u n c n s r d 17
u n c n s r d 17
"Huli na ang lahat bago ko pa mapigilan ang sarili kong pisilin ang pisngi niya."
Pinilit kong pumikit dahil kahit nakadilat, madilim ang paligid. Tumihaya ako at tumitig sa kahoy na kisame ng tinutuluyan namin sa Sitio Masla. Tumitig ako sa pinaka madilim na parte saka pumikit ulit. Humugot ako nang malalim na hininga. Anong oras na kaya? Nakatulog ba ako o naalimpungatan lang? Gumilid ako, nakaharap ako sa kabilang dingding habang ang likod ko ay sa pwesto ni Unica. Pagkaramdam ko ng sakit sa balikat, dumapa ako. Pinilit ko pang huminga pero hindi kinaya kaya hinilig ko ang ulo ko. Tumitig ako sa dilim pero alam kong nandoon si Unica, nakahiga – at base sa naririnig kong paghinga – tulog na siya.
Nakng, buti pa siya.
Bakit hindi ako makatulog? Pagod naman ako sa pagbubuhat at pag-aasikaso ng mga bagay. 'Yong paglalakad namin dito, sobrang haba – nakakapagod. Dapat tulog ako.
Pero bakit gising na gising diwa ko?
Nagpakawala ako ng mahinang buntong hininga at inayos ulit ang pagkakahiga. Pumikit ako. Nagbilang na rin ako ng tupa sa isip. Isa. . .dalawa. . .tatlo. . . apat. . .lima. . .labing siyam. . .apatnapu't dalawa. . . siyamnapu't siyam. . .
Dumilat ako. Madilim pa rin ang paligid. Nagkamot ako ng kilay sa sobrang pagkaasar. Isang daang tupa na nabibilang ko, gising na gising pa rin ako?!
Nakailang lipat pa ako ng pwesto. Pabalik na sana ako sa paghilata nang biglang – boom, nakng! Nawalan ako sandali ng hininga! Napalakas ang 'agh' ko sa malakas na pwersa ng braso ni Unica. Pinalo niya ako sa tiyan! Kulang na lang mag-fetus position ako sa sobrang sakit!
"Puta . . ." mahinang sabi niya. "Kiti-kiti ka ba?"
"Bakit kailangan mong manakit?" marahas ang pagkakabulong ko.
Hindi siya sumagot. Wala rin akong narinig na paggalaw niya. Hinimas-himas ko ang tiyan ko. Parang namatay ako saglit, eh. Ang sakit!
Nanatili akong nakatitig sa kisame hanggang sa wala na talagang antok ang dumalaw sa akin. Nilingon ko si Unica. Kadiliman lang nakita ko.
"Gising ka pa?"
Walang sagot.
"Uy. . ."
"Paano ako makakatulog kung kinakausap mo ako?"
Napangiti ako. Pinahina ko rin ang boses niya dahil ang lakas. "Bakit gising ka pa?" Wala na naman siyang sagot nang may maalala ako sa kadiliman. "Natatakot ka ba?"
"Ha?"
"Sa dilim. . .natatakot ka ba?"
Narinig ko ang paggalaw niya. parang nag-ayos ng posisyon.
"Lul," bulong niya.
Oo nga pala, bakit ako magtatanong kung alam kong wala akong makukuhang matinong sagot? Pumikit ako, nagbakakasakaling antukin ako bigla at makatulog nang gumalaw muli si Unica. Naramdaman kong dumikit ang kamay niya sa braso ko sandali.
Ako naman ang nagreklamo. "Ang gulo mo."
"Magkwento ka."
Ramdam ko ang hangin mula sa kanya. Mukhang nakatapat ang mukha niya sa akin.
"Ng ano?"
"Mga katangahan mo. Siguradong marami 'yon," natatawa niyang sabi.
Tumagilid ako para nakaharap na ako sa kanya kahit hindi ko naman siya kita. "Aray, sakit."
"Buti naman nasaktan ka. Sinasadya ko talaga 'yon."
Natawa na naman ako sa pinagsasasabi niya. Lakas talaga, puro kasamaan bukambibig. "Para lang 'to sa text noon. 'Yong nagtatanong ng 'topic po?'"
"Hah! Nauso textmates noon, di ba? Highschool. Tapos tatanungin ng katext kung anong trip sa lalaki. Magtatanong kung pwede raw ba mag-apply, tapos manliligaw sa text."
"Mukhang marami kang alaala noong nakaraan ah? Jeje days?" natatawa kong sabi habang naaalala mismo ang mga sinasabi niya. Na para bang nagkatext kami noong mga highschool pa.
"Doon ko kasi napagtantong hindi ko pala kaya magsampung boyfriend na seloso ang kalahati. Ang hirap kaya alalahanin mga pangalan nila kaya pangalan nila sa contact ko: bhe, ney, mhine, biep ko, baby, babe, labs . . . sayang hindi pa uso Bae, maganda pa namang tawagan 'yon."
Natawa ako bigla. "Seryoso? Nakakadegrade naman ng pagkalalaki kapag ganyan pangalan sa contact ng babae!"
"Eh, wala, eh. Change simcard na nga ako noong natawag kong mhine si babe, nagtanong ba naman sino si mhine. Babe daw tawagan namin. Niloloko ko raw siya kung kailan nagseseryoso na siya," sabi niya. "Hindi ko nga rin gets bakit ako na-wrong send. Ang layo ng mhine sa babe!"
Tumawa na rin siya sa pinagsasasabi niya.
"Eh, anong sabi mo? Ilang months na kayo noon?"
"Puta, 'yon na nga ang masama eh. Six days pa lang 'yon!"
Lalong lumakas ang tawa namin. Tinakpan ko ng unan ang mukha ko dahil sa ingay. Mukhang ganoon din ang ginawa niya. Natatawa rin ako sa tawa niya. Nakakahawa!
"Lakas appeal ka pala sa text, eh. Hindi mo sinasabi."
"Wala, eh. Boys magnet ako sa text. Alam mo naman pag bored. . ."
Ngiting-ngiti pa rin ako mula sa pagkatawa. Lalong gumaan ang pakiramdam ko dahil mas ramdam ko nang hindi siya galit sa akin. O kung ano man. Tumihaya muli ako at pumikit.
"Ikaw ba?" Nang hindi ako magsalita, sinundan niya ang sinasabi. "Hindi pa, ano?"
"Alin?"
"Girlfriend. Sa text. Parang ikaw 'yong tipo ng highschool student na tutok sa blackboard. Kulang na lang iyakan ang grade kapag naka-line of 8 kasi puro ka line of 9. At hindi alam ang salitang babae."
"Hinusgahan mo na agad pagkatao ko nang ganoon kadali."
Natawa siya bigla sa sinabi ko. Gumalaw ulit siya, mukhang humarap din sa kisame.
"Then humor me."
"Nahilig din ako sa text, mga second year highschool. Nag-clan pa nga ako kaya ang tawa ko noon, jajajaja."
"Tangina!" sabay hagalpak niya nang tawa. Mabilis kong tinakpan siya ng unan kahit hindi ko siya nakikita. Niyakap naman niya ang unan ko at doon tumawa. "Jejemon ang puta! Shit!"
"'Yong tawa mo abot school natin."
"Eh kasi, puta. Jejemon ka. Hindi ko ma-imagine. Tangina."
Nangingiti na rin ako. "May mga nakaraan talaga tayong tanggihan man natin, hindi na mawawala ang katototohanang nangyari 'yon."
"Ay, sumanib sa 'yo si Herq?"
"Idol ko na ata siya, eh."
"Sabihin ko sa kanya para magkaroon kayo ng bromance." Natawa ako, saka binalik niya ang usapan sa text. "So, tama ako na wala kang kalokohang girlfriend sa text? Kung ako makakatext mo tapos jajaja tawag mo, baka binlock na kita."
"Hindi uso ang block noon, saka oo, nagkaroon."
"Girlfriend? Sa text? Weh?"
Kinagat ko ang labi ko at nahiya bigla. Isa 'yon sa pinagsisisihan ko talaga. Nakakapangilabot kapag naaalala kong ginawa ko 'yon.
"Napagkatuwaan lang ng mga barkada ko 'yong ka-schoolmate namin. Niligawan nila sa text tapos ako 'yong sinabi nilang nakakatext. Instant girlfriend. Sinubukan ko ring manligaw sa text. May mga pakipot tapos mayroon ding sunggab agad."
"Woah, nagawa mo 'yon?"
"Hindi naman ako ang pinaka matinong tao sa mundo."
Nagulat ako sa biglang pagtapik ni Unica sa akin. Noong una sa braso ko, balikat, noo, hanggang sa tinapik niya ang pisngi ko nang malakas.
"Sayang, bibigyan pa naman kita ng halo. Minus points ka sa heaven."
Natawa ako sa sinabi niya. Hinawakan ko rin ang kamay niya para itigil ang pagtapik sa akin dahil nakng, sinusundot na rin niya ang mata ko!
"So, 'yong Mari Solei. . ."
Natigil ang pagpalo niya sa akin.
"Ano?"
"Hindi mo siya niligawan? Kahit text?"
Ilang segundo ako natahimik bago ko sinabi ang sagot ko. "Siya kasi 'yong tipong hindi pang text lang."
"Gusto mo talaga siya, eh, no?"
"Bakit?"
Imbis na sagutin ang tanong ko, nagtanong siya sa akin. Sobrang layo sa pinag-uusapan namin. "Bukas paggising mo, anong gusto mong mangyari sa 'yo; mabulag, mapipi o mabingi?"
Pinilit kong mag-isip pero wala nang pumapasok sa utak ko. Siguro dahil madaling araw na, at siguro ay sisikat na ang araw tapos wala pang tulog. Na okay lang din naman dahil nakakapag usap kami nang matagalan ni Unica.
"Mapipi siguro. Ayos lang sa aking hindi magsalita kaysa mabulag o mabingi. Kung sakali kasi, hindi ko kayo makikita at hindi ko maririnig mga kanta ng banadng gusto ko." May sense kaya ang sinabi ko? Tumagilid ulit ako, paharap sa kanya dahil nananakit na ang likuran ko sa tigas ng kahoy na hinihigaan. "Ikaw, anong pipiliin mo?"
"Mabingi."
"Bakit?"
"Selfish reason. Ayaw kong makinig sa sinasabi ng iba," sabi niya. "Kaya kong ipikit mga mata ko kapag ayaw kong makita ang nasa harap ko. Kaya kong itikom bibig ko kapag ayaw kong magsalita. Pero ang tainga, papakinggan lahat ng kayang mapakinggan. Hindi pwedeng pigilan."
Natahimik ako, inintindi ang mga sinabi niya.
"Ayaw ko nang ganoon. 'Yong hindi ko hawak ang sarili ko."
"Mahilig ka sa banda? Tugtugan?" pagka-oo niya, tinuloy ko ang mga tanong ko. "Paano mo maririnig ang tula ni Herq kung mabibingi ka?"
"Bibili na lang ako ng hearing aid. Para 'yon ipapasak ko sa tainga ko kapag gusto ko nang makinig."
"Bakit? Pandaraya 'yon. Tsaka mahal ang hearing aid."
"Hindi 'yon pandaraya. May pera akong pambili, bigyan pa kita ng sampu. At ang sabi ko lang, kung bukas mangyari sa 'yo. Wala akong sinabing bawal gumamit ng aparato," paliwanag niya. "Bukas makalawa, makakauwi tayo sa Manila at makakabili ako ng hearing aid. Pandaraya kung sinabi kong bingi ako pero nakakarinig pala talaga ako. Ginagamit ko lang ang resources at science discoveries."
"Science discoveries. Gusto mo ba ng science?"
"Yuck."
Natawa ako. "Tingnan mo. Ayaw mo nga ng science, eh!"
"Ayaw ko ng 'science' pero hindi ko sinasabing ayaw kong gamitin ang product ng discoveries nila."
"Pilosopo mo."
"Mabilis lang ako mag-isip. Ikaw, engineering ka. Naniniwala ka ba sa illogical like destiny?" panibago niyang tanong na nagpaisip sa akin. Hindi ko 'yon napag-iisipan dahil wala rin naman akong pakialam. Ngayon lang pumasok sa isip ko.
"May free will at free choice tayo. Paano 'yon aayon sa destiny?"
Gumalaw siya muli. May tumilaok na manok kaya napatingin ako sa saradong bintana. Mukhang mag-uumaga na. Alas tres na ba? Pero madilim pa rin.
"Destiny, parang nakatadhana na tayo sa isang bagay. Kunwaring may free will pero lahat ng 'yon, planado lang. 'Yong what if, what if lang talaga."
"Paano mo ipapaliwanag mga naghihirap ngayon?" tanong ko. "Itong mga bata sa Sitio Masla. Nakatadhana silang maging ganito? Ganoon ba? Hindi ba't kaya sila naging ganito dahil sa desisyon ng magulang nila. . . sila ang effect sa cause ng magulang."
"Napaka logical mo naman mag isip," kumento niya.
"E.Eng ako, madalas kaming mag-obserba. Hindi pwedeng nakalaan sa destiny kaya gumana 'yong radio booth. Ginawa kasi namin 'yon, choice namin. Pinag-aralan namin gawin. May pruweba."
"May Diyos ka ba?"
Nabigla ako sa tanong niya. "Catholic ako."
"Okay, so. . . naniniwala kang si God may desisyon ng lahat?"
"Naniniwala akong may nilaan siya, pero nasa tao ang desisyon kung gagawin 'yon ng tao o hindi. Nasa tao ang gawa, nasa Diyos ang awa."
"Hmm, okay." Natahimik siya saglit. May sense pa ba ang sinasabi ko? Napapaisip ako nang wala sa oras. "What if, what if lang ha. . ." hinintay niya ang sagot ko pero hindi ako nagsalita. "What if, nakatakda kang mag-suicide. Sabi ni God."
"Hindi kailanman sasabihin 'yon ni God."
"What if lang!" pagtaas niya ng boses kaya pinahinaan ko sa kanya. "Isipin mong mabuti; ano ba ang mga taong nag-suicide? Weak to continue the hard life or the strongest to face death. Huwag mong sabihin sa aking hindi 'yon totoo dahil may pruwebang may nagsu-suicide. At pinag-aaralan 'yon ng science."
"Nasa tao mismo kung ano 'yon para sa kanya. Ngunit sa simbahan, kasalanan – kahit naman saan. Dahil sa pagpatay mo sa sarili mo, parang ginawa mong diyos ang sarili mo. gumawa ka ng sarili mong tadhana."
"Oh, eh akala ko ba free choice at free will?"
Natahimik ako at napaisip. Mukhang pinag-iisip talaga ako ng babaeng ito. "May mga tao sigurong sumusobra sa free choice at free will? Ah, ewan. Ikaw ba? Ano bang naiiisip mo sa ganyan? Na nakatadhana 'yon sa tao?"
"Bakit hindi," sabi niya. Huminga ako nang malalim. "What if, nakatadhanang magpakamatay si person A para maging instrumento sa nakatadhanang buhay ni person B? Isipin mo si Elmo Magalona. Nagkaroon siya ng ticket sa showbiz noong namatay si Francis M."
"Ibang kaso 'yon. Cancer naman 'yon, eh."
"Ugh," sambit niya. Napangiti ako dahil naisip kong umirap pa siya kasabay noon. "Example lang. Same lang din naman. Namatay."
"Hindi suicide."
"So, paano naman 'yong euthansia? Mercy killing 'yon. Papatayin mo ang taong naghihingalo? Sa tingin ko hindi matutuwa si God sa ganoong pangyayari."
"Mas maayos nang tapusin ang paghihirap nung tao kaysa ipagpatuloy na mabuhay pa."
"Oh? Eh what if choice nung naghihingalo na 'yon na mabuhay pa pero 'yong pamilya na niya nagbigay ng consent na patayin siya? Mercy killing man, killing pa rin. Nilagyan lang ng Mercy. Pagpatay pa rin. At kung ako ang Diyos, iisipin kong walang karapatan ang mga itong patayin ang gusto pang mabuhay."
Natahimik kami sa sinabi niya. May pinupunto siya at nakukuha ko 'yon. Hindi ko lang matanggap. Ang daming umiikot sa utak ko nang madaling araw na 'yon na sa ilang minuto naming katahimikan – ang tanging natanong ko na lang ay, "Naniniwala ka ba sa Diyos?"
Hindi siya sumagot. Rinig ko ang paghinga niya. Nakatulog na siya.
At ilang sandali pa, niyakap na rin ako ng antok.
Nagising ako nang nakatitig sa mukha ni Unica na natutulog pa rin. Nagulat pa ako dahil ilang dangkal lang ang pagitan namin. Agad akong napaupo. Nag-unat dahil sa pananakit ng katawan. Nagulat din ako nang makita sa gilid sila Mayumi at Malinang.
"Uh, magandang umaga."
Humagikgik ang dalawang bata.
Nananakit pa ang mga mata ko, marahil sa pagkapuyat, pero nagising pa rin ako ng alas sais. Naghilamos na muna ako at nag-toothbrush sa CR sa ibaba. Nakasalubong ko rin ang ilang mamamayan na gising at kumikilos na sa pagpapakain ng mga alagang manok at baboy. Sa pagbubuhat at pagluluto. Kaunti pa ang gising na first years.
Pag-akyat ko sa kwarto, ginugulo na ng dalawang batang nagtatawanan si Unica na nagising.
"Aaghhh, huwag kayong magulo! Natutulog ako!"
Sumimangot si Malinang, 'yong mas bata sa dalawa. "Baho."
Dumilat si Unica at hingahan niya ang dalawang bata na nagsitayuan at nagtatatakbo palapit sa akin.
"Baho! Baho hininga!"
Nagtakip ako ng bibig para pigilan ang pagtawa ko pero ang lawak na ng ngiti ko. Mukhang nagising na rin si Unica nang nakahiga pa rin siyang tumingin sa akin. Singkit na singkit ang mata sa puyat.
"Tinatawa-tawa mo?"
"Wala."
Tumulong muna ako sa mga magulang ng mga nagkupkop sa amin. Tinulungan kong maglinis ng bahay ang Nanay at magbuhat ang Tatay. Habang si Malinang at Mayumi ay kinukulit ako. Isang oras pa ang lumipas bago bumaba si Unica na nakatali ang buhok. Kitang-kita ang tattoo niya sa leeg.
"Ano 'yan! Ano 'yan!" turo ni Malinang sa tattoo niya.
"Bakit ko sasabihin sa 'yo?"
At dahil doon, kinulit na siya ni Malinang. Habang si Mayumi naman ay ako ang kinukulit. Nagpapabuhat. Nang buhatin ko si Mayumi, nainggit si Malinang kaya nagpapabuhat din kay Unica na ayaw naman niyang buhatin. Ang bigat daw.
"Doon ka magpabuhat, oh."
"Buhat!"
Sinasaway na sila ng magulang nila pero ayaw pa rin paawat ng dalawang makulit na bata.
"Bahala ka d'yan."
Nakipaghabulan pa si Unica kay Malinang hanggang sa makalabas sila. Natatawa na lang ako nang ibaba ko si Mayumi. Ang kaso, makulit din talaga ito kahit siya ang panganay. Yumakap ba naman sa binti ko.
Kaya naman hirap na hirap ako sa pagpunta ng Munisipyo dahil may pabigat na bata sa binti ko. Tinabihan ko si Aris nang makita ko siyang nag-aayos na roon. Pinakilala ko sila Mayumi at Aris sa isa't isa.
"Ang bigat mo!" rinig kong reklamo ng boses ni Unica.
Paglingon namin ni Aris, natatawang nagrereklamo si Unica dahil nakasampa na si Malinang sa likuran niya. Hindi ko napigilang ngumiti sa reklamo niya. Napaka tipikal. Nagulat naman ako nang sumigaw si Aris dahil sa hawak ni Mayumi sa binti niya.
Bago ko pa pagsabihan si Mayumi, nagsalita na siya agad na nagpakunot ng noo ko.
"Ate, ate. May gusto ata siyang sabihin sa 'yo." Tinuro ni Mayumi 'yong lalaking long hair na biglang tumayo. Nakatingin ba siya sa amin? Problema ng lalaking 'yon? Napansin ko naman si Aris na sinundan ng tingin 'yong long hair.
May nangyari ba? Kinulit ba n'on si Aris? Nakng. Umiwas na ako ng tingin at kinuha ang box na walang laman. Nagpaalam na ako kay Aris kahit hirap na hirap ako dahil nakayakap pa rin si Mayumi sa binti ko. Sinundan ko ng tingin 'yong long hair na tiningnan din ako saka ngumisi.
Naiirita talaga ako sa mukha ng Vane na 'yon. Papogi.
Pagkababa ko ng box sa table, napalingon ako nang dumating sila Unica at Malinang sa tabi ko. Tawa nang tawa si Malinang na naka-piggy back ride kay Unica habang panay reklamo niya ng "nasasakal na ako!"
Nang magkatinginan kami ni Unica, natawa agad ako sa itsura niyang hirap na hirap. "Gago ka, ah," natatawa niyang sabi.
Naging busy kami sa mga gawain at buti na lang ay hindi na masyadong nangulit sila Mayumi at Malinang. Binigyan din kasi sila ng mga bagong damit kaya doon sila tumambay sa Munisipyo. Nag-do-document ako ng buong pangyayari gamit ang pagkuha ng litrato.
"Unica!" tawag ko sa kanya na manghang-mangha sa pagkatay ng manok. "Tingin ka rito."
Tumawa ako nang itaas niya ang kamay niya na nakataas ang gitnang daliri. "Huwag mo akong kukunan, langya ka."
"Oy, masama 'yan."
Umirap siya sa akin. Hindi na rin naman niya kailangan tumingin dahil nakuhanan ko na ang itsura niyang namamangha sa pinapanood. Kumuha rin ako ng mga litrato ng mga bata. May tatlong bata nga na panay ang kalabit sa akin at kuhanan ko raw sila. Nakakatuwa pero nakakapagod din.
Minsan, pupuntahan ko si Aris sa kusina. Patago ko siyang kukuhanan ng litrato at kapag nakikita niya 'yon, sasabihin niyang i-delete ko.
"Pangit ako r'yan, Chino. Delete!"
Tiningnan ko ang kuha ko sa kanya at napangiti. Ang ganda naman, saan dito banda ang pangit? "Oo, mamaya. Di-delete ko."
"Ngayon na!"
Tumawa ako. "Mamaya. Sige na, aalis na ako."
Sumimangot siya sa akin na kinuhanan ko ulit ng litrato. Pinalo na niya ako at tinulak palayo dahil ginagambala ko lang siya. Naka tatlong kuha pa muna ako ng litrato bago ako tuluyang umalis. Natutuwa ako dahil namumula na ang mukha niya sa inis. Cute.
Pagkabalik ko sa labas, kumukuha ulit ako ng mga litrato. Nakatingin ako mula sa lens ng camera nang matigil at napakunot noo nang makuhanan ng camera ko si Unica na kalaro ni Mayumi. At 'yong lalaking long hair na inaayusan ng buhok ni Malinang. Nagtatawanan sila at mukhang masaya.
Binaba ko ang camera ko saka naglibot sa ibang lugar. Asar.
Pagkatapos magkainan, nagkaroon pa ng ibang activities at napapansin kong hindi nagpaparticipate sila Unica at 'yong kasama niya. Narinig ko na nga ring nag-uusap ang mga professors tungkol sa kanila.
"Hindi tumutulong ang mga batang iyon."
"Ano pa bang maaasahan natin sa mga irreg? Lalo na 'yong si Valentine – talagang hindi 'yan tutulong."
Ilang beses kong sinubukang lapitan si Unica pero sumasama ang tingin sa akin n'ong long hair. Sa dinner, kasama ko si Aris. Nagkwentuhan kami ni Aris tungkol sa Bulacan. Naalibadbaran naman ako dahil parang may nakatingin – paglingon. Nakatitig sa akin 'yong long hair.
Humawak ako sa nag-iinit kong batok. Ano bang problema ng lalaking 'yon?
Sa Munisipiyo naman ako matutulog. Nainis pa ako dahil nang sabihin ko kay Unica na sa Munisipyo rin siya matutulog para bigyan ng pagkakataon ang iba para makitulog sa mga pamilya – sumingit ang kumag na long hair.
"Nagpaalam na ako. Pwede raw matulog ulit si Unica sa tinulugan niya kagabi." Ang sarap burahin ng ngisi niya sa labi. "Ayos lang naman, di ba? Ako ang papalit sa 'yo?"
Tumango lang ako. Lalong lumawak ang ngisi niya at nangangati ang kamao kong burahin 'yon. Tinanguan ko lang si Unica. Tinitigan 'yong kumag. At sinara na ang pintuan ng munisipyo. Nakng, sana nagpaalam na rin akong sasamahan ko si Aris sa tinutuluyan niya ngayon. Inis.
Nananakit ang katawan ko pagkagising kinabukasan. Nag-ayos agad nang maaga dahil last day na namin. Maglalakad na kami pagkatapos magtanghalian. Kinatok ko isa-isa ang mga tirahan para gisingin ang mga kalalakihan. Itutuloy kasi ang pag-aayos ng paaralan.
Pagkakatok ko sa bahay nila Mayumi at Malinang, narinig ko ang boses ni Mayumi na sumigaw. Agad kong binuksan ang pinto at natigil nang makitang nakahiga ito at tawa nang tawa. Kinikiliti ng kulot na kumag na walang shirt na suot. Tattoo agad niya sa likod ang kita ko.
Wala talagang pantaas? Pasikat.
"Oy, tama na 'yan, Vane. Mamamatay na 'yan sa tawa," natatawang sabi ni Unica. Natigil siya nang makita ako. May hawak siyang baso. At napakunot noo ako sa itsura niya.
Gulo-gulo ang buhok niyang nakatali. Nakasuot siya nang malaking shirt at naka-short shorts. Kitang-kita ang tattoo niya sa gilid ng hita. Nagkatinginan kami. Kailangan talagang magmukhang nakapambahay? Lalo akong nainis nang tumayo si Vane na nilalaro pa rin si Mayumi habang kinukulit siya ni Malinang.
"Magtatanghali na, hindi pa rin kayo nag-aayos?" huli na para pigilan ang lumabas sa bibig ko.
"Woah, chill lang." Lumapit si Unica sa akin. "Magkape ka muna." Inalok niya sa akin ang baso niya pero tinitigan ko lang 'yon.
"Kumilos na kayo."
Huminga ako nang malalim pagkalayo sa bahay na 'yon. Parang may itim na aura na hindi malaman. Ewan.
Hindi tumulong sila Unica at kulot sa mga gawain. Nakipaglaro lang sila sa mga bata nang walang humpay habang nagpapawis na kaming lahat sa pag-aayos ng paaralan. Nilapitan ko sila sa may lilim. Napangisi ako dahil mukhang nasasaktan na 'yong kulot dahil sinasabunutan ng mga bata.
"Kung hindi kayo tutulong sa pag-aayos ng school, sana doon na lang kayo sa loob. Mag ayos ng pagkain."
Hindi makatingin sa akin 'yong kulot pero kunot noong tiningnan ako ni Unica. Bakit ganyan siya makatingin? May sinabi ba ako?
"Bakit ang sungit mo?"
"Hindi ako masungit. Hindi lang kayo tumutulong. Kita niyo 'yon?" Tinuro ko ang mga first years na nagsesemento. May ilan nga ring babae na tumutulong. "Busy kami sa paggawa ng school."
"Oh, mukha ba kaming hindi busy?" May batang nagpapabuhat kay Unica. May dalawa ring kumakapit sa binti niya. Sinasabunutan ng dalawa pang bata 'yong kumag. "Ang hirap kayang mag-baby sit!"
"Eh para rin naman sa mga bata ang ginagawa namin doon."
"Paano kami makakaalis dito kung kabit nang kabit 'yong mga bata sa amin?!"
"Bakit sumisigaw ka?" Agh, nakng. Naiirita ako.
"Kagabi ka pa, eh! Ano bang problema mo?"
Nakita kong tumawa 'yong kulot na kumag. Muntik ko nang ibato sa kanya ang laruang hawak ng isang bata. Buti nakapagpigil ako. Tiningnan ko lang si Unica at umalis na. Narinig kong nagsalita 'yong kulot ng, "problema n'ung nerd na 'yon?" kaya lalo akong nabwisit.
Kung lalagyan ko ba ng semento ang paa niya, hindi na siya makakaalis sa kinatatayuan niya? Makukulong ba ako kung sakaling gawin ko 'yon? Hindi naman ako pumatay o nanakit.
Hanggang pagbalik sa Manila, at pagpasok sa school. Nabubwisit pa rin ako sa pagmumukha ng long hair. Si Sinteya naman ang madalas niyang kausapin. Lalo na sa History class namin. Mukhang hindi rin natutuwa si Sir Marco sa nangyayari at parang inaasar pa ng kulot si Sir.
Nang mag Nobyembre, mas naging busy kami dahil sa nangyaring prelims, palapit na midterms, pag-d-DJ ko sa radio booth at 'yong pageant. Hindi na naman pumupunta ng meeting si Unica. Tinext ko siyang magpunta siya ng photoshoot pero walang reply.
Lalo akong nabwisit.
"Okay ka lang ba?" tanong sa akin ni Aris.
"Ha? Ayos lang, bakit?" Medyo puyat ako dahil sa mga gagawin sa pageant. Photoshoot na kasi ng theme wear kinabukasan at wala pa ring reply si Unica. Parang wala lang sa kanya.
"Lagi kang tulala."
Ngumiti ako. "Wala 'to, busy lang."
Nagulat ako nang hatakin ako ni Aris patayo. Lumabas kami ng cafeteria nang nagtataka. Nagpunta kami sa SM Manila. Sa groceries ang diretso namin hanggang sa binigay niya sa akin ang isang ice cream.
"Para saan 'to?"
Kumuha siya ng kanya at dumiretso kami sa counter. Kukuhanin ko pa lang ang wallet ko, binayaran na agad niya 'yong ice cream.
"Ako na—"
"Ako na," pinal niyang sabi habang pinanlalakihan ako ng mata. "Libre ko na sa 'yo 'to."
Agad akong napangiti kaya ngumiti rin siya. Huli na ang lahat bago ko pa mapigilan ang sarili kong pisilin ang pisngi niya. Nakng, bakit ba ang perpekto nitong si Aris?
"Salamat, ah," sabi ko nang palabas na kami ng SM.
"Libre mo na lang ako sa susunod."
Tumaas ang dalawang kilay ko. "Parang date?"
Nanlaki ang mata niya at napanganga. "Chino!"
Tumawa ako. Hindi ko na dinagdagan ng joke dahil hindi ako nag-jo-joke. Gusto ko siyang yayain ulit makipag-date. Siguro sa susunod, kapag hindi na masyadong busy.
Kinabukasan, inutusan ako ni Ginang Teodora mag-ayos ng mga papeles. Dahil walang ginagawa ang mga kaibigan ko, sumama sila sa akin maglibot para magpapirma at kumuha ng mga kailangan para sa theme wear photoshoot. Hindi ko alam kung nagpunta si Unica. Hindi ko na rin pinaalala sa kanya. Bahala na siya.
"Alam niyo 'tol, parang ang loser natin," sabi ni Adam habang hinihintay namin ang Dean.
"Ba't mo nasabi?" tanong ni Mark.
"Puro tayo laro. Hindi nga tayo gumagala, eh. Wala tayong chicks—"
Tinigil ni Sandy si Adam. "Huwag niyo akong itulad sa inyo." Pinakita niya ang lock screen wallpaper ng phone niya. "Kikita niyo 'to? Chicks ko 'to."
"Basted ka naman."
Nagtawanan kami. Pagkaalis mula sa Dean's office, papunta kami sa room kung nasaan si Ginang Teodora nang makasalubong namin 'yong kulot na kumag na kasama si Jill, kaklase namin sa History. Kung makayakap, parang mawawala 'yong lalaki.
"Nakita niyo 'yon? Si Yboa?" sabi ni Adam. "Dapat mag-ganyan tayo. Para habulin ng chicks. Close na close sila nila Unica at Sinteya."
Hinawakan ni Jethro ang buhok niya. "Bagay ba sa akin 'yong long hair?"
Natawa ako bigla. Sobrang kulot kasi siya kaya laging naka-shave ang buhok. "Kung gusto mo makatulong sa nature at maging pugad ng ibon, ayos lang."
Nagtawanan kami.
Natigil naman ako nang tumigil sa paglalakad si Mark. Ayaw niyang buksan ang pintuan para makapasok kami dahil nandoon ang shoot.
"Nandoon sila!"
"Sino?" pagtataka ni Sandy.
"Sinteya. Unica."
Napakunot noo ako. Wow. Buti naman naisipan niyang sumali pa. "Tabi na, papakita ko pa 'to kay Ma'am."
Binuksan ko ang pintuan. Una kong nakita si Sinteya na nakaupo at napatingin sa amin. Diretso ako kay Ginang Teodora. Nandoon din ang ilang mga contestant. Napailing na lang ako dahil nagpapapansin ang mga kaibigan ko kay Sinteya.
"Natural lang, beh. Huwag masyadong stiff," boses ng photographer.
"Ay, ito talaga peg ko. Gusto ko maging statwa."
Nagtawanan ang mga tao habang ako naman ata ang nanigas sa narinig. Boses ni Unica. Tumingin ako sa set, at nandoon nga. Si Unica. Naka-ayos siya at naka-make up. Bigla akong kinabahan. Tiningnan ko ang damit niya at kung hindi siya magsasalita, para na siyang isang mahinhin at mayuming prinsesa na kahuhumalingan ng kahit sinong lalaking makakakita sa kanya.
Nang lumingon ang ulo niya sa bandang kinatatayuan ko, napatingin ako kay Ginang Teodora na may sinasabing kung ano. Nagulat pa nga ako. Sinamaan tuloy ako ng tingin ni Ma'am. Tumango ako sa sinabi niya at lumabas na, halos hatakin ang mga kaibigan kong papansin kay Sinteya.
May mga sinasabi sila Mark, Jethro, Sandy at Adam – tuloy-tuloy at sabay-sabay. Pero 'yong utak ko, naiwan ata sa room. Paulit-ulit sa utak ko ang dalawang tanong. Si Babaeng Gangster ba talaga 'yong nakita ko o kambal niya?
Paano naging ganoon kaganda si Unica?
; x ;
AFTER A MONTH! Sa wakas, nakaraos din ako. Akala ko magiging maluwag ang oras ko pero mas naging busy ako (at magiging busy pa sa mga susunod na araw at buwan) kaya hindi na ako mangangako. Malaki rin ang chance na hindi ko ito matapos ng February kaya.
Con: matagal sigurado ang mga update.
Pro: matagal pa nating makakasama sila Unica at Chino! Yehey! Haha!
THANK YOUUUU sa mga naghintay! Patawarin sana ako ng mga nagp-pm sa akin, message, tweet tungkol sa update. Ito na pooooo huhuhu sorry naaaa. Sana mapatawad niyo ako sa tagal.
Namiss ko rin sila pero naging busy ako sa iseself publish kong libro na WRITING BOOK guide. Kung trip niyo, click external link mga beh for preview or type this: http://w.tt/1PM3mx5. Pero hindi ako namimilit, ha? Doon lang kasi ako naging busy kaya napag-iwanan ang uncensored.
PERO ITO NA! YAY SA UPDATE. Sorry, ang saya ko lang kaya mukhang mas mahaba pa ang note ko kaysa sa update hahahaha! ang saya kasi makapag sulat ulit. Word vomit. Unedited. Sana nakabawi ako sa tagal ng update kahit papaano.
AY! Simula pala ng buwan ng mga puso ngayon kaya puso puso! ♥ ♥ ♥ ♥ ♥
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top