Capitulo Diecinueve




Capitulo Diecinueve





NAHINTO ako sa pagpupunas ng coffee table nang makita ko si Manuel na nagmamadaling bumaba ng hagadan. Ako naman dahil dakilang Marites, sumunod ako sa kanya. Bigla pa namang sumulpot na parang nakakita ng multo. Dumeretso si Manuel sa kusina. Parang may hinahanap siya. Mayamaya ay hawak na niya ang pitsel na naglalaman ng tubig at nagsalin sa baso para uminom. Sunod-sunod ang pag-inom niya ng tubig.

Lumapit ako sa kanya. "Ayos ka lang ba?" Hindi ko napigilan ang sarili ko na magtanong sa kanya. Mukha kasing hindi siya okay.

Lumingon si Manuel sa akin at walang sabi-sabing niyakap niya ako ng mahigpit na parang mawawala ako sa mundo. Heto na naman ulit ang eratikong pagtibok ng puso ko na palagi kong nararamdaman sa tuwing kasama ko siya.

Marahan kong tinapik ang likod niya. Binalewala ko ang pagtambol ng puso ko dahil mukhang kailangan ni Manuel ngayon ng comfort mula sa akin. "Nakatulog ka ba tapos ang pangit ng panaginip mo?" Hindi niya sinagot ang tanong ko. Nagpatuloy si Manuel sa pagyakap sa akin kaya hinayaan ko na lang siya. Mukhang hindi nga maganda ang tulog niya. Dahan-dahan akong pumikit at hinayaan ko na lang ang sarili ko na mag-enjoy sa pagyakap niya sa akin. Na hindi ko alam kung bakit ako natutuwa sa pagyakap sa akin ni Manuel ngayon.

Mayamaya'y unti-unting lumuwag ang pagkakayakap niya sa akin hanggang sa kumalas na siya sa akin. Ilang beses siyang huminga ng malalim. "P-Paumanhin sa aking kapangasan."

"Mukhang binangungot ka kanina."

Muling huminga ng malalim si Manuel at nagsalin siya ng tubig sa baso. Inisang lagok niya ang laman ng baso.

Inalalayan ko siyang umupo sa silya. Para kasing anytime matutumba na siya. "Gusto mo bang ikwento sa akin ang napanaginipan mo kanina?"

Ilang segundong nakatitig sa akin si Manuel na tila mawawala ako sa paningin niya kung sakaling kumurap siya. Dahan-dahan siyang tumango. "Alam mo namang mag-isa na lamang ako sa pamilya namin, 'di ba?" Tumango ako. Mukhang tungkol sa pamilya nila ang kanyang napanaginipan. "Kasama ko sila sa aking panaginip. Masaya kaming nagkukwentuhan sa sala hanggang sa isa-isa silang naglaho. Ako na lamang ang natira sa sala. Hanggang sa panaginip ko'y mag-isa lang ako." Bakas sa boses niya ang sobrang sakit.

Hindi ako nagkomento. Alam kong medyo emotional siya ngayon at hindi pwedeng basta-basta na lang ako magsalita. Baka ma-offend ko siya ng wala sa oras.

"Pero bigla kang dumating sa harapan ko. Puno ng saya ang iyong mukha. Nagkukwento ka tungkol sa iyo hanggang sa unti-unti na akong nalulunod sa galak. Nakakahawa ang iyong ngiti."

"Tapos?"

Yumuko si Manuel. Ayaw niyang ipakita sa akin ang sinasabi ng mga mata niya. "Katulad nila'y unti-unti ka ring nawala sa aking paningin nang hawakan mo ang suot mong kuwintas." Unti-unting humihina ang kanyang boses.

Natigilan ako sa sinabi niya. Hindi ko ine-expect iyon. "Ako ba ang dahilan kung bakit ganoon ka kanina?" Wala akong narinig mula sa kanya. "Oy, Manuel." Mahina ko siyang niyugyog.

"Oo." Umangat ng tingin si Manuel. Kung kanina ay kalungkutan ang nakikita sa mga mata niya, ngayon ay pangamba o takot. "Ikaw ang dahilan kung bakit bumalik ang sayang aking naramdaman. Sa tingin mo ba'y ikakatuwa ko sa oras na ika'y mawala?"

"Oo."

"Paano mo naman nasabi na ikakatuwa ko sa oras na ika'y mawala na sa buhay ko?"

"Dahil hindi ka na maiinis?" Kumibit-balikat ako. "Sa isang linggong nilagi ko rito ay palagi kang nakukunsumi sa akin. Kaya naisip kong matutuwa ka sa oras na ako ay mawala. Kumbaga less stress ka."

"Ika'y mali sa iyong iniisip. Napagtanto ko kanina na hindi ko ikakatuwa sa oras na ikaw ay mawala."

Lalong bumilis ang tibok ng aking puso na sa ano mang oras ay lalabas na ito sa ribcage ko. Kasabay ng pagtibok ng puso ko ang saya. Na for the first time, may taong hindi matutuwa sa oras na mawala ako. Pero kaagad ko iyon binura sa aking isipan. Si Manuel pa. Parang imposible iyon. Peke akong tumawa at mahina ko siyang pinalo sa braso. "Ikaw ah. Kaya siguro ayaw mo akong mawala dahil nakikita mo sa akin ang Ate Victoria mo."

"Marahil nga."

Nawala ang ngiti sa mga labi ko. Parang bulang nawala ang natitirang tuwa sa nararamdaman ko. Tumikhim ako. Dapat hindi ako ma-disappoint. Natural lang iyon sa mga taong nawalan ng mahal sa buhay. Pero hindi naman pwedeng sa lahat ng oras ay nakikita niya sa akin ang kanyang ate.

Tama!

Huminga ako ng malalim at muling ngumiti. "Paano ba 'yan? Hindi natin alam kung kailan ako makakabalik sa amin. Baka mamaya, mawala na lang ako rito." Walang sinabi si Manuel at nakatingin lang siya sa sahig. Parang tinitimbang niya ang sinabi ko. "Kaya dapat makita mo na magkaiba kami ng ate mo. Siya kasi galing dito samantalang ako galing sa hinaharap."

"Ngunit hindi ganoon ang nakikita ko."

Kumunot ang noo ko. Hindi ko na-gets ang sinabi niya. "Anong hindi?"

Umiwas siya ng tingin sa akin. "W-Wala."

Hindi na ako nagsalita pa. Magulo kausap si Manuel. At medyo masakit dito sa puso. Abnormal na yata ang puso ko ngayon. Bakit nasasaktan? "Nababaliw na yata ako."

"Ano?"

Umiling ako. "Wala." Pareho yata kami ni Tandang Manuel na hindi matinong kausap sa mga oras na ito. "Gutom ka na ba?"

"Oo. Ikaw?"

"Gutom na rin ako. Lantakan na natin 'yong ginawa ko kaninang maruya."

"Hindi ba't dapat na pang-hapunan na ang ating kainin ngayon dahil natitiyak kong mag-a-alas sais na ng gabi?"

"Gusto mo na bang maghapunan?"

"Hindi pa."

"Iyon pala eh." Umayos ako ng tayo at kinuha sa basket ang niluto kong meryenda. "Kanina pa kita hinihintay para sabay tayong kumain kaso anong oras ka na nagising kaya hindi na ito mainit ngayon." Pinatong ko sa mesa ang pinggan at kumuha ako ng isang piraso ng maruya. "Kuha ka na." Kumurot ako ng maruya sabay kain.

"Gumamit ka nga ng pinggan at tinidor."

"Sus! Hindi ka naman mamamatay kung kakamayin mo ang pagkain ng maruya. Ang sarap-sarap kainin nito kapag kinakamay."

"Seraphim!"

"Ang arte mo naman." Kumuha ako ng maruya at inilapit sa bibig niya. "Kain." Sinamaan niya ako ng tingin kaya sinamaan ko rin siya ng tingin. Akala niya madadala ako sa tingin na iyan. P'wes hindi na dahil immune na ako sa ganyang titig niya. Mayamaya'y umamo ang mukha niya at kumagat siya ng maruya. "O, ano? Namatay ka ba?" Umiling si Manuel at kinuha sa akin ang pagkain. Inumpisahan na rin niya itong kainin kaya nagpatuloy na akong kumain. Umupo ako sa gilid ng mesa. Sa pagkain ko na lang maruya ko itutuon ang inis na nararamdaman ko. Hindi ko alam kung bakit naiinis ako sa ideya na nakikita sa akin ni Manuel ang ate niya. "Nagiging abnormal na talaga ako."

"Anong ibig sabihin ng abnormal?"

"Wala. 'Wag mo na alamin." Binaling ko na lang ulit ang atensyon ko sa kinakain ko. Dapat hindi talaga ako makadama ng sakit dito sa puso ko. As if naman na in love ako kay Tandang Manuel. Imposible naman iyon dahil one week pa lang kaming nagkakilala. One week ko pa lang nakikita ang buong pagkatao niya. Tanggap na tanggap ko na nga ang pagiging suplado, harsh at masungit niya na on the same time ay may sweet side naman. Hindi lang halata dahil mas lamang ang other side.

"Ako na lamang ang magluto ng hapunan tapos doon na lamang tayo sa azotea kumain para makita natin ang kagandahan ng kalangitan sa gabi."

Naku! Heto na naman ang sweet side ni Tandang Manuel. "Baka masanay ako sa ginagawa mo, Manuel."

"Anong sabi mo? Hindi kita narinig."

"Ang sabi ko masarap ba ang pagkakaluto ko ng maruya. Matagal na kasi noong huling nagluto ako ng ganyan."

"Primera clase. Maaari na ipantay sa mga magagaling na tagapagluto ng mga hari at reyna sa Europa."

Gumuhit ang ngiti sa mga labi ko. Kung magpapatuloy na ganito si Manuel, baka tuluyan akong mahulog sa kanya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top