Capitulo Treinta y Uno
Capitulo 31
MAY mga pagkakataon na kung anong pilit mong iwasan ang isang tao, saka naman ito lapit ng lapit sa iyo. Sumimangot ako nang makita ko sa 'di kalayuan si Tandang Manuel na papalapit sa akin. Kung kailan umiiwas ako sa matandang ito, saka naman nangungulit sa akin. Gusto pa yatang lalo akong mahulog sa kanya. Nakakainis lang.
Hinayaan na nga niya akong lumabas-labas ng bahay. Himala lang. Mukhang nawala sa isip niya na baka pag-usapan kami ng mga tao dahil sa iisang bubong lang kami nakatira. Naglakad ako papalayo sa kanya pero damang-dama ko na nakasunod pa rin siya sa akin. Bakit ba kasi hindi ako nito tinatantanan? Hindi na lang manahimik sa isang tabi.
Nang papalapit na sa akin si Tandang Manuel, walang sabi-sabing umakyat ako ng puno ng Acacia. Go lang ako sa pag-ayat kahit hirap na hirap ako dahil sa lintik na sayang ito! Kagigil lang!
"Bumaba ka sa punong iyan, Seraphim! Baka ika'y mapahamak," puno ng pag-aalalang sabi ni Manuel.
Inirapan ko siya. "Umakyat lang ng puno, mapapahamak kaagad? Sus, mas delikado pa nga 'yong mga inaakyat-bahay ko eh. OA ka lang, bih."
"Seraphim! Baka ika'y mahulog at labis na masaktan."
"Mahulog? Nahulog na nga ako pero hindi mo naman ako sinalo. Iyan tuloy nasasaktan ako. Buwisit!" I whispered, then I chuckled. Buhay nga naman. Umayos ako ng upo pero hindi ko naman alam na dahil sa ginawa ko, madudulas ako sa inuupuan kong sanga. Napatili ako at mariing pumikit. Hinihintay ko na lang na mahulog ako sa lupa at magkalasog-lasog ang katawan ko. Kumunot ang noo ko. Hindi ako nahulog sa lupa. Dahan-dahan akong dumilat at bumungad sa akin ang mukha ni Manuel. Pagak akong tumawa. Bakit ngayon lang ako sinalo ng matandang ito? Bakit noong nahuhulog na ang loob ko sa kanya, hindi niya ako sinalo? Ang unfair naman ng buhay! Lord, bakit Ka naman ganyan sa akin?
"Walang nakatutuwa sa nangyari sa iyo!"
"Ibaba mo na ako," malamig kong sabi sa kanya.
Sinunod naman ni Manuel ang sinabi ko. Dahan-dahan niya akong binaba na para bang isa akong babasaging diamante. "May masakit ba sa iyong katawan? Nais mo bang idala kita sa pagamutan?"
"Meron," hindi ko napigilang sabihin.
"Ano?"
Napatitig ako sa kanyang mukha. "Ang puso ko," sobrang hinang sagot ko. Iyon naman kasi talaga ang totoo.
Kumunot ang noo ni Manuel. "Ano?"
Lumayo ako ng kaunti sa kanya. "Wala. Baka ikaw ang may problema sa ating dalawa." Kasi bingi at bulag ka. Nasa harapan mo na nga, hindi mo pa nakikita't naririnig.
Hinawakan ni Manuel ang mga kamay ko. Bakas sa mukha niya ang sobrang pag-aalala sa akin. "Seryoso ako rito, Seraphim. Tinatanong kita kung may masakit ba sa iyong katawan."
"Wala nga. Pwede bang bitawan mo ang mga kamay ko."
"Magsabi ka ng totoo, Seraphim."
"Wala nga. Bakit ba ang kulit mo? Huwag ka nga magpanggap na nag-aalala ka sa akin. As if naman na totoong concern ka sa akin."
"Hindi ako nagpapanggap na nag-aalala sa iyo. Tunay akong nag-aalala sa iyo, Seraphim."
"Hindi mo na kailangang magpanggap, Manuel. Alam ko namang hindi ka talaga nag-aalala sa akin."
"Seraphim—"
"Sabing bitawan mo na ako eh!" Nagpumiglas ako. Ayaw ko kasi na ganito ka-caring sa akin ang matandang ito. Lalo lang nakaka-fall.
Umiiling na binitawan ni Manuel ang mga kamay ko. "Bakit ba ayaw mo maniwala na ako'y nag-aalala sa iyo?"
"Manuel, kung ayaw mong mahulog ang loob ko sa iyo, huwag mo ako pakitaan ng ganyang pagkatao mo. Lumayo ka sa akin. Huwag mo na akong lapitan." Naglakad na ako papalayo sa kanya. Ewan ko ba sa lalaking ito. Kung kailan gusto ko na itigil ang nararamdaman ko sa kanya, saka naman siya nagpapakita ng iba pa niyang good side. Siraulo talaga.
"Sandali, Seraphim."
Mariin akong pumikit bago humarap kay Manurl. "Anong problema mo?"
"Kailangan mo na bumalik sa bahay."
"Ayaw ko. Maglalakad ako hanggang sa mapagod ako."
"Binibini, huwag nang matigas ang ulo. Kailangan mo nang umuwi sa bahay."
"Ayaw ko nga. Bakit ba pinipilit mong umuwi na ako?" Hindi ko na hinintay na magsalita siya. Nagpatuloy na ulit ako sa paglalakad.
"Napunit ang iyong baro. Kailangan mong magpalit ng iyong kasuotan."
Napahinto ako sa paglalakad at hinanap ang sinasabi ni Tandang Manuel na napunit daw. Nanlaki ang mga mata ko dahil mahaba-haba ang punit ng baro ko at pati na rin ang saya. Langya! Baka isipin ng mga makakita sa akin na nagbebenta ako ng aliw dahil sa ayos ko ngayon.
Lumapit sa akin sa Tandang Manuel at inakbayan ako para matakpan ang punit sa balikat ko. "Bumalik na tayo sa ating tahanan, Seraphim," masuyong sabi ni Manuel.
Natulala ako at nagpatangay na lang sa kanya. Bakit kung kumilos si Manuel para siyang may inaamong galit na asawa? "Manuel?"
"Bakit?"
"Hindi ba dapat hindi mo ako hinahawakan ng ganito? Hindi mo ba naisip na dapat pakasalan mo ako dahil sa ginagawa mo ngayon?"
Hindi nagsalita si Manuel. Seryoso ang mukha niya at nagmamasid sa paligid.
"Sagutin mo ang tanong ko, Manuel."
"Hindi na kailangan pag-usapan iyan, Seraphim."
Natigilan ako. Oo nga naman. No need to talk naman ang ganitong topic. Ni hindi nga siguro pumasok sa isip niya ang ganitong bagay. "Bitawan mo na ako, señor Saenz." Sinubukan kong alisin ang braso niya sa balikat ko kaso lalong humigpit ang pagkakahawak niya sa akin.
"Dios mio, Seraphim! Kung nag-aalinlangan ka dahil sa ginagawa ko sa iyo, papakasalan kita upang ika'y hindi mangamba!"
Gago 'to ah. Parang sinasabi ng matandang ito na pinipilit ko siyang pakasalan ako. Malakas ko siyang siniko kaya nabitawan na niya ako. "Anong akala mo sa akin? Desperada na magpakasal sa iyo? Gago! Hindi ako ganoong babae. Ano? Sparring tayo oh!" Malakas ko siyang tinulak sa dibdib at nagmadali akong umalis. Hindi ko na inisip kung ano ang sasabihin sa akin ng mga taong makakakita ng ayos ko ngayon. Ang mahalaga ay malayo ako kay Manuel. "Feeling masyado. Kahit mahal ko siya, hindi naman aabot sa puntong ipipilit ko na pakasalan niya ako."
Nakaka-badtrip na matanda.
SINUNDAN ko ng tingin ang papalayong pigura ni Seraphim. Nang medyo malayo na siya sa akin ay sumunod ako sa kanya. Tanaw ko pa rin naman si Seraphim kahit na malayo na siya sa akin. Mainam na malaki ang distansya ko sa kanya dahil siya'y labis na naiinis sa akin ngayon. Hindi nga naman nakatutuwa ang sinabi ko sa kanya kanina at alam kong hindi si Seraphim ang tipo ng binibining gagawin lahat upang maikasal sa lalaking sinisinta.
Ako'y bumuntong hiningi. Hindi naman lingid sa aking kaalaman ang labis na pag-iwas niya sa akin. Dapat ay ikasiya ko iyon dahil siya na mismo ang gumagawa ng paraan upang mapalayo kami sa isa't isa at mapigilang lumalim ang nararamdaman. Ang pagsinta namin sa isa't isa ay hindi nararapat dahil galing kami sa magkaibang panahon. Na darating ang araw na babalik siya sa hinaharap dahil iyon ang kanyang tunay na buhay.
Ngunit bakit imbes na masiyahan ako sa pag-iwas sa akin ni Seraphim ay ako'y nasasaktan?
Ako'y labis na nangungulila sa kanya kapag siya'y hindi ko nasisilayan. Na kahit sa simpleng pagtanaw sa kanya mula sa malayo ay ayos lamang sa akin. Kaya hindi ko pinipigilan ang aking sarili na lapitan siya upang hindi mangulila kay Seraphim. Masakit na makita na sa tuwing ako'y kanyang nakikita ay kaagad siyang lumalayo. Isa pa sa lungkot na aking nararamdaman ang pagkawala ng kislap sa mga mata ni Seraphim. Tila nawalan na iyon ng buhay at ako ang dahilan nito. Ako ang dahilan ng unti-unting paglaho ng Seraphim na nakilala ko.
Mabilis akong naglakad nang makita ko ang pagkatapilok ni Seraphim. Bago pa siya tuluyang mawalan ng balanse ay kaagad ko siyang naalalayan. "Ika'y mag-ingat sa iyong nilalakaran." Paalala ko sa kanya.
Pumiglas si Seraphim sa pagkakahawak ko sa kanya. "Hindi mo na kailangan na alalayan ako." Sinubukan ni Seraphim na maglakad ng papalayo sa akin ngunit nawalan siya ng balanse na naging dahilan ng pagbagsak niya sa lupa. "Shit!" impit niyang tili at napahawak sa paang nasaktan.
Huminga ako ng malalim bago ko siya ikarga. Hindi ko inalintana ang pagpupumiglas niya at mga palo niya sa aking balikat. Ang mahalaga ay maidala ko si Seraphim sa bahay para magamot kaagad kanyang napilayang paa.
"Bingi ka ba? Sabing bitawan mo ako. Hindi ko kailangan ang tulong mo."
"Isa pang ingay mo't hindi ako magdadalawang isip na hagkan ka upang ika'y manahimik." Nanlaki ang kanyang mga mata at tinakpan ang mga labi. Tila ba'y natakot sa aking sinabi na siya'y aking hahagkan. Ako'y ngumiti sa kanya at inirapan naman niya ako. "Kaunting tiis na lang at malapit na tayo sa bahay. Sa susunod ay titingnan mo ng mabuti ang iyong dinaraanan at nang hindi na maulit ang pangyayaring ito."
"Kaya lang naman ako natapilok nang dahil sa iyo," pabulong niyang sabi na hindi nakatakas sa aking pandinig.
Bumuntong hininga ako. "Seraphim, ako'y nag-aalala lamang sa iyo. Paano kung mangyari ito muli at wala ako? Paano ka na lang?"
"Nakaya ko namang mabuhay mag-isa. Ilang beses akong natapilo. Nakaya ko naman na walang tulong ng ibang tao. Ikaw lang itong OA. Hindi mo naman kailangan na gawin ito sa akin na para bang aalagaan mo ako dahil napilayan ako sa pagkakatapilok kasi kaya ko naman."
Ngunit gusto kong gawin ito sa kanya. Gusto ko ang ideya na inaalagaan siya. Na para bang siya ang reina ng España.
Hindi ko na lamang pinansin ang kanyang sinabi at nagpatuloy ako sa paglalakad. Pareho kaming tahimik hanggang sa makarating na kami sa bahay. Dinala ko siya sa kanyang silid at kaagad ding nag-utos sa criada na ihanda na ang mga kakailanganin para maagapan ang pilay sa paa ni Seraphim. Ako na mismo ang nag-asikaso sa kanya dahil alam ko naman ang mga gagawin.
Tahimik at pinagmamasdan ni Seraphim ang aking ginagawa. Tila ba'y pinag-aaralan niya ang bawat ikinikilos ko. Tumayo ako nang matapos na ako. "Huwag ka munang masyadong maglalakad. Ipahinga mo ang iyong paa. Hindi naman malala ang iyong pilay kaya ilang araw lang ay makakalakad na ng maayos muli."
"Paano mo nasabing hindi malala ang pilay ko, hindi ka naman doktor?"
"Nawala yata sa iyong isipan na ako'y isang manggagamot, binibini." Ipinasok ko sa aking bulsa ang aking mga kamay. "Sasabihan ko si Aling Martha na tulungan ka sa pagpalit ng iyong kasuotan at siya na rin ang magdadala ng iyong hapunan upang hindi ka na tumayo para kumain sa comedor..." Tumatango lang si Seraphim sa mga paalala ko sa kanya para hindi lumala ang kanyang pilay. "Magpahinga ka lang." Saglit ko siyang tinitigan bago maglakad papalabas ng kanyang silid.
"Manuel..."
Humarap ako sa kanya. "Ano iyon, Seraphim?"
"Huwag mo na ulit itong gagawin."
Kumunot ang aking noo. "Ang alin?"
"Ang pag-alaga sa akin. Kung gusto mong mapadali ang pag-alis ko rito sa oras na makakita ako ng paraan upang makabalik sa pinanggalingan kong panahon ay huwag kang gagawa ng bagay na magiging dahilan ng lalong paglalim ng damdamin ko sa iyo."
Ngunit ayaw kong bumalik ka sa iyong panahon.
_________
Anong masasabi ninyo kay Manuel? Sarap batukan, right?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top