Capitulo Dieciséis



Capitulo 16



NAG-INAT ako ng katawan bago lumabas ng kwarto ko. Medyo tinanghali ako ng gising dahil alas dose na rin kaming nakauwi ni Manuel galing sa Manila. Hindi na nga kami nakapaghapunan dahil pareho kaming pagod. Hindi ko nga lang alam kung anong oras nakatulog si Manuel dahil bago ako pumasok ng kwarto ay abala pa siya sa pag-aayos ng mga pinamili niya. Baka nga tulog pa 'yon ngayon.

Dumeretso ako sa kusina para magluto ng almusal or brunch namin ni Manuel. Ipinusod ko ang aking buhok para naman hindi tumabing sa mukha ko habang nagluluto. Kumunot ang noo ko dahil sa nakita ko. Nagtataka ako kung bakit bukas ang backdoor sa kusina. Kumabog ang dibdib ko. Baka pinasukan na kami ng magnanakaw at hindi namin naramdaman na may ibang tao na pala rito dahil sa sobrang lalim ng tulog.

Bumalik ako sa sala. Mukhang wala namang pinakialam doon. Sunod ko namang pinuntahan ang library at opisina ni Manuel. Wala ring bakas na pinasukan ito ng magnanakaw. Ang huli kong pinuntahan ay ang kwarto ni Manuel. Kumatok muna ako para ma-inform siya na papasok ako. Wala namang sumagot kaya dahan-dahan kong binuksan ang pintuan. Maayos naman ang kwarto niya at wala na siya roon.

Mas lalong nag-panic ang isipan ko. Paano kung hindi pala magnanakaw ang pumasok dito kundi mga kidnapper. Dinukot nila si Manuel! Ano na ang gagawin ko? Bumalik ako sa kusina dahil baka nagkasalisi kaming dalawa pero walang Manuel. Lumabas ako sa likod ng bahay hanggang sa makarating ako sa harap.

Nawala lahat ng takot na aking nararamdaman nang makita ko ang ginoong kanina pa hinahanap na abala sa pag-aasikaso sa hardin. Nagmadali akong lumapit kay Manuel at malakas siyang pinalo sa balikat. "Loko ka!"

"Anong ginawa kong masama kaya ka nanghahampas ng balikat d'yan?"

"Nakakainis ka! Pinag-alala mo ako. Akala ko napaano ka na." Sunod-sunod ko siyang pinagpapalo sa iba't ibang parte ng katawan niya.

"Ano ba? Tumigil ka na." Hindi ako nakinig kay Manuel. Patuloy pa rin ako sa pagpalo sa kanya hanggang sa siya na mismo ang pumigil sa akin. Hinawakan niya ang mga kamay ko. "Masakit na! Ano bang ginawa ko sa iyo kaya ka nananakit?"

Pumiglas ako sa pagkakahawak niya sa akin sabay talikod. Ilang beses akong huminga ng malalim at unti-unting kumakalma ang aking sarili. Saka lamang ako humarap kay Manuel nang masiguro kong kalmado na ako. "Pinag-alala mo ako. Akala ko na-kidnap ka na."

Kaagad na kumunot ang noo ni Manuel. Malamang sa malamang dahil bago lang sa kanya ang salitang binigkas ko. "Na-kidnap? Ano iyon?"

"May dumukot sa iyo. Tapos susunod na gagawin ng mga dumukot sa iyo ay sasabihan ang pamilya mo na kailangan nila magbayad ng ransom kapalit ng kalayaan mo."

"Ransom? Ano naman iyon?"

"Iyon ang tawag sa pera o ano mang gusto ng kidnapper na ibibigay ng pamilya ng taong dinukot kapalit ng kalayaan nito."

"At saan mo naman nakuha ang ganyang ideya?"

"Sa mga telenobelang napapanood ko sa panahon namin." Sinamaan ako ng tingin ni Manuel kaya napa-peace sign ako sa kanya. "Nakita kong bukas kanina ang pintuan sa likod ng bahay kaya naisip kong baka pinasukan tayo ng magnanakaw. Tiningnan ko lahat ng parte ng bahay kung may nanakaw ba pero wala namang nanakaw. Huli kong tiningnan ay ang silid mo at wala ka roon. Bigla akong nag-panic kasi nga wala ka. Naisip kong baka na-kidnap ka kasi rich kid ka, 'di ba? Lumabas ako at doon ako dumaan sa likod ng bahay. Tapos nakita kita rito, nagbubungkal ng lupa. Bakit kasi hindi mo sinara ang pintuan sa likod ng bahay? Ano ba kasing naisip mo't bigla ka na lang nagbungkal ng lupa r'yan?"

Napailing si Manuel bago kumamot sa noo. "Ang haba ng iyong sinabi. Tunay na madaldal na binibini." Hinawakan ni Manuel ang kamay ko at marahan akong hinila papunta sa mesa at upuang gawa sa bakal. Pinaupo niya ako sa upuan. "Unang-una sa lahat, walang magtatangkang dumukot sa akin, Seraphim-"

"Rich kid ka kaya may ninety percent chances na may magplanong dumukot sa iyo."

"Natitiyak kong walang magpaplanong dukutin ako. Kaya-"

"Still, rich kid ka pa rin kaya huwag tayong magpakampante."

"Seraphim."

Itinaas ko ang dalawang kamay ko. "Sige na. Hindi ko na puputulin ang sasabihin mo." Ayoko naman na mapikon sa akin si Manuel dahil baka hindi niya ako pansinin maghapon kung sakali,

"Katulad ng sinabi ko kanina, nakatitiyak akong walang magpaplanong dukutin ako. Wala kang dapat ipag-alala. Pangalawa, maaga akong nagising kanina kaya napagdesisyunan kong magluto ng agahan nating dalawa ngunit naisip kong masyado pang maaga kaya lumabas akong bahay upang magpahangin. Nakalimutan kong isara ang pintuan sa likod ng bahay."

"Kung nagpapahangin ka lang, bakit nagbubungkal ka ng lupa r'yan?" Tinuro ko ang garden.

Binaling ni Manuel ang tingin doon. "Nagawi lang ako roon habang naglalakad. Nakita kong hindi na maayos ang hardin kaya inasikaso ko muna. Wala na kasing nag-aasikaso ng hardin simula nang mawala si Ate Victoria." Unti-unting humina ang boses niya.

Nakaramdam ako ng lungkot para kay Manuel. Sure ako na nami-miss niya ang ate niya. Sobrang close siguro talaga nila kaya ang laki ng impact kay Manuel nang mamatay ang kanyang Ate Victoria.

Huminga siya ng malalim bago humarap sa akin ng nakangiti. "Aasikasuhin ko muna ang hardin bago pumasok sa loob."

"Gusto kitang tulungan."

"Hindi ba ang sabi mo sa akin ay wala kang grin tamb kaya ayaw mong magtanim ng halaman?"

"Sus! Hindi pa nga ako sure kung hindi ako magaling magtanim ng halaman at saka, green thumb hindi grin tamb. Hayaan mo, tuturuan kitang ng English language para hindi ka mahirapan na intindihin ako."

Napakamot sa ulo si Manuel. "Sigurado ka ba?"

"Oo naman. So lets tanim the halaman na!"





"HAYS! Nakakapagod!" Kung wala lang nakakalat na lupa sa paligid ko, siguro nahiga na ako sa maliliit na damuhan. Grabe ang pagod ko ngayon. Hindi ko naman inaakala na tatapusin namin ni Manuel na ayusin ang garden ng Ate Victoria niya na wala man lang kain ng almusal. Hindi ko na napigilan ang sarili ko na maupo sa lupa. "Gutom na ako, Manuel."

Tumabi sa akin si Manuel. "Sabi naman kasi sa iyo na mauna ka na sa loob upang makakain ka na ngunit mas pinili mong tulungan ako rito."

Napanguso ako. Masama bang tulungan siya habang walang laman ang tiyan? "Bakit kasi hindi muna tayo nag-almusal bago natin inasikaso ang hardin ni Ate Victoria?" Umayos ako ng upo. "Pwede ko bang tawagin ang ate mo na Ate Victoria rin?"

"Maaari naman." Huminga ng malalim si Manuel at pinagmasdan ang paligid ng hardin. "Siguro'y nawili tayo sa ating ginagawa kaya hindi natin naisip na mag-amusal muna bago gawin ito."

"Siguro nga."

"Natapos mo na ba ang librong binigay ko sa iyo?"

"Oo naman. Natapos ko na basahin noong nasa Intramuros tayo." Sinimulan ko na tanggalin ang mga lupang sumiksik sa kuko ko.

"May mga libro pa sa silid aklatan na maaari mong magustuhan. Pumunta ka lamang roon kung nais mong maghanap ng bago mong babasahin." Tumango lang ako dahil abala talaga akong tanggalin ang dumi sa kuko ko. Hindi kasi talaga ako mapalagay kapag may nakikita akong dumi na sumisiksik sa kuko ko. Biglang inabot ni Manuel ang kamay ko at tiningnan ito. "Ano bang mayroon sa iyong daliri kaya hindi ka mapakali?"

"Ang dumi ng kuko ko. Ayoko ng maruming kuko. Pakiramdam ko may maliit na uod sa loob nito." Binawi ko ang kamay ko at nagpatuloy ako sa ginagawa ko.

"Imposible namang magkaroon ng uod ang iyong kuko."

"Para sa akin ay posible iyon." Nang masiguro kong wala ng dumi sa kuko ko ay tumingin na ako kay Manuel. Mamayamaya na siguro ako maghuhugas ng kamay. "Sino ang magluluto ng pagkain?"

"Ako."

"Sigurado ka?"

Gumuhit ang ngiti sa mga labi ni Manuel. "Oo." Mahina niyang pinisil ang baba ko. "Napagod ka sa ginawa natin kaya ako na. Magpahinga ka na sa iyong silid at magpalit ng damit."

"Aw. Bait mo naman, Manuel. Huwag ka muna sanang kunin ni Lord." Napailing na lang si Manuel bago tumayo. Inilahad niya ang kanyang kamay. Nang hawakan ko ang kamay niya para makatayo ako ay biglang huminto ang mga ibong umaawit at tumigil ang pagsabay ng mga puno sa malamyos na simoy ng hangin. Ang tanging naririnig ko lang ay ang eratikong tibok ng aking puso. Dahan-dahan akong tumayo. Parehong hindi magawang putulin ang tugmaan ng mga mata. Tila ba pareho ang aming nararamdaman ngayon.

"Señor Saenz!"

Nang dahil sa sigaw na iyon ay parang iglap na bumalik ang lahat. Sabay kaming lumayo sa isa't isa. Tumikhim ako sabay ng paglapit sa amin ng isang lalaki.

"Bakit Tonyo?"

"Señor, mayroon tayong maliit na problema sa sakahan. Nais naming tingnan mo po muna bago namin aksyunan."

Napalingon sa akin si Manuel. Tumango naman ako. Para kasing nanghihingi siya ng permiso sa akin kung pupunta na ba kaagad siya sa sakahan nila o hindi. "Ako na ang maghahanda ng agahan nating dalawa. Pumunta ka na roon."

"Maiwan ka na namin, Seraphim." Sandali niyang hinaplos ang mukha ko bago nagmadaling umalis.

Sinundan ko lang sila ng tingin. Nang mawala na sila sa paningin ko ay napasapo ako sa dibdib ko. Hanggang ngayon ay mabilis pa rin ang tibok nito. Hindi na basta-basta itong nararamdaman ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top