u n c n s r d 21
u n c n s r d 21
"Maaaaa, may babaeng inuwi si Kuya!"
"Putangina, nakakagago naman 'tong larong 'to!"
"Oy, teka! Cellphone ko 'yan!" Napigilan ko agad siya bago pa niya batuhin ang cellphone ko. "Akin na nga."
"Waaiit!" Hinabol niya 'yong kamay kong hawak phone ko. Binawi niya 'yong phone. "As in, wait lang. tatalunin lang kita sa Little Star."
Tumawa ako. "Sige, kung kakayanin mo."
Tinaas niya ang gitnang daliri niya kaya pinalo ko siya sa kamay. Umirap naman siya.
Habang busy si Unica sa pagpilit na talunin ako sa Little Star sa Piano Tiles 2, tumingin ako sa paligid. Pansin ko na agad ang pagtingin ng mga tao sa amin. May isang batang tinuro si Unica at tinuro ang sariling leeg. Pagtingin ko sa naka-pony tail na Unica, kitang-kita ang tattoo niya sa leeg. Paglingon ko ulit, masama ang tingin sa amin nung nanay saka iniwas ang tingin nang mapansing nakatingin ako sa kanya.
Binaling ko ang tingin kay Unica. Maayos naman ang itsura niya. Siguro mukhang dayo dahil na rin sa laki ng backpack na dala. Mukhang dala-dala buong bahay, eh. Nakatutok lang siya sa phone ko; walang paki kahit may mga mapanghusgang mata sa paligid.
Bilib talaga ako sa babaeng 'to.
Minsan.
"FUCK."
Napangiti ako. Natalo na naman siya. Sumama ang tingin niya sa ngiti ko. Paano ba naman, wala pang 2 crowns 'yong score. Umiling pa ako para mang-asar lalo.
"Nice try but not enough."
Epektib naman.
"Lol."
Sumubok pa siya ulit.
Ulit.
Tapos ulit-ulit.
Hanggang sa maubos ang lives at muntik na niyang ibato phone ko pagkasabi ng, "Ayoko na!" buti na lang naagapan ko. Matapos mag-adik sa piano tiles 2, doon lang niya napansing may pagkain pa siyang halos di nagalaw kaya nanahimik siyang kumain.
"Baliw ka talaga," sambit ko sa gitna ng pagkain niya.
Di niya pinansin ang kumento ko. Matapos kumain, pinagdiskitahan naman niya ang coke. Hinipan niya 'yong iniinom mula sa straw.
"Bakit mo pinaglalaruan coke mo?" tanong ko habang prenteng naglalaro ng Piano Tiles 2 na Little Star.
"Tinatanggal ko si Deus," simple niyang sagot sabay hipan ulit sa may straw.
"Ha?"
"Si Papa Jesus."
Natawa ako saglit. Sa wakas! Hindi lang pala ako ang nakakahalatang kahawig ni Deus si Jesus.
"Anong konek ni Deus?" sabi ko.
"'Yong espiritu, tinatanggal ko."
Napailing na lang ako. Ang baliw talaga.
Nang ma-deds ako sa piano tiles, bigla akong natawa dahil naka lagpas 2k ako sa Little Star. Pinakita ko kay Unica 'yon kaya pinagmumura niya ako na ang daya ko raw. Parang naligo ako sa mura, eh.
"Bakit ka ba kasi nandito?" tanong ko matapos niyang bawiin ang phone ko sa akin, maglaro paulit-ulit at maubos ulit ang lives nang di pa rin niya ako natatalo.
"Uh, kasi nagugutom ako?"
Ano pa bang inasahan ko kundi pamimilosopo?
Binulsa ko ang phone ko sa shorts at tumayo. "Sige na, kaya mo naman na ata sarili mo. Aalis na ako. Gabi na, eh."
Naglakad ako. Tiningnan ko siya sandali, ni walang halong gulat sa mukha na iiwan ko siya. Parang kampanteng 'di ko siya iiwan.
Hindi ko naman talaga siya iiwan.
Pero gusto kong mantrip. At napangiting tagumpay ako nang tawagin niya ako bago ako makalabas ng Jollibee.
"Oy!"
Kitams, natatakot 'yan paano walang alam sa Bulacan.
Paglingon, nakita ko ang pagtaas ni Unica ng plastic ng 7eleven. Nakaupo siya habang umiinom ng coke. "Nalimutan mo napkin mo!"
Nawala ang ngiti ko kasabay ng ngiting tagumpay niya.
May tumawang grupo ng mga lalaki sa gilid. Di na ako lumingon lalo na nang marinig ko ang usapan at tawanan ng grupo ng mga babae sa kabilang gilid. Kahit si manong guard, napangiti sa akin – mukhang nang-aasar. Tinitigan nga rin ako ng Nanay na nakatingin sa amin kanina.
Bumalik ako sa table at kinuha ang supot. "Salamat."
Ngiting-ngiti siya. Nang-aasar talaga. Napailing na lang ako at lumabas. Ang daming tricycle driver na hinihikayat na akong umuwi kaso tumayo ako sa gilid. Hinintay ko siya.
Matapos ng ilang minuto, lumabas na si Unica sa Jollibee. Walang sali-salita siyang tumabi sa akin at nagsindi ng sigarilyo. Tahimik kami habang nagpapababa ng tiyan. Ako patingin-tingin sa paligid. Siya, inuubos ang stick.
Napapakunot noo naman ako sa mga napapadobleng tingin kay Unica. Sinamaan ko na nga ng tingin 'yong isang kung tumitig akala walang kasama 'yong babae. Pero ayon, si Unica – parang walang napapansing kakaiba.
Ibang-iba talaga siya kay Aris.
Kapag may nambabastos kay Aris, ako mismo ang kumikilos kapag nakikita ko siyang nahihiya na o hindi na kumportable. Kailangan ko siyang protektahan. Habang si Unica, nakatayo lang sa tabi ko – paubos na ang stick ng sigarilyo – hindi natatakot o ano man. Parang wala lang.
"Tara na," sabi ko pagkatapon niya sa stick ng sigarilyo.
Habang naglalakad kami, ang daming tanong sa utak ko. Bakit siya nandito? Paano niya nalamang dito lugar ko? Ako nga ba ang pinakay niya sa Bulacan? Paano naman kung hindi niya sadyang mapadpad dito? O may iba pa siyang kaibigan na hinahanap? Iniisip ko lang bang ako ang pinunta niya? Eh, 'yong hinahanap niya sa lalaki kanina sa labas ng 7eleven, nerdo. Sino pa bang kilala niyang nerdo na nasa Bulacan?
Hindi sa nerdo ako, ah – nakasalamin lang. At may pakialam sa pag-aaral.
"May inuman bang malapit dito?" pagbasag niya sa katahimikan namin habang naglalakad. Ilang tao na ang napapalingon sa amin dahil mukha talaga siyang turista lalo na sa bag niyang malaki.
"Bakit?" tanong ko. "Iinom ka na naman?"
Sumimangot siya. "Grabe ka manghusga, ha. Isang bote lang."
"Mayroon doon," turo ko sa isang parte.
"Tara, inom!"
Patawid na siya sa tinuro ko nang hatakin ko ang bag niya bago pa siya makalayo. May kotse ring bumusina nang malakas na pinagmumura niya.
"Wag kang tatawid na lang bigla," paalala ko pagkatabi ko sa kanya. "Paano ka kung wala ako? Nahagip ka na sigurado ng mga kotse."
Tiningnan niya ako nang natatawa. "Grabe naman 'yon. Nasobrahan ata ang confidence."
"Mamaya ka na uminom. Iuwi muna natin 'yang kweba mo."
"Kweba?"
Tinuro ko ang bag niya. "Ayan. Mas malaki pa ata sa 'yo."
"May laman tong bangkay. Huwag kang magulo."
"Baliw."
Matapos ng mahaba-habang paglalakad mula bayan, dumating na kami sa lugar namin. Nawi-weirduhan ako dahil sa mukha niyang parang ngayon lang nakakita ng bahay. Walang namang kakaiba. Simpleng gate lang. 2-storey. Christmas lights at parol.
Binaling niya ang tingin sa bahay ng mga kapitbahay namin. Bumulong siya pero rinig ko pa rin.
"Christmas na nga pala talaga, ano?"
"Bakit?"
Habang tumititig sa Christmas lights ng kapitbahay namin, ngumiti siya. Parang bata. "Wala. Ganito pala kaliwanag at kakulay mga Christmas sa probinsiya."
"Uh, welcome sa Bulacan?"
Binuksan ko ang gate namin habang nagmamasid lang si Unica. May ilan ding tambay na napapatingin sa amin. Paano, bagong mukha. Maganda pa. Chismis panigurado 'to.
Bago makapasok sa bahay, kinuha ko ang bag niya. At nakng, nabigla ako sa sobrang bigat! "Anong laman nito?!"
"Bangkay nga kasi."
"Sinong pinatay mo? Wanted ka ba kaya ka nagtatago?"
Ngumiti lang siya nang nakakaloko.
Umiling ako. "Dito ka lang, babalik ako agad. 'Pag nakita ka nila baka bombahin tayo ng mga tanong."
"Dalian mo." Sumandal siya sa pader pagkapasok ko.
Bumungad sa akin si Cai na masama ang tingin. "Bakit ngayon ka lang, Kuya?! Dinugo na ako't lahat, wala pa rin 'yong napkin ko!"
Binigay ko sa kanya ang plastic. "Ito na nga, oh."
Sumimangot siya at nagpunta sa sala. Kinuha ko ang bag ni Unica saka ibinaba sa gilid.
"Ano 'yan?" tanong ni Cai sa akin.
Hindi ko pinansin ang tanong niya. "Nasaan si Mama?"
"Nasa taas. Ano 'yang bag?"
Hindi ko ulit siya pinansin. Tuloy ako sa pagpunta sa may TV para kuhanin ang iniwan kong pera. Napalingon ako sa may pintuan dahil narinig ko ang boses ni Unica na parang napaaray. Napalingon din si Cai.
"Aalis muna ako," sabi ko. Hinawakan ko ang ulo ng kapatid ko at pinilit na ilingon 'yon sa nakabukas na TV. "Manood ka lang. Mamaya ako uuwi."
"Bakit? Saan ka pupunta? May kasama ka ba?"
"Wala."
"Ouch! Ano ba 'to!"
Nanlaki ang mata ko. Ano bang problema ni Unica ba't hindi tumatahimik?!
Pinaliitan ako ng mata ni Cai. "MAaaaa. . ."
"Aalis na ako. Huwag mo nang tawagin si Ma—"
'Di nakinig kapatid ko. "Maaaa. . .may kasama si Kuya!"
"Wal—"
"Putragis." Pumasok si Unica sa loob ng bahay nang pinapalo ang binti. "Ang daming pulang langgam sa labas!"
Ba't kasi naka nakasuot lang ng shorts at manipis na shirt?!
Napapikit ako at napahawak sa noo. Hindi talaga makaintindi ng simpleng instruction. Paglingon ko kay Cai, nakanganga na siya agad. Nanlalaki ang mata niya at parang hindi alam ang sasabihin.
"Uy," sabi ni Unica pagkakita sa kapatid ko. "May kinakasama ka palang bata sa Bulacan."
"Kinakasama?" pabulong kong sabi. "Seryoso ka ba sa sinasabi mo?"
Hindi niya ako pinansin. Binati lang niya si Cai ng, "Yo."
Pagka-recover ni Cai sa pagkabigla pagkakita kay Unica, pabalik-balik ang tingin niya sa amin pati sa hagdanan. Sa taas, kung nasaan si Mama.
Tapos, ayon. Sumigaw ang napaka galing kong kapatid. "Maaaaa, may babaeng inuwi si Kuya!"
"Wow," natatawang sabi ni Unica. "Ang mali naman pakinggan n'on."
Hinawakan ko si Unica sa braso para hatakin palabas.
"Ma! Si Kuya makikipagtanan na raw!" rinig kong sigaw ni Cai.
"Ano?!" rinig kong sigaw ni Mama mula sa taas. Narinig ko na ang mga yabag niya. Si Unica naman, tumatawa paglabas namin.
"Uuwi rin ako agad, Ma! Hindi ako makikipagtanan! Sinungaling 'yang bunso mo!" Hinatak ko pa si Unica pagkasara ko ng gate. "Tara na!"
Binilisan namin ang paglalakad habang tawa naman nang tawa si Unica. Nang medyo makalayo na kami, hindi pa rin siya tumitigil.
"Kapatid mo ba 'yon?" tanong niya. Tumango ako. "Ang laughtrip! Sana hinintay na lang natin makababa 'yong Mama mo para makipagkilala ako."
"Tapos ano? Baka kung anu-ano lang isipin n'on. Paranoid."
"Baka isipin niyang nakabuntis ka na, gan'on?" Bigla siyang tumawa. "Parang mas maiisip ko pang magiging bakla ka kaysa makabuntis."
What the. Nagseryoso ako pagtingin ko sa kanya. Mukhang nagtaka siya sa inakto kong pagseseryoso. Tinanggal ko ang salamin ko sa mata at tinitigan siya sa mata. Ngumisi ako.
"Hindi ka nakasisigurado d'yan."
Napangiti siya nang malawak at tinulak ang mukha ko. Kinuha niya ang salamin ko sa mata at sinuot muli sa akin. "Ang pogi naman n'on. Huwag mo na uulitin! Nagiging lalaki ka sa paningin ko." Nauna siya sa paglalakad habang nakatigil lang ako.
"Ah, kasi. . .lalaki ako?" sabi ko.
Nilingon niya ako. Naglakad siya patalikod kaya sinundan ko siya. Nagtakip siya ng bibig, kunwaring nagulat. "Ows? Talaga ba?!"
Nanliit lang ang mata ko habang sinusundan siya patungo sa sakayan. Ilang sandali lang, nakarating na kami sa tapat ng simpleng inuman. Mala-beer garden pero mas sosyal ang beer garden. Pinagmasdan ni Unica ang paligid, pati na rin ako. 'Di ako tambay sa mga ganito sa bayan kaya wala akong alam. Nasa kalagitnaan na ng inuman ang karamihan nang maupo kami ni Unica sa bakanteng pwesto saka siya nag-order ng dalawang bote.
"Hindi ako iinom."
Hindi niya pinansin ang sinabi ko. Binigay na ng waitress yung dalawang bote ng beer.
"Unica," ulit ko. "Hindi ako iinom."
Hinawakan ni Unica ang isang bote ng beer at tumungga. "Sinabi ko bang ikaw ang iinom? Akin kaya 'to lahat."
Bago pa siya tumungga ulit, hinawakan ko ang braso niya.
"'Di ba sabi mo, ayaw mo nang mag-inom masyado? Lagi mo ring iniinom 'yong sinabi mo dati, ah. May drinking problems ka ba?"
Nagkatitigan kami. Nagmamatigasan. Hanggang sa ibaba niya ang braso niya at ang bote ng beer. Pagkaluwag ko ng hawak sa kanya, bigla siyang uminom nang mabilis na halos matapon na. Dahil hinawakan ko ulit ang braso niya, nakipagkumpetensya pa siya sa akin.
Sa huli?
Natawa siya. Nabuga niya ang beer sa akin. At tumapon ang ilan sa kanya. Hindi siya tumigil sa pagtawa. Gusto kong mabadtrip dahil nabasa pati mukha ko pero nakita ko na lang ang sarili kong nakitawa sa kabaliwan ng babaeng gangster na 'to.
"Yung totoo, bakit ka nandito sa Bulacan?" tanong ko habang tumatawa at naglilinis ng salamin sa mata.
"Gusto ko lang umalis sa city life."
"Nang malapit na magpasko? Di ka ba hahanapin ng pamilya mo?"
Nawala ang tawa niya sa tanong ko saka ngumiti. Isang tipid na ngiti. "Hinahanap. Sigurado. Lalo na umuwi na 'yong reyna." Uminom siya ulit ng beer. "Ano nga naman ba ang ginagawa ng mga hinahanap?" Tumigil siya saglit saka kinuha ang isang bote at binigay sa akin.
"Nagpapahanap ka?"
Imbis na sumagot, tinuloy niya ang sinasabi kanina. "Nawawala lalo."
Halos ubusin niya ng isang lagok ang bote ng beer.
Dapat ko siyang pigilan, alam ko – kaso nakikita ko sa mga mata niya? 'Yong mga matang dapat hindi ko pigilan. Sa ngayon. Kaya hindi ko siya pinigilang ubusin ang isa't kalahating bote ng beer. Ako na ang uminom ng kalahating bote para 'di siya sumobra.
Tulala siya sa gitna ng ingay ng mga nag-vi-videoke. Napansin ko ring kinakagat niya ang kuko niya sa kamay. Gusto kong magsalita, eh anong sasabihin ko?
Habang tahimik kaming dalawa, nagulat ako sa mamang nagsalita sa gilid namin.
"Aya, may lover's quarrel ata ang dalawang ito kaya tahimik."
Hindi ko pa gets na kami pala ni Unica 'yong sinasabihan hanggang sa nagbaba ng bote 'yong mama sa lamesa namin.
"O, gin bilog. Iinom na lang natin 'yang away niyo. Aba'y nandito dapat para sumaya; ba't para nag-iinom kayo habang nasa lamay?"
Parang isang click namang biglang ngumiti si Unica at bumalik sa dati na parang walang problema. "Uy, nice one! Pahingi."
Bago pa malagyan ng gin nung mama 'yong baso ni Unica, tinakpan ko 'yong baso. "Sir, hindi na po siya pwedeng uminom."
Naglipat-lipat ang tingin nung mama sa akin at kay Unica.
Sinamaan ako ng tingin ni Unica. Tiningnan ko lang siya tsaka binalik ang tingin sa mama. Nabigla naman ako nang maupo siya sa may table namin at tumawa. Amoy na amoy ang alak sa kanya.
"Aya, para kayong kami nung asawa ko. Baliktad lang." Tapos tumawa ulit 'yong mama. "'Di ko mapigilang 'di kayo puntahan dito pa'no nabibingi na ako sa kanta n'ong isang 'yon." Tinuro niya 'yong kumakanta sa videoke. Mukhang tropa niya dahil tinatawanan niya. "Ayaw niyo ba talaga ng gin?"
"Gusto ko," sabi ni Unica.
"Hindi pwede," sabi ko.
Nagkamot ng ulo 'yong mama. "E, ano ba. Nasa 21st century na tayo, hindi na dapat ina-under mga babae, ih—ano nga mga pangalan ninyo?"
"Unica," bigla niyang pagpapakilala.
Pinanlakihan ko siya ng mata. Paano kung kidnapper 'tong kumakausap sa amin? Bigla bigla na lang siyang kumakausap ng kahit na sino. Alam kong tahimik dito sa Bulacan pero may mga balita pa ring hindi kaaya-aya.
"Ikaw, hindi mo ipapakilala ang sarili mo?"
Tiningnan ko lang 'yong mama hanggang sa, nakng! Sinipa ako ni Unica sa ilalim ng mesa! Tiningnan ko nang masama si Unica pero parang wala lang sa kanya.
"Chino," sabi ko na lang.
Ngumisi si Unica. Langya.
"Ako naman," sabi nung mama. "Ako si Jose Gutierrez."
"Gutierrez?" pagtataka ni Unica. Mukhang pati siya naweirduhan sa pagbanggit ni Mang Jose ng apelido.
"Hindi gucheres. Gut. Tss. Bigkasin mo nang mabuti 'yong T. Ti-ti-ye-rez."
'Di ko napaghandaan mga pinagsasasabi ni Unica. "Wow, arte naman nun."
Paano, sasabihin niya 'yon sa harap ng malaking mama? Na medyo long hair? May bigote? At manginginom pa? E, ganitong mga itsura 'yong mga hari ng kalye. Nakng, mapapaaway pa ata kami nito.
Padasal pa lang ako ng Hail Mary nang tumawa si Mang Jose at nilagyan ng gin bulag ang baso ni Unica. Hindi ko na napigilan. Nagtawanan silang dalawa na parang may nakakatawang nangyari.
"Masyadong maganda ang apelyido ko para lang hindi bigkasin ng tama, iha," sabi ni Mang Jose habang tumatawa saka uminom sa bote ng gin na hawak. Tumingin siya sa akin. Ngumiti ako na naging ngiwi at pinilit tumawa para hindi ibato sa akin ang bote. "Tong nobyo mo parang nakakita ng multo."
Nagkatinginan kami ni Unica. 'Di ko gets ba't siya nakangiti na pang-asar.
Ilang beses kong gustong itama si Mang Jose sa pagsabi niyang kami ni Unica kaso nagkwentuhan na sila. Na para bang matagal na silang magkakilala. Na hindi ko na rin napigilan dahil kahit ako, natutuwa na rin.
Sa kwento.
Hindi sa ilang beses na paulit-ulit sa salitang 'nobyo'.
"—aba'y pinilit pa rin niyang kainin kahit halos mag-usok na ilong sa anghang," natatawang kwento ni Mang Jose. "Halos ibuhos niya malamig na tubig sa sarili para mahimasmasan pagtapos."
Tumawa rin si Unica. "Pupwede ko kayang ipakain 'yan sa kagalit ko?"
"Oo!" buong yabang na sabi ni Mang Jose. "Demonyo talaga ang sili ko. Isang kagat lang, luluhod lahat ng tala pati iyang kagalit mo. Mga anak ko nagsisi-asawahan na'y naduduwag pa rin sa maliit na sili," sabay tawa niya. "Tamang-tama, babalik ako ng bukid sa bundok bukas ng umaga. Bibigyan ko kayo pagkababa ko."
Nagtaas ng kamay si Unica. "Suggestion lang, paano kung sumama na lang ako sa inyo sa bukid?"
Tiningnan ko si Unica. "Anong sinasabi mo?"
"Sasama na lang ako," sabi ni Unica sa akin. Binaling niya ulit kay Mang Jose ang tingin. "Saan po ba 'yong bukid niyo?"
"D'yan lang sa Donya Remedios Trinidad. Kung sasama kayo, maaga ang alis ko bukas para hindi gabihin at mag-aayos pa ako roon."
"Baka makaabala tayo," sabi ko kay Unica. "Nakakahiya kay Mang
Jose."
"Aya, ayos lang paminsan-minsa'y magkaroon ako ng bisita sa bukid. Nangungulila rin ako sa tao kaya bumababa rito sa inuman."
Ngumiti si Unica. "O, okay lang naman daw."
"Sa Donya Remedios? Norzagaray?" Napangiwi ako. Paano ko ipapaalam kay Mama 'to? "Halos dalawang oras na byahe. . ."
"May serbis," sabi ni Mang
Jose. "Isang oras lang 'yon, andon na sa itaas."
"Okay lang kahit ayaw mo," sabi ni Unica pagkainom niya sa baso niya. "Ako na lang."
Pagkasabi niya n'on, alam ko sa sarili kong napasabak ako nang wala sa oras. Malamang, 'di ko siya pwedeng pabayaan kahit mukhang mabuting tao na bully nung kabataan days itong si Mang Jose Gut-t-ti-ye-rez. Nagkwento pa siya tungkol sa kapatid ng aso niyang si Cho at ang mga anak niyang halos nasa Manila na ang lahat bago ko nakita ang oras.
Alas dose.
Pagtingin ko sa phone – ayon – panay text ni Mama.
Nagpaalam na kami kay Mang Jose. Alas sais ang alis. Magkikita na lang ulit sa bayan. Excited naman si Unica. Parang bata.
Habang pauwi, nakailang tawag si Mama na hindi ko sinagot. Tahimik lang kami ni Unica hanggang makarating kami sa may amin. Dahan-dahan pa ang pagbukas ko ng lock at gate para hindi magising sila mama.
Ang kaso, pagpasok ko, bumungad sa akin si Mama. Huli na bago ko mapatigil si Unica sa pagsunod sa loob. Una, tumingin sa akin si Mama tapos binaling niya ang tingin kay Unica. Tapos. . . bigla siyang umiyak. O naluha. Basta!
Nakng, alam ko na ata kasunod nito.
Totoo pala 'yong mga napapanood ko sa mga koreyanobelang pinapanood ni Cai. Mga OA na nanay.
"Ino, anak," sambit ulit ni Mama. Nagtakip pa siya ng bibig. Salitan ang tingin niya sa akin at kay Unica na nasa gilid ko. "N-Nakabuntis. . . nakabuntis ka?"
Hindi ako nakapagsalita nang mula sa likuran ko niyakap ni Unica ang braso ko at hinawakan ang kamay ko. Kasabay ng panlalaki ng mata ko at pagpisil niya sa kamay ko ang pagsalita niya.
"Sampung buwan na po. . ." sabi niya sa pinaka babaeng boses na kaya niya.
Nanlaki ang mata ni Mama sa akin – sa amin – saka tuluyang umiyak. Hindi ko alam kung anong una kong iisipin: 'yong joke ni Unica na sampung buwan, 'yong hindi pag-sink in kay Mama na baka hanggang siyam na buwan lang ang pagbubuntis, o 'yong pagyakap ni Unica sa braso ko at ang hawak niya sa kamay ko.
Ahh, ewan. Bahala na.
; x ;
Mas mahabang note kaysa sa update mismo:
Update is not edited.
Unang-una, SORRY. Sorry dahil 2 months akong hindi nakapagsulat ng update. Sorry dahil nawala ako. Sorry kung parang iniwan ko sa ere ang uncensored.
Believe me, gusto ko na talaga siya matapos (nung December 2015 pa, May 2016 na ngayon).
So, bakit? Anyare ba sa akin?
THESIS. Katatapos lang ng term namin (trisem) at overall thesis subject ko. Hassle talaga siya mga beh, mukha lang hindi dahil parang di ko gaanong pinoproblema sa internet. Pero in real life, iniiyakan ko na po ito ng dugo habang nagpipinta. (seryoso ako sa iniyakan ko, muntik na akong gumive up pero sayang kasi! Gusto ko na grumaduate!!!)
Alam niyo yong feeling na ayaw niyong gumawa ng thesis dahil gusto niyo magsulat pero di naman makakapagsulat kasi alam mong dapat mong gawin 'yong thesis mo?
Ganern.
Try twitter search: #Journey2ForevahAKAGraduation, nandito sa hashtag na ito ang ilang snippets ng school life ko. Share ko na lang din dito na 4.0 ang nakuha kong grade sa thesis subject ko. Katumbas n'on ay 1.0 sa ibang college / university.
Opo, sinasabi ko rito kahit wapakels naman kayo dahil worth it naman pala kahit papaano ang pag-abanduna (wat) ko sa pagsusulat.
Gusto mo pa ng kwento? Ito:
Hindi lang thesis ang kumuha ng oras ko. Kasama na sa pagiging busy ang self-publish kong writing book. Tapos may isang major subject din akong sobrang pa-major. SNP meet up noong March 27. May tinapos akong manuscript for publishing na deadline ay March 31. May writing deadline din ako na dapat ipasa sa April 30. At may trabaho na ako. So, pag wala ako sa school, nasa trabaho ako – and vice versa.
Walang oras sa pag-upo, pagmunimuni, at pagsulat.
(akswali sa trabaho ko pinost ang update na to. thanks sa mababait kong boss!)
Sabi ng ate ko, baka kasi andami kong ginagawa tapos di ko naman kaya. Muntik na akong sumang-ayon sa sinabi niya pero ito ako, naka-survive naman. Alive but barely kicking nga lang.
Kaya pangalawa, pasensya na. Hindi ako 'makakabawi' sa tagal ng update ko. Baka di worth it ang update na to. Chill lang kasi lagi sila Chino at Unica. Hindi rin ayos kung bibiglain ko na lang ang lahat.
Slow burn pa rin tayo mga pre.
Ayun, ready na ako sa disappointments.
Sa pangatlo naman, hindi ko sigurado kung makakapag-update na ako nang mabilisan tulad ng dati. Gusto ko! Kaso 'yong utak at katawan ko, umaayaw. Sa katunayan, isang month kong sinulat ang update na 'to. Hirap na hirap akong mag-produce ng words – antagal ko kasing nawalay kanila Chino. Antagal kong nawalay sa pagsusulat talaga.
Kaya ulit, ulit – pasensya na dahil uunti-untiin ko ang pagbabalik. Sinasabi ko ito para di kayo umasa, pero sana. . .sana makabalik ako sa dating pagsusulat ko. Marami pang kwento sila Unica at Chino. Marami pang dapat mangyari!!!!
Maraming salamat sa paghihintay. Everytime na may nagkocomment sa uncensored o nagmemessage o nagtutweet na hinihintay ang update, natutuwa ako. Nakukusensya rin dahil hindi ko maibigay-bigay 'yong update. Still, thank you sa inyo mga beh.
PS: Para malaman niyong buhay pa ako, dito po mga friend: twitter.com/ulaaaann
PS ulit: Dahil kagagawa ko lang ng IG, baka trip niyong tingnan! instagram.com/screenshots.ni.rayne
Thank you and sorry.
PS ulit ulit: sabi na mas mahaba to sa update eh. huhu.
Nagmamahal,
Rayne
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top