Capitulo Nueve



Capitulo Nueve



BAGOT na bagot ako habang nakatingin sa mga tao na mukhang nag-e-enjoy sa party na ito. May mga nagtutugtog ng musical instruments, mga taong busy sa pakikipagkwentuhan, at nagsasayawan ng waltz sa gitna ng venue hall. Si Tandang Manuel busy rin na nakikipagkwentuhan sa friends niya. Sana all may friends. Samantalang ako, nandito sa upuan katabi ang ibang girls na parang nag-aabang na may magyayang isayaw sila.

"Grabe, nakaka-boring naman dito." Gusto kong sumalumbaba kaso papagalitan ako ni Tandang Manuel. Ayoko magalit 'yon. Baka magka-wifi signal na naman ang noo niya. Umayos ako ng upo. "Boooring!" Tumayo ako at lumapit sa bintana. Kita rito sa pwesto ko si Manuel na seryosong nakikipag-usap sa isang matandang lalaki. Mukhang anytime magbu-burst na siya sa galit. "Ano kayang pinag-uusapan nila kaya may wifi signal na naman sa noo si Tandang Manuel?" Nginitian ko siya nang mapatingin siya sa gawi ko. Unti-unting gumaan kahit papaano ang expression ng mukha niya. Bumalik ulit ang attention ni Manuel sa kausap niya.

Napagdesisyunan ko na maglakad-lakad na lang dito sa venue ng party para makita ko kahit papaano kung ano ang mayroon rito. Huminto ako sa harap ng isang family portrait. Maganda ang pagkaka-paint at primera clase ang frame nito. Bilang isang former magnanakaw-former dahil hindi ko naman keri makapagnakaw rito-masasabi kong mahal itong maibebenta sa online auction. Maraming rich kid na magwawaldas ng malaking pera para lang mabili ito. "Parang si Professor Keira at ang asawa niya he-he."

"Magandang gabi, señorita!"

Hindi ko pinansin ang taong nagsalita sa likuran ko. Malay ko ba kung sino kausap nito. Hindi naman ako isang señorita dahil isa akong dakilang dukha mapa-year 2020 or sa panahong ito. Kaya imposible talagang ako ang kinakausap ng lalaking nasa likuran ko. Mas lumapit pa ako sa frame ng painting para makita kong mabuti ang detalye ng design nito. "Wow! Ang ganda naman ng pagkaukit nito." Pinasadahan ko ng haplos ang frame. "Ang galing naman ng taong nag-ukit nito!"

"Salamat sa papuri, señorita."

Nilingon ko ang lalaking nasa likuran ko. "Ha?"

Nginitian ako ng lalaki at tinuro ang frame. "Ako ang umukit sa kwadro na iyan."

"Ah, okay." Binalik ko na lang ang attention ko sa frame.

"Tila ika'y dayo rito."

"Yeah, dayo nga ako rito. Obvious ba?" Obvious na nga'ng new face dito tapos tatanungin pa.

"Taga saan ka, señorita?"

"Taga outer space ako. Sa planetang Mars kung saan nakatira sina E.T at Kokey. Ah! Isama pa si Matteo Do ng Kdrama na My Love From the Stars."

"Ano?"

Dahan-dahan kong nilingon ang lalaki. "Wala." Wala ba itong kasama rito sa party kaya ako ang ginugulo nito?

Ngumiti sa akin ang lalaki. "Sino ang kasama mo sa pagpunta rito?"

"Si Manuel Saenz." Tinuro ko pa si Tandang Manuel na masama ang tingin sa amin ngayon kahit pa may kausap siya. Hala! Ano na namang ginawa kong masama sa kanya? "Sige, maiwan na kita, Kuya." Nagmadali akong lumapit kay Manuel. Tumabi lang ako sa kanya. Dito na lang ako kaysa naman sermunan niya ako mamaya pag-uwi ng bahay dahil may ginawa na naman ako na hindi niya kinatuwa.

"Kilala mo ba ang binibining nasa iyong tabi, Manuel?"

Biglang lumingon sa akin si Tandang Manuel kaya nginitian ko siya ng pagkatamis-tamis na kulang na lang ay langgamin na ako rito. "Hi!" Hindi man lang gumanti ng bati sa akin. Nakatitig lang siya sa akin na para bang may nakita siyang unusual sa akin. "Ayos ka lang?"

Ilang beses siyang kumurap bago tumikhim. "Opo, Tiyo Reymundo."

"Sino itong binibining 'to?"

"I'm Seraphim Santiago." Inilahad ko pa ang kamay ko pero kaagad na binaba ni Manuel.

Tiningnan ako ng tito ni Manuel mula ulo hanggang paa. Hindi ko napigilang mapayuko. Nakadama ako ng panliliit sa sarili ko sa dahil sa way ng pagtingin nito sa akin. Binaling na nito ulit ang atensyon kay Manuel. "Pag-isipan mong mabuti ang sinasabi ko. Makakabuti sa ating pamilya kung papayag kang pakasalan ang unica hija ni Don Joaquim."

Nanlaki ang mga mata ko at nilingon ko si Manuel. "Ikakasal ka na? Ibig sabihin aalis na ako sa bahay mo?"

"Hindi-"

"Totoo ba ang sinasabi ng binibining ito na siya'y nakatira sa iyong pamamahay?"

"Opo!" Inunahan ko na si Manuel na sumagot sa tanong ng tito niya. "Tatlong araw na po akong nakatira roon." Nag-number 3 sign pa ako. Saan na ako titira nito kapag kinasal si Tandang Manuel? Mamaya selosa pala ang magiging asawa niya pagselosan pa ako. No! Paano ako kapag kasal na si Manuel? Naku! Hindi pa siya pwedeng ikasal hangga't hindi pa ako nakakabalik sa panahon ko.

"Ano bang pinagsasabi!?" May diin ang bawat salitang sinabi ni Tandang Manuel.

"Totoo naman, hindi ba?" Napasapo ako sa dibdib ko nang sinamaan niya ako ng tingin. Parang kulang na lang ibitin niya ako patiwarik dahil sa labis na pagkainis niya sa akin. "Nire-reject mo ako? Ang sakit mo naman mang-reject." Tumingin ako sa taas at ilang beses kumurap para magmukhang pinipigilan ko lang na umiyak. "Ang harsh mo talaga. Ang layo pa ng pinaggalingan ko tapos sasaktan mo lang ako. Pinatira mo pa ako sa bahay mo dahil sabi mo mainam na magkasama tayong dalawa tapos ganito ang gagawin mo sa akin?" Humarap ako sa tito ni Tandang Manuel. Habang tumatagal, nakararamdam ako ng sobrang inis. Naiinis ako sa sa fact na ikakasal na si Manuel. "K-Kailan po ikakasal si Tan-este si Manuel? Para naman po maihanda ko na ang aking sarili sa pag-alis sa bahay nila?"

"Sandali nga-"

"Masakit po sa akin na malayo kay Manuel ngunit naiintihan ko naman." Malakas kong siniko si Tandang Manuel sa sobrang inis ko. Naiinis talaga ako at ngayon lang ako nakaramdam ng ganito sa tanang ng buhay ko.

"Sa tingin ko'y alam mo na Tiyo Reymundo ang aking sagot. Hindi ko maaaring pakasalan ang binibining matagal na ninyong ninanais para sa akin dahil may nobya na po ako. Ayaw kong masaktan si Seraphim dahil pinagbigyan ko po ang gusto ninyo." Hinawakan ni Manuel ang kamay ko at marahan akong hinila papalayo sa tito niya.

"Hindi ka na magpapakasal, Manuel?"

Huminto kami sa paglalakad nang makalabas na kami sa venue ng party. Huminga ng malalim si Manuel bago humarap sa akin. "Sa tingin ko'y sa wakas ay nakagawa ka na ng mabuti para sa akin. Hindi ko aakalain na ang hindi mo pag-iisip ng mabuti sa iyong sasabihin ay nakatulong sa akin upang tigilan na ako ni Tiyo Reymundo sa ninanais niya."

"Teka! Kahit kailan talaga ang harsh mo sa akin!" Inirapan ko si Manuel. Siya nga itong hindi iniisip ng mabuti kung ano ang sasabihin sa akin. Palagi siyang harsh magsalita. Ang sarap niyang ibato sa Ilog Pasig.

"Kung ang mga harsh na sinasabi ko sa iyo ay magiging daan para ayusin mo ang iyong sarili, patuloy ko iyon gagawin sa iyo." Nagpatuloy na siya sa paglalakad kaya sumabay na ako.

"Bakit ganyan ka sa akin, Manuel?"

"Anong ibig mong sabihin ng ganyan?"

"Masungit. HIndi ka maginoong lalaki."

"Maginoo akong binata, Seraphim."

"Maginoo raw. Nek-nek mo," pabulong kong sabi para hindi ako marinig ni Tandang Manuel. Nagpatuloy lang kami sa paglalakad. Baka trip niya na maglakad kami papauwi. Kaso malayo ang bahay niya!

"Ngayon lamang naging magaan muli ang aking pakiramdam. Salamat sa iyo, Seraphim."

Nilingon ko si Manuel. Ang payapa na niya tingnan ngayon hindi tulad kanina noong kausap niya ang tito niya. Para kasi siyang bubuga ng apoy ano mang oras. "Bakit naman?"

"Hindi ko alam."

"Hindi raw alam. Imposibleng hindi mo alam, Manuel."

"Magkwento ka naman tungkol sa panahon ninyo."

"Alin sa mga 'yon? Maraming ganap sa panahon ko. Baka nakarating na tayo sa bahay mo pero hindi pa rin ako tapos sa kwento ko."

Sandali siyang tumingin sa akin. "Tungkol muna sa iyo. Sino ba si Seraphim Santiago?"

"Naku! 'Wag mo na alamin ang tungkol sa buhay ko. Masyadong trahedya ang life stpry ko."

"Wala namang masamang ikwento ang tungkol sa buhay mo. Maski ang buhay ko'y isa ring trahedya."

"Kung tragic ang buhay mo, sige na nga. Share ko ang life story ko because sharing is caring." Huminga ako ng malalim. Kahit parang may bumabara na sa lalamunan ko dahil aalalahin ko na naman ang nakaraan ko na kung pwede lang kalimutan. "Lumaki ako sa ampunan. Sabi ni Mother Adelina, iniwan lang daw ako ng isang babae sa harap ng simbahan. Nang makita niya ako, naging masaya raw ang kumbento. Pinangalan niya sa akin ang Seraphim dahil para raw akong anghel na pinadala ng langit. Santiago ang apelyido ni Mother Adelina kaya 'yon ang pinagamit nila sa akin. Masaya ako noong nabubuhay pa siya kaso nasunog ang kumbento at napilitan silang ipadala ako sa ampunan.

"Doon nag-umpisa ang trahedya sa buhay ko. Namatay si Mother Adelina at hindi maganda ang trato sa akin doon sa ampunan. Naranasan kong hindi ako pakainin ng halos dalawang araw nang dahil lang kumuha ako ng isang maliit na tinapay sa kusina ng ampunan. Pinatulog sa labas kahit pa bumabagyo na, at marami pang parusa. Kahit maliit pagkakamali lang, grabe na ang parusang binigay sa akin."

"Napakalungkot naman ng iyong buhay."

"Hindi d'yan natatapos ang buhay ko. Noong sixteen-"

"Tagalog, Seraphim."

Napangiti ako. "Labing anim na taong gulang ako noong lumayas ako sa ampunan dahil hindi ko na talaga kayang mabuhay pa roon. Baka kasi kapag mas tumagal pa ako roon, baka wala na akong buhay na lalabas ng ampunan. Nang makarating ako sa Maynila, nagtrabaho akong mabuti para makaipon sa pag-aaral ko. Noong labing siyam na taong gulang ako, nakapasa ako sa sa isang scholarship. Libre na ang pag-aaral ko sa kolehiyo at maraming salamat kay Pangulong Navarroza. Dahil sa malaking paghanga ko sa pangulo namin, Political Science ang kursong kinuha ko. Teka, Tagalog nga pala. Agham Pampolika. Kaso..." Yumuko ako at napakagat labi. Kaya ko bang sabihin kay Manuel ang mga bagay na pinaggagawa ko para lang matustusan ko ang pangangailangan ko sa buhay?

"Kaso ano?"

"Kaso..." Huminga ako ng malalim. "Hindi sapat ang libreng matrikula at maliit na monthly allowance na binibigay sa akin. Hindi rin sapat ang maliit na kinikita ko sa mga pinapasukan kong trabaho kaya napilitan akong m-magnakaw." Huminto ako sa paglalakad. "Naging magnanakaw ako. Hindi ko gustong gawin iyon pero para lang matustusan ko ang mga kailangan ko sa buhay, ginawa ko pa rin." Mapait akong tumawa. "Sa totoo lang, dapat may nanakawan akong bahay kaso namali ako ng bahay na napasukan at bahay mo 'yon na sa panahon namin, pagmamay-ari na ng pamilya ni President Navarroza. Dapat mahuhuli na ako ng bantay ng bahay kaso sa isang iglap, nandito na ako."

Matamnan akong tinitigan ni Manuel. Sa tingin ko papaalisin na niya ako sa bahay dahil sa mga nalaman niya tungkol sa akin. Hindi ko magawang tumingin sa kaniya.

"Sa tingin ko'y kaya ka napunta rito upang magtino."

Umangat ako ng tingin kay Manuel. "Ano?"

"Kailangan mo na magbago. Kaya ka napunta rito upang tumigil na sa masamang gawain mo. Na dapat na itong putulin bago pa tuluyang masira ang buhay mo."

"Sa tingin mo, 'yon talaga ang rason ng pag-time travel ko rito?"

Kumibit-balikat siya. "Iyon lamang ang naiisip kong dahilan ng biglaan mong paglalakbay sa oras."

Sinalubong ko ang tingin ni Manuel. "Tutulungan mo ba akong magbago, Manuel?"

"Inuumpisahan ko na, Seraphim. Hindi mo ba napapansin 'yon?"

Napasimangot ako at mahina ko siyang pinalo sa braso. "Panira ka ng moment. Alam mo ba 'yon? Kaloka 'to." Naglakad na ulit ako. "Pero salamat na rin dahil nand'yan ka."

"Walang anuman."

Tumingin ako sa kalangitan. "Hindi siguro ako magiging magnanakaw at baka may stable work na ako ngayon kung hindi ako iniwan ng nanay ko sa harap ng simbahan at baka wala rin siguro ako rito sa panahong ito." Nilingon ko si Manuel nang huminto siya sa paglalakad. "O, anong nangyari sa iyo? Natapilok ka ba ng hindi ko napapansin?"

"Wala."

"Wala raw."

"Hindi ko lamang mawari ang aking nararamdaman ngayon."

Kumunot ang noo ko. "Na ano?"

"Nakaramdam ako ng labis na sakit dito sa aking puso nang sinabi mo na kung hindi ka iniwan ng iyong nanay, baka wala ka siguro sa panahong ito." Umiwas siya ng tingin sa akin. "Siguro'y naawa lamang ako sa iyo kaya ko naramdaman iyon." Tinanguhan ko lang siya at sabay na kaming naglakad ng tahimik.

Hindi ako kumontra nang hawakan ni Manuel ang kamay ko. Pakiramdam ko gumaan na ang pakiramdam ko sa simpleng hawak na iyon.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top