u n c n s r d 16
u n c n s r d 16
"Siya ba nag-friendzone o ikaw na nag-friendzone sa sarili mo?"
Kaklase namin ng mga kaibigan ko si Sinteya Yeo sa History class. At hindi ako tinatantanan ng mga kaibigan ko dahil binati ako ng nag-iisang Sinteya Yeo nang magkasalubong kami sa may pintuan ng room.
"Pakilala mo kami sa kanya!" sabi ni Mark. Pinatahimik ko siya dahil ang lakas ng boses niya. Nasa kabilang parte lang ng room si Sinteya.
Nakng, kakahiya.
"Sige na, 'No, lilibre kita," si Adam naman ngayon.
"Ipapanalo ko laban sa DotA, ipaalam mo lang sa kanyang nag-e-exist ako."
Tiningnan ko nang masama si Jethro. "Baka ikaw na maging presidente ng Pinas, hindi ka pa rin manalo sa DotA."
Nagtawanan kami sa pag-trashtalk ko kay Jethro.
Hindi sila makapaniwalang kinausap ako ng isa sa magkaibigang ten na pinag-usapan namin sa library noon. Na kilala ako ni Sinteya Yeo.
Gusto ko mang ikwento sa kanila na galit pa nga sa akin si Unica dahil ako nag-suggest na mag-pageant siya, baka ikabigla nila. Magka-heart attack pa sila sa gulat.
"Paano kayo nagkausap? Nagkakilala? Anong nangyari? Bakit hindi mo sinasabi sa amin?" tanong ni Sandy. Halos yugyugin na niya ako nang mapatingin kami sa pinto sa pagpasok ng isang lalaki.
Akala ko prof namin, pero napakunot noo ako sa nakitang pamilyar na lalaking diretso sa paglapit kay Sinteya habang hawak ang phone. Weirdo. Sila ba magkausap sa phone? Magkakilala sila nitong long hair na 'tumulong' kay Unica noong nakaraan?
Pagkaupo niya sa tabi ni Sinteya, pumasok si Sir Marco na mukhang na-hassle ang itsura. Pero kita naman sa ibang babae naming kaklase na kinilig. Hindi na nakakapagtaka dahil kilala nga naman si Sir Marco bilang The Professor God.
Nakakaloko talaga mga ganoong pauso.
Nag-ayos na ako ng upo nang mapalingon dahil sa paggalaw ng upuan. Tumayo si Sinteya at mukhang lalabas na nang itigil siya ni Sir Marco. Nakaramdam ako ng tensyon nang magkatitigan sila at hinawakan ni Sir 'yong braso ni Sinteya habang sinasabi ang "Go back to you seat, we'll start out class now."
Bigla kong naalala 'yong sa faculty.
Ang seryoso ni Sir habang si Sinteya, parang namutla. Pagbalik niya sa pwesto niya, ngumisi 'yong long hair niyang katabi. Nakatitig lang ako sa kanilang dalawa nang mapatingin sa akin yong long hair at nawala ang ngiti niya.
Eddard Vane Yboa, sabi sa attendance.
Hindi ko hindi ko trip ang tabas ng itsura niya. Kaya kahit nung lunch break, at kasama ko si Aris pati mga kaibigan ko, nawalan ako ng gana pagkakita ko ng mukha niya. Kasama niya si Sinteya, ngiting-ngiti. Hindi nakakatuwa.
Inaasahan kong pupunta sa pageant meeting at practice si Unica pero simula nang babaan niya ako ng tawag sa first day of school, hindi ko na siya nakita pa ulit nang dalawang linggo. Gusto ko siyang i-text pero ayaw ko rin dahil baka magpunta siya ng apartment at ibato sa akin ang phone niya. o pwede ring hindi dahil hindi naman niya alam kung saan ang apartment.
Oo na, nadadaga ako.
Ang taas ng confidence ko bilang DJ Andro pero nganga ang totoong Chino – kaya kahit kay Aris, hindi k masabi-sabi ang tungkol sa pagiging DJ. Pinapatambay ko pa siya sa library para hindi niya ako marinig o makilala.
Ilang araw na ang nakalipas nang malaman kong may Sociology class ng first years si Unica. Doon ko napatunayang irregular student nga siya, at fourth year na siya – kaunting tumbling na lang ay graduate na.
Hinihintay kong matapos ang klase niya para sana kausapin siya nang personal pero nagulat ako nang makita si Aris na lumabas ng classroom.
"Anong ginagawa mo rito?"
Kaklase niya. . .si Unica?
"Wala. Hinihintay ka. Tara?" sabi ko.
Nanliit ang mata niya. "Bakit? Anong mayroon?"
Nagkamot ako ng batok. "Wala lang."
Napalingon si Aris at napatingin ako sa may pintuan nang pabagsak itong bumukas. Kinabahan ako pagkakita kay Unica na diretso lang sa paglalakad. Sumunod sa kanya 'yong long hair na si Vane.
"Kaklase mo rin pala yan?"
"Sino?" tanong ni Aris.
"Yung lalaki."
"Ah, oo. Lagi nga silang magkasama nung babae."
"Mukha nga." Ngumiti ako kay Aris. "Tara kain sa Walls?"
Lahat ng babae, laging kasama ng long hair na 'yan. May Sinteya na, isasama pa si Unica? Nakikita ko ring may ibang kumakausap na babae sa kanya. At lagi ko siyang nakikita sa iba't ibang sulok ng school! Nakng. Parang kabute.
Mukhang may malalim na iniisip si Aris habang kumakain. Nang mapatingin ako sa may gate 2, nandoon si Sinteya na may kausap sa phone. Mas lalo akong naweirduhan nang dumating si Sir Marco, hinawakan siya sa braso – pero umalis din si Sir pagkatapos nilang mag-usap sandali.
Nagkagalit? O ano?
Nilulong ko ang sarili ko sa pag-aaral at Dota sa mga sumunod na araw. Naging busy rin dahil sa radio booth. Minsan inaasahan kong tatawag ulit si Unica pero hindi na siya tumawag pa. Pero nakikita ko siya sa school – kung hindi kasama si Sinteya, kasama 'yong long hair.
Close rin si Vane at Sinteya – sobrang close.
Hindi rin nagpupunta si Unica sa mga practice at hindi na natutuwa si Ginang Teodora.
"Hala, kausapin niyo ang Balentinong 'yon kung sasali pa ba o hindi na?! Ito na naman siya, mawawala na lang nang biglaan!" reklamo ni Ginang Teodora nang makitang wala pa rin si Unica sa panibagong meeting. "Alejandro, nakakausap mo ba ang batang 'yon?"
Umiling ako. Sana nga, eh.
Kinausap din ni Ginang Teodora ang partner ni Unica pero hindi rin niya alam kung anong mayroon. Nang ikwento sa akin ni Aris na may social service sila sa Sociology class, kinapalan ko na ang mukha kong kausapin si Deus online.
Deus: Anong mayroon icing sa ibabaw ng cupcake ng girl viewers ko?
Chino: hahaha adik!
Deus: Mr right pre
Chino: :)))))
Chino: Abala lang ako saglit, tanong ko lang kung nakausap mo ba si Unica?
Deus: Bakit?
Chino: ah, nasabi ba niya yung tungkol sa sociology class? Pupunta silang Sitio Masla? After prelims.
Deus: magkaklase kayo?
Chino: Hindi pre, natanong lang kung sasama ba siya?
Napatitig ako sa chatbox namin pero wala pa ring reply si Deus kahit ilang minuto na ang nakalipas. Nasa kalagitnaan kami ng pagkain ng ice cream ni Gio at paglalarong DotA nang tumunog ang phone ko. Pinagmumura ako ni Gio nang mamatay siya dahil hindi ako nakatulong sa pagpatay ng kalaban sa pag-reply ni Deus.
Deus: Bakit? Gagawin mo?
Chino: Natanong lang sana? Ayos lang kung hindi.
Deus: Anong paki mo?
Woah. Galit ba sa akin si Deus? Pati siya? Napatitig ako sa chatbox habang kinakabahan nang magtyping si Deus. Pakiramdam ko nagka-heart attack ako sa sunod na reply.
Deus: Unica to.
Napa-offline ako nang wala sa oras.
Ako ang nagvolunteer nang tanungin kung sinong pwedeng sumama pagpunta sa Sitio Masla kasama ang first year sociology classes. Busy ang ibang member ng school org kaya ako na lang ang sumama. May tiwala rin naman si Ginang Teodora sa akin.
Nang makarating ang mahigit limampung estudyante kasama ang ilang guro sa Real Quezon para mag-ayos ng mga dadalhin sa Sitio Masla, doon ko mas nakita ang pagiging malapit nina Unica at long hair. Nagtatawanan sila. Noong wala na ngang ginagawa, nasa labas sila at naninigarilyo.
Umiling ako at tinuon ang pansin kay Aris nang magsimula na kaming maglakad patungo sa Sitio. Mabigat ang mga gamit ko pero hindi ko ininda dahil kakailangan din ako ni Aris para sa paglalakad.
Ilang beses na nga siyang nag-sorry dahil napapahawak siya sa braso at balikat ko kapag mabato ang daan. Na hindi naman ako nagrereklamo dahil ang lambot ng mga kamay niya. Kahit pawisan na rin siya at walang ayos, ang ganda-ganda pa rin niya.
Alam kong malayo ang Sitio Masla pero hindi ko inaakalang sobrang layo pala talaga nito. Noong una ay masaya pa karamihan – nariring ko ngang nagkukwentuhan sila long hair at Unica sa may likuran – pero nang lumipas ang sampung tulay, nagrereklamo na ang lahat.
Pansin ko rin kay Aris na nanghihina na siya kaya't hinawakan ko siya sa braso.
"Gusto mo ng tubig?"
Inalok ko kay Aris ang bote ng tubig – umaayaw pa siya pero kitang-kita kong kailangan na niya. Sobrang namumula na siya na parang cute na batang nagbabad sa araw pero hindi sunog. Gusto kong ngumiti sa itsura niya kung hindi lang baka mabadtrip siya dahil hindi ito ang pinaka maganda niyang 'state'.
Pagbalik niya ng bote sa akin pagkainom, napatigil ako sandali sa narinig na boses.
"Wooh! Grabe, nakakauhaw. Sino ba may tubig d'yan?"
Nagulat ako sa paglakad nang mabilis ni Aris. Lumingon ako. Nakangisi si Unica pati si long hair na nakatali ang buhok na nakatingin sa akin.
"Gusto mo ba?"
Tumaas ang kilay ni Unica. "Sigurado kang ibibigay mo sa akin 'yan? Mawawalan ng tubig 'yong isa d'yan."
Nagulat ako nang kuhanin nitong long hair 'yong bote ng tubig at uminom. Hinampas ni Unica ang braso nung lalaki at kinuha 'yong boteng ubos na.
"Walangya ka, bakit mo inubos?"
Tiningnan ako nitong long hair at ngumisi. "Ayaw niyong uminom, ako na lang." Nilingon niya si Unica. "O gusto mo, uminom ka sa bibig ko?"
Tumawa si Unica at tinulak ang mukha ni long hair.
Napakunot noo ako. Nakng, anong klaseng tanong 'yun?
Gusto pang ibalik nitong long hair 'yong bote pero umiling ako. Hinabol ko na lang si Aris sa paglalakad para hindi magpatuloy ang init ng ulo ko. Nginitian ko si Aris pero gustong-gusto tamaan ng kamao ko ang isang mukha.
Naghilamos ako sa nadaanang batis para magpalamig.
Effective. Medyo.
Mahigpit ang kapit ni Aris sa t-shirt ko nang maglakad kami sa hanging bridge para makarating sa Sitio Masla mismo. Pagabi na rin at malakas ang agos ng tubig sa ibaba kaya mahigpit din ang kapit ko sa braso niya.
May ilang first years na napatingin sa amin – sa akin, at kakaiba ang tingin – pero hindi ko na pinansin. Kung pupwede ko nga lang yakapin si Aris o di kaya buhatin siya para hindi na mahirapan, gagawin ko. Kaya lang alam ko namang mahihiya siya.
Kasama ako sa nakipag usap kanila Bukni, ang head ng community at si Ma'am Nida, secretary. May mga sinabi siya sa amin tungkol sa lugar nila. Hindi ko maisip na pinagtsatsagaan nila ang sira-sirang Municipal pati ang ilang bahay. Nilibot ko ang paningin sa buong lugar habang nakikipag-usap ang mga teachers namin.
Hindi na nagsayang ng oras at pinamigay na namin ang tulong – mga libro, damit, gamit, at iba pa. Bukas sisimulang magtulong-tulong ng mga lalaki sa mamamayan at kami sa pag-aayos ng paaralan. Kahit yung dingding para maayos na makapag-aral ang mga bata.
"Tayo ang grupong mag-stay sa kanya-kanyang pamilya ngayong araw. Bukas, sa Municipal naman. Gusto niyo bang i-grupo ko kayo o kayo-kayo na lang mamili ng makakasama sa bahay?" sabi ng professor na nakabantay sa amin nang mag-dinner
"Kami na lang po!"
Napapikit ako at buntong hininga. Sa kabilang dulo kasi, nandoon si Unica, mag-isa. Kitang-kita ang pagkakaiba niya sa lahat. Hindi ko sinasabing hindi mukhang mabait si Unica – mukha talaga siyang anghel! – pero kung iisipin, harmless ang itsura ng mga first years kumpara kay Unica.
Siguro ang hindi ako mapakali ay ang pagiging kagrupo ni Aris at nung long hair na Vane. Siguro naman hindi siya kakausapin ng long hair? Sana.
Mali ako.
Dahil bago pa ako makapunta sa assigned family, nagpaalam muna ako kay Aris, tinawag siya ng long hair ng, "Lacsamana."
Tinitigan ko 'tong long hair nang mataman. Seryoso lang din siyang nakatingin sa akin at pinagsabihan si Aris na sasara na ang Municipal. Sinundan ko ng tingin ang pagpasok ni Aris kahit nakaharang 'tong long hair sa pinto.
Nagkatitigan kami bago niya sinara ang pintuan.
Nginitian ko ang ilang estudyante na naglalakad pa rin na hawak ang mga phones pang flashlight dahil walang kuryente tuwing gabi. Wala ring signal kaya hindi ko maitetext si Aris kung anong nangyari na sa kanya.
Magdarasal na lang akong hindi siya kausapin ng long hair na 'yon.
Hindi ako nagulat pagkakita ko kay Unica na kausap ang batang babae sa assigned family na tutuluyan ko – namin. Pero siya, nagulat na nakita akong pumasok sa loob. Binati ko muna ang mga magulang, mga bata na sina Mayumi at si Malinang na kalaro ni Unica, bago ako bumaling kay Unica at ngumiti.
"Hi."
Hindi niya ako pinansin.
"Teka lang, Nang, akyat ko muna mga gamit ko," sabi ni Unica.
Sinundan ko ang pag-akyat niya sa taas. Binaba niya sa papag ang mga gamit niya na ginawa ko rin. Muntik siyang madapa dahil may mga unang nakaharang na hindi niya makita kaya kinuha ko ang flashlight para bigyan siya ng ilaw.
Napangiti ako nang sumimangot siya pagkatutok ko ng flashlight sa mukha niya.
"Akin na nga 'yan!" Kinuha niya ang hawak ko at pinatay.
Nawala ang ngiti ko dahil tinulak pa niya ako para makalabas ng kwarto para bumaba. Sinundan ko siya sa sala ng bahay. Nakipagkwentuhan siya sa pamilya. Pansin talaga ang galing niya makipag usap sa iba. Ang charismatic. Mukhang natutuwa rin sa kanya ang mga magulang.
Nang mas lumalim na ang gabi at nakatulog na ang dalawang bata, nagpaalam na sa amin 'yong tatay habang buhat ang mga anak. Nginitian naman kami ng nanay at kinagulat ko ang sinabi niya sa amin.
"Malaki ang taas, pwedeng-pwedeng magtalik."
Muntik ko nang mabuga ang tubig na iniinom. Umubo lang ako nang umubo. Umiling si Unica nang tumayo siya at umakyat. Pag-akyat ko, nakalatag na ang sapin sa side niya at nakahiga na rin siya. Inayos ko rin ang parte ko, tabi niya pero may nakapagitang unan na nilagay niya.
Nakatitig lang ako sa gilid niya. Nakahiga siya nang diretso, nakatapat ang mukha sa kisame at nakapikit. Alam kong gising pa siya pero kinagulat ko ang pagsalita niya kaya napapikit ako bigla.
"Ano bang kailangan mo?"
Pinahinahon ko muna puso ko bago dumilat. Nakapikit pa rin siya.
"Hindi ka na nagpupunta ng pageant practice."
Lumingon siya at dumilat. Tumitig sa akin. "Sinong may paki kung pumunta man ako o hindi?"
"Galit ka pa rin?"
Ang tangang tanong, Chino.
Tumitig lang siya hanggang sa ngumiti siya at umiling saka tumingin sa kisame. "Pinagtitripan lang talaga kita. Tinatamad akong mag-practice. Ikaw nga, hindi namamansin porke't nandito chicks mo."
"Nandito rin naman 'yong long hair."
Napatingin siya sa akin. "Si Vane?" tanong niya. "Anong mayroon sa kanya?"
"Ang sama ng tingin sa akin. Nagseselos?"
Napapikit ako at huminga nang malalim. Ano ba 'tong pinagsasasabi ko. Tumawa si Unica at tinulak ako sa noo.
"Wow. Sa tingin mo kaselos-selos ka?"
Hinawakan ko ang baba ko kahit hindi niya siguradong makikita masyado dahil sa dilim ng paligid. "Hindi ba?"
"Lul. Asa. Ilang linggo lang tayo hindi nagkausap, kapal na ng mukha mo. Ramdam ko dito oh, pwedeng-pwede ko nang kaskasin."
Tumawa ako. Tapos tumawa rin siya.
Humarap ako sa kisame.
"Pumunta ka sa photoshoot sa para sa pageant."
"Yeah, I know. Pinuntahan na ako ni Tandang Sora para ipaalala."
"Ginang Teodora?"
Tumawa ulit siya kaya nangiti ako. "Hindi ko rin inakala na mag DJ ka nga sa radio booth. Akala ko talkshit ka na naman, eh."
Ngumisi ako at humarap sa kanya. Tinitigan ko siya hanggang sa kumunot ang noo niya at binaling ang tingin sa akin.
"Problema mo?"
Umiling ako. "Bati na ba tayo?"
Tinulak niya ang mukha ko gamit ang unan na nasa gitna namin. "Ano ka, batabatuta?!" Sobrang lakas ng pagkakatulak niya kaya hindi ako nakahinga sandali. Pinilit kong kuhanin ang unan sa kamay niya at hinagis palayo.
Hinihingal na rin ako sa pagkikipag agawan.
Nang medyo mahismasmasan kaming dalawa, akala ko tulog na siya nang magsalita siya ulit.
"Yong Lacsamana, siya si Aris?" Nang di ako sumagot, nagpatuloy siya. "Siya 'yong chicks na sinabi ni Deus?"
Tumitig ako ulit sa kisame. Nakatitig may ilaw na parte habang iniisip si Aris at kung ano na kaya ang ginagawa niya ngayon. Tulad na kaya siya? May ginagawa na ba 'yong long hair na 'yon?
"Oo."
"Gusto mo pero hindi nililigawan? Bagal, ah."
"Magkaibigan kami."
"Woah. Siya ba nag-friendzone o ikaw na nag-friendzone sa sarili mo?"
"Matulog na tayo."
Nag-ayos ako para makatulog.
"Touchy subject ba?" Tumawa siya.
Natahimik kami nang may marinig na boses sa labas ng kwarto. Bumukas ang pintuan at nagliwanag sandali sa kwarto kaya nakita ko ang mga mata ni Unicang nakatingin sa akin. Pinalakihan niya ako ng mata, sumenyas na tumahimik kaya tahimik lang din ako.
"Tulog na sila," sabi ng nanay pagkasara ng pintuan.
Hindi nawala ang tingin ko sa kung nasaan ang mata ni Unica kahit dumilim na naman at wala na akong makita. Nakaramdam ako ng kapayapaan at napangiti.
"Goodnight," bulong ko.
Imbis na sumagot siya ng goodnight din, narinig ko ang paggalaw niya sa pwesto.
Walang balak sumagot? Namamahiya talaga. Pumikit ako, hindi maalis ang ngisi.
"Oo, Chino. Narinig ko. Goodnight din," sabi ko na lang pampalubag loob sa hindi niya pagbati pabalik sa akin.
Nakarinig ako ng mahinang tawa mula sa kanya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top