u n c n s r d 14
u n c n s r d 14
"Aba naman 'tol, 'di mo ba kami papakilala sa girl. . .na friend mo?"
Nabasag ang kung anong nasa isip ko sa pagpalo ni Unica ng mukha ko. Malakas! Parang nahilo pa ako sandali.
"Ang sabi ko, mag-enjoy ka nga! Tingnan mo 'yon!"
Binaling niya ang mukha kong hawak niya sa side ng buntok. Sobrang bilis at ang lakas ng pwersa! Ang sakit sa leeg! Pinalo ko ang kamay niya kaya tumatawa siyang inalis ang hawak sa akin. Tiningnan ko ang mahamog na bundok – matagal. Pabalik na ako sa inn dahil sa lamig ng ulan at hangin pero pinigilan ako ni Unica.
"Saan ka pupunta?!"
"Basang-basa na tayo. Bumalik na tayo sa loob."
Sumimangot siya. "Hindi mo man lang ma-appreciate 'yong ganda ng mundo?
"Umuulan. Sobrang mahamog. Anong iaappreciate?"
Akala ko bibitaw siya, pero ano pa bang ineexpect ko? Matigas ang ulo ng isang 'to. Hinila niya ako at tumakbo, halos masubsob ako sa pagkabigla.
"Unica?!"
Tumawa siya. Nawalan ako ng choice kundi tumakbo na rin kung ayaw kong biglang madapa. Baka itulak lang ako ni Unica sa bangin para mabilis mawala ang katawan ko, eh. Natigil kami sa pagtakbo nang mapansing ang daming tao sa isang parte. Halos basa na ang mga nandoon.
"May landslide," bulong ni Unica.
Lumapit siya sa babaeng nanonood na nakapayong. Mukhang nagtaka pa nga 'yong babae dahil basang-basa kami ng ulan. Kinwento ng babae na kailangan na daw tanggalin ang mga lupa at batong humarang sa daan dahil may kotseng dadaan papuntang Tabuk na hindi raw pwedeng gabihin.
Tumitig ako sa mga lupa at batong humarang sa daan. Tumingin din ako sa gilid. Diretso 'yong lupa at nasirang puno hanggang sa ibaba pa. Namalayan kong nawala si Unica sa tabi ko nang may ibigay siyang pala sa akin.
"Ano—"
Ngumisi si Unica. "Makipagbayanihan tayo."
Akala ko nagjo-joke siya. Pero ano pa bang aasahan ko kay Unica? Binati niya ang mga lalaking tinatanggal ang lupa sa daan. May pagtataka at ngiti sa mukha ng mga 'yon nang magsimulang tumulong humukay si Unica. Tiningnan ako ng babaeng nakausap namin at tinanguan ako.
"Ang lakas pala ng gerlpren mo, ano?"
Ngumiti lang ako at lumapit kay Unica. "Bakit—"
"Boring kanina, eh. Atsaka nandito tayo sa isang komunidad, be one with them. Tabi o ibubuhos ko sa 'yo 'tong lupa."
Tumabi ako.
Nawalan ako ng choice kung hindi tumulong na rin.
Nanginginig na ako sa lamig pero hindi ako nagreklamo. Nakakahiya dahil dire-diretso lang din si Unica sa paghukay. Dahil sa dami naming nagtatanggal ng lupa, isang oras lang siguro ang lumipas at may dadaanan na ang kotse para makababa sa Tabuk.
Gusto pang sumama ni Unica sa susunod na tatanggaling landslide pero hindi na siya pinayagan. Magpahinga na lang daw kami. Wala na rin kasing space sa sasakyang jeep at dalawang oras ang byahe.
Tahimik akong nagpasalamat dahil pagod na pagod talaga ako. Pwede bang pagpawisan habang umuulan?
Nagkakape sa may veranda ng Sleeping Beauty Inn si Deus. Umiling siya pagkakita sa amin ni Unica. Hinihimas niya 'yong itim na aso habang nakaupo sa tabi niya 'yong isang brown.
"Anong trip niyo?" Nang walang sumagot, may kinuha sa bulsa si Deus. "Nga pala, Chino. Kanina pa may tumatawag sa phone mo."
Binigay niya sa akin 'yong phone ko nang tumunog at nag-vibrate ito. Kinabahan pa ako pagkakita ng pangalan ni Mari Solei.
"Chino, na—" Naputol.
Nakng, lobatt pa 'yong phone ko!
"Agh."
"Ah, hindi ko nasabi, naghihingalo rin 'yong batt ng phone mo," sabi ni Deus.
"Pucha, magbabanlaw na ako. Nilalamig ako," sabi ni Unica at bumaba sa inn.
Sinubukan kong buksan 'yong phone pero walang epekto.
"May charger ka ba?"
Uminom ng kape si Deus. "Mayroon, kaya lang walang kuryente."
Napakamot ako sa batok ko. Oo nga pala! Nagulat 'yong isang bantay pagkalabas niya at pagkakita sa akin na basang-basa. Bago siya makaalis, tinawag ko siya.
"Ate, may power bank ka?"
Tinitigan ako ng babae na parang nagsalita ako ng alien language saka siya umiling at biglang umalis.
Tumawa si Deus. "Oh, phone ko – palit mo 'yong simcard."
"Hindi ko kabisado number ni Aris."
Umiling si Deus. "Alam mo 'tol, wala kang pag-asa kay Aris kung parang wala lang siya sa 'yo. Kaya ka nafi-friendzone, eh."
Bumuntong hininga ako.
Binigay ko muna sa kanya ang phone ko at dumiretso sa inn. Lamig na lamig na kasi ako kaya nagbanlaw ako sa CR ng common room. Nagsuot na ako ng jacket pero nanginginig pa rin ako sa lamig. Pagbalik ng kwarto, nakaupo si Unica sa pwesto niya habang nakatalukbong ng tatlong kumot.
"P-P-Putangi-ina. . ." rinig ko pangangatog ng ngipin niya. "A-Ang lamig."
Tumawa ako. "Para kang igloong tinubuan ng tao."
"Fuck you."
Ngumisi ako.
"Aakyat ako sa resto, sama ka?"
Umiling lang siya at parang batang nahiga habang nakatalukbong ng makakapal na kumot. Kiniskis ko ang kamay ko paakyat ng resto. Nandoon pa rin si Deus, naninigarilyo. Naupo ako sa isa pang upuang kahoy habang nilalaro ang tainga ng aso.
"Anong balak mo?" tanong ni Deus. "Hindi mo tatawagan ulit si Aris? Baka kailangan n'un ng knight in shining armor."
Huminga ako nang malalim. Ang lamig talaga! Pumikit ako at tumingala. Gusto kong tanggalin sa isip ko si Aris dahil malayo ako sa kanya pero nakng, paano nga kung kailangan niya ako? Sinubukan namin ni Deus magpalit ng simcard pero hindi na tumawag pa si Aris.
Wala. Hindi ko siya ma-contact ulit.
Tumayo ako at bumili ng kape sa loob ng resto. Ngumiti ako pagtingin sa akin ng nagbabantay. Naupo ako sa tapat ng bintana at tumitig sa labas. Ang lakas pa rin ng hangin at ulan. Ano na kayang nangyayari sa Manila? Makakauwi ba kami sa tamang oras? Mali bang nagpunta ako rito? Paano si Aris?
Kapag nagtagal pa kami rito, at mas lumakas pa ang ulan, baka dumami ang landslides. Lalong hindi kami makakaalis agad? Tiningnan ko ang lobatt kong phone pati ang phone ni Deus na walang tumatawag o nagtetext.
Pumikit ako at bumuntong hininga.
Ang gulo.
Nakatitig ako sa kawalan habang iniinom ang mainit kong kape nang bigla kong maalala si Unica. Bumili ako ng isa pang kape. Nakatulog na si Deus sa veranda kaya dumiretso ako sa ibaba. Nadatnan ko si Unica sa common room. Mukha pa rin siyang igloo sa pagtalukbong ng makakapal na kumot.
"Kape?"
Napatingin siya sa kapeng binaba ko sa lamesa sa harap niya. Umupo ako sa kabilang upuan at tumitig din sa kawalan habang umiinom ng kape. Medyo nawawala na ang lamig na ramdam ko.
Hanggang maubos ko ang kape, gumugulo pa rin sa utak 'yong pagtawag ni Aris. Pati ang mga pwedeng mangyari kung hindi kami makakaalis agad dito.
"Bakit pa kasi bumagyo," sabi ni Unica. "Nakakaloko."
Ako na ang nagpresintang iakyat ang pinag inuman namin. Naupo ako sa veranda habang tulala sa lakas ng ulan, rinig ang paghilik ni Deus. Ilang beses kong sinubukan buksan ang phone ko. Pinagpilitan ko pang pagkasayahin 'yong battery ng phone ni Deus sa akin pero wala talaga. Nagising si Deus at nanigarilyo ulit hanggang sa nagulat ako nang bigla siyang sumigaw at tumayo.
"Tangina, Herq!"
Napalingon ako. May mga lalaking pumasok sa restaurant pero naiwan sa veranda si Herq, 'yong tropa nilang nag-spoken words. Tinanguan ako ni Herq.
"Bakit ka nandito?" tanong ni Deus. "Akala ko ba tinatamad kang magpunta?"
Umupo si Herq at nagsindi ng sigarilyo pagkababa ng bag sa tabi niya. "Naisip ko kasing walang mangyayari sa akin kung tatamarin lang ako sa buhay ko."
Napatingin ako kay Herq. Lahat ba talaga ng sasabihin nito, may hugot o ano?
Ilang beses tinukso ni Herq si Unica pagbaba sa inn dahil sa kumento kong mukha siyang igloo kaya puro suntok inabot ko. Nawala sa isip ko sandali ang problema pero nang sabihin ni Herq na nahirapan siyang makapunta dahil may mga landslide, namroblema ulit ako.
Wala pa ring kuryente kaya hindi kami natulog masyado. Nang dumating kinabukasan, at sinabi ni Francis na hindi pa rin kami makakaalis dahil may mga nahulog na lupa sa dadaanan namin – doon ako nakapagdesisyon.
"Uuwi na ako."
"Ha? Bakit 'tol?" tanong ni Deus.
Iniwas ko tingin ko kay Unica pero nakita ko ang pagtaas ng kilay niya.
"Hindi na kasi ako pwedeng magtagal, ang daming gagawin at saka kasi si Aris. . ."
Ngumisi si Deus at tumango. "Sige, gets. Sabihan ko si Francis. Sabay ka kapag may dumating na jeep?"
Tumango ako. Akala ko nagreklamo si Unica pero diretso siya sa pakikipag-usap kay Herq. Nalunod ako sandali sa iniisip ko kung tama bang umuwi ako o ano nang hawakan ni Herq ang balikat ko.
"Ganyan talaga, 'tol. May mga desisyong papatay sa atin ngayon pero makikita mong may kabuluhan pala 'yong desisyo—aray, puta! Ba't ka namamato?!"
"Pasalamat ka nga unan lang 'yan. Kung anu-ano sinasabi mo," sabi ni Unica na tinawanan ni Deus.
Sumabay ako sa jeep na pababang tabuk nang mag-alas dose. Nakukunsensya ako nang tanguan lang ako ni Unica pagkapasok ko ng jeep. Ambon na lang ang naganap sa buong byahe. Nahinto pa sandali dahil may tinatanggal pang mga lupa sa daan.
Kung anu-anong pumasok sa isip ko habang nasa byahe. May parte sa aking nagsisisi na umalis pero may parte ring nagsasabi na tama ang desisyon kong umuwi na. Matatagalan pa kasi sila roon, wala na akong oras. Marami pa akong responsibilidad.
Tapos si Aris pa.
Matapos ng labindalawang oras ng byahe, parang wala lang ang pag-uwi ko. Ni hindi ako tiningnan ni Gio dahil busy siya sa paglalaro. Nag-charge agad ako ng phone. Walang text.
To Babaeng Gangster
Nakauwi na ako. Ingat kayo dyan. Bawi ako sa susunod. Pasensya na ah?
Nag-text din ako kay Aris.
To Mari Solei
Aris! Napatawag ka kahapon? May nangyari ba? Sorry ngayon lang nag-reply.
Nakatulog ako sa sofa dahil sa pagod. Pagkagising ko, tanging text ni Mari Solei ang nakuha ko.
Mari Solei
Sorry nakaistorbo ba ako? Mag-e-enroll na kasi ako sa school niyo next semester? Babalitaan sana kita kaya lang busy ka ata?
Nanlaki ang mata ko at bigla akong kinabahan. Parang narinig ko ang boses ni Herq na sinasabihan akong magiging makabuluhan ang desisyon ko.
Nakng, si Mari Solei?! Sa school na mag-aaral?
Ito na ba oras para mas mapalapit sa kanya?
Problemado ako sa finals buong linggo habang paminsan-minsan akong nagtataka kung bakit wala pa ring text si Unica kung nakauwi na sila. Nalaman ko lang n'ung nakita ko na ang roadtrip video at video kay Whang Od na inupload ni Deus sa youtube.
At talaga naman, nandoon ako sa video, kitang-kita ang mukha namin ni Unica noong nakaupo kami sa taas ng bubong at nakatingin sa tanawin. Nandoon din 'yong hinatak niya ako sa pedestrian road habang naka-go pa at noong tinulak niya ako sa bubong ng jeep.
"Putragis ka, sino 'yong chicks na yon? Sino?!"
Hindi ako tinantanan ni Gio.
"Anong facebook n'un? Add ko! Dali na, ulol kang hayup ka hindi mo sinabing tropa mo 'tong si Deus. Tapos may chicks pa kayong kasama? Kailan 'to?"
Hindi ako sumagot.
Ni hindi ko nga friend sa facebook 'yun, eh.
Natapos ang finals nang hindi ko nakakausap si Unica pero mas excited akong samahan si Aris sa pag-enroll niya.
"Okay lang ba talaga?" pang-ilang beses na tanong ni Aris kahit naglalakad na kami papuntang school. "Sigurado kang sasamahan mo ako?"
Tumango ako. "Oo, sigurado na ako. Sa sobrang sigurado ko, nandito na tayo – ayan oh, kumakaway na si Lolo." Tinuro ko ang rebulto ni Laurel na nakataas ang kamay.
Tumawa naman si Aris sa sinabi ko. Musika talaga sa tainga ang boses niya, kahit 'yung hinhin ng tawa niya, grabe. Iba talaga.
Nakita ko ang mga kaibigan kong palapit sa amin sa gate 2. Huli na ang lahat para maitago ko si Aris. Nanlalaki ang mga mata nila, lalo na ni Mark na nagmumukha nang unggoy.
"Hi, I'm Adam. You are?" Inabot niya ang kamay niya kay Aris pero pinalo ko.
"Huwag mong hawakan 'yang mga 'yan, delikado," sabi ko kay Aris.
"Aba naman 'tol, 'di mo ba kami papakilala sa girl. . .na friend mo?" Nakangisi si Jethro.
Pinanliitan ko sila ng mata kaya tumawa sila.
"Si Aris," turo ko kay Aris sabay baling sa kanya. "Huwag mo na kilalanin 'tong mga 'to, hindi naman na importante."
Natawa si Aris sa sinabi ko kaya napangiti ako pero pinakilala din ng mga kaibigan ko sarili nila kay Aris. Nang medyo napapatagal na kami sa gate 2, inaya ko na si Aris para makapag-enroll na siya.
"Bakit ang daming tao sa school niyo? Enrollment niyo na?" tanong niya nang mapansing ang dami ngang tao sa loob.
"Hindi," sagot ko. "Kuhanan kasi ng card. Next week pa enrollment namin."
"Nauna tayo?"
Tumango ako. "Para hindi ka na mahirapan makisabay sa susunod."
Ngumiti siya at gusto kong patigilin ang oras para titigan ko lang 'yong ngiting 'yon. Napansin ko ring hindi siya sanay sa mga tao kaya yumuyuko siya. Parang dati lang, nung highschool pa siya. Hindi pa rin talaga siya nagbabago.
Siya pa rin 'yong babaeng ang sarap protektahan.
Ginala ko siya sa palibot ng school para maging pamilyar siya kahit papaano. Nang matapos ang lunch break, nagpunta kami sa mabini hall para maayos na ang papeles niya. Minsan ako ang nakikipag-usap pero madalas, siya na ang umaasikaso at sumusunod lang ako, nakikipagkwentuhan.
"Siguradong-siguradong-sigurado ka na bang dito ka mag-e-enroll? Sa school ko?"
Tinakpan ni Aris ang ngiti niya gamit ang panyo. Gusto ko sanang pigilan pero nahihiya rin ako.
"Hindi pa ba ako sure nito?" tanong ni Aris nang pakita sa akin ang mga papeles niya. "Malapit nang matapos, oh."
Napalawak ata masyado ang pagngiti ko, pero hindi ko mapigilan. "Nakaka-excite lang. Nasa iisang school na tayo."
Umiling siyang nakangiti. Ba't ba ang ganda niya? Hindi na makatarungan.
Naghihintay lang ako sa mga finifill-up-an ni Aris nang mapalingon ako sa may hagdan at nakita ko si Unica. Bigla akong kinabahan at napatingin kay Aris na busy sa ginagawa. Bumaling ang tingin ko kay Unica na napatingin sa akin at kumunot ang noo.
"May hinahanap ka?"
Nagulat ako sa tanong ni Aris. Umiling ako. "Hindi kasi akala ko may nakita akong pamilyar."
Tumango siya. Nagsulat na ulit siya sa form nang mas lalong lumapit si Unica. Sinenyasan ko siyang tumigil pero kumunot lang ang noo niya. Pinanlakihan ko siya ng mata at tinuro ko si Aris gamit ang mata ko.
Sumimangot siya at umalis.
Kinabahan ako nang lumingon si Aris. Nakng, baka kung anong isipin niya! Sakto namang tumunog ang phone ko. Tumatawag ang babaeng gangster.
"Sasagutin ko lang 'to." Medyo lumayo ako kay Aris. "Bakit ka napatawag. . .John?"
"John?"
Nakng, John, Chino?! Sino si John?!
"Ano 'yan, bininyagan mo ako nang hindi ko nalalaman?"
Napatingin ako kay Aris, nakatingin siya sa akin. Mas lalo kong naramdaman ang kaba ko. Anong sasabihin ko? Agh.
"Kanina lang."
Muntik kong iuntog ang sarili ko sa pader. Anong kanina lang?!
"Anong pinagsasasabi mo? Teka nga, kailangan natin mag-usap hayup ka."
"Hindi pwede, may ginaga—"
"Anong hindi pwede?!" Lumakas ang boses niya.
"Pero—"
"Tungkol 'to sa pageant!" sigaw niya.
Nanlaki ang mata ko sa narinig. Pageant? Nilayo ko ang phone at nilingon si Aris. Nakatingin lang siya sa akin kaya ngumiti ako. "Aalis lang ako saglit, hintayin mo ako rito pag nakatapos ka?"
Tumango siya.
Dumiretso agad ako sa paglakad.
"Anong mayroon? Nasaan ka ba?" Lumingon-lingon ako sa paligid pero wala siya.
"Anong mayroon? Ikaw kaya tanungin ko," sabi niya. "Anong mayroon at tangina, ikaw pala nag-suggest na sumali ako sa pageant? Saan banda karapatan mo sa suggestion na 'yon?"
Natigilan ako at nanlaki ang mata. Nanlamig bigla ang buong katawan ko na para bang bumalik sa akin 'yong oras na nagpaulan kami ni Unica last time sa Tinglayan. Pero ngayon, full batt ang phone ko. Walang na mahamog na bundok bilang tanawin. Kausap ko si Unica sa phone – at RIP.
Ito na ba huling araw ko? Baka maging kaklase ko pa si Aris!
Para akong sinuntok sa puso pagkakita kay Unica na nakatingin sa akin mula sa gate 1. Napalunok ako. Nakng, susunugin na ata ako ng tingin niya.
; x ;
unedited
busy + writer's block when combined = frustrating. but anyway, here's the update! YEHEEEEEY. New year, new update! Sana magtuloy-tuloy na ang update para masaya! <3
PS: May teen fiction akong isusulat, nasa profile ko: Handle the Pressure. Baka kapag natapos ko itong Uncensored, yon muna ang isunod ko bago 'yong U Series #2. BAKA lang. Depends pa kasi talkshit ako jejeje.
Salamat sa mga naghintay nang sobrang tagaaal. *hugs
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top