Capitulo Once



Capitulo Once




"MANUEL,"

"Hmn?"

"Hindi ka ba nababagot?"

"Nababagot saan?" Hindi man lang tumingin sa akin si Tandang Manuel. Patuloy lang siya sa pagkukumpuni ng nasirang upuan ng dining table.

"Dito sa bahay mo. Nakakabagot kaya rito lalo na kung mag-isa ka lang dito. Wala man lang mapagkakaabalahan tapos wala ring masyadong kausap."

Huminto sa pagpukpok ng pako si Manuel. "Hindi. Marami naman akong mapagkakaabalahan dito."

"Sigurado ka? Ang boring kaya rito. Kung sana may internet at koryente rito, sure talagang hindi ako mababagot. Syempre makalalaro ako ng mobile games sa cellphone ko."

"Ang mga bagay na iyong sinasambit ay pawang mga luho lamang."

"Hindi kaya." Umupo ako sa kalapit na upuan. "Kung walang koryente at internet, mahihinto lahat. Walang trabaho, hindi kaagad makikita ang mga sagot sa takdang aralin at mahirap makipag-usap sa mga minamahal natin na malayo sa atin." Pinakita ko kay Tandang Manuel ang Messenger ko. "Idagdag mo pa na hindi ka makakalaro ng mga mobile games o makakapanood sa YouTube. Ang hirap kaya no'n. Paano na ang mundo?"

"Maayos pa rin naman." Humarap si Manuel sa akin. "Tingnan mo ang panahon na ito. Wala naman ang mga sinasabi mong kailangan mo pero nagagawa naman namin ang aming trabaho. Kaya naman naming magkaroon ng komunikasyon sa mga kamag-anak namin sa pamamagitan ng pagpapadala ng liham. Nasa libro naman ang kasagutan sa mga takdang aralin. Maraming pwedeng gawin dito para hindi ka mabagot. Subukan mong magtahi o hindi kaya'y magtanim ng mga bulaklak. Kung hindi mo 'yon hilig, magluto o maglinis ka. Pagbabasa, pwede rin. Kung hindi mo pa rin hilig iyon, Mag-aral kang tumugtog ng mga instrumento. Maraming bagay na pwede kang gawin sa panahong ito."

Tumayo ako at lumapit sa kanya. "Unang-una sa lahat, hindi ko trip gawing hobby ang mga gawain sa bahay. Anong tingin ninyong mga lalaki sa aming kababaihan, ginagawang pang-aliw ang paglilinis ng bahay? Katulong? Hinubog ng mabuti para pagsilbihan kayo? Pangalawa, baka mapatay ko lang ang mga bulaklak kapag ako ang nag-alaga sa kanila. Panghuli, hindi ko na hilig ang magbasa ng libro ngayon. Oo, inaamin ko na sobra akong na-addict sa pagbabasa ng mga kwento. Kasalanan kasi ito ng mga online writing websites. Masyadong nakakaaliw magbasa roon. Mas gusto kong mag-social media or maglaro sa cellphone. Bet ko rin mag-adventure because adventure gives your life a thrill! Hashtag its more fun in the Philippines.

Parang gusto ko matawa sa huli kong sinabi. Anong connect ng tagline ng Department of Tourism na 'Its more fun in the Philippines' sa hobby? "Ang saya ka maglibot-libot tapos makakapunta ka na sa ibang lugar. Pangarap ko na makapunta sa iba't ibang panig ng Pilipinas pero hindi ako mayaman kaya saka na lang iyon kapag mayaman na ako."

"Hindi ba't ang mga kababaihan ay sa bahay lamang mamalagi at hindi pumupunta sa kung saan-saan?"

"Hah! Are you crazy este nababaliw ka na ba? Ano kami? Preso? Nakakulong lang buong buhay sa loob ng bahay? Ha! No, no, no way! Hindi ako makakapayag doon. Hindi kami preso or manika na susunod lang sa kung anong gusto ninyong mga lalaki." Umayos ako ng tayo at pinagpag ang saya ko. "Kaya nga nabuo ang equality o pantay-pantay sa panahon namin dahil kaya naming gawin ang ginagawa ninyong mga lalaki." Kinuha ko kay Manuel ang martilyo at pinukpok ang pakong kanina pa niya hindi napapansin. "See? Sana ako na lang ang pinaayos mo nitong upuan. Eh 'di sana kanina pa ito tapos."

Hindi ko alam kung pagka-amuse ang dumaan sa mga mata ni Manuel. Unti-unting gumuhit ang ngiti sa mga labi niya. "Ako'y natutuwa sa iyo, Seraphim. Nakikita ko sa iyo ang gusto ni Ate na mangyari sa kanya noon."

Kumunot ang noo ko. "Nakikita mo ba sa akin ang ate mo?"

"Hindi naman lahat ng oras. Siya ay mahinhin at pinong kumilos. Hindi tulad mong labis-labis ang pagiging magaslaw." Tinalikuran niya ako at niligpit ang mga ginamit niya sa pagkumpuni ng upuan. "Ngunit nakikita ko sa iyo ang bagay na matagal nang inaasam ng nakakatanda kong kapatid."

"Ano?"

"Ang pagiging malaya."

Hindi ko napigilang mapataas ang kilay ko. Ano raw? Malaya? Niloloko ba ako ng taong ito? "Kasi hindi ninyo siya pinapalabas sa bahay na ito? Kasi sa tingin ninyo na ang mga kababaihan ay dapat na nasa loob lamang ng bahay?"

"Isa iyon sa mga dahilan."

Nanahimik na lamang ako dahil naramdaman ko ang lungkot na nararamdaman ni Tandang Manuel. "Uhm... Ano?" Ayoko ng ganitong lungkot. "Uhm..." Dumako ang tingin ko sa mesa. "Oy! May mi pan!"

Biglang kumunot ang noo ni Tandang Manuel. "Ano?"

"Mi pan." Tinuro ko ang tinapay na nasa basket.

"Iyong tinapay? Marunong ka magsalita ng Espanyol?"

"Mi pan sususum sususum."

Kumunot ang noo ni Manuel. "Ano?"

"Mi pan sususum sususum." Ginaya ko ang sayaw ng Alpaca na napapanood ko sa isang social media. "Mi pan yakakus, nan nan nan! Mi paaaaaan! Su su susum!" Napangiwi ako dahil ang seryoso ng mukha ni Tandang Manuel.

Mayamaya ay umiling-iling siya. "Hindi ka talaga mawawalan ng dahilan para mapasaya ang araw ko." Naglakad na siya papunta sa kusina.

"Ano? Natutuwa ka sa mga ginagawa ko?"

"Wala akong sinabi."

"Natutuwa ka eh." Tumakbo ako para masundan ko siya. "Natutuwa ka sa akin, 'di ba?"

"Wala akong sinabi na natutuwa ako sa iyo."

"Kasasabi mo lang kanina."

"Wala akong sinabi na natutuwa ako sa iyo, binibini. Ang sabi ko ay mapasaya. Magkaiba ang mapasaya at natutuwa."

"Hello! Pareho kaya sila. Kapag natutuwa ka, ibig sabihin ay masaya ka. Magkakonekta sila na hindi mo pwedeng paghiwalayin. Parang love."

"Lab?"

"Love, pag-ibig." Umupo ako sa gilid ng lababong gawa sa bato.

Umupo si Manuel sa tabi ko. "Anong koneksyon ng natutuwa at masaya sa pag-ibig?"

"Hindi ba kapag umiibig ka, masaya ka?" Tumango lang siya. "Masaya kang nakikita siya. Masaya ka kapag nakikita mo siyang masaya. Masaya ka kapag kasama mo siya. Natutuwa ka sa tuwing nagkukuwento siya ng mga nangyayari sa kanya. Kompleto ang araw mo kapag nand'yan siya. Ganoon ang pag-ibig. Kaya konektado silang tatlo."

"Ngunit hindi lahat ng oras ay masaya ka sa tuwing kasama mo ang iyong iniibig."

Sunod-sunod akon umiling. "Imposible naman 'yang sinasabi mo."

"Posible iyon, binibini." Umayos siya ng upo sa tabi ko. "Hindi ka magiging masaya kapag ang iyong sinisinta ay may ibang iniibig. Matutuwa ka ba na makita ang iniibig mo na masaya hindi dahil sa iyo kundi sa ibang tao? Magiging masaya ka ba sa tuwing nagkukwento siya sa iyo ngunit ang nilalaman ng kanyang kwento ay ang taong mahal niya?" Hindi ako umimik sa tanong ni Manuel. May point naman kasi siya. "Magiging kompleto nga ang iyong araw dahil nand'yan siya ngunit kaakibat naman nito ang labis na sakit dahil sa pagtapos ng araw ay hindi pa rin ikaw ang nilalaman ng kanyang puso." Nilingon niya ako. "Kaya hindi mo maikokonekta ang pag-ibig sa masaya at natutuwa."

"Ang deep mo naman."

"Hindi ko alam ang ibig sabihin ng dip pero sa tingin ko'y nakuha mo ang aking punto."

"Sa sinabi mo kanina, parang umibig ka na sa isang tao hindi pwedeng mapasa'yo. Nagmahal ka na ba, Manuel?"

"Kung ang ibig mong sabihin ay umibig sa isang binibini, hindi pa."

"Weh? Hindi nga? Sure ka?" Imposible namang hindi na-in love si Tandang Manuel. Sa gwapo niyang 'yan, parang imposibleng hindi pa iyan nai-in love.

"Hindi pa nga, Seraphim. Ngunit, naranasan ko ang mga sinabi ko kanina."

"Manuel, kung naranasan mo iyon, ibig sabihin ay na-in love-este nagmahal ka noong panahong iyon."

"Hindi naman kailangang umibig ako sa isang babae para maranasan ko iyon."

Nanlaki ang mga mata ko. Hindi raw niya kailangan umibig sa isang babae. "Bakla ka?" Bulalas ko. Hindi matanggap ng brain cells ko na bakla siya.

Sinamaan niya ako ng tingin. "Sa tingin mo ba na ako ay nalilito sa aking pagkatao?"

"Sabi mo hindi mo kailangang umibig sa isang babae para maranasan ang masaktan. Ibig sabihin ay umibig ka sa isang lalaki!" Hindi maaari ito. Hindi pwedeng maging bakla ang gwapong nilalang na ito.

"Nais mo bang patunayan ko sa iyo na ako'y hindi nalilito sa aking pagkatao-" Walang sabi-sabi na lumapit ang mukha niya sa akin. Dalawang dangkal na lang siguro ang layo niya sa akin. "-Seraphim?"

"A-Ano..." Parang nagblanko ang isip ko dahil sa sobrang lapit niya. Dumadagundong ang puso ko. "E-Ewan?" Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Tandang Manuel bago siya lumayo sa akin. Ilang segundo na ang lumipas pero heto pa rin ang puso ko, parang nakikipaghabulan sa mga kabayo sa sobrang bilis.

"Tila ba'y nalunok mo ang iyong dila, Seraphim." Nasa labi pa rin niya ang ngiti na parang inaasar ako.

Mariin naman akong pumikit. Nag-flashback sa tenga ko ang kaninang sinabi ko. Sa sagot ko, parang sinabi ko na rin na gawin na ni Tandang Manuel ang way niya para patunayan sa akin na hindi siya bakla. Ang tanga mo, Seraphim! Inirapan ko siya. "Ewan ko sa iyo."

"Bakit ka naiinis? Wala naman akong ginawang masama sa iyo."

Tumayo na ako at mabilis na naglakad papalayo sa kanya. Pinagti-trip-an na ako ng matandang ito.

"Hindi mo ba nais malaman kung paano ko naranasan ang labis na masaktan?"

"Ewan ko sa iyo!" sigaw ko. Malakas na tawa na lang ang narinig ko mula kay Manuel bago ako tuluyang makaakyat. Lokong matanda 'yon. Ang lakas din ng trip sa buhay.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top