Capitulo Sais


Capitulo Sais



SABAY kaming lumingon ni Tandang Manuel sa taong tumawag sa kaniya. Isang napakagandang babae ang nakita ko. Bigla tuloy nahiya ang beauty ko sa kagandahan nito.


"Señorita Anastasia Realonzo?" Sumunod ako kay Manuel nang lapitan niya ang babaeng nagngangalang Anastasia. Nagtago ako sa likuran niya dahil nahihiya akong harapin ang babae. "Ikaw nga, señorita Realonzo. Magandang umaga, señorita Realonzo!"


Marahang yumuko si señorita Realonzo. "Magandang umaga rin sa iyo, señor Saenz! Mabuti't ika'y aking naabutan."


"Bakit ka nagawi rito, señorita Realonzo?"


"Nais ko sanang pag-usapan natin ang tungkol sa lupain ni Tiya Lucita. Alam naman nating dalawa na hindi-"


"Achoo! Gosh! Nasinghot ko yata ang maliit na feather ng ibon." Napakamot ako sa ilong ko at muli akong bumahing. "Excuse me."


"Hindi ko alam na may bisita ka pala, señor. Paumanhin dahil ako ay nakaabala sa inyo." Matipid itong ngumiti sa akin. "Ako'y aalis na."


"Huwag! Pag-usapan na natin ang tungkol d'yan."


Napasimangot ako. Kalokang lalaki ito. Bakit sa akin masungit siya tapos kay señorita Realonzo ang lambing ng boses niya? Grabe! Ang unfair lang niya ah!


"Ngunit-"


"Doon na lamang tayo sa azotea mag-usap." Iginiya ni Manuel si señorita Realonzo papunta sa bahay.


Sumunod naman ako sa kanila. Napasimangot ulit ako. Bakit ang gentleman ni Manuel sa babaeng ito tapos sa akin hindi? Tingin ba ni Tandang Manuel sa akin ay isang bata na papasa na maging apo niya sa kasulok-sulukan ng katawan niya kaya ganoon niya ako kung tratuhin?


Pinaupo ni Manuel si señorita Realonzo tapos ako hindi man lang in-offer na umupo. Wala naman akong mauupuan kaya pumwesto ako sa likuran niya.


"Señorita, anong pag-uusapan natin tungkol sa lupain ni Doña Lucita?"


Huminga ng malalim si señorita Realonzo bago ito matipid na ngumiti. "Aalis na ako sa bansang ito sa darating na Enero at permanente na akong titira sa España. Nais kong sa iyo ibenta ang lupain ng Hacienda Irabon dahil alam kong maaalagaan mo ito mabuti."


"Sigurado ka bang nais mo talagang ibenta sa akin ang lupain nila?"


"Oo." Napatingin sa akin si señorita Realonzo. "Hindi mo ba pauupuin ang magandang binibini sa iyong likuran?"


Nakita ako ni Manuel na namumula ang pisngi dahil sa sinabi ni señorita Realonzo. Ngumiti siya sa akin. "Seraphim, maaari mo bang ipaghanda mo ng maiinom si señorita Realonzo?" Hinawakan niya ang kamay ko. Nakaramdam ako ng munting koryente sabay ng pagbilis ng tibok ng puso ko kaya mabilis kong binawi ang kamay ko. "Maaari ba?"


"Oo naman." Nagmadali akong iniwan sila. Damang-dama ko pa rin ang pagbilis ng tibok ng puso ko. Anong nangyayari sa puso ko?





"SEÑOR Saenz, dapat ay hindi na kayo nag-abala."


"Wala iyon, señorita Realonzo. Bihira lamang kami magkaroon ng bisita rito." Lumingon ako sa dinaanan ni Seraphim. Ayokong marinig niya ang aming pag-uusapan dahil baka mabahala siya sa kaniyang maririnig.


"Hindi ko inaakalang may kasintahan ka na pala, señor Saenz. Ngayon ko lamang siya nakita. Kayo'y nababagay sa isa't isa."


"Hayaan mo na si Seraphim, señorita Realonzo. S-Sana'y huwag siyang madamay sa galit mo sa aming pamilya." Hindi lingid sa aking kaalaman kung gaano kagalit sa aming pamilya si señorita Realonzo lalo na sa malaking kasalanan na nagawa ng aking kuya sa pamilya niya. Labis na iniibig ni Kuya Matias ang pinsan ni señorita Realonzo na si Ate Luciana. Hindi nito matanggap na nakipaghiwalay rito si Ate Luciana at may iba nang iniibig na lalaki. Kaya nagawa ni Kuya Matias na patayin ang dating kasintahan.


Nang dumating naman sa buhay ni Kuya si Keira Silvano, umibig ito sa dalaga. Sa kasamaang palad, hindi nagawang tugunan ang pag-ibig na inialay ni Kuya sa kaniya. Sa labis na kabiguan, pinag-utos nitong ipapatay si Keira na nakatakda ng ikasal sa kuya ni señorita Realonzo ng mga panahon na iyon. Ngunit hindi nagawa ang pinag-uutos at ang napatay ang kasintahan ni señorita Realonzo. Labis na hinagpis ang naramdaman ng binibini. Parehong mahalaga sa buhay ni señorita Realonzo ang nawala dahil sa ginawa ni Kuya Matias.


Nang dahil sa kaguluhan na dulot ng pagkabaliw ni Kuya Matias, umalis sa San Carlos si Keira at ang kuya ni señorita Realonzo. Ang araw na umalis ang mag-asawa, iyon din ang araw na natagpuan si Kuya Matias na walang buhay sa gitna ng kakahuyan.


Marahang tumango si señorita Realonzo. "Kahit kailan ay hindi ko magagawa ang ginawa ng iyong kapatid, señor Saenz. Hinding-hindi ako maghihiganti dahil alam kong sa oras na ginawa ko iyon, hindi pa rin maibabalik ang mga buhay na ng mga taong mahalaga sa akin."


Hindi ako umimik. Tama ang tinuran ni señorita Realonzo. Kahit maghiganti pa siya sa akin-dahil ako na lamang ang natitira sa aming pamilya-hindi pa rin no'n magagawang maibalik ang mga buhay na nawala.


"Kaya huwag kang mag-alala, wala akong gagawing masama sa iyong kasintahan." Umayos ng upo si señorita Realonzo. "Gusto ko na magsimulang muli. Mainam na rin sigurong kalimutan ko na ang nakaraan. Ayoko nang magpadala sa galit sa inyong pamilya. Lalo na't wala ka namang kasalanang nagawa sa akin. Pinatawad ko na rin ang iyong kapatid."


Matipid akong ngumiti. Tila ba'y nawala ang tinik sa aking lalamunan dahil sa aking narinig. Masaya akong malaman na pinatawad na niya ang aking kuya. Sana'y matahimik na ang kaluluwa ni Kuya. "Maraming salamat, señorita."


Ilang segundo akong tinitigan ni señorita Realonzo bago siya gumanti ng ngiti sa akin. "Katulad ng sinabi ko kanina, nais kong ibenta sa iyo ang Hacienda Irabon. Kung gusto mo lang naman bilhin..."




"KAINIS na lalaki 'to. Ang bait-bait sa ibang tao pero sa akin hindi." Sandali akong lumingon sa kanila bago pumunta sa kusina. "Aleng Anastasia, fake news lang ang pagiging mabait n'yan! Beware baka ikaw naman ang next na sungitan n'yan." Kumuha ako ng pitsel at pinatong sa mesa.


Bigla akong napaisip. Anong ipapainom ko sa kanila? Eh, hindi pa uso sa panahong ito ang nakaka-diabetes na juice at coke. Napakamot ako sa ulo bago tingnan ang laman sa cabinet ng pwedeng ipainom sa kanila. Nakita ko ang isang garapon na naglalaman ng mga herbs na sa tingin ko ay ginagamit sa paggawa ng tsaa. Kinuha ko ang garapon.


"Tsaa na lang ang inumin nila. Hindi man ito iced tea, bubble tea o milktea, at least tea. Pare-pareho lang silang tea, hindi nga lang ito malamig." Bigla akong napakamot sa ulo. Hindi nga pala ako marunong gumawa ng sinaunang version ng tsaa. He-he. Nagsalin na lang ako ng tubig sa tatlong baso at nilagay ko sa tray. Dahan-dahan pa ako sa paglalakad kasi sayang naman ang tubig kapag natapon. Mamaya sa panahong ito uso rin pala ang water shortage at paubos na ang tubig sa kung saan man sila kumukuha ng source ng tubig.


Pinatong ko kaagad sa mesa ang tray ng tubig nang makarating na ako sa azotea. "Water para sa iyo." Binigay ko kay señorita Realonzo ang isang baso ng tubig. "Sorry, beshie, hindi ako nakagawa ng tea dahil hindi ako marunong gumawa ng old version ng tea. Kung milktea pa 'yan, keri kitang gawan kaso hindi eh."


Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni señorita Realonzo bago ibaling kay Manuel ang tingin. "Sa pamamaraan ng pananalita ng binibining ito, nakikita ko sa kaniya si Ate Keira at ang namayapang kakambal ni Esmeralda na si Celestina."


Hindi natuloy ang pag-inom ko ng tubig dahil sa sinabi ni señorita Realonzo . "Ay bongga! Kilala mo rin si Professor Keira?"


"Oo, siya ang asawa ng Kuya Gabriel ko. Paano mo siya nakilala? Galing ka rin ba sa Inglatera?"


Kumunot ang noo ko. Kapatid nito ang asawa ni Professor Keira? Paano nangyari iyon? "Hindi. Bakit naman kami magkikita roon, eh, sa UST pa lang palagi na kaming nagkikita?"


"Hindi kita maintindihan. Anong ibig mong sabihin?"


"Nagtuturo si Professor Keira sa University of-"


"Pag-iisipan ko ang tungkol sa pagbili ng lupain ni Doña Lucita." Pagpuputol ni Manuel sa sinasabi ko. "Maglibot-libot ka muna sa paligid ng bahay, Seraphim."


"Pero nag-"


"Sige na, Seraphim." May pagmamakaawa sa tono ng boses ni Manuel.


Kumibit-balikat na lang ako bago umalis. Mukhang gusto ni Tandang Manuel na solohin si señorita Realonzo. "Pagbigyan si Tandang Manuel kasi titira na sa ibang bansa ang binibining tinatangi." Napailing ako. "Yucks! Ang pangit ko pala pakinggan kapag malalim na Tagalog term ang ginamit ko."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top