Capitulo Quince



Capitulo Quince




"AALIS na talaga tayo?"

"Oo dahil marami pa akong trabahong naiwan sa hacienda. May inasikaso lamang ako sa ibang negosyo namin dito kaya tayo pumunta rito." Isa-isa kong sinuri kung kompleto na ang mga gamit namin pati na rin ang ilang damit na binili ko para kay Seraphim. Hindi naman sa lahat ng oras ay gagamitin niya ang kasuotan ni Ate Victoria. Hindi ko pa nasasabi sa kaniya na binilhan ko siya ng damit. Saka na lamang kapag nakauwi na kami. Nasa estasyon kami ng tren papunta sa San Pablo. Hindi ganoon karami ang tao ngayon dahil na rin siguro sa oras ng siesta. Tulog ang karamihan ng tao sa mga oras na ito.

"Ganoon?" bakas ang lungkot sa boses ni Seraphim. Marahil ay nabitin ito sa pamamalagi namin dito sa Intramuros. Maski ako ay nabitin din dahil labis akong nasiyahan na maglibot dito na kasama si Seraphim. Ngunit hindi maaaring tumagal kami rito dahil marami pa akong gagawin sa hacienda.

"Ayos na ang lahat." Humarap ako kay Seraphim. Wala sa akin ang atensyon niya kaya sinundan ko ang kaniyang tinititigan. Kumunot ang aking noo. Hindi ko mawari kung ano ang pinagmamasdan niya. Ang mga tinitinda bang damit o ang mga palamuti sa buhok na mula pa sa Europa. Bumuntong hininga ako. Marami talagang bagay na kinahihiligan ang mga kababaihan. Kinuha ko ang aking portamoneda at naglabas ng ilang salaping papel. "Seraphim,"

Kaagad akong nilingon ni Seraphim. "Hmn?" Inabot ko ang kaniyang kamay at pinatong ang salaping papel. "B-Bakit mo ako binibigyan ng pera? Hindi mo ba ako isasama sa pagbalik mo sa inyo?" Gumuhit ang takot sa mukha niya kaya kaagad kong hinaplos ang kaniyang pisngi.

"Hindi kita iiwanan dito. Gamitin mo ang salaping iyan upang bilhin ang nais mong bilhin dito bago tayo umalis."

"Pero..."

"Sige na. Bilhin mo na ang nais mong bilhin."

Gumuhit ang ngiti sa kaniyang mga labi. "Pupunta ako roon." Tinuro ni Seraphim ang tindahan ng palamuti sa buhok. "Salamat, Manuel." Kaagad siyang pumunta roon.

"Señor Manuel Saenz?"

Nilingon ko ang taong tumawag sa akin. Pamilyar ang taong ito sa akin dahil sa pagkakatanda ko ay ito ang kanang kamay ni Tio Reymundo. "Ano iyon?"

"May liham na pinapabigay si Don Reymundo." Inabot nito sa akin ang isang puting sobre bago nagpaalam.

May hinala na ako sa nilalaman ng liham pero binasa ko pa rin ito. Tama nga ang aking hinala. Iginigiit pa rin ni Tio Reymundo na pakasalan ko ang binibining napipisil nito para sa akin upang magkaroon kami ng mahigpit na ugnayan sa kaibigan nito. Ang aking namayapang magulang ay hindi na ako pinipilit sa ganitong dahilan ng pag-iisang dibdib simula nang pumanaw si Kuya Matias. Ngunit heto ang aking tiyuhin na kinukulit ako kahit may malalim na akong dahilan upang huwag magpakasal.

Napailing na lamang ako bago ko pinasok sa loob ng dala-dala kong cartera. Binaling ko ang aking tingin sa tindahan na pinuntahan ni Seraphim. Nanlaki ang aking mga mata nang hindi ko siya nakita roon. Wala rin siya sa tindahan ng mga damit. "Nasaan siya?" Pinabantay ko sa aking tauhan ang gamit namin ni Seraphim upang hanapin siya.

Unti-unting sinasakop ng takot ang aking sistema nang hindi makita si Seraphim. Takot na baka siya'y nawala na parang bula. Na baka siya ay nakabalik na sa kaniyang panahon. Isa-isang kong tiningnan ang mga tindahan na nakapaligid sa estasyon. Labis-labis na ang pag-aalala ko para kay Seraphim.

"Sampung minuto na lamang at aalis na ang tren papunta sa Pangasinan!" pasigaw na anunsyo ng lalaking konduktor ng tren.

Bumalik ako sa pinag-iwanan ko ng gamit namin dahil nagbabaka sakaling naroon na si Seraphim ngunit ako ay mali dahil wala siya roon. Marahas kong dinaan sa aking buhok ang daliri ko sa labis na pagkasiphayong nararamdaman. Mariin akong pumikit. Dapat ay hindi ko siya hinayaang umalis na hindi ako kasama.

"Manuel!"

Nawala lahat ng takot at pag-aalala sa aking katawan nang marinig ko ang boses ni Seraphim. Humarap ako sa direksyon ng pinanggalingang ng boses niya. Lakad-takbo siyang papalapit sa akin hanggang sa huminto na siya sa harapan ko. Tinitigan ko siya mabuti. Ayokong pumikit dahil baka bigla siyang mawala.

"Manuel, ayos ka lang ba? Bakit ka namumutla? May lagnat ka ba?" sunod-sunod niyang tanong. Sinapo niya ang aking noo. Marahil upang malaman kung may lagnat ako. "Wala ka namang lagnat. Anong nangyayari sa iyo."

Bumuntong hininga ako bago ko inabot ang kaniyang mga kamay. "Saan ka ba galing? Labis mo akong pinag-alala."

"Sa tindahan ng sumbrero. May nakita kasi akong magandang sumbrero roon tapos binili ko. Ito oh." Pinakita niya sa akin ang isang kulay itim na sumbrero.

Ang tindahan ng mga sumbrero ang hindi ko napuntahan kanina. Kung pinuntahan ko iyon baka hindi na ako labis na nag-alala kay Seraphim. Kinuha ko ang sombrerong hawak niya. Kumunot ang aking noo. "Ito'y panlalaki. Bakit mo binili? Huwag mong sabihin na ikaw ay nalilito sa iyong pagkatao at nais mong maging lalaki." Sumama ang aking pakiramdam sa ideyang baka nga nais ni Seraphim na maging lalaki. Hindi ko iyon matatanggap.

Eksaheradong sumimangot si Seraphim. Kung sa ibang tao ay naiinis ako sa ganoong klase ng pagpapahayag ng nararamdam ngunit iba sa kaniya. Natutuwa ako sa inakto ni Seraphim. Pinipigilan ko ang aking sarili na ngumiti. "Grabe ka naman. Bumili lang ako ng top hat tapos lesbian na ako kaagad sa paningin mo. Binili ko ito para sa iyo."

"Ngunit hindi mo naman kailangan na bilhan ako ng sumbrero. Binigay ko ang salaping iyon para mabili mo ang mga bagay na gusto mo."

"Wala naman na akong nais bilhin pa. Hindi mo naman din kailangan na bigyan ako ng pera. Labis-labis na ang ginastos mo para sa akin. Sapat na sa akin ang mga tinulong mo." Kinuha niya ang sumbrero at isinuot sa akin. "Sabi na nga't bagay sa iyo! Unang kita ko pa lang d'yan alam kong bagay iyan sa iyo. Sa totoo lang kanina ko pa pinagmamasdan 'yan at ikaw ang una kong naisip. Ang mahal nga ng sombrerong iyan and take note, nakipagtawaran pa ako. Kaya nang makumbinsi ko ang tindera sa presyong gusto ko ay sinunggaban ko ang pagkakataon na mabili ko ang sumbrero. Baka kasi magbago pa ang isip niya."

Hindi ko alam ang aking sasabihin. Hindi ko inaasahan na sasabihin iyon ni Seraphim at nang dahil d'yan lalong sumidhi ang hangarin ko na maibigay lahat para sa kaniya. "Maraming salamat, Seraphim."

"Sus naman. Wala 'yon. Ako dapat ang magpasalamat sa iyo." Huminga ng malalim si Seraphim at tinitigan ako. "Manuel, maraming salamat. Kung wala ka, hindi ko alam kung paano ako makaka-survive sa panahong ito. Ikaw ang pinadala ng anghel para sa akin."

Ikaw ang pinadala ng anghel para sa akin upang mapatuloy ako sa buhay. "Pumasok na tayo sa loob ng tren dahil baka maiwanan tayo."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top