CASE BRIEFING

DISCLAIMER: This story was originally part of 8letters November Novella Writing Challenge. Expect a lot of typos and inconsistencies. I'll be editing this again for a better version. But I highly recommend commenting on your feedback so that I can improve along the way. Follow my FB Page for more updates. Once again, thank you for your support.

*The following texts are the narratives translated by this scriber for recruits to follow thoroughly. The scriber tried his best to be as accurate as possible with the cases. There were some obvious retractions and fictionalized parts to hide sensitive information. Read carefully for your next mission. — Klab Maharlika headquarters

Briefing:
The Case of the Cursed Anito

19:57, somewhere in Manila

"K-KATAPUSAN NA.. Parating na siya..." Nanggigigil na bulong ng matikas na lalaki sa isang madilim na sulok. Nagkalat ang mga sira-sirang gamit, kahoy, at bakal sa palapag ng gusaling iyon. Mapanghi at mabaho, sa tagal na ring walang umaakyat para maglinis o 'di kaya'y magsiyasat man lang.

"A-ang isinumpa... nagb-balik na... Kalibutan." Patuloy lang ang lalaki sa pagngitngit. Mula sa bintana ay pumapasok ang mapusyaw na liwanag ng buwan sa langit. Tumama ito nang pahapyaw sa kaliwang bahagi ng kaniyang katawan. Nakaluhod siya, mabilis na iginagagalaw ang kaliwang kamay na nakalapat sa matigas na piraso ng kawayan. May inuukit siya gamit lamang ang mga kukong nagdurugo na sa gigil. Halos hindi maintindihan kung anuman ang kaniyang isinusulat dahil sa panginginig nang buo niyang katawan.

Mainit sa lugar na iyon kahit pa ilang talampakan ang layo mula sa lupa ang puwestong kaniyang kinaroroonan. Tila nag-usap usap ang hangin na hindi na muna sila dadalaw sa dakong iyon.

Basa na ng pawis ang buong katawan ng lalaki. Wala siyang suot na pang-itaas at tanging mahaba at lumang bahag lamang sa ibaba. Magulo ang kaniyang buhok, malalim ang mugtong mata, panay ang pagdila sa kaniyang labing nagkakasugat na sa pagkatigang na tila ilang linggo na siyang 'di nakaiinom ng tubig.

Maririnig ang malamig na mga boses sa kapaligiran. Napatigil ang lalaki sa pag-ukit. Lumingat-lingat ngunit tanging kadiliman lang ang kaniyang nakita.

"Tumahimik kayo. Mahalaga ito," sigaw niya sa mga boses na tanging siya lamang ang nakaririnig.

"Maaari nga," isang malagom na boses ang sumagot. Boses na nagpahindik muli sa nanghihina nang katawan ng lalaki. Napaurong siya palayo ng bintana.

"H-hinde. Paano mo ako nasundan?" tanong niya sa kawalan.

Sa gilid ng haligi, kusang gumalaw ang mga anino na parang hinihipan. Nagbuo ito sa hugis ng isang matangkad na nilalang.

Napatigil ang naka-bahag na lalaki sa kaniyang ginagawa. Humugot siya sa natitira pa niyang lakas ng loob. Sinubukan niyang tumayo, inilapag ang piraso ng kawayang punó na ng 'di maintindihan na mga guhit. May bakat pa ito ng kulay asul na dugo mula sa kaliwang kamay niya. "Hindi ka totoo. Panlilinlang lang ito," sabi niya sa misteryosong nilalang na kaharap niya na ngayon.

"Kung hindi ako totoo, bakit tila natatakot ka?" tanong ng malalim na boses na may tonong tila nanunukso.

"Hindi ako takot." Inunat-unat ng lalaking naka-bahag ang kaniyang balikat. Lumabas mula sa kaniyang likod ang isang pares ng malapad na pakpak ng ibon, manilaw-nilaw ang mga balahibo nito. Iwinagayway niya ang mga pakpak, nag-aabang sa mangyayari.

Ang kausap niyang nilalang ay nakatuon ang pansin sa nakalapag na kawayan sa maalikabok na sahig. "Magandang kasaysayan ang ibinigay mo diyaan. Ngunit hindi lang 'yan ang buong katotohanan."

Walang makaaninag sa itsura ng nilalang ng kadiliman. Patuloy itong lumapit sa lalaki dahilan para ito'y kabahan. Mabilis ang tibok ng kaniyang puso at tila nahihirapang huminga.

Nagpatuloy lamang ang misteryosong nilalang sa pagsasalita. "Isinumpa wika mo? Mas tamang itinakwil. Kung maghahatid ka lamang din ng balita, mas akmang marinig mo mula sa akin ang tunay na pangyayari."

Bagama't kinakapos na sa paghinga ang lalaking may pakpak ay mataman siyang nakinig.

"Likalibutan, ang pinakamalakas sa magkakapatid, hindi lamang sa kapangyarihan ngunit maging sa katapangan. Samantalang ang itinuturing ninyong punó ng mga anitong si Kaptan, sa karuwagan na maisahan, siyang kumitil ng buhay sa sarili n'yang mga inapo. Si Liadlao, ang pinagmulan ng araw na ngayo'y bantay ng iyong amo, tama ba?"

Hindi maka-oo ang lalaki bagama't tama ito na siya'y sumusunod lamang sa utos ng anito ng araw na si Apolaki.

"Sinunod ay si Libulan. Ang pinagmulan ng munting liwanag ngayon sa kalangitan. Ang buwan na bantay ng anitong pinagsisilbihan ngayon ng iyong kaibigan."

Napalunok ng laway ang lalaki nang marinig ang pagbanggit ng nilalang sa kaniyang kaibigang ang amo naman ay si Mayari, ang anito ng buwan.

"At hindi pa nagsawa ang iyong Kaptan. Maging ang pinakabata sa mga anito, ang mahina at musmos na si Lisuga ay 'di niya pinalampas. Ngayon, gabi-gabi ko na lamang nakikita sa langit ang pira-pirasong mga bituing nagmula sa kaniyang kawawang katawan."

Naramdaman ng lalaki ang lungkot sa tono ng nilalang.

"Ang hindi nila alam, ang tagapagmana ng kapangyarihan ng hanging si Likalibutan ay hindi magsasawa hangga't hindi nakukuha ang nararapat na hustisya."

Napaluhod pang muli ang lalaking may bahag. Nakababa na ang mabigat niyang pakpak. Kinapa ng duguan niyang kamay ang kaniyang leeg, baka sakaling may dumaloy na hangin. Hindi na siya makahinga.

"Sadiyang malayo ang nararating ng kainggitan. At sinong inatasan nilang magbantay sa araw, buwan, at mga bituin? Mga mahihinang anito. Katulad ng amo mo."

Pinilit pa rin ng lalaki na makatayo kahit naghihikahos na.

Nagpatuloy ang nilalang sa pagsasalita. "Maaring sana ako'y iyong mapatawad sa aking gagawin."

Mulat na mulat ang mga mata ng lalaking may pakpak sa mga sumunod na nangyari. Nabasag lahat nang natitira pang salamin sa bintana ng palapag na iyon dahil sa napakalakas na bugso ng hangin.

Ngunit walang sumisigaw. Walang nakaririnig. 'Pagkat ang mga boses kanina sa paligid ay napatahimik sa kanilang nasaksihan. Dumanak ang asul na dugo ng lalaking may pakpak. Isa na naman sa kanila ang nalagutan ng hininga.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top