Capitulo Treinta y Dos





Capitulo 32





"SEÑOR Saenz, nandito po si ñorita Realonzo. Nais niya raw po kayong kausapin."

Sandali akong umangat ng tingin bago ko muling ibaling ang atensyon sa mga dokumentong nakakalat sa aking la mesa. Bakit kaya nais akong kausapin ng binibini? "Papasukin mo rito. Ipaghanda mo ng makakain at maiinom ang binibini." Tumango lamang ang criada bago naglakad papalabas ng aking opisina. Hindi nakatakas sa aking paningin ang pagdaan ng pigura ni Seraphim. Ngayon ko lamang siya muling nakita. Hindi na siya lumabas pagkauwi namin galing sa pagdalo sa Simbang Gabi. "Elena."

"Ano po iyon, señor?"

"Kumain ba kanina ng agahan at tanghalian ang inyong señorita Santiago?"

"Hindi pa po, señor. Ilang beses po siyang pinuntahan ni Nanay Martha upang ipag-alam na hand na ang kaniyang pagkain. Nag-prisinta na rin po ang nanay na hatiran na lamang siya ng pagkain ngunit ang palaging sinasabi ni señorita Santiago ay wala po siyang ganang kumain."

Nais kong mainis sa criada na nasa aking harapan dahil sa hindi pagkain ni Seraphim sa tamang oras ngunit wala naman itong kasalanan kung walang gana kumain ang binibini. Ako'y bumuntong hininga. "Sabihan mo si Aling Martha na ipaghanda niya ng pagkain si Seraphim. Natitiyak kong hindi iyon makatatanggi kapag nasa harapan na niya ang grasya."

"Masusunod po, señor." Tinanguhan ko ito bago tuluyang lumabas ng opisina. Lumala ang pag-iwas sa akin ni Seraphim. Nauunawaan ko kung bakit niya iyon ginagawa ngunit hindi ko mapigilan na ako'y masaktan. Labis na akong nangungulila sa kanya.

"Señor Saenz."

Tila bumalik ako sa realidad. Nabaling ang tingin ko sa binibining nasa aking harapan. "Señorita Realonzo! Maupo ka."

Seryosong nakatitig sa akin si señorita Realonzo bago umupo.

"Ano ang maipaglilingkod sa iyo, señorita Realonzo? Ito ba'y tungkol sa pagbili ko sa Hacienda Irabon?"

"Oo. Ito'y tungkol sa hacienda ng aking namayapang tiyahin. Pinag-isipan kong mabuti kagabi ang nais kong mangyari sa Hacienda Irabon..."

Muling nabaling ang aking tingin sa pintuan dahil muli kong nakita ang pagdaan ni Seraphim. May bitbit siyang platitong may lamang merienda at isang baso. Nakasunod din sa kanya si Aling Martha.

"...Napag-isip ko na hindi ko pala kayang iwan ang hacienda... señor Saenz, ikaw ba'y nakikinig sa akin?"

"Ano nga ulit iyon, señorita?"

Marahang umiling si señorita Realonzo. "Nais mo siyang lapitan ngunit hindi mo ginagawa. Mukhang pareho kayong nag-iiwasan ng binibining iyong sinisinta."

"Señorita, ika'y nagkakamali sa iyong iniisip."

"Señor, alam ko ang mukha ng isang ginoong nangungulila sa binibining sinisinta, at nakikita ko iyon sa iyo. Nakatira kayo sa iisang bubong, at tila ba'y ang layo ninyo sa isa't isa. Bakit hindi mo na lamang lapitan si señorita Santiago upang maputol na ang iyong pangungulila?"

"Hindi ko maaaring gawin iyon, señorita Realonzo."

"At bakit naman?"

"Dahil ano mang oras ay lilisanin na ni Seraphim ang bahay na ito at siya ay babalik na sa tunay niyang bayan. Kailanman ay hindi na siya babalik dito."

"Paano kung ayaw naman niyang umalis dito? Paano kung mas nais niyang makasama ka habangbuhay kaysa ang bumalik sa kanyang bayan?"

Marahan akong umiling. Imposibleng mangyari iyon dahil alam kong matagal nang nais ni Seraphim na bumalik sa kanyang tunay na panahon. "Binibini, nais na talaga niyang bumalik doon."

"Hindi mo ba kayang sumugal sa pag-ibig? Mukhang ang binibini ay may pagsinta sa iyo. Kailangan lamang na isa sa inyo ang gumawa ng paraan upang maging maayos ang inyong relasyon sa isa't isa."

Nabaling ang tingin ko sa labas. Eksaktong paghinto ni Seraphim sa tapat ng aking opisina. Nagkasalubong ang aming tingin nang siya ay lumingon sa gawi ko. Ilang segundo nagtagal ang aming titigan bago siya umiwas ng tingin at umalis.

"Kitang-kita ang pangungulila ninyo sa isa't isa. Hindi ko mawari kung bakit hindi ka gumagawa ng paraan para kayo'y magkaayos. Sana'y hindi mo pagsisihan ang iyong ginagawa."








"SEÑORITA, may nais po ba kayong ipaluto sa darating na noche buena?"

Nilingon ko si Aling Martha. "Po?"

"Sa Huwebes na po ang noche buena. Baka kako may nais kayong ipaluto para po mapaghandaan namin."

"Buko salad ice cream po."

Kumunot noo si Aling Martha. Obvious na hindi naintindihan ang sinabi ko. Bakit ko ba sinabi 'yon, eh, hindi pa naman yata nag-e-exist dito ang buko salad na sobrang tigas na dahil matagal na nakatambay sa freezer. "Ano ho?"

"Wala po." Binalik ko ang atensyon ko sa bulaklak na hawak ko. "Nami-miss ko na sina Tony at Ma'am Serenity," halos pabulong kong sabi.

"Po?"

"Tutulong na lang po ako sa inyo, Aling Martha. Ayaw ko naman pong pati rin sa paghahanda para sa noche buena ay hindi ako makatulong sa inyo."

"Pero—"

"Selebrasyon naman po iyon ng kapanganakan ni Hesus kaya po walang masama na tumulong po sa inyo, Aling Martha." Gumuhit ang ngiti sa mga labi ko nang makitang maganda ang pagkakaayos ko sa bulaklak.

"Señorita, maaari po bang akong magtanong sa iyo?"

"Pwede naman po."

"Ikaw ay labis na malungkot. Kayo ba'y may hindi pagkakaunawaan ni señor Saenz?"

"Hindi po." Simula noong pinagtaasan ko siya ng boses, lalo akong umiwas sa kanya. Ganoon din si Manuel. Kapag nagkataong magkakasalubong kami, isa sa amin ang umiiwas kaagad. Nasasaktan at nalulungkot ako pero ayos lang din iyon. At least masasanay ko ang sarili ko na mapalayo sa kanya.

"Kung hindi kayo nag-away, bakit pati rin ang señor ay labis-labis ang kalungkutan sa kanyang mga mata? Noong huling beses na nakita kong ganoon ang kanyang mga mata ay noong tuluyan niyang tinanggap na wala na ang kanyang kapatid na si Señorita Victoria Saenz."

"Po?"

"Marahil ay may hindi pagkakaunawaan sa pagitan ninyong dalawa. Sana'y mag-usap kayo dahil pareho lamang ninyong sinasaktan ang isa't isa." Kinuha sa akin ni Aling Martha ang hawak kong gunting.

"Aling Martha, wala naman pong dapat kaming pag-usapan. Gusto na nga po no'n na mawala na ako sa buhay niya." Imposible na rin na magkaroon kami ng maayos na usapan ni Manuel.

"Nais nga ba talaga niyang mawala ang binibining nagpasaya ng kanyang buhay?"

"Aling Martha, naman. Huwag na ninyo akong ipilit pa kay Manuel." Ewan ko ba kay Aling Martha kung bakit pinipilit nitong ako ang dahilan kung bakit malungkot ngayon ang matandang 'yon. Magsasalita pa sana ako nang may maramdaman akong presensya sa likuran ko.

"Aling Martha, ako'y pupunta sa pamilihan. May nais ka bang ipabili?"

"Naku! Opo, señor." Nagmadaling umalis sa tabi ko si Aling Martha. Naiwan ako na kasama siya.

Damang-dama ko na nakatitig siya sa akin kaya binaling ko na lang ang tingin sa mga bulaklak na nasa flower base. Kunwari na lang na wala siya rito.

Nawala ang nararamdaman kong pagkailang nang bumalik na si Aling Martha. "Señor, heto po." May binigay ito na pilas ng papel kay Manuel.

"Marami-rami rin pala po ito."

"Opo, Señor." Sandaling napatingin sa akin si Aling Martha. "Kung nais mo po, isama po ninyo si señorita Santiago. Para naman po siya'y malibang. Pansin ko po kasi kanina na parang naiiyak po siya. Tila ba'y nangungulila sa isang tao."

Nanlaki ang mga mata ko. Ano raw? Ako? Maiiyak? Gawa kwento naman itong si Aling Martha. "Naku! Hindi po totoo iyan, Aling Martha. Masaya nga ako sa ginagawa ko kanina eh."

"Señor, makakatulong din po sa iyo si señorita Santiago sa mga bibilhin mo po sa pamilihan."

Lumipat sa tabi ko si Manuel at nilingon ako. "Nais mo bang sumama sa akin, Seraphim?"

Umangat ako ng tingin. Eksaktong nakasalubong ko siya ng tingin. Para bang nagmamakaawa ang mga mata niya na sana pumayag ako na sumama sa kanya. Umiwas ako ng tingin. Imposible naman 'yon. Ayaw nga ng lalaking ito na tumagal ako sa panahong ito.

"Señorita, pumayag na po kayo."

Napakamot ako sa ulo ko. "Pwede naman po ako sumama kung payag naman po si Manuel."

"Pumapayag naman akong isama ka sa pamilihan, Seraphim."

Bago pa ako makasalita, inunahan na ako ni Aling Martha. "Bueno, humayo na po kayo. Hangga't hindi pa ho matindi ang sikat ng araw."

"Tayo'y umalis na, Seraphim."

Tumango lang ako at sumabay sa kanya sa paglalakad. Nakasakay na kami sa kalesa pero ni isa sa aming dalawa ay walang nagsasalita. Damang-dama ang sobrang pagkailang sa pagitan namin. Binaling ko na lang ang atensyon ko sa labas. Narinig ko tumikhim si Manuel. Ilang beses din siyang bumuntong hininga kaya hindi ko na napigilan ang sarili ko na lumingon sa kanya. "May problema ba, Manuel?"

"W-Wala."

Tumango na lang ako. Narinig ko ulit siyang bumuntong hininga bago ko pa mabaling ang tingin ko sa labas. "May problema ka. Bakit hindi mo pa ideretso ang gusto mong sabihin sa akin?"

Muli siyang bumuntong hininga bago salubungin ang tingin ko. "Ako'y humihingi ng paumanhin sa aking inasta nitong mga nakaraang araw. Alam kong wala kapatawaran ang aking mga nasambit sa iyo. Paumanhin."

Na-shock naman ako sa sinabi ni Manuel. Nagso-sorry siya sa mga sinabi niya sa akin nitong mga nakaraang araw. Napakamot ako sa ulo at binaling ko na lang ulit ang atensyon ko sa labas. Naiinis ako. Sobra.

"Binibini..."

Hindi ko siya pinansin. Naiinis ako sa sarili ko dahil parang bula na nawala ang inis ko sa kanya. Ang tanga lang, Seraphim. Masyadong marupok.

"Seraphim..."

Natigilan ako. Puno ng pagsuyo ang pagbigkas niya sa pangalan ko.

"Lumingon ka sa akin, Seraphim. Parang awa mo."

Kaagad ko siyang nilingon. Nanlaki ang mga mata ko dahil sobrang lapit ng mukha niya. "B-Bakit?"

"Mapapatawad mo ba ako, Seraphim?"

Huminga ako ng malalim. "Oo, pinapatawad na kita." Ang rupok talaga, Seraphim. Unti-unting sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi. Lalong bumilis ang tibok ng puso ko. Lintek na 'yan. Talagang ang lalaking ito ang sinisigaw ng tanga kong puso.

"Labis ang aking kasiyahan dahil ako'y napatawad mo na." Hinawi niya ang buhok sa mukha ko. "Nawala ang lahat ng pangamba at lungkot ko."

Napapikit ako dahil unti-unti siyang lumapit sa akin. Hinahanda ko ang sarili ko na lumapat ang labi niya sa mga labi ko. Kaso hindi ganoon ang naging ganap dahil sa noo ko lumapat ang mga labi niya. Dahan-dahan akong dumilat.

"Masaya ako ngayon, Seraphim. Ikaw ang kauna-unahan kong matalik na kaibigang babae at ako'y apektado sa nangyayari sa pagitan nating dalawa. Nawala ang lungkot na aking nararamdaman. Salamat, Seraphim."

Sa hindi ko mabilang na pangyayari, muling nabasag ang puso ko. Pagak akong tumawa sa isipan ko. Ang galing nga naman makabasag ng puso ang lalaking ito kahit simpleng salita lang.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top