u n c n s r d 20
u n c n s r d 20
"Nakng, kinilig ako eh, sa totoo lang."
"I am in love with her."
Dapat pa ba akong magulat?
Tumitig ako sa mahinahong tubig ng swimming pool. Mukhang kalilinis lang nito at amoy na amoy pa ang chlorine. Dahil umaga pa lang, kahit maganda ang sikat ng araw, wala pang naglalakas ng loob mag-swimming.
Balik kay Sir. . . mali. 'Yon agad ang salitang naisip ko – pero anong karapatan ko para husgahan ang isang bagay kung tama o mali ito?
"Ramdam ko naman, Sir," tanging sagot ko para pagaanin ang loob ng propesor ko.
Kani-kanina, habang tambay ako sa may swimming pool dahil ayaw ko pang mag-agahan pagkagising, dumating si Sir Marco at nakita ako. Mukhang problemado siya, mukhang may malalim na iniisip – at mukhang balewala lang sa kanyang malaman ko ito.
Bumuntong hininga siya at tumitig sa swimming pool.
"But it's forbidden. Unethical," sabi ni Sir Marco.
"Ethics pa naman tinuturo niyo," natatawa kong sabi habang umiiling. Tiningnan niya ako nang seryoso kaya tinigil ko ang pagtawa kahit ang pagngiti. "Joke lang."
Tumawa siya, pero alam kong peke. Tumingala siya at tinakpan ng magkabilang kamay ang mga mata.
"Last night, I wanted to stop her, but I know I shouldn't."
Bali-balita ngang umuwi na ng Manila si Sinteya – at base sa mga sinasabi ni Sir, mukhang may kinalaman ito sa kanya.
"Dahil propesor ka at estudyante siya?"
Napalunok ako sa tanong ko; mali talaga – pero anong karapatan ko husgahan ang isang tao sa nararamdaman niya?
Ngumisi siya at inilagay ang magkabilang kamay sa bulsa ng jeans. "That. At mukhang may boyfriend na rin siya."
Mukhang na-gets ko na ang sinasabi niya at nagbanggit ng pangalan. Tama nga ako. Si kulot ang pinanghihinalaan ni Sir Marco. Kahit sino naman atang outsider, aakalaing may kung anong nangyayari. Nang sabihin ko kay Sir Marco ang mga nalaman ko na galing kay Unica, hindi ko malaman kung nabuhayan ba siya ng loob at nagliwanag ang buhay o mas naging kumplikado at mas dumilim.
Napalingon ako kaunti sa gawi ni Sir Marco, at napansing may tao mula sa peripheral vision ko. Tumungo na ako sa may likuran, pero ang nakita ko ay ang pinagtaka ko.
Si Kumag na Kulot ba ang humatak kay Aris paakyat ng hagdan?
Medyo nawala 'yong tanong sa utak ko nang ituloy na naming libutin ang Vigan. Unang pinuntahan namin 'yong Bantay Belfry na gawa sa bato; inakyat namin. At dahil medyo matarik 'yong hagdan, pagod at walang usap-usap kaming magkakaibigan. Inaalalayan ko naman si Aris para hindi siya malaglag.
Sa may likuran, nagtutulakan at naghihilahan si Kumag at Unica.
Pagkatapos sa tore na sabi nga ni Jethro, "Wala naman tayong nakuha sa pag-akyat kundi pawis, pagod at sakit ng katawan. Aanhin ko 'yong lumang kampana?", sa St. Augustine Church, o tinatawag na Bantay Church, kami pumasok. Ito ang katabing simbahan n'ong tore - brown ang kulay at white naman ang outline ng exterior. Sa aisle ng simbahan, may mga podium na may mga record book; kung saan isusulat ang mga hiling ng mga tao. Nagsulat ako sa isang wish book nang mapaligon ako sa narinig na tawa.
Syempre, sino pa nga ba? Unica at Kumag. Napatingin sa akin si Unica kaya umiwas ako ng tingin. Nang maupo kami sa tabi at hinintay na magdasal ang mga kaibigan ko pati si Aris, napansin kong nagsulat din si Unica sa isa sa mga wish book bago lumabas kasama nung kulot.
Nagkaayaan nang umalis pero sinubukan kong silipin ang wish book na sinulutan niya. Napailing ako sa nabasa. Isang malaking sulat:
LOL
Ngunit nahagip ng mata ko ang maliit na sulat sa linya. Sobrang liit lang. Isang pangungusap, pero dahil sulat 'yon ni Unica - hindi ko masyadong mabasa. May isang medyo readable: lumaya.
Lumaya? Anong lumaya? Bakit lumaya?
Nagtingin kami ng mga paintings sa likod ng simbahan. Isang museum na puro gawa ng mga Pinoy, puro may kunsepto ng simbahan. Doon mas natuon ang pansin ni Unica na kahit kulitin siya ng kulot na kumag, hindi niya masyadong pinapansin.
Hah. Buti nga.
Sa Mcdo na makaluma ang exterior kami nananghalian pagtapos. Sa sobrang epic ng pagiging makaluma niya, nagkuhanan pa kami ng litrato sa labas. . . na pinagtawanan nila Kumag at Unica. Alam ko, nakita ko, sa may gilid.
Mukhang nahiya nga si Aris dahil natahimik siya at nauna nang pumasok sa Mcdo.
Medyo enjoy ang Historical Trip kahit na may mga paper works kaming kailangan gawin pagkatapos. Hindi na rin kami nakapag-usap ni Unica, mas maayos, dahil nawala sa isip ko ang lahat ng naisip n'ong gabi sa Legacy.
Pagkauwing Manila, masyadong humigpit ang schedule ko dahil sa thesis na inaayos, midterms, radio booth, at paglalaro ng piano tiles 2.
Hindi rin nakatulong ang lalaking nakipag-away kay DJ Andro.
"Sinong nagsabing may karapatan ka makieksena sa relasyon nang may relasyon? Tangin—"
At bago pa marinig ng mga tao, agad naming minute ang lalaking nakikipag-away at nagpatugtog ng kanta.
"Kuya, Kalma lan—" sabi ko kahit wala na kami sa air.
Kaso, tuloy-tuloy pa rin 'yong lalaki. "Eh tarantado ka pala, eh! Sasabihan mo 'yong girlfriend kong makipag-break sa akin dahil lang sa ibang babae? Tangina lumabas ka sa radio booth at babaliin ko mga buto mo!"
Paano kasi, may girlfriend na't lahat, sumasakabilang babae pa.
Napasapo ako ng noo nang ibaba na namin ang tawag. Kinailangan pa magtawag ng guard para lang makalabas ako ng buhay kahit wala namang taong nakapalibot. Just in case, for safety sabi ni Ms. President. Oo na lang ako.
Habang sa apartment pag-uwi, halos magmukmok si Gio dahil sa realization niyang in love na siya sa isang babaeng out of reach niya. Panay tuloy ang pagpapatugtog ng Langit ka, Lupa ako. FULL BLAST. Naaalala ko ang mga nakaraan; ang stairway to heaven fever: Cholo at Jodi!
Ahh, nanririndi na ako! Binabaon ko na nga sa limot ang nakaraan!
Sa huling araw ng pasok bago mag Christmas break – ang akala kong normal na araw ay nag-iba dahil sa isang tawag.
Galing kay Herq.
At nakng, kinilig ako eh, sa totoo lang.
"Pare, baka gusto mong manood ng gig ko," sabi niya gamit ang malalim na boses na parang radio announcer.
Buti at tumawag lang siya. Nakakalalaki, eh.Ngiting-ngiti kasi ako. Tipong napatingin sa akin nang nagtataka si Gio at napatanong: "'No, in love ka na rin?" na sinipa ko palayo.
Agad akong napa-oo, syempre. Si Herq ba naman mismo ang tumawag sa akin para imbitahan ako? Idol, eh! Kaso, huli na ang lahat bago ko napagtanto ang isang bagay: siguradong nandoon si Unica. Handa na ba ako?
Hindi ako lumalayo. . .pero. . .may mga naaalala akong dapat hindi maalala. Dapat kong tawagan si Aris. Ang kaso, out of service ang number niya. Hindi matawagan. Hindi ko maririnig ang boses niya o makikita ang mukha niya para paalala sa akin siya ang gusto ko.
Nawalan na ng choice kundi ang magpunta sa Sev's Café nung araw ng gig ni Herq. Oo na, ako na ang excited marinig ang panibagong piece ni Herq. Nasa labas pa lang, naaninag ko agad si Unica na kausap si Deus habang naninigarilyo. Si Deus ang nagpalapit sa akin sa grupong kasama nila.
Pinakilala niya ang mga nandoon na hindi ko na maalala masyado. Ang tanging naaalala ko lang ay mga skaters sila; base na rin sa mga dala-dala nilang board.
Pagpasok at pagkaupo sa pwesto, nabaling ang tingin ko kay Unica na nasa may gilid nakaupo. Huli na ang lahat para makaiwas ng tingin. Nakatingin na siya sa akin nang nakakunot noo kaya ngumiti ako na naging ngiwi. Mas sumama ang tingin niya sa akin – at buti na lang talaga!
Nag-mic test na si Herq.
Sa gabing 'yon, hindi siya naka-simpleng long sleeves at skinny jeans. Noong gabing 'yon, naka-suot siya ng three-piece suit. Nakakurbata, nakaayos – kahit ang buhok niya ay tila galing sa salon. Walang bakas ng tattoo; tago ang lahat.
Nagpalakpakan ang mga tao at nagsimula na siya sa mga salita niya habang nakangiti.
Girlfriend interview
Hi. Anong maiden name ng mama mo?
Paboritong kulay?
Carnation pink na kasing kulay ng iyong pisngi
O asul, isang rebelde, sa kung ano ang nakagawian sa pagiging babae?
Nakailang sagot ka ng time is gold sa favorite motto?
Eh, "love is like a rosary that is full of mystery" sa what is love?
Paboritong musika? M2M na banda o many to mention na kahulugan?
Do you want me to judge you o don't judge?
Nakikipagpaluwagan ka ba?
Define hugot.
Anong pinagkaiba ng hashtag at number sign?
Saan ka pinaglihi?
Mahirap ang buhay ngayon, sinong boboto mong presidente?
Aasa ka ba sa binotong presidente?
Legal ka na ba para bumoto?
Ano ang sagot sa bakit?
Bakit? Explain.
Open minded ka ba?
Kape? Gatas? O Milo, batang may laban?
Choco na gatas o gatas na choco?
Pili ka: Uno o frontrow.
Ah, oo. Networking 'yon. Sasali ka ba kung ako ang nanghikayat?
huwag mag-alala, hindi ako peke.
Hindi ko kailanman ipepeke ang nararamdaman ko.
Tumawa ang mga tao. . .ngunit may ilang natigilan sa biglaang pag-iiba ng litanya kahit nakangiti pa rin si Herq.
Inuulit ko, open mided ka ba?
Sa atheism?
Homosexual?
Mga tato?
Mga nagpapanggap?
Dahil ako ay may tinatago.
Tulad mo.
Tulad Niya.
Mga kwento. Mga salita. Bawat sakit.
Lahat tayo ay mapagpanggap.
Habang tinatanggal ni Herq ang kanyang suot na coat, nakangiti pa rin siyang nagsasalita. Ngunit ang mga mata niya, kitang-kita ang pangingintab. Malayo sa ngiti o saya.
Nakabaon sa pagkatao ko ang mga mata niyang naghihingalo
Ilayo siya sa kapahamakang bumabalot sa pagkatao
Ngunit tulad ng iba; ang iniisip ay ang sarili ko
Kaya sa sobrang kapit ko'y siya ay nabilanggo
Sa pagmamahal
Sa pagkakalinga
Sa pagsusumamo
na sumusobra
na nakasasakit
na nakasasakal
ng kalayaan
Nakikita mo ba? Nakikita niya pa rin ba?
Ang luhang pinipigilang tumulo sa pinanggalingan
Para masabing maayos na ako, okay na ako – tapos na ito.
Dahil bumitaw na ako, dumulas na ang lahat, tapos na ito.
Kumusta ang mga magulang mo?
Are you in or are you out?
Sumusunod ba sa galaw o hindi?
Anong nauna: itlog o manok?
Sagot. Bilis!
Lights on, lights off?
Sex o chocolates?
Sex. . .o . . .chocolates?
Sex. . .o. . .chocolates na niluto ng pagmamahal ko
Ngunit tinapon niya sa harap ko
Pinapakitang ang kinakailangan ay hindi ako;
tsokolate man o pagmamahal.
Alam na. . .alam na kung anong pinili niya.
Kakayanin mo ba? Ang pagkadurog;
Ang pinong-pinong pusong iniwan sa ere?
Maiisip mo ba?
Na minsan ay hindi kasing lakas o tapang ng mga nasa teleserye?
Hahawakan mo ba?
Ang nanginginig na mga kamay sa takot ng mga memorya ng nakaraan?
Sasabihin mo ba?
Na kahit lalaki man ay ayos lang masaktan paminsan-minsan?
Manhid ka na ba? Tulad ko; tulad ng mga sulat sa aking braso
nanunuot; taglay ang aming mga kwento
Ng saya, mula lungkot, hanggang sakit, at delubyo
Kung magsusulat ka, ballpen o lapis?
Pambura? Mayroon ka.
Tutulungan mo ba akong burahin ang mga nakabaon sa aking balat?
Sa aking utak?
Sa aking puso?
Mga hinagpis ng mga memoryang hindi kailanman nawala
Nagbabadyang sumira sa akin, sa kanyang pagkawala
Kailan maiimbento ang time machine?
Ano ang paborito mong Kpop group?
Kung mabibigyan ako ng pagkakataon sa Wish Ko Lang;
Ang pagsagot mo sa tanong ko ang tanging hiling
Kakayanin mo ba akong ibalik sa kasalukuyan?
Mahalin ang isang lalaking naiwan sa hinagpis ng nakaraan?
Pakiusap?
"Tangina mo, Herq! Naglalaslas na ako sa sakit dito!" sigaw ng isang lalaki dahilan para magtawanan ang mga nasa Sev's Café.
Kahit ako, hindi ko maintindihan ang naramdaman ko. Buong piece niya, nakangiti siya – halos natatawa – pero kabaliktaran ng expression ng mukha at tono ng boses niya ang sinasabi. Walang humpay ang pagpalakpak ko sa galing. Nakita ko rin si Unica na halos magwala sa sobrang saya at siguro pagka-proud.
"Iba ka, pare. Iba!"
Isang oras pa ang lumipas bago nakarating sa table namin si Herq dahil pinagkaguluhan pa siya ng mga tao. may ilang umiiyak; mapababae man o lalaki. Nakisama ako kanila Deus na nagsipagluhod at nag-bow kay Herq.
"All hail Master Herq!" sabay-sabay naming sabi habang tumatawa.
Inaamin ko, halos nawala lahat ng stress ko mula sa thesis, midterms, pagiging DJ Andro, piano tiles 2 – at oo, stress kay Unica – dahil sa nangyari. Parang naging magaan ang atmosphere dahil na rin sa pang-aasar kay Herq na isa siyang master.
Pero totoo; totoong master siya. Nakakabilib.
Nasa labas kami ng Sev's Café habang nag-uusap-usap. Nagkaroon na rin ako ng tsansa para tanungin kung anong mga naka-tattoo sa braso niya.
"Itong nasa kanan ng braso, mga pangungusap na kaganapan sa buhay kong pakiramdam ko ay tama," sabi niya nang ipakita niya sa akin ang braso niyang punong-puno ng sulat. "At itong sa kaliwa, mga kamalian kong gusto kong iwan."
"Mas may sense 'yan pag English," sabi ni Deus sa akin. "The tattoos on his right arm resembles his life story which made him feel right; ones on the left were stories which left him miserable."
"Seryoso?" tanong ko.
"Ay hindi." Nabigla ako sa pagpatong ni Unica ng siko sa balikat ko. "Nagjojoke lang sila. Ina kasi nitong si Herq, pa-deep."
Ngumisi si Herq habang binubuga ang usok dahil sa sigarilyo. "Hindi ako pa-deep. Sadyang nakikitaan ko lang ng kahulugan ang nasa paligid."
"Tangina, rhyming!"
Nagtawanan kami at hanggang ngayon ay hindi pa rin mawala ang pagkamangha ko. Gusto kong basahin ang mga nakasulat sa braso ni Herq. Kahit minsan lang! Pwede kaya ako maki-kontsaba kay Deus para patulugin si Herq para mabasa 'yong mga life stories niya?
Magandang idea, Chino!
Pinatong ng isa sa mga kaibigan nilang skater ang kamay sa balikat ni Deus. "Oh, pare – alis na kami. Mag-skate pa kami sa Intra."
"Sama ako!" biglang sabi ni Unica at nagtaas pa ng kamay.
"Ikaw lang?" tanong nung skater.
Nilingon ni Unica kami nila Deus at Herq. "Duh, sasama syempre 'tong tatlong 'to. Di, ba?"
Tumango 'yong skater. "Ayos. Marunong pa mag-board? May apat kaming extra." Umalis 'yong lalaki at bumalik mula sa loob ng Sev's Café na may tinutulak na apat na skateboard. "Mag-board lang papunta roon. Sunod na lang kayo."
Bago pa ako makapagsalita o ano man, manghang-mangha na agad si Unica sa mahahabang board na pinahiram habang 'yong skater ay umalis na, buhat-buhat ang board paakyat.
"Shit, shit, shit! Namiss ko mag-long board!"
Sumakay si Unica sa kanina pa niyang hawak na board at nagpaikot-ikot sa parking. Paglingon ko kanila Deus at Herq – sinubukan din nilang sumakay sa kanya-kanyang board. Tinitigan ko silang tatlo na mukhang masayang-masaya saka ko ibinaba ang tingin sa board na nandoon lang sa gilid.
"Tara, tara!" sigaw ni Unica. "Tara sa Intra!"
Nag-ayos muna ako ng salamin bago tinaas ang kamay ko na parang sa recitation, parang ginawa ni Unica kanina. Taas kilay akong tiningnan ni Unica tapos napahinto sila Deus at Herq. Tiningnan ako ni Deus tapos 'yong board na nasa gilid. Napangiwi siya at napapikit saka umiling.
"Hindi ka marunong mag-longboard?"
Umiling ako.
"Bad news 'yan."
Ngumiti ako. "Ah, hindi na lang ako sasama. Kayo na lang siguro. Master Herq, as usual, galing pa rin." Naghahanda na akong umalis nang magulat ako sa biglang paglagay ni Unica ng pulang helmet sa kamay ko. 'Yong maliit lang, pang babae ang datingan at walang salamin sa harap. "Ano 'to—"
Lumapit si Unica sa isang motor. Nakipag-apir pa siya sa lalaking may-ari nito bago binigay ang long board niya . 'Yong lalaki na ang nagbuhat sa board paalis.
"Angkas."
"Magmomotor?" tanong ko.
"Hindi. Ipapatulak ko sa 'yo'to papuntang Intra kung mag-iinarte ka pa. Hawakan mo 'yang board mo, tara."
Natatawang umiling si Deus sa amin. Habang ako naman, hindi pa sigurado kung tama ba itong mangyayari o hindi. Bigla akong kinabahan; kung dahil sa aangkas ako sa likuran na parte ng motor, o dahil si Unica ang magdadrive - hindi ako sigurado.
Pag-angkas, nagtanong agad ako: "Marunong ka bang mag-motor?"
Unang pagkakataon ko lang kasing umangkas sa motor.
Inayos ni Unica ang side mirror at pinatunog ang gulong ng motor. Nakita ko ang pag-ngisi niya mula sa side mirror nang paandarin niya ito nang sobrang biglaan na nabitawan ko ang longboard na sumagi sa binti ko. Napahawak ako nang mahigpit sa likuran nang pataas na kami at sobrang bilis ng pagpapatakbo niya.
"Marunong akong magbalanse! Don't worry!" natatawa niyang sabi nang dire-diretso siya sa pag-drive.
Dahil madaling araw na, wala nang masyadong sasakyan sa kalsada. Nakakasabayan namin ang mga nagmomotor na kakilala nila at mga nag-skateboard. Sobrang hangin! Kamuntik pang matanggal ang salamin ko sa mata kaya lakas loob kong inalis ang hawak ko sa likod ng motor. Hinawakan ko ang balikat ni Unica, madiin – saka ko sinuksok ang salamin sa mata sa bulsa ng uniporme ko.
"Ramdam na ramdam ko takot mo sa hawak, ah!" natatawa niyang sigaw.
"Ang bilis mo magpaandar!" sigaw ko pabalik.
Babalik ko sana ulit sa likod ang hawak ko nang biglang bumagal saka biglaang bumilis ang pagpapatakbo niya. Napakapit ako nang mahigpit sa balikat niya. Tawa siya nang tawa at gusto ko nang maiyak sa takot para sa buhay ko. Oo, iiyak ako - kahit lalaki ako.
Sinubukan kong lumingon. Wrong move! Dahil parang nasa zigzag kami kung makapagpatakbo si Unica ng motor!
"Hindi mo ba pwedeng bagalan?! Nauuna na tayo sa kanila! Marami pa akong pangarap sa buhay!"
Rinig na ring ko ang lakas ng hangin sa tainga ko. Ang lamig! Ang sarap! Pero ayaw ko pa talagang mamatay!
"Hindi ako maalam kapag mabagal na!"
Ano raw?
Ang weirdo naman ng—napapikit ako sa takot. Oo na, ako na talaga ang takot. Puso ko na ang kumakabog sa bilis ng pagpapaandar ni Unica ng motor. Yumuko ako; nahihiya pa akong ipatong ang ulo ko sa balikat niya pero nang mapansin kong balewala lang sa kanya 'yon – pinatong ko na talaga ang ulo ko sa kanang balikat niya. Pero magaan lang. Sapat para hindi siya mabigatan, at sapat para malaman kong hindi pa ako mamamatay dahil siya ang nagdadrive.
Pinakalma ko ang sarili ko. Ilang beses ako huminga nang malalim bago ako umupo nang maayos at tiningnan ang paligid. Napangiti ako dahil doon lang ang pagkakataong nakita ko kung gaano ka-blurry ang mga ilaw tuwing gabi. Pinagmamasdan ko ang paligid, ang bilis ng paglitaw at pagkawala nila sa paningin ko – saka ko nakita ang ulo ni Unica at ang lumilipad niyang buhok.
Nakng, wala siyang helmet? Tapos ako, mayroon? Anong pinag-iisip ng babaeng 'to? Ang lakas talaga maka-gangster, eh!
Naglakas loob na akong bitawan siya saka tinanggal ang manipis na helmet na suot ko.
"Isusuot ko sa'yo 'to," sabi ko.
Hindi ako sumigaw kaya hindi ko sigurado kung narinig ba niya ako. Mukhang nagulat siya saglit pero kumalma din nang isuot ko sa kanya ang helmet. Inayos ko pa ang strap sa may baba niya. Pagtingin ko sa side mirror, nakita kong napatingin siya saglit sa akin.
Pagdating ng Intramuros, akala ko okay na. Kaso, may ibang plano pa pala si Unica: ang huwag huminto. At bilisan pa ang pagpapatakbo.
Pagkatapos ng ilang minuto, napansin ko sila Deus na kararating lang. Tinuro ko 'yon at mukhang nagpanic si Unica.
Ang sunod na lang na nangyari: binagalan kaunti ni Unica ang motor pagkalapit namin sa pwesto ng statwa ni Lolo pero bigla niyang hininto.
Hinto!
Agad!
Totoo pala 'yong sabi nila na kapag mamamatay na ang isang tao, nakikita nito 'yong buhay niya sa mga mata niya. Ang kaso sa akin, likod ni Unica na kasabay kong mamatay ang nakikita ko.
Pero joke lang, hindi sobrang lakas ang pagbagsak namin. May ilang galos lang ako pero sobrang gaan lang; nadumihan lang din si Unica – pero ang motor na bumagsak kasabay namin?
"BINASAG MO 'YONG SIDE MIRROR!"
"Correction naman, 'yong lupa ang bumasag. Hindi ako."
Hindi natuwa sa joke ni Unica 'yong may ari ng motor. Halos umiyak at ngumawa na nga habang tumatawa ang mga nagsidatingan nilang mga kasamahan.
May kinuha sa bag si Unica. Nagulat ako nang makitang ilang libo ang binigay niya. "Ayan na, ha. 8k 'yan. Bayad na ako."
Napahawak ako sa braso ni Unica. "Woah, saan mo nakuha 'yan?"
Pagtingin ko sa ibang tao, mukhang hindi naman sila nagulat. Mukhang masaya na nga 'yong may-ari ng motor. Bumalik na sila sa kanya-kanyang buhay.
Pinanliitan ako ng mata ni Unica. "Uh, allowance ko."
"Eight thousand?!"
Natawa si Unica. "Grabe, ha. Pinag-ipunan ko naman 'yan," sabi niya. Napa-oh ako at tumango pero natigilan sa sunod na sinabi. "Nang dalawang araw."
Hinatak ko siya sa gilid, malayo sa mga tao. "Seryosong usapan. Saan mo nakuha 'yong pera? Masama ang galing sa nakaw."
"What. The. Fuck." Biglang tumawa si Unica. Pinatong niya ang kamay sa balikat ko. "Hindi ako magnanakaw. Pwedeng-pwede ko ngang bilhin ang pagkatao mo ngayon mismo, eh."
"An—"
"Joke. Asa ka pang bilhin kita." Tinapik niya ako sa balikat. "Hindi worth it. Huwag mo na ngang isipin 'yon."
Pero hindi nawala sa isip ko 'yong tungkol sa pera. Mukhang ako nga lang ang hindi mapakali sa perang nilabas ni Unica. Lahat sila, normal na lahat. Naglolongboard, nag-skateboard, nagba-bike at nagdidrift sa motor. Nakng, lahat sila extreme!
Dahil hindi ako marunong, pinanood ko lang sila; lalo na si Unica. Sumusubok siya ng mga tricks sa skateboard. Napangisi ako nang maalala 'yong unang beses ko siyang nakita. Nakasakay din siya sa board niya noon at tinulungan akong kuhanin ang bag ko.
Galing lang na nandito na ako ngayon, nanonood sa kanya.
"Yosi?" Inabot sa akin ng isa sa mga skater ang stick na hawak. Pagkailing ko, siya na ang nagsindi at humihit doon sa stick. Tahimik kaming magkatabi sa may gutter. Tapos, tinuro niya si Unica. "Syota mo?"
"H-Ha?"
"Si Valentine."
"Hindi. Hindi. Kaibigan."
Ngumisi 'yong lalaki. "Ka-ibigan?"
Tumitig ako kay Unica na tumigil na pala sa pag-skate. Papalapit na siya sa kinauupuan namin pero imbis na ako ang tingnan, 'yong katabi ko. Nanghingi siya ng sigarilyo at nakisindi. Sa akin niya binuga ang usok mula sa una niyang hithit kaya ubo ako nang ubo.
"Malulusaw ako sa titig mong pang manyak."
Natawa 'yong katabi kong skater.
"M-May iniisip lang."
Tumayo 'yong katabi ko at nagpaalam sa amin. Nag-skate siya palayo sa amin at papunta sa mga tropa niya. Binalik ko ang tingin kay Unica na nakatayo, nakaangkas ang isang paa sa board. Dahil madilim na at tanging liwanag sa mga lamp post ang mayroon – para siyang may halo sa likod ng ulo - tapos ang astig pa dahil sa dilim at kaunting liwanag na tumatama sa mukha niya.
"Anong naiisip mo?"
"Uh, mayaman ka ba?"
Sa pagtanong ko, biglang ngumisi si Unica saka pumikit at umiling. Umupo siya sa tabi ko. Ilang beses pa niyang tinapik ang balikat ko. "Gusto mong mag-skate?"
Napatitig ako sa board. "Uh, huwag na."
Tumawa siya. "Weak."
"Wow."
Tumaas ang kilay niya. "Hindi ba?"
Tumayo ako. Siya naman ngayon ang tumingala sa akin.
"Ayaw ko lang. . .mag-skate."
"Bakit?"
Nagkibit balikat ako. Uh, nakakatakot masaktan? Kanina nga may nagtitricks tapos nagkamali kaya nasa isang tabi lang siya ngayon at pinagpapawisan sigurado nang malamig dahil may malaking sugat sa tuhod.
"Pass. Mahal ko pa rin buhay ko."
Tumawa siya habang umiiling. "Ang dami mong makakaligtaang experience at kakaibang saya kung takot ka i-risk ang buhay mo. Sayang." Nag-skate siya palayo sa akin. Sumubok siya ng ilang tricks.
Napangisi ako. . . gusto kong subukan pero. . . hindi talaga. Natatakot ako.
Nang maramdaman ang gutom, kumain na muna kami sa SEx sa Pedro Gil.
"Aahhh, sarap talaga mag-SEx!" sabi ng isa.
Nagtaas ng kamay ang isa pa. "Ate, salamat sa SEx! Na-miss ko 'to. Sa uulitin!"
Ngumingiti-ngiti na lang 'yong nasa cashier. Nang magtama ang tingin namin ni Ate, ngumiti ako nang may paghingi ng kapatawaran. Nginitian lang din ako ni Ate.
"Oy, pucha naman, Unica!"
Naglayuan ang mga katabi sa upuan ni Unica na dalawang biker dahil binuksan niya ang coke in can niya. Sumabog kasi at nagkalat. Napansin ko rin kasi kaninang inaalog niya 'yong coke niya.
"Kadiri ko na!" sabi nong isang katabi niya.
Tumawa si Unica. "Grabe, ha. Maligo ka kasi para hindi ka na kadiri." Uminom siya sa coke in can saka dumighay pagkatapos. "Ah, sarap talaga 'pag walang espiritu."
"Tinatanggal mo espiritu ng soft drink?"
"Ganyan talaga 'yan," sabi ni Deus. "Ayaw niya kasing sumasapi sa kanya si Papa Jesus kaya tinatanggal niya 'yong Holy Spirit."
Naghiyawan sila dahil sa bible reference nila. Sa ilang oras kong nakasama sila, napag-alaman kong hindi lahat ng nandoon ay kaparehas ko ng paniniwala tungkol sa relihiyon.
Siguro nahihiya rin ako kaya hindi pa ako makaalis kahit alas-tres na nang madaling araw. Lahat kasi sila, gising na gising at game na game pa rin. Nakatambay lang kami at nag-chi-chill nang mapansin kong may kinakain sila.
Inalok ako ng isa. "Gusto mo?"
"Ano yan?" tanong ko.
"Brownies, pare. Hanggang langit ang sarap."
Natatawa ako sa description niya kaya kinuha ko ang chocolate brownie. Sobrang liit lang 'yon, siguradong nakakabitin pero ayaw ko naman ding tumanggi. Napansin kong pinagtitinginan naman ako ng mga nakapaligid at ngiting-ngiti kaya ngumiti na lang din ako.
Pagkasubo ko ng brownie, bigla akong sinikmuraan - oo, sinukmuraan! - ni Unica sabay sigaw ng, "LUWA MO 'YAN!"
Hindi na niya ako kailangan utusan dahil pagkasuntok niya sa tiyan ko, naluwa ko agad 'yong brownie. Nahulog sa lapag.
"Putragis kayo, ba't niyo binibigyan 'to? Mga BI amputa." Bakit galit na galit? Pinagsususuntok niya sa braso ang mga ngiting-ngiti sa akin kanina. Hinatak niya ang polo ko; napalapit ako sa kanya. "Tantanan niyo 'to, ah. Birhen 'to sa mga kalokohan."
Nagtataka pa rin ako kahit isang oras na ang lumipas sa brownie issue. Lumapit ako kay Unica at Deus na nag-uusap sa isang tabi para sana tanungin 'yong tungkol sa brownies.
"Ayaw ko, pucha. Takot ako sa Nanay mo," natatawang sabi ni Deus. "Last time na nagkita kami, muntik na niyang ihampas sa akin 'yong board ko."
"Dali na. Next year naman aalis—"
Lalayo na sana ako dahil mukhang may importante silang pinag-uusapan. Itatanong ko na lang kay Herq na panay ang kain ng brownie nang matigilan ako sa pagtawag sa akin ni Deus.
"Ayan oh, si Chino. Hindi kilala ng Nanay mo."
Kumunot ang noo ko. "Ha? Ano 'yon?"
Hindi ako nakasuot ng salamin kaya hindi ko masyadong maaninag ang mga expression ng mukha nila. Ang tanging malinaw lang ay ang boses ni Deus na natatawa.
"Itanan mo si Unica."
Hindi ko 'yon na-gets hanggang makauwi ako sa amin sa Bulacan para sa Christmas break. Unang araw ko pa lang sa bahay, parang namimiss ko na ang tunog ng mga board at motor; ang tawanan at kwentuhan at mga kalokohan. Maling desisyon na bago umalis ay sobrang saya at daming tao ang huli kong nadatnan sa Manila.
Habang nilalaro ko ang G Minor Bach sa Piano Tiles 2, nakiepal sa mundo ko si Cai, ang nakababata kong kapatid. Matinis ang boses niyang sumigaw mula sa CR kaya kahit nasa sala ako at nagpapakasaya, rinig na rinig ko siya.
"Kuuuyaaaaa!" sigaw niya. "May mens na ako! Bilhan mo ako napkin!"
Welcome back sa Bulacan, Chino.
Aayaw pa sana ako nang pagsabihan ako ni Mama na nagbabantay sa RTW store namin na sundin ko na lang ang kapatid ko. Kinailangan ko pa tuloy magsuot ng sando dahil madalas akong walang saplot pang itaas pag nasa bahay.
"Keep the change na 'yan, Ino." Binigyan ako ni Mama ng tig isang singkwenta at bente pesos. "Lakarin mo na lang 'yong 7eleven. Sulit pack bilhin mo para doble ang bilang ng napkin."
Seventy pesos ang binigay sa akin ni Mama pambili ng napkin ni Cai, tapos sixty five pesos naman ang Sulit Pack Modess Napkin (with wings!) ni Cai sa 7eleven. Nakngtinola, hindi pa sumakto sa pamasahe ng jeep, eh!
Pagkalabas ng 7eleven, nabigla ako sa narinig. Nagulat. Hindi makapaniwala. Pakiramdam ko ay na-in love ako nang hindi ko alam dahil naririnig ko na lang bigla ang malalim na boses ng babaeng 'yon. Na para bang dahil sa hinahanap hanap ko at tumatak na sa isip ko, lahat ng boses, kaboses niya . . . na hindi naman kagandahan.
"—sigurado kang hindi mo kilala 'yong singkit? Mukhang nerdo—"
Pero hindi - hindi imahinasyon o hallucination. Dahil paglingon, nakita ko si Unica na may kausap na lalaki. Kasabay niyang manigarilyo. Nang mapatagal ang titig ko sa kanya, napatingin 'yong lalaking kausap niya na nagtaka sa akin.
"Siya ba hinahanap mo?" turo sa akin n'ong lalaki.
Napalingon sa akin si Unica at biglang nag-init ang buong pagkatao ko. Parang umakyat lahat ng dugo ko sa ulo. Nanlamig ang kamay at paa ko at para akong pinagpapawisan kahit malamig ang simoy ng hangin. May malaki siyang backpack; naka-simpleng white shirt, maong shorts na kaunting pulgada lang ang taas mula tuhod at rubber shoes; may hawak na sigarilyo sa kaliwang kamay at bote ng mogu-mogu sa kabila.
Kumunot ang noo niya pagkatingin sa akin, mukhang parehas ko ay hirap rumehistro ang katotohanang nasa harap namin ang isa't isa. . .at wala kami sa Manila. Nagkita kami sa 7eleven, hindi sa Lawton - kundi sa may amin! Malapit sa bahay ko. . .sa Bulacan!
Bumaba ang tingin niya sa hawak kong plastic at nagtaas ng kilay.
"Oh, hindi mo sinabi sa aking nagdadalaga ka pala kapag nasa probinsya ka?"
Walang ibang pumasok sa isip ko kundi ang isang tanong lang; "A-Anong ginagawa mo rito?!"
Ngumiti lang siya bilang sagot. Bakit ba kinakabahan ako sa pwedeng naiisip ng babaeng 'to?
; x ;
Nakaraos din tayo ng 20 chapters! Nasa kalahati na tayo ng kwento (ata?)! Yehey! (Opo, mukha talagang matagal (literal na matagal talaga dahil ang tagal ko nang sinusulat ito huhuhu i miss the days i update everyday...... . . .anyway!) dahil na rin slowly but surely ang magiging kaganapan. we don't want instalove, right? riiiiggghhht? kung may love nga bang magaganap. haha!)
Salamat sa pagbabasa at pag-aabang ng update na kasing bagal ng pag-usad ng bansa! Charot :D
"Girlfriend Interview" written by yours truly. Guy version of the "Boyfriend Interview" by Haley Mosley .
Can't wait for the day my mind will be free from thinking about thesis and my time will be free from doing it. Matagal-tagal pa ito kaya beaaaarrr wwwiittthh meeeee. Salamat! :D
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top