u n c n s r d 12

u n c n s r d 12

"Hindi talaga ako binibigo ng kalikasan."


Ano ba ang inaasahan sa roadtrip? Ang nasa isip ko ay kwentuhan, asaran, ingay at sound trip. Tipong may korning kanta na pangluma, pero kahit korni, sasabayan ng lahat kasi kabisado ang lyrics. 'Yong nakabukas ang bintana tapos ang lakas ng tugtugan. Maingay. Enjoy.

Nakaka-excite.

Pero anong bumungad sa akin sa araw ng inaasahang roadtrip ng 12 hours?

Tawag mula sa babaeng gangster nang alas tres ng madaling araw.

Alas. Tres.

Madaling. Araw.

Nakng, sinong matinong babae ang tatawag nang alas tres nang madaling araw?!

Hilong-hilo pa akong sinagot ang tawag. Sumali sa sakit ng ulo ko ang sakit sa tainga dahil sa sigaw ni Unica sa kabilang linya.

"Hoy!"

Hindi nakakatuwa.

"H-Hello? Bakit?" ngarag kong sagot. "Hindi ba makakapaghintay 'yang tawag?"

"Hello?" Mas lumalim ang boses niya sa telepono. "Sino 'to?"

Napakunot ang noo ko.

"Uh. . .Chino?"

"Weh?"

Napadilat ako sa narinig at napangiwi sa ilaw ng phone ko. Nakakasilaw! Ang dilim-dilim pa sa buong paligd. Gustong-gusto ko pa matulog.

"Bakit ka ba napatawag?"

"Di nga? Ikaw nga 'to? Ows?"

Bumuntong hininga ako. "Kung ito lang tatanong mo kaya ka napatawag, bababa ko na 'to. Matutulog pa ako."

"Sungit naman," sabi niya. "Pero wow. Ganyan pala bed room voice mo?"

Nagtaka na ako sa sinasabi niya.

"Bedroom voice?"

"Ang gwapo."

May kung anong parang sumuntok sa dibdib ko dahilan para magising ako nang tuluyan. Napatingin ako sa screen â babaeng gangster â sinabi ba talaga niya 'yon? Napahinga ako nang malalim.

"Anyway! Excited ka na ba? Mamaya na 'yun, ha! Nakapagready ka na?"

"Sigurado ka bang 'yan lang ang tinawag mo?"

"Ha? Bakit? Oo naman? Ano pa bang dahilan para tawagan kita? Para marinig gwapong bedroom voice mo?" Tumawa siya pero hindi ko na pinatapos.

Aga-aga, pinagtitripan agad ako.

"Goodnight."

Binabaan ko siya ng tawag at nag-airplane mode saka pumikit para makatulog ulit.

Hindi na ako nakatulog pa ulit kaya ngarag ako nang magpunta sa MRT Kamuning station kung saan kami magkikita-kita. Nahiya pa ako dahil medyo late ako nakarating. 4 ang usapan pero 10 minutes late ako.

Pero ayun pala, ako pa rin ang nauna sa kanila.

Naghintay pa ako ng tatlumpong minuto bago dumating sila Unica at Deus. Ang una kong napansin ay si Unica â at kung paano niya dalhin ang shorts na lumagpas lang sa tuhod ng dalawang pulgada at simpleng shirt. May malaking backpack sila ni Deus at may hawak na tig isang black bag.

"Uy, ang aga mo, ah," sabi sa akin ni Unica.

Tiningnan ko ang oras. 4:40 na. Usapan 4. 5 ang alis ng bus.

"Pasensya na pre, ang traffic sa MRT," sabi ni Deus.

"Ayos lang. Napaaga rin kasi ako."

Nanatili akong tahimik nang bumaba kami nang mapansin kong nahihirapan si Unica sa hawak niyang malaking black bag. Mukhang nandoon ang ilang gamit ni Deus para sa video na gagawin. Tinabihan ko siya at kumukuha ng tyempo para kuhanin ang bag.

"Ako na d'yan," sabi ko nang hawakan ang black bag.

Tinaasan niya ako ng kilay. "Ha? Bakit?"

Sinubukan kong buhatin ang bag at nabigla sa sobrang bigat. "Ang bigat nito. Bakit mo binubuhat?"

"Ito kasing si Deus! Pinabubuhat sa akin!" sabi ni Unica na parang nagsusumbong sa magulang.

Tumawa si Deus at nilingon kami dahil nauuna na siya. Mukhang ang bigat din ng dala-dala niya.

"Ikaw nagpresentang tulungan ako sa pagbubuhat." Tumawa pa lalo siya at binilisan ang paglalakad dahil sa pagtawid. "Salamat!" sigaw niya.

Mukhang walang balak ibigay sa akin ni Unica ang black bag kaya pinwersa kong kuhanin sa kanya. "Ako nang magbubuhat."

"Nagpapakagentleman lang?" kumento niya sa gilid ko.

Ngumisi ako at binalingan siya. "Hindi ba dapat?"

Umirap siya at diretso lang sa paglalakad. Tiningnan ko ang traffic light kaya bigla ko siyang hinigit dahil nagpaharurot ang isang sasakyan.

"Naka-go na. Huwag ka munang tumawid."

Tumawa siya bigla. "Grabe. Sumusunod sa traffic rules si koya." Tiningnan niya ang hawak ko sa braso niya kaya agad akong bumitaw. "Mabuting mamamayan ng Pinas ka pala talaga. Akala ko front lang sa school."

Nasa kabilang ibayo na si Deus at nanigarilyo muna habang hinihintay kami. May nilabas din siyang parang maliit na camera sa bulsa niya at tinutok sa amin. Kung nagvivideo man siya, sana hindi niya nahalatang umiwas ako at tumingin bigla sa gilid. Habang si Unica, nakasimangot na nakatingin sa traffic light. Bumuntong hininga siya pero nanatili lang kaming nakatayo.

Ilang segundo ang nakaraan, nabigla ako nang hawakan niya ako sa braso at sumigaw.

"Yolo!"

Muntik na akong madapa nang hatakin niya ako para patakbong tumawid. Dahil hindi pa rin naka-stop, nabingi ata ako sa busina ng mga kotse at tawa ni Unica.

"Nakng! Bakit tumawid ka?!"

Tawa nang tawa si Deus. Nakatutok pa rin sa amin ang maliit na camera.

Nagngiting aso siya at hinatak pa ako para magsimula nang maglakad. "Maiiwan tayo ng bus kapag hinintay pa natin 'yung stop. Ma-le-late na tayo."

Bakit nga kaya kami ma-le-late? Nakakapagtaka. Tiningnan ko siya nang masama pero hatak lang ang ginawa niya hanggang makarating kami sa bus station.

Marami nang tao pero nakasakay kami agad dahil bumili na agad si Deus ng ticket namin. Inaasahan ko na ring sila Unica at Deus ang magkatabi kaya dumiretso ako sa kabila â sa tabi ng binata â katabi ang isang matandang babaeng hindi ko kilala.

"Sino bang babae sa atin?" rinig kong sabi ni Unica kaya napatingin ako sa side nila.

Nakatayo si Deus habang si Unica naman ay pinipilit na maupo sa may bintana pero pinipigilan siya ni Deus. Para silang mga bata.

"Gender equality naman!" sabi ni Deus. "Di ba pinaglalaban 'yan ng mga kababaihan?"

"Lul. Hindi ko pinaglalaban. Sa bintana ako!"

"Pero mag-vi-video ako!"

Napakamot ako ng noo habang pasimpleng tinitingnan ang dalawa. Pinapanood na rin sila ng ibang malapit sa amin pati ng katabi ko dahil sa ingay nilang dalawa. Naghihilahan sila para makaupo sa may bintana. Nakakaloko.

"'Toy," pagkuha ng matandang babae na katabi ko sa atensyon ko. "Nag-aaway yata itong mga kasama mo?"

Kilala ko ba sila? Mag-isa lang ako.

"China!"

Sabi ko nga, eh. Magkakasama kami.

"Oh?"

Sa sobrang lakas ng boses ni Unica, napatingin din sa akin 'yong ibang tao. "Dito ka na nga lang sa tabi ko. D'yan na lang si Deus. Badtrip, eh."

Sa paglipat namin ni Deus ng upuan â ako sa tabi ni Unica, si Deus sa tabi ng bintana sa kabila â ang nagpatahimik sa dalawa. Salamat naman.

Nang magsimulang umandar ang bus, walang ingay na naganap o soundtrip kahit kantahan. Dahil maraming tao sa bus, iba-iba ang ganap. Karamihan ay natulog agad. Si Deus, nagsimulang mag-video sa labas. Si Unica naman ay nag-earphones kaya ginaya ko siya.

Pumikit ako at mataimtim na pinakinggan ang Anabelle ng A Rocket To The Moon nang maramdaman kong sikuin ako ni Unica. Pagbaling ko ng tingin sa kanya, may hawak siyang corned tuna at tasty.

"May can opener ka?"

Napakunot ako ng noo at tinanggal ang isang earphone. "Bakit ka magdadala ng ganâ"

"Pwede ka naman mag-wala, eh. Deus!" tawag niya kay Deus na lumingon sa amin. "Can opener?"

"Bakit ka maghahanap ng can openeâ"

Natigil ako sa pagsasalita nang ibigay ni Deus ang can opener na nanggaling sa bag niya. Nagbalikan ang tingin ko kay Deus at sa can opener. Dapat bang kwestyunin ko kung bakit may dala siyang ganyan?

Pumikit ulit ako para makinig nang sikuin na naman ako ni Unica.

"Oh, tinapay."

Napangisi ako at kinuha ang inalok niya.

"Twelve hours tayong nganga," sabi ni Unica habang kumakain.

Pinatay ko na lang din ang music player ko sa phone.

Kinain ko rin ang tinapay na may corned tuna at woah. Ang sarap. "Ginusto mo 'to, eh."

Ngumisi siya. "Sumama ka naman."

"Eh, ikaw, eh. Nakabisado mo."

"Magaling kasi ako."

"Pero nalimutan mo agad."

"Humihingi ng paumanhin ang short term memory ko."

Umiling na lang ako at napangisi saka nagkamot ng noo. Isang araw lang kasi ang nakaraan nang idrawing niya sa braso ko ang table of elements, hindi na niya magawa ulit dahil nawala na raw sa utak niya. Ganoon kabilis!

Nagalingan pa naman ako.

Nang natahimik kami nang ilang minuto at kumain lang nang kumain, nakaramdam ako ng awkwardness kaya nagsimula akong magtanong.

"Trip mo ba talaga mga ganito?"

"Anong ganito?"

"Mga ganitong road trip?"

"Oo." Tumingin siya sa labas ng bintana. Unti-unti nang dumidilim at unti-unti na ring nawawala ang sibilisasyon sa labas. "Nung may kotse pa ako, halos every weekend kahit mag-isa lang."

"Wanderlust," banggit ko.

Sumandal siya at tumingin sa ilaw ng bus sa taas namin. "Masasabi mo nang ganun. Noong unang beses ko kasing umalis, may nakilala ako. May tattoo siya ng mapa ng USA tapos pinapashade niya 'yung states na napuntahan niya. Nainggit ako. Gusto ko rin ng ganun."

Tumaas ang kilay ko. "May tattoo ka rin ng USA?"

"Pinas."

Napalingon ako sa kanya. "Saan?"

"Sa pwet ko," sabi niya. Tiningnan ko siya nang masama kaya bigla siyang tumawa. "Nasa likod ko. Gusto mo bang makita? Sabihin mo lang kung maghuhubad na ako." Hinawakan niya ang laylayan ng t-shirt niya.

"Ano bangâ!" Pinigilan ko ang pagtaas niya ng suot. Tumawa siya at tinapik ako sa kamay. "Balak mong lakbayin buong Pinas?"

"Ay hindi. Pinatattoo ko lang 'yung mapa ng Pinas para hipster."

Tumawa ako. Tapos natahimik kami. Nag-isip ako ng pwedeng sabihin o pag-usapan pero bigla akong nahiya sa katahimikan naming dalawa. Tumitig ako sa TV na may pinapalabas na movie. Nanlamig ako at nag-panic sandali.

Nakng, ba't hindi ako makagawa ng topic?!

Narinig ko ang malakas na pagbuntong hininga ni Unica sa gilid ko. Doon ko napansing parang nagpipigil ako ng hininga kaya napahinga ako nang malalim. Pinahiga niya kaunti ang sandalan niya at nagulat ako nang itaas niya ang dalawang paa para ipatong sa sandalan ng harap.

"Uy, maiistorbo yung nasa harap."

"Hindi naman nagrereklamo, eh."

Hinawakan ko ang binti niya at binaba pero tinaas niya ulit. Binaba ko ulit ang binti niya. Pinanlakihan niya ako ng mata kaya pinanlakihan ko rin siya.

"Unica," pabulong kong sabi.

"Hindi naman ikaw naiistorbo di ba."

Tinaas niya ulit ang paa niya. Hinawakan ko ulit ang binti niya. Nagulat siya sa pagpatong ko ng dalawa niyang paa sa akin. Pinipilit niyang tanggalin pero pinanlakihan ko ulit siya ng mata.

"Dito na lang." Mas diniinan ko ang pagpatong ng paa niya sa hita ko. "Masisipa mo yung unahan."

Sumimangot siya at umirap. "Fine. D'yan ka masaya, eh."

Naglagay siya ng earphones sa tainga at medyo nahiga. Napangiwi ako nang diinan niya ang apak sa hita ko, nananadya. Hindi ko sigurado kung nakatulog ba siya pero kung hindi niya ako nasisipa, diniidinan niya ang pagtapak sa akin ng buong bigat niya.

Ilang minuto ang nakalipas, nakatulog din ako.

Hindi masaya sa katawan makatulog sa bus nang may katabing halos sipain na ako sa mukha. Nagising nga ako dahil nasipa niya ang salamin ko sa mata kaya tinanggal ko muna. Pagising-gising din ako kaya pagod ang pakiramdam ko sa unang stop over. Tumambay muna kami sa labas habang naghihintay. Naninigarilyo ang dalawa habang nagkukwentuhan.

"Parang hindi ikaw kapag wala kang salamin," sabi ni Deus. "Angas. Para kang may ibang pagkatao."

"Sinisipa kasi ng isa 'yung salamin ko, eh."

Tumawa si Unica. "Sino ba kasing nagpumilit na ipatong ang paa ko sa hita niya?"

Ngumisi si Deus pagkabuga ng usok ng sigarilyo. "Pagkakita ko nga para kayong magsyotang hindi mo malaman kung magkaaway o hindi, eh."

Napatingin ako kay Unica. Nakatingin din siya sa akin at sumimangot na parang adik kaya bigla akong natawa. Pagbalik sa bus, natulog ulit kami. Kung anu-anong posisyon na ang nagawa ko hanggang sa mahaba na ang tinulog ko.

Walang soundtrip na matagal, kantahan, stop over o kahit nasiraan sa daan. Diretso ang byahe namin ng 12 hours kaya nang mag alas sais na ng umaga, nakarating kami ng Tuguegarao nang nananakit ang katawan. Umaambon pa pagkababa kaya nagmadali kami makarating sa terminal ng van papuntang Tabuk.

Pagkatapos kumain, tumambay kami sa loob ng van nang halos isang oras para maghintay bago napuno ang sasakyan. Tulog kaming tatlo sa isang oras na byahe. Nang makarating sa Tabuk, naghanap kami agad ng masasakyan papuntang Tinglayan.

"Kuya," tawag ni Unica sa driver. "Pwede ba kami sa taas?"

"Sige. Kakayanin niyo bang tiisin ang ambon?"

"Ambon lang. Keri."

Sa bubong kami ng jeep sumakay.

Hindi mawala ang ngiti ko habang umaandar ang jeep at nasa ibabaw kami. Umaambon pero parang hindi namin iniinda dahil sa tanawin. Hindi kami nakapagkwentuhan dahil mabilis ang takbo ng jeep at rinig na rinig ang hangin sa tainga namin. Parang may bumubulong, tapos minsan, malakas na hampas na hangin na para kaming sinasampal. Minsan tumatawa kami dahil natatamaan si Deus ng mga dahong nalalaglag mula sa mga puno.

Masakit matamaan ng dahon kapag mabilis ang sinasakyan. Isama pa ang mga ambon.

Hindi nakakatuwa.

Hindi rin nagbibiro ang sinabi nilang matagal pa ang byahe dahil sumasakit na ang pwetan ko pero mukhang malayo pa rin kami. Minsan sisikat ang araw tapos aambon kaya medyo basa na rin kami. Paglingon ko kay Unica, seryoso lang siyang nakatingin sa kaliwa â kung saan nandoon ang isang picture perfect na kalikasan.

Kita ang pagguho ng ilang lupa, pero maraming punong nakatayo pa rin kahit na halos 90 degrees na ang tarik ng pinagtutubuan. Medyo modern na rin dahil may ilang stone walls - siguro para mapagtibay ang mga lupa at hindi magkalandslide.

Dahil sa totoo lang - medyo nakakatakot ang mga lupa at punong nasa taas namin. Parang kaunting tulak lang, gigiba sila at dadaganan kami.

Hindi pinalagpas ni Deus ang tanawin dahil may sarili siyang ginagawang pagvivideo at pagsasalita na rin na parang kausap niya ang mga nanonood sa videos niya.

Mahigpit ang hawak ko sa hawakan dahil nasa gilid na mismo ang jeep. Paikot pa ang daan, na parang paakyat ng bundok. . . hindi. Hindi parang. Paakyat talaga ng bundok. Kaunting maling galaw lang ay laglag kami sa bangin. Bye, bye Philippines na.

"Hanggang ngayon, kahit ilang ganito na nakita ko, parang first time lagi ang feeling," sabi ni Unica habang nakatitig sa ilalim ng bangin na mga nagmukhang maliliit na puno sa layo. "Hindi talaga ako binibigo ng kalikasan. Kapag iniisip kong wala nang pag-asa ang Pinas, laging may ganitong pangyayari. Ipapakita niyang may pag-asa pa. At maganda ang pag-asang 'yun."

Ngumiti ako para sumang-ayon sa lahat ng sinabi niya. At muntik mamatay nang itulak niya ako! Napakapit ako nang mahigpit sa hawakan sa sobrang kaba. Parang tumalon ata puso ko.

"Nakng?!"

Tumawa siya. "Yan na ba pinaka intense mong pagmumura?!"

"Gusto mo ba akong mamatay?"

"OA nito. Nakahawak ka naman sa bakal."

"Paano kung hindi ako nakahawak?! Aatakihin ata ako sa puso sayo eh."

"Ayos nga 'yun pare," singit ni Deus. "Para hindi mo na mararamdaman 'pag nagkalasog-lasog katawan mo pag nahulog ka sa bangin. Pwera nga lang kung mabagal 'yung heart attack. Baka maramdaman mo rin 'yung paghiwalay ng mga parte ng katawan mo."

"Hindi nakatulong," sabi ko kay Deus.

Tinaas niya ang kamay at dumiretso sa pagkuha ng video.

"Ayun lang." Sumimangot si Unica at tinapik ako sa balikat. "Ang sad siguro nun."

Napailing ako at nagkamot ng noo. 

Sinubukan naman nila ni Deus manigarilyo kahit ang bilis ng andar ng jeep at namamatay-matay ang lighter nila. Wala rin kasi kaming kaagaw sa daan; mga kalabaw lang na nasa gilid na kinatuwaan ni Unica. May nadaanan din kaming batang tumatae na-focus ni Deus sa pag-vi-video niya.

Malayo ang bawat barangay sa isa't isa. Parang halos isang oras ang layo â tapos laging may aso at mga manok na nakakalat. Kinakawayan din kami ng mga bata at may sinasabi ang ilang matatanda kapag dumadaan ang jeep namin sa may bahay-bahay nila.

Dahil hindi namin naiintindihan, nginingitian na lang namin.

Ang isa sa pinaka highlight sa byahe papuntang Tinglayan ay ang ulap. Sa sobrang taas na namin, nadaanan namin ang ulap. Pero hindi masyadong pansin. Hindi rin namin sigurado kung dahil umaambon o ulap 'yung parang wisik ng tubig. Pero, sobrang. . .iba!

First time ko, eh!

Mula sa pag-indian sit, nilaylay ni Unica ang paa niya sa gilid ng jeep at hinatak niya ako para gawin din yun. Nung una, halos atakihin ako sa puso sa takot, pero nang magtagal â mas na-enjoy ko na ang tanawin at experience.

Ang pangalawang highlight siguro. . .ay ang paglakas ng ulan.

Nasa kalagitnaan ng byahe nang bumuhos ang ulan. Noong una, hindi pa namin iniinda. Mga ma-pride pa kami. Hanggang sa halos tumulo na ang basang buhok ni Deus kaya napagdesisyunan naming bumaba na at pumasok sa loob nang mag-stop over ang jeep.

Nanginginig na kami sa sobrang lamig at ang sarap sa pakiramdam na medyo mainit sa loob ng jeep. Dumiretso ulit ang byahe at halos nakatulog kaming tatlo buong byahe.

Halos apat na oras ang byahe namin bago nakarating sa Sleeping Beauty Inn kung saan namin kikitain si Francis Pa-In â tour guide papuntang Buscalan. Malakas pa rin ang ulan kaya minabuti naming pumasok agad sa restaurant para kumain na rin at magpainit.

Gawa sa kahoy ang buong restaurant. Tanging liwanag ng labas ang nagsisilbing ilaw ng buong wooden resto. Dumiretso ako sa may bintana. Ang ganda sana ng tanawin kung hindi lang halos liparin ng malakas na hangin ang mga puno sa paligid. 

Si Deus ang nakipag-usap kay Sir Francis na naka-session hat, baggy floral shirt at pants habang kumakain kami ni Unica. Wala akong naintindihan sa sinasabi ni Francis kahit sa tingin ko ay nagtatagalog naman siya. Ang mga babaeng bantay naman sa restaurant ay iba ang lengwahe.

"Ilokano," sabi ni Unica nang mapansin niyang nakatingin ako sa mga bantay na nag-uusap. "Ang hinahon nila mag-usap, no? Di tulad sa kabihasnan - sigawan all the way."

"Uh, Nics. Chino."

Nilingon namin si Deus na katabi si Francis.

"Oh?"

"Bad news."

"Bakit?" tanong ko.

"Eh, ang lakasngulan," sabi ni Sir Francis na hindi ko naintindihan sa bilis magsalita at lalim ng boses. "Hinditayomakakapunta saBuscalanngayonmismo. Lakasulan! Delikadodaannito. Bukasnalangano?Ditomunakayo? Hintayingtumilaulan? Anglakastalagaatdelikadorin."

Siniko ako ni Unica at nilapit ang mukha sa akin. "Ano raw sabi?"

Napangisi ako at napakamot ng noo. Bumulong ako, "hindi ko rin alam."

Sabay kaming ngumiti ni Unica at um-oo na lang. Iniwas ko naman ang tingin ko kay Deus nang tingnan niya kami nang may pagtataka sa mukha.

Nang pumunta kami sa inn na nasa ibaba ng restaurant, nag-ayos kami ng gamit para magpahinga. Nakatulog agad si Unica sa pangdalawahang kama. Naka-slant pa siya kaya minabuti ni Deus na magvideo na lang muna sa labas. Ako naman, nakatulog agad sa pang-isahang kama.

Nagising ako nang tulog pa rin si Unica kahit gabi na at madilim na sa labas. Nakabukas ang aircon kaya kinumutan ko muna siya bago ako lumabas ng kwarto. Tulog si Deus sa mahabang sofa sa common room. Naupo naman ako sa isang upuan at tumitig lang sa kawalan nang biglang namatay ang kuryente.

Pitch. Black.

At ang sunod kong narinig, ay ang nakabibinging sigaw ni Unica mula sa kwarto.


; x ;

*unedited // pero sadya yung linya ni Sir Francis (hahaha)

More pictures, see link (http://bit.ly/1OXqsmN) or click external link.

Not sure if i'm doing this adventure thing right but. . .i hope so! // cross fingers.



Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top