u n c n s r d 15

u n c n s r d 15

"May bwisit kasing taong nakialam sa buhay ko."


"Uy, musta?"

Hindi inalis ni Unica ang nakakunot noo niyang titig sa akin. Tinaas ko ang kamay ko para makipag-apir pero hindi nawala ang titig niya sa mata ko kaya napalunok ako. Umirap siya sabay lakad palayo. Hinabol ko siya.

"Musta pagpunta sa Buscalan?"

Wala pa ring salita.

Diretso siya sa pag-akyat ng Walls. Tumingin nga rin sa akin ang mga bumati sa kanya na hindi niya pinansin. Malamang nagtataka sila bakit hinahabol ko si Unica.

Pag-akyat, natigil ako sandali dahil nakita kong nakaupo sa gilid sila Deus, Herq at iba pang hindi ko kilala. Nagyoyosi halos lahat. Dumiretso doon si Unica at naupo sa tabi ni Deus. Kinuha niya ang kamay ni Deus at mukhang nag-drawing.

Nag-uusap si Deus at Unica. Nag-angat ng tingin si Deus, mukhang may hinanap – at ako ang nahanap niya.

Ngumisi siya pagkakita sa akin. "Oy, Chino! Tara!"

Napatingin ang lahat sa akin sa grupo nila, kahit 'yong ibang hindi nila kasama na tambay sa taas ng Walls. Si Unica lang ang hindi tumingin. Nakita ko pa ang mabilis na pagtaas ni Deus ng braso niyang dinodrawingan ni Unica, na para bang nasaktan siya.

Kinuha lang ulit ni Unica ang braso ni Deus at nagpatuloy sa kung anong ginagawa.

Inaya ulit ako ni Deus kaya lumapit ako sa kanila. Ngumiti ako sa mga kasama nila na isa-isa pinakilala ni Deus pero hindi ko na naalala ang lahat. Inapiran ako ni Herq kaya napangiti ako.

Nakng, idol ko na ata 'tong si Herq.

Natutuwa pa rin ako sa braso niyang puro salita ang nakatatto, eh.

"Siya 'yong kasama niyo pagpunta kanila Whang Od?" sabi ng taas-taas ang buhok nilang kasama.

Naubo ako dahil binugahan niya ako ng usok.

"Oo. Kaya lang umalis, eh," sabi ni Deus.

Napakagat ako ng labi. "Sorry, bawi ako sa susunod."

"sa susunod. . . lul," bulong ni Unica.

Napatitig ako sa kanya pero nakayuko pa rin siya. Nagdo-drawing nga siya sa braso ni Deus.

Ngumisi si Deus pagtingin ko sa kanya. "Oo nga pala, ayos lang sa 'yo ilagay ko link ng FB mo sa post ko?"

"Post? Bakit? Ako?" tanong ko.

Tumango siya. Humithit muna siya sa sigarilyo saka bumuga bago nagsalita. "May mga nagtatanong kasing viewers sino ka raw." Tumawa siya. "May isa ngang babaeng finaflood na ako sa inbox. Kuya! Sino yung guy na medyo maputi at payat na awkward looking? Ang pogi kuya!"

Tumawa ang mga kasamahan niya habang nanlalaki ang mga mata ko.

"Ikaw na raw si Mr. Right," tuloy ni Deus.

Sumingit 'yong isa pa nilang kasama. Pinatong niya ang kamay sa balikat ko. Napaiwas pa ako dahil 'yon din ang paghawak niya sa sigarilyo niya. "Baka ikaw ang icing sa cupcake nila."

Lalong nagtawanan ang mga nasa grupo.

Kinausap nila ako at tinanong. Nalaman ko ring hindi sila nag-aaral sa school. Tambay lang. Ikinwento rin nila Deus nangyari sa Buscalan habang minsan napapa-aray siya dahil mukhang dinidiinan ni Unica ang tusok sa braso niya. Ilang minuto ng pagkukwentuhan, mula sa pagkakaupo sa mataas na bato – bumaba si Unica.

"Bibili lang ako ng ice milo."

Diretso siya sa paglakad. Imbis din na bungguin ako, umiwas siya sa sakin.

"Problema n'un kanina pa tahimik?" tanong ng isa.

Umiling si Herq. "May mga bagay tayong hindi kailanman kakikitaan ng kasagutan. At sa tingin ko, mas ayos na iyon kung hindi tayo handa sa pwedeng sagot."

"Tangina, pre. Tanghaling tapat."

Tumawa ulit ang lahat. Nagpaalam ako na aalis muna ako. Humabol ako pababa ng walls at nakita ko si Unica na naninigarilyo. Umalis siya nang makita niya ako kaya hinabol ko ulit siya papuntang KFC.

"Ate, isang ice milo nga," sabi ni Unica pagkarating sa KFC-han.

Nagmadali akong kunin ang bente ko para ipangbayad. Sinamaan ako ng tingin ni Unica. Kinuha niya ang ice milo at naupo sa bangko. Pinipigilan kong huminga pag sinasadya niyang ibuga ang usok ng sigarilyo niya sa akin. Nakatingin siya sa malayo.

Bago pa ako makapagsalita, nagulat ako sa biglang kumalabit sa akin sa likuran.

"Kuya, palimos," sabi nung batang gusgusin.

"Ikaw na naman?"

Sa wakas! Nagsalita rin si Unica.

"Kahihingi mo lang sa akin kanina, hihingi ka ulit? Ano bang ginagawa mo sa pera?"

Nagkamot lang ng ulo 'yong bata habang kinakalabit ako. Bibigay ko na sana sa kanya 'yong five pesos na sukli para sa ice milo nang ibigay ni Unica mismo 'yong baso ng ice milo sa bata.

"Wala pang laway 'yan," sabi niya. "Hanggang bukas na 'yan, ah. Namumuro ka na. Isusumbong kita kay Deus."

Ngumiti 'yong bata at tumango. Nakipag-apir pa si Unica sa bata bago umalis 'yong bata papunta sa mga kaibigan niyang kinukuha ang ice milo sa kanya.

"Gusto mo pa ba ng ice milo?"

Imbis na nagsalita, usok ang naging sagot niya.

Naupo ako sa tabi niya. "Sorry na."

Nakng, kinakabahan ako.

Pinatong ko ang magkabila kong braso sa hita ko at yumuko. Tinitigan ko ang nakapilang langgam sa lupa. Mula sa yuko, nilingon ko ang ulo ko para tingnan siyang nakakunot noong nakatingin sa akin kaya nag-iwas ako ng tingin.

Bumuntong hininga ako.

Mali, eh. Maling-mali 'yong sa pageant.

"Isa sa pinaka ayaw ko ang pageant, tangina," sabi niya na nagpatigil sa akin. Pinagmasdan ko siyang magsindi ulit ng sigarilyo. May nakisindi rin sa kanya na kakilala niya. "Anong karapatan mo? Pahirap, ganon?"

Napalunok ako. "Akala ko lang makakatulong sa lahat?"

"Puta, tulong. Ano ka si Hesus? Ikaw tagapagligtas ng sanlibutan? Tantanan mo ako. Sana pala binagsak ko na lang 'yong Values."

Tahimik ulit ako sandali. Nakailang ismid si Unica.

"Paano ba ako makababawi?"

"Magpakamatay ka."

Napaupo ako nang maayos. "Paano ako makababawi nang hindi ko papatayin sarili ko?"

Nilingon niya ako at ngumisi. "Magpapatay ka sa iba."

"Unica. . ."

"Ano?" Halos magdugtong na ang dalawang kilay niya. "Nanghihingi ka sa akin ng suggestion, eh?!"

Ang sadista naman nito. Lumingon-lingon ako sa paligid. Tumingin din ako sa phone ko. Wala pang text si Aris.

"Unic—"

"Sumali ka sa radio booth." Diretso ang mukha niyang nakatingin sa gilid na gate ng school. Tumango siya roon. "Malapit na deadline ng audition."

"Hindi ako mahilig magsali—"

Tumayo siya. "Eh tangina, ako rin. Hindi ako mahilig sa beauty pageant."

Hinatak ko ang braso niya. "Sige na, sige na. Mag-a-audition ako. Paano pag hindi ako pumasa?"

"Mag-audition ka ulit hanggang pumasa kang hayup ka. Bitawan mo nga ako." Tinutok niya ang sindi ng sigarilyo sa kamay ko. "Papasuin kita."

Tinanggal ko ang hawak ko sa kanya. Naglakad siya patungo sa Walls kaya sinundan ko siya hanggang pag-akyat. Buti nga at nakaiwas din ako sa pagtapon niya ng nakasinding sigarilyo. Tinapakan ko 'yon at kinuha para itapon sa tamang basurahan.

Pag-akyat, nandoon na lang si Deus at Herq na nakatambay. Mukhang may pinag-uusapan sila at natigil 'yon pagkarating namin. Umupo si Unica sa tabi ni Deus. Kukuhanin sana niya ang braso ni Deus pero iniwas ni Deus at tumayo na.

"Tama na pag-murder sa braso ko!" Pinatong niya ang braso sa balikat ko. "Kausapin mo nga 'yan, init ulo."

Naglakad sila ni Herq.

"Saan kayo pupunta?" tanong ko.

"Bababa. Bibili lang ng yosi. Sama ka?"

Umiling ako at ngumiti. Tinanguan lang nila ako. Pagbalik ko ng tingin kay Unica, nakaupo pa rin siya at nagdodrawing mukhang hirap na hirap na nagdodrawing sa braso niya. Tumalon ako para makaupo sa tabi niya at nilahad ang braso ko sa kanya.

"Ito, gamitin mo."

Hindi pa rin niya ako pinapansin.

"Sige na, mag-audition ako sa radio booth. Guhitan mo rin ako. Kahit paduguin mo pa 'to."

Hindi siya nagsalita pero kinuha niya ang braso ko. Unang tusok pa lang niya ng ballpen sa braso ko, napapikit agad ako at napakagat ng labi para hindi sumigaw.

ANG SAKIT!

Nakakaisang linya pa lang siya pero pakiramdam ko dinidrill niya ang braso ko. Gusto kong maiyak sa sakit. Tinaas ko ang tuhod ko at pinatong doon ang isa kong braso. Tinakpan ko ang bibig ko habang nakakunot ang noong nakatingin sa ginagawa ni Unica.

Pumikit ako at yumuko. Pinatong ang ulo ko sa braso.

Ilang beses akong huminga nang malalim.

Nakng. Ang diin. Ang sakit talaga!

Hindi ko sadyang napalakas ang daing ko sa pagtusok ng ballpen sa balat ko tapos dinrag pa. Tumigil sa pagguhit si Unica kaya nag-angat ako ng tingin.

"Ayaw mo na? Masakit ba?"

Tiningnan ko siya nang umiiling. Saktong dumating sila Deus na nagtatawanan pero natigil pagkakita sa akin. Nagpatuloy si Unica sa pag-drawing sa braso ko.

"Anong nangyari sa 'yo para ka nang iiyak?" tanong sa akin ni Deus. Nilipat niya ang tingin kay Unica at sa braso kong unti-unti nang pinapatay. Ngumisi siya. "Masasanay ka rin."

"Mas mabuti nang masaktan tayo," sabi ni Herq paghithit ng sigarilyo. "ibig sabihin lang noon, nakararamdam pa tayo. Buhay tayo."

Tiningnan lang ni Deus si Herq at umiling-iling.

Nang matapos si Unica sa braso ko, gusto kong mamangha sa sketchy na drawing niya ng tanawin pero hindi ko magawang matuwa dahil sobrang namumula na ang braso ko. Kulang na lang magdugo.

Biglang nagsalita si Unica. "Aalis na ako maya-maya, parating na si Sin. Kukunin pa namin grades namin."

"Sama ako!" sabi ni Deus.

"Asa. Hindi ka maaalala n'un. Busy 'yon sa lovelife."

Bigla kong naalala si Aris. Pagtingin ko sa phone ko, wala siyang text. Pero halos isang oras na ang nakalipas. Tumalon ako para makababa sa batong upuan.

"Mauna na ako."

"Na naman?" tanong ni Deus.

"May kasama kasi ako, baka hinihintay na rin ako."

Bumulong si Deus. "'Yong chicks mo ba 'yan? Gumagalaw ka na?"

Ngumiti ako pagkatulak niya sa akin.

"Ganyan ka naman," sabi ni Herq at umiling. "Bumabalik ka lagi sa kung saan ka galing. Palayo ka na, babalik ka pa sa kung anong nakasanayan mo."

Biglang natawa si Deus. "Tama na 'tol, kailangan pang magpapogi n'yang si Chino."

Tumawa ako at umiling.

Nagpaalam silang lahat pwera kay Unica na busy sa pagdodrawing sa braso.

Pawisan na ako pagbalik ko sa Mabini Hall. Hinihintay ako ni Aris doon. Napatingin pa siya sa braso ko kaya tinago ko. Nagsinungaling pa ako tungkol kay John kung sino man 'yon. Nilibot ko siya sa mga floors hanggang JPL Hall.

Habang hinihintay si Aris mag-CR, nakasalubong ko si Sir Marco. Mukhang aligaga siya kaya hindi niya ako napansin agad pagbati ko sa kanya.

"Musta, Sir?" tanong ko.

"Ayos lang. . .nakuha mo na grades mo?" tanong niya. Tumango ako. "Tanong ko lang, kayo nag-ayos ng listahan ng students sa anong college?"

"Bakit, Sir? Business college."

Nag-isip siya sandali. "May nakita ka bang estudyanteng. . .ano, nasa release na surname ay Y?"

"Y? Letter Y? Parang Yayo? Yoyo?"

Umiling siya at parang natauhan. "Hindi sige, hayaan mo na. Mauna na ako. Marami pang gagawin."

Tumango ako at sumaludo. Mukhang problemado.

Pinakilala ko sa mga kaibigan ko pagdating ng cafeteria si Aris. Nakuha naman nila ang panlalaki ng mata ko kaya hindi sila nagbanggit ng kahit anong makakasira ng samahan namin. Nagkwentuhan lang sila sa DotA.

"Kailan ka mag-enroll? Gusto mong samahan din kita?" tanong ni Aris.

"Ah, hindi na. nakakahiya—"

"I insist. Ang dami mo nang naitulong sa akin."

Nakita ko ang pang-asar na ngisi ni Mark sa tapat ko.

"Marami akong gina—" Natigil ako saglit dahil pumasok sa cafeteria sila Unica at kaibigan niyang si Sinteya. "Ah, ano. Baka gabihin ako sa enrollment mismo namin. Kasama ako sa pageant, eh."

"Pageant? As in, ikaw 'yong sasali? Bakit hindi mo sinab—"

"Hindi! Hindi 'yon!" Tumawa ako. "Taga ayos. Kasama sa organizer. Member."

"Ah!"

Nagtawanan kami ni Aris. Natahimik ang mga kaibigan ko at pinanood kaming nagtatawanan. Nakitawa rin sila pero obvious na may pang-aasar. Sinamaan ko sila ng tingin.

Napansin ko namang nakiupo sa table nila Unica si Sir Marco. Iniiwasan ko silang tingnan dahil alam kong galit pa rin sa akin si Unica pero napansin kong napatingin siya sa amin – sa akin. Sinubukan kong ngumiti pero kumunot niya at hindi na ako tiningnan pa ulit.

Hindi buo ang desisyon kong sumali sa radio booth pero napasa ako.

"Ang gwapo ng boses mo. Confidence lang talaga ang kailangan, g na g ka na!" sabi ni President.

"Basta sikreto lang natin. Ayos lang?"

Pinatong niya ang kamay sa balikat ko. "Sobrang mahiyain mo. Ano ka ba, pero fine. Kami-kami lang makakaalam."

Alam kong hindi ako magaling sa public speaking. Siguradong kakabahan din ako kaya nag-pa-practice ako tuwing gabi ng mga linya ko sa advice corner. Sa sobrang busy sa pageant at dumagdag pa ang radio booth, imbis na masabayan ko si Aris sa first day of class – hindi ko nagawa.

Kailangan ko kasing simulan ang radio booth advice corner nang maaga.

Kinakabahan pa ako pagpasok ko ng booth. Wala akong klase kaya halos isang araw sana ako sa radio booth para mas makilala kaming mga DJ ng mga estudyante. Para rin malaman kung kailan ang best time sa advice corner. Tuwang-tuwa nga si President dahil ang daming traffic ang pumapasok sa SNS namin. Marami ring tumatawag sa number na nakalaan.

Unang salang ko pagkaupo ko, binati agad ako ng first caller na babae.

"Ang gwapo naman ng boses mo, DJ Andro. Anong course ka? Gwapo ka rin ba?"

Tinawanan ako ng mga kasamahan ko sa booth.

Nakatatlong call ako. Noong una ay kinakabahan pa ako pero nang magtagal, parang wala lang din kung hindi ko titingnan ang umiilaw na ON-AIR sa itaas. Para lang akong nakikipag-usap sa phone at dapat mas angasan ko pa ang pagkakabitaw ng mga salita.

Sa panghuling tawag para sa segment ko, ready na akong makipag-usap. Pagtapos ma-brief ni DJ Love sa telepono 'yong caller, nag-okay sign siya sa akin at pinasok ko na ang caller on-air.

"Hello, si DJ Andro ito. Anong maipaglulungkod ko?"

Tumahimik sandali.

Kinabahan ako.

"May bwisit kasing taong nakialam sa buhay ko."

Natigil ako. Ang lalim ng boses. Babae. Nanlaki ang mata ko at napatingin kay DJ Love. Nag-mute ako at nagtanong. "Bakit ito binigay mo sa akin?"

"May problema raw na sobra, eh. Pakinggan mo na lang."

Nakng. SI UNICA.

"Hoy. Nakikinig ka ba sa akin?"

"Ano ulit—" in-on ko ang volume ng mic ko. "Ano ulit 'yon?"

"Ang sabi ko, ano bang gagawin ko sa peste sa buhay ko na nag-suggest na sumali ako sa ayaw ko namang salihan?"

Hindi ba dapat matuwa na siyang sumali ako sa radio booth? Bakit torture pang ganito?

"Ah, ano. . .galit ka ba sa kanya?"

"Makapapatay."

Tumawa ako. "Galing mong joker."

"Ha! Ha! Oo, nagbibiro ako."

Nagkatinginan kami ni DJ Love. Mukhang pati siya ay hindi na sigurado kung tama bang ni-receive niya ang call.

"Siguro. . . siguro nagsisisi na 'yong taong 'yon. Hindi niya sinasadya. Baka pwede mo siyang patawarin?" sagot ko. Nanlalamig na ang mga kamay ko. Nagpindot ako ng sound effects at huminga nang malalim.

Mula sa parang galit na boses, huminahon – pero malalim pa rin.

"Sigurado ka?"

Tinanong ba niya ako bilang DJ o ako mismo?

"Sa tingin ko," sabi ko. Napatingin ako sa on-air na sign. Huminga ako nang malalim. "Sa tingin mo ba, mapapatawad mo na siya? Kung sino man siya?"

Ang bilis ng tibok ng puso ko. Hindi rin ako mapakali. Rinig ang kaunting paghinga ni Unica sa linya. Napatitig ako sa kawalan nang makuha ko ang sagot niya. Para akong binagsakan ng speaker.

Pinatay niya ang tawag.


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top