatingin sa amin ni Mama sa may kusina si Unica. Tumaas ang kilay niya sa akin, tapos ngumiti kay Mama na ibinalik din ni Mama. Bumalik atensyon ni Unica sa TV. Adik na adik naman si Cai, sinusulit ang bakasyon para makarami ng panonood. Parang mga bata, nakaupo sa sahig.

"Ma, ano ba? 10 months sinabi niya, naniwala ka agad?"

Umupo siya sa tabi ko at hinawakan ang balikat ko. "Kumalma naman na ako, Ino. Pwede ka na magsabi ng totoo kahit di ba, ang sabi ko sayo bago ka lumuwas pa-Maynila, mas maigi at fulfilling kapag pagtapos makasal ang unang gawa?"

"Ma. . . hindi nga sabi."

Mukhang wala siyang naririnig sa sinasabi ko. Tumawa siya. "Naku, parang kami ng Papa mo. Noong una naming sinubukan gawin ka, aba'y di namin sigurado kung anong gagawin. Nag-experiment pa kami."

Tumayo na ako bago pa lumala ang usapan. "Alam mo Ma, mag-aayos pa ako ng gamit. Maaga pa kami aalis mamaya—" Naghuling lagok ako sa tubig bago hinugasan ang baso.

Palayo na ako sa kinauupuan ni Mama nang magtanong siya ulit.

"Virgin ka pa rin ba, Ino?"

"Anong klaseng tanong—"

Tumayo si Mama at umiling. "Naniniwala na akong hindi mo siya nabuntis." Bumuntong hininga siya. "Hindi ko sigurado kung matutuwa ba ako o hindi, Ino, anak. May 5th year ka pa naman sa Engineering, di ba. Salat ba sa babae sa kurso mo?"

Tinitigan ko si Mama habang nagdarasal na sana panaginip lang ang lahat. Kaso ilang segundo na, magkatinginan pa rin kami. Naghihintay pa rin siya ng sagot.

"Crush ka ba niya?"

Nagkamot na lang ako ng noo at nagpaalam.

"Akyat muna ako."

May sasabihin pa sana si Mama kaso tinitigan ko na siya nang masama. Sinulyapan ko sila Unica at Cai sa sala na mga seryoso sa panonood. Patakbo akong humakbang paakyat para makapag-ayos din ng gamit sa pagpunta namin kanila Mang Jose.

Bumaba ako ulit pagkatapos kong mag-ayos ng gamit. Kung anu-ano pa ang gusto ipadala ni Mama buti napigilan ko. Isang araw lang naman siguro ang ilalagi namin sa bundok. Ilang minuto ko rin siyang kinumbinsing hindi tanan ang gagawin. At pwede pa niya kausapin si Mang Jose kung trip niya. Kaso ayon, natulog din sa kwarto.

Binato ko ng unan at kumot ko kay Unica na nakaupo lang sa sahig.

"Aray, tangina!"

Natawa ako dahil sapol sa mukha niya 'yong unan. Habang si Cai naman sa tabi niya, napatingin sa kanya na nakanganga pa.

"Hala, bad word. . ." sabi ng kapatid ko. "Bad yon."

Ngumisi si Unica at nilayo ang unan at kumot na binato ko. "Uy, oo nga. Bad word 'yon. Try mo rin. Tang-iiihhh-naahh. Tangina!"

Agad ako lumapit sa dose anyos kong kapatid at tinakpan ang tainga niya. Tinitigan ko nang masama si Unica na natatawa. "Huwag kapatid ko."

"Naks, possessive brother."

Natatawa naman si Cai na 'di ko malaman.

"Umakyat ka na, bukas mo na tuloy panonood. Baka kung ano pa mapulot mo sa babaeng 'to."

Pagbaling ko ulit ng tingin kay Unica, ngumiti lang siya at pumikit-pikit na parang ewan. Umiling na lang ako at pinilit ang kapatid kong umakyat na.

"Ate Astigggg, tulong!" sigaw pa ni Cai habang hinahatak siya.

Matapos ng hilahan paakyat, binuhat ko na si Cai para sapilitang paakyatin. Pagsasabihan ko sana si Unica na huwag siyang BI sa kapatid ko kaso nasa hagdan pa lang ako pababa ulit, napansin kong tulala siya sa pagkakaupo niya.

Nagdahan-dahan pa ako sa pagbaba para di ko maistorbo pag-iisip niya kaso napatingin siya sa akin. Hindi ko sigurado kung anong sasabihin o gagawin ko. Pero nakng, huli na ang lahat! Binato niya ako ng unan! Sapul sa mukha ko!

"Makaganti lang, hayup ka," natatawa niyang sabi. "Akin na 'yan, gagantihan ulit kita."

"Grabe 'to, isa lang dapat."

"Ano ka, babae ako, nasa upper hand dapat ako!"

Umismid ako. "Aw, nasaan na ang equality sa mundo?"

Tumawa siya. "Equality mo mukha mo, girls rule."

Natawa na lang ako sa kabaliwan niya. Nagpaalam siya na maliligo muna dahil amoy alak at pawis at byahe pa raw siya. Nakatulog naman ako sa sahig. Siguro ilang minuto na ang nakalipas nang maalimpungatan ako at napadilat kaso – wrong move!

Napapikit agad ako bago pa siya humarap. Bakit siya nagbibihis dito sa sala, pwede naman sa CR?! Biglang bumilis tibok ng puso ko. Ah, kailangan alisin sa isip. Nakatalikod lang 'yon. Nagsusuot lang sa likod. Chino, madalas mong makita bra ng nanay mo. Ikaw pa ang bumili ng baby bra ng kapatid mo – anong klaseng reaksyon 'yan?

Para anakngtokwa, lalaki pa rin naman ako.

Nasa gitna pa ako ng pagkalma nang mapa-aray ako sa malakas na pagsipa sa tagiliran ko.

"Gising!"

Napadilat ako sa sakit. Una akong napatingin sa dibdib niya. Naka-shirt na. Buti naman.

"Kailangan bang naninipa?!" sabi ko, pinipilit iangat ang tingin sa mukha niya.

Naupo siya sa sahig sa tabi ko. Nagwala ako nang kurot-kurotin niya ang dibdib ko kaya umupo na ako nang maayos. Hindi siya tumigil kaya hinawakan ko na ang kamay niya bago pa niya sirain balat ko. Napatingin ako sa kamay kong hawak ang kamay niya. . .at agad binitawan 'yon.

"Gising na ako, tama na."

"Okay."

Natahimik kaming dalawa. Kanina antok na antok ako kaso matapos nong nakita kong likod, buhay na buhay ako. Sana antukin na lang ulit ako—

"Ayos pala 'no? Yong pamilya niyo."

Nilingon ko siya. "Bakit?"

"Wala lang, nakakatuwa kasi 'yong Mama mo. tas 'yong kapatid mo."

"Nakakabwisit minsan."

"Buti nga hindi lagi, eh."

"Bakit ikaw?"

"Anong ako?"

"Anong dahilan mo bakit ka nandito at wala sa pamilya mo?"

Bigla na lang siyang dumausdos pababa at kinuha ang unan sa likuran ko. "Pakigising na lang ako pag aalis na tayo."

Sabi ko nga, eh. Hindi ata pwedeng pag-usapan 'yon.

Nakatulog si Unica habang nakaupo lang ako, binabantayan siya. Baliw na nga siguro ako dahil naisip ko bigla 'yong paborito dati ni Cai. Si Edward Cullen, sa Twilight. 'Yong pinapanood niya pagtulog nung babae.

Kung gawin ko kaya kay Unica 'yon, iisipin ba niyang romantic?

Bright idea! Kaya nang malapit na ang oras ng pag-alis, tumayo ako sa may paanan niya. Sinipa ko siya nang mahina sa may paa pero umikot lang siya at natulog ulit. Sinipa ko ulit siya. No reaction. Nakng, tulog mantika! Kaya ang ginawa ko, kiniliti ko siya sa paa. Noong una, wala siyang reaksyon hanggang sa bigla siyang ngumiti, tapos tumawa nang mahina. . .tumawa nang tumawa hanggang sa magulat na lang ako nang sipain niya ako.

SA MUKHA.

"Ano ba?!" sigaw niya pagkatingin sa akin.

Napahawak ako sa ilong ko. Parang namahid.

"Anong ginagawa mo d'yan?"

"Sinipa mo ako," sabi ko habang hinihimas ang ilong ko. "Sa mukha."

"Bakit ka kasi nandyan sa paanan ko?"

Tumayo ako nang maayos at tiningnan siya. Pero nakng, sakit ng ilong ko!

"Anong drama 'yan?" tanong niya nang magseryoso ako.

"I like watching you sleep. I find it fascinating," sabi ko sa pinaka mababa at seryosong boses na kaya ko.

Tapos bigla siyang tumawa. Tawa siya nang tawa na sumigaw na si Mama ng 'huy, may natutulog' kaya hinanaan ni Unica ang tawa niya. Pero tumatawa pa rin.

"Tangina. Ano 'yon."

Umiling na lang ako at hindi siya pinansin saka ko kinuha ang bag ko at sinuot ang salamin sa mata. "Tara na nga."

Sumunod siya sa akin dala ang bag niya, natatawa pa rin. "Nagpapaka-romantic ka ba or something?" natatawa pa rin niyang sabi.

Hindi ko na lang pinansin. Pero panay ang asar niya pagkarating namin sa bayan.

"Um-Edward Cullen. Ang creepy."

Kahit pagdating ni Mang Jose na nakasakay sa jeep, nagtaka kung bakit tawa nang tawa si Unica. Umakbay ako kay Unica at ngumiti.

"Yaan niyo na po 'to, nababaliw lang."

Pagsakay sa jeep, narinig kong bumulong si Unica. "Watching you sleep daw. . . "

Hindi na mauulit 'yon. Nag-back fire sa akin, eh. Sayang inner Edward Cullen ko.

Hah. Ano raw. Chino, itulog mo na lang 'yan.

At dahil dalawa lang kami ni Unica sa loob ng jeep tapos si Mang Jose nasa tabi ng driver, nakatulog ako. Mga bahay-bahay pa ang huli kong nakita bago ako kinuha ng antok. Nagising nang biglang tumigil 'yong jeep kaya nasubsob ako. Pagkalingon sa may bintana, paakyat yong sementadong dinadaanan ng jeep namin. Nakatulog ulit ako hanggang sa magising ulit, pagod pakiramdam.

Paglingon sa may bintana, nasa gitna kami ng parang gubat dumadaan. Kalsadang pinapagitnaan ng mga nagtataasang puno. Paglingon ko kay Unica, nakatingin lang siya sa malayo – side view. Agad kong kinuha ang phone ko at patago siyang kinuhanan ng litrato.

Dahil nga sa mga puno, kaunting sinag ng araw ang nakukuha, pero tirik. Kaya ang ganda ng labas ng litrato – dramatic, may mga shadow at lights.

Hindi ko na naitago ang phone ko pagkakita sa screen na lumingon si Unica sa akin. Tinaas niya ang kilay niya at pinicturan ko siya ulit. Tapos isa pa ulit. At ulit.

"Ano 'yan? Nagpapakastalker ka?"

Tumango ako at kinuhanan ulit siya ng litrato. Hindi naman niya ako sinusuway. "Ibebenta ko sa ebay. Tiba-tiba ako nito."

"Ha? Bakit?" pagtataka niya na parang nagulat.

"Baka lang gusto ng market ng mga babaeng nagpapaka-senti," natatawa kong sabi.

Umirap siya at bumulong ng 'baliw' saka bumalik sa pagtingin sa labas. Kinuhanan ko ulit siya ng litrato dahil ang ganda ng lighting nang magsalita ulit siya.

"Isa pang kuha ng picture, magugulat kang nasa kagubatan na 'yang phone mo."

Kinuhanan ko pa siya ulit ng litrato kaya kinuha niya ang phone ko. Nakipag agawan siya kaya kinabahan ako. Mukhang balak talaga niyang ibato phone ko!

"Bahala ka, hindi mo malalaro piano tiles 2!" pagbabanta ko.

Binitawan niya ang phone ko at kinuha ang iphone niya. Pinakita sa aking nagdownload na siya ng piano tiles 2. Mas lalo akong kinabahan kaya nilagay ko sa hidden folder ang pictures niya.

"Delete mo 'yang mga pictures o itatapon ko phone mo na may mataas na score sa piano tiles 2," sabi niya.

Syempre, matalino ako kaya pinakita kong dinidelete ko ang mga litrato niya. Hindi naman niya alam ang hidden folder. Bigla pa nga siyang nag-wait dahil ang ganda raw niya doon sa isang picture. Natawa ako dahil nadelete ko na tas nanghinayang siya at sinuntok ako sa pagdelete.

Mga babae. Ang gugulo talaga.

Nakarating kami sa pupuntahan matapos ng ilang minutong malubak na daan. Sumikat na ang araw at nagpaalam na rin 'yong driver ng jeep. Pupunta na lang bukas para sa pag-uwi namin ni Unica. Hindi na nakakagulat na napa-wow ako sa itsura. Siguro nga nang sumama ako sa Tinglayan kanila Unica at Deus noon na hindi ko rin natapos. . .nagkaroon ako ng appreciation sa mundo.

Dalawang puno ng manga ang bumungad sa amin. Magkatabi. Malalaki. At yong isa, may nakapalibot na lamesang kawayan at upuan, mukhang lugar ng tambayan ng mga magtotropa. Sa kaliwang bahagi naman, may isa ring punong malaki na may duyan.

Isa lang ang pinaka kapansin-pansin sa mga puno.

Bilog na bilog yong hugis ng pinagsasama-samang dahon! Ang astig!

Kinuhanan ko 'yon ng litrato kaya nahuli ako sa pagpasok ng kubo ni Mang Jose. Puro kawayan ang dingding, sementado ang sahig, tapos may kawayang papag sa may dulo.

Doon kami naupo ni Unica.

"Magluluto muna ako," sabi ni Mang Jose habang inaayos ang mga iluluto. Inaasahan ko na palayok ang gamit at uling. Ang cool lang ng itsura dahil sa amin sa bahay, maayos na kusina na ang mayroon. At base sa nakikita ko, gulay ang iluluto niya. Pagtingin ko kay Unica, mukhang hindi siya masaya na gulay ang kakainin namin sa agahan.

"Wala bang fried chicken?" sabi ni Unica.

Hindi siya nilingon ni Mang Jose kaya inulit ulit ni Unica ang sinabi niya. Nilingon na siya, nakataas ang kilay. "Bakit mo naman nasabing may fried chicken akong iluluto?"

"Uhm. . .may manok na gumagala kanina sa labas?"

"Mga alaga ko 'yon, eh."

"Oo nga. Hulihin ko na ba?"

Napakamot na lang ako ng batok sa narinig. Saka nilapitan si Unica at tinakpan ang bibig. "Pagpasensyahan niyo na ho tong kasama ko. Nawawala minsan filter ng sinasabi."

Tumawa si Mang Jose at umiling, bumalik sa pag aayos ng kakainin namin. "Mamayang gabi, isasakripisyo ko ang isa kong alaga para sa inyo. Sa ngayon, mag gugulay tayo."

"Fine," bulong ni Unica.

Kumain kami sa ilalim ng puno ng manga. Nagkwentuhan, pero mas nakinig sa mga kwento ni Mang Jose. Mula sa mga anak niyang mga graduate na at minsan na lang makita, buhay niya sa bundok at pagtatanim, yong kapitbahay niyang nakitayo ng kubo sa isang parte ng bundok niya, sa ilog na pinagliliguan niya sa likod. . . napunta kami sa usapan tungkol sa buhay niya noon.

Mala-secret agent.

Kinukuha ng gobyerno ang serbisyo ng org nila para makakuha ng mga sikretong nangyayari sa mga npa. Kung totoo man 'yon o hindi, sobrang natuwa si Unica kaya ako na lang ang naghugas ng pinggan namin.

Kaso. . . iba ang lababo ni Mang Jose dito sa bukid.

Gawa ang lababo niya sa pinagdikit-dikit na pahigang kawayan. Tapos, may apat na stante sa mga gilid. Sa ibaba, mga bato. May maliit at may malaki. Tapos may tabo. Sa gilid, may malaking drum na may lamang tubig. Nang magsimula akong magbuhos ng tubig, sobrang naangasan ako dahil tumutuloy ang tubig sa gitna ng mga kawayan diretso sa mga bato sa ilalim.

"Ang angas ng lababong 'to," nasabi ko na lang.

"Sinisipsip yong tubig, para hindi tumagas at magbaha," sabi ni Mang Jose pagkaturo sa mga bato.

Ang angas-angas talaga!

Ngayon lang ata ako natuwa sa paghugas ng pinggan. Medyo nalungkot dahil wala na akong huhugasan. Mga isang oras pang kwentuhan bago nagpaalam si Mang Jose na aayusin muna niya ang mga pananim.

"Tara," sabi ni Unica pagkatayo.

"Saan?"

"Bakit ka pupunta sa isang lugar kung uupo ka lang?"

"Maglilibot tayo?" tanong ko.

Hindi niya ako pinansin at naglakad palayo. Hinabol ko naman siya kaya sabay kaming naglakad sa bukid.

"Bumalik kayo kapag malapit na magdilim, walang ilaw dyan."

Tumango ako sa sabi ni Mang Jose pero diretso lang si Unica. Dumating kami sa isang sapa. Hindi siya gaanong kaganda dahil puro bato pero malinis. Walang kalat, dumi o kahit basura. Pero sa isang bato, may mga shampoo at sabon.

Nilubog namin ang mga paa namin at sa sobrang linis ng tubig, kitang-kita ang mga paa namin. Medyo madulas ang mga bato kaya nanatili lang akong nakaupo sa gilid.

Pero, iba ang plano ni Unica.

Naglakad siya, palayo. Palayo sa akin hanggang sa nabigla ako sa mabilis niyang pag-upo at pagmura.

"Tangina, aray!"

Mabilis akong rumespunde. Napakagat pa ako ng labi nang may maapakan akong kung anong matulis pero hindi ko ininda. Pagkalapit ko kay Unica na basang-basa na dahil sa pagkakaupo, hawak niya ang paa niya. Nakng, nagdudugo.

"Tara, tara, alis na tayo rito."

Hindi ko na rin inindang basa na ang shorts ko at tinulungan siyang makatayo. Kaso, bigla siyang nadulas at muntik nang mapahiga. Buti naagapan ko at natungkod ko ang kamay sa isang bato. Napaupo lang kami at hindi sumubsob.

Bigla naman siyang tumawa.

"Tangina, hindi ako makatayo." Mukhang nasasaktan siya pero tawa lang nang tawa. "Ang sakit."

Napahilamos ako ng mukha ko dahil hindi ko alam kung anong gagawin ko sa babaeng 'to. Baliw, eh. Sobra. Nilingon ko ang direksyon ng kubo – medyo malayong lakaran kung hindi siya makakatayo at makakalakad pero ayaw ko rin namang abutan kami ng dilim.

At ang dami ring nagliliparang lamok.

Walang isip-isip at sabi-sabing binuhat ko siya para makaalis sa sapa. May kung anong sumasakit sa paa at kamay ko pero hinayaan ko na. Nang maibaba ko siya sa gilid, nahiga na lang siya bigla at tumingin sa kalangitan.

"Kung ito ang paraan para mamatay ako, okay na ako sa ganitong mapayapa."

Pinitik ko ang noo niya. "Anong kadramahan 'yan?" tanong ko.

Tinitigan lang niya ako nang hawakan niya ang braso ko. Akala ko kung anong gagawin niya nang hilahin niya ako at napahiga ako sa tabi niya. Natamaan ko pa nga ata ang balikat niya pero hindi niya ininda.

"Tingnan mo 'yon," turo niya sa kalangitan. "Kung mamamatay ka at ganyan ang makikita mo. . . bakit hindi?"

Natahimik kaming dalawa.

Doon ko napansing hinihingal na nga ako at may mahapdi sa kamay ko. Pagtingin ko sa kaliwang palad, nagdudugo. Pinahid ko sa basa kong damit pero tuloy lang ang pagdugo.

Ahhh, nakng. Hayaan ko na nga.

Hindi ko napansing nakatulog na pala si Unica. Siguro sa pagod. Umupo ako nang maayos at nang makita ko ang binti niya, ang daming cuts! At nagdudugo ang kanang paa niya.

"Baliw kasi," sabi ko na lang nang kumuha ako ng tubig sa sapa at binuhos sa sugat niya.

Naupo lang ako at tumingin sa kawalan. Ang tahimik. Agos lang ng sapa ang naririnig. Ang weirdo lang dahil kung nasa amin ako ngayon, marahil ang naririnig ko ay salita ng mga koreano sa pinapanood ni Cai. 'Yong kwento ni Mama at ingay ng mga kapitbahay.

Tumingin ako kay Unica na nakapikit lang. Sinong mag-aakalang makakasama ko ang babaeng ito ngayon?

"O, baka ma-inlove ka."

Hindi ko tinanggal ang tingin ko sa kanya nang dumilat siya at tumingin sa akin. Umupo siya at lumingon sa paligid. Tumalikod naman ako sa kanya at nag-aabang.

"Ano 'yan?"

"Bubuhatin kita sa likod, umuwi na tayo."

Tumahimik siya sandali. Tapos nagulat ako nang hawakan niya ang kamay ko at tinusok ang sugat kaya napakagat ako sa labi.

"Nasugatan ka. . ." sabi niya mula sa likuran ko. ". . .dahil sa akin."

"Ayos lang. Angkas ka na, umuwi na tayo."

Hindi niya ako pinansin at nagulat na lang ako na parang nawalan siya ng balanse sa likod ko. Mukhang gustong makatayo mag-isa. Nainis na ako kaya nilingon ko siya.

"Umangkas ka na."

"Ayoko. Mahihirapan ka lang."

"Kaysa naman mahirapan ka mag-isa d'yan."

"Tawagin mo na lang si Mang Jose," sabi niya.

"Kung hindi pa tayo babalik, magdidilim na. Walang ilaw dito."

Sumimangot siya at tinalikod ako sa kanya. "Tara na nga, eh. Ano pang hinihintay mo?"

Napangisi ako nang umangkas na siya sa likuran ko at hinawakan mga balikat ko. Nahirapan akong tumayo dahil hindi ko inaasahan ang bigat niya. Grabe, ang bigat talaga niya. Kumuha muna ako ng lakas bago ako naglakad. Ngunit sa bawat pagtapak ng kanang paa ko, humahapdi.

"Anong nangyari sa inyong dalawa?"

"Wala ho, ibababa ko lang ang mahal na prinsesa sa papag."

"Lul," bulong ni Unica sa likuran ko.

"Aray!" Natatawa ako dahil pinisil niya ang balikat ko. Nang-aasar. "Mahal na prinsesa, masakit!"

"Pakyu."

Napailing na lang si Mang Jose sa amin at dumiretso sa mga tanim niya. Hinayaan niya kaming pumasok sa kubo na nahirapan pa ako dahil naglilikot si Unica. Binaba ko sa papag si Unica at bigla na lang nahiga sa papag.

"Pagod na pagod ka, ah."

"Malamang, binuhat ko ang mahal na prinsesa."

"Isa pang sabi mo n'yan, hindi ka na makakalakad kahit kailan."

"Bakit ba ayaw mo ng mahal na prinsesa?" tanong ko. Kinurot naman niya ako nang sobrang sakit kaya tinigilan ko na. "Oo na, titigil na. Titigil na. Ang sakit lalo ng katawan ko."

"Binuhat mo pa kasi ako."

"Ikaw eh. . ."

"Nagpapabuhat ba ako?" tanong niya.

"Alangang iwan kita doon?" saka ako bumulong ng "mahal na prinsesa."

Kung narinig niya 'yon, hindi na niya pinansin.

"Bakit hindi?"

Nilingon ko siya na nakaupo lang sa gilid. "Hindi naman kita iiwan."

Nagkatinginan lang kami. Isang segundo. Dalawa. Tatlo. Nagdidilim na rin ang paligid pero nagkatinginan lang kami hanggang sa may kinuha siya sa bag niya. Alcohol at panyo. Kinuha niya ang kamay ko. Halos magwala ako nang binuhos niya ang alcohol sa kamay ko dahil sobrang sakit! Pero wala siyang reaksyon. Tapos tinali niya ang panyo sa kamay ko.

"Sorry," sabi niya nang bigla na lang niyang minasahe ang braso ko paakyat sa balikat ko. "Kung hindi lang sana ako nagpunta sa inyo, eh di hindi ka nahirapan nang ganito."

Napahinga ako nang malalim at napapikit nang maramdaman ang sarap ng masahe ni Unica sa balikat ko. Pinadapa niya ako saka likod ko naman ang pinuntirya niya sa pagmasahe.

"Ahh, ang sarap naman." Kung ano man ang ginagawa niyang mahika sa likod ko, tamang-tama lang. Ganito pala pakiramdam magpamasahe pagkatapos magbuhat ng babae sa likuran. Nang tigilan niya ang likuran ko, nilingon ko siya. "Tapos na?"

"Wow, umaabuso ka, ha," natatawa niyang sabi.

"Minsan lang, oh. Tsaka binuhat kita papunta rito."

"Fine."

Ilang beses akong napahinga nang malalim at napa-aray. Pero may mga pagkakataon namang sobrang sarap ng masahe niya mula ulo hanggang paa. Tinapalan din niya ng panyo ang sugat ko sa paa. Nagpaalam siyang maliligo muna. Sinundan ko lang ng tingin ang paika-ika niyang paglakad papunta sa banyo hanggang sa makaidlip ako.

Unang nakita ko pagkagising ay mukha ni Unica na natutulog sa tabi ko. Bigla akong napangiti. Kung mala-anghel na mukha naman niya ang makikita ko pagkatapos ng hirap. . . baka ayos lang sa aking maghirap lagi.

Naramdaman ko pa rin sa kamay ko ang panyong binalot niya. Patuyo na rin ang suot kong damit habang bago na ang kay Unica. Hindi ako tumayo. Nahiga lang ako at tumitig sa kawayang bubong ng kubo ni Mang Jose. Tapos, binaling ko ulit ang tingin kay Unica nang gumalaw siya pero hindi nagising.

Natabunan ng buhok niya ang mala-anghel niyang mukha at kusang kumilos ang kamay kong hinawi ang mga hibla palayo. Para makita ko ang mukha niya. Para walang harang. Ang payapa ng mukha niya, nakakatuwa lang. Kahit na may mga tattoo siya sa iba't ibang parte ng katawan, para siyang bata kung humimbing. Tinitigan ko lang ang mukha niya hanggang sa hinihimas na ng hinlalaki ko ang pisngi niya. Mahina lang. Dahan-dahan. At magaan. Kinakabahan ako pero hindi sobra. Hindi takot. Pero kinakabahan dahil baka magising siya. Baka matapos ito.

Bigla na lang, nagulat ako nang hawakan ni Unica ang kamay kong hinihimas ang pisngi niya. Mahigit. Parang sumabog ang kaba ko nang makita siyang dumilat kahit halos magdilim na. Titig na titig sa mga mata ko.

"Anong ginagawa mo?"

Nalimutan ko ata bigla kung paano huminga.



; x ;

Marami pong salamat sa matyagang paghihintay ng update. Nung sinabi kong slow burn ang ganap, kasali din pala roon ang 'slow update' para feel na feel natin ang slowness at hindi pagmamadali ng kwento. Haha (joke huhuhu) May school pa ako, one year pa - pero sana hindi umabot nang ganoon katagal ang pagtatapos ng kwento.

Still, I won't make any promises.

Pasensya na sa tagal ng update (paulit ulit na ito huhu) (pero atleast, hindi na 2 months ang pagitan, right? righttt?) at salamat sa suporta at pagmamahal sa ating mga bida.

Comment below or tweet with #uncnsrd cause comments are life hahaha charot.

Hindi na nangangakong makakapag-update nang mabilis pero sana dahil umalis na sa trabaho para magsulat pero busy pa rin sa school (malapit na ako mag exhibit!!),

Rayne.


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top