Capitulo Veintinueve






Capitulo 29






LABIS ang katahimikan sa loob ng bahay. Tila ba'y bumalik ako sa mga panahong ako lamang ang nakatira rito. Simula nang umuwi kami ni Seraphim ay nawala ang ingay ng paligid. Hindi ko rin nakikita ang binibini. Ayon sa mga criada na aking napagtanungan ay hindi pa siya lumalabas ng kanyang silid.

Nilibot ko ang aking paningin sa sala. Kinuha ko sa aking bulsa ang reloj de bolsillo ko. Ayon rito'y alas tres y media na. Mga ganitong oras ay gigising na si Seraphim mula sa kanyang pagsi-siesta at kakain na ng merienda na inihanda ni Aling Martha. Umupo ako. Hihintayin ko ang paglabas ng binibini upang makasabay ko siya sa merienda. Kinuha ko ang diario na nakapatong sa mesita. Halos makalahati ko na ang diario ngunit hindi pa rin lumalabas ng silid si Seraphim.

Dumagundong ang aking mundo sa ideyang pumasok sa aking isipan. Paano kung nagbalik na sa hinaharap na panahon si Seraphim kaya siya'y hindi na lumabas ng kanyang silid? Binitawan ko ang hawak na diario at patakbong pumunta sa direksyon ng kanyang silid. Huminga akong malalim at sinubukang buksan ang pintuan. Dahan-dahan ang pagbukas ko ng pinto. Tila nabunot ang tinik sa aking lalamunan nang makitang mahimbing na natutulog si Seraphim.

Mukhang napasarap ang kanyang pagtulog. Gumuhit ang ngiti sa aking mga labi dahil ang payapa niyang pagmasdan habang natutulog. Dahan-dahan kong isinara ang pintuan upang hindi ko siya magising. Napagdesisyunan kong pumunta na lamang sa aking opisina upang ipagpatuloy na ang naiwan kong trabaho roon. Marahil ay mayamaya pa magigising si Seraphim kaya mamaya na lamang ako magmi-merienda.

Gabi na nang matapos ako sa aking ginagawa. Paglabas ko ng aking opisina ay natanaw ko si Seraphim sa azotea. Tila nakatitig sa kawalan. Lumapit ako sa kanya ngunit hindi niya napapansin ang aking presensya. "Tila'y napakatahimik mo ngayon, binibini." Sandali lamang niya akong nilingon bago muli ibaling sa kawalan ang tingin. Bumuhos ang pag-aalala sa aking sistema. "Masama ba ang iyong pakiramdam?" Tanging pag-iling lamang ang kanyang sinagot. "Kung ganoon, bakit ang tahimik mo?" Matipid lang niya akong sinagot.

Tila ba'y labis ang kanyang lungkot. Nakita ko na ang ganitong klase ng lungkot. Nakita ko na ito kay Ate Victoria. Kaba at takot ang aking nararamdaman ngayon. Ayaw na ba rito ni Seraphim? "Alam mo ba kung anong pumapasok sa isip ko sa tuwing nakikita ko ang isang tao na matagal nang tumira rito tapos biglang mananahimik sa isang tabi at sa malayo nakatingin?" Nakita ko ang mabilis na paglingon niya sa akin.

"Ano?"

Tinitigan ko siya sa kanyang mga mata. "Nais ng taong iyon na umalis na sa bahay na ito."

"Hindi ba iyon naman talaga ang gusto mong gawin ko? Ang makaalis na rito? 'Yong umalis na ako sa buhay mo dahil sagabal lang ako sa plano mo?"

Natigilan ako sa sunod-sunod na tanong mula kay Seraphim. Hindi ko napigilang mapatingin sa ibang direksyon. Hindi ko na naintindihan pa ang iba niyang sinabi dahil lahat iyon ay nasabi ko sa kanya kahit na hindi naman iyon ang aking nais mangyari. "Pupunta ako sa San Carlos. Dadalawin ko si señor Pelaez at ang kanyang mag-ina. Nais mo bang sumama?" Pag-iiba ko ng paksa. Ayaw ko na pag-usapan ang tungkol sa posibilidad na paglisan niya rito.

"Huwag na lang. Dito na lamang ako."

"Bakit naman? Ito na ang pagkakataon mo para makapunta sa ibang bayan. Huwag kang mag-alala. Ililibot kita sa San Carlos." Hindi naman talaga ako pupunta kina señor Pelaez. Dahilan ko lamang iyon upang malibot ko si Seraphim sa kabilang bayan.

"Hindi na, Manuel."

"Hindi mo ba nais na maglibot doon? Kung gayon, dito na lang—"

"Ayaw ko, Manuel."

Siguro'y iniisip ni Seraphim na maglalakad lamang kami sa oras na dumating na kami sa San Carlos? "Nag-aalinlangan ka ba dahil iniisip mong mapapagod ka sa paglalakad? Hayaan mo, sasakay tayo—"

"Ayaw ko nga sabi, Manuel! Hindi mo ba maintindihan na ayaw kong sumama sa iyo?"

Ako'y nagulat sa pagtaas ng boses ni Seraphim. Ngayon lang iyon nangyari. "Bakit ayaw mong sumama? Hindi ba't nais mong lumabas-labas ng bahay?"

"P'wes hindi ngayon. Ayaw kong sumama sa iyo. Ayaw kong lumapit muna sa iyo. Ayaw ko na makikita kang masaktan sa oras na makita mo si señorita Realonzo dahil hindi natin maiiwasan na makita siya. Ayaw kong nakakalimutan mo na kasama mo ako dahil nakita mo lang siya. Ayaw kong mahulog ang loob ko sa iyo dahil sa bawat oras na nakakasama kita, lalong nahuhulog ang loob ko sa iyo..."

Ako'y natigilan sa mga narinig ko kay Seraphim. Tila ako'y naguluhan sa mga sinasabi niya. Siya ba'y may pagtingin sa akin o naiinis na dahil sa aking mga ikinikilos? "Hindi kita maintindihan."

"Tagalog ko na nga'ng sinabi, hindi mo pa rin naintindihan? Grabe ka naman!" Pagak siyang tumawa.

"Ano ba ang iyong ibig sabihin? Hindi kita mawari." Hinila niya ang kwelyo ng aking suot na pantaas. Labis ang lapit ng kanyang mukha sa akin. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na mapatingin sa kanyang mapupulang labi.

"Hindi ba halata? Tanga ka ba? Hindi mo ba pansin na nagpapakadalagang Pilipina ako para sa iyo? Kasi gusto kong maisip mo na babagay rin ako sa panahong ito. Na nararapat din ako mamuhay rito kasama ka. Mahal na kita, Manuel!"

Tila huminto ang aking mundo dahil sa sinambit ni Seraphim. Siya'y umiibig sa akin! Nagdiwang ang aking puso ngunit ito'y kaagad na napalitan ng takot. Takot na iiwanan niya rin ako katulad ng pag-iwan sa akin ng aking pamilya. Hinawakan ko ang kanyang kamay at inalis ang pagkakahawak sa aking kwelyo. "Seraphim, tumigil ka sa iyong kalokohan."

"Sa tingin mo ba nagloloko lang ako? Hindi ito joke. Seryoso ako, Manuel. Naninibago ka kasi ngayon mo lang naranasan na may babaeng naunang mag-confess―maghayag ng damdamin sa isang lalaki. Well take note, Manuel. Hindi lang naman lalaki ang nauunang umamin ng feelings, pati rin naman kaming mga babae. Kaya huwag mo akong sasabihan na kalokahan lang ang sinasabi ko dahil totoong mahal kita." Hinawakan niya ang aking mukha. "Mahal na mahal kita, Manuel. Sana makita mo iyon ngayon."

Inalis ko ang kanyang kamay at umiwas ng tingin. "Paumanhin, Seraphim, ngunit hindi ko matutugunan ang iyong damdamin. Katulad ng sabi ko sa iyo noon, kailangan mo nang makabalik sa panahon mo. Na kahit anong sabi mo sa iyong nararamdaman sa akin, hinding-hindi ko iyon matutugunan. Sa paningin ko'y isa ka lamang sagabal sa mga plano ko sa aking buhay." Tila may isang punyal na tumarak sa aking puso nang makita kong tumulo ang mga luha mula sa kanyang mga mata. Nais kong punasan ang mga luha sa kanyang pisngi ngunit pinigilan ko ang aking sarili. "Sana nga'y wala ka na bukas para bumalik na sa dati ang takbo ng aking buhay." Tumayo ako at saglit siyang pinagmasdan bago ko siya iwanan.

Napasapo ako sa aking dibdib dahil sa sakit na aking nararamdaman. Gusto-gusto kong bumalik kay Seraphim at siya'y ikulong sa aking mga bisig. Nais kong bawiin ang aking mga sinabi dahil ayaw kong siya'y masaktan. Ngunit ang takot sa ideyang iiwanan niya ako ang nagpipigil sa akin na gawin iyon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top